rantstoriesetc.wordpress.com
Kinabukasan na ako umuwi. Pasikat na ang araw ng muli
akong pumasok sa aking unit. Bumilis ang kabog ng aking dibdib ng magbukas ang
pinto ng aking kwarto. Lumabas mula roon si Xavier. Napatigil siya sa
paglalakad pero wala siyang sinabi sa akin. Tiningnan lang niya ako at naglakad
na palabas ng pinto. Isang malalim na hinga ang aking ginawa. Buti na lang at
hindi na siya nagtanong.
Humarap ako sa salamin at tiningnan ang aking repleksyon
mula ulo hanggang paa. Hindi naman halatang may pinagdaraanan ako maliban na
lang sa mga pagod na mata at maitim na eye bags.
Mabilis akong nag-ayos ng aking sarili para pumasok na
rin sa trabaho. Sa loob lang ng isang oras ay nakaupo na ako sa aking desk at
humihigop na ako ng isang tasa ng mainit na kape na may dalawang espresso
shots. Tahimik ang paligid, malamig. Isa-isang nagdaratingan ang aking mga
kasamahan pero hindi ko sila pinansin. Nakapasak sa aking tainga ang headphones
para hindi nila ako abalahin.
“Lucas!!” Dalawang malalaking kamay ang pumatong sa aking
magkabilang balikat. Biglang lumakas ang kabog ng aking dibdib. Mabilis kong
tinanggal ang headphones sa aking tainga. Sinikap kong maging komportable kahit
na gusto ko nang tumakbo palayo. Pilit kong ipinihit ang aking ulo sa kanyang
kinatatayuan. Tinanggal na niya ang pagkakahawak sa aking balikat at umupo sa
gilid ng aking desk habang pinaglalaruan ang aking stress ball.
“Ed, bakit?” Pinagpapawisan ako ng malamig. Sobrang hindi
ako komportable sa sobrang lapit ng pagkakaupo niya sa akin. Si Ed ang senior
associate ng aming department. Isa siya sa mga kilala rito na pinakamagaling sa
kanyang trabaho. Malaki siyang tao. Hanggang balikat lang yata niya ako. Malalim ang kanyang
boses.
“May sakit ka ba? Namumutla ka yata.” ang pansin niya.
“Okay lang ako. Anong atin?” ang tanong ko, pilit na
ginagawang pormal ang pakikipag-usap.
“Tungkol sa nangyari kagabi, alam mo naman siguro kung
anong mangyayari kapag may nakaalam, diba?” Tumigil ako sa paghinga sa kanyang
binanggit. Lumikot ang aking mga mata pero hindi ako makatingin sa kanya.
Yumuko ako at pilit na humahanap ng rason para tumakas sa usapang ito.
“Lucas?” ang pagtawag niya sa aking atensyon.
“Yeah. I understand. Huwag na lang natin ulit pag-usapan
iyon.” Muli na akong humarap sa aking computer at humigop ng kape. Halos
nakalahati ko yata agad ang tasa. Nanginginig ang kamay ko habang nakaamba ang
mga ito sa keyboard.
“Thanks.” Muli niya akong tinapik sa balikat. Bayolente
na namang kumabog ang puso ko sa gulat dahil sa kanyang ginawa. Nang makita
kong malayo na siya ay nakahinga na ako ng maluwag. Inangat ko ang aking
telepono at tinawagan ang secretary ng aking boss. Pawisan ang aking mga palad
sa sobrang kaba. Hindi na ako makapag-isip ng matino.
“Hi, Ms. Rose. Magpapaalam lang sana ako. Hindi kasi
maganda ang pakiramdam ko. Pakisabi naman kay Boss John na uuna na ako.” ang
usal ko.
“Lucas, may pinapagawa siya sa akin ngayon, sorry.
Transfer kita sa kanya, nagbe-breakfast pa lang naman siya.” ang aligagang
sagot niya sa akin.
“Naku, sige. Huwag…” Pero nawala na siya sa linya at
narinig ko ang waiting tone. Gusto ko ng ibaba ang telepono. Inilayo ko na sa
aking tainga ang receiver nang marinig ko ang pagsagot ng aking amo.
