by: Daredevil
May narinig akong boses ng isang tao
na nagsasalita sa loob, sa palagay ko may kausap siya sa telepono. Medyo
kinabahan ako dahil parang kilala ko ang pinanggagalingan ng boses na ito.
Nagpasiya akong lumapit pa nang kaunti para pakinggan ito, at doon ko
napagtanto kung kanino ito nanggaling. Hindi ako pwedeng magkamali.
Bigla akong nakaramdam ng pagkamiss sa
kanya. Parang gusto ko na siyang lapitan at yakapin ng mga oras na iyon. Siguro
dahil sa matagal niyang pagkawala ng halos 5 taon. Iniisip ko kung ano na ang
itsura niya ngayon at nagtataka rin kung bakit siya naging businessman sa halip
na maging teacher na kinuha nilang kurso ng kuya ko pati na rin ang dahilan ng
kanyang pagbabalik.
Kahit naeexcite ako sa muli naming
pagkikita, mas nanaig pa rin sa akin ang galit dahil sa hindi ko nakalimutang
ginawa niya sa akin. Hindi ko na hahayaang mangyari ulit sa saktan niya ulit
ang damdamin ko. Ipapakita ko sa kanya na iba na ako ngayon, hindi lang sa
pisikal na itsura pati na rin sa pag-uugali. Hindi na rin ako magpapadala sa
bugso ng damdamin. Nandito ako para magtrabaho.
Inayos ko muna ang aking sarili bago
siya harapin. Ngayon pa lang naiisip ko ang magiging reaksyon niya kapag nakita
ang bagong Rico sa harap niya. Nang matapos siya sa pakikipag-usap sa telepono
ay saka akong lumapit sa kanya. Tumayo ako sa harap ng mesa niya.
"Good Morning po sir" ang
nakangiti kong pagbati sa kanya. Halos magulat din ako sa kanyang itsura
ngayon. Mas lalo siyang gumwapo. Kahit naka long sleeve din at kurbata, halata
pa rin ang ganda ng katawan niya sa pagkakabakat pa lang ng suot niya. Makinis
pa rin ang kanyang mukha kahit medyo nagmature na siya.
"Good mor..." ang itutugon
niya pero naputol nang makita niya ako. Kita ko sa mga mata niya ang pagkabigla
rin sa aking bagong itsura. Ilang segundo rin niya akong tinignan mula ulo
hanggang paa saka nagsalita muli.
"Ah eh Good morning, please take
your sit" pagpapatuloy niya sabay turo sa akin ng isang upuan sa may mesa
paharap sa kanya.
Pagkaupo, inilabas ko na ang aking
dalang resume at inabot sa kanya. Pilit kong maging pormal at isinantabi ang
nararamdaman ko sa kanya. Nagtaka ako dahil hindi man lang niya ito binasa.
Ipinasok lang niya ito sa kanyang drawer.
"Hindi mo muna kailangang
magtrabaho at huwag mo nang problemahin pang bayaran ang utang sa ginastos sa ospital. Iyong pera na
pinahiram sa inyo ni mama, sa akin nanggaling iyon. Nag- alala rin ako sa nanay
mo kaya nung humingi ng tulong sa akin ang kuya mo, hindi na ko
nagdalawang-isip pa." si Kuya Carlo na nakatingin sa akin.
Medyo nabigla naman ako sa mga sinabi
niya. Ibig sabihin siya ang nagpapunta sa akin dito sa pamamagitan ni Tita
Mely. Matagal na pala siyang nakabalik. Hindi
"Personal decision ko po iyon
Sir. Hindi lang naman po kayo ang pinagkakautangan namin. Saka kailangan ko rin
po ang pera pambili ng mga gamot ni nanay lalo nat hindi na siya pwedeng
magtrabaho. Si kuya naman. hindi pa siya kaagad makakapagbigay ng pera dahil
mag-uumpisa pa lang siya sa pagtuturo sa Maynila. Kung magpapadala man, sakto
lang iyon para sa gastusin sa bahay." ang mahaba kong paliwanag sa kanya.
