Wednesday, December 19, 2012

Mahal Kita (08)

by: Daredevil

Magdamag akong hindi makatulog gawa ng pag-iisip. Sobra akong naguguluhan. Ang hirap pala magpretend na ok lang ang lahat na nilalabanan ang totoong nilalaman ng puso at isipan. Pinipilit ko ang aking sarili na ayos lang sa akin ang paglalapit nina Trisha at Tonton pero sa totoo lang ay nasasaktan na ako.

Sa unang pagkakataon ay naranasan ko ang magmahal. Inaamin kong, mahal ko na si Tonton, nahulog ang loob ko sa kanya sa halos isang buwan naming pagkakilala. Hindi ko na maitago pa ito. Kaya ganoon na lang ang aking pagseselos sa tuwing magkasama nila ni Trisha. Pero tulad nga ng payo sa akin ni Lalaine,  wala akong magagawa kundi tanggapin ito at makuntento na lang sa kung anong meron sa amin ni Tonton ngayon.

"Mabilis niyang pinaunlakan ang paanyaya ni Trisha, nakalimutan na niya  ang lakad namin kinabukasan." ang malungkot kong pahayag sa aking sarili. "Hindi ko alam ang mangyayari doon bukas. Kaya ngayon pa lang dapat turuan ko na ang aking sarili na lawakan ang pang-unawa at tanggapin ang magaganap."

Kinaumagahan, pilit akong bumangon mula sa magdamag na pagmukmok para mag-agahan. Pagkababa ko ay nakita ko ang mag-inang kumakain na ng almusal.

"Magandang umaga po, halina po sabay ka na sa amin" ang paanyaya ng kanyang ina nang makita ako. Sinabayan ko na rin sila.

Habang kumakain napansin ko naman na nakatingin sa akin si Tonton na dahilan upang makaramdam ako ng pagkabalisa. Kaya binilisan ko na lang ang aking pagkain.

Nang matapos, "Aling Myrna, babalik na ako sa taas" ang paalam ko at hindi ko na sinulyapan ang kanyang anak.
"Sige po" ang sagot lang niya.
______
As usual, matapos kong maligo ay agad kong binuksan ang aking laptop para maglaro. Sa pamamagitan man lang nito ay panandaliang malibang ang isip ko sa aking mga problema.

Nakakailang minuto pa lang ako sa aking ginagawa nang may kumatok sa aking pinto. Nang buksan ko ito ay tumambad sa aking harapan ang bihis na bihis na Tonton. Halatang pinaghandaan ang pagpunta sa bahay ni Trisha. Napakaguwapo talaga ng taong ito sa suot niyang fitted na long sleeves na polong tinupi hanggang siko, faded na pantalon at rubber shoes. Ang maikli niyang buhok ay inayos niya at pinorma sa pamamagitan ng wax. Amoy ko rin ang kayang gamit na pabango. Kung hindi mo siya lubusang kilala, aakalain talagang hindi siya isang probinsyano. Pilit kong pinigilan ang aking sariling mahumaling sa kanya.

"Bakit ka pa nandito? Baka naghihintay na sila sa iyo sa school maiwanan ka nila niyan" ang bungad ko sa kanya.
"Nandito lang ako para magpaalam."ang pormal niyang sagot na nakatitig lang sa akin.
"Sige makakaalis ka na" ang sagot ko sa kanya sabay hawak sa doorknob ng pinto para isara ito.
"Sandali Josh" ang pagpigil niya sa aking gagawin sabay hawak ng kanyang mga kamay sa pinto.
"Ano pa ba ang kailangan mo?" ang medyo naiinis ko nang sagot. "Pwede bang sabihin mo na kasi inaabala mo ang paglalaro ko"
"Josh, hindi ako manhid para di malaman ang iniisip mo. Alam kong nadismaya ka sa pagpayag ko sa paanyaya ni Trisha. Pero sana maintindihan mo, nahihiya kasi akong tumanggi sa kanya na nagpakita ng kabaitan sa akin."
"Oo na naiintindihan ko, wala ka namang narinig sa aking pagtutol. Kaya makakaalis ka na"
"Pero nagagalit ka. Nararamdaman ko naman iyon eh. Saka gusto kong sabihin sa iyo na hindi ko naman nakalimutan ang lakad natin lalo nat ikaw ang nagset sa akin na ngayong araw na ito iyon mangyayari."

