Wednesday, December 19, 2012

Mahal Kita (24)

by: Daredevil

Hindi sinabi ni Lalaine sa akin ang kung anumang binabalak niya sa amin ni Tonton kahit nagpumilit na ako. Sana lang ay magtagumpay ito.

Dalawang araw pa ang lumipas na wala pa ring nagbabago sa amin ni Tonton. At dahil nalalapit na ang aming exam kaya isinantabi ko muna ang mga bagay tungkol sa kanya sa halip ay itinuon ko ang aking atensyon sa pagrereview sa aming mga subjects.  Sa school kapag bakanteng oras o di kayay naghihintay sa pagdating ng aming guro ay binabasa ko ang mga past lectures namin. Ganoon din ang ginagawa ko pag-uwi ng bahay.

Pero hindi ito naging madali sa akin. May mga lessons kasi na nahihirapan ako tulad ng math. Alam ko na matutulungan ako ni Tonton ngunit dahil sa sitwasyon naming dalawa ay napakaimposible ito. Nakakahiya naman kung lalapitan ko si Trisha dahil tulad ko ay nagpupursige siya sa pagreview lalo na't running for honors siya. Hindi ko tuloy maiwasan  maalala ang masayang tutorial sessions naming dalawa ni Tonton sa kwarto ko.

Sa mga araw ring iyon ay ganoon din si Tonton base sa nakikita ko at sinasabi ng kanyang nanay. Parang mas subsob pa siya sa pag-aaral kaysa sa akin. Marahil itinutuon na lang niya ang atensyon doon kaysa naman na isipin niya ang kanyang problema sa akin. Maaring isa pang dahilan ay ang pagbawi niya sa mga araw na nagpabaya siya dahil pa rin sa akin.
______
"Grabe habang papalapit ang araw ng ating exams eh mas lalo natotorture ang aking utak." si Lalaine habang na tila hinihilot niya ng dalawang kamay ang kanyang magkabilang sentido. Nasa library kaming dalawa samantalang si Trisha ay nauna namng umuwi.
"Tama ka. Ako nga eh, hirap na hirap na dito sa math. Kaunti pa lang ang alam ko dito" ang pag-sang-ayon ko sa kanya.
"Siyangapala friend ano nanangyari sa plano mo?" ang tanong ko sa kanya. Napapansin ko kasi na parang wala siyang ginagawa.
"Nakuha mo pang itanong yan sa kabila ng pagkaabala natin para sa exam. Talagang ako na lang ang inaasahan mo. Pero huwag kang mag-alala matutuloy iyon, magbabati na kayo ni Tonton baho matapos ang linggong ito." ang sagot ni Lalaine.

Nang obserbahan ko siya habang nagsasalita ay nakikita kong kampante lang siya. Malaki siguro ang tiwala niya sa kanyang sarili na magtatagumpay ang kung anumang balak niya.

Maya-maya lang, bigla siyang nagpaalam sa akin. "Friend I have to go na. Favor naman ikaw na ang bahala sa mga kinuha nating libro siya shelf ha" sabi niya sabay tayo at nag-ayos ng kanyang mga libro.
"Sige." ang naisagot ko na lang pero nagtataka ako sa mga ikinikilos niya.

Marahil ay napansin niya ito kaya nagsalita siya ulit. "Mayroon lang kasin akong importanteng gagawin sa bahay.  Darating kasi ang mga relatives namin mamaya sa bahay."
"Ganoon ba. Huwagh kang mag-alala Ok lang ako. Sige ingat ka" ang sabi ko sa kanya.

Dumeretso na siya palabas ng library. Ako naman ay pinagpatuloy ko ang aking pagbabasa.

Lumipas pa ang ilang oras, napapansin ko na ang unti-unting pagkawala ng tao sa loob ng library. Natural lang iyon dahil hapon na. Tutal alas-siyete ng gabi pa naman nagsasara ito kaya nanatili pa ako roon ng ilang oras. Hanggang sa ako na lang ang natira doon.
"Hindi ka pa ba uuwi, gabi na ah" ang sabi sa akin ng isang boses. Nang tingalain ko ito ay ang babaeng librarian pala ang kumakausap sa akin.
"Tatapusin ko na lang po ang binabasa ko." ang sagot ko sa kanya.
"Sige iho. Sabihan mo na lang ako kung tapos ka na. Ako na ang magbabalik ng mga libro." ang sabi niya ulit sa akin. Nginitian ko lang siya at tumango.

