rantstoriesetc.wordpress.com
Tatlong araw pa akong namalagi sa hospital bago tuluyang
pinirmahan ni Seb ang discharge papers ko. Hindi siya napagod sa kakasabi sa
akin na dapat kong isuplong sa mga pulis ang gumawa nito sa akin. Pero ayaw ko.
Hindi ko makita ang rason para gawin iyon. Hindi naman mabubura sa akin ang
ginawa niya kapag nakulong siya. Ni hindi nga ako sigurado kung makukulong ba
siya sa ginawa niya sa akin. Makapangyarihan si Boss John, maraming koneksyon.
Sa lipunan natin, alam kong makakawala pa rin siya.
Hindi pumasok sa trabaho si Xavier nang araw na iyon para
masamahan ako sa bahay. Kahit anong pilit niya na alalayan ako, hindi ako
pumayag. Agad siyang naghanda ng makakain namin pagdating sa apartment. Ako
naman ay tumuloy agad sa kwarto para magpahinga. Humiga ako sa kama. Tahimik
ang paligid.
“Lucas, kain na tayo.” Nahihinulugan na ako nang tinawag
niya ako. Bumaling ako sa kanya at nakita kong nakasilip lang ang kanyang ulo
mula sa pinto. Mabagal akong bumangon at nagtungo sa kusina. Siya ang naglagay
ng pagkain sa aking plato habang nakaupo siya sa aking tapat.
“Tama na. Thanks.” ang sabi ko sa kanya.
“Lucas…” ang alangan niyang pagtawag sa aking atensyon
bago ko isubo ang unang kutsara ng pagkain.
“Yeah?”
“What really happened to you?” May takot sa tono ng
kanyang pagtatanong. Nakatingin siya sa aking mga mata. Padabog kong ibinaba
ang hawak na kubyertos. Tumayo ako at naglakad papunta sa kwarto. Pero agad
siyang nakasunod sa akin at pinigilan ako. Mahigpit niyang hinawakan ang aking
braso.
“Lucas, please naman. I deserve to know! Hindi ko alam
kung paano ka aalagaan. Ayaw mong lapitan kita, ayaw mong hawakan kita. Anong
gagawin ko?”
“Bitawan mo ako.” Agad naman niyang pinalaya ang aking
braso. Nangingilid ang luha sa kanyang mga mata at nanginginig ang kanyang
labi. Tinapangan ko ang aking mukha at tiningnan siya sa kanyang mga mata.
“Hindi mo ako kailangang alagaan. I’m not your pet.” ang
matigas kong sabi.
“Pero, Lucas…”
“No!” Lumapit siya sa akin at napaatras ako. Iniangat
niya ang dalawa niyang braso. Nakita ko ang labis na pangangailangan sa kanyang
tingin sa akin. Isang hakbang paatras pa ang ginawa ko at napatigil ako dahil
tumama na sa pader ang paa ko. Nakulong ako sa dalawang braso ni Xavier. Hindi
ako makahinga.
“Let go of me.” Pero lalong humigpit ang yakap niya sa
akin. Lalong numipis ang hanging nalalanghap ko. Nagpumiglas ako. Sinuntok ko
ang kanyang dibdib ng paulit-ulit. Pero matibay si Xavier. Inihilig niya ang
kanyang ulo sa aking balikat. Minura ko siya. Sinabayan ko iyon ng buong
pwersang pagtulak sa kanya. Lumuwag ang yakap niya. Tumakbo ako papasok sa
kwarto. Ini-lock ko iyon bago sumandal. Hingal na hingal ako.
Narinig ko ang malakas na pagsuntok ni Xavier sa pader.
Nagulat ako at lalong kumabog ng mabilis ang aking dibdib. Kasunod nito ay ang
malalakas niyang pag-iyak. Hindi ko na kinaya at naiyak na rin ako. Itinakip ko
sa aking bibig ang kanang kamay. Nanghina ang aking mga tuhod at marahan akong
napaupo sa sahig.
Hindi ko nakikita ang nangyayari sa labas ng kwarto pero
naririnig ko ang pagkabasag at malalakas na paghulog ng mga gamit. Hindi ako
tumigil sa pag-iyak. Naghahalo na ang takot at awa ko para kay Xavier.
