rantstoriesetc.wordpress.com
Makapal ang salamin niya noong college. Madalas namin
siyang nakakasabay ni Seb kapag pumupunta kami ng library. Kahit parang
magkabuhol ang pusod namin ni Seb, hindi ko pa inaamin sa kanya ang tunay kong
pagkatao pero halata ko naman sa kanyang magkaparehas kami. Mas magaling lang akong magtago.
“Kilala mo ba ‘yun?” ang tanong ko sa kanya, isang araw
nang mapansin ko ang maya’t mayang sulyap niya sa lalaking nasa katabing mesa
namin.
Makapal ang kanyang buhok at may braces ang mga ngipin.
Nerd nga, kung tutuusin. Hinding-hindi ko makita ang kagwapuhan niya noon.
Pasimple akong sumulyap din sa tinitingnan ni Seb. Nasakto namang tumingin din
siya sa aming kinauupuan. Agad na nagbaba ng tingin ang aking kaibigan pero matapang akong
nakipagtitigan sa kanya.
“Ha? Hindi… Hindi ko siya kilala. Pero parang familiar
kasi. Baka kaklase ko sa isang gen ed.” ang utal na sagot ni Seb.
Ako ang unang naglayo ng tingin. Sa tuwing pumupunta kami
sa library ni Seb, naroon siya. Patapos na ang second semester ng second year college
namin noon kaya naman puspusan ang pagre-review namin para sa finals. Abala ako
sa paghahanap ng libro nang may isang makapal at maalikabok na aklat ang
nahulog mula sa pinakatuktok na shelf. Diretso itong tumama sa aking bunbunan.
Humahangos na lumapit ang may sala sa akin mula sa kabilang side.
“Ooops, sorry!” ang kinakabahan niyang sabi sa akin.
Masama ang tingin ko sa kanya. Agad kong nakilala ang
makapal na salamin at ang braces sa kanyang mga ngipin. Lumapit siya sa akin
bago abutin ang libro sa lapag. Panay ang kamot ko sa aking ulo.
“Sa susunod, mag-ingat ka!” ang sigaw ko.
“SHHHH!” ang suway ng librarian.
“Sorry na nga.” ang pabulong niyang sabi na parang
nakahikbi ang bibig.
Hindi na ako sumagot pero nakita ko ang pangalan na
nakasulat sa kanyang ID – Xavier. Bumalik ako sa mesa na inookupa namin ni Seb
at bumulong sa kanya. Hindi ko alam kung saan ko nahugot ang lakas ng loob para
gawin iyon.
“Xavier ang pangalan ng crush mo.” ang sabi ko.
Buong summer vacation akong hindi kinausap ni Seb dahil
sa ginawa ko. Kung hindi ko pa sinuyo noong enrolment, hindi pa niya ako
kakausapin. Nang umamin siya sa akin, gusto ko na ring sabihin sa kanyang hindi
siya nag-iisa. Pero hindi ko kaya. Hindi ko pa kayang aminin maging sa sarili
ko.
Dumating na ang unang semester ng aming ikatlong taon sa
college. Mas kaunti na lang ang klase na magkasama kami ni Seb dahil marami na
ang kailangang i-enrol na major subjects. Maraming bagong mukha. At naroon ang
isang pamilyar na mukha pero hindi ako sigurado kung siya nga iyon.
Umupo siya sa aking tabi. Wala na ang makapal na salamin
pero naroon pa rin ang braces. Maayos ang kanyang buhok, hindi tulad dati na
makapal at magulo. Ngumiti siya sa akin at nakita kong pantay na ang kanyang
mga ngipin. Hindi ko maintindihan kung para saan pa ang braces.
“Yup?” ang sagot ko sa kanyang ngiti.
