Sunday, December 16, 2012

Anong Pakiramadam ng Walang Maramdaman (05)

by: Lui
rantstoriesetc.wordpress.com

“Talikod ka.” ang sabi niya habang nakahiga ako.
“Ha? Bakit?” ang nagpa-panic kong tanong.
“You got more bruises than I expected, Lucas.” ang hindi niya pagsagot sa aking tanong.
Kahit alangan ay sinunod ko siya. Pumikit ako ng ibaba niya ang aking brief. Mabilis lang naman iyon. Nang marahan niya akong tinapik ay maingat akong umupo. Nagbihis ako habang nagsimula siya sa pagtatanong.



“Reresetahan kita ng gamot para mapabilis ang paggaling ng mga pasa mo. Lucas, nahihirapan ka bang magbawas?” Nagtaka ako sa tanong niya. Hindi ko agad nakita ang koneksyon nito sa pagkakaroon ko ng mga pasa at sugat. Kaya medyo naiilang at natatawa ko itong sinagot.
“The past few days lang. Bakit?”
“Hmm. May stains of blood ka sa puwet. And I think caused yan ng lacerations. Ire-recommend kita sa gastro namin dito sa hospital. Ipa-check mo iyan.” Natigilan ako. Hindi ako makakurap. Ito ang ayaw ko sa pagpapa-check up. Alam kong makikita nila ang itinatago ko. Pwede naman akong hindi sumunod sa kanya pero lalo lang itong magsususpetsa.
“Okay.” ang halos pabulong kong sagot.
“I hope you don’t mind me asking, have you switched positions with Xavier? You know, sexually.” Hindi naman issue sa amin ni Xavier kung sino ang top o bottom sa tuwing magniniig kami. Pero lumalabas na mas madalas ay ako ang top. Kaya hindi na nakakagulat ang pagtataka niya.
“No.” ang maikli kong sagot dahil alam kong alam na niya kung ano ang ibig kong sabihin.
Matapos niyang iabot sa akin ang reseta ng mga gamot na kailangan kong inumin at ang doctor’s slip para sa pagpapa-check up ko sa inirekomenda niyang gastroenterologist ay nagpaalam na ako. Hinatid niya ako hanggang sa pinto ng kanyang opisina bago siya kamayan ng mabilis. Isang tango ang ibinigay sa kanya ni Xavier bago ako akbayan palabas. Iniabot ko sa kanya ang reseta pero hindi ang doctor’s slip.
Inihatid niya ako pabalik sa apartment bago siya nagtungo sa trabaho. Nang mapag-isa, pinunit ko ang papel na ibinigay sa akin ni Seb at itinapon ito sa basurahan. Iniwan ko ang plastic bag ng mga banig ng gamot na binili ni Xavier bago ako ihatid. Kumuha ako ng ice pack sa refrigerator bago humilata sa sofa at nanood ng TV.
Kahit papaano ay nalimutan ko ang masaklap na nangyari sa akin nang mga nakaraang araw. Gusto kong may pagsabihan pero natatakot ako. Baka hindi nila ako paniwalaan. Tsaka sino ang mapagkakatiwalaan ko? Natatakot akong malaman ni Xavier. Baka hindi niya kayanin.
Ilang oras nang bukas ang TV. Nakatatlong pelikula na yata ako sa HBO pero hindi ko na maintindihan ang pinapanood ko. Nakatulala lang ako. Hindi ako makaramdam ng gutom. Lumilipad ang utak ko na tila wala itong mapuntahang matinong bagay na pwedeng isipin. Nakakaramdam ako ng antok pero pinipigilan kong makatulog.
Narinig ko ang kalansing ng susi sa labas. Nag-click ang lock ng pinto at nagbukas ito. Mula sa pagkakahiga sa sofa ay umupo ako at tinakpan ko ng malaking unan ang aking katawan at kalahati ng mukha. Tanging ang mga mata ko lang ang kita. Si Xavier, dumating na, bitbit ang dalawang paper bag ng grocery. Lumuwag ang pagkakayakap ko sa unan pero hindi ako tumayo para salubungin siya.
