by: Daredevil
Kinakabahan man ay pormal akong
sumunod kay Kuya Carlo papasok ng opisina. Samantalang tumayo si Marianne sa
kanyang kinauupuan at mabilis na nilapitan si Kuya Carlo.
"Good Morning honey" si
Marianne sabay yakap.
"Good Morning din." sagot
naman ni Kuya Carlo. "Bakit ka nandito?"
"Do you remember what I told you
yesterday? Sisimulan ko na yun ngayon."
Naalala ko naman ang kanyang
tinutukoy, ang sinabing aangkinin niya muli si Kuya Carlo at babaguhin ito.
"Oh, may kasama ka pala, baka
pwede mo naman akong ipakilala sa kanya" si Marianne na tumingin sa aking
kinaroroonan. Bahagya naman akong nagulat.
"Ah eh, siya si Rico, assistant
ko." ang pagpapakilala niya sa akin.
Maya-maya ay nilapitan ako ni
Marianne. Lalong lumakas ang aking kaba sa kanyang sunod na ginawa. Tinignan
niya ako mula ulo hanggang paa na animoy kinikilatis ako.
"So you are Rico. Im Marianne the
future wife of Carlo." ang kanyang pagpapakilala.
Tila nabigla si Kuya Carlo sa narinig.
"Ano ba ang pinagsasasabi mo Marianne?"
"Bakit, di ba totoo naman, I am
the mother of your daughter."
"Pero hindi naman tayo
magpapakasal"
Humalakhak naman ang babae.
"Nagpapatawa ka ba, pananagutan mo na ako ngayon dahil sa anak natin. And
besides wala namang masama kung magpapakasal tayo, lalaki ka babae ako."
Parang sibat sa aking puso ang mga
pahayag ni Marianne. Tama siya, walang hadlang kung magpapakasal sila. Natural
lang iyon sa isang lalaki at babae. At isa pa ay may anak sila, kailangan iyon
upang mabuo ang kanilang pamilya. Hindi ko naman maiwasang mahabag sa aking
sarili.
"No Marianne, nag-usap na tayo sa
bagay na iyan di ba. At pumayag ka sa kasunduan natin."
"Hindi pa naman huli ang lahat,
saka namimiss kita eh, wala namang masama kung hindi ako sumunod sa
kasunduan."
"Ayoko Marianne" ang may
pailing-iling na sagot ni Kuya Carlo.
"Bakit Carlo, dahil ba sa kanya
ha!" ang napataas na tanong ni Marianne sabay turo sa akin. "Anong
gayuma ang ginawa sa iyo ng taong ito para magkaganyan ka?"
"Pwede ba wag kang mag-eskandalo
dito, tandaan mo na nandito ka sa opisina ko" may pormal na pagsagot ni
Kuya Carlo.
"Sagutin mo ang tanong ko, huwag
mong ilihis ang usapan."
Bumuntong hininga si Kuya Carlo bago
sumagot. "Wala kang pakialam sa buhay ko Marianne"
"Wala, ganoon na lang ba iyon.
Nasasabi mo pa yan matapos mong sirain ang buhay ko"
Hindi sumagot si Kuya Carlo. Yumuko
lang ito.
"Hanggang ngayon hindi pa rin ako
makapaniwala na pinagpalit mo ako sa taong tulad niya" si Marianne at
tumingin ulit sa akin.
"At ikaw, hindi ka ba nahihiya sa
sarili mo. Sayang, may itsura ka pa naman at maganda ang katawan pero may
pagkaberde pala ang dugo mo. Tama nga ang sabi ng iba na kabilang ka sa mga
salot sa lipunan."
Wala ako magawa sa mga oras na iyon
kundi manahimik na lang. Sa loob-loob ko ay gusto ko nang umalis sa lugar na
iyon at pumunta sa isang lugar na kung saan mailalabas ko ang aking sama ng
loob. Grabe ang naging epekto sa akin ng mga sinabi ni Marianne.
"Tumigil ka na Mariaane,
sumosobra ka na. Wala kang karapatang pagsalitaan si Rico nang ganyan!"
ang napapalakas na boses ni Kuya Carlo.
"Bakit hindi ba totoo na bakla
siya di ba Rico?"
Hindi ako makatingin ng deretso kay
Mariaane. Nanatili akong nakayuko.
"Marahil ngayon ay hiyang-kiya ka
sa sarili mo at narealize mo na ang iyong mga pagkakamali. Kaya kung ako sa iyo
ay magbago ka na. Maghanap ka ng taong karapat-dapat sa iyo hindi yung
mang-aagaw ka ng taong may responsibilidad na." si Marianne.
Pakiramdam ko ay sasabog na ang dibdib
ko sa sunud-sunod na patutsada ni Marianne sa akin. Kaya nagpasiya muna akong
umalis sa lugar, baka hindi ko na kayanin pa ang mga sasabihin pa niya.
