by: Daredevil
Kinabukasan, naalimpungatan na lang
ako sa amoy ng isang pagkain. Pagdilat ko ng aking mga mata, nasilayan ko sa
aking tabi ang isang lalaking ngayo'y laman ng aking puso. Nakangiti siya na
tila nakadagdag sa kanyang kagwapuhan. Isang napakaagandang umaga ito para sa
akin.
"Breakfast in bed!" ang
masigla niyang bati sa akin.
Bumangon ako at umupo.
"Nakakahiya naman nag-abala ka pa ng pagkain."
"Bakit ka naman mahihiya, kung
tutuusin dapat ako ang makaramdam niyan eh, ako ang nagyaya sa iyo na mamasyal
tapos ako pa itong nilibre mo. Kaya naisip ko na kahit sa ganitong paraan ay
masuklian mo ang ginawa mong iyon sa akin."
"Ganun ba sige salamat ha"
ang sagot ko sabay kuha ng pagkain sa kanya.Tinabihan niya ako sa kama.
Habang kinakain ko ang binigay niyang
sinangag na may bacon at hotdog ay napapansin ko ang pagtitig niya sa akin.
Hindi ko tuloy maiwasang mailang sa kanya.
"Bakit ganyan ka kung makatingin
sa akin? Di tuloy ako makakain ng maayos niyan." ang biro kong tanong sa
kanya.
Bahagya siyang natawa bago sumagot.
"Hmm, masaya lang ako Josh, sige kumain ka lang. Hayaan mo na lang ako na
tignan ka" ang sagot niya sa akin.
"Ewan ko sa iyo" ang nasabi
ko na lang sa kanya. Sa totoo lang nagugustuhan ko naman ang pagtitig niya lalo
na ang pamatay niyang ngiti.
______
Sobrang gaan ng aking pakiramdam nang
pumasok ako kinabukasan. At base sa aking obserbasyon ay ganoon din si Tonton.
Kakaiba kasi ang nakikita kong saya sa kanya. Kung anuman ang dahilan niyon ay
hindi ko na lang binigyang pansin pa.
Makalipas ng halos dalawang buwan ay
ganoon pa rin ang set-up naming dalawa. Sa palagay ko nga ay mas lalo pang
lumalalim ang aming samahang dalawa bilang magkaibigan. At kasabay noon ay ang
lalong pag-usbong ng nararamdaman kong pag-ibig sa kanya.
Hindi na rin ako gaano kinukutya ng
aming mga kaklase dahil na rin sa pagtatanggol sa akin ni Tonton. Sa nakikita
ko ay talagang nagmamalasakit siya sa akin. Masaya ako dahil pinaninindigan
niya ang pangako sa akin.
Pero may mga bagay pa ring bumabagabag
sa aking puso, at tungkol ito kay Trisha. Minsan kasi ay nakikita ko silang
magkasama ni Tonton. Sabay na kumakain sa canteen, sa pagresearch sa library at
pati sa ilang class activities. Inaamin kong nagseselos ako sa kanilang dalawa.
Pero wala akong magawa, hindi ko naman mapigilan si Tonton na lapitan siya
dahil una, nasa iisang klase lang sila at pangalawa, baka kung ano pa ang
isipin niya sa akin. Pinipilit ko naman ang aking sarili na isangtabi ang nararamdaman
kong ito. Nakikita ko naman kasi kay Tonton ang kanyang effort na bigyan ako ng
atensyon.
Isang araw ay napag-usapan namin ito
ni Lalaine. Tapos na kaming magrecess at sabay na naglalakad pabalik ng room.
"Josh, napapansin mo ba na
napapadalas na ang pagsasama ni Trisha pati ni Tonton mo. Tignan mo, minsanan
na lang siya sumabay sa iyo kumain"
"Oo nga eh, pero hayaan mo na
lang friend. Kasi lagi naman kaming magkasabay umuwi. Madalas din naman siyang
naroon sa bahay namin." ang sagot ko sa kanya.
