Tuesday, January 8, 2013

Forbidden Kiss (01-05)

By: emray
E-mail: iam.emildelosreyes@yahoo.com
Source: theimmaculatedalisay.blogspot.com


[01]
Pangarap ni Micco

--------------------------------

Ang sarap talagang mamisikleta tuwing sabado nang umaga. Sa bawat pagpidal mo ay pahuni-huni ka pa habang iniikot ang buong baranggay. Sarap langhapin ng sariwang hanging nasa paligid mo, ang ginintuang bukid tuwing anihan, ang huni ng mga ibon, at ang ingay ng mga batang patakbo-takbo at naglalaro sa daan. Ayos na sana ang umaga ni Micco, subalit makikita na naman niya ang halimaw niyang pinsan, inutusan kasi siya ng nanay niyang bumili sa tindahan ng mga ito na tatlong kanto pa ang layo mula sa kanila.


Si Micco o si Michael Ceasar Caleon delas Nieves, ang lalaking may tatlong ang lahi: Kastila, Intsik at Pilipino. Galing sa isang masayang pamilya. Sa side ng tatay ni Micco ay isang saksakan ng plastic na lahi, este isang magandang makisamang lahi. Bitterness – sa totoo lang bitter si Micco sa mga tyahin niya na nuknukan ng babait. Sa side naman ng nanay ni Micco ay lahi ng mayayabang, ay mali, mayayaman pala. Ang kanyang mga lolo at mga lola naman ay sobrang mababait, maalalahanin at malalambing – tanging kay Micco lang ganito ang mga ito, siya kasi ang bunso ng kanilang mga bunso. Kaya nga lagi na lang siyang pinag-iinitan ng mga pinsan niyang inggitero at inggitera. Laging hinuhubuan nuong siya ay bata pa. Maglaway sila hanggang gusto nila, mainggit sila hanggang kaya nila – linyang tumatak na sa isip ni Micco.

Dalawampung-taong gulang, bagong graduate sa kolehiyo at higit sa lahat ay sisimulan na ni Micco ang pagtupad sa kanyang mga pangarap. Isa lang naman ang pangarap niya buhay, ang maging performer. Sa katunayan, malapit na ang kanyang lipad papuntang Italy, kinakabahan na dahil tatlong araw na lang at aalis na siya at iiwan na ang minamahal niyang probinsya.

“Micco” tawag kay Micco nang tyahin niya “dahan-dahan lang sa pagpipidal, baka mabangga ka.” sigaw sa kanya nito.

“Opo” sagot ni Micco “salamat po.” nakangiting wika pa nito.

Iyan si Shawie, este si Tita Eka pala, tinatawag na Shawie kasi siya lang naman ang nag-iisang megastar ng lahi nila Micco. Linggo-linggo, iba-iba at nadadagdagan ang kaaway niyan. Pati nga ang nanay at tatay ni Micco inaway na din nito, buti nga nagkabati pa, sayang, sana hindi na, isang sumpa pa ang naging pagkakabati ng mga ito. Matagal na ngang isinusuka ni Micco ang tita Shawie niya. Asawa iyan ng kapatid ng tatay ni Micco, ung kapitan ng barangay nila na under de saya, kaya si Tita Shawie ang talagang kapitana. Reyna yan ng buong baranggay, hindi pwedeng makakalamang ka, kasi siguradong aawayin ka – insecure kasi. Sa katotohanan, matagal ng crush ni Micco ang Ate Melissa niya, ung bunsong anak nila Shawie.

Kalimutan muna si Tita Shawie, kwento muna ni Micco ang atupagin natin. Ang nanay niya ay titser, titser sa eskwelahang pag-aari naman ng pamilya nito. Humble kasi ang nanay ni Micco kaya ayaw niya na tawaging administrator. Sikat sa buong bayan dahil karamihan ay naging estudyante niya. Ang tatay naman ni Micco ay isang pulitiko, mana sa lolo niya. Tatlong eleksyon nang tumatakbong mayor pero laging talo – babaero kasi. Haciendero at pagmamay-ari niya ang pangatlo sa pinakamalaking lupang agraryo sa buong San Tadeo.

“Ahhh” pamaya-maya ay sigaw ni Micco sabay pihit pakaliwa sa manibela ng bisikleta niya, diretso pa din ang takbo sabay sigaw ng “Sorry.”

Sabay hinto ng kotse at baba ang drayber. “Fuck you!” sigaw nito.

“Kinikilig ako” sabi ng utak ni Micco “Fuck me daw” – “Fuck you too!” ang gusto niya sanang isagot – “Sorry” ulit niyang sigaw sabay tingin sa lalaki at isang ngiti.

