Wednesday, December 19, 2012

Mahal Kita (18)

by: Daredevil

"Bakit ginabi ka, saan ka nanggaling?" ang agad na salubong sa akin ni Tonton pagkapasok pa lang ng bahay. Nakahubad siya nang pangitaas na nakaupo sa sofa.
"Nagpunta lang ako kay Lalaine. Nandoon din si Trisha, nagbonding lang kami" ang sagot ko sa kanya.
"Ok mabuti naman kung ganoon." ang sagot niya. Kita ko sa kanya ang pagkalaho ng kanyang pag-aalala sa aking sinabi. "Tara maghapunan na tayo. Nakapagluto na si nanay" ang yaya niya sa akin habang nakangiti.

Habang naghahapunan ay napapansin ko ang panay na pagsulyap sa akin ni Tonton at nakakapagtaka ang pinapakita niyang pagngiti sa akin.

Dahil sa naiilang ako sa ginagawa niya lalot pa kasama namin ang kanyang ina ay tinanong ko siya. "Bakit pangiti-ngiti ka?"
"Masaya ako Josh. Basta napakasaya ko ngayon." ang sagot niya.
"Talaga, kung anuman niyan eh congrats sa iyo." ang sabi ko lang na nakatuon lang ang aking atensyon sa pagkain.
"Ganyan lang talaga ang anak ko sir Josh. Ako rin ay masaya para sa kanya. Kung anuman ang gusto niya sa buhay nandito lang ako para suportahan siya." ang sabi naman ng kanyang ina.

"Mukhang may kakaiba rito sa mag-inang ito ah" ang sabi ko sa aking sarili. Napapansin ko kasing may tinatago ang dalawang ito sAa akin. Magkagayunpaman ay hindi ko na binigyan pa ng pansin iyon.
______
Muli sa kwarto ko natulog si Tonton. Hindi na rin ako makatanggi dahil sadyang makulit ang taong ito.

"Alam mo Josh, unti-unti ko nang nakukuha ang mga gusto ko." si Tonton habang nakahiga kaming magkatabi sa kama. Bigla siyang tumagilid paharap sa akin. "Masaya ako ngunit hindi pa lubusan kasi may isang bahay pa akong inaalala."
"Tungkol saan naman yan" ang sabi ko sa kanya. Hindi siya kaagad sumagot pero nakatingin lang sa akin.
"Ok lang kung ayaw mong sabihin karapatan mo rin yan" ang sabi ko na lang sa kanya gawa ng wala akong nakuhang sagot. Naiintindihan ko naman siya dahil gawain ko rin ang maglihim.

"Ang sarap pala sa pakiramdam ang magmahal." ang bigla niyang sambit na nakapukaw ng aking atensyon.
"Bakit mo naman nasabi yan?" ang tanong ko sa kanya. "Parang sa sinabi mo eh first time mo pa lang" dugtong ko pa.
"Kung sasabihin ko sa iyo na oo, maniniwala ka?" ang pabalik na tanong niya sa akin.
"Honestly, hindi. Imposible naman yun. Sa sinabi pa lang ng nanay mo na marami kang naging babae sa probinsya niyo sa edad mong yan"
"Totoo naman yung sinabi ni nanay. Hindi sa pagyayabang pero kilala ako as aming lugar dahil sa gwapo ako. At marami na akong nakarelasyon."
"At ang natira na lang siguro sa iyo ay ang girlfriend mo" ang bigla kong sambit. Naalala ko kasi ang naging chat nila ni Lalaine.
"Oo. Alam mo siya ang pinakamaganda at pinakamabait sa lahat ng nakarelasyon ko."
"Kaya ba hanggang ngayon ay hindi mo pa rin siya magawang iwanan kahit pa malayo kayo sa isat-isa."
"Hindi ko basta-basta kayang bitiwan ang aming pagkakaibigan."
"Kaibigan?"
"Oo kahit ganoon siya kabuting tao ay kaibigan lang talaga ang turing ko sa kanya, parang si Trisha. Tulad niya ay sinabi ko na rin iyon sa kanya na hindi ko siya pwedeng mahalin bilang kasintahan."

"Ano bang mga pinagsasasabi ng taong ito?" ang tanong ko sa aking sarili. Hindi niya mahal si Trisha, hindi rin niya alam ang sinasabi niyang girlfriend na nasa probinsya. Bigla ko namang naisip ang kanyang someone special.

