by: Daredevil
Part 07
Nabigla naman ang mga kaibigan ko sa
pagsulpot ni Mike. Wala sa kanila ang makasagot ng tinanong niya. Ako naman
tuloy pa rin sa paghikbi habang nakayakap kay Bea.
"Ano na Ric, sagutin mo ang
tanong ko?" si Mike na medyo mataas naang boses. Dahil nasa labas kami
nakaupo, di maiwasang magtinginan ang mga taong nakaupo rin at ang mga
naglalakad.
"Althea, Nica, iwan ko muna sa
inyo saglit si Ric, mag-uusap lang kami ni Mike sa labas." si Bea.
"Sige friend" pagsangayon nila.
"Halika Ric dito ka muna sa amin,
kasi naman tong si Bea, sa susunod kasi kape na lang iinumin natin wala nang
magdadala ng alak. si Althea.
"Sus kung makapagsalita ito eh
umiinom din naman kayo. Tara na nga Mike, labas muna tayo, may pag-uusapan tayong
mahalaga." yaya ni Bea kay Mike.
Hindi ko alam ang mga pinag-usapan ng
dalawa. Inaalok din ako ng kape ng dalawa pero dahil na rin sa kalasingan, hilo
at antok, nakatulog na ako.
Kinabukasan, nagising ako dahil may
nakapa akong tao sa tabi ko. Nang idilat ko ang mata ko, napatayo ako dahil
katabi ko si Mike, nakahubad pang-itaas at nakaboxer shorts. Mahimbing parin
ang tulog niya. Pilit kong inaalala ang mga nangyari kagabi. Tama, nag-inuman
kami magbabarkada tapos bigla siyang sumulpot. Hindi ko na alam ang mga sumunod
na nangyari.
Hihikab-hikab akong tumayo sa higaan
para maghanda sa pagpasok sa opisina. Pumunta ako ng banyo para maghilamos at
magsipilyo nang mapatingin sa salamin, napasigaw ako. Iba na ang suot kong
damit. Dahil doon nagising si Mike at kinatok ako sa banyo.
"Ric, ok ka lang, ano nangyari sa
iyo, buksan mo ang pinto." si Mike.
"Wala ito, sige a....ayos lang ako." sabi ko.
"Sigurado ka, bababa lang ako
para magluto ng breakfast natin" si Mike.
Hindi na ako sumagot sa kanya sa halip,
tinuloy ko na lang ang aking ginagawa. Naisip ko na baka pinagsamantalahan ako
ng mokong, tsinansingan ako. "Arrrrhhh, hindi iyon maaari straight
siya" ang napailing-iling kong sabi sa sarili ko.
Pagkatapos, bumaba na rin ako para
mag-agahan. Umupo muna ako sa sofa habang naghihintay ng pagkain. Habang
nagluluto siya sa kusina, iniisip ko naman ang mga nangyari. Bakit katabi ko si
Mike? Siya ba ang nagpalit ng damit sa akin? May Nangyari ba sa amin? Ah ewan.
Kaya napagdesisyunan ko na tanungin siya . Makaraan ng halos 30 minuto, tinawag
na niya ako para kumain.
"Ric, ok ka na ba?" si Mike
na may tono ng pag-aalala habang kumakain.
"Ayos lang pero mas magiging ok
ako kapag umalis ka na" sabi ko dahil sa naalala kong eksena kahapon.
Nahiwagaan ako sa mga sunod na ginawa
niya, nakatitig lang siya sa akin. Hindi ko naman magawang basahin sa mata ang
mga iniisip niya. Maya-maya, huminga siya ng malalim at nagsalita.
"Alam ko ang iniisip mo. Yung
pagtabi natin sa kama at ang pagpalit sa
damit mo." Aaminin ko, ako ang nagpalit ng damit mo, nasukahan mo kasi ito
e, hanggang doon lang, wala na ko ibang ginawa sa iyo." paliwanang niya.
"Buti naman kung ganoon"
tugon ko sabay subo ng kinakain.
"Siyempre mataas ang respeto ko
sa iyo. Gagawin ko lang ang bagay na iyon sa taong malakas ang loob ipagtapat
ang tinatago nitong damdamin sa akin." si Mike.
Parang patama sa akin ang sinasabi
niya pero di ko pinahalata na affected ako at tinuloy ang pagkain.