Hindi na ako nakapagpaalam pa kay Kuya
Carlo, Mabilis akong lumabas habang naluluha. Hindi ko na alam ang direksyon na
aking tinatakbuhan pero isa lang ang
alam ko, gusto ko munag lumayo. Hanggang sa makarating ako sa isang childrens
playground. Umupo ako sa isang swing doon. Walang patid ang pagtulo ng aking
mga luha.
Nasa kasagsagan ako ng pag-iiyak nang
mapukaw ng aking atensyon ang mga masasayang batang naglalaro doon habang
nagbabantay sa kanila ang mga magulang nila. Muli ay naalala ko ang lahat ng
sinabi sa akin ni Marianne. Masakit man, pero wala akong naging pagtutol.
Walang patutunguhan ang relasyon namin ni Kuya Carlo. Si Marianne ang
karapat-dapat sa kanya, siya ang makapagbibigay at kukumpleto sa isang masayang
pamilya tulad ng nakikita ko ngayon.
Maya-maya isang kamay ang tumapat sa
aking mukha na may hawak na ice cream. Napatingin naman ako sa taong nagmamay-ari
nito.
"Gusto mo" ang sabi niya
nang tignan ko.
"Ikaw pala Jerome" sagot ko
sabay pahid ng mga luha sa aking mata.
"Kain ka muna pampalamig ng
ulo" Kinuha ko ang icecream sa kanya.
"Salamat." sabi ko sa kanya.
Umupo siya sa kabilang swing.
"Nakita kitang nagtatakbong
lumabas ng building kanina. Alam ko na sobra ang iyong kalungkutan. Kaya
sinundan kita. Maaari kang magshare sa akin, para mabawasan ang bigat na
nararamdaman mo."
"Jerome salamat sa malasakit. Isa
ka talagang mabuting kaibigan."
"Kaibigan lang, hindi ba pwedeng
bestfriend?" ang tanong niyang may halong biro. Napangiti naman ako sa
kanya.
Katahimikan ang namayani sa aming
dalawa ng mga oras na iyon habang kinakain namin ang ice cream. Alam ko na
naghihintay lang si Jerome na iopen ko sa kanya ang lahat ng nararamdaman ko.
Pero tumagal pa ito ng ilang minuto kaya siya na ang bumasag nito.
"Wala ka pa bang balak bumalik sa
opisina?" ang una niyang tanong sa akin.
Bumuntong hininga ako bago sumagot.
"Ako, hindi ko alam. Gusto ko muna dito magpalipas ng oras para
makapag-isip."
"Maaari ko bang malaman kung ano
ang mga iniisip moat saloobin mo, mas maganda kasi kung ilalabas mo yan. Tulad
ng sinabi ko kanina, maaari mong ibahagi sa akin yan."
Doon na ako naglakas loob na sabihin
sa kanya ang lahat ng nangyari. At sinimulan ko isalaysay sa kanya ang lahat
samantalang siya ay nakikinig lang. Matapos noon ay napaiyak na naman ako, pero
kahit papaano ay gumaan ang aking pakiramdam.
Bigla siyang tumayo sa swing at
nilapitan ako. Umupo siya nang bahagya sa tapat ko at pinahid ang aking mga
luha gamit ng kanyang daliri. "Ano na ang gagawin mo ngayon?" ang
sunod niyang tanong sa akin.
"Hindi ko pa alam. Naguguluhan pa
kasi ako sa mga nangyari eh" ang naisagot ko lang.
"Siguro, kailangan mo nang
dumistansya sa kanya. Alam ko na masakit ito para sa iyo dahil sa pagmamahal mo
sa kanya."
Napaisip ako sa payo niyang iyon sa
akin. Tama siya, ako na mismo ang dapat lumayo sa kanya dahil patuloy lang
akong masasaktan kung ipagsisiksikan ko pa ang sarili ko kay Kuya Carlo.
"Salamat Jerome."
Pinahid niyang muli ang natitirang
luha sa aking pisngi. "Ito lang ang maipapayo ko sa iyo bilang kaibigan,
gawin mong basehan ang mga nangyari sa
iyo para makabuo ka ng isang desisyon." Tumango lang ako sa kanya bilang
sagot.
Pagkatapos noon ay tumayo siya.
Hinawakan niya ako sa aking mga braso at hinila ako para tumayo rin.
"Tutal ay wala ka pang balak bumalik sa opisina , tara gumala tayo."
Napangiti naman ako sa sinabi niya.
Alam ko na gusto lang niya akong tulungan upang mapawi ang aking kalungkutan,
kaya pumayag ako.
