by: Daredevil
"Biglaan naman ang pagdalaw
ninyong dalawa, may problema ba?" ang casual kong tanong sa kanila.
"Josh sinamahan ko lang itong si
Trisha, mayroon kasi siyang hihingiing pabor sa iyo." ang sagot ni
Lalaine.
"Pabor?" ang natanong ko
bigla. Kahit sino ba naman ay magugulat na humihingi ng pabor sa iyo ang taong
bihira mo makausap.
"Ah eh Josh, alam kong hindi tayo
ganoon ka close pero wag mo sanang isipin na katulad ko rin sina Tom na
nangkukutya sa iyo. Maaari naman tayo maging magkaibigan di ba?" ang
pagsasalita ni Trisha.
"O-oo naman" ang nasagot ko
sa kanya. Hindi naman agad ako kumbinsido sa sinabi niyang iyon. Parang ang
bilis naman niyang maging mabait sa akin."
"Mabuti pa at sabihin mo na sa
kanya ang pakay mo. Ako naman ay lalabas muna at magpapahangin para na rin
makapg-usap kayong dalawa ng maayos ok" si Lalaine sabay labas ng bahay.
Sinimulan na ni Trisha na sabihin ang
tunay niyang pakay sa akin. "Josh tungkol kasi ito kay Antonio. May gusto
sana akong itanong sa iyo kasi alam kong ikaw lang ang kaclose niya eh kaya
kilala mo na siya"
"Medyo" ang alanganin kong
sagot. Parang nakukutuban ko na ang ibig niyang ipahiwatig.
"Gusto ko kasi itanong kung may
girlfriend na ba siya ngayon?" ang tanong niya.
"Sabi ko na nga ba gusto ng
babaeng ito na makatiyak para naman kung maging sila ay walang magiging
hadlang" ang nasabi ko sa aking sarili.
"Alam mo Trisha, ayon sa nanay
niya na may pagkababaero siya nung nasa probinsya pa sila nakatira. Yung nanay
pala niya ang nakausap ninyo kanina" ang sagot ko.
"So ibig sabihin marami na siyang
naging girlfriends?" ang sunod niyang tanong
"Siguro oo, di malayong mangyari
iyon kasi may itsura naman siya" ang sagot ko.
"Kung sa bagay, pero sa tingin mo
ba eh may pag-asa kayang... hmmmm.... alam mo na.... yung maging kami.... na
sagutin niya ako?" ang medyo nahihiya pa niyang tanong.
Nasaktan ang aking damdamin sa tanong
niyang iyon. Kumpirmado ngang may gusto siya kay Tonton. Pero hindi ako
nagpahalata. "Pwede, kasi maganda ka naman...hehehe" ang nasabi ko na
lang sabay ngiting pilit.
Todo naman ang pagkakangiti niya sa
sagot kong iyon. At ang sunod niyang sinabi ang nagpagimbal sa akin.
"Sana nga kasi alam mo una ko pa
lang siya makita eh crush ko na siya tapos tuluyan nang nahulog ang loob ko sa
kanya dahil sa kabaitang pinapakita niya sa akin. Kaya Josh may hihilingin sana
akong pabor sa iyo kung ok lang?"
"S...si....sigeee basta kaya
kooo" ang nauutal ko nang sagot.
"Kung maaari sana ay tulungan mo
naman akong mapalapit pa sa kanya."
"Yun lang ba eh walang
problema" ang sagot ko. Pianapakita kong ok lang ako na kaya ko siyang
tulungan sa harap niya ngunit sa kaloob-looban ay sobra na ang aking
kalungkutan.
"Salamat Josh, maraming salamat.
Hayaan mo at tutulungan din kita sa mga problema mo sa abot ng aking makakaya
pangako"
Marami pa kaming pinag-usapan tungkol
kay Tonton. Nilahad ko sa kanya ang mga hobbies niya mga paboritong pagkain,
yung mga bagay at ugali na ayaw niya sa ibang tao. Hindi sila nagtagal pa at
umalis na rin matapos ang aming usapan.