Nakadalawang “Hello?” na ito at ang huli niyang binanggit ay ang aking
pangalan.
“Boss John…” Halos hindi ko na nagawang buuin pa ang
aking boses at tanging hangin na lang ang lumabas. Pati ang mga labi ko ngayon
ay nanginginig na sa takot. Gusto ko ng tumakbo at huwag nang bumalik ulit
dito. Pero hindi pwede.
“Everything alright, Lucas?” ang sabi niya sa kabilang
linya.
Buong-buo ang boses ni Boss John. Kung nakakatakot ang
kalakihan ng boses ni Ed, nakakapangilabot naman ang kay Boss. Naalala ko noong
bago pa lang ako rito, mga dalawang taon na ang nakakalipas, nang may mali
akong nagawa at pinagalitan niya ako. Gusto kong lamunin na lang ako ng langit
at lupa noon. May tone of authority sa kanyang boses.
Sa murang edad na 35 ay nakapagtayo na ito ng sariling
firm. Nag-aral si Boss John sa isa sa mga prestihiyosong unibersidad sa bansa.
Pero sa America niya tinapos ang kanyang post-graduate degree. Hindi kalakihan
ang firm na kanyang naipundar. Kaunti lang kaming mga empleyado at talaga
namang hands-on siya sa pagma-manage nito. Mabait, matipuno at matalino si Boss
John. At least, iyan ang tingin ko sa kanya noon. Minsan, nakakatakot siya.
“I don’t feel well, Boss. Gusto ko na po sanang umuwi
kung okay lang.” ang nauutal kong sabi sa kanya.
“No problem. Go home and rest. But make sure to transfer
your deliverables for today to Ed.” ang pagpayag ni Boss.
“Pwede po bang kay Karla na lang?” ang tanong ko.
“May ad hoc task akong ibinigay kay Karla for today. Give
it to Ed then go home. Alright?” Hindi na ako nakahindi. Ako na ang humingi ng
pabor sa kanya, ayaw ko nang ipilit ang gusto ko. Baka maudlot pa. Mababaliw na
ako dito. Hindi na ako makahinga.
Nang ibaba ko ang phone ay mabilis akong gumawa ng e-mail
na ise-send ko kay Ed. Inayos ko na rin ang mga papel na iaabot ko sa kanya. Sa
loob lang ng sampung minuto ay bitbit ko na ang bag ko at naglakad na ako
papunta sa desk ni Ed. Tumingala muna ako at huminga ng malalim bago ko tinawag
ang kanyang atensyon. Sinabi ko sa kanya ang napag-usapan naming ni Boss at ang
rason kung bakit ako aalis. Agad naman niyang tinanggap ang dagdag na trabaho
niya for the day.
“Tawagan mo lang ako kapag may tanong ka.” ang huling
sabi ko sa kanya.
Nang makalabas ako ng gusali ay naglakad muna ako sa
parke. Umupo ako sa pinakamalayong bench at tiningnan ang mga building na
nakapaligid. Hindi ko alam kung anong nangyayari sa akin at kung anong ginawa
ko para danasin ang ganito. Kakaunti ang taong dumaraan. Sariwa ang hanging
aking nalalanghap dahil napapaligiran ako ng mga puno.
Nang makaramdam ako ng gutom ay umalis na ako at naglakad
papunta sa pinakamalapit na kainang aking nakita. Um-order ako ng pasta at
pizza. Kumakapal na ang mga tao dahil malapit na ang lunch break. Hindi na
naman ako nagiging komportable.
“Miss, pwedeng to-go na lang ‘yung order ko?” Nababaliw
na yata talaga ako. Pagkaabot ko ng aking bayad, tumakbo akong palabas ng
restaurant nang marinig ko ang malakas na tawa ng isang lalaki. Hindi ko na
hinintay pa ang sukli ko. Agad akong pumara ng taxi at nagpahatid sa apartment.