"Ric, alam ko na ang totoo sinabi
na ni Bea ang lahat sa akin. Naiintindihan ko ang sitwasyon mo." si Mike.
Bigla ulit akong naluha sa mga sinabi
ni Mike. Naalala ko bigla ang lahat ng
kamalasang nangyari sa akin.
"Ngayong alam mo na, dapat layuan
mo na ako." sabi kong naluluha.
"Hindi, hindi ko gagawin iyon.
Ric, alam kong natatakot ka lang masaktan kaya pinagtatabuyan mo ako. Pero
sasabihin ko sa iyo, naiiba ako sa kanila. Puputulin ko na ang mga sunud-sunod
mong kamalasan." sabi niyang naluluha na ikinagulat ko.
"Aaminin ko nung una nasasaktan
na ako sa mga ginagawa mong pagdistansya sa akin. Hindi mo pinahahalagahan ang
mga ginagawa ko sa iyo.At ngayong nalaman ko na
ang lahat, naiintindihan ko na kung bakit mo ginagawa sa akin ito. Sana
Ric, bigyan mo ako ng pagkakataong patunayan na di ako tulad ng mga nauna mong
nakarelasyon." dagdag ni Mike sabay hawak sa kamay ko.
Gusto ko nang bumigay ng mga oras na
iyon. Kitang-kita ko ang sincerity sa mga sinasabi niya. Hindi ko na talaga
napigilan ang pagtulo ng aking mga luha. Tuluyang napahagulgol na ako sa mesa.
Tumayo naman si Mike sa kinauupuan at lumapit sa akin. Napayakap ako sa kanya.
"Pasensya ka na sa mga nagawa ko,
natatakot lang kasi akong masaktan ulit. Masyado na akong nadala e. Mahal Kita
Mike." sabi kong habang umiiyak na nakayakap as kanya.
"Ang sarap naman pakinggan. Mahal
na mahal din kita, simula ngayon magiging masaya ka na" si Mike na medyo
ngumiti na at hinaplos ako sa likod habang nakayakap sa kanya.
"Tama na yan parang nagiging
korni na eh. Masyado na tayong matanda para magemote nang ganito." sabi
kong nakangiti na rin. Kumalas na ako sa pagkayakap niya at nagpunas ng luha.
"Ikaw lang naman ang nag-eemote
dyan." si Mike sabay batok sa akin.
"Bilisan na natin, malalate na
ako sa work." sabi ko.
"Huwag ka munang pumasok ngayon.
Tara pumunta tayo ulit ng Tagaytay." ang biglang pagyaya niya sa akin.
"Ngayon na ba, ang dami kong
trabaho ngayon sa office e"ang pagulat kong tanggi sa kanya.
"Magpahinga ka naman, dapat
binibigyan mo ng oras ang sarili mo na makapag-enjoy kahit minsan, lalo mo lang
pinabibilis patandain ang sarili mo e dahil sa kakaisip sa trabaho." si
Mike.
"Matanda ka diyan, hindi pa ano.
Saka magkasing edad lang tayo? sabi ko sabay batok sa kanya para makaganti.
"Mas gwapo naman ako sa iyo"
si Mike sabay kindat at pose ng papogi sign.
"Ay ang lakas ng hangin dito
grabe" ang reaksyon ko sa kanya sabay paypay ng kamay.
"Ah basta sasama ka sa akin
whether you like it or you like it." si Mike.
"Sige na nga sasama na ko"
pagpayag ko narin. Alam kong hindi naman ako mananalo sa kumag na ito.
______________________________________________
Sa totoo lang gusto ko na rin balikan
ang isang magandang alaala, ang Tagaytay. Dito ako unang dinala ni Mike noong
college days namin. Naalala ko, isang hapon oras ng uwian, sabay kaming umuwi
gamit ang kanyang kotse. Nakatulog ako habang nagmamaneho siya at paggising ko
ay nandun na kami.
"Saan mo ako dinala, hindi ito
ang bahay namin" ang naiinis ko nang sabi kay Mike.
"Pwede bang huwag kang
sumimangot, papangit ka nyan e. Tara baba ka na." si Mike.
Habang nakaupo sa damuhan, tumabi
siya sa akin, inakbayan niya ako.
"Alam mo Ric, ikaw pa lang ang
unang taong dinala ko dito. Alam mo paborito ko itong lugar. Dito ako
nakakaramdam ng kasiyahan at kapayapaan." si Mike.
