Wednesday, December 19, 2012

Mahal Kita (02)

by: Daredevil

"Inaantok pa ako!" inis kong pahayag sa taong kumakalabit sa akin.
"Josh"
"Josh"
"Josh"
"Ang kulit naman sinabi kong inaantok pa ako ano ba!!!." Ngunit hindi pa rin ako tinitigilan sa pangangalabit.
"Gising na Josh, Uy"

Dahil sa sobrang asar ko ay napabangon ako at tinignan kung sino ang kumakalabit sa akin. At mistulang nag-akyatan ang lahat ng dugo sa katawan papunta sa ulo ko.
"Antonio pangalan mo di ba? Sino ang nagpahintulot sa iyo na pumasok ka na lang ng basta sa kwarto ko ha at teka teka aka nakakalimutan mong amo mo ako at nakikitira lang kayo dito kaya dapat may sir ang tawag mo sa akin." ang makalas kong pagkakasabi sa kanya habang nag-iinat.

"Ako ang nagsabi bakit may reklamo?" napatingin naman ako sa pinto kung saan nanggagaling ang boses. Nakatayo siya sa pinto ng aking kwarto."Wa...wa...wa...laaa po Ma. hehehe" ang napapangiti kong sagot. Sino ba naman ang hindi matatakot sa nakakasindak na itsura ng kanyang mukha.

Pumasok siya at lumapit sa kinaroroonan namin. "Ganyan ba ang tamang pagtrato sa bisita Josh? At saka ano yung narinig kong sir ha? Mas matanda sa iyo si Antonio ng isang taon"
"Iho, pagpasensyahan mo na lang ang inaasal nitong anak ko ha" ang baling naman ni Mama kay Antonio.
"Ok lang po Tita, naiintidihan ko naman po siya. Kakakilala pa lang kasi namin." magalang na sagot ni Antonio.

Tumango si Mama. "Halina kayo handa na ang agahan"
______

Habang kumakain kaming lahat sa mesa, "Josh, ikaw na ang magsama kay Antonio sa pag-eenrol ha, may importante kasi kaming aasikasuhin ng mama mo. Malapit na rin ang alis namin pabalik ng Singapore." si Papa.
"Ano! ako! Pa naman may...."
"Gagawin ka e mag lalawatsa ka lang yata o magbababad sa computer. Tumigil ka nga Josh." ang pagsabat ni Mama.
"Pero..." pilit ko pa ring pangangatwiran.
"Oooops! wala nang pero-pero. Pagkakataon na rin iyon para makapag-bonding kayo at magkakilala mabuti."si Mama ulit.

Sasabihin ko sanang gagala kami sa mall ng aking mga friends pero hindi ko na magawang sumagot pa. Kakainis. Abala na talaga itong si Antonio sa aking buhay. Tumingin naman ako sa direksyon niya.
"Aba ngingiti-ngiti ka pa dyan ha," ang sabi ko sa aking sarili nang makita ang kanyang mukha.
______

"Ma!!!! Nasaan ba yang Antonio na yan ang tagal naman niya, nagpapaimportante." tanong ko kay Mama habang naghihintay ako sa loob ng kotse.
"Nagbibihis pa anak" sagot naman ni mama habang nakaupo sa isang silya sa labas at nagpipipindot sa kanyang cellphone.
"Grabe namang pagbibihis yan,  school lang naman ang pupuntahan."

Makalipas ang limang minuto ay narinig ko ulit ang boses ni Mama.
"Wow iho ang gwapo mo ah, dala mo na ba lahat ng credentials mo"
"Opo Tita" nandito na po lahat.

"Nakuha pang pumorma ng ungas" ang sabi ko sa aking sarili. Nasa loob pa rin ako ng kotse na naghihintay.

"Mag-ingat ka anak ha" ang narinig ko namang boses ng kanyang nanay.
"Opo nay."
"Iho, sabihin mo sa akin ang lahat ng gagawing kalokohan ni Josh ha. Bantayan mo siyang mabuti." ang bilin naman ni Mama sa kanya.
"Opo Tita."

Sa isip-isip ko, grabe na talaga ito. Parang gusto ko nang sabihin sa kanya na posasan na lang kaming dalawa ni Antonio.

Maya-maya ay dumating na si Antonio kasama si Mama at ang kanyang nanay. "Dito ka maupo anak." sabi ni Mama sabay bukas ng kabilang pinto. Pumasok na siya sa loob.

