Wednesday, December 19, 2012

Mahal Kita (11)

by: Daredevil

Nagtagal pa ang aming pag-uusap ni Lalaine hanggang sa inabot na ako ng gabi sa kanila. Doon na rin ako naghapunan sa kanila. Pagkatapos ay hinatid na niya ako pauwi sa aming bahay. Pasado alas 9 ng gabi na ako nakarating.

Pagkapasok ko ng pintuan, napansin ko si Tonton na nakaupo sa sofa. Naisip ko na kararating lang niya dahil sa hindi pa siya nakakapagpalit ng kanyang uniporme. Iniangat niya ang kanyang ulo at tumingin sa akin at nagulat ako sa aking nakita. Malamlam ang kanyang mga mata, marahil ay may dinaramdam siya na di ko mawari kung ano.

"Tonton, bakit nandito ka pa gabi na ah?" ang naitanong ko sa kanya.
"Bakit ngayon ka lang?" ang sagot niyang patanong din na nakatitig pa rin sa akin.
"Ah eh napasarap lang kami ni Lalaine ng kuwentuhan sa kanila." ang sagot ko.
"Ganun ba. Kumain ka na ba, kanina ka pa namin hinihintay ni nanay"
"Oo, kina Lalaine na ako naghapunan."

 Kita ko ang kanyang pagbubuntung-hininga. Yumuko siya na nakapatong ang mga siko sa kanyang binti. Maya-maya nagtanong siya na ikinagulat ko. "Josh, iniiwasan mo ba ako?"

Naisip ko bigla na baka nakakahalata na siya sa mga ginagawa ko o kaya naman ay alam na niya.
"Ako iiwas sa iyo, hindi ah. Bakit ko naman gagawin sa iyo yun. At isa pa kung iniiwasan kita e di sana ay hindi kita kinakausap ngayon" ang sagot ko.

Tumingin siya ulit sa akin. Kita ko sa kanya na may gusto siyang itanong sa akin pero hindi niya masabi-sabi ito. Kaya agad na akong nagpaalam sa kanya. Baka kung saan pa mapunta itong usapan namin.
"Kung wala ka nang otatanong eh, aakyat na ako. Inaantok na ako. Umuwi ka na rin para makapaghinga. May pasok pa tayo bukas."

Tumango lang siya sa akin. Habang naglalakad ako paakyat, napapansin ko na sinusundan niya ako ng tingin. Binalewala ko na lang iyon.

Sa kuwarto ay tinawagan ako ni Trisha.
"Hello Trisha napatawag ka"
"Pasensya na Josh kung nakakaistorbo ako. Gusto ko lang sana magpasalamat sa iyo"
"Naku wala iyon." ang sagot ko.
"Hindi lang yan ang dahilan ng pagtawag ko, meron pa kasi akong gustong ihingi ng pabor sa iyo kung ok lang" si Trisha na medyo nahihiya pa sa tono ng boses.
"Sige ok lang, sabihin mo para matulungan kita"
"Josh kung pwede sana ay magpalit tayo ng upuan bukas"

Sa totoo lang ay nakaramdam ako ng lungkot sa pabor niyang iyon pero pumayag na rin ako.
"Oo naman walang problema. So kita-kits na lang tayo bukas" ang sagot ko sa kanya.
"Sige Josh thank you talaga ah, ang bait mo talaga"
Bahagya naman ako napangiti sa mga huling sinabi niya. "Ito naman nambobola ka pa sige bye na"
"Oki thanks talaga Josh ah bye!"
_______
Kinabukasan, habang nag-aagahan ay wala kaming kibuan dalawa. Ganoon din habang nasa biyahe kami papasok ng school.

Pagkapasok namin sa room nakita ko si Trisha na nakaupo na sa aking silya kaya dumako na rin ako sa dati niyang unuupuan. Nang tignan ko si Tonton ay kita ko ang pagkabigla sa kanyang mukha. Medyo nakasimangot rin siya. Kung anuman ang iniisip niya ay hindi ko na binigyang pansin iyon.