Sumapit na ang oras ng pagsasara ng library kaya kahit hindi pa ako nakakatapos ay tumigil na ako. Tulad ng sinabi ng librarian ay nagpaalam ako sa kanya.
"Mam alis na po ako." ang aking pahayag sabay lapag sa kanyang mesa ang mga libro.
"Sige iho makakaalis ka na. Ako na ang bahala diyan." ang tugon niya sa akin habang abala siya sa pagmake-up ng kanyang mukha.

Lumabas na ako ng library. Wala nang akong nakikita pang mga estudyante dahil gabi na kaya mag-isa na lang akong tinungo ang parking lot kung saan nakaparada ang motor.

Ngunit habang naglalakad, hindi ko namalayan na may mga taong biglang sumulpot sa aking likod. Sadyang napakabilis ng mga pangyayari. Huli na para humingi ako ng tulong. Isa sa kanila ang agad nagtakip sa aking bibig gamit ang isang panyo. At doon unti-unti akong nakaramdam ng pagkahilo hanggang sa tuluyan na akong nawalan ng malay.

Sa pagdilat ng aking mga mata, ewan ko na lang kung gaano katagal akong nakatulog nang bigla akong nakaramdam ng pagtataka at takot. Wala na ang aking dalang mga gamit, pati ang mga nasa bulsa ko kabilang ang aking cellphone. Nasa isang di pamilyar at napakadilim na lugar ako. Medyo nanghihina pa akong tumayo habang nakatukod ako sa dingding.

Dahil sa wala talaga akong makita, nagtiyaga akosa pagkapa, nagbabaka sakaling matumbok ko kung nasaan ang pintuan. Maya-maya lang ay nakapa ko ang isang dooknob. Obvious na iyon na ang pintuan kaya agad kong pinihit ito para buksan. Ngunit nadismaya ako nang hindi ko ito mabuksan kahit pa napihit ko ito. Doon ko nmapagtanto na nakalock pala ito mula sa labas. Ikinulong pala ako ng mga lalaking nagtakip sa aking bibig kanina.

"Tulong! Tulong!" ang ubod lakas na sigaw ko sa paghingi ng tulong habang niyuyugyog at pinapalo ang pinto.
"Tulungan ninyo ako, nandito ako sa loob!"
"Parang awa niyo na tulungan ninyo ako!"
 Ilang minuto na ang lumipas pero nabigo ako sa paghingi ng saklolo. Siguro nga ay walang nakakarinig sa akin o di kaya'y wala nang mga tao sa paligid. Wala na lang akong nagawa kundi ang umupo at maiyak.

Sa mga oras na iyon bigla kong naalaala si Tonton. Kung kasama ko lang sana siya ay hindi mangyayari ang ganito sa akin. Alam ko safe na safe ako sa kanya. Hindi niya hahayaan ang ganitong mga bagay sa akin.

Nasa kasagsagan ako ng aking paghagulgol nang bigla akong mapahinto.
"May ibang tao ba dito?" ang tanong ko sa aking sarili nang makarinig ako ng tila isang boses ng tao na umuungol.
"Sino ka?" ang medyo malakas kong tanong. Tumayo ako sa aking kinauupuan. At narinig ko uli ang boses ng taong iyon. At nakumpirma kong may ibang tao pala akong kasama sa misteryosong lugar na ito.

Lumuhod ako at naglakad habang kinakapa ko ang taong iyon. Maya-maya lang may naramdaman na ang aking mga kamay. Alam ko na buhok iyon ng isang tao. Marahan ko pang hinaplos ang kanyang ulo pababa sa kanyang mukha. Nalaman kong nakapiring pala ang kanyang mga mata. May panyo ring nakatakip sa kanyang bibig kaya siya umuungol. Nararamdaman ng aking binti ang mahinang pagpalo ng kanyang mga kamay doon na nagpapahiwatig na unahin kong tanggalin ang pagkakatali nito. At iyon ang inuna ko. Nang makalas ko na iyon ay siya na ang nagtanggal ng kanyang piring sa kanyang mata at panyo sa bibig.

"Salamat" ang kanyang matapos matanggal ang lahat. Pero sa narinig kong iyon ay nabigla ako. Napakapamilyar kasi sa akin ng boses na iyon.
"Dapat makaisip tayo ng paraan para makaalis agad dito" ang dugtong niya.
 At doon ko nakumpirma ang katauhan na nagmamay-ari ng boses na iyon. Hindi ako maaaring magkamali.

"Ikaw nga yan Tonton! Ako to si Josh"

Itutuloy. . . . . . . . . .


allaboutboyslove.blogspot.com

No comments:

Post a Comment