“Nothing.” Nakita kong nagulat siya sa naging reaksyon
ko. Malamang ay nakilala niya ako mula sa insidente sa library. Pero hindi ko
mawari kung bakit niya kailangang ngumiti ng ganon. Hindi talaga ako
palakaibigan na tao kaya naman hindi ko naa-appreciate ang mga simpleng bagay
tulad ng ganon.
“Uhm, anong pangalan mo?” ang tanong niya bago magsimula
ang sumunod naming klase.
“Dalawang beses na akong nagpakilala sa buong klase,
hindi ka nakikinig?” ang sagot ko.
“Sorry. I’m Xavier pala, Lucas.” ang pormal niyang
pagpapakilala.
“I know.” ang masungit kong sagot.
“Gusto ko lang pala mag-sorry…” Hindi ko na inabala pang
magsayang ng oras sa pakikinig sa kanya. Isinapak ko ang headset sa aking
tainga at nakinig sa mga kanta sa aking cellphone habang hinihintay ang
pagdating ng professor.
Mukhang likas yata kay Xavier ang pagiging palakaibigan.
Halos lahat sa row namin ay kakwentuhan na niya maliban sa akin. Pero wala
naman akong pakialam doon kaya naman tahimik na lang akong naghintay na
magsimula ang klase.
…
“Ako ba talaga ang sinisilip mo o si Xavier?” ang tanong
ko sa kanya nang matapos ang klase ko.
Ilang linggo na ang nakalipas simula nang magsimula ang
sem. Kahit na magkaiba ang schedule namin ni Seb ay sabay pa rin kaming umuuwi.
Tuwing Lunes at Miyerkules, dalawang oras siyang naghihintay na matapos ang
klase. Tuwing Martes at Biyernes naman ako naghihintay ng isang oras sa kanya.
Wala akong pasok ng Huwebes kaya naman siya lang mag-isa ang umuuwi noon.
“Ikaw, siyempre! Hindi naman siya ang kasabay ko umuwi
eh.” ang halatang pagsisinungaling ni Seb.
“Xav!!!” ang pagtawag ko sa atensyon niya.
Muli niyang suot ang kanyang salamin dahil nawala raw ang
isa sa mga contact lenses niya. Retainers na lang ang suot niya, hindi na
braces. Nakangiti siyang lumapit sa akin at kay Seb. Dahil halos lagi kaming
magkatabi sa mga klase, naging magkaibigan kami. Madalas kasi ay pinapakopya niya
ako sa mga quizzes kahit na hindi ko naman sinabi sa kanya.
“Si Sebastian pala, best friend ko.” Pasimple akong
siniko ni Seb. Inilahad naman ni Xavier ang kanyang kamay para pormal na
magpakilala sa aking kaibigan. Nag-alangan pa si Seb na hawakan ito bago
ngumiti. Napansin ko ang biglang pamumula niya.
“Seb na lang.” ang nahihiyang sabi niya.
“Xavier. Xav, if you want.” Nagpaalam na rin kami dahil
masyado nang halata ang pagkakilig ni Seb. Ayaw ko namang mapansin iyon ni
Xavier. Panay ang palo sa akin ni Seb hanggang sa nakalabas na kami ng campus.
Hindi ko alam kung dahil ba naiinis siya sa akin o natutuwa.
“Alam mo, mas hindi masakit ang simpleng thank you.” ang
sabi ko sa kanya nang magsimulang humapdi ang balikat ko.
“Ay, sorry. Ang saya ko lang. Nahawakan ko ang kamay
niya.” ang sabi niya, kulang na lang ay umiikot siya sa paglalakad sa sobrang
tuwa.
“Manyak!” ang pang-aasar ko.
Lalo pang lumalim ang pagkakaibigan namin ni Xavier
habang papalapit ang pagtatapos ng sem na iyon. Naging kasa-kasama namin siya
ni Seb minsan kapag walang ginagawa. Umamin si Seb sa akin na mahal na niya si
Xavier. Wala akong masabi. O dahil ayaw kong magsalita? Sa tingin ko, nang mga
panahong iyon ay mahal ko rin ang taong mahal niya.