Habang nagkaklase ay hindi ko maiwasang mapasulyap kay Tonton. At laking gulat ko nang makitang nakatingin din siya sa akin. Ako na rin ang unang nag-iiwas ng tingin sa kanya.

Oras na ng recess.Sabay kami ni Lalaine na lumabas ng room papuntang canteen.
Habang naglalakad. "Teka Josh sabay na ako sa inyo" si Tonton na humahabol sa amin. Kita naman namin sa likod niya si Trisha.
"Ha eh naku wag na lang, sa labas kami ng school kakain ni Lalaine eh medyo malayo yun" ang maagap kong pagsagot.
Agad na sumabat si Lalaine. "Oo nga Ton, nakakahiya naman kung paglalakarin ka namin, kasama mo pa naman si Trisha oh"
"Tama siya, kaya kayo na lang ang magsabay. Sige mauuna na kami sa inyo. Tara na friend" ang sagot ko sabay hila sa mga kamay ni Lalaine na tila kinakaladkad na para makalabas ng school.

Nang dumating ang uwian, ganoon pa rin ang aking ginawa. Kay Lalaine pa ako sumabay. Bago kami magpunta sa kanila  namasyal muna kami sa mall, pampalipas oras kumbaga.

"Friend napapagod na ako sa kakaikot natin eh wala naman tayo nabili" si Lalaine.
"Pasensya ka na, sige doon muna tayo magpahinga sa foodcourt, magmeryenda na rin tayo doon" ang yaya ko sa kanya.

Nasa kasagsagan na kami ng aming pagkain nang mapatigil kami sa taong lumapit at umagaw amin ng pansin. Nang lingunin namin ay laking gulat ko, si Antonio na may dala ring tray ng pagkain. Nagkatinginan kaming dalawa ni Lalaine ng may pagtataka.

"Pa share naman sa inyo" ang magiliw niyang pahayag. Wala na kaming nagawa kundi ang pumayag. Tumabi ng upo sa akin si Tonton.

Agad ko namang nilibot ang aking mga mata sa paligid, para alamin kung kasama niya si Trisha.
"Hindi ko siya kasama, nauna na siyang umuwi. Tinawagan ng mom niya kanina." si Tonton na marahil ay napansin ang aking ginagawa.
"Ano ka ba hindi naman siya ang hinahanap ko. Tumitingin lang ako ng ibang mabibilhan ng pagkain" ang agad kong palusot.
Pero sinuklian lang niya ito ng pilyong ngiti na may kasamang pag-iling. Alam kong hindi siya naniwala sa sinabi ko.
"Ah eh Lalaine, pagkatapos pala nito doon muna tayo sa inyo ah" ang sabi ko.
Akmang sasagot na sana si Lalaine nang biglang sumabat itong si Tonton. At umakbay sa akin. "Ui sama naman ako diyan"
Dahil doon ay wala na kaming nagawa ni Lalaine.

______
Ilang minutong namayani ang katahimikan sa bahay ni Lalaine buhat ng makarating kami. Marahil ay nakahalata si Tonton ay siya ang unang nagbukas ng aming usapan.
"Lalaine salamat pala at pumayag kang isama ako dito sa bahay niyo."
"Oo naman, lahat naman ng mga classmates natin ay welcome dito hehehe" ang sagot ni Lalaine.
"Talaga so pwede na pala ako pumunta dito araw-araw, sa wakas alam ko na rin kung saan ko pupuntahan itong si Josh" ang pahayag ni Antonio at umakbay sa akin. "Ayaw ko kasing mawala siya sa paningin ko" ang dagdag niya.

Dahil doon ay napalingon ako sa kanya. At nakita ko siyang nakangiti lang sa akin. Tila nakaramdam na naman akong pagkahumaling sa kanya pero agad kong pinigilan ang aking sarili.
"Ano ba yang pinagsasasabi mo Tonton?" ang tanong ko sa kanya.
"Bakit ka nagrereklamo, baka nakakalimutan mo na inihabilin ka sa akin ng mga magulang mo. Ako ang may responsibilidad sa iyo. Ako ang mananagot kapag may nangyari sa iyong di maganda."