“Stupid! Idiot” pahabol na mura pa ng drayber kay Micco na halata ang lalong pagkainis sa kanya.

“Cute ka sana” sabi ni Micco sa sarili “kaso magaspang ugali mo” dugtong pa nito “pero pwede ka na, yummy ka naman tingnan” kasunod nun ang mahinang tawa na ikinatumba niya sa bisikleta.

“Hoy Micco” bati kay Micco nang pinsan niya “para kang abnormal” sabay tulong sa kanya para tumayo.

“Kay agang karma” sabi ni Micco sa sarili “salamat kuya Glenn” sabi ni Micco “kaya kita mahal” dugtong naman ng isip niya. Pagkatayo ay pinagpatuloy na niya ang pagbibisikleta.

Iyan naman si Kuya Glenn, para kay Micco ay pangatlo ang Kuya Glenn niya sa pinakayummy niyang mga pinsan sa side ng ama. Oo na, alam ko may tanong ka – tama silahis si Micco, bisexual, bading, bakla, bayot o kung ano man ang gusto ninyong itawag, pero secret lang natin iyon, ako na narrator at si Micco lang ang nakakaalam nun.

May tatlong kapatid si Micco, puro mga babae at mas matatanda ito sa kanya, pero walo silang magkakapatid. Magulo ba ang Math? Eto ang dahilan: Apat silang pare-pareho nang nanay at tatay, at walo naman silang pare-pareho lang ng tatay. Tama! Apat ang kapatid nila sa labas na mas matatanda din kay Micco – puro sila lalaki at kagaya daw ni Micco, mga gwapo din. – By request, kwento naman ito ni Micco kaya dapat gwapo siya, pagbigyan na lang natin. Stop muna ang echos, malapit nang huminto si Micco sa pagbisikleta kasi malapit na siya sa tindahan ng halimaw.

Biglang hininto ni Micco ang bisikleta at bumaba sa tindahan.

“Pagbilan po” tawag ni Micco “pabili” lalong lakas pa ng sigaw niya dito.

“Anong bibilin mo?” tanong sa kanya ng nakasimangot na tindera.

“Ate pabili po ng asukal at toothpaste, ung pepsodent” sabi ni Micco sa tindera.

“Ilang kilong asukal saka anung colgate? Ung pepsodent ba?” tanong nito.

“Isang kilo lang po na asukal. Opo pepsodent po na colgate” sagot ni Micco – “ayos un, generic name na ang colgate” buyo ng utak ni Micco na nagpipigil sa pagtawa “pagbigyan na, makiride na lang tayo, colgate na pepsodent.”

“Eto na” sabay abot sa kay Micco at inabot din naman nito ang bayad. Dagling sumakay sa bisikleta niya si Micco at pumidal ulit para makauwi na.

Iyon naman ang pinsan niyang si Ate Trish. Maganda, seksi at... Matalino? Basta maganda yun. Mabait? Seksi talaga, perfect curves. Tawa ka naman diyan, punchline kaya ‘yun. Madaming naiinis dun, bukod kasi sa katarayan at kasungitan, bulaklak din ng San Tadeo iyon, bulaklak ng bayan nila Micco. Kung kani-kanino kasi kumakabit at pumapatol. Wala naman tayong pakialam sa kanya dahil hindi niya kwento ito. Ituloy na ang narration ng buhay ni Micco.

Lovelife? Zero lovelife si Micco ngayon, pero nagkaroon ng girlfriend nung grade 4 at isa nung third year high school. Dalawa lang naman, pero kailan ba niya narealize na silahis pala siya? Nuong college iyon. super yummy kasi mga kaklase niyang lalaki, ‘tas sabay-sabay pa silang maliligo after ng P.E. aba, bigla na lang nagladlad ang Micco – tumataas si junior niya.

Habang nagpipidal si Micco ay “Ahhhh” biglang niyang sigaw nahulog sa pinitak. Napuno nang putik ang puting-puti niyang damit at ang bike niyang bagong linis ay dumagan na halos sa kanya.

“Tilapiang bilasa naman” usal ni Micco habang pinipilit na tumayo.

Mainam na lang at may huminto sa tapat niya para tulungan siya. Agad naman niyang inabot ang mga palad nito at hindi nga naglaon ay naitayo na siya at naiahon mula sa pinitak.

“Salamat” sabi niya dito. Pagtingin niya ay bigla na lamang siyang natulala dahil sa pamilyar nitong anyo.