"Talaga, maniwala ako sa iyo
kahit girlfriend mo, sa guwapo mong iyan? ang di ko naniniwalang sagot sa
sinabi niya.
"Wala pa kong girlfriend, pero
meron na kong napupusuan" seryosong sagot niya na nakatingin lang sa
malayo.
"Sino naman iyon?" ang
pagkacurious kong tanong.
"Hindi ko muna sasabihin baka
kasi mabigla siya at lumayo kasi kakakilala pa lang namin" sagot niyang
nakatingin na sa akin.
"Napakaswerte naman ng taong
iyon" sagot ko.
"Mas swerte ako sa kanya, siya
ang nagbigay ng sobrang saya sa akin" nakangti niyang tugon. Hay
nakakatunaw na talaga ang ngiti niya pati ang mata grabe pero di ako
nagpahalata.
"Ah ganun ba. Hmmm.... salamat
nga pala at dinala mo ako dito. First time ko lang makapunta sa ganitong
lugar." ang sabi ko na nakatingin lang sa kanya.
"Hayaan mo, babalik tayo dito sa susunod"
si Mike na nakangiti pa rin.
"Alam mo Mike, hanggang ngayon di
pa rin ako makapaniwala na magiging close bestfriends tayo." ang bigla
kong nasabi habang nagpupulot ng maliliit na bato at hinahagis palayo.
"Destiny sa atin iyon na
paglapitin tayo" sagot niya.
"Naniniwala ka ba sa ganoon"
tanong ko.
"Oo naman, at kita mo, compatible
tayong dalawa" sagot niya.
"Compatible ka dyan, ahm Mike,
may gusto lang ako itanong sa iyo. Bakit ang bait mo sa akin tapos sa dami ng
mga tao sa paligid mo, ako ang napili mo maging bestfriend?"
"Sa totoo lang marami naman akong
kaibigan, pero iba kasi ang dating mo sa akin, nabanggit ko na rin ito sa iyo
sa chat natin nung nagpapanggap ka. Hindi ko maintindihan, basta ang gaan ng
loob ko sa iyo." si Mike habang hinahaplos ang ulo ko.
"Ric pwede request" si Mike.
"Ano iyon?" tanong ko.
"Pwede bang pahiga ako sa hita mo
sige na" si Mike.
"Iyon lang ba sige" pagpayag
ko.
Humiga na siya sa damuhan na ang ulo
ay nakapatong sa hita ko. Hinaplos-haplos ko naman ang buhok niya habang
nakapikit siya. Kaming dalawa lang ang nasa lugar na iyon kaya pakiramdam ko
solo namin ang daigdig. Doon ko nalaman sa sarili ko na mahal ko na siya. Ang
tanong ganoon din kaya siya sa akin? Ako kaya ang sinasabing napupusuan niya?
___________________________________________
At ngayon makalipas ang mahigit 8 taon
niyang pagkawala, nasagot na ang matagal ko ang tanong na iyon. Mahal din ako
ni Mike. Masaya ako dahil magkakasama ulit kami na babalikan ang magandang
alaala, ang Tagaytay.
Itutuloy. . . . . . . . .
Part 08
Naglakbay kami ni Mike papuntang
Tagaytay. Pakiramdam ko ako na ang pinakamasayang tao sa mundo dahil naranasan
ko na ang mahalin ng totoo. Habang nagbibiyahe, di ko maiwasang mapangiti.
Napansin ito ni Mike.
"Babe, sana lagi kang ganyan, ang
sarap mo kasing tignan, lumalabas ang pagkacute mo" si Mike habang
nagmamaneho.
"Bolero, saka wag mo nga akong
matawag-tawag na babe, naiilang ako" sagot ko.
"Nag-umpisa ka na naman, ano
gusto mo ang buo mong pangalang pangmatanda ang itawag ko sa iyo hehehehe"
si Mike na natatawa.
"Ang yabang mo naman palibhasa
maganda ang pinangalan sa iyo" sabi ko sabay hampas sa kanya sa braso.
"Hindi lang maganda ang name,
cute pa diba tulad ko tsk" sagot niya na nagpapogi sign pa at kumindat.
