by: Daredevil
Nagdaan pa ang mga araw na naging
normal ang takbo ng lahat sa amin. Ngunit sa kabila noon ay hindi ko pa rin
maalis sa aking isipan ang naging pag-uusap namin ni Marianne. Nangangamba ako
para sa kaligtasan ng aking mga mahal sa buhay base sa kanyang pagbabanta.
Nagtuloy-tuloy ito hanggang sa sumapit
ang aking semsetral break. Kahit papaano ay nakakahinga na ako ng maluwag sa
pag-iisip na baka tumigil na si Marianne sa kanyang mga gagawin.
Pero nagkamali ako. Isang araw,
mag-isa lang ako sa aming bahay na nagpapahinga sa sofa dahil wala ang mag-ama,
naalimpungatan ako sa isang doorbell. Agad kong sinilip sa bintana kung sino
iyon pero wala naman akong nakitang tao. Bumalik ako sa aking pagkakahiga.
Maya-maya lang ay may nagdoorbell ulit. Muli akong tumayo para sumilip at
nadismaya ako dahil wala na namang tao. Kaya nagpasiya na akong lumabas.
Sa halip na tao ang aking makita,
isang malaking kahon ang aking napansin. May nakadikit na maliit na sulat sa
ibabaw nito. Kinuha ko ang nasabing kahon para usisain. Tinaggal ko ang balot
nito at binuksan.
Nanlaki bigla ang aking mga mata sa
pagkagulat at halos maihagis sa nakita kong laman nito na dalawang magkaibang
sukat na bomba. Agad ko namang binasa ang mensahe na nasa sulat.
"Layuan mo ang pamilya ko, kung
ayaw mong sabay kong pasabugin ang bahay ng nanay mo at ang kompanya."
Doon ko napagtanto kung bakit magkaiba
ang laki ng mga bomba, ang isa ay para sa bahay kung saan nakatira ang aking
pamilya at ang mas malaki roon ay sa mismong kompanya ni Kuya Carlo. Hindi ko
akalain na ganito palang kasama si Marianne na gagawin ang lahat makuha lang
ang gusto niya kahit pa na may mapahamak siyang tao.
Sinimulan ko nang samsamin ang mga ito
at tinapon, mahirap na baka makita iyon ni Kuya Carlo. Pumasok na ako sa loob
na gulong-gulo at tuliro ang utak. Nag-iisip ng mga dapat kong gawin sa
kinakaharap kong problemang ito.
"Kung magpapatuloy pa ako ay
marami ang mapapahamak at ayokong mangyari iyon. Siguro panahon na para tumigil
na ako para na rin sa ikabubuti ng lahat. Ipagpapasalamat ko na lang na
binigyan ako ng pagkakataong maging masaya kahit sa sandaling panahon
lamang." ang sabi ko sa aking sarili.
At isang desisyon ang nabuo sa aking
isipan. Ang lumayo. Kahit papaano ay hindi na ito ganoon kabigat sa akin dahil
nagawa ko na rin ito noong una ngunit di ko maitatago na masakit ito sa akin.
Hahanap lang ako ng tyempo para maisakatuparan ang iyon.
Kung tutuusin ay maaari ko namang
sabihin kay Kuya Carlo ang problemang ito pero naisip ko na hindi siya
makakatulong bagkus baka lumala pa ang sitwasyon.
Sa araw ring iyon ay pinuntahan ko si
nanay.
"Anak bigla ka naman napadalaw,
akala ko sa Linggo pa kayo..."
Hindi ko na siya pinatapos pa dahil
agad ko siyang niyakap at humagulgol dahil sa bigat ng aking kalooban.
"Rico, anak anong problema,
nag-away ba kayo ni Carlo" si nanay na nag-aalala sa akin at hinahaplos
ang aking likuran.
Umupo kami sa sala at sinimulang
isalaysay sa kanya ang lahat.
"Napakasama talaga ng babaeng
yan. Kaya noon pa man ay hindi na boto sa kanya ang Tita Mely mo. Ni hindi nga
daw sila magkasundo ng babaeng yan" ang inis na reaksyon ni Mama.
"Wala na tayong magagawa nay.
Ewan ko ba parang gusto ko nang isuko si Kuya Carlo sa kanya."
"Alam na ba ito ni Carlo? Ano na
ang binabalak mo ngayon anak?"
"Hindi ko pa sinasabi sa kanya at
wala na rin akong balak pang gawin iyon. Kaya nga ako pumunta dito nay para
sabihin na gusto ko nang lumayo ulit tayo."
"Ha, paano na lang si Carlo,
hindi mo man lang ba iniisip ang mararamdaman niya?"
"Mas inaalala ko nay ang
kaligtasan niyo nay pati na ng mga tao sa kompanya. Ayoko rin namang maglaho ng parang bula ang lahat ng
pinaghirapan ni Kuya Carlo."
"Sana may iba pang paraan pero
kung iyang ang gusto mo sige susuportahan kita diyan. Sasabihan ko na rin ang
kuya Arthur mo tungkol sa bagay na yan"
_____
"Daddy Rico!" ang masayang
salubong sa akin ni Angel nang umuwi sila kinagabihan.
"Wow, ang dami mo namang toys
ah"
"Binili ito ni Daddy sa akin kasi
matataas daw ang grades ko. Ikaw Daddy Rico, ano ang gift mo sa akin."
Bahagya naman akong natawa sa tanong
na iyon ng bata. "Ako, hmm... basta surprise"
"Daddy Rico naman eh. Sige na
sabihin mo na po please" amg tila nagmamaktol na pakiusap ng bata.
