Wednesday, December 19, 2012

Mahal Kita (14)

by: Daredevil

"Akyat na muna ako sa taas" ang sabi ko sa kanilang dalawa para lang makaiwas sa kung anumang usapan na mangyayari sa aming tatlo. Nagmadali akong tumungo sa aking kwarto nang hindi nakatingin sa kanila.

Habang nakahiga sa aking kama, inaalala ko ang huling pahayag ni Tonton sa akin. "Ano kaya ang sasabihin niya na dapat kong malaman?"
Pilit akong nag-aanalyze sa kung anong maaaring sabihin niya sa akin. "Baka gusto niyang ipaalam na may iba siyang girlfriend na naiwan sa probinsya. Posible iyon kung ang pagbabasehan ko ay ang kwento sa akin ng nanay niya.

Pero hindi eh, may sinabi siya sa aking ang manhid ko daw. Baka naman... ARHHHH!!!! mali iyon imposible hindi pwede, babaero siya at straight. Malabo pa sa sikat ng buwan." . Hinablot ko na ang sarili kong buhok ng dalawang kamay sa sobrang gulo ng aking kautakan. Parang tanga na akong kinakausap ang aking sarili.

Nagpasiya akong maligo, nagbabakasakaling maging fresh ulit itong isip ko. Pagkatapos ay nagbihis lang ng sando at boxer short at binuksan ang aking laptop para maglaro.

Pagkaraan ng ilang minuto "Josh, halika na handa na ang meryenda" si Tonton habang kumakatok sa pintuan.
"Busog pa ako" ang sagot ko sa kanya. Pero sa totoo lang ay nakakaramdam na rin ako ng gutom. Ayaw ko muna kasi siyang kausapin.
"Alam kong nagugutom ka na, umiiwas ka lang sa akin eh, Josh wag ka naman ganyan sa akin" ang narinig ko pang sinabi niya. Aba ang galing naman niya manghula kung ano ang nasa isip ko.
"Inamin ko naman sa iyo ang lahat ah. Bakit galit ka pa rin sa akin?" ang dagdag niya.

Parang naawa naman ako sa kanya. Naririnig ko kasi ang pagsusumamo sa kanya base sa tono ng kanyang boses. Hindi ako sumagot.
"Josh, talaga bang hindi ka bababa, sige dadalhan na lang kita ng pagkain dito." ang sabi pa niya.
"Wag ka nang mag-abala pa. Busog pa talaga ako. Hindi na rin ako kakain hanggang mamaya." ang sagot ko sa kanya.
"Umiiwas ka lang talaga sa akin eh. Sige aalis muna ako" ang huli niyang pahayag.

Dahil sa nangyaring iyon ay mas lalong gumulo ang utak ko. "Bakit ganoon na lang siya kaapektado kapag iniiwasan ko siya?" ang tanong ko sa aking sarili.

Sumapit na ang gabi na naroroon pa rin ako sa aking kwarto. Hindi na ako makapagconcentrate sa aking nilalaro dahil sa pagkalam ng aking sipmura. Magkagayunpaman ay pinalipas ko muna ang oras ng hapunan para hindi ko makita ang mag-ina.. Hihintayin ko muna silang umuwi bago ako bumaba para kumain.

Alas-dose na nang madaling araw, halos pitong oras na akong nandito sa kwarto at nagtitiis ng gutom. Nagpasiya na akong puminta sa kusina para kumain tutal nakauwi na rin sila.

Pagbaba, ay agad kong binuksan ang ilaw ng dining area para tignan kung may mga nakatakip na pagkain doon. Ngunit wala akong nakita kaya dumeretso na ako sa kusina. Binuksan ko ang refrigerator at nakita kong may hotdog. Nagpasiya akong lutuin ito.

Abala ako sa pagbabaliktad ng hotdog sa kawali nang biglang...

"Hoy sino ka? Hoy! Hoy! alisin mo nga yang kamay mo ano ba wla akong makita?" ang galit at gulat kong sambit sa taong biglang nagtakip sa aking mga mata mula sa taong nasa likod ko.
"Tama nga ang hinala ko, hindi ka makakatiis nang hindi kumakain."

Agad kong nabosesan kung sino iyon. "Ikaw pala Tonton, pwede bang alisin mo na yang mga kamay mo masusunog na itong niluluto ko!" ang sabi ko sa kanya. Inalis na rin niya ang mga kamay sa mga mata ko.

"Bakit nandito ka pa?" ang tanong ko sa kanya.
"Nagpaiwan ako dito nagbabakasakaling bumaba ka. Pinauna ko nang umuwi si nanay. Tama ako sa aking hinala. Sige ituloy mo muna yang pagluluto mo." ang nakangising sabi niya sa akin.
_______
 Medyo naiilang ako sa ginagawa niya. Habang kumakain kasi ako ay pinapanood niya ako. Nakaupo siya sa tapat ko.
"Bakit ganyan ka kung makatingin?" ang tanong ko.
"Wala lang. Ang cute mo kasi. Kaya hindi na nakakapagtaka kung kutyain ka ng mga kaklase natin."

Kikiligin na sana ako nang biglang magpanting ang tenga ko sa mga huling sinabi niya. "Ano ibig mong sabihin?"
"Unang pa lang kita nakita, alam mo ang gaan na ng pakiramdam ko sa iyo" ang sagot niya sa akin.