"Ay, patingin naman ng tiyan mo
baka kinabagan ka na saka yung ulo mo baka lumaki na yan dahil sa dami ng
hangin" biro ko sa kanya. May karapatan naman talagang magmalaki ang
mokong na ito. Natatawa lang siya.
Pagkaraan ng mahigit 5 oras na biyahe,
nakarating na kami sa aming destinasyon. Wala pa ring nagbago sa lugar na iyon
maliban na lang na mas marami ang tao ngayon.
"Maraming tao ngayon ah, tara
sunod ka sa akin" sabi niya sabay hawak sa braso ko. Kahit nagtataka
sumunod na ako sa kanya. Dinala lang pala niya ako sa isang lugar na kung saan
walang tao para makapagsolo kami. Umupo ulit kami sa damuhan habang
pinagmamasdan ang kagandahan ng paligid.
"Babe, salamat at tinanggap mo na
ulit ako" si Mike na humawak sa kamay ko.
"Sana lang hindi ako nagkamali sa
desisyon ko na magpatukso sa iyo" sagot ko.
"Huwag mo naman agad akong
husgahan, hayaan mong ipakita ko sa iyo ang totoo kong pagmamahal." si
Mike na hinawakan ang pisngi ko.Napatitig na lang ako sa kanya. Maya-maya
nilapit niya ang mukha sa akin at naramdaman ko na lang na dinampi niya ang mga
labi niya sa akin.
Sa kauna-unahang pagkakataon,
naranasan ko na rin ang mahalikan na hindi pa nangyari sa lahat ng mga
nakarelasyon ko. Masaya ako dahil galing pa ito sa taong una kong minahal. Siya
ang unang kumalas.
"Alam kong di ka pa nahahalikan,
kaya ako ang nagbigay sa iyo ng first kiss" si Mike na nakangiti sa akin.
Nahita naman ako sa mga sinabi niya.
"Umpisa pa lang iyan ng
pagpapakita ko sa iyo ng aking pag-ibig. Babe, unat mo ulit ang binti mo"
si Mike.
Tulad ng dati humiga pa rin si Mike sa
damuhan na ang ulo ay nakapatong sa aking mga binti. Hinaplos-haplos ko naman
ang buhok niya atdi maiwasang pagmasdan ang mukha niya habang nakapikit. Maamo
ito at hindi talagang nakakasawang tignan. Perpekto talaga kahit pa medyo
nagkakaedad na. Nasa kasagsagan ako ng pagtitig sa kanya nang bigla akong
nagulat dahil sa pagdilat ng mata niya.
"Baka naman malusaw na ang mukha
ko sa sobrang titig mo" si Mike na nakangiti lang.
"Hindi ako nakatingin sa iyo
ano" nauutal kong sagot sa kanya.
"Bakit nagsisinungaling ka pa,
sige lang tignan mo ako nahihiya ka pa" si Mike na umayos ng higa at
pumikit ulit.
Inabot na kami ng dilim sa ganoon
posisyon. Siya na rin ang tumayo at niyaya akong tumuloy muna sa isa niyang
kaibigan malapit lang dito.
"Ngayon ko lang nalaman na may
kakilala ka pala dito" sabi ko sa kanya habang nasa loob kami ng kotse.
"Oo, isa siya sa mga matalik kong
kaibigan." sagot niya habang nagmamaneho.
"Ah, gaano na kayo katagal
magkakilala? ang natanong ko.
"Magkababata kami, nagkalayo lang
kami ng landas nang lumipat sila dito." sagot niya.
"Ibig sabihin, kilalang-kilala
niyo na ang isat-isa." sunod kong tanong.
"Siyempre naman, alam ko nga ang
lahat ng mga pinagdaanan niya sa buhay" sagot niya.
"Bakit naman sila nalipat
dito?" ang nacurious kong pag-follow up.
"Sa America sila lumipat nung una
sa tulong ng mayaman nilang kamag-anak. Sa pagkakaalam ko, inilayo siya ng mga
magulang niya dahil nagmahal siya sa kapwa lalaki."
"Ano, tama ba ang narinig ko
kapwa lalaki?"
"Oo, 3 taon na ang nakakaraan,
umibig siya sa kanyang boss. Mula nang tanggapin siya nito sa kanyang kumpanya,
doon na umusbong ang pagmamahal niya dito. Bilib na bilib kasi siya sa boss
niya dahil sa napakatalino nito at hardworking. Nagawa niyang paunlarin ang
kompanya sa bata niyang edad. Mabait daw ito sa kanya kaya naging sila. Nang
malaman ito ng mga magulang niya, agad silang pinaghiwalay at nangibang bansa.