"Bakit natahimik ka?" ang tanong niya sa akin. Napansin niya ang aking seryosong pag-iisip.
"May naalala lang kasi ako, di ba may naikwento ka kay Margarette tungkol sa iyong special someone."
"Siya ang dahilan kung bakit di ko sila magawang mahalin" ang deretsong pahayag niya.
"Alam ko naman iyon, nasabi mo na rin sa chat. Kung sinoman siya, napakaswerte niya sa iyo" ang aking nasabi marahil na rin sa nakakaramdam ako ng inggit.
"Oo, dahil kaya kong ibigay ang lahat lumigaya lang siya. Pipilitin kong baguhin ang aking image para lang maging karapat-dapat sa kanya."

Sa sinabi niyang iyon, naihiling ko sa aking sarili na sana ako na lang iyon. Pero alam ko naman na malabo iyon mangyari dahil sa lalaki ako. Siymepre babae ang tinutukoy niyang special someone.
"Bakit di mo masabi pala sa kanya na gusto mo siya?" ang tanong ko sa kanya. Nabanggit rin niya kasi na kumplikado daw ang sitwasyon nilang dalawa.
"Hindi pa kasi napapanahon. Marami pang mga bagay na dapat ayusin. Una, wala pa kami sa wastong edad, pangalawa ay hindi pa kami nakakapagtapos ng pag-aaral at pangatlo ay ang pagtanggap ng kanyang pamilya kung sakali man maging kami."
"Tama ka, masyado pang maaga." ang nasabi ko. Pero naintriga naman ako sa kanyang huling pahayag. "Bakit mo naman inaalala ang pamilya niya?"
"Sa una lang iyon. Pero nakausap ko na rin ang mga magulang niya ng lingid sa kanyang kaalaman. At natuwa naman ako dahil sa hindi sila tututol sa amin kung sakaling magkakaroon kami ng relasyon. At pinangako ko sa kanila na magsisipag ako sa aking pag-aaral, nag sa gayon kapag nakatapos ako ay makakapaghanapbuhay ako. Makakaya ko na rin siyang buhayin mag-isa."
"Hanga ako sa paninindigan mo Tonton, kaya siguro nasabi mo rin na masaya ka ngayon."
"Oo, pero may isa pang bagay na gumugulo sa aking isipan eh. Napagdesisyunan ko rin kasi sa aking sarili na Magtatapat lang ako ng aking pag-ibig sa kanya kapag nasa wastong edad na siya. Pero ngangangamba lang ako sa kanyang nararamdaman sa akin"
"Bakit naman, wala ka bang nakikitang senyales na mahal ka rin niya?"
"Kapag magkasama kami ay nagpapahiwatig ako sa kanya.  Naglalambing na nga ako sa kanya eh at nagpapaubaya ako sa anumang ginagawa niya sa akin."
"Ganoon, ibig sabihin pala kung halimbawa na gusto niyang magpahalik sa iyo ay gagawin mo o kaya naman kapag hiniling niya na mag..." ang sasabihin ko pa lang sana nang putilin niya ito.
"Alam ko na yung sasabihin mo. Siyempre naman, mahal ko nga siya di ba kaya handa ko siyang pagbigyan. Ipagkakaloob ko sa kanya ang buo kong pagkatao."

Ewan ko ngunit bigla na lang akong naluha sa pag-uusap naming iyon. Marahil ay talagang tumagos sa aking puso ang lahat ng mga pinahayag niya sa akin.
"Umiiyak ka ba Josh?" ang tanong niya sa akin.
"Natouch lang ako. At saka di ko lang maiwasan kasi ikumpara ang sarili ko sa iyo. Alam mo sa edad kong ito, hindi pa talaga ako nakakaranas ng magmahal ng tunay. At least ikaw eh may patutunguhan ang buhay mo dahil nag-aabang lang ang iyong magandang kapalaran sa pag-ibig sa hinaharap, samantalang ako hindi ko alam kung may magmamahal din sa akin lalo nat isa akong bakla."

Naalimpungatan na lang ako sa sunod na ginawa ni Tonton. Hinaplos niya ang aking ulo pagkatapos ay pinahid ng kanyang mga palad ang mga luhang dumadaloy sa aking pisngi. Nakatutok lang ang kanyang mga mata sa akin. Hindi ko alam ngunit biglang lumakas ang kabog ng aking puso.

