Sunday, December 16, 2012

Anong Pakiramadam ng Walang Maramdaman (04)

by: Lui
rantstoriesetc.wordpress.com

Mahigpit ang hawak niya sa aking panga. Malapit na yatang mabasag ang buto ko. Nakatali ang aking dalawang kamay at nakasandal ako sa matigas na pader. Hinahatak niya ang aking buhok palapit sa kanya. Nasusuka ako sa ipinapasok niya sa aking bibig. Pero hindi siya tumitigil. Tumutulo na ang aking luha at nanlalaki na ang aking mga mata sa sobrang sakit ng aking lalamunan.



“Sige pa. Sikipan mo!” ang utos niya bago niya ako sampalin ng malakas.
Sumisigaw ako pero hindi ako makabuo ng salita dahil puno ang aking bibig. Lalong humigpit ang kapit niya sa aking buhok. Mas naging bayolente ang kanyang pagkilos. Ipinikit ko ang aking mga mata sa sobrang sakit. Hindi ko mailayo ang aking ulo dahil nakadikit na ito sa pader. Konting pwersa niya pa ay baka kumalat na ang utak ko sa silid.
“Ito na, ito na!!!” ang sigaw niya.
Iminulat ko ang aking mga mata. Hingal na hingal ako. Hinawakan ko ang aking panga. Hindi ko na maramdaman ang kirot maging sa aking lalamunan. Basa ang aking mga mata dahil sa pag-iyak. Naninigas ang aking buong katawan. Hawak ni Xavier ang aking kamay. Umiiyak siya sa aking tabi. Mabilis kong hinugot ang aking kamay mula sa kanyang pagkakahawak.
Nang mapagtanto kong nananaginip lang, naramdaman ko ang pagkirot ng aking ulo. Parang minamartilyo ito ng malalaking pako. Napapikit ako sa sobrang sakit at nasabunutan ko na ang sarili ko. Pinigilan kong sumigaw dahil ayaw ko nang madagdagan pa ang pag-aalala ni Xavier.
“Tubig.” ang paos kong hiling.
Patakbong lumabas ng kwarto si Xavier para kuhanan ako ng isang basong tubig. SInubukan kong bumangon pero mabilis din akong nahilo. Sa paggalaw kong iyon, kumirot muli ang mga sugat ko sa mukha, sa likod at sa puwet.
“Lucas, ano bang nangyayari sa’yo? Natatakot na ako. Please naman, kausapin mo na ako.” ang umiiyak niyang sabi sa akin.
“I just had a bad dream. Sige na, go back to sleep.” ang pagtaboy ko sa kanya.
“Babantayan kita.” ang saad niya.
“Hindi na kailangan, sige na. May trabaho ka pa mamaya, oh.” ang pilit ko.
“No. Matutulog lang ako kapag dito ako sa tabi mo.” Tiningnan ko siya ng matagal. Nakayuko siya at kagat ang kanyang labi. Nagpipigil si Xavier ng iyak, alam ko iyon. Nakatuon ang kanyang atensyon sa kanyang kuko sa mga hinlalaki sa kamay na kaniyang kiniskiskis sa isa’t isa. Ganito siya tuwing nag-aaway kami.
“Fine. Pero ayaw kong didikit ka sa akin ah.” ang labag sa loob kong pagpayag.
Pinili kong huwag nang patayin ang ilaw. Kahit na nakatalikod ako kay Xavier at may dalawang unan sa aming pagitan, ramdam na ramdam ko ang presensya niya sa kama. Hindi ko na nagawa pang muling makatulog. Nakatulala lang ako sa pintuan. Nag-iisip ng mga paraan kung paano pinakamabilis na makalapit dito kapag dumantay si Xavier sa akin.
Mabigat na ang aking mga mata pero ayaw kong matulog. Ilang oras pa ang lumipas at naririnig ko na ang mahihinang paghilik niya. Bumalikwas ako ng higa at pinanood ko siyang matulog. Yakap na niya ang isa sa mga unan na nakaharang sa amin. Bahagyang nakabuka ang kanyang bibig. Para siyang bata. Nang gumalaw siya ay mabilis muli akong tumalikod sa kanya. Napasinghap ako nang lumapat ang kanyang braso sa aking baywang. Awtomatiko akong napabangon at lumabas ng kwarto.
Inabala ko ang aking sarili sa panonood ng TV. Isang baso ng mainit na gatas na ang aking naubos. Muli ay dinalaw ako ng antok. Sa malambot na sofa na ako nahiga habang lalo ko pang pinapagod ang aking mga mata sa panonood. Cartoon Network ang channel na pinapanood ko. Ito ang favorite ni Xavier.
Muli akong nanaginip. Mabuti na lang at payapa ang aking napuntahan. Magaan ang pakiramdam ko, nakabalot ako sa mga braso ni Xavier. Halos nalimutan ko na ang pakiramdam ng ganito. Masuyo niya akong hinalikan sa labi.