Tila nasiyahan ako ng bahagya sa pahayag niyang iyon. Ngunit hindi pa rin ako nagpahalata sa kanya.
"Talaga lang ha, at FYI lang po, hindi ako galit sa katunayan pa nga na masaya ako na nagkakamabutihan kayong dalawa. Goodluck na lang sa iyo doon."

Huminga lang siya ng malalim sa sagot kong iyon at kita sa kanyang mukha na hindi siya kumbinsido sa aking sagot.
"Sige wala naman ako magagawa kung yan ang gusto mong sabihin. Pero tatandaan mo na isang napakalaking bagay sa akin ang pagpayag mong samahan ako sa pamamasyal. Kaya gagawin ko ang lahat para matuloy ito. Pangako ko na pipilitin kong makauwi nang maaga. Sige aalis na ako"

At nadagdagan ang saya na aking nararamdaman sa huling pahayag niyang iyon. Pero napaisip naman ako sa isang bahagi ng kanyang sinabi na napakalaking bagay daw sa kanya ang pagpayag ko. Isinantabi ko na lang iyon.

Matapos ang tatlong oras na paglalaro, ay naghanda na ako para sa lakad namin ni Tonton. Hindi ko maitago ang aking excitement habang nagbibihis. Simpleng porma lang ang ginawa ko. Isang fitted t-shirt na light blue ang sinuot ko, walking shorts at sapatos. Naglagay ako ng gel sa aking buhok at nagpabango rin. Gusto ko na maging kaaya-aya ako sa paningin ni Tonton.

Isang oras pa ako naghintay sa kanya. Pasado alas kwatro ng hapon siya  nakarating.
"Josh tara na" ang bungad niya sa akin nang makarating. Pinalitan na niya ang kanyang polo ng isang t-shirt.

Habang nasa motor ay kapansin-pansin ang masaya niyang mukha. Hindi ko tuloy maiwasang mabalisa. Naisip kong may kinalaman si Trisha dito. "Hindi!" ang bigla kong pagsambit na ikinagulat ni Tonton kaya inihinto niya ang motor.

"Josh, ano iyon?" ang tanong niya sa akin.
"Ah wala, may naalala lang ako" ang sagot ko sa kanya.
"Ok. Hayaan mo pipilitin kong pasayahin kita ngayong araw na ito" ang sabi niya sa akin at pinaandar na ulit ang motor.

Binaybay namin ang kahabaan ng Roxas Boulevard. Kaya nagkaidea na ako kung saan kami talaga pupunta. Maya-maya lang ay inihinto na niya ang motor. Narito kami ngayon sa Luneta. Ang sikat na parke dito sa Maynila. Malaki na rin ang pinagbago dito dahil sa pagpapaganda ng lokal na pamahalaan.

Naupo kami sa isang bahagi ng damuhan.
"Bata pa lang ako, gusto ko nang makapunta sa lugar na ito. Lagi ko kasi itong nababasa sa mga aklat ng kasaysayan at nababanggit ng aking mga guro nung nasa elementarya pa lang ako. Sa katunayan nga nung dumating kami ni nanay dito sa Maynila ay agad kong pinag-aralan ang papunta dito mula sa inyo."
"Ah ganoon ba?" ang tugon ko sa kanya. Naiintindihan ko naman siya. First time niya makapunta dito dahil sa lumaki siya sa probinsya. Kaya isinantabi ko na muna ang pagkasawa ko sa lugar na ito para sa kanya.
"Siguro naman masaya ka na dahil natupad mo na ang gusto mo" ang dugtong ko.
"Oo doble ang saya ko ngayon." ang nakangiti niyang sagot sa akin. Nakalabas ang kanyang magagandang mga ngipin.
"Anong doble?" ang nagtataka kong tanong.
"Ahmmm, ito, yung pagpunta ko dito at pangalawa ay..." ang sabi niya. Tumingin siya sa akin bigla na nakangiti pa rin. "ang makasama ka" ang dugtong niya.