Hinwakan niya ang kamay ko.
"Rico, alam mo bilib ako sa pinapakita mo ngayon, matured ka na talaga
mag-isip. Tama nga si mama pati ang kuya
mo. Naiintindihan ko ang mga saloobin mo.Nanghihinayang lang naman ako dahil
hihinto ka sa pag-aaral. Sayang naman, isang taon na lang at gagraduate ka na.
Hayaan mo sanang tulungan ko kayo. Ako na ang magpoprovide ng mga medical needs
ng nanay mo pati na ang mga gastusin sa pag-aaral mo sa pasukan."
Bumitaw ako sa pagkakahawak niya at
sumagot. "Huwag na kayong mag-abala pa sa amin. Ayaw ko rin po na tumanaw
ng utang na loob sa iyo."
"Iniisip mo pa rin ba ang pride
mo, tumatanggi ka sa mga tulong ko. Bakit ganyan ka sa akin ha?" ang
napataas na tonong pagtatanong niya sa akin.
"Gusto mong malaman ang totoo,
sige sasabihin ko po sa inyo. Hanggang ngayon, hindi ko pa rin makalimutan ang ginawa
mo sa akin sa party noon. Sobrang nasaktan ako doon alam mo ba. Bigla ka na
lang nagbago sa akin" ang deretsahan kong sabi sa kanya, pilit
pinipigilang lumuha.
Tumayo siya sa kanyang kinauupuan,
lumapit sa akin at humawak ulit sa mga kamay ko. "Naiintindihan kita Rico,
inaamin ko na kasalanan ko ang lahat, Ito ako ngayon hindi pa rin nagbabago.
Pero sana pakinggan mo naman ang mga paliwanag ko."
"Tama na po, tigilan na natin ito
at kalimutan na ang nakaraan. Nandito po ako ngayon para mag-apply ng trabaho.
Gusto ko po ang perang pinaghihirapan kaysa sa bigay lang ng iba." ang
nakayuko kong tugon sa kanya.
Tumayo na siya at bumalik sa kanyang
upuan. Huminga siya ng malalim saka nagsalita. "Kung iyan ang gusto mo
sige, I will hire you as my personal assistant. Pwede ka nang magsimula
bukas."
"Maraming salamat po sir sa
pagtanggap. Hayaan niyo po na paghuhusayan ko po"
Pilit siyang ngumiti siya sa akin.
"Ok you may go now, see you at 9am tomorrow."
Agad akong umuwi ng bahay para ibalita
kay nanay na nagkaroon na ako ng trabaho.
Nang makarating, lumapit ako sa kanya
na nakahiga sa kama. Nagmano ako sa kanya. "Nanay may trabaho na po ako
magsisimula na ako bukas"
"Sa kompanya ni Carlo ba yan
iho" ang sagot ni nanay.
"Napatingin naman ako kay nanay.
"Paano po ninyo nalaman?"
"Nagpunta dito kanina ang Tita
Mely mo, pinagtapat na niya sa akin ang lahat. Alam mo napakabait talaga ni
Carlo kahit nung bata pa siya."
"Tama na nga yan nay, uminom na
ba kayo ng gamot. Sabi ng doktor na kailangan nasa oras ang pag-inom." ang
pag-iiba ko ng usapan.
"Oo anak, hindi ko naman yon
makakalimutan." ang sagot ni nanay.
"Sige nay, sisimulan ko na ang
mga gawaing-bahay. Bibili na rin ako ng pagkain natin." sabi ko sa kanya.
Buong araw lang akong nasa bahay para bantayan si nanay.