“Tatanga-tanga ka kasi” anas ng lalaki na madiin ang boses “Di ba ikaw ung kanina?” tanong pa nito “tanga ka nga talaga” sabi pa din ng lalaki.

“Aba!” sangga ni Micco “tutulong ka na lang din, nagagalit ka pa” sabi ni Micco.

“Tanga ka naman kasi” sabi ng lalaki.

“Mabuti nang maging tanga kesa naman maging magaspang ang ugali na kagaya mo” depensa ni Micco. “Bakit close ba tayo para gumanyan ka?” pahabol pa niya “feeling close” mahina niyang usal.

“Ikaw na nga lang ang tinutulungan, ikaw pa ang gumaganyan” sabi naman ng lalaki.

“Kasi kung lumait ka kala mo close tayo” sabay sakay ni Micco sa bike at pedal ulit “salamat na lang ulit” pahabol niyang sigaw dito.

“Matumba ka ulit sana” ganting sigaw ng lalaki.

“Akala mo kung sino” sabi ni Micco habang nagpipidal pauwi.

“Kung gaano kagwapo ganun naman kapangit ang ugali” anas pa niya.

Natural, pagdating sa bahay inulan siya nang pangaral mula sa ina. Pero sa bandang huli, labas at pasok lang sa tenga niya. Naglinis nang katawan sa pinakamabilis na paraan at muling bumili nang asukal at colgate na pepsodent. Isang mabilis na byahe lang ang ginawa ni Micco at hindi pa nagtatagal ay nasa bahay na ulit siya.

“Micco” tawag sa kanya ng pinsan niya “bilisan mo at pumarini ka.”

“Ano po iyon Ate Jhell?” tanong niya agad sa pinsan “may problema po ba?” kasunod niyang tanong.

“Si LJ, si LJ” natatarantang sabi nito

“May masamang nangyari po ba kay Ate LJ?” tanong pa ni Micco na agad kinabahan.

“Si LJ may manliligaw.” sagot sa kanya ng pinsan.

“Tilapiang bilasa ni San Andres” wika ni Micco sabay palatak “iyon lang pala, akala ko emergency.”

“Bilis puntahan natin” sabi ng Ate Jhell niya sabay hatak sa kanya.

Iyan si Ate Jhell ni Micco, kung tutuusin siya na ang pinakamalapit kay Micco sa lahat ng pinsan niya. Siya naman ang Cristy Fermin ng baranggay. Chismosa, lahat ng balita sa kanya galing, at ang sikreto, di uso iyon sa kanya, wala siyang konsepto ng sikreto. Ang balitang simple, pag siya na ang nagkwento, sobra ang adlib. Matalas din ang dila, walang preno ang bibig at kayang magsalita nang 10 words per second.

“Kelan kaya nababawasan ang pagkachismosa ni Ate Jhell?” sa isip-isip ni Micco habang hatak pa din siya nito papunta kila LJ.


[02]
“Manong, sarado po ninyo agad ang gate pagkalabas ko” utos ni Adrian sa security guard nila.

Carlos Adriano Silvestre Guillemas o Adrian, pangalang bininyag sa isang taong nukunukan ng yabang, suplado at saksakan ng taas ang tingin sa sarili. Anak ng public official at businesswoman. Pangatlo sa apat na magkakapatid at panganay naman na lalaki. Dalawampu’t limang taong gulang at kasalukuyang nagmamay-ari ng isang fine dining restaurant at limang travel agency. Successful na negosyante at dahil sa isang trahedya, naging masama ang tingin niya sa mundo.

“Tito” bati nang mga pamangkin ni Adrian “mag-iingat ka tito” pagkasabi nito ay humalik ang mga ito kay Adrian.

“Papakabait kayo” bilin ni Adrian sa mga ito.

“Yes tito” sabay-sabay na sagot ng mga pamangkin ni Adrian.

Pagkasabi nito ay sumakay na si Adrian sa kotse niya at pinaandar ito. “Manong ung gate!” utos ulit ni Adrian “salamat po.”

Si Adrian na ang tumayong tatay sa mga pamangkin niya pagkatapos ang trahedya na nangyari sa kanyang mga kapatid. Pabalik na ang mga kapatid niya ng Maynila galing bakasyon nang harangin ang sinasakyan nilang kotse. Pinagnakawan at binaril silang lima – ang dalawa niyang ate at ang mga asawa nila pati ang bunso niyang kapatid. Malapit na ang eleksyon nang maganap iyon, sa hinala nila ay pulitika ang totoong motibo, inuulan na kasi sila ng mga death threat para wag tumakbo ang kanyang ama sa pagkagobernador, dahil dito, sigurado silang hindi ito simpleng pagnanakaw lang. Oo, masakit man pero unti-unti niyang natatanggap na wala na sila at ang hustisya? Nabuo na ang paniniwala ni Adrian: Hustisya? Oo, walang pinapanigan ang hustisya. Kaya nga nakapiring ang mata nito. Dahil nga sa nakapiring at kadalasan ay bulag pa nga daw, hindi na nila makita kung sino ang tunay na may kasalanan. Nagtya-tyaga sa pakapa-kapa at gabay ang anino ninuman. Manong alisin ang piring at tumimbang ng tama.