Sobrang lungkot niya dahil hindi siya nakapag-paalam sa boss niya. Hanggang
ngayon mahal pa rin niya ito kaya siya bumalik dito ngayong taon. Kung sakaling
magkita ulit sila, hindi na niya hahayaang mawalay pa ulit ito sa kanya.
"Ah ganun pala iyon" naalala
ko tuloy ang ginawang pagtatakwil sa akin ng aking pamilya. Ito ang ginawa kong
inspirasyon para magsumikap. Nagpapasalamat ako sa Diyos dahil nagbunga ang
aking mga paghihirap.
Makalipas na ang halos isang oras na
biyahe, nakarating na kami sa bahay ng sinasabi niyang kaibigan.
"Ito na ang bahay niya, alam mo
ba na ang boss niya dati ang naging inspirasyon niya para magsumikap din. Bilib
ako sa kanya" si Mike habang nakaakbay sa akin na naglalakad papasok ng
gate. Nagsimula na siyang kumatok. Isang matandang babae na nasa 40 pataas na
ang edad ang nagbukas nito.
"Ah Sir Mike, kumusta bigla kang
napadalaw, sigurado akong matutuwa ang amo ko sa iyo. Hindi ka pa rin nagbabago
gwapo ka pa rin. Sino naman yang kasama mo, aba kay gwapo rin nito?" sabi
ng matandang babae.
"Ah si Ricardo nga pala yaya.
Ric, si Yaya Rosie nga pala" si Mike. Nakipagkamay ako sa kanya.
"Halika pasok, maupo muna kayo sa
sala. Tatawagin ko lang si sir nasa taas kasi siya e. Paghahandaan ko na rin
kayo ng hapunan." si yaya Rosie.
"Sige po yaya." si Mike.
Mahigit limang minuto na rin kaming
nakaupo ni Mike nang marinig kong may nag-uusap sa may kusina.
"O mabuti sir bumaba na kayo,
kanina pa kayo hinihintay ni Sir Mike at may kasama siya." boses ni Yaya
Rosie.
"Sige, puntahan ko na sila"
narinig kong sagot ng kanyang amo. Bigla naman akong kinabahan sa narinig kong
boses. Parang pamilyar kasi sa akin iyon. Maya-maya humarap na sa amin ang
sinasabing kaibigan ni Mike.
Laking gulat ko nang makita ko kung
sino ito.Isang taong kilalang-kilala ko.
"Hindi ito maaari" ang
nasabi ko sa sarili ko.
Itutuloy. . . . . . . . .
Part 09
Parang nagbalik lahat sa akin ang
nakaraan sa biglang pagsulpot ng isang bahagi nito, si Allan. Halos hindi ako
makapaniwala sa laki ng mga pagbabago sa kanya. Sa itsura pa lang, mas lalo
siyang naging makisig pero ganoon pa rin ang mata niyang naging dahilan para
maakit ako sa kanya. Hindi ko akalain na ang dating empleyado ay isa na ngayong
mayaman.
"Ric, parang natulala ka diyan,
may problema ba?" si Mike na napuna ang sobra kong pagtitig sa kaibigan
niya. Naupo naman kaming tatlosa sofa.
"Ah, wala naman hehehe"
sagot ko sabay tawa para di mahalata na nagsisinungaling ako.
"Ok., by the way Ric, ito si
Allan, Allan si Ricardo siya yung lagi kong kinukwento sa iyo." ang
pagpapakilala sa amin ni Mike.
"Hello Ricardo nice to meet
you," si Allan sabay nag-abot ng kamay. Nang magkamay kami, muli
naramdaman ko ang lambot ng kanyang mga palad.Ngumiti naman siya sa akin.
"Allan, makikituloy sana kaming
dalawa dito kahit ngayong gabi lang, ginabi kasi kami e" si Mike.
"Oo naman walang problema kahit
ilang araw niyo pa gusto" ang sagot niya sabay tingin sa akin. Nabigla
naman ako sa mga narinig kong pinagsasabi niya. Ano kaya ang ibig niyang
sabihin?
