Wednesday, December 19, 2012

Mahal Kita (01)

by: Daredevil
"Josh, tama na muna yan anak. Tulungan mo akong maglinis sa kabilang bahay, mamaya darating na ang bagong titira doon." sabi sa akin ni mama habang busy ako sa aking laptop. May pagkaadik kasi ako sa paglalaro ng online games.

"Opo Ma" ang sagot ko na medyo naiinis. Siyempre, naistorbo ang aking kaligayahan. "Kung bakit hindi na lang si yaya na lang ang utusan niya" ang bulong ko sa aking sarili.

Makalipas ang ilang minuto ay sinimulan na naming linisan ang bahay. Medyo natagalan kami sa paglilinis dahil sa sobrang dumi at kapal ng alikabok ng buong bahay. Halos anim na buwan din itong nabakante mula nang umuwi ng probinsya ang huling tumira dito. Hapon na nang matapos namin itong linisin.

Maya-maya'y tinawag ni yaya si Mama habang kumakain kaming dalawa ng meryenda. Dumating na raw ang pamilyang uupa dito. "Sige papasukin mo na sila, sabihin mo maghintay lang sila saglit sa sala" ang sagot ni mama.

Tinapos na namin ang aming kinakain para harapin ang mga bagong dating. Pagkarating sa sala, bumungad sa amin ang dalawang tao. Sa unang tingin ko pa lang parang galing sila sa probinsya dahil sa kanilang pananamit. Ang babae sa tantsa ko ay nasa 40 taong gulang ay nakadaster lang at may mga hibla na ng puti sa kanyang buhok. Kasama niya ang isang binata na nakajacket na itim, nakasumbrero na nakayuko. Sa tingin ko ay anak niya ito.

Nang makita kami ay tumayo ang mga ito. "Magandang hapon po sa inyo" ang magalang na pagbati sa amin ng babae.
"Magandang hapon din, Myrna." ang nakangiting pagsagot ni mama. Sabay-sabay kaming umupo sa sofa. "Kain muna kayo, may natira pa kaming meryenda, alam ko napagod kayo sa mahaba niyong biyahe."
"Ayos lang po kami mam, busog pa po kami." ang sagot ng babae.
"Ganun ba, teka siya ba ang sinasabi mo sa aking anak?" tanong ni mama nang mapansin niya ang katabi nito.
"Opo mam, siya po pala si Antonio" pagpapakilala ng babae sa kanyang kasama sabay siko sa tagiliran nito.

Tumayo naman ang lalaki kanina pang nakayuko, nagtanggal ng kanyang suot na jacket at nagpakilala. "Magandang hapon po mam. Ako po pala si Antonio Mendoza. Nagpapasalamat po kami ni nanay sa pagpapatira niyo sa amin, hayaan niyo po na paglilingkuran po namin kayo ng buong katapatan."

Doon napukaw ng aking atensyon ang itsura ng binata. May angkin siyang kagwapuhan. Maganda ang pangangatawan at moreno ang balat na natural lang sa mga taong nakatira sa probinsya dahil siguro ay banat sa trabaho. Halata kasi sa suot niyang t-shirt na sobrang fitted sa kanya. May magandang mga mata, matangos na ilong, mapupulang labi. Napakaswerte naman ng taong ito dahil nasa kanya na ang lahat ng katangian ng isang makisig na lalaki. Iyon nga lang ay pinagkaitan sila ng yaman.

"Napakagalang naman ng anak mo, sa tingin ko nga ay mabait siya. Sana ganito rin ang anak ko di ba Josh" sabi ni mama sabay tingin sa akin.
"Ma naman, ang tanging naisagot ko. Saan mo ba nakilala ang mga iyan?" ang dugtong kong tanong.
"Kilala sila ng Papa mo. Namatay kasi ang asawa ni Myrna na siyang bumubuhay sa kanila kaya kinupkop niya sila. Mabuti pa at ang Papa mo na ang tanungin mo diyan."

