by: Daredevil
Dalawang buwan pa ang lumipas na
naging ganoon ang set-up namin ni Tonton. At sa haba ng panahon ding iyon ay
naghihintay kami sa muling pakikipagchat ni Tonton. Sumagi na sa isip ko ang
kawalan ng pag-asa, na malaman ang totoo niyang saloobin kung bakit naging
ganito siya kalamig sa akin.
Isang araw habang ako ay
nagmumuni-muni sa aking kwarto, "Ang bilis naman ng araw, kailan lang ay
pasukan ngayon last grading na at rarlong buwan na lang ay graduation na."
ang nasabi ko sa aking sarili. "Pero hanggang ngayon ay hindi pa rin kami
nagkakaayos ni Tonton."
Naalimpungatan na lang ako sa isang
tawag sa aking phone.
"Friend punta ka dito sa amin
dali! Magchat na kami ni Tonton. Bilisan mo habang hindi pa siya online.
Nandito na rin si Trisha" ang tila excited na niyang pahayag.
Habang bumibiyahe ako papunta sa
kanila ay pinagdarasal ko na sana maging maayos at maganda ang magiging resulta ng kanilang pag-uusap.
Pagkarating ay agad na binuksan ni
Lalaine ang account na Margarette. Naghintay pa kami ng ilang minuto bago mag
online si Tonton.
"Hi Margarette long time no
see" si Tonton ang unang nagbigay ng message.
"Hi Ton, mukhang busy ka ah, ang
tagal mo ring hindi nakapagonline"
"Sorry, wala kasi akong computer,
but everyday naman akong nag-oopen, nagtitiyaga lang ako sa phone ko. Matagal
ko na rin nabasa ang post mo sa wall, pero ngayon lang ako sinipag na
magrent."
"Ah. So ibig sabihin nakikigamit
ka lang ng computer noon?"
"Oo, sa isa kong kaibigan.
Nagkaroon kasi kami ng problema kaya hindi ako pumupunta sa kanila."
Mas lalong napukaw ang aking interes
sa reply niyang iyon.
"Tanungin mo na siya kung ano
iyon" ang utos ko kay Lalaine.
"Easy lang huwag kang hot.
Masyadong excited" ang sagot niya sa akin.
At nagpatuloy na silang dalawa.
"I see. Mukhang mayroon kayong
hindi pagkakaunawaan, right?"
"Tama ka. Mayroon kasi siyang
sinabi sa akin na hindi ko nagustuhan eh"
"Sorry to hear that"
"Ok lang. Nagpapasalamat nga ako
sa iyo eh kahit papaano ay may makakausap ako"
"Yeah. We are friends right. Kaya
pwede mong sabihin sa akin ang mga problems mo kahit malayo tayong dalawa. I
will try my best para matulungan kita"
"Thanks talaga. This will be a
big help for me. Kung alam mo lang kung gaano na kabigat ang dibdib ko ngayon.
Wala akong malabasan ng aking sama ng loob. Kaya siguro ang gaan ng loob ko sa
iyo, hindi ako nagkamali na kaibiganin ka kahit hindi pa tayo nagkkikita ng
personal."
"Ok. So ano ba yang mga problema
mo?"
"Natatandaan mo ba yung una kong
binanggit sa iyo na special someone ko."
"Yes I still remember. Bakit mo
naman naitanong? May kinalaman ba siya dito"
"Oo."
"I guess, may nasabi siyang hindi
maganda tungkol sa special someone mo. Right?"
"Hindi eh. Malayo yang iniisip
mo. Alam mo ang sakit pala kapag nareject ka ng taong mahal mo"
"So ibig sabihin nireject ka na
ng iyong special someone?"
"Oo, hanggang ngayon hindi ako
makapagmove-on. Bago kasi sa akin ang ganitong pakiramdam. Unang beses akong
nagmahal ng totoo sa isang tao pero na busted agad"
"So sad. Hayaan mo na iyon.
Balang araw makakahanap ka rin ng taong nararapat sa pagmamahal mo"
"Parang matagal pa siguro
yun"
"Alam mo, I cant believe na sa
gandang lalaki mong iyan ay marereject ka lang"
"Oo, at saka ginawa ko naman ang
lahat. Tulad na lang sa pagtanggi ko sa isang babaeng may gusto rin sa
akin"
Napatingin kaming dalawa kay Trisha
dahil alam naming siya ang tinutukoy niya.