Nagtaka ako dahil kinuyom niya ang kanyang malayang kamay sa aming kinauupuan. Akala ko’y kongkreto ito pero dahil sa ginawa ni Xavier, tila sa isang malaking puting tela kami nakaupo. Napakalinis ng lahat. Maliban sa parteng hinawakan ni Xavier.
“Lucas, ano ‘to?”
Naalimpungatan ako sa kanyang pagtapik sa aking balikat. Singkit na singkit pa ang kanyang mga mata, halatang kakagising lang. Suot ang gusot na sando at shorts, nakatayo siya sa aking harapan bitbit ang aming kumot sa kwarto.
“Lucas, ano ‘to?” ang walang emosyon niyang tanong sa akin.
May tuyong dugo sa aming kumot. Malamang nakita niya ito nang magising siya at wala ako sa kanyang tabi. Kinabahan ako. Hindi ko alam kung paano ko pa matatakasan ang pagtatanong niya. Yumuko ako at tiningnan ko ang aking kinauupuan. May dugo rin.
“Xav, kita mo namang may mga sugat ako diba?” ang kinakabahan kong pagsisinungaling sa kanya.
“May sugat ka ba sa likod? Hindi ko nalinis kagabi iyan.” ang pag-aalala niya.
“Ako na naglinis.” Muling kumirot ang aking ulo. Napapikit ako. Kasabay nito ay ang pagsakit din ng aking mga sugat sa mukha. Gusto kong tumayo at magtungo sa banyo pero nakatayo pa rin sa aking harapan si Xavier. Ayokong makita niya ang dugo sa aking pajamas.
“Timpla ka naman ng coffee?” ang pilit na lambing ko sa kanya.
Mabilis naman siyang tumalima. Nang sinilip ko siya at nakitang abala sa kusina, mabilis akong tumayo at patakbong pumasok sa kwarto. Agad akong humarap sa salamin at nagulat ako sa aking nakita. Hindi pantay ang aking mga pisngi. Namamaga at naghahalo ang kulay berde at itim sa kanang bahagi ng aking mukha. May tuyong dugo ako sa labi.
Ibinaon ko sa humper ang pajamas na suot. Matapos makapagpalit ng malinis na shorts, muli akong lumabas at nagtungo sa kusina. Nasa sala si Xavier at nanonood ng palabas sa Cartoon Network. Nakatayo lang siya habang hawak ang isang tasa ng mainit na kape. Naghihintay na ang aking tasa sa kusina.
“Lucas, tumatawag ang boss mo.”
Napaso ang aking dila sa pagkabigla. Nasa likod ko na si Xavier at iniaabot sa akin ang aking cellphone nang maibaba ko ang hawak na tasa. Ginawa ko ang lahat ng makakaya ko para itago kay Xavier ang takot at kaba dahil sa pagtawag ni Boss John.
“Hello?” ang nanginginig kong pagsagot nang makalayo na muli sa akin si Xavier.
“Lucas! Don’t go to the office today. Let your bruises heal first. I don’t want anyone to see you like that. And I’m sorry.”
“Hinding-hindi na talaga ako babalik sa trabaho.” Hindi ko na napigilan ang sarili ko. Sinabi ko ang mga iyan nang pabulong pero punung-puno ng galit. Ramdam ko ang pag-init ng aking mukha kasabay ng panginginig nito.
“I always find ways. Mmm, ang sarap mo talaga.” ang natatawang banggit ni Boss John sa kabilang linya.
“Hayop ka. Dapat sa’yo mapunta sa impyerno. Hayop.”
“Shit, Lucas. Tinitigasan ako sa’yo ngayon. Isa pa nga.” Nandidiri ako sa kanya. Tinapos ko na ang pag-uusap namin at padabog na ibinaba ang cellphone sa mesa. Nagulat si Xavier at patakbong bumalik sa akin. Pinigilan ko ang mga luhang nagbabadyang bumagsak.
“Lucas, anong problema?” ang tanong niya habang lumalayo ako sa papalapit niyang katawan.
“Masakit lang ang ulo ko.” Totoo naman ang sinabi ko pero hindi naman iyon talaga ang iniinda ko. Pero mukhang nagkamali yata ako nang ginawang alibi dahil hindi ako tinigilan ni Xavier na magpatingin ako sa doctor. Kahit anong gawin kong pagtutol, alam kong hindi siya titigil hangga’t hindi ko siya napagbigyan.
“It won’t hurt naman kung magpapa-check up ka. Gusto ko lang makasiguro na walang internal bleeding or what. You hit your head hard, babe. Please naman. Sobrang worried na ako sa’yo.” ang halos mangiyak-ngiyak niyang sabi habang kumakain ako ng hinanda kong almusal naming dalawa.