“Anong gagawin ko?” ang tanong niya na hindi ko masagot.
Naging mahirap ang araw-araw na nakikita ko si Xavier.
Alam kong dapat kong patayin kung ano man ang nararamdaman ko para sa kanya.
Hindi ko kayang saktan ang kaibigan ko. Ni hindi ko nga alam kung papatulan
niya ang kaibigan ko.
Nang araw na iyon ay pumunta kami sa auditorium para sa
isang film showing. Para iyon sa isa sa tatlong minor subjects ko, World
Literature. Isang classic film ang pinapanood namin. Hindi pa man nagsisimula
ang palabas ay inaantok na ako. Malamig sa auditorium. Nasa pagitan namin ni
Seb si Xavier.
“Pahiram naman ng jacket.” ang sabi ko kay Xavier.
Nahihinulugan na ako habang yakap ko ang aking sarili
nang magsimula ang pelikula. Patay ang lahat ng ilaw. Nararamdaman ko ang makinis
na braso ni Xavier sa aking nilalamig na daliri. Hindi ko mawari kung sadya
niya bang nilagay ang kamay doon para magtama ang aming mga balat.
“Hoy, Lucas! Tulog ka ng tulog diyan! Hindi kita
papakopyahin sa exam!” ang sigaw ni Seb sa akin.
Umupo ako ng maayos pero ilang minuto lang ulit at sumuko
na ulit ako sa tukso ng pagtulog. Isinandal ko ang aking likod sa malambot na
upuan at ibinaba ang aking likod. Isinuot ko ang hood ng jacket ni Xavier. Amoy
ko ang bango ng kanyang shampoo.
“Nilalamig ka pa?” Hinawakan niya ako sa braso. Tiningnan
ko siya. Masyado yatang malapit ang kanyang mukha sa akin kaya naman medyo
inilayo ko ang sarili ko sa kanya. Pero medyo mahigpit ang pagkakahawak niya sa
aking braso.
“Oo.” ang mahina kong sagot.
Ang sumunod na nangyari ay hindi ko inasahan. Pasimple
niyang hinablot ang aking kamay at itinago sa likod ng kanyang malaking bag.
Naramdaman kong pinunan ng kanyang kamay ang mga pagitan ng aking mga daliri.
Magkadaop ang aming palad. Walang alam si Seb. Gulat ang ekspresyon ng aking
mukha nang bumaling sa kanya.
“Better?” ang nakangiti niyang tanong.
“What are you doing?!” ang galit kong tanong bago padabog
na lumabas ng auditorium.
Hindi ko alam kung anong gagawin ko. Kinabukasan, hindi
kami nag-usap ni Xavier. Walang tigil naman si Seb sa kakatanong sa akin kung
anong nangyari pero nanatili akong tahimik. Nang makahanap ng tiyempo, hinatak
ako ni Xavier papunta sa isang tagong lugar sa library. Abala noon si Seb sa
paghahanap ng libro.
“Bitawan mo ako.” ang pabulong kong sabi pero puno ng
emosyon.
“Mabilis lang ‘to, Lucas.” ang sabi niya hanggang sa wala
nang nakakakita sa amin.
“What now?” Hindi ko maintindihan kung bakit ako
nagagalit. Mahal ko naman siya. Hinawakan lang naman niya ang kamay ko. Dapat
nga ay masaya pa ako. Dapat nga ay kinikilig ako. Pero hindi. Mabilis ang kabog
ng dibdib ko. Nahihirapan akong huminga.
“Sorry kung nabigla kita kahapon. Hindi ko alam kung
anong iniisip ko. These past few weeks kasi… Lucas, sorry. Nahihirapan na ako.