"Halika nga sa daddy" ang
sagot ko sa bata. Nang lumapit siya ay kinarga ko at hinalikan sa pisngi. Alam
mo Angel kapag sinabi ko sa iyo yun ay hindi na siya surprise. Basta promise ko
sa iyo na bibilhan kita at magugustuhan mo rin iyon"
"Sige na nga." ang nasabi na
lang ng bata.
Maya-maya lang ay pumasok na si Kuya Carlo
galing sa garahe. May dala siyang dalawang box ng pizza. "Tara kain na
tayo" ang masayang pahayag ni Kuya Carlo.
Habang kumakain ay pinagmamasdan ko
ang mag-ama. Kahit puno ng problema ang aking isip ay napapangiti ako sa
kanila. Ang saya nilang tignan habang nag-uusap at nagkukulitan. At wala silang
kaalam-alam sa aking binabalak na paglayo.
"Sana lang ay hindi sila magalit
o magtampo sa aking gagawin. Para rin naman sa inyo ito" ang nasabi ko na
lang sa aking sarili.
______
Lingid sa kaalaman ng mag-ama na
nag-uumpisa na ako sa paghahanda. Sa katunayan ay hindi ito naging madali.
Halos umabot nga ito ng isang linggo.
At sa pagsapit ng takdang araw na kung
saan ay plantsado na lahat, madaling araw iyon habang mahimbing na natutulog si
Kuya Carlo ay dahan-dahan akong bumangon. Ngunit bago ako tuluyang lumisan ng
kwartong iyon ay pinagmasdan ko siyang muli. Ito na ang pinakahuling
pagkakataon na masisilayan ko ang aking minamahal.Inukit ko sa aking isipan ang
kanyang kabuuan. Hindi ko na naman napigilang maiyak. Pagkatapos ay dinampi ko
ang aking mga labi sa kanya. Nag-uwan rin ako ng isang sulat na nilagay ko sa
ibabaw ng drawer katabi ng kamang tinutulugan namin.
"Maraming salamat sa pagmamahal na
ibinigay mo sa akin. Hinding-hindi ko makakalimutan ang pagdating mo sa aking
buhay. Sana patawarin mo ako sa gagawin kong ito, para sa akin mas mahalaga ang
kapakanan ng gagawin kahit kapalit pa nito ang sarili kong kaligayahan. Paalam
aking pantasya- Rico.
Hindi
na ako nakapagempake ng aking mga damit dahil kung gagawin ko iyon ay
mahahalata niya ako. Kaya ang nadala ko na lang ay ang aking cellphone na
naglalaman ng mga larawan ng aking alaala sa kanya kasama ni Angel.Sa paglabas
ko ng bahay ay naghihintay na ang isang taxi. Sakay na roon ang aking kapatid
at si nanay.
Napagdesisyunan ng aming pamilya na
tumuloy muna sa isang hotel sa Maynila habang hinihintay ang aming ticket
papuntang Amerika. Napakasakit man ngunit ito na rin ang tamang desisyon para
na ring tuluyan nang maputol ang aming ugnayan ng aking minamahal.
______
Kinabukasan tumawag ulit sa akin si
Marianne habang nagmumuni-muni ako sa terrace ng aming tinutuluyang kwarto.
"Mabuti naman Rico at sinunod mo
ang gusto ko. Salamat ah"
"Napakasama mo talaga
Marianne." ang nanggagalaiti kong tugon.
"Ako masama, tignan mo nga yang
sarili mo. Sino ba sa atin ang mang-aagaw?"
Naiiyak na ako sa sobrang panggigigil
sa taong ito.
"Oh umiiyak ka? Kawawa naman ang
baby boy este baby gay pala. Salot!"
Kahit napakasakit sa aking damdamin ang
pahayag niyang iyon ay nakuha ko pa ring makasagot.
"Tandaan mo ito Marianne, kahit
nasa iyo na si Kuya Carlo, hinding-hindi mo mapapasaiyo ang kanyang damdamin
dahil hindi ka niya mahal."
"Ows, minamaliit mo ba ang
kakahayan ko eh isang beses ko na nga siyang natikman. Alam ko na bibigay din
siya sa aking alindog."
"Sana lang. Sa pagkakaalam ko...
may asawa ka na di ba kaya hindi natuloy ang kasal niyo. Alam ba niya ang mga
ginagawa mong kalokohan?"
"Bakit magsusumbong ka? Sige
gawin mo. Hanapin mo siya kung makikita mo pa"
"Anong ibig mong sabihin?"
"Di ba sinabi ko na sa iyo nung
una pa na aalisin ko ang lahat ng humahadlang."
Napaisip ako saglit sa kanyang
sinagot. At isang bagay ang agad na nabuo sa aking utak. "Pinatay mo ang
asawa mo?"
"Very Good! Matalino ka rin
pala." ang kanyang sagot. Naririnig ko ang kanyang paghalakhak.
Agad ko nang pinutol ang kanyang tawag
dahil sumisikip na ang aking dibdib sa mga nalaman ko. Grabe na talaga ang
kanyang kasamaan. Hindi siya nagbibiro sa kanyang mga pagbabanta, talagang
ginagawa niya ito. Ngunit hindi na dapat ako matakot, sinunod ko na ang gusto
niya kaya hindi na mapapahamak pa ang lahat.
Itutuloy. . . . . . . . .
allaboutboyslove.blogspot.com
No comments:
Post a Comment