Wednesday, December 19, 2012

Pantasya (22)

by: Daredevil

Pagbaba namin ng kotse ay agad sinalubong kami ni Tita Mely kasama si nanay.
"Carlo, anak patawarin mo ako" ang agarang sinabi niya  kay Kuya Carlo.
"Mabuti pang pumasok muna tayong lahat sa loob para makapag-usap." sagot niya.
"Rico, Tita pasok po muna kayo" ang yaya niya sa aming mag-ina.

"Ano kaya ang pakay niya sa kanyang pagbabalik?" ang pagbubukas ni Kuya Carlo ng usapan nang makaupo kaming lahat sa sala.
"Akala ko ba naghiwalay na kayo?" si Tita Mely. "Anak hindi mo muna inayos ang mga bagay na iyan bago bumalik ng bansa. "
"Hindi naman naging kami Ma. Ewan ko, naguguluhan ako, wala akong idea kung bakit siya bumalik ng Pilipinas."

Maya-maya ay nagring ang cellphone ni Kuya Carlo. Dahil nakaloudspeaker pa rin ito ay narinig namin lahat ang boses ng kanyang kausap.
"Hello, Angel anak nasaan ka" may pag-aalalang tanong ni Kuya Carlo.
"Daddy" May kasamang paghikbing sagot ng kanyang anak.

Bigla namang nag-iba ng boses ang nasa cellphone. Inagaw siguro sa bata ang cellphone. "Hi Darling, kamusta ka na"
"Marianne!" napasigaw na si Kuya Carlo.
"Ako nga, Im back! hindi mo ba ako na miss matapos mong sirain ang buhay ko"
"Saan mo dinala si Angel?" hindi niya sinagot ang tanong nung babae.
"Kung makapagtanong ka naman, ano akala mo sa akin kidnapper. Im here to get my daughter"
"Ano! di ba nag-usap na tayo tungkol sa bagay na iyan"
"Wala namang masama na kunin ko ang aking anak."
Napabuntung hininga si Kuya Carlo bago sumagot. "Bakit mo ginagawa ito Marianne?"
"Ikaw ang dapat tanungin ko niyan, ano ang ginawa mo kay Angel? Nilason mo ang utak ng bata"
Tila nabigla si Kuya Carlo sa kanyang narinig. "Ano ang ibig mong sabihin, pinalaki ko at inalagaan siya ng maayos"
"Talaga lang ha, kaya pala kung anu-ano na ang sinasabi ng bata."

Kita ko ang panggigigil ni Kuya Carlo sa kausap. "Marianne mag-usap tayong dalawa."
"Sure why not. Pupunta ako diyan mamaya. Pero hindi ko na isasama si Angel."
"Ok" ang panglalambot niyang sagot.

Lumipas ang dalawang oras ng may kumatok sa pintuan ng kanilang bahay. Pagkabukas ni Kuya Carlo ng pinto ay iniluwa ang isang magandang babae. Dere-deretso siyang pumasok sa loob at umupo sa sofa. Samantalang kami ni nanay ay nagpasiyang lumabas muna para makapag-usap sila ng maayos.

Pero nakaramdam naman ako ng pag-aalala kay Kuya Carlo kaya hindi ko maiwasang pakinggan ang kanilang pag-uusap. Pumuwesto ako malapit sa isang bintana ng kanilang bahay sapat upang masilip at madinig ang usapan.

"Kamusta na honey, I miss you" sabi ng babae saka lumingkis ng yakap kay Kuya Carlo.
Pilit na kinakalas ni Kuya Carlo ang pagyakap sa kanya."Pwede ba Marianne, itigil mo na ang kalokohang ito."
"I love you so much Carlo" lalong humigpit ang yakap niya.
"Pero hindi kita mahal Marianne, sinabi ko na sa iyo yan noon pa."
"Maaari pa naman magbago ang lahat di ba? Buuin natin ang ating pamilya, tayong dalawa kasama si Angel"

"Nahihibang ka na" sagot ni Kuya Carlo sabay puwersahang tinanggal ang mga braso ni Marianne.

"Ikaw ang nahihibang Carlo dahil pinagpalit mo ako sa isang lalaki."
Nabigla ako sa pinahayag nung babae. Ganoon din ang naging reaksyon ni Kuya Carlo.