"Naks naman Josh, concern pala sa iyo itong si Tonton eh."ang biglang pangangantsaw sa akin ni Trisha. Agad ko siyang pinandilatan ng mata.
Hindi pa rin inaalis ni Tonton ang pagkaakbay niyas sa akin. Parang mas humigpit pa ito na tila yumayakap na. "Tama ka Lalaine. Kaya nga kahit anong gawin niya eh di uubra sa akin."

Sa narinig kong iyon ay napaisip ako.Sigurado akong may laman ang pahayag niya. Pero wala na akong balak pang alamin kung ano iyon. Itong namang si Lalaine di ko alam kung ano ang gusto niyang ipahiwatig sa sinabi niya. "Bukas ko na lang siya kokomprontahin" ang sabi ko sa aking sarili.

______
"Sige Lalaine uuwi na ako may pasok pa bukas" ang paalam ko sa kanya.
"O sige pero si..." ang sagot ni Lalaine nang biglang sumabat itong si Tonton.
"Sabay na kami."
"Oo sabay na kami hehehe" ang nasabi ko na lang at pilit na ngumiti.

Unang sumakay si Lalaine sa drivers seat. Nang akmang bubuksan ko na ang pinto sa harapan katabi niya nang biglang akong hinila sa braso ni Tonton.
"Bakit diyan ka, dito na tayo sa likod"
Wala na akong magawa pa kundi ang sumunod sa kanya na parang tuta.

Nang makarating sa amin. "Sige Josh, Tonton see you tomorrow na lang sa school." ang paalam ni Lalaine sa amin.
"Ok ingat ka" si Tonton na ang sumagot at nginitian siya.
Pagkaalis ng kanyang kotse ay nagmadali akong pumasok sa loob. Samantalang nakasunod lang siya sa akin hanggang sa makarating sa aking silid. Ngunit bago ko pa man mabuksan ang pinto ay agad siyang humarang doon.

"Pwede ba Tonton wala akong panahon makipagbiruan sa iyo. Kaya please umuwi ka na" ang sabi ko sa kanya.
"Hindi ako uuwi. Gusto kitang makausap."
"Ano naman pag-uusapan natin?"
"Alam mo na kung ano Josh. Sabihin mo nga sa akin bakit mo ba ginagawa ito?"
"Ang alin?"
"Nagmamaang-maangan ka pa. Alam ko na pinaglalapit mo kami ni Trisha. Hindi ako manhid para di malaman ang mga nangyayari sa aking paligid"
"Kung gayon alam mo na pala, sa tingin ko wala namang masama sa ginagawa ko. Kung tutuusin dapat magpasalamat ka pa sa akin dahil tinutulungan ko kayong maging mas malapit pa sa isat-isa.

Napabuntung-hininga muna siya bago sumagot. "Ang hirap naman kasi sa iyo Josh, ginawa mong komplikado ang sitwasyon"
"Paano mo naman nasabi yan? At ano ang ibig mong sabihin na komplikado?" ang nagtataka ko nang tanong.

Pero hindi siya sumagot at yumuko lang ito.
"Kita mo hindi ka makapagsalita. Kung wala ka nang sasabihin, siguro naman pwede ka nang umalis diyan para makapasok na kao sa kwarto ko. Inaantok na ako" ang sabi ko sa kanya.

"O sige" ang sagot lang niya. Siya na ang nagbukas ng pinto para sa akin. Pero nagulat na lang ako nang sumabay siya sa pagpasok ko. Bigla niyang ni-lock ang pintuan.

Pagkatapos noon ay tinulak niya akona dahilan para mapahiga ako sa kama. Natulala na lang ako sa ginawa niya.

Itutuloy. . . . . . . . . .


allaboutboyslove.blogspot.com

No comments:

Post a Comment