by: Daredevil
Nang matapos akong kumain, nagpasiya
akong sumaglit sa bahay para makapagpalit ng damit. Naglalakad akong nag-iisip,
kung paano nakakuha si kuya ng ganoong kalaking halaga. Kung sino man ang
hiningian niya ng tulong, sigurado akong napakabait niya. Ngayon pa lang
nagpapasalamat na ako sa kanya.
Nasa tapat na ako ng aming bahay nang
may mapansin akong isang napakagandang kotse na nakaparada sa may gate ni Tita
Mely. Sa buong buhay ko ay ngayon lang ako nakakita nang ganoon, marahil galing
ito sa ibang bansa. Hindi ko na iyon inusisa pa at tuluyang pumasok sa loob ng
bahay.
Agad akong dumeretso ng banyo para
makapagshower, pagkatapos ay nagpalit na ng damit. Isang semi-fit na white
shirt, checkered shorts at sapatos lang ang sinuot ko. Nang lumabas na ulit
ako, nakita ko na nandun pa rin ang kotse. Naisip ko na lang na baka may
mayamang bisita sina Tita Mely.
Pagkabalik ko ng ospital, agad kong
tinungo ang ward kung nasaan naka confine si nanay. Pagkapasok ko, nakita ko
siyang natutulog, kaya naisipan ko na lang na umiglip sa isang sofa sa gilid.
Kinabukasan, nagising na lang ako na
may tumatawag sa pangalan ko. Alam ko si nanay iyon sa boses pa lang. Nilapitan
ko siya at niyakap.
"Nay, ano na pakiramdam
niyo?" agad kong tanong sa kanya. Nang kumalas ako, hinawakan niya ang
aking kamay.
"Ayos na ako anak,wag ka nang
mag-alala." ang nakangiting tugon ni nanay.
"Salamat sa Diyos at ok na kayo,
oo nga pala nay, wala na tayong poproblemahin sa gagastusin niyo dito, nakagawa
si kuya ng paraan" sabi ko kay nanay.
"Kanino naman siya nanghingi ng
tulong e kakapunta lang niya ng Maynila ah?" ang nagtatakang tanong ni
nanay sa akin.
"Hindi ko nga alam e, pero nasabi
ni kuya na dadalawin ka ngayon ng taong ito, mabuti pang hintayin na lang natin
siya para makapagpasalamat tayo" sagot ko sa kanya.
Pasadong alas onse na ng umaga nang
pumasok ang isang nurse.
"Magandang umaga po, may dalaw po
kayo" sabi ng nurse. Naisip ko naman na siya na siguro ang taong tinutukoy
ni kuya kaya sinabi kong papasukin na siya.
Pagkabukas ng pinto, isang babae ang
agad na lumapit sa kama kung saan nakahiga si nanay.
"Mare, kamusta ka na?" ang
agad na tanong ni Tita Mely kay nanay.
"Ok na ako mare, ikaw pala ang
hiningian ng tulong ng panganay ko, maraming salamat sa iyo, hayaan mo
babayaran kita ng paunti-unti paglabas ko dito." si nanay.
Hindi kaagad nakasagot si Tita Mely sa
sinabi ni nanay at parang nag-iisip ng itutugon niya. Makalipas ang ilang
segundo ay nagsalita na siya.
"Ano ka ba mare hehehehe, wag mo
munang isipin yan, ang importante magpagaling ka muna. Tignan mo naospital ka
pa, di ba sinabihan na kita noon, ang tigas kasi ng ulo mo e" si Tita Mely
na medyo natatawa. Ngumiti lang si nanay. Nagpasiya naman akong iwanan muna
silang dalawa para makapag-usap.
Umupo ako sa isang sementong upuan sa
labas ng ospital na nag-iisip. May nararamdaman akong parang may hindi tama o
kaya naman may isang sikreto. Pero isinantabi ko na lang ang mga ganoong bagay.
Sa kabilang banda, medyo nahihiya ako
sa pagtulong ni Tita Mely. Hindi kasi biro ang malaking halagang pinahiram niya
sa amin. Alam kong matatagalan pa bago gumaling ng tuluyan ang nanay. Kung
makapagtrabaho man siya ulit, hindi kaagad niya ito mababayaran ng mabilisan,
siyempre may mga gastusin rin kami sa bahay pati na rin sa pag-aaral ko. Kaya
nagdecide akong kausapin si Tita Mely.
Makalipas ang halos isang oras, nakita
ko ang paglabas ni Tita Mely. Agad ko siyang sinalubong.
"O iho, aalis na muna ako, balikan
mo na ang nanay mo sa loob" si Tita Mely.
"Ah Tita, pwede po ba kayong
makausap saglit". Kahit nagtataka pumayag naman siya. Doon kami nag-usap
sa sementong inupuan ko.
"Tita, nagpapasalamat po ako
pagtulong niyo sa amin, alam ko pong hindi kaagad maibabalik ni nanay ang pinahiram niyo kaya naisip kong
ako na lang ang gagawa ng paraan" ang pagsisimula ko ng aming usapan.