Sa kwarto ay tuluyan na akong
humagulgol. Papano na kaya ang damdamin ko para kay Tonton gayong nakapangako
na ako kay Trisha. Panahon na siguro na ibaon na lang sa hukay ang anumang
nararamdaman ko para sa kanya at simulang gawin ang mga bagay na hiniling ni
Trisha. Dahil mahal ko siya ay handa na akong ipagkaloob ang kanyang
kaligayahan sa piling ni Trisha.
Nasa kasagsagan ako ng aking pag-iiyak
nang marinig ko ang boses ni Tonton habang kumakatok sa pinto. Agad ko namang inayos
ang aking sarili sa pagharap sa kanya. Ayoko niyang makitang umiiyak ako.
"Tonton, ang tagal mo naman
kanina pa kita hinihintay, ito oh pinalevel ko na muna yung character mo"
ang salubong ko sa kanya.
Ngunit parang hindi niya ako narinig
dahil nakatingin lang siya sa akin na tila nangingilatis.
"Josh umiiyak ka na naman ano.
Kinakabahan na naman ako sa iyo eh" ang sabi niya sa akin. Bilib talaga
ako sa kanya dahil alam niya ang nararamdaman ng isang tao base lang sa
obserbasyon sa mukha nito.
"Wala ito, namiss ko lang kasi
mga magulang ko" ang palusot ko na lang sa kanya.
"Sigurado ka, tumingin ka nga sa
akin ng deretso" sabi niya sabay hawak sa aking baba para tumingin sa
kanya. Pero nahuli niya agad ako dahil talagang di ako makatingin sa kanya.
"Sabi ko na nga ba at
nagsisinungaling ka. Sabi ni nanay kanina may nagpunta dito kanina si Lalaine
na may kasamang babae. Sa pagkakalarawan niya ay naisip kong si Trisha
iyon."
Maya-maya ay hinawakan niya ang
magkabila kong balikat. "Umamin ka nga sa akin Josh, may kinalaman ba sa
pag-iyak mo ang pagdalaw ni Trisha dito?" ang deretshan niyang tanong sa
akin.
Pilit kong pinipigilan ang aking
sarili na maiyak muli. Siyempre hindi ko maaaring sabihin sa kanya ang
napag-usapan naming dalawa Kaya nagdeny na lang ako. "Hindi ah, namiss ko
lang talaga mga magulang ko."
"Ayan na naman tayong dalawa eh,
alam mo naman di ba na ayaw kong makikita kitang nalulungkot kasi nahahabag ako
sa iyo. Kaya nga palagi akong nandito sa tabi mo para bantayan ka at pasayahin.
Ginagawa ko ang role ko sa iyo bilang kaibigan kaya sana man lang ay
maappreciate mo iyon. Kung may problema ka ay huwag mong isarili. Sabihin mo sa
akin, at pipilitin kong tumulong lalo na kung ako nga ang dahilan ng mga
paghihinagpis mo" ang mahaba niyang pahayag sa akin.
"Tama magkaibigan nga tayo at
nagpapasalamat ako na dumating kayo sa buhay namin. Huwag kang mag-alala kaya
ko ito at magsasabi naman ako sa iyo ng problema ko kapag hindi ko na kaya at
handa na ako. Tara na oh pa level mo na yung character mo." ang sagot ko
sa kanya sabay lihis ng usapan.
Matapos maglevel ng kanyang character
ay nagpasiya kaming manood ng mga funny videos sa youtube. Tawa kami ng tawang
dalawa habang nanonood. Tila nabura pansamantala sa aking isipan ang lungkot na
aking nadarama. Napapahiga na lang kaming dalawa sa sobrang tawa. Hindi ko
namamalayan na nakahiga na pala ang ulo ko sa kanyang dibdib habang hawak ang
tiyan sa katatawa." Nagbalik lang ako sa katinuan ng matapos ang video.