Tumingin ako sa kanya, tila tinatantsa kung nagsasabi ba siya ng totoo. At base sa aking obserbasyon sa kanyang mukha ay gusto ko nang maniwala na seryoso siya sa kanyang pahayag.Ngunit hindi ko naman isinasantabi ang posibilidad na nagbibiro lang siya para mawala ang galit ko sa kanya.

"Magaling ka palang mang-uto ano, kung yan ang mga paraan mo para hindi na ako mainis sa iyo ay nagkakamali ka."

Aktong susubo na ako ng pagkain ng mapahinto ako sa pag-abot niya sa kaliwa kong kamay at hinawakan niya ito ng kanyang mga palad.
"Alam mo Josh sa maniwala ka man o sa hindi mula nang dumating kami sa pamilya niyo, pinag-aaralan ko na kung paano ako makikibagay at makikisalamuha sa inyo lalo na sa iyo. Sobrang napakabait ng mga magulang mo at nagpapasalamat ako  dahil itinuring nila kami ni nanay isang kapamilya. At sa tingin ko ay ganoon ka rin. Kaya kahit kailan ay hinding-hindi ako gagawa ng isang bagay na ikasisira ng tiwala o magdudulot ng kalungkutan sa inyong pamilya lalo na sa iyo Josh."

Ewan ko ba parang lumalambot na ang puso ko sa kanyang mga rebelasyon. Sa ilang buwan na naming magkakilala ay wala akong natatandaang gumawa siya ng bagay na ikinagalit o ikinalungkot ko. Yung nararamdaman ko ngayon ay dahil lang sa pakikisimpatya sa mga nangyari kay Trisha.

Napatuloy siya. "Nung unang araw na ipakilala ka sa akin ng mga magulang mo, alam ko na agad ang iyong totoong pagkatao kahit pa na tinatago mo ito. Kaya nga ang sungit mo as akin diba." bahagya siyang natawa. "Kasi sa itsura mo pa lang at pagkilos. Kahit na ganoon ka as akin eh pinipilit kong mapalapit sa iyo dahil aaminin ko na masaya ako kapag kasama kita. Kailanman ay hindi nag-iba ang pagtrato ko sa iyo, alam mo yan."

Tuluyan na akong nawalan ng ganang kumain sa mga sinabi niya. Lalo yatang umusbong ang nararamdaman ko para sa kanya dahil sa pinakita niyang kabaitan sa akin. Naramdaman kong lalo pang humigpit ang paghawak niya sa aking mga kamay.

"Kung anuman ang mga nagawa kong mali sa iyo ay sana patawarin mo na ako. At please itigil mo na ang kahibangan mong paglapitin kami ni Trisha, sinasaktan mo lang ang damdamin mo eh. Alam ko napipilitan ka lang."

Medyo naluluha na ako ng mga oras na iyon. "Gusto kong sabihin sa iyo na nagpapasalamat ako dahil hindi mo ako pinabayaan. Hindi mo pinaramdam sa akin na nag-iisa ako. Pinagtatanggol mo ako sa mga taong nangkukutya sa akin tulad ng mga kaklase natin. Pero wag mong isipin na hindi ko inaapreciate ang mga ginawa mong iyon. Kaya naisip kong paglapitin kayo ni Trisha para maging masaya ka pati na rin siya. Alam ko naman kung gaano na kayo kalapit sa isat-isa. May picture pa nga kayong magkasama eh, nung inimbitahan ka niya pinakita sa akin ni Lalaine" ang sabi ko sa kanya.

"Ganoon na lang ba iyon, basta-basta ka na lang gumagawa ng hakbang nang hindi mo inaalam kung gusto ko ba iyon o hindi. Parang sinabi mo na rin na wala kang pakialam sa nararamdaman ko." ang sabi niya.
"Parati naman kayo magkasama di ba, at bagay kayo. Natural lang sa mundo natin na magkagustuhan ang lalaki sa isang babae."
"Pero hindi ko siya gusto Josh. Hanggang kaibigan lang talaga ang turing ko sa kanya. Ganyan ba talaga ang pananaw mo, na kapag nakita mong magkasama ang isang lalaki at babae, iniisip mong magkakaroon na sila ng relasyon. Pano na lang halimbawa na nakita mo akong may kasamang babae na di mo alam eh pinsan ko pala, paglalapitin mo rin kami tulad ng ginawa mo sa amin ni Trisha." si Tonton.

May punto siya sa mga sinabi niyang iyon. Ngayon ko lang nabatid na naging selfish ako, ni hindi ko man lang inalam ang side niya, kung ano ang nararamdaman niya, kung gusto ba niya ang gagawin ko sa kanya.

Tuluyan na akong napahagulgol. Hindi ko na napigilan pa ang patuloy na pagdaloy ng mga luha mula sa aking mga mata. Inilabas ko na lahat-lahat ang mga tinatago kong emosyon.
"Sige ilabas mo lang yan. Nandito lang ako." ang sabi niya sabay tayo at tumabi ng upo sa akin. Inakbayan niya ako at hinahaplos ang likuran.

"Tama na, naiintindihan naman kita eh. Tapos na iyon, balik na tayo sa dati." ang dagdag pa niya.

Itutuloy. . . . . . . . . .


allaboutboyslove.blogspot.com

No comments:

Post a Comment