Nagpunta kami sa isang SM mall sa
lugar na iyon. Habang naglilibot kami ay panay ring ang cellphone ko. Alam kong
si Kuya Carlo iyon kaya pinasiya ko munang patayin ito. Kumain kami sa isang
restaurant doon at pagkatapos ay sa Worlds of Fun. Maraming biniling token si
Jerome kaya halos lahat ng machine doon ay nalaro namin. At ang pinakahuling
ginawa ay ang pagkanta sa KTV booth.
Hindi na namin namalayan ang oras at inabot
kami ng gabi. Nagpasiya si Jerome na ihatid na lang ako sa amin.
"Jerome maraming salamat ah kahit
naubos ang pera mo" sabi ko sa kanya habang nakasakay kami sa jeep.
"Ok lang sa akin iyon. Bilang
bestfriend ay gagawin ko ang lahat upang sumaya ka sa abot ng aking
makakaya" ang sagot ni Jerome sa akin. Sinuklian ko siya ng isang matamis
na ngiti.
Pagkababa sa jeep ay sabay kaming
nagtungo ni Jerome sa aming bahay. Habang naglalakad ay panay ang kanyang
pagkukuwento at pagsasabi ng mga jokes. Mababaw lang naman ako kaya
napapatawa ako sa mga sinasabi niya
kahit na may pagkacorny ang mga ito. Hanggang sa makarating kami sa aming
bahay.
"Tara pasok ka muna" ang
paanyaya ko kay Jerome habang binubuksan ko ang gate.
"Sige" ang sagot niya at
sumunod sa akin.
Hindi pa man kami tuluyang nakakapasok
ay isang sigaw ang aking narinig mula sa labas.
"Rico!"
Napalingon naman kami sa
pinanggalingan ng boses. Biglang lapit naman ng taong ito at isang suntok ang
pinakawalan sa mukha ni Jerome na dahilan upang mapaupo siya sa semento.
"Bakit mo siya sinaktan?"
ang pahayag kong may bahid ng pagkabigla. Nilapitan ko si Jerome at inalalayang
tumayo.
"Dapat lang sa kanya yan, hindi
marunong tumupad sa usapan." ang maangas na sagot ni Kuya Carlo. Alam ko
ang tinutukoy niya ay ang pagdistansiya sa akin.
"Sa tingin mo may bisa pa ba ang
kasunduang iyon sa mga nangyayari ngayon kay Rico" ang biglang pagsabay ni
Jerome sabay punas ng dugo sa labi gamit ang kanyang mga kamay.
"Aba talagang ginagalit mo ako ha!"
Akmang susuntukin pa niya sana si Jerome nang harangan ko na siya.
"Pwede bang tumigil ka na. Wala
kang karapatan na saktan si Jerome dahil wala siyang ginagawang masama!"
"Wala, tignan mo nga ang ginagawa
niyang pang-aagaw."
"Hindi siya mang-aagaw,
dinadamayan lang niya ako sa mga problema ko."
"Bakit sa kanya pa, nandito naman
ako?"
"Dahil siya lang ang
nakakaintindi sa akin, at kahit kailan ay hindi pa niya sinaktan ang damdamin
ko di tulad mo."
Bigla namang lumabas si Nanay.
"Anong nangyayari rito?" ang nagtatakang tanong niya.
"Jerome, sabay ka muna kay Nanay
sa loob." ang utos ko sa kanya. "Nay pakigamot naman po siya"
ang pakiusap ko kay nanay.
"Huwag mong sabihin na pinagpalit
mo na ako sa kanya." ang medyo galit na tanong ni Kuya Carlo pagkapasok nina
Jerome.
"At kung sasabihin kong oo may
magagawa ka pa ba? Di ba wala? Sa tingin ko nga ay dapat na natin itigil ang
relasyon natin. Maghiwalay na lang tayo alang-alang sa pamilya mo." ang
deretsahang sagot ko sa kanya. Bigla naman akong nagkalakas ng loob na sabihin
ang mga bagay na iyon dahil sa nangyari kay Jerome.
"Masyado na akong nasasaktan sa
mga nangyayari. Narinig mo naman lahat ng mga sinabi ni Marianne sa akin
kanina. Binaba niya nang husto ang aking pagkatao at ako pa ang sinisisi niya
sa mga nangyayari sa iyo."
"Kung anuman ang mga sinabi ni
Marianne kanina ay ako na ang humihingi ng tawad" ang mahinahong pahayag
ni Kuya Carlo.
"Hindi mo kailangang gawin iyon
para sa kanya. Tama kasi siya. Alam kong mahal ka ni Marianne kaya ginagawa
niya ang mga ganitong bagay. Gusto lang niya na mabuo ang inyong pamilya.
Naiintindihan ko ang lahat ng ito kaya para sa ikaaayos ng lahat ay nararapat
lang na putulin ko na ang pakikipag-ugnayan sa iyo."
Bigla naman akong nakaramdam ng awa sa
sunod niyang ginawa. Yumakap siya sa akin at humagulgol.
Itutuloy. . . . . . . . .
No comments:
Post a Comment