Nahiya naman ako sa aking ginawa kaya agad
akong bumangon. "Sorry, di ko namalayan" ang paghingi ko ng
paumanhin.
Tumitig siya sa akin. Ewan ko pero
tila may malalim siyang iniisip. Bigla siyang nagsalita. "Bakit ka
humihingi ng tawad? Wala namang masama sa ginagawa mo. At saka lumalamig ka na
naman yata sa akin niyan. ayoko ng ganoon Josh"
"Hindi ah, pwede bang wag kang
mag-isip ng kung anu-ano. Mabuti pa siguro at magmeryenda na tayong dalawa.
Gutom lang yan eh" ang pag-iiba ko na lang ng usapan.
Nagpatuloy pa ang pag-uusap naming
dalawa at paglilibang sa aking kwarto matapos magkuwentuhan hanggang sa umabot
ito ng gabi.
______
Araw iyon ng Lunes, simula ng bago
kong misyon ang paglapitin sina Tonton at Trisha. Pagkarating naming dalawa sa
room ay binati kaagad ako ni Trisha. Tumayo siya at lumapit sa aming dalawa.
"Good morning Josh."
"Good morning din" ang
nakangiti kong pagbati sa kanya. Kita ko naman sa reaksyon ng aming mga kaklase
ang pagtataka sa biglaang pagpapansinan naming dalawa pero hindi ko na lang
pinansin pa iyon.
"Hi Antonio" ang pakikay na
bati naman ni Trisha sa kanya.
"Binabati ka ni Trisha oh sagutin
mo naman" ang bigla kong pagsingit.
"Hello Trish" ang nakatawa
niyang bati.
"Antonio mamaya sabay ulit tayo
magrecess ah, may surprise ako sa iyo" ang sunod na sinabi ni Trisha.
"Oo nga Tonton, sigurado akong
magugustuhan mo iyon" ang pagsingit kong muli.
Hindi kaagad sumagot si Tonton sa
halip at tumingin sa akin. Nahalata ko naman na nagtataka siya sa mga
nangyayari kaya gumawa agad ako ng paraan.
"Mamaya na siguro tayo mag-usap
baka dumating na si mam" ang sabi ko na lang.
"Nag-uusap na pala kayo ni
Trisha" ang sabi niya sa akin habang nakaupo at naghihintay na dumating
ang aming guro.
"Oo naman nakipagkaibigan kasi
siya sa akin nung dumalaw sila ni Lalaine noong Sabado. Mabait naman siyang tao
kaya kinaibigan ko na rin siya." ang sagot ko.
"Iyon ba talaga ang dahilan, sana
lang ay totoo yan." ang may pagdududa niyang sabi.
"Ano ka ba naman, huwag mo na
ngang isipin yan."
Magsasalita pa sana siya nang maputol
ito sa pagdating ng unang naming teacher sa araw na iyon.
Ang akala ko ay makakaligtas na ako sa
topic na iyon pero hindi pala. Dahil magkatabi lang kaming dalawa ay
nagtatanong pa rin siya sa akin tungkol doon.
"Josh, may nararamdaman akong may
mali eh. Alam kong may pinaplano ka." ang bulong niya sa akin.
"Pinaplano, wala ano. Dapat nga
maging masaya ka para sa akin dahil nadagdagan ako ng mga kaibigan." ang
sagot ko sa kanya.
"Sige kung ayaw mong magsalita
fine. Alam kong may tinatago ka. Pero ito lang ang masasabi ko sa iyo. Huwag
mong ipilit na gawin ang isang bagay na
alam mong makakasakit sa iyo."
Tinamaan ako sa sinabi niyang iyon
kaya hindi na ako nakaimik pa. Alam na kaya niya ang mga ginagawa ko? Kung oo,
talagang bilib na ako sa kanya.
______
"Tonton, uuwi ka na ba?" ang
tanong ni Trisha sa kanya habang inaayos ang kanyang mga gamit.
"Tonton, tinatanong ka ni Trisha
oh" ang pagsingit ko dahil hindi
kaagad sumasagot si Tonton sa kanya.