Isang masuyong halik sa noo ang iginawad niya sa akin. Gusto ko siyang sampalin sa ginawa niya pero agad siyang nakalayo. Nagtungo siya sa kusina para ibaba ang kanyang mga ipinamili. Muli akong bumalik sa panonood ng pelikulang hindi ko na alam kung ano ang tinatakbo ng istorya.
“Lucas, babe, hindi ka pa kumakain? Wala pang bawas ‘tong gamot mo. Diba sabi ng doctor, kelangan mo na ‘tong inumin para mabawasan ang pamamaga ng mukha mo.” Ng doctor? Napaka-distant niya kay Seb. Hindi ko rin naman siya masisi. Inilapat niya ang kanyang braso sa aking leeg mula sa likod bilang paglalambing. Napakaingat niya itong ginawa. Para na namang sasabog ang loob ko sa ginawa niya. Pumikit ako.
“Xavier, lumayo ka sa akin.” ang mahinahon kong babala sa kanya.
“Babe naman. Naglalambing lang.” ang parang bata niyang tugon.
“Seryoso ako. Tanggalin mo ‘yang braso mo sa leeg ko. Kung hindi, sasampalin kita.” Agad naman niyang ginawa ang utos ko. Nanginginig ang mga kalamnan ko. Punung-puno ako ng galit. Bigla akong tumayo at naglakad papunta sa kanyang kinatatayuan. Sinabayan ng pagkirot ng aking ulo ang pagtibok ng aking puso. Isang malakas na sampal ang ibinigay ko sa kaliwang pisngi ni Xavier.
“Lumapit ka pa sa akin, hindi lang iyan ang aabutin mo.” ang naiiyak kong sabi sa kanya.
Hindi ko na nakita pa ang reaksyon niya dahil bago pa man siya ulit makaharap sa akin ay nasa kwarto na ako. Ini-lock ko ang pinto at doon hinayaan ang sarili kong umiyak. Hindi ko na kilala ang tao sa aking loob. Paano ko nagawang saktan ang taong pinakamamahal ko? Paano ko nagawang pakitaan siya ng ganon kahit na wala siyang ibang ginawa kung hindi ang alagaan ako. Nagagalit ako sa nangyari sa akin. Nagagalit ako sa sarili ko.
Kinabukasan, mas nangibabaw ang itim kaysa sa berde ng mga pasa sa aking mukha. Matapos kong saktan si Xavier kagabi ay hindi na siya umimik. Ni hindi na rin niya sinubukang lumapit sa akin. Tahimik niyang kinuha ang kanyang mga unan sa kwarto at sa sala muli natulog. Nang buksan ko ang pinto ay nasa kusina siya. Nakasabit na sa kanyang katawan ang laptop bag at nakatayong umiinom ng kape.
“May almusal ka na diyan. Inumin mo na ang mga gamot mo.” ang malamig niyang sabi sa akin.
Akala ko ay ihahatid niya ako sa trabaho. Pero sino ba namang nasa matinong pag-iisip ang gagawa noon matapos ko siyang sampalin nang walang matinong dahilan? Hindi ko maiwasang magsisi dahil sa aking ginawa. Gusto kong humingi ng tawad pero pinigilan ko ang sarili ko. Ayokong magpakita ng kahinaan kahit kanino.
“Ingat.” Pero hindi niya ako pinansin. Tuluy-tuloy siyang naglakad palabas ng apartment. Umupo ako at tiningnan ang inihain niyang almusal. Lahat ng iyon ay ang mga paborito ko. Lalo naman akong na-guilty sa aking ginawa. Nakaayos sa tabi nito ang mga gamot na kailangan kong inumin. Hindi ko na kailangang tumayo dahil hinihintay na ako ng aking plato’t mga kubyertos. Pati ang malamig na mango juice.
Matapos ang isang oras, nakarating na ako sa opisina. Itinago ko sa makakapal na concealer ang mga pasa sa mukha. Kahit papaano ay naging presentable naman ang itsura ko. Tahimik akong umupo sa aking desk, sinubukan kong hindi maka-attract ng atensyon ng iba pero malakas ang boses ni Karla na binati ako pagkakita niya sa akin.
“Lucas! I heard what happened! Kamusta? Bakit pumasok ka na?” Hindi ko alam kung ano ang narinig nilang nangyari sa akin dahil wala naman akong pinagsabihan sa opisina. Dumami ang mga tao sa aking paligid. Halos sabay-sabay silang nagtatanong, nag-aabang sa aking mga sasabihin. Nailang ako, pakiramdam ko ay nahihilo ako.