"Ano hindi ka makapagsalita ha? Totoo nga ang mga impormasyong nakarating sa akin. My God, paano mo nagagawa sa akin ang mga ganitong bagay ha."
"Wala kang pakialam sa buhay ko Marianne."
"Wala nga ba? Matapos mo akong buntisin, ano yun ginawa mo lang akong parausan ganoon ba? Alam mo bang dahil sa pagmamahal ko sa iyo ay pumayag akong ibigay ang sarili sa iyo."
"Tapos na iyon Marianne, nangyari na eh. Pero nagkasundo naman tayong susuportahan ko ang bata. Hindi ko naman tinanggihan si Angel nung ibigay mo siya sa akin. Inalagaan ko siya"
"Iyon nga ang isa kong pinagsisisihan, ang ipagkatiwala siya sa iyo. Nilason mo ang utak ng bata, kung anu-ano ang kinukuwento mo sa kanya. Kanina lang nung magkasama kami, palagi niyang binabanggit ang pangalang Rico na love mo daw. Tsk. Sabihin mo nga sa akin siya ba ang dahilan kung bakit di mo ako mapakasalan nung nasa America ka pa ha?"

Hindi ko na maiwasang maluha ng mga oras na iyon. Pakiramdam ko na ako ang may kasalanan kung bakit sila nagkakagulo ngayon. Tinignan ko ang mukha ni Kuya Carlo, seryoso siya at bumuntong hininga bago sumagot.
"Oo" ang kanyang pag-amin.
Walang nagawa si Marianne kundi ang maiyak. Sapo ng kanyang mga kamay ang mukha ay nagsalita siya.
"Hindi ako makapaniwala Carlo, sa itsura mong iyan ay papatol ka sa isang lalaki. Minumulat mo pa  si Angel sa maling gawain.

Napaupo na lang si Kuya Carlo sa sofa na nag-iisip. Ako naman ay patuloy pa rin sa pagluha. Pero mas lalong hindi ko kinaya ang ma sunod niyang sinabi.

"Carlo, hindi ako makakapayag, alam ko at nararamdaman ko na magbabago ka pa. Maaari mo pang itama ang mga baluktot mong pananaw. Ang lalaki ay para sa babae, walang magandang maidudulot ang pakikipagrelasyon sa kapwa lalaki, bawal yan sa batas ng Diyos alam mo yan. Lahat ng pangangailangan ng isang lalaki ay sa maibibigay ng babae. Kaya simula bukas ay hindi ako titigil hanggat di ka napapasa akin. Kung gusto mo makita pang muli ang anak mo ay pakasalan mo ako." ang mga huli niyang sinabi bago tuluyang umalis ng bahay. Agad naman akong nagtago upang hindi niya ako makita.

Nanlalambot akong bumalik sa aming bahay. Hindi ko alam pero ito na yata ang pinakamasakit na naranasan ko, mas malala pa sa ginawa ni Kuya Carlo sa akin dati. Dumeretso ako sa aking kwarto at doon pinagpatuloy ang pag-iyak.

Muli kong naalala ang huling sinabi ni Marianne. Tama siya. Kahit saan anggulo mo tignan ay bawal ang aming relasyon. Ang lalaki ay para sa babae. Lahat ng pangangailangan ni Kuya Carlo ay maibibigay niya tulad ng anak at pamilya. Hindi ko na alam pa ang mga susunod na mangyayari matapos ang insidenteng ito.

Habang patuloy ang aking pag-iiyak ay nagring ang cellphone ko. Nang makita ko ang pangalan ni Kuya Carlo ay hindi ko na magawang sagutin. Ewan ko pero natatakot ako sa maaaring sabihin niya. Baka tuluyan na siyang magbago dahil sa sinabi ni Marianne, at hindi ko kayang tanggapin iyon.

Ilang minuto pa ang lumipas nang may biglang pumasok sa aking kwarto, hindi ko na nailock pa iyon dahil sa dami ng aking iniisip. Agad naman niya akong nilapitan sa kama at niyakap.

"Pwede bang umalis ka muna gusto ko lang mapag-isa"
"Hindi Rico, dito lang ako wag kang mag-alala magiging maayos ang lahat" ang sagot ni Kuya Carlo habang hinahaplos ako sa ulo.
"Narinig ko ang pinag-usapan niyo kanina, tama siya. Alam mo bang nakokonsensiya ako, pakiramdam ko na ako ang may kasalanan"
"Huwag mong sisihin ang sarili mo. Walang magbabago sa atin Rico."
"Kung makapagsalita ka ay parang madali lang ang lahat. Sabihin mo nga sa akin kung may naisip ka nang paraan para masolusyonan ang problemang ito"

Hindi agad nakasagot si Kuya Carlo. Kumpirmadong wala pa siyang naisip na paraan. Sa palagay ko ay mahirap na ito solusyonan lalo na kung ipipilit ipagpatuloy ang mali.
"Siguro ang tanging solusyon na lang dito ay itama ang mga mali para sa ikabubuti ng lahat."
Kita ko ang pagkabigla ni Kuya Carlo sa mga sinabi ko. "Sa pananalita mo parang sinusuko mo na ako. Paano na lang ang pagmamahalan natin Rico."
Kumalas ako sa kanyang pagkakayakap bago sumagot. "Iyon ang tama Kuya Carlo. Kahit masakit sa akin ay tatanggapin ko kung iyon lang ang tanging paraan. Alam kong mahal mo si Angel. Natural lang na maghabol sa iyo si Marianne dahil siya kanyang ina."