Sobrang masaya ako at todong kinilig sa mga narinig ko sa kanya. Kaya nginitian ko rin siya.
"Wow naman, ngumiti na siya ulit sa akin, triple na ang saya ko. Kung alam mo lang na gumagaan ang pakiramdam ko kapag nakikita ko ang mga ngiti mong iyan." si Tonton.

Nilapit niya ang mukha sa akin at nagsalita ulit. "Hinding-hindi ko ito malilimutan Josh, maraming salamat talaga." Kinurot niya ako sa pisngi. Nagulat ako sa ginawa niyang iyon lalo na at nasa open place kami baka kung anong isipin ng mga makakakita ngunit mas nangingibabaw ngayon ang kasiyahan kong nararamdaman.

Nagtagal pa kami roon. Habang naglilibot kami ay nagkukuwento naman siya ng masasaya niyang mga karanasan at alaala nung bata pa siya. Dahil doon ay lubos ko pa siyang nakilala.

Patuloy pa rin kami sa paglalakad nang makita ko ang nagtitinda ng icecream. Bigla namang may pumasok na ideya sa aking utak.
"Ton, gusto mo ng icecream tara bili tayo" ang alok ko sa kanya. Kita ko naman ang pag-aalinlangan sa kanyang mukha. Kaya agad ko siyang hinila sa braso. "Huwag kang mag-alala, treat ko."

"Ang sarap pala nito" ang sambit niya habang dinidilaan ang icecream. Natawa ako bigla.
"Kakatuwa ka naman, alam mo ba na mahilig ako dito, kapag nagpapasyal kami ni Mom at Dad dito, palagi akong nagpapabili nito" sagot ko.
Tuloy pa rin kami sa pagkukuwentuhan habang kumakain.

Madilim na nang lisanin namin ang lugar.
"Ton, punta tayo sa mall. Nakakagutom kasi itong ginawa natin kaya kumain muna tayo" sabi ko sa kanya.
"Ha ah eh, sa bahay na lang nakapagluto na naman yata si nanay" ang nahihiya niyang sagot sa akin.
"Dont worry ako ang bahala treat ko na rin ito sayo" napilitan na rin siyang pumayag.

Ako na ang nagmaneho ng motor at dumeretso kami sa SM Manila.
"Saan mo gusto kumain?" ang tanong ko sa kanya.
"I...i..kaaawww ang bahala." ang sagot niya na nahihiya pa rin.
"Sige sa Jollibee na lang tayo." ang desisyon ko.
______
"Ang dami naman nito, kakahiya naman sayo" ang sabi niya sa akin.
"Kulit mo naman, sinabi ko nang treat ko ito sa iyo kaya huwag ka nang mahiya. Kumain ka na lang." ang magiliw kong sagot sa kanya.

Habang kumakain ay napapansin ko pa rin ang pagtitig ni Tonton sa akin kaya hindi ko na napigilan ang sarili kong magtanong sa kanya.
"Bakit ka ba ganyan kung makatingin sa akin? Kanina ka pang umaga ganyan."
"Wala lang, cute ka kasi." nakangiti niyang tugon.
"Ha, ako cute. Ikaw naman nambobola ka pa."
"Totoo Josh. Kaya nga kapag tintignan kita lalo na kapag nakangiti ka, masaya ako."
"Sus, tama na nga yan bilisan na natin kumain" ang sabi ko na lang. Pero sa loob ko ay sobrang kinikilig ako.

Matapos niyon ay umuwi na kami. Habang nagmamaneho ay iniisip ko ang mga nangyari sa buong araw. Isa na yata ito sa mga karanasan kong hindi malilimutan dahil nagdulot ito sa akin ng sobrang kasiyahan. Ngunit sa kabilang banda ay nahihiwagaan ako sa mga pinakita at pahayag ni Tonton sa akin kung ano ba ang kahulugan ng mga iyon.

Kaya ang nasabi ko na lang sa aking sarili ay "Mahal kita Tonton, sana ganoon din ang nararamdaman mo sa akin"

Itutuloy. . . . . . . . . .


allaboutboyslove.blogspot.com

No comments:

Post a Comment