Biglang nag-ring ang cellphone ni Adrian –

“Hello Pa” sabi ni Adrian.

“Nasaan ka ba ngayon?” tanong ng Papa ni Adrian.

“Papunta po ako ng San Tadeo” sabi ni Adrian.

“Manliligaw ka na naman?” wika ng papa ni Adrian “umuwi ka kaagad at pumunta ka sa opisina”

“Yes Pa!” malungkot na sagot ni Adrian sabay pindot sa end call.

Iyon naman ang Papa ni Adrian, lagi at lagi siya kung ipatawag nito sa opisina. Lagi at lagi siya kung papuntahin sa kapitolyo para sa kung anu-anong bagay – kahit na sa Maynila nakatira si Adrian ay pilit pa din siyang pinapauwi nang San Carlos para lang i-train daw na maging pulitiko – sa gawaing pangkapitolyo. Pati nga lovelife ni Adrian ay kanya nang napabayaan, higit pa at ayaw niyang biguin ang ama sa kung ano ang nais nito para sa kanya.

Hindi naman kasi kami masyadong close nitong suplado na’to, sa pagkakaalam ko, nakakalimang girlfriends pa lang siya, at limang taon ang pinakamatagal. Kawawa nga si Adrian, kasi minahal niya nang sobra-sobra pero niloloko na pala siya. Sa ngayon ay may bagong tinatarget ang gwapo, mayaman, antipatiko at mayabang na si Adrian. Ito nga ang pupuntahan niya ngayon, at kahit hindi niya alam kung saan ito nakatira, basta desidido siyang hanapin at makita ito.

Pagkalabas ng NLEX ay agad na nagtanong si Adrian. “Bata saan ang San Tadeo?”

“San Tadeo na ito” sagot ng batang pinagtanungan niya.

“Saan ang Poblacion?” tanong ulit ni Adrian.

“Poblacion po ba?” sagot ng bata “diretsuhin n’yo lang po iyan at may makikita na kayong palatandaan na Poblacion na, pagkulay yellow na ang mga poste” sagot ulit ng bata.

“Salamat” pagkasabi nito ay pinaandar na ni Adrian ang kotse. Hindi nga naglaon ay narating na niya ang binigay na palatandaan ng bata. Nakikita na niya ang mga kulay dilaw na poste. Pinaharurot niya ang kanyang kotse at sa isang iglap –

“Putcha” bigla niyang preno.

“Sorry” sigaw ng nagbibisikleta na tuloy sa pagpipidal.

Lumabas si Adrian ng kotse at sumigaw “Fuck you!” – “bwisit na iyon, muntikan pa akong mapagastos ng hindi oras” sabi niya sa sarili.

“Sorry” sigaw ulit ng nagbibisikleta at saka nag-iwan ng ngiti.

“Tarantadong iyon” wika niya ulit sa sarili – “Stupid! Idiot” muli niyang sigaw dito – “ngingiti-ngiti pa kala mo naman kay gwapo. Bakla siguro iyon” dugtong pa ng isip ni Adrian.

Muli siyang sumakay ng kotse – “he is not worthy for anything” sabi ni Adrian sa sarili.

Wow! Kabigla iyong expression niya para sa isang pinalaki ng isang koserbatibong pamilya – bawal magmura, magsabi ng hindi magaganda. Dahil sobrang higpit sa kanilang na bahay daig pa si Ms. Minchin, sa labas lang niya nagagawang ipakita lahat ng kagaguhan at katarantaduhan niya sa buhay. Kung tutuusin, mabait ito pagkaharap ang mga magulang, subalit may sungay pag nakalabas na. Animo’y isang aso na mabait sa amo, subalit saksakan ng tapang sa mga hindi kilala

Maya-maya pa ay muli siyang huminto ay nagtanong sa mga nakaparadang tricyle – “Manong saan po dito nakatira ang mga Pascual?” tanong ni Adrian.

“Ahh! Kila pareng Toto ba?” tanong ng mamang pinagtanungan niya.

Hindi man sigurado ay – “Opo” sabay na napakamot ito ng ulo at mahinang “yata.”