"Bakit hindi ka magtry na sabihin
sa kanya ang totoo, baka sakaling magbago siya"
"Wala na ring saysay, ayaw nga
niya sa akin eh."
"Lalaine tanungin mo na
siya" ang sabi ko ulit sa kanya.
"Sa bagay may punto ka diyan.
Teka nasabi mo pala kanina na may problema kayong dalawa ng kaibigan mo. Ano
naman ang kinalaman niya sa special someone mo?"
Hindi kaagad nakapagreply si Tonton sa
tanong na iyon. Halos sampung minuto na kami naghihintay sa kanyang sagot pero
wala pa rin.
"Wala na siyang sagot" ang
sabi ko sa kanila. Ang laki talaga ng galit niya sa akin. Mukhang wala siyang
balak sabihin sayang"
"Pero naka online pa siya"
si Lalaine.
"Baka pinag-iisipan niya ang
kanyang isasagot" si Trisha.
"Sige maghintay pa tayo ng ilang
minuto.
Lahat kami ay nakatutok lang sa laptop
na naghihitay sa reply ni Tonton. At hindi kami nabigo nang lumitaw na ang
kanyang message sa screen matapos ang halos kalahating oras.
"Sorry kung pinaghintay
kita."
"Ok lang."
"Nag-aalinlangan kasi ako. Baka
magbago bigla ang tingin mo sa akin o kaya ay husgahan mo ako agad"
"Huwag kang mag-alala, hindi ako
ganoong tao gaya ng iniisip mo. Pero kung talagang nagdadalawang-isip ka eh
pwede mo namang hindi na lang sabihin. Baka masyado na yang personal. Hindi na
kita pipilitin."
"Hindi pa kasi ako handa, next
time na lang siguro."
"Ok I understand. Basta tatandaan
mo na kapag kailangan mo ng kausap, anytime, pwede tayong magchat."
Medyo nadismaya ako sa naging
pag-uusap nila dahil hindi pa rin naging
malinaw sa akin ang lahat.
"Walang nangyari. Akala ko pa
naman..." ang naging komento ko matapos nilang magchat.
"Siguro Josh, its time na para
kausapin mo na siya. Sa tingin ko ay mas madali siyang mag-open sa isang taong
kilala niya nang personal" si Lalaine.
"Paano ko naman gagawin
iyon?"
"Ikaw ang pumunta sa
kaniya."
"Ayaw ko nga"
"Bahala ka diyan, para sa iyon
rin naman yan."
______
Habang nasa taxi ako pauwi ng bahay ay
iniisip ko ang mga huling sinabi sa akin ni Lalaine. Ewan ko parang
nadedesperado na kasi ako, yun bang feeling na hindi ka mapakali hanggat may
inaalala ka na gusto mong malaman pero hindi magawa. Kaya sa mga oras na iyon
napagdesisyunan ko nang tuldukan iyon. Personal ko na siyang haharapin at
kausapin tulad ng minungkahi sa akin ni Lalaine.
"Sa tabi na lang po" ang
agad kong sinabi sa driver nang masilayan ko ang bahay namin na tinitirahan
nina Tonton at ng kanyang nanay..
Pagkapasok ko sa bakuran ay natanaw ko
ang bukas na pintuan kaya naisip kong naroon siya sa loob.
"Tonton" ang pagtawag ko sa
kanya mula sa pintuan. Sinilip ko ang sala, wala siya roon. Dumako naman ako sa
kusina. At tumambad sa aking harapan si Tonton na natutulog nang nakaupo.
Nakita ko naman ang dalawang bote ng beer sa mesa. Nakumpirma kong naglasing
siya.
Ako na ang nagligpit ng kanyang mga
pinag-inuman sa mesa. Pagkatapos ay nag-isip ako ng paraan kung paano ko siya
maihihiga, hindi ko naman kasi siya kayang buhatin, di hamak na mas malaki ang
katawan niya sa akin. At ang ginawa ko na lang ay pinagtabi-tabi ko ang mga
silya. Inayos ko na ang kanyang paghiga.
Sasabihin ko na sana sa kanyang nanay
ang tungkol sa kanyang kalagayan pero hindi ko na nagawa pa. Inalipin na kasi
ako ng awa para sa kanya. Unang pagkakataon kong nakita siyang naglasing ng
ganito. Marahil ay talagang mabigat ang dinadala niyang saloobin.