“Paano mo nalaman?” ang tanong ko kay Karla kahit wala akong ideya sa kung ano ang alam niya.
“Sinabi sa akin ni Papa X. Nag-text siya sa akin kagabi.” ang bulong niya.
Sa trabaho, tanging si Karla ang nakakaalam ng relasyon namin ni Xavier. Pero hindi lang siya ang nakakaalam kung ano ako – malamang si Boss John, alam din niya. Isa-isa nang nagsibalikan sa kani-kanilang mga desks ang mga kasamahan ko sa trabaho nang in-assure kong okay lang ako. Nang magbukas ako ng computer, hindi ko na inabala pa ang aking sarili na magbasa ng mga unread e-mails. Diretso ako sa paggawa ng letter. Hindi ko na kayang tumagal dito.
“Lucas…” Muli kong narinig ang kanyang boses. Nanaig bigla ang takot sa buo kong katawan. Marahan akong humarap sa kanya nang hindi tumatayo sa aking kinauupuan. Mas malapit siya sa akin kaysa sa aking inaakala.
“Anong ginagawa mo rito?” ang tanong niya.
“Bakit?” Parang may mga bato sa aking lalamunan. Kung nakamamatay lang ang mga tingin, malamang tumigil na sa paghinga si Boss John dahil sa sobrang talas ng tingin ko sa kanya. Nandidiri ako sa kanya. Hindi ko alam kung paano niya nagagawang itago sa pormal niyang damit ang kababuyan niya.
“Hindi ba sabi ko huwag ka munang papasok?” ang pabulong niyang sabi.
“Hindi naman talaga ako papasok ngayon…” Hindi ko na natapos ang sinasabi ko dahil tinawag ni Ed ang atensyon ni Boss John. Nakita ko ang naghahalong galit at takot sa kanyang mukha. Hindi ko alam kung dapat ko bang ikatuwa na may bahid siya ng takot. Inis siyang humarap kay Ed habang ako naman ay bumalik sa aking ginagawa.
“Lucas! In my office. Now!!!” ang galit na sigaw ni Boss John matapos ang pag-uusap nila ni Ed.
Natigilan ang lahat. May ibang napatayo pa sa kanilang kinauupuan sa sobrang gulat sa ginawa ni Boss. Narinig ko ang mahinang mga bulungan. Hindi talaga maiwasan ang ganito sa opisina. Hindi ako agad na sumunod sa kanya. Nag-print muna ako ng mga kopya ng resignation letter ko. Hindi ko na kaya pang gumugol ng isang araw na malapit kay Boss John.  Kailangan ko lang siyang harapin sa huling pagkakataon.
“Anong meron?” ang tanong ni Karla sa akin.
“Ewan ko.” ang mahina kong sagot.
Matapos makapag-print, pinirmahan ko ang mga dokumento bago pumasok sa opisina ni Boss. Iniwan kong nakabukas ang pinto. Inilapag ko sa kanyang mesa ang isang kopya at tumayo ilang dipa ang layo sa kanya.
“Close the door.” ang utos niya.
“No. I’m resigning whether you like or not.” Ang makita siya ay nagdudulot sa akin ng kakaibang takot. Suot niya ang paborito niyang kurbata. Hapit sa kanyang katawan ang itinerno niyang polo. Bumabagsak sa kanyang mga kilay ang mahahabang buhok na lagi niyang sinusuklay gamit ang mga kamay.
“Are you threatening me?”
“Are you threatened?” Nagtatapang-tapangan lang ako. Takot na takot ako sa aking loob lalo na nang hindi siya sumagot. Bagkus, tumayo siya sa kanyang kinauupuan at naglakad palapit sa akin. Inilagay niya ang dalawang kamay sa baywang at hinawi niya pagilid ang suot na coat.  Nakita kong nakaipit sa kanyang kanang tadyang ang isang baril. Iyon ang tinutok niya sa akin noong isang gabi. Nilampasan niya ako at isinara ang pinto. Napako ako sa aking kinatatayuan. Narinig ko ang dalawang beses na pag-click ng mga lock nito.