Kailangan ko na ‘tong sabihin sa’yo pero…” Hindi niya matapos ang mga sentences
na kanyang binabanggit. Malamang nag-uunahan ang mga ideya sa kanyang utak
kasabay ng pagpipigil niya sa paglabas ng mga ito.
Naramdaman ko na lang ang mga kamay niya na mabilis na
dumampi sa aking dalawang pisngi. Inilapit niya ang aking mukha sa kanya.
Nanatiling nakabukas ang aking mga mata nang nagtama ang aming mga labi.
Malambot ang mga iyon. Masuyo niya akong hinalikan. Ipinikit ko ang aking mga
mata nang bigla kong maalala si Seb. Lumayo ako sa kanya pero agad niya akong
nahawakan sa braso.
“Lucas, I think… I’m going with my gut. I love you.”
“You can’t. I’m sorry, Xav, I can’t.” ang naiiyak kong
sabi sa kanya bago tumakbo palayo.
…
Isinara ko ang photo album at tinapos ang aking
pagbabalik-tanaw nang marinig ko ang pagbukas ng pinto ng aming apartment.
Ibinalik ko sa kahon ang aking hawak at inilagay ito sa ilalim ng kama.
Hanggang ngayon, hindi pa rin alam ni Seb ang pagtatapat sa akin ni Xavier sa
library noon.
Si Seb ang una kong nakita nang buksan ko ang pinto ng
aming kwarto. Walang emosyon ang kanyang mukha nang nagtama ang aming mga mata.
Kinabahan ako dahil alam ko kung bakit siya nandito.
“Hi, babe. Nagkasalubong kami ni Seb sa mall kanina.” ang
sabi niya sa akin habang nagtatanggal ng sapatos sa tabi ng pinto.
“Bakit ka nasa mall?” ang malamig kong tanong sa kanya.
“I bought us food. I know you miss this.” Isang paper bag
ng paborito kong pasta place ang kanyang bitbit. Bigla akong nakaramdam ng
gutom. Pumasok si Xavier sa kwarto para magbihis matapos ibaba ang pagkain sa
mesa. Ako at si Seb na lang ang naiwan sa sala.
“Mukhang wala pa rin siyang alam.” ang bungad ni Seb.
“He doesn’t need to know.” ang sagot ko sa kanya.
“Karapatan niyang malaman, Lucas. You’re committed to
him.” ang galit niyang sabi sa akin.
“Okay. I think I know why you’re doing this. You already
made it pretty clear na tapos na ang pagkakaibigan natin. So, isa na lang ang
nakikita kong rason. Mahal mo pa rin si Xavier. Alam mong hindi ko kayang
sabihin sa kanya kaya ikaw ang magsasabi para ako ang lumabas na masama.”
“What? Hindi ganon ‘yun.” ang depensa niya.
“E ano?”
“Lucas, I’m serious. Tell him or I will.” ang pag-ulit
niya sa sinabi niya sa akin kahapon.
“Tell me what?” ang seryosong sabat ni Xavier.
“Nothing.” ang kinakabahan kong sagot sa kanya.
“It doesn’t look like nothing. What’s wrong, Lucas? Seb?”
ang nalilito niyang sabi.
“You need to go, Seb.” ang pagtataboy ko sa dating
kaibigan.
Agad namang lumabas si Seb matapos muling ibigay ang
kanyang ultimatum sa akin. Lalong kumunot ang noo ni Xavier dahil sa
nangyayari. Pinaupo ko siya sa sofa habang ako naman ay umupo sa katapat na
couch. Panay ang paghimas ko sa aking hita papunta sa tuhod dahil hindi ako
mapakali. Kagat ko ang aking labi habang nag-iisip kung paano magsisimula.
“I’m freaking out, Lucas. Anong nangyayari?”
“Sasabihin ko na sa’yo kung anong nangyari sa akin. Pero
please, I need you to stay calm. Promise me, you’ll stay calm.” ang naiiyak
kong pagsisimula.
No comments:
Post a Comment