Kailangan ko lang mapag-isa. Pero paano si Xavier? Paano niya ako
maiintindihan.
…
“Are you ready to talk about it?” Nakakabingi ang
katahimikang kanyang binasag habang nasa hapag-kainan kami at kumakain ng
hapunan. Ipinagluto ko siya ng paborito niyang caldereta bilang paghingi ng
tawad sa ginawa kong pagtulak sa kanya kagabi. Alam kong alam niyang iyon ang
paraan ko ng pakikipag-ayos sa kanya dahil iyon lang naman ang ginagawa ko
tuwing nag-aaway kami na ako ang may kasalanan.
Sa tatlong taon naming pagsasama ni Xavier, hindi ako
naging expressive sa nararamdaman ko. Maliban na lang sa ilang mga pagkakataong
lasing ako o di kaya ay sobrang saya o lungkot. Pero sa araw-araw na pagsasama
namin, hindi ako magaling magpakita ng emosyon sa kanya. Kaya sa mga maliliit
na bagay tulad ng pagluluto ng kanyang paborito ko ito nailalabas. Maswerte ako
at naiinitindihan niya ako at hindi niya ako pinilit na magbago para sa
relasyon namin.
“No.” ang maikli kong sagot.
“May ginawa ba akong mali? Nag-sorry na ako sa’yo dahil
sa pag-inom ko kagabi. Lucas, anong problema? Sa trabaho ba? Nahihirapan ka na
ba? Please naman…” Masyado akong naingayan sa pagsasalita niya. Pakiramdam ko
ay masyado niya akong pine-pressure na magsalita. Alam niyang ayoko ng
pinipilit ako. Ibinagsak ko ang hawak kong kutsara’t tinidor na ikinagulat
niya.
“Xav! Please! Huwag ka muna magsalita!!!” ang sigaw ko.
“Sorry.” ang bulong niya bago bumalik sa pagkain.
Hinayaan ko na siyang magligpit ng aming pinagkainan.
Pumunta na ako sa kwarto. Ayaw ko sa ginagawa ko pero ayaw ko naman siyang
idamay sa problema ko. Masyado na siyang maraming iniisip para pati ako ay
dumagdag pa roon. Naging abala ako sa trabaho sa mga sumunod na oras.
Nararamdaman ko ang mga titig niya sa akin habang nasa study table ako at siya
ay nasa kama. Gusto ko siyang yakapin. Pero pinangungunahan ako ng takot.
Nang makaramdam ako ng antok ay pinatay ko na ang laptop
at nagtungo sa banyo para maghilamos at magsipilyo. Paglabas ko ay naabutan ko
si Xavier na inaayos na ang kamang aming tutulugan. Pero ayaw kong matulog ng
may katabi. Lalo pa’t si Xavier. Hindi ako mapapanatag.
“Sa sala na lang ako matutulog.” ang sabi ko.
Isang malalim na buntong-hininga ang kanyang pinakawalan
bago hablutin ang isang unan at kumot. Ipinatong niya ito sa katabing upuan at tinapos
ang pag-aayos sa kama para sa isa. Kinuha niya mula sa upuan ang unan at kumot
at naglakad palabas ng kwarto habang yakap ang mga ito.
“Ako na lang sa sala.” Tumigil pa siya sa aking harapan
na para bang naghihintay na pigilan ko siya. Pero hindi ko ginawa. Hinayaan ko
siyang sa sala matulog. Isinara ko ang pinto bago patayin ang ilaw sa buong
kwarto. Sa pangalawang pagkakataon, nakatulog ako dahil sa pag-iyak.
…
Marami na ang nakakapansin sa pagiging masyadong tahimik
ko noong mga nakaraang araw. Maging si Karla na itinuturing kong pinakamalapit
sa akin sa office ay napansin ito. Magkatabi kami sa katatapos lang na meeting
kung saan pinag-usapan ang mga bagong trabahong kailangan naming matapos bago
matapos ang linggo. Ibig sabihin noon ay kailangan kong matapos sa tatlong
presentations ko bukas bilang Huwebes na ngayon.