Tumango-tango naman ako at tumingin sa direksyon ng mag-ina. Napansin ko na nakatingin sa akin si Antonio at ngumiti ito. "Hmm, ano kaya ang nginingiti nito?" ang tanong ko sa aking sarili.

"Iyan mabuti naman at may makakasama ka na dito pagbalik namin ng Papa mo sa Singapore." ang sabi sa akin ni Mama. Muli parang nakaramdam ulit ako ng lungkot. Naroon kasi ang kanilang trabaho. Umuuwi lang sila dito isang beses sa tatlong buwan. Isang linggo lang ang tinatagal nila. Kahit papaano ay njakakasanayan ko na rin ito.
"At mukhang magkakaroon ka ng bagong kaibigan!" ang masayang dugtong ni Mama.
"No way Ma" ang sagot ko. "Hindi ako nakikipagkaibigan sa mga mahihirap. Ano na lang ang sasabihin sa akin ng mga friends ko?" ang balak ko pa sanagng sasabihin pero hindi ko na naituloy baka maoffend ko sila.

"So halika na, hatid ka na namin sa bago niyong titirahang dalawa." ang pagyaya sa kanila upang makita na nila ang bahay. Sabay-sabay na kaming nagtungo doon.

Kita ko sa mukha ng mag-ina ang saya nang makita ang kanilang titirahan. "Mga inosente yata sila" ang sabi ko sa aking sarili.
"Simula ngayon ay dito na kayo titira. Kapalit na rin ito sa serbisyo ninyo gaya ng pinag-usapan natin noon. Ikaw ang nagmungkahi nito" si Mama. Tumango lang si Aling Myrna.

Iniwan na namin ang mag-ina upang makapag-ayos sila ng bahay. Marami-rami rin kasi ang kanilang dalang gamit base sa nakita ko kanina.

"Mama, nagpapatira na pala kayo ni Papa ng mga strangers, at saka hindi ko sila kilala. Iiwan niyo ako kasama sila." ang aking pagpoprotesta kay Mamay pagkabalik ng aming bahay.
"Makinig ka anak, mabait ang pamilya ng Tita Myrna mo. Madali mo silang makakasundo. At saka ginagawa namin ito para mabantayan ka at magabayan. Baka kung anu-ano na naman ang gawin mong kalokohan habang wala kami tulad ng nangyari noon. Tignan mo nga ang mga grades mo ang bababa. Puro barkada, puro computer, puro gala." ang sagot ni Mama. Medyo nainis na ako dahil siningit na naman niya ang pagsesermon. Lagi na lang niya bukambibig ang mga bagay na iyan sa tuwing mag-uusap kami. Nakakasawa. Pero wala naman akong magagawa kundi ang pumayag sa gusto nilang mangyari.

Kinagabihan, habang busy pa rin ako sa paglalaro sa computer ay may kumatok sa pinto ng aking kwarto. Saglit kong hininto ang paglalaro. nang buksan ko, si Papa pala ito.

"Pwede ba tayong mag-usap anak?" ang unang tanong ni Papa sa akin. Pumayag naman ako.

"Anak tungkol ito sa bagong nakatira sa kabilang bahay. May nasabi kasi sa akin si Mama mo" ang pagsisimula ni Papa habang nakaupo kami sa kama ng magkatabi.
"Asawa ni Tita Myrna mo ang aking pinakamatalik na kaibigan si Adolfo na namatay dahil sa kanser. Maraming siyang naitulong sa akin kaya, naisip kong kupkupin ang kanilang pamilya bilang pagtanaw ng utang na loob sa bestfriend ko" ang pagpapaliwanag sa akin ni Papa.
"Kaya ko naman na ang sarili ko Pa, ilang beses na rin ako naiwan dito sa bahay mag-isa, sa tingin ko hindi ko na kailangan ng kasama dito."
"Anak, mababait naman sila lalo na yung anak niya. Alam ko na makakatulong sila sa iyo. Si Antonio, napakatalinong bata niyan. Laging nangunguna sa klase. Sayang nga lang at nahinto siya sa pag-aaral dahil sa kakulangan sa pera kaya napilitang maghanap-buhay."