"Huwag kang mag-alala Josh, nandito naman ako. Hindi naman kita iiwan at papabayaan" ang sinsero niyang pahayag. Hindi ko naman maintindihan kung bakit niya nasabi ang ganoon kahit pa nabanggit na rin niya ito minsan.
"Salamat Tonton, napakabait mo talaga sa akin. Kahit alam mong ganito ako ay hindi mo ako kinutya sa halip ay pingtanggol mo pa ako sa mga taong gumagawa sa akin"
"Hindi ako mapanghusgang tao Josh."

Pakiramdam ko, lalong tumitindi ang aking pagluha kaya agad ko nang iniba ang usapan. Sapat na sa akin ang malaman na hindi niya ako iiwan at papabayaan. Tatanggapin ko na lang siguro na kailanman ay hindi magiging kami.
"Tara na matulog na tayo. Masyado na tayong nagdadrama" ang sabi ko sabay ngiti sa kanya.
______
Nagdaan pa ang mga buwan na mas lalo kaming naging close ni Tonton. Panay na ang paggala naming dalawa kung saan-saang lugar, ang pamamasyal sa mga mall, ang pagstay niya palagi sa aking kwarto at pagtulog doon at ang pagsisilbi at pag-aalaga na ginagawa niya sa akin. May mga pagkakataong kapag magkasama kaming dalawa ay hindi naiiwasan ang aming paghaharutan at kulitan. Nandyan yung aakbayan niya ako, ginugulo ang buhok at pagpisil sa aking pisngi. Hanggang sa isang araw, nasa canteen kaming lahat habang nag-oorder ng kakainin namin si Tonton,

"Friend may kasalanan ka sa akin ha. Mayroon kang hindi sinasabi sa akin"
"Ako? Bakit mo naman nasabi yan, eh sa tuwing may problema ako ikaw ang una kong pinupuntahan" ang sagot ko sa kanya.
"Sa problema oo, pero sa lovelife wala."
"Ano ba yang mga iniisip mo Lalaine, at pwede ba alam mo naman na wala pa sa isip ko ang pag-ibig."
 "Sus nagdedeny ka pa. Eh ano yung ginagawa niyo ni Tonton. Baka hindi niyo alam, pinag-uusapan na kayo ng mga kaklase natin. Para daw kayong magjowa.
"Kami, magjowa?" ang nabigla kong reaksyon. "Hindi ah!"
"So you mean na wala kang gusto sa kanya?"
"Ah...eh..." hindi ako nakasagot sa tanong niyang iyon.
"Ok na!" ang sabi niya. "Matagal ko nang napapansin eh sa paraan pa lang ng pagtitig mo sa kanya."


Napabunting-hininga na lang ako ng mga oras na iyon. Hindi ko na nagawa pang magdeny dahil sa totoo naman iyon. Naputol ang aming pag-uusap sa pagdating ng dalawa.

Ang gutom kong nararamdaman ay biglang naglaho dahil sa bagay na iyon. Nawalan ako nang ganang kumain. Marami kasing bumabagabag sa isip ko ngayon. Una na lang sa mga kaklase namin, siyempre kukutyain na naman nila ang pagkatao ko. At isa pa papaano na lang kung malaman ni Tonton ang tunay kong nararamdaman sa kanya, baka magbago na ang tingin at turing niya sa akin o kaya ay mawala ang aming pagkakaibigan. Siyempre hindi ko gusto mangyari iyon.

"Josh bakit di mo pa ginagalaw yang pagkain mo?" si Tonton na nakatingin sa akin. "May sakit ka ba?"
Bago ako sumagot ay sinulyapan ko muna si Lalaine at nakita ko sa kanya ang isang mapanuring tingin.
"Wala akong sakit. Hindi ko lang gusto yung pagkain" ang pag-aalibi ko.
"Hindi mo gusto per yan ang pinaorder mo" si Lalaine.
"May problema ka ba Josh?" si Tonton ulit at hinahaplos na ako sa ulo.
"Ikaw ang problema niyan Tonton" si Lalaine ulit ang nagsalita. Nagulat naman ako sa sinabi niyang iyon.
"Alam ko naman iyon. Hindi ko nga alam sa taong ito kung bakit ayaw niyang ipaalam ang mga problema niya tungkol sa akin." ang sagot naman ni Tonton. Nahalata ko naman na may pagtatampo siya sa kanyang pagsasalita.
"Ako na ang sasagot para sa kanya" ang wala kagatul-gatol na sagot ni Lalaine. Nagsimula na akong kabahan at matakot ng mga oras na iyon.

Itutuloy. . . . . . . . . .


allaboutboyslove.blogspot.com

No comments:

Post a Comment