Malalakas na katok ang bumulabog sa akin matapos ang ilang minuto ng biglang
katahimikan.
“Lucas, babe. Let me in. Please! I’m sorry.” ang pag-iyak
ni Xavier.
Mula sa pagkakasandal sa pinto ay gumapang ako papunta sa
gilid ng kama at doon nagtago. Inilagay ko sa magkabilang tainga ang aking
kamay para hindi marinig ang kanyang pagkatok. Gusto kong tumakbo palayo sa
kanya.
Hindi tumigil si Xavier sa pagkatok sa pinto. Pero naging
mas mahina ang mga ito. Naririnig ko siyang nagsasalita pero hindi ko
naiintindihan ang kanyang sinasabi.
Nanginginig ang aking mga kamay na kinuha ang cellphone sa aking bag na
nakapatong sa study table katabi ng laptop.
“Hello, Seb?!” ang hysterical kong sabi nang narinig kong
sinagot niya ang aking tawag.
“Lucas, kamusta?” ang kaswal niyang tanong.
“Can you come over? Now? Please! I can’t… Si Xav kasi…
Seb, please… Tulungan mo ako.” Hindi ko matapos ang aking mga sinasabi dahil
muling lumakas ang pagkatok ni Xavier sa pinto. Malamang narinig niya ang aking
boses. Hawak ko ang susi ng door knob kaya hindi niya iyon mabuksan. Tinulak ko
ang study table para iharang ito sa pinto.
“Sisirain ko na ‘tong pintuan kapag hindi ka pa lumabas!”
ang banta ni Xavier.
“Okay, okay. I’m on my way.” ang sabi ni Seb bago niya
ibaba ang pinto.
Kumalma si Xavier matapos ang mabigo sa pagbubukas ng
pinto. Mukhang ayaw din niya talaga sirain ang pinto namin. Nakahiga ako sa
kama at patuloy lang na kinakalma ang sarili. Sa sobrang katahimikan, rinig ko
ang bawat mabigat na hinga ni Xavier. Sa pakiwari ko, tahimik siya umiiyak at
nakasandal sa pinto.
Agad akong napatayo nang marinig kong tumunog ang door
bell namin. Lumapit ako sa pinto ng aming kwarto at pinakinggan ang marahang
paglakad ni Xavier palayo sa kanyang kinauupuan. Narinig ko ang pagbukas niya
ng pinto. Marahan kong tinanggal ng bahagya ang mesa na nakaharang sa pinto at
inilapat ang aking tainga sa kahoy para pakinggan ang usapan. Si Seb!
“Tinawagan ako ni Lucas. Anong nangyayari? Xav, anong
ginawa mo? Bakit puro bubog dito?” ang sunud-sunod niyang tanong.
Sumagot si Xavier pero hindi ko masyado itong mahina para
marinig ko. Tanging mga hikbi niya lang ang aking narinig. Hindi ko alam pero
bigla akong nakaramdam ng selos ng mga oras na iyon. Natagalan ako sa ilang
segundong paghihintay kay Seb na katukin ang pinto.
“Lucas, nandito na ako. You can come out now.” Si Seb ang
isa sa mga pinakamatagal kong kaibigan. Magkaibigan ang aming mga ina noon pa.
Kaya naman, bata pa lang ako ay siya na ang lagi kong kasa-kasama. Pero ni
hindi kami nag-aral sa parehas na eskwelahan hanggang sa umabot kami sa
college. Naging magkaklase kami sa iilang general subjects. Doon din namin
nakilala si Xavier.
“Come here.” ang sabi ko kay Seb matapos bahagyang buksan
ang pinto.
Sinubukan ni Xavier na kausapin ako. Namamaga ang kanyang
mga mata sa sobrang pag-iyak. Pero si Seb na mismo ang pumigil sa kanya.
Mahinahon niya itong kinausap bago tuluyang pumasok sa kwarto.
“Seb, natatakot ako sa kanya.” ang pag-iyak ko nang
makaupo kami sa kama.
“Let him know the truth.” Mas nangibabaw ang pag-utos sa
kanyang tono. Tiningnan ko siya. Umiling ako ng paulit-ulit. Nahihiya akong
malaman niya. Natatakot ako sa magiging reaksyon niya.