Halos hindi ako makatulog nang gabing
iyon. Iniisip ko ang mga nangyari kanina. Inaamin ko sa sarili na mahal ko pa
rin si Kuya Carlo. Pero kailangan kong tanggapin na hanggang pantasya na
mahalin niya rin ako. May sarili na siyang buhay ngayon. May asawa na siguro
siya ngayon marahil yung babae na nakita ko sa party noon.
Kinabukasan, maaga akong gumising.
Agad kong sinimulan ang aking mga daily routines at inasikaso si nanay. Nang
matapos, agad na akong naghanda sa pagpasok sa trabaho. Nagsuot ako ng isang
short sleeve white polo, itim na pantalon at bagong shine na leather shoes na
fit sa akin. Siyempre gusto kong maging kaaya-aya akong tignan sa mata ng ibang
tao. Nagmadali akong umalis ng bahay. Ayaw ko namang malate ako sa unang araw.
Saktong 9am ako nakarating. Buti na lang wala pa si Kuya Carlo. Sinamahan ako
ng babaeng nakausap ko sa telepono sa magiging mesa ko. Malapit lang pala ito
sa pinto ng kanyang opisina. Nalaman ko rin sa kanya na ang kompanyang ito ay
gumagawa ng mga damit at sapatos.
"Sir ito po ang magiging mesa
niyo"
"Ok salamat.....???" ang
pagpapasalamat ko nang bigla siyang nagsalita.
"Suzie po" ang nakangiti
niyang sabi.
Ah ok, salamat Suzie"
"Sige po bababa na ako. Good luck
po sa first day of work" ang pagpapaalam niya.
Umupo na ako sa aking pwesto at
naghintay sa pagdating ni Kuya Carlo. Saktong 10am na nang makita ko siyang
parating. Grabe talaga, lahat yata ng features ng isang magandang lalaki ay
pinagkaloob na sa kanya. Pero isinantabi ko ang paghanga at nagpakaformal na
humarap sa kanya. Tumayo ako at nginitiang bumati sa kanya. "Good Morning
po Sir"
"Good Morning din, sumunod ka sa
akin sa loob" ang tugon niya. Pagkapasok umupo kaagad siya at humarap sa
akin.
"Ipapaalam ko lang ang magiging
trabaho mo ikaw ang magiging personal assistant ko. Kaya ang lahat ng mga
iuutos ko sa iyo ay gagawin mo. Kapag may mga bisitang darating, ikaw muna ang
kakausap sa kanila bago dumeretso sa akin kasama na ang mga tawag sa telepono.
Ika rin ang magsasabi sa akin ng mga
schedules sa akin sa araw-araw. Sasama ka sa lahat ng mga lakad ko. Ikaw lang
ang mag-aabot sa akin ng lahat ng mga dokumentong dapat kong basahin o
pirmahan. Kapag wala ako, ikaw ang tatao sa akin dito sa opisina. Naiintindihan
mo ba?"
"Yes sir, naiintindihan ko po"
ang sagot ko.
"Ok you may go"
Bumalik na ako sa aking mesa.
Sinimulan ko nang pag-aralan ang mga files ng kompanya na nasa computer.
Makalipas ang ilang minuto nakita ko siyang lumabas ng office na parang
nagmamadali. Lumapit siya sa akin.
"Kapag may naghanap sa akin,
sabihin mo nagpunta lang ako sa isang meeting ok" utos niya.
"Yes sir" ang nakangiti kong
tugon.
Habang busy sa pagbabasa ng mga files,
bigla naman akong nakaramdam ng gutom. Nang tignan ko ang oras, lunchbreak na
nang hindi ko namamalayan. Ang bilis pala ng oras kapag abala. Hininto ko muna
ang ginagawa.. Dahil sa wala pa naman akong gaanong kilala doon, nagpasiya
akong kumain na lang sa labas nang mag-isa. Habang naglalakad ako sa lobby palabas
ng building, biglang may kumalabit sa likod ko.
Itutuloy. . . . . . . . .
No comments:
Post a Comment