Kumuha pa ako ng isang silya at umupo
mapalit sa kanya. Pinagmamasdan ko ang kanyang itsura habang mahimbing na
natutulog. Talgang hindi ako nagsasawang titigan siya dahil sa angkin niyang
kagwapuhan. Naalala ko tuloy ang unang araw nang dumating siya sa aming
pamilya, ang unti-unting paglalapit naming dalawa bilang magkaibigan at ang
sobrang pag-aalaga at kabaitan na pinakita niya sa akin. Kaya sa mga oras na
iyon ay hindi ko na naiwasang maluha dahil sa isiping dito na nagtapos ang
aming pagkakaibigan.
Kinausap ko siya habang natutulog.
"Alam ko na galit ka sa akin
dahil sa mga nalaman mo kay Lalaine. Sana mapatawad mo ako gusto ko sana na
bumalik na tayo sa dati. Kakatuwa nga dahil ako na ang humihingi sa iyo ng
ganoon. Ngayon alam ko na kung ano ang pakiramdam ng isang kaibigang may sama
ng loob sa iyo. Kaya pala ganoon na lang ang pagpupursige mong suyuin ako.
Kalimutan mo na lang yung mga sinabi sa iyo ni Lalaine. Hindi na mahalaga pa
ang nararamdaman ko para sa iyo. Wala namang pag-asa na mamahalin mo rin ako ng
higit pa sa isang kaibigan e.". Tuluyan na akong napahagulgol.
Napahinto na lang ako nang may
maramdaman akong naapakang kung anumang bagay sa ilalim ng mesa. Pinulot ko
roon ang isang mamahaling notebook na ginawang journal. Mali man na basahin ko
ang pribadong gamit ng iba ngunit hindi ko na naisip pa iyon.
Pagbuklat ko sa unang pahina ay
nakasulat ang ganito.
"Masaya ako dahil makakapunta na
rin kami ng Maynila. Salamat sa kaibigan ng namatay kong ama, hindi kami
pinabayaan ni nanay."
"Kinabahan ako sa una kong
pagpasok sa kanilang bahay. Sobrang
yaman pala ng kanilang pamilya. Hiyang-hiya ako dahil pakiramdam ko ay para
kaming pulubi. Pero masaya ako at naging maganda ang pakikitungo sa aming mag-ina.
Sa araw ring iyon ay nakilala ko ang kanilang anak na si Josh. Unang kita ko pa
lang sa kanya, alam ko na ang kanyang pagkatao. Pakiramdam ko na magaan ang
loob ko sa kanya. Sa totoo lang ay may pagka-cute siya."
"May pagkachildish pala si Josh
at pagkamasungit lalo na sa akin. Alam kong ayaw niya sa akin. Pero hindi ako
susuko hanggat hindi ko nakukuha ang loob niya."
"Masayang-masaya ako sa mga
sinabi nina Tito at Tita, bukod sa pag-aaralin nila ulit, ako rin ang inatasang
mag-alaga kay Josh. Grabe, pakiramdam ko na nagkaroon ako ng isang nakababatang
kapatid."
"Wew, natupad din ang wish ko, na
maging magkaklase kami ni Josh. Ngayon mas madalas na kaming magsasama."
"Pasukan na naman, sabay kaming
papasok ni Josh. Sa totoo lang, ako ang nakiusap sa mga magulang niya na isang
motor na lang ang gagamitin namin. Para mas maging malapit siya sa akin. Mabuti
at pinagbigyan nila ako, hihihi."
"Ngayon ko lang nalaman na
mahiyain pala si Josh sa school. Dahil na rin sa pangungutya ng kanyang mga
kaklase. Kaya rin siguro natuto siyang magbulakbol dahil na rin sa impluwensiya
nila. Gagawin ko ang lahat para magbago siya. Sisikapin kong ipagtanggol siya
sa sinumang aapi sa kanya."
"Magkatabi kami ng upuan, ang
saya-saya ko! Tapos nararamdaman kong bumubuti na ang pakikitungo niya sa akin.
Kaya yayayain ko siyang mamasyal kami sa Luneta."
Ganito pala ang mga saloobin niya noon
mga unang buwan na magkasama kami. Ngayon ko nalaman ang halaga ko sa kanya.
Unang pahina pa lang pero nakakaramdam na ako ng kilig. Hindi ko nga maiwasang
mapangiti.
At sa aking pagpapatuloy, hindi ko
inaasahan ang mga susunod kong mababasa. Doon sasambulat sa akin ang kanyang
lihim.
Itutuloy. . . . . . . . . .
No comments:
Post a Comment