“This shall pass.” ang pagbabahagi ko sa kanya ng aking
paniniwala.
“You tell him or I will.” ang pagbibigay niya ng
ultimatum.
“Tell him and our friendship’s over.” ang gatong ko.
Mukhang napaisip si Seb sa aking sinabi. Matagal siyang
hindi nagsalita. Nakayuko lang siya. Nakatingin lang ako sa kanya. Hindi maayos
ang kanyang buhok at halata ang pagod sa kanyang mga mata. Pero nanatili pa
ring makinis ang kanyang mukha. Tumingin siya sa akin at nagtama ang aming mga mata. Bilugan ang kanya
habang pasingkit naman ang akin. Nangingintab ang kanyang matangos na ilong.
“Our friendship’s over the moment you went out with
Xavier, Lucas.” Nakita ko ang paghihirap niya sa pagbigkas ng mga salitang
iyon. Napuno ng luha ang kanyang mga mata bago mag-unahan ang mga ito sa
pagtulo. Nasaktan ko ang kaibigan ko, hindi ko siya masisisi kung ito ang
sabihin niya sa akin. Pero ngayon, lalo ko lang naramdaman ang pagiging mag-isa
ko.
“Right. Then, wala kang rason para tulungan ako. You can
go.” Kakaibang sakit ang naramdaman ko dahil sa sinabi ni Seb. Hindi ko
maipaliwanag. Parang bigla akong nakaramdam ng kakulangan sa loob ko. Gusto ko
siyang sigawan at saktan dahil sa kanyang ginawa. Sana ay pumili siya ng mas
magandang panahon para aminin ito sa akin, hindi ngayong nangangailangan ako ng
isang kaibigan.
“Tell him now or I will.” ang huli niyang sinabi bago
lumabas ng pinto.
Hindi ko alam kung bakit kailangan niya pang ipagpilitan
ang kanyang gusto kung hindi na naman niya ako tinuturing na kaibigan. Hindi ko
siya pinigilan nang lumabas siya ng kwarto. Iniwan niyang nakabukas ang pinto.
Matalim ang tingin ko nang lumapit siya kay Xavier. Halos patayo na ako pero
hindi nagtagal ang pag-uusap nila. Patakbong lumapit sa akin si Xavier nang
makalabas si Seb ng apartment. Iniangat ko ang aking kanang kamay para pigilan
siya na makalapit ng husto.
“May sasabihin ka raw sa akin, sabi ni Seb.” ang sabi
niya bago lumuhod sa aking harapan.
Hindi ko alam kung paano magsisimula. Parang umurong yata
ang dila ko. Nakabukas na ang aking bibig pero walang boses na lumabas.
Nagtatalo ang isip ko kung ano ang dapat gawin.
“Xav…” ang paos kong pagsisimula.
“Babe, ano ‘yun? You can tell me anything. Come on.”
Halata sa kanyang pinipigilan niya ang sarili sa paglapit sa akin. Alam kong
gusto niya pero iniisip niyang ayaw ko at magagalit na naman ako sa kanya.
“I was… Xav, I’m sorry. I was wrong to hurt you like
that.” Hindi ko nagawa. Naisip ko ang nagawa kong pagsampal, pagsuntok at
pagmura sa kanya. Hindi ako iyon. Oo, hindi ako magaling magpakita ng emosyon
noon pa man, pero alam ni Xavier na hindi ko gawaing manakit at magmura.
“Wala iyon. I’m worried sa inaakto mo lately, Lucas. I’m
here, okay? I want you to know that I’m here. Hindi na kita pipiliting
magsalita. Just tell me about it when you’re ready.” ang sabi niya.
Hindi ako pinayagan ni Xavier na tulungan siya sa
paglilinis sa sala. Nanatili lang akong nakahiga sa kama habang iniisip ko ang
maikling pag-uusap naming ni Seb. Nasaktan ako sa kanyang sinabi pero alam kong
mas nasaktan ko siya dahil naging kami ni Xavier. Gusto kong ipagtanggol ang
sarili ko. Pero sigurado akong hindi niya ako papakinggan. Hindi ko inagaw si
Xavier sa kanya. Inagaw niya si Xavier sa akin.
No comments:
Post a Comment