“Fine. Pero kay Seb ako magpapatingin.” ang pagpayag ko sa isang kondisyon.
“I’ll drive you.” ang walang emosyon niyang sagot.
Nagmumura ang tensyon sa sasakyan habang nasa biyahe kami papunta sa hospital para magpa-check up kay Seb. Pasimple kong tinitingnan si Xavier habang nagmamaneho at nakita kong nakakunot ang kanyang noo. Hindi niya sinubukang basagin ang katahimikan hanggang sa dumating kami sa parking ng hospital.
“Simula bukas, ihahatid at susunduin na kita.” ang matigas niyang sabi.
“Don’t be ridiculous! Hindi ko kailangan ng driver.” ang tugon ko bago padabog na lumabas sa sasakyan.
Hindi na bago kay Xavier ang ganitong ugali ko. Simula’t sapul naman ay matalas na talaga ako magsalita. Ako ang nanibago sa sarili ko. Oo, mainitin ang ulo ko pero hindi naman agad-agad tulad ng nangyayari ngayon. Inulit ni Xavier ang kagustuhan niyang ihatid-sundo ako. Hindi na ako tumutol dahil ayaw ko nang makipagtalo.
Ilang minuto lang akong naghintay sa lobby ng clinic ni Seb. Hindi na ako pinapila ng kanyang sekretarya dahil hindi naman daw ako pasyente. Nakipagkamay na si Seb sa isang matandang lalaki na nakatayo sa pinto ng kanyang opisina. Maagap akong tumayo. Tumingin sa akin si Seb at kitang-kita sa kanyang mukha ang labis na pagkagulat. Hindi ko alam kung dahil ba sa ako ang nakita niya o dahil sa mga sugat ko sa mukha.
“Lucas! What happened??!” ang malakas niyang baling sa akin.
Papasok na kami sa loob ng kanyang silid nang dumating si Xavier dala ang tatlong cups ng kape at isang paper bag. Nagkatinginan ang dalawa. Tiningnan ko si Seb bago bumaling kay Xavier. Nakita ko ang gulat sa mukha ng una. Pero ibang gulat ito, hindi tulad ng kanyang reaksyon nang ako ang nakita niya. Isang makipot na ngiti naman ang ibinigay ni Xavier sa doctor.
“What happened? You got serious bruises in your face.” ang nag-aalalang sabi sa akin ni Seb.
Tahimik namang umupo si Xavier sa katapat kong upuan habang si Seb ay inayos ang kanyang upo sa likod ng malapad mesa. Ikinwento ko sa kanya ang kaparehas na alibi na sinabi ko kay Xavier. At tulad ng reaksyon ng huli, tinanong niya ako kung dumulog na ba ako sa pulis.
“Hindi. Wala naman silang nakuha sa akin. Ayaw ko nga rin sanang magpa-check up na dahil gagaling din naman ‘to. Pinilit lang ako nitong si Xavier.” Inilipat ni Seb ang tingin mula sa akin papunta kay Xavier. Ipinikit ko ang aking mga mata at naramdaman kong nanginginig ang mga  ito. Hindi ko alam kung bakit.
Iginiya ako ni Seb patungo sa kama sa gilid ng kanyang opisina para doon ay matingnan niya ang mga sugat ko sa mukha at mga pasa sa katawan. Pinaghubad niya ako ng damit. Agad naman akong tumalima at inangat ang suot kong t-shirt.
“Pati pants.” ang mahinahon niyang banggit.
Kinabahan ako at naramdaman ko ang paglabas ng malalamig na pawis sa aking noo. Isang beses ko pa siyang tinanong kung talagang kailangan ba iyon. “Need to make sure na wala kang injury somewhere hidden, Lucas.” Nahihiya akong tinanggal ang butones ng aking pantalon pero bago ko ito ibinaba ay ibinaling ko ang aking atensyon kay Xavier.
“Babe, okay lang ba kung sa labas ka na lang maghintay?” ang medyo malambing kong pakiusap sa kanya.
Hindi ko rin maintindihan kung bakit ko siya natawag na “Babe” nang mga oras na iyon. Siya lang naman ang may gustong may tawagan kami. Lumapit siya sa akin at hinalikan ako sa noo bago lumabas. Napansin kong bahagyang tumalikod si Seb at muli lang humarap nang maisara na ni Xavier ang pinto. Ibinaba ko na ang aking pantalon. Pinaupo niya ako sa kama. Nabigla ako ng kaunti at napalakas ang upo ko. Agad na ngumiwi ang aking mukha dahil sa kirot na naramdaman ko sa aking puwet. Pakiramdam ko ay namamaga ito.

No comments:

Post a Comment