"Hindi pwede e, kasi marami pang
trabaho itong kasama ko bukas hardworking kasi siya , alam mo bang nagmamay-ari
na siya ng isang kompanya sa Makati?" si Mike.
"Talaga, iyan ang gusto ko sa
tao" si Allan na nakatingin sa akin. Ako naman umiiwas sa kanya para di
makahalata si Mike. Ewan ko parang may patama ang mga sinasabi niya.
"Tama ka, kaya maswerte ako sa
kanya, masaya ako dahil nakuha ko na ang loob niya sa wakas" si Mike sabay
akbay sa akin. Kita ko ang biglang pagbabago ng mukha ni Allan.
Maya-maya tinawag na kami ni Yaya
Rosie para maghapunan. Lahat naman kami ay pumunta na sa dining room. Habang
kumakain biglang may sinabi si Allan sa akin ikinagulat ko.
"Ricardo, nagustuhan mo ba dito sa
aking bahay? Alam mo ba na isa lang ito sa bunga ng aking mga pagsisikap, kaya
laking pasasalamat ko sa aking inspirasyon. si Allan habang kumakain. Nasamid
naman ako sa narinig sa kanya.
"Oh ayos ka lang Ric, ito
tubig" si Mike.
"Oo, ayos lang ako naubo
lang" sagot ko. Napatingin naman ako kay Allan at nakita ko ang seryoso
niyang tingin sa amin. Tinuloy na namin ang pagkain.
"Allan, ano na balita sa iyo,
nakita mo na ba kayo ulit ang iyong first love?" ang pangangamusta ni Mike
habang kumakain. Nagkatinginan kami ni Allan sa isa't-isa.
"Oo, alam mo ba nung pagkakita ko
sa kanya, lalong tumindi ang pagmamahal ko sa kanya" ang sagot niyang
nakatingin sa akin. Sa sinabi niya pakiramdam ko nangamatis na ang mukha ko sa
sobrang pamumula. Hindi ko na tuloy naayos ang aking pagkain. "Ano ba ang
pinagsasasabi nito?" ang tanong ko sa sarili.
"Ahh, ayos iyan, so ano na ang
balak mo? si Mike.
"Siyempre hindi ko na siya
pakakawalan pa, at susuyuin ko ulit siya." sagot ni Allan na hindi
maalis-alis ang tingin sa akin.
"Teka Mike, CR lang ako
saglit" ang paalam ko sa kanya dahil sa hindi ko nakakaya ang mga sinasabi
ni Allan. Sa loob ng CR, naghilamos ako ng mukha at tumingin sa salamin.
"Bakit ganito kung kailan
nagsisimula nang maging maayos ang buhay ko? Saka babalik ang isang bahagi ng
aking nakaraan na muling nagbibigay tukso na minahal ko rin dahil sa kanyang
kabaitan, naguguluhan na ako!" ang sabi ko sa sarili.
____________________________________________
Naalala ko ang unang araw nang
makilala ko si Allan 5 years ago. Dahil sa bagong tayo ang aking kumpanya kaya
naghire ako ng mga tauhan. Ako mismo ang nagiinterview sa kanila. Isang buwan,
pagkahiwalay namin ng isa kong karelasyon, pumunta siya sa office ko upang
mag-apply ng trabaho. Nang una ko siyang
makita aaminin kong naakit ako sa kanya. Gwapo kasi ito sa kanyang suot na dark
fit polo shirt at itim na pantalon. Lahat na yata ng katangian ng isang
magandang lalaki ay nasa kanya na.Sayang nga lang at mahirap siya. May
katamtamang pangangatawan siya at ang mga ngiti talagang magagayuuma kung sino
man ang makakita sa kanya. Nang tignan ko ang kanyang resume at iba pang
credentials, nabigla ako dahil isang dyanitor ang inaaplayan niya di angkop sa
itsura niyang pangmodelo at artistahin ang dating at sa academic perfromance sa
kolehiyo.
"Ok, Mr. Buencamino I think that
the position youre applying is not
suitable for you." ang sabi ko sa kanya.
"I know that sir but I will take
it as a challenge for myself" ang derestong sagot niya sa akin.
" I appreciate your determination.
Ok Youre hired." ang nasabi ko agad sa kanya dahil na rin siguro sa awa sa
kalagayan niya isa pa ang sagot na challenge sa kanya ang trabahong iyon.