“Diretsuhin mo iyang kanto na iyan, pagkatapos kumaliwa ka, pagkadating mo sa may patubig, lumiko ka ulit, diretsuhin mo na iyong bukid na iyon at anduon na ang hinahanap mo” pagbibigay direksyon ng mama.

“Salamat po” nagpanggap si Adrian na naintidihan niya si manong – “hindi bali, magtatanong na lang ulit ako” sabi niya ulit sa sarili.

Marahan siyang nagmamaneho nang makita niyang may nagbibisikletang tumumba sa may pinitak. Binilisan niya ang takbo ng kotse para tulungan ito at iyon nga ang nangyari, nakita niyang pilit itong tumatayo. Hindi niya masyadong makita ang mukha dahil sa putik na nasa mukha nito ngunit pamilyar ang lalaki sa tingin niya.

“Salamat” wika ng lalaki na bigla namang natulala.

Umakyat sa ulo ang dugo ni Adrian nang makilala kung sino itong tinulungan niya – “Tatanga-tanga ka kasi” mariing wika ni Adrian “di ba ikaw ung kanina?” tanong pa niya dito.

“Aba!” sabi ng lalaking tinulungan niya “tutulong ka na lang din, nagagalit ka pa” dugtong pa ng lalaki.

Lalong uminit ang dugo ni Adrian sa ginawang pagsagot ng lalaki – “Tanga ka naman kasi” bigla niyang sagot.

“Mabuti nang maging tanga kesa naman maging magaspang ang ugali na kagaya mo” depensa nig lalaki sa sarili. “Bakit close ba tayo para gumanyan ka?” pahabol pa nito “feeling close” mahina nitong usal.

“Ikaw na nga lang ang tinutulungan, ikaw pa ang gumaganyan” sabi naman ni Adrian na biglang natauhang hindi nga pala niya kilala ito at kung anu-ano ang pinagsasabi niya.

“Kasi kung lumait ka kala mo close tayo” sabay sakay ng lalaki sa bike at nagpedal ulit “salamat na lang ulit” pahabol nitong sigaw kay Adrian.

“Matumba ka ulit sana” ganting sigaw ng lalaki.

Pagkasabi ni Adrian nito ay agad naman siyang sumakay sa kotse at muling pinaandar.

Bakit ba galit na galit si Adrian sa tatanga-tangang lalaki na’to? Pinakakinaiinisan kasi niya ang mga taong patanga-tanga. Suplado man at mayabang, hindi naman talaga madaling uminit ang kanyang ulo, may mga piling tao lang talagang kahit sa unang kita palang ay kinaiinisan na.

Pahabol, huwag na huwag ninyong huhusgahan si Adrian base sa ginawa niya sa tangang lalaking iyon. Maiintindihan ninyo din sa susunod pang mga kabanata. Kalimutan na natin siya at kwento ito ni Adrian, hanapin na lang natin ang bahay ng liligawan niya.

Muling bumaba si Adrian at nagtanong – “Miss” tawag niya sa babae “saan po ang bahay ng mga Pascual?” tanong niya sa babae ng lingunin siya nito.

“Sinong Pascual ba ang hinahanap mo?” tanong ng babae.

“Kila LJ Pascual po” sagot niya, ngunit imbes na sagutin ay –

“Bakit ano ang kailangan mo kay LJ?” sabi ng babae “umamin ka?” tanong pa ulit nito.

Tila nahiya naman si Adrian – “kaibigan lang po” sagot nito.

“Umamin ka” sabi ulit ng babae na walang preno sa pagsasalita “manliligaw ka ano?” diretsang tanong nito.

Napakamot na lang sa ulo si Adrian at – “opo, sana.”

Tila kinilig ang babae – “si pinsan talaga, laging mayayaman ang natutuhog, matatabang isda ang nahuhuli” sabi nito.

“Duon un sa kabilang bahay.” sabi nito sabay turo sa katabing bahay.

Nagulat na lang si Adrian nang marinig niya ang babae – “may bagong boyfriend na si LJ nasa bahay nila ngayon” sigaw nito at nang lingunin niya ay nakita niya itong tumatakbo.

“Patay” tanging sambit ni Adrian at tinuloy na ang pagpunta sa bahay na itinuro sa kanya.

Ano na kaya ang mangyayari kay Adrian? Hala! Sige na nga, abangan na lang at sana sa next chapter huwag nang maging trying hard ang humor.


[03]
Biyahe Papuntang Pangarap
--------------------

“Sir Adrian!” gulat na bati ni LJ kay Adrian at taranta dahil sa ingay na ginawa ng kanyang Ate Jhell.