"Pero hindi mo ba naisip na baka
magkadevelopan na silang dalawa. Ikaw rin baka isang araw ay magising ka na
lang sa balitang may relasyon na silang dalawa"
Nakaramdam naman ako ng kaba sa sinabi
niyang iyon. "Sa totoo lang matagal ko nang naisip ang bagay na yan. Pero
wala naman akong magagawa kung maging sila naman. Normal lang na magkagusto
siya sa babae kasi lalaki siya at normal lang ito. Sino ba ako para pigilan
siya di ba?" ang malungkot kong pahayag.
"Ok, mabuti naman. Natutuwa ako
sa lawak ng pang-unawa mo kaya panahon na siguro para ipakita ko sa iyo
ito." ang sabi niya sa akin. Bigla naman akong nagkaroon ng interes kaya
hinayaan ko lang siya sa kanyang ginagawa.
Gamit ang kanyang cellphone ay binuksan
niya ang kanyang facebook account at pinakita niya sa akin ang profile ng isang
niyang friend doon na si Trisha.
"Tignan mo tong isang
picture" ang sabi niya sabay pakita nito. Gulat, lungkot at inis ang aking
naging reaksyon nang makita ito.Si Tonton at Trisha na magkatabi sa isang upuan
na parehong nakangiti. Nakaakbay si Tonton sa kanya.
Ito yung picture nung niyaya siya ni
Trisha sa salosalo ng kanilang pamilya, yung araw mismo na nagpunta kayo ng
Luneta" ang sabi ni Lalaine sa akin.
Halos maiyak na ako sa mga sunod kong
nakita. May mga larawan din silang kuha sa canteen at library na masaya at
nakangiti.
"Alam mo ba Josh, tinatanong ko
si Trisha tungkol dito, kung sila na ba ni Tonton. Pero sinasabi niya na ibabalita na lang niya sa lahat kung
mangyayari iyon. Sa ngayon daw ay may mutual understanding na silang dalawa.
Napakasweet daw kasi ni Tonton sa kanya." ang sunod na pahayag ni Lalaine.
"Hayaan mo na sila" ang
nasagot ko lang sa kanya. Pilit kong tinatago ang sakit at lungkot na aking
nararamdaman. "Bilisan na lang natin baka dumating na si mam" ang
dugtong ko pa.
______
Habang bumibyahe kaming dalawa ay
hindi pa rin mawala sa isip ko ang mga pinakita sa akin ni Lalaine kanina.
Dahil doon ay hindi ko magawang pansinin si Tonton. Hanggang sa makarating kami
ng bahay ay wala kaming imikang dalawa.
Mabilis akong bumaba ng motor at
inabot sa kanya ang helmet. Akmang papasok na sana ako ng gate ng bigla niya
akong hinawakan sa aking braso. "Josh, saglit lang"
Tumingin naman ako sa kanya.
"B-bakit?" ang casual kong tanong.
"May problema ka ba, kanina ko pa
kasi napapansin ang di mo pag-imik sa akin eh. Hindi ka naman ganyan nitong mga
nakaraang araw. Bumabalik ka na naman yata sa dati eh" ang sabi niya sa
akin.
"W-wala naman, medyo masakit lang
ang ulo ko, dala na rin siguro ito sa sobrang pagod" ang alibi kong sagot.
Nang tignan ko siya ay bakas sa kanyang mukha na hindi siya naniniwala sa
kanyang narinig.
"Josh, ayaw ko ng ganyan ah, na
magbalik ka sa dati mong pag-uugali sa akin. Tapos nagsisinungaling ka pa. Di
ba magkaibigan na tayo. Kaya kung anuman yang problema mo, maaari mong sabihin
sa akin at pipilitin kong matulungan ka sa abot ng aking makakaya"
Napaisip akong bigla sa sinabi niyang
iyon. Gusto ko na sanang sabihin sa kanya ang totoo pero pinangunahan na ako ng
takot sa maaari niyang isagot at hiya na baka magbago ang tingin niya sa akin.
Pumasok din sa aking isipan na napakaimposibleng iwanan at iwasan niya si
Trisha bilang tulong sa akin.
"Ahm wag kang mag-alala ayos lang
ako siguro kailangan ko lang ng tulog. Ilang gabi na rin ako puyat sa kalalaro
ko sa laptop." ang sabi ko na lang sa kanya.
"Ok sige magpahinga ka na muna.