“You won’t risk it.” ang sabi ko sa kanya nang tumayo siya sa aking harapan, halos magkadikit na ang aming mga ilong.
“You know I won’t.” Akala ko ay hahalikan niya ako kaya inilayo ko ang mukha ko sa kanya. Hindi ako kumukurap. Sumasakit na ang mga mata ko. Bumalik na siya sa likod ng kanyang mesa at umupo sa malaking upuan. Kinuha niya ang sign pen sa kanyang gilid at pinirmahan ang inihain kong resignation letter. Hindi ko inakalang magiging ganon lang iyon kabilis.
“You’ll regret this.” ang banta niya.
“No, I won’t. Hindi ko kayang magtrabaho para sa isang hayop na tulad mo. You’re sick in the head!” ang mga huling sabi ko bago lumabas ng kanyang opisina.
Narinig ko pa siyang tumawa ng saglit hanggang sa makabalik na ako sa aking desk. Agad kong kinuha ang lahat ng mahahalagang gamit ko at pinatay ang computer. Malamang ay narinig ni Karla ang ingay ng aking ginagawa dahil isang bakanteng desk lang ang pagitan namin.
“Aalis ka na?” ang kaswal niyang tanong.
“Yeah, for good.” ang mahina kong sagot.
“Lucas! Seryoso ba ‘yan?!” ang biglang pagtaas ng kanyang boses.
“Oo. I resigned. Effective today.” ang pagsasabi ko ng totoo.
Tumayo ako at niyakap ko siya ng mahigpit. Nakita kong namumuo ang luha sa kanyang mga mata. Halata ang pagkabigla niya. Mabilis na kumalat ang balita ng aking pag-alis kaya naman mas binilisan ko na ang pag-aayos ng aking gamit para makaiwas sa mga tanong. Bago ako magtungo sa elevator ay niyakap ko ulit ang pinakamatalik kong kaibigan.
“Magkikita pa naman tayo, gaga ka!” ang natatawa kong sabi kay Karla.
“Siguraduhin mo lang! Kung hindi, pipikutin ko dyowa mo!” ang sagot naman niya.
Ginugol ko ang nalalabing oras ng aking umaga’t tanghali sa apartment. Inabala ko ang aking sarili sa paglilinis. Malakas ang tugtog ng speakers na nakakabit sa aking iPod. Pakiramdam ko ay nakalaya na ako. Habang papalapit ang gabi ay gumagaan ang pakiramdam ko. Tiningnan ko ang sarili ko sa salamin. Bagama’t may mga marka pa rin ng masamang nangyari sa akin, hindi ko na ito ininda at pinilit kong ngumiti ako.
Naisip kong magpunta sa grocery para handaan ng masarap na dinner si Xavier. Alam ko sa sarili kong hindi ko pa kayang ibalik ang init ng aming pagsasama. Pero gusto kong humingi ng tawad ngayong gabi dahil sa mga nagawa ko, lalo na’t nasaktan ko siya.
Mahigit isang oras akong nagpalibot-libot sa supermarket. Nalimutan ko ang oras. Punung-puno na ang stroller na aking itinutulak kaya naman naisipan ko nang pumila. Nang silipin ko ang oras sa aking relo, nakita kong malapit nang mag-6 PM. Kailangan ko nang magmadali. Pero mukhang hindi umaayon sa akin ang pagkakataon.
Matapos makapagbayad, inilagay sa tatlong malalaking plastic bags ang aking pinamili. Nag-aabang ako ng taxi sa bandang harapan ng supermarket. Pero walang humihinto. Napakarami nang naghihintay. Napansin kong karamihan ng mga sasakyan sa kabilang parte ng daanan ay  walang sakay ang mga iyon. Kaya naman tumawid ako para mas mabilis na makauwi.
Sinigurado kong nakahinto na ang mga sasakyan bago tumawid. Pero hindi tumigil bago sa pedestrian lane ang isang itim na sasakyan sa ikatlong linya ng daan. Naramdaman ko ang pagtama ng harapan ng sasakyan sa aking binti. Napahiyaw ako sa sakit at nawalan ako ng balanse. Tumilapon ang aking mga pinamili at napahiga ako sa semento. Bigla akong nahilo. Ipinikit ko ang aking mga mata.

No comments:

Post a Comment