“Good Morning LJ” nakangiting bati ni Adrian “kamusta ka na?”

“Pasok po muna kayo” nahihiyang paanyaya ni LJ “pagpasensyahan na po ninyo si Ate Jhell, ganuon lang po talaga iyon.” pahabol pa nito.

“Wala iyon” sagot naman ni Adrian.

Hindi pa man nagtatagal ay unti-unting nagkakatao sa labas ng bahay nila LJ at sumisilip-silip pa sa loob ng bahay.

“Sir Adrian” si LJ ulit “nahihiya po talaga ako sa inyo. Talagang ganyan lang po ang mga kamag-anak ko.” wika pa nito.

“Sinabi ngang wala iyon” sagot ni Adrian – “pesteng kamag-anak naman ‘to, paano ako didiskarte, mga nakabantay” bulong ni Adrian sa sarili.

“Wala pala iyan” sabi ng isa “walang dila.” tila nang-uuyam nitong turan sa naging sanhi nang tawanan.

“Magsalita ka naman!” sigaw pa ng isa.

“Ah LJ” bulong ni Adrian kay LJ “talaga bang ganito dito?” tanong pa ni Adrian.

“Opo Sir” sagot ni LJ “pagpasensyahan n’yo na lang po sila.”

“Tabi-tabi, tumabi kayo” sigaw ng isang pamilyar na boses “papasok si the best pinsan.” wika pa nito.

----------------------------------------------------

“Hay Ate Jhell, kahit kelan ka talaga” wika ni Micco.

“Wag ka nang magreklamo” kontra naman ni Jhell at patuloy pa din nitong kinakaladkad si Micco.

“Mabubusog ba ako pag nakita ko ‘yang lalaki na yan?” sabi ni Micco.

“Siyempre naman pinsan” sagot ni Jhell “at maglalaway ka pa” kasunod ang mahinang tawa.

“Tabi-tabi, tumabi kayo” sigaw ni Jhell “papasok si the best pinsan” wika pa nito habang hinahawi ang mga kamag-anak nilang nasa harap ng bahay nila LJ.

Pagkapasok sa loob – “ikaw” halos sabay na naibulalas nila Micco at Adrian.

Handa namang pakitunguhan ng maayos ni Micco ang lalaking magaspang ang ugali kahit na nga ba naiinis siya dito, kaya naman pinilit niyang pakalmahin ang sarili at ayusin ang timbre nang kanyang boses – “Micco” pakilala nito.

Sa kabilang banda naman ay biglang umakyat sa ulo ang dugo ni Adrian at nakita na naman niya ang lalaking tatanga-tanga. “Pagka naman minamalas ka” sarkastikong saad ni Adrian “Micco pala pangalan mo.” – “Pangalan ng tatanga-tanga” mahina nitong usal.

Nagpanting ang mga tenga ni Micco sa narinig mula dito – “Aba’t ikaw na magaspang ang ugali ka” simula ni Micco. “Kay yabang mo wah” sabi ni Micco. “Kala mo kung sinong Pontio Pilato kung umasta!” sarkastiko na din ang tinig ni Micco.

“Magkakilala kayo?” awat sa kanila ni LJ.

“Hindi” sabay nilang sagot.

“Huh, away na ‘yan” sigaw ng mga usiserong kamag-anak.

“Pustahan tayo” sabi ng isa “talo si Micco diyan” kasunod ang isang mapang-asar na tawa.

“Lampa naman kasi si Micco” pang-aasar pa ng isa “hindi marunong sumuntok iyan” dugtong pa nito.

Biglang nakaramdam ng hiya si Micco at naalalang hindi nga pala siya marunong sumuntok – “Mga kamag-anak ko ba talaga kayo?” sigaw ni Micco sa mga usiserong nasa labas.

Bigla din namang napangiti si Adrian sa sinabing ito ng mga kamag-anak ni Micco – “Lakas ng loob maghamon ng away bakla naman pala. Puro yabang lang pala ito.”

“Tigil na yan Micco” awat kay Micco ng Kuya Glenn niya.

“At ikaw naman, huwag masyadong mayabang” sabi ni Glenn kay Adrian.

Sasagot pa sana si Adrian subalit si LJ na ang pumigil sa kanya.

“Para kayong mga bata” pangaral ni Jhell nang makitang kalmado na ang dalawa.

“Pasensya na Ate LJ, Ate Jhell at Kuya Glenn” paghingi ng dispensa ni Micco “buti na lang wala sila Tita dito nakakahiya at may nakapasok na magaspang ang ugali” tirada ni Micco.