Medyo ikinagulat ko nang lingunin ko siya. Naka long-sleeve polo siya na fitted sa kanya at may tupi ang manggas hanggang siko niya, black coated na pantalon na fit din. Spiky ang buhok marrahil naglagay siya ng wax, at nakaputing sapatos.
"Tara na Josh."
 "Josh, Uy tara na"

Bigla naman akong natauhan. Nasobrahan yata ako ng pagtitig sa kanya. "Ah e, oo alis na tayo" ang sagot ko. Iniwas ko na ang tingin sa kanya at tinuon ang atensyon sa pag start ng makina.
______

"Josh, may itatanong lang sana ako sa iyo?" ang pambasag niya sa katahimikan namin. Hindi ko kasi siya iniimik habang nagmamaneho ako.
"Mamaya ka na magtanong baka mabunggo tayo" ang sagot ko naman.
"Ok, nais ko lang sana malaman kung bakit ang sungit mo sa akin."
Saglit naman ako lumingon sa kanya at binalik din ang mata sa daan. "Ako masungit, hindi lang ako sanay na may kasama akong ibang tao na hindi ko kilala. Hindi naman sa sinisisi kita ha, pero pakiramdam ko ay inalisan nila ako ng karapatang maging malaya dahil sa pagdating mo." ang deretsahang sagot ko sa kanya.
"Ganoon pala. kagustuhan naman ito ng mga magulang mo."
"Ano pa nga bang magagawa ko kundi pumayag di ba? Siguro sasanayin ko na lang ang sarili ko"
"Huwag kang mag-alala Josh, hindi naman ako masamang tao tulad ng iniisip mo. Madali naman akong pakisamahan."
Nilingon ko ulit siya at nakita ko ang kanyang pagngiti.
______

Isang oras lang ang naging proseso ng pag-papaenroll ni Antonio. Napadali ito dahil sa nakitang matataas niyang grado na naging dahilan upang mamangha ang mga teachers doon. Kinabukasan malalaman kung ano ang magiging section niya.

"Sana magkaklase tayo ano" sabi ni Antonio  habang naglalakad na kami papuntang parking lot kung nasaan nakaparada ang kotse.
"Hindi pwede ano saka ayoko." ang matigas kong sagot. Kampante naman akong sa pinakamataas na section siya mapupunta dahil sa mga grades niya. Pinagdasal ko na rin kaya iyon kahapon pa.
"Bakit, dahil ayaw mong makita ko kung gaano ka kagaling sa klase?"
"Aba teka nga ano ang ibig mong sabihin? Huwag kang magmayabang diyan ha." parang nang-iinsulto na ang ungas, dahil ba sa matalino siya.
"Cool ka lang dude, tignan mo ha kung sakaling magiging magkaklase tayo, matutulungan kita sa pag-aaral mo at saka ayaw mo ba nun hanggang sa room e makikita mo ang gwapong mukhang ito" sabi niya sabay senyas ng papogi sign with matching kindat"
"Aha may pagkamatigas din pala yang mukha mo. Hay naku parang ang lakas ng hangin ah, dapat bilisan na natin" ang nasabi ko na lang. Pero sa totoo lang naiisip ko na may karapatan naman talaga siyangsabihin ang mga ganoong bagay.
______

"Kamusta na ang enrollment iho" ang agad tanong ni Mama kay Antonio pagkababa namin ng kotse.
"Opo Tita, nagpapasalamat po ako kay Josh at tinulungan niya ako" sagot niya sabay tingin sa akin at ngumiti ulit.
"Hay mabuti naman kahit papaano ay may magandang nagawa naman ang anak ko" si Mama sabay halakhak.
"Ano section mo? Magkaklase ba kayong dalawa?" ang sunod niyang tanong.
"Bukas pa malalaman Ma kasama na rin ang section ko" ako na ang sumagot.
"Ah, sana magkaklase kayo ano"
"Ano ba kayo Ma?" ang naiirita kong pagsagot.
"Sana nga po Tita maging magkaklase kami, para may kakilala na agad ako" ang pagsingit naman ng ungas.
"Oo nga iho, kung mangyayari man iyon, matutuwa kami ng Tito mo. Malalaman na rin namin ang mga nangyayari kay Josh sa school. Siyempre ikaw ang magsasabi sa amin. Isumbong mo ang lahat ng kalokohang gagawin niya ha." si Mama.

"Makaakyat na nga muna sa kwarto" ang nasabi ko na lang. Parang pinagkakaisahan na kasi nila ako.
_____

 Kinabukasan ako na lang mag-isa ang bumalik sa school para alamin ang mga section namin. Sinama kasi ni mama si Antonio sa mall para bilhan ng uniform. Dumako ako sa isang malaking bulletin board kung saan nakapaskil ang mga pangalan ng estudyante. Medyo nahirapan pa ako dahil sa siksikan. Marami rin kasing tumitingin ng kanilang mga section. Una kong tinignan ang sa akin. Nakita ko ang pangalan ko sa ikatlong section. Sunod ang sa kanya. Sa taas ako nagsimula muna kasi naisip ko nga na baka doon siya nilagay dahil sa grades niya pero wala. Tinignan ko sa pangalawa, wala rin. Sunod sa pangatlo.

"Arhhhhhhhh!!!!"

Itutuloy. . . . . . . . . .


allaboutboyslove.blogspot.com

No comments:

Post a Comment