Napapailing-iling na lang si Kuya Carlo. May nakikita na rin akong mga luhang namumuo sa kanyang mga mata. "Hindi ako papayag Rico, ngayon pa't alam ko na ang makakapagpasaya sa akin at iyon ay ang pagmamahal ko sa iyo. Kung ganyan ka kadaling bumigay, ibahin mo ako dahil hindi ako basta-basta sumusuko."

"Itigil muna natin ang walang kwentang pag-uusap na ito. Kung maaari lang sana ay lumabas ka muna ng aking kwarto." ang pagtataboy ko sa kanya. Tumayo ako at tinutulak siya palabas. Hindi na rin siya tumanggi pa, marahil ay naiintidihan niya ang aking dinaramdam. Nang makalabas siya ay ni-lock ko ang pinto.

"Basta tandaan mo Rico, Mahal na mahal kita. Hayaan mo at malalagpasan din natin ang pagsubok na ito. Pinapangako ko na gagawan ko ito ng paraan." ang narinig kong sinabi niya bago tuluyang umalis.
______

Hindi ko alam ang aking gagawin nang magising ako kinabukasan. Kung papasok ba ako sa trabaho o liliban na lang. Parang hindi ko kasi kakayanin na makita ang mga bagay na maaaring mangyari.

"Rico anak, tanghali na, kanina ka pa inaantay ni Carlo sa labas." sabi ni nanay habang kumakatok sa pinto ng aking kwarto.
"Pakisabi na lang sa kanya na hindi muna ako makakapasok at masakit ang pakiramdam ko." sagot ko kay nanay.
"Ano ba yang sinasabi mo anak, buksan mo nga itong pinto" ang utos ni nanay.
Agad naman akong tumayo at binuksan ito. "Hindi ka pwedeng mag-absent. Kakahiya naman kay Carlo. Rico kung anuman ang problema ninyong dalawa ay wag mong idamay ang trabaho mo dito" ang sabi ni nanay na para bang hindi pa niya alam ang nangyari sa aming dalawa ni Kuya Carlo. May point din siya sa bagay na iyon.

Kaya labag man sa loob ay inumpisahan ko na ayusin ang sarili sa pagpasok. Nang makagayak na ay lumabas na ako ng bahay. Nakita kong nakaparada pa rin ang kotse ni Kuya Carlo sa tapat. Binuksan niya ang kabilang pinto ng kotse. Pumasok na ako sa loob.

Wala kaming naging imikan habang nagbibiyahe. Mabuti na rin iyon para di masira ang mood ko ngayong araw. Hanggang sa makarating kami sa opisina.

Pagpasok pa lang ng lobby ay nakita ko na si Jerome, agad niya akong nilapitan di alintana na may kasama ako.
"Dumala ako sa inyo kagabi pero sabi ng nanay mo ay tulog ka na, teka bakit ganyan ang mata mo, umiyak ka ba?" ang tanong niya sa akin. Napansin pala niya ang medyo namamaga kong mata.
"Wala ito, sige akyat muna kami" pagdedeny ko. Tumango lang siya bilang sagot.
Napansin ko naman ang hindi pag-imik ni Kuya Carlo habang nag-uusap kami ni Jerome. Marahil ay naisip niya na hindi tamang isingit ang bagay na iyon sa oras na ito.

Agad kaming sumakay dalawa ng elevator paakyat. Nang makarating ay sabay kaming naglakad patungo sa kanyang opisina. Ewan ko ba pero parang ang nagsimula akong makaramdam ng kaba.

Pagbukas ni Kuya Carlo ng pinto ng opisina ay laking gulat namin ng makita si Marianne na nakaupo habang nagbabasa ng dyaryo.
"Hello Honey" ang nakangiti niyang bati kay Kuya Carlo pero agad na nagbago ang kanyang mukha ng makita niya ako. Lalong lumala ang kaba ko ng mga oras na iyon.

Itutuloy. . . . . . . . .


allaboutboyslove.blogspot.com

No comments:

Post a Comment