"Walang anuman iho, ano ka ba,
wag mo munang isipin yan, intindihin mo ang pag-aaral mo" si Tita Mely
sabay haplos sa ulo ko.
"Hindi rin po ako makakapag-aral
ngayong pasukan, dahil walang magbabantay kay nanay, isa pa wala naman akong
ipambabayad sa matrikula, dahil hindi agad siya makakapagtrabaho, yung sahod
naman ni kuya ang pambayad din sa mga utang namin sa iba."
"Ah ganun ba, so ikaw muna ang
maghahanap-buhay. Hay napakabait mo talagang bata. Kung yan ang gusto mo sige,
pag-iisipan ko ang mga bagay na iyan,
sasabihan na lang kita." si Tita Mely. Natutuwa akong nagpasalamat sa
kanya.
Agad naman akong bumalik sa ward upang
sabihin kay nanay ang mga balak ko. Wala na rin siyang nagawa kundi ang pumayag
kahit halata sa kanya ang pagtutol.
Limang araw na ang lumipas nang ma discharge si nanay sa
ospital. Ako na ang nag-aalaga at
nagbabantay sa kanya sa bahay.
Isang gabi, palabas ako ng bahay para
bumili ng aming hapunan nang bigla akong tawagin ni Tita Mely. Naaalala ko ang
mga pinag-usapan namin sa ospital kaya lumapit agad ako sa kanya.
"Rico, desidido ka na ba sa balak
mo?" tanong niya nang makapalit ako.
"Opo Tita para na rin sa nanay
ko" sagot ko sa kanya. Napansin kong may dinukot siyang papel sa kanyang bulsa at inabot sa akin. Nang
tignan ko, isa pala itong cellphone number.
"Tawagan mo ang number na yan,
diyan mo malalaman kung saan ka magtatrabaho." si Tita Mely.
"Ganun po ba, sige po maraming
salamat"
"Walang anuman iho, sige balik na
ako sa loob, ang dami ko pang gagawin" si Tita Mely.
Binulsa ko muna ang binmigay niyang
papel at naglakad na papuntang karinderya para bumili ng hapunan. Pagkabalik ng
bahay, pinaalam ko ito kaagad kay nanay.
"Mabuti pang tawagan mo na agad
ang numerong iyan" si nanay habang kumakain kami ng hapunan.
"Sige po pero bukas na siguro,
nakakahiya namang tumawag pa ako sa ganitong oras" sagot ko.
Kinabukasan, nang matapos ako sa aking
pag-eehersisyo, pati na rin sa mga gawaing- bahay at pagpapainom ng gamot kay
nanay, agad akong pumunta sa tindahan para magpaload. Nang pumasok na ang load
sa aking cellphone, inumpisahan ko nang tawagan ang numero na nasa papel.
Maya-maya isang babae ang sumagot.
"Hello, who's this?" tanong
ng babae.
"Im Rico Garcia, pinatawag po ako
sa number na ito ni Amelia Monteverde. Confirm ko lang po ung job na
nirecommend niya sa akin." sagot ko sa babae.
"Ah so punta ka na lang po sa
main office namin on Monday.. Magdala ka po ng iyong resume." sabi ng
babae.
"Ok, saan po ba ang office
niyo?" isinulat ko naman sa likod ng papel ang exact address na binigay ng
babae. Agad na rin akong gumawa ng aking resumeayon na rin sa sinabi niya.
Nang sumapit ang araw ng Lunes,
pinuntahan ko na ang binigay na address sa akin. Nagsuot ako ng isang long
sleeve polo, black pants at leather shoes. Nang marating ko ang lugar, namangha
ako dahil isa pala itong napakataas na building. Papasok na ako sa loob nang
may mapansin akong babaeng naka uniporme. Nang makita, nilapitan niya ako.
"Kayo po ba si Mr. Rico
Garcia?" tanong ng babae.
"Ako nga po miss" ang casual
kong sagot sa kanya.
"Sir ako po yung kausap ninyo sa
telepono kahapon, tara na po hinihintay na kayo ni manager sa taas" sabi
ng babae. Sinamahan niya akong umakyat sa office nito. Sa 15th floor pala ito.
"Nandito na po tayo Sir
Rico" sabi ng babae ng marating na namin ang pintuan ng office ng manager.
"Teka lang po Sir papaalam ko
lang ang pagdating ninyo" paalam ng babae sa akin at pumasok sa loob.
Makalipas ang ilang segundo, lumabas
na ulit ang babae. "Sir pasok na daw po kayo. " Tumango lang ako.
Bigla naman akong kinabahan ng mga
oras na iyon. Hindi ko mawari kung
bakit. Pero dahil sa pagkadesperado na ring magkatrabaho, lakas-loob na akong
tumuloy sa kanyang office.
Nang makapasok, bigla akong napahinto.
Itutuloy. . . . . . . . .
No comments:
Post a Comment