“Aba’t” singhal ni Adrian.

“Micco, tumigil ka na” madiing awat ni Glenn.

“Una na po ako” paalam ni Micco sabay labas ng pinto.

“Micco, sandali lang” habol sa kanya ni Ate Jhell niya.

“Sige LJ, nagulo pa tuloy kita. Una na ako, nakakahiya na sa sobrang abala.” mahinahong wika ni Adrian.

“Sige po Sir mag-iingat kayo” paalam ni LJ.

Sa bahay nila Micco.

“Pinsan” sabi ni Jhell “pasensya na” sabi nito kay Micco.

“Ano ka ba Ate Jhell, ayos lang iyon.” nakangiting wika ni Micco.

“Hindi ka galit?” tanong pa nito.

“Bakit naman ako magagalit? Sanayan lang yan” sabi pa ni Micco “lagi mo naman akong pinapahamak.” habol ni Micco kasunod ang isang matamis na ngiti.

“Ikaw talaga Micco” sabay batok ni Jhell kay Micco “kaya ka the best pinsan.”

“Sa talaga naman, kaya nga pag nakikita kita kinakabahan na ako” kasunod ang isang tawa “parang nakakakita ang ng lumalakad na delubyo.” pahabol pa ni Micco.

“Ganuon pala?” nakataas ang kilay na sinabi ni Jhell sabay pingot kay Micco.

“Aray” birong sabi ni Micco.

“Micco” madiing tawag kay Micco mula sa labas.

“Patay na!” mahinang usal ni Micco.

“Ayan na ang guardian devil mo” sabi ni Jhell “change character na, bilis.” komento pa ni Jhell.

At nakapasok na nga sa loob ang may-ari ng tinig na ito.

“Bakit Kuya Glenn?” nakayuko at malungkot na sabi ni Micco. “sige maawa ka sa akin, tingnan ko lang kung pagagalitan mo pa ako” – sigaw ng isip ni Micco.

Pagtingin ni Micco ay agad niyang nakita ang matiim na tingin ni Glenn sa kanya. “Patay na! Lagot kang Micco ka” sabi niya sa sarili “wa epek, pacute na lang kaya ako para kumalma si kuya Glenn?” habol na komento pa ng kaniyang utak.

Palibasa ay bunso sa lahat ng magpipinsan sa side ng tatay kaya naman alagang-alaga ng kanyang mga pinsang sila Kuya Glenn, Ate Jhell at Ate LJ.

“Ikaw na bata ka” sabi ni Glenn “kahit kailan ka, pinapairal mo pagiging tanga mo” sabi pa ni Glenn “lakas nang loob mong maghamon ng away. Bakit marunong kang sumuntok?”tanong nito kay Micco.

“Hindi” sagot ni Micco “andiyan ka naman para sumuntok weh” sagot ni Micco.

“Loko” sigaw sa kanya ni Glenn.

“Naku kuya Glenn, kahit galit ka cute ka pa rin at ang gwapo mo pa rin” sabi ni Micco sa sarili “yummy ka pa din, kahit magpinsan tayo papatulan kita.” sabi ni Micco sa sarili na naging sanhi para mapangiti siya nang lihim.

“Anong nginingiti-ngiti mo d’yan?” tanong sa kanya ni Glenn.

“Wala po” sagot ni Micco “kasi iniisip ko po na pinagtanggol mo ko dun sa mokong na iyon” palusot ni Micco.

Nagbago namang bigla ang aura ni Glenn. “Ikaw na bata ka bente ka na, isip bata ka pa din. Sa susunod, huwag ka ng makikipag-away kahit kanino.” saad ni Glenn.

“Opo” isang maamong tupa na ang salita si Micco.

At lumabas na si Glenn sa bahay nila Micco. “Kuya Glenn, nasan na ung kiss ko?” sabi ng utak ni Micco.

“Huh” isang malalim na buntong-hininga ang pinawalan ni Jhell – “best actor ka talaga pinsan” sabi ni Jhell “sige na pinsan, uwi na ako, alam mo na chichismis pa ako kila LJ.” paalam ni Jhell kay Micco.

“Ikaw talaga pinsan, kahit kelan ka” nakangiting paalam ni Micco.

“Angelica is my name and chismis is my game” sabi ni Jhell habang palabas ng bahay sabay kaway kay Micco.

Mabilis na lumipas ang mga araw. Dumating na ang araw nang pag-alis ni Micco papuntang Italy. Inihatid siya ng pamilya niya sa airport, kasama ang tatlo niyang pinsang sila Glenn, Jhell at LJ.