“Friend, ano bang problema? LQ kayo ni Papa X?” ang
tanong ni Karla sa akin habang nagsasalita si Ed sa meeting.
“Hindi. Huwag kang maingay, baka mapagalitan ka na naman
ni Boss. Madagdagan lalo ‘yang work mo.” ang pag-iwas ko sa topic.
“Lucas, nasaan na tayo sa Emerging Markets presentation?”
Muli na naman akong kinabahan nang ilipat sa akin ang atensyon ng meeting.
Binuksan ko ang folder na aking dala pero hindi ko makita ang papel na
kailangan ko kaya naman lalong nahalata ang pagiging balisa ko.
“Sorry. Here. It’s 70% done. I only lack European details
which…”
“My meeting’s moved to tomorrow. Make sure that the
report is in my office before you leave tonight.” ang pagputol ni Boss John sa
aking sinasabi.
“Consider it done, Boss.” ang walang emosyon kong sagot.
Hindi ako gumawa ng ibang trabaho maliban sa report na
kailangan kong matapos ngayon. Ayokong mag-overtime. Ayokong gabihin. Hindi na
ako sumama sa lunch-out ng mga kasamahan ko. Nagpa-deliver na lang ako ng
makakain para hindi na ako maabala pa sa paglalakad. Pero mukhang hindi
nagkasya ang nalalabing anim na oras para tapusin ang kailangan ni Boss John.
Marami akong revision dahil hindi tumutugma ang formula ko sa mga computations.
“Friend, dinner?” ang yaya ni Karla.
“Can’t, sorry. Parang nag-start from scratch ako.
Nangangalahati pa lang ako.” ang malungkot kong sagot.
“O sige. O paano, mauuna na ako sa’yo. May presentation
ako bukas sa board.” ang sabi ni Karla.
“Sige, galingan mo bukas ah.” Dahil sa pagbabago ng
schedule ni Boss, si Karla na ang magpe-present sa board bukas tungkol sa mga
natapos naming projects. Tumayo ako sa aking desk at nakitang tatlo na lang
kaming nasa floor – ako, si Ed at ang isa pa naming kasamahan. Malamang nasa
office pa si Boss dahil bukas pa ang ilaw niya. Muli na naman akong kinabahan
kaya binilisan ko na ang pagtapos sa aking report.
Isang oras… Dalawang oras… Hanggang sa umabot na sa
tatlong oras ang overtime ko. Past 9PM na sa aking relo, nagpu-proofread na
lang ako. Ilang minuto na lang at ipi-print ko na ito at makakauwi na ako.
Tahimik sa buong floor. Nagpaalam na ang isa naming kasamahan na uuwi na. Ako
na lang at si Ed ang nasa floor. Kinuha ko ang aking cellphone.
“Come on, Xav. Answer the phone.” ang bulong ko sa aking
sarili.
Nakatatlong tawag ako sa kanya pero hindi niya sinasagot.
Sa wakas ay natapos ko na ang proofreading. Agad akong nag-print ng tatlong
kopya nito. Muli kong tiningnan ang aking relo. Alas-diyes na. Patakbo akong
nagtungo sa printer section upang kuhanin ang mga kopya ng report.
“Calm down, Lucas. Calm down. Makakauwi ka na.” ang
pakikipag-usap ko sa aking sarili.
Iilang ilaw na lang ang bukas sa floor. Nakayuko kong
tinahak ang daan pabalik sa aking desk. Pagliko ko sa kanan ay muntik ko nang
mabangga si Ed. Napamura ako sa gulat. Natawa naman siya sa reaksyon ko. Pero
akala ko ay sasabog ang dibdib ko sa sobrang takot.
“O, Lucas! Akala ko umuwi ka na. Wala ka kasi sa desk
mo.” ang sabi niya habang hawak ang braso ko.
“Nag-print lang ako. Kailangan ‘to ni Boss John. Pero
pauwi na rin ako.” ang kinakabahan kong sagot.
“Ah. Gusto mo bang sumabay na sa akin?” ang yaya niya.
No comments:
Post a Comment