"Thank you so much sir," ang
nagagalak niyang pagpapasalamat sa akin. Nang magkamay kami, may bigla naman
akong naramdamang kakaiba sa palad niya. "You may start tomorrow thats
all" ang pagtatapos ko ng aming usapan.
Kinabukasan nagsimula na siyang
magtrabaho kasama ang iba ko pang na hire na tauhan. Siyempre inoobserbahan ko
sila. Napapansin ko ang pinapakitang kasipagan ni Allan sa trabaho. Nakakatuwa
siyang tignan kasi kahit mahirap ang ginagawa niya nakangiti pa rin siya. Lalo
namang tumindi ang nararamdaman ko sa kanya. Lumipas na ang dalawang buwan na
ganoon pa rin siya sa trabaho.
Isang araw, pagkapasok ko ng office
galing sa meeting ay nandun siya na naglilinis.
"Good Afternoon sir" ang
nakangiti niyang bati sa akin. Medyo nabawasan naman ang pagod ko sa bati niya
na nakangiti. Sinuklian ko naman siya ng ngiti rin. Dahil sa ginawa niya di ko
maiwasang tignan siya. Nang mapansin niya sigurong nakatingin ako sa kanya
bigla siyang nagsalita.
"Sir baka naman malusaw na ako sa
pagtitig niyo sa akin" ang natatawang sabi niya sa akin. Bigla ko namang
binawi ang tingin ko dahil sa pagkapahiya. Binuklat ko na lang ang mga papeles
ko sa mesa. Maya-maya nagulat ako sa mga sumunod niyang sinabi.
"Sir huwag po sana ninyong
mamasamain, napapansin ko kasing malungkot kayo e kita sa mga mata ninyo."
si Allan. Magaling pala itong manghula. Tama siya kahit pilit kong pinapakita
na masaya ako nakikita pa rin ang aking pagkamalungkutin mula sa pagtatakwil sa
akin ng pamilya, hanggang sa pag-iwan ng mga taong nakakarelasyon ko.
"Salamat, huwag kang mag-aalala
sa akin ok lang ako. Sige tapusin mo na ang paglilinis" ang sagot ko sa
kanya.
"Last na po ito sir. Alam ko pong
tungkol sa pag-ibig ang problema ninyo
base sa mga naririnig ko sa iba. "Nais ko lang pong sabihin na parte po ng
pag-ibig ang masaktan dahil doon sinusukat ang katatagan ng isang tao. Pero
huwag po kayong mawawalan ng pag-asa dahil darating din sa tamang panahon ang
taon magmamahal ng tapat sa inyo, malay mo po nasa tabi-tabi lang siya" si
Allan. Medyo naliwanagan naman ang isip ko sa mga sinabi niya. Kahit papaano
nagkaroon ako ng pag-asang makakatagpo ng tunay na pag-ibig sa hinaharap.
"Salamat ulit sa mga sinabi mo
Allan" sabi kong nakangiti sa kanya.
"Ako nga po dapat magpasalamat sa
paghire sa akin dito, nahihirapan po kasi akong maghanap talaga ng trabaho e, first
year college lang ang inabot ko hindi ko pa natapos dahil nahihirapan na si
Inay. Hindi naman kami matulungan na ng mga maykaya naming kamag-anak dahil sa
laki ng utang namin sa kanila. Saka iniidolo po kita dahil sa napakabata mong
edad ay nakakapagmanage ka na ng isang kompanya." ang deretsahang sabi ni
Allan. Hindi ko naman maiwasang maluha.
"Tama na iyan, baka mauwi pa ito
sa iyakan" ang sabi kong nagpupunas na ng luha.
Doon pa lang sa sitwasyon na iyon ng
pagpapakita ng kanyang positibong pananaw nabatid ko sa sarili na mahal ko na
siya.
_____________________________________________
Nasa kasagsagan ako ng pag-aalaala sa
nakaraan namin ni Allan nang biglang nakarinig ako ng pagkatok.
"Ric, ayos ka lang ba buksan mo
ang pinto" boses ni Mike na nag-aalala na sa akin. Inayos ko na ang aking
sarili at binuksan ang pinto para harapin siya.
"Tara na, nagbawas lang ako
hehehe" ang nakangiti kong sagot sa kanya upang maitago ang totoo kong
emosyon.
Itutuloy. . . . . . . .
allaboutboyslove.blogspot.com
No comments:
Post a Comment