Hinaplos naman ni Papa ang aking ulo saka nagpatuloy. "Mahal ka namin ng mama mo anak. Pasalamat ka at ang lahat ng gusto mo ay nasusunod. Sa totoo lang ito ang naisip kong paraan para magbago ka na. Alam ko na malaki ang magiging impluwensiya nila sa iyo. Hindi ba maganda ang naisip kong paraan. Parehas kayong nakinabang. Natulungan pa namin ang kanilang pamilya."

"Sige na nga, wala na akong magagawa." ang naisagot ko na lang pero sa isip ko ay isang malaking pagtutol pa rin. Pakiramdam ko na magiging kontrolado na ang lahat ng pagkilos ko sa oras na bumalik ng Singapore ang aking mga magulang. Pero ok na rin ito sa akin tutal sa bahay lang naman ito. Malaya ko pa rin magagawa ang mga gusto ko kapag nasa labas na ako.

Kinabukasan ay nag usap-usap ang mag-ina at ang aking mga magulang kung ano ang kanilang magiging trabaho sa amin. Napagdesisyunan nila na si Aling Myrna ang magiging bago naming katulong na aasikaso sa bahay samantalang si Antonio naman sa akin.

"Antonio, iho bantayan mo maigi ang anak itong anak naming si Josh ha. Medyo habaan mo ang pasensya sa kanya kasi may katigasan ang ulo niya." ang sabi ni Mama.
"Makakaasa po kayo mam. Handa po akong tulungan siya sa oras na kailanganin niya ako." ang nakangiting sagot ni Antonio sabay tingin sa akin.
"Ano kaya ang iniisip ng taong ito?" ang tanong ko sa aking sarili.

Akala ko na hanggang doon lang ang kanilang napagkasunduan pero mas ikinabigla ko ang sunod na sinabi ni Papa.
"Oo nga pala, malapit na rin ang pasukan, maihahabol pa natin sa enrollment si Antonio."

"Papa, ano ang ibig mong sabihin?" ang medyo napataas na tono ng boses kong pagtatanong.
"Sinisigawan mo ba kami Josh?" si Mama na nagtaas na rin ng boses at deretsong nakatingin sa akin.
"Hin...hindi po" ang malumanay kong sagot. Medyo kinabahan ako sa mga mata niyang nanlilisik.
"Mabuti naman."
"Napagdesisyunan naming pag-aralin itong si Antonio. Sayang naman ang talino niya kung hindi siya makakapagtapos ng pag-aaral. Maswerte namang parehas kayong nasa 4th year high school. Mabuti na rin iyon para may makasama ka. Kakatuwa naman na parehas kayo makakagraduate at sabay kayo magkokolehiyo." si Papa.

Wala akong ibang naramdaman ng mga oras na iyon kundi inis. Kulang na lang siguro ay ikulong nila ako. Parang tinanggalan na ako ng kalayaan eh. "Kung bakit kasi biglang sumulpot pa ang mga taong ito," sabay tingin sa mag-ina. Napansin ko naman na nakatingin pa rin sa akin si Antonio na nakangiti at napaatras ng kaunti ang ulo ko sa pagkindat nito. Nagpapacute lang siguro ang mokong.

"Akyat muna ako sa kwarto ko." ang pagpapaalam ko na sa kanila.

"Arhhhhhhhh!!!!" ang gigil kong pagsigaw nang makabalik ako sa aking kwarto. Napagdesisyunan ko na lang libangin ang aking sarili, binuksan ko ang aking laptop at nagsimulang maglaro.

Itutuloy. . . . . . . . . .


allaboutboyslove.blogspot.com

No comments:

Post a Comment