"Ano yun ulit?" ang tanong
niya. Napaisip ako bigla. Parang wala siya sa kanyang sarili at may malalim na
iniisip.
"Tonton, tinatanong ka niya kung
uuwi ka na?" ang sabi ko sa kanya.
"Oo naman" ang sagot niya.
"Teka nga pala Josh, anong ibig mong sabihin na uuwi na AKO, di ba dapat
ang sabihin mo ay uuwi na TAYO?" ang dugtong niyang tanong sa akin na
binibigyang diin ang salitang ako at tayo.
"Hehehe, ikaw naman alam na niya
iyon di ba Trisha?" Tumango lang siya bilang sagot.
"Tamang-tama Tonton, ihatid mo na
si Trisha pauwi. Gamitin niyo na ang motor. Hindi kasi ako makakasabay sa iyo
dahil may lakad kami ngayon ni Lalaine."
Rumehistro ang pagkagulat sa mukha ni
Tonton sa sinabi kong iyon. Pero hindi ko ito pinansin.
"Hindi ba close na kayo. Kaya
pagkakataon niyo na ito para mas maging malapit sa isat-isa." ang dagdag
ko pa. Tinignan ko si Trisha at nginitian bilang pagpapahiwatig na ginagawa ko
ang mga pinangako ko sa kanya.
Alam kong maraming gustong ikompronta
sa akin si Tonton sa mga pinaggagawa at pinagsasabi ko. Kaya agad akong
nagpaalam na umalis. "Sige mauna na ako sa inyo. Naghihintay na sa akin si
Lalaine sa labas"
Nagtatakbo ako palabas ng school.
Hindi ko na naman maiwasang maluha habang nag-iisip kung hanggang kailan ko
kakayanin ang magsinungaling at ginagawa ko kay Tonton. Tutal naman ay
binanggit kong dahilan si Lalaine sa kanila kaya agad ko siyang tinawagan para
makisabay sa kanya kahit pa malayo ang bahay nila sa amin.
______
"Josh magmeryenda ka muna"
ang alok sa akin ni Lalaine nang makarating sa kanila.
"Salamat."
"Alam mo friend naguguluhan na
ako sa iyo. Hindi ko mawari kung bakit mo tinutulungan si Trisha kay
Tonton."
"Ewan ko ba. Kahit ako rin ay
naguguluhan na sa sarili ko. Basta ang alam ko, gusto ko lang maging masaya si
Tonton, at sa isang babaeng tulad ni Trisha niya makakamit iyon. Alam naman
nating masaya sila kapag magkasama di ba. Kaya naisip ko na lalo pa silang
paglapitin."
"Eh paano na ka na. Sa ginagawa
mong iyan parang inaalipin mo na ang sarili mo sa kalungkutan."
"Tama ka, sa totoo lang hanggang
ngayon ay hindi pa ako handa sa maaaring maging resulta nitong mga ginagawa ko.
Dapat siguro ay sanayin ko na ang sarili ko na tanggapin ang anumang magaganap
sa kanilang dalawa"
"Ok. Kung sakali man na mangyari
na magkatuluyan na silang dalawa ano na ang gagawin mo?"
Napabuntung hininga muna ako bago
sumagot. "Ako, sa totoo lang di ko pa alam. Pero naisip ko na dumistansya
sa kanya. Iiwasan ko nang lumapit sa kanya."
"Ganoon? Eh paano? Halos
magkalapit lang kayo ng bahay. Isa pa ay inihabilin ka ng mga magulang mo sa
kanya."
"Hindi ko pa alam friend. Pero
balak ko na rin kausapin sina Mama at Papa tungkol sa bagay na ito"
"Talaga!" ang tila nagulat
na sagot ni Lalaine. "Aamin ka na sa kanila friend?"
"Oo" ang medyo alangan kong
sagot.
Itutuloy. . . . . . . . . .
allaboutboyslove.blogspot.com
No comments:
Post a Comment