Pero ito lang ang sasabihin ko, nandito lang ako para sa iyo" ang sabi
niya.
"Sige" ang huli kong sagot
at naglakad na ako papaok ng bahay.
Hanggang sa aking silid ay iniisip ko
pa rin ito. Kaya habang tinitignan ko ang mga larawan ni Tonton sa kanyang
facebook account na ginawa niya sa tulong ko ay kinakausap ko ang aking sarili.
"Habang tumatagal pakiramdam ko ay
mas lalo akong nasasaktan dahil sa pag-ibig ko sa iyo. Ano nga naman ang laban ko sa isang babae di ba? At
saka napakaimposible naman na maging tayo na mahalin mo rin ako ng higit sa
isang kaibigan. Kahit papaano ay nakukuntento na ako sa pagiging magkaibigan
natin, sa pag-aalaga, pagbabantay at pagiging maaalahanin mo sa akin pero hindi
ko alam kung hanggang kailan ko ito paninindigan. Sa tuwing magkasama kayo ni
Trisha ay sibat ito na tumutusok sa aking puso."
At tuluyan ko nang nilabas ang aking
emosyon sa pamamagitan ng pag-iyak. "Dapat siguro ay maka-isip na ako ng
mas magandang paraan. Hindi pwedeng maging malungkot na lang ako habang
buhay."
______
Ilang araw pa ang lumipas na ganoon pa
rin ang nararamdaman ko ngunit kahit papaano ay nakakayanan ko nang itago ito.
Pilit akong nagpapakita ng saya sa mga tao sa aking paligid lalo na kay Tonton.
Sa kabila kasi ng problema ko ay napapatawa niya ako sa pamamagitan ng kanyang
mga jokes na ang ilan sa mga ito ay mag pagkacorny. May mga pagkakataon din
namang namamasyal pa rin kaming dalawa sa mall. Sa bahay naman ay lagi lang
kaming nasa kwarto ko. Magkatabi kaming nanonood ng mga videos sa aking laptop.
Mayroon na rin siyang account sa facebook pati na rin sa mga nilalaro kong online
games. Habang nagpapalevel ay tinuturo ko sa kanya ang mga dapat gawin. Mabilis
naman siyang matuto.
At dahil sa angking talino nitong si
Tonton ay tinuturuan naman niya ako sa mga lessons namin sa school. Kakatuwa
lang dahil sa pagpupursige niyang matuto ako. Matyaga siya at mapagpasensiyang
tao. Hindi ko mang lang siya nakitang naiinis sa akin kahit paulit-ulit siyang
nagpapaliwanang sa mga lesson na nahihirapan ako at hindi ko agad natututunan.
Minsan nga naisip ko na sana ganito na
lang palagi ang aming set-up dahil ito lang ang nagpapasaya sa akin. Pero gaya
nga ng payo sa akin ni Lalaine noon pati na rin sa mga nagaganap sa paligid sa
ngayon ay malabo itong mangyari.
______
Sadya talagang mapagbiro ang tadhana o
ewan ko lang baka sinusubukan nito ang aking katatagan. Isang pangyayari ang
biglang dumating sa akin.
Araw iyon ng sabado, abala ako sa
paglalaro sa aking laptop. Habang hinihintay ko ang pagdating ni Tonton ay
pinapalevel ko ang kanyang character. Kumatok sa aking kwarto ang nanay ni
Tonton at sinabing may naghahanap sa akin sa labas.
Naputol ang aking ginagawa sa isang
bisitang di ko inaasahan. Unang pagkakataon kasing pumunta siya sa bahay namin
dahil hindi naman kami ganun ka close sa school. Kasama niya si Lalaine.
"Ah Lalaine, ikaw pala biglaan
naman ang pagdalaw mo" ang salubong ko sa kanya. Agad ko rin namang binati
ang kasama niyang babae. "Nandito ka rin pala Trisha, halika pasok muna
kayo"
Magiliw ko silang tinanggap bilang
bisita ngunit kasabay noon ang pagtataka sa biglaang pagpunta ni Trisha.
Itutuloy. . . . . . . . . .
allaboutboyslove.blogspot.com
No comments:
Post a Comment