“Micco” paalam ng nanay niya “mag-email ka madalas ah” bilin nito “saka tuwing gabi mag-online ka, chat tayo sa ym at facebook” pahabol pa nito.

“Si nanay naman, kala mo marunong magfacebook at ym” birong sagot ni Micco na pinipigilang mapaluha.

“Bro” sabi ng isa sa mga ate niya “ingat ka dun.”

“Sure” sagot ni Micco.

“Pinsan, pag may umaway sa’yo dun sabihin mo agad sa akin, uupakan ko kaagad” paalam ni Glenn.

“Bakit may pamasahe ka papunta?” birong tanong ni Micco na pinipilit gawing masaya ang lahat.

“Micco, sorry sa mga kasalanan ko sa’yo, sa mga kinasangkutan mong panganib, sa mga gulong ginawa ko” itutuloy pa sana ni Jhell ang sasabihin pero –

“Ano ako? Mamamatay na?” sabi niya sa dito “Ikaw talaga ate Jhell, baka pagbalik ko ang chismis na pinaglalamayan na ako” kasunod ang mahinang tawa.

“Micco” putol na sabi ni Lj “tinatawag na ata iyong flight mo” singit ni LJ.

“Oo nga ‘no” sang-ayon ni Micco “sige po, alis na ako” paalam nito sa mga iiwanan sa Pilipinas.

Ilang sandali nga at narinig na nila ang eroplano, sigurado silang kasama na duon si Micco at umalis na ang mga naghatid sa kanya. Bumalik na ng San Tadeo para ituloy ang buhay at hintayin si Micco na magawa na ang pangarap sa buhay.


[04]
“Pesteng buhay naman ‘to” palatak ni Micco habang naglalakad at hindi alam kung saan pupunta. “Anduon na, lumelevel na ‘tas biglang kablog pa.”

“Pag nakita ko ung mandurugas na’yon kakalbuhin ko iyon at tatadtarin pa ng pinung-pino.” naghuhurumentadong wika ni Micco.

Ano nga ba ang nangyari at palaboy-laboy si Micco ngayon?

“Sorry Sir” sabi ng station crew “but we can’t recognize your passport.”

“How come that you can’t recognize it?” nagtatakang tanong ni Micco.

“I think you were a victim.” sabi pa nito.

“Victim of what?” tanong ulit ni Micco, bagamat tila alam na niya ang kasagutan ay gusto pa din niyang makasigurado.

“A victim of a fixer” sagot nito “your passport is fake sir.” sabi ng babae.

Gustuhin mang magreklamo ni Micco ay wala na siyang magagawa pa, hindi naman kasi siya ang personal na umayos ng mga papeles niya.

Walang pag-aalinlangan at puno ng galit at panghihinayang ang nararamdaman niya ay umalis siya ng airport. Hinintay na muna niyang makaalis ang kanyang pamilya at mga naghatid sa kanya bago tuluyang lisanin ang lugar na iyon.

“Hindi ako pwedeng bumalik sa amin nang ganito” sabi ni Micco sa sarili “kailangang umisip nang paraan.”

Umupo sa isang sulok si Micco at ilang sandali pa – “tama!” sigaw ng isip niya “pwede ngang ganuon na lang ang gawin ko, norte ang San Tadeo at sa south naman iyon.” at agad naman niyang isinakatuparan ang plano.

Agad siyang kumuha ng bus biyaheng south para puntahan ang naiisip niyang lugar na pamalagian. Habang nakasakay sa bus ay inuunti-unti niya ang mga detalye ng plano niya at kung paano palalabasin na natuloy siya sa Italy.

“Siguradong mag-aalala iyong mga iyon pag nalaman nilang hindi ako natuloy” mahinang usal ni Micco “basta, bahala na si SanRio.” dugtong pa nito.

Pamaya-maya pa at – “Manong! Para na po” sigaw niya sa drayber ng bus.

Pagkababa niya ay binagtas niya ang isang hindi gaanong pamilyar na daan. Kung tutuusin ay isang beses pa lang siyang nakakapunta duon at ngayon pa lang ang pangalawa. Matagal-tagal din siyang nagpapaikot-ikot bago niya pagpasyahang magtanong.

“Magandang tanghali po nanang” may pilit na ngiting tanong ni Micco sa matandang babae na nagbabantay sa isang tindahan.

“Ano iyon?” sagot na tanong ng babae kay Micco.

“Tanong ko po sana kung saan dito ung Fortitude?” wika ni Micco.

“Fortune ba kamo?” sagot ng babae “dalawang piso isang stick.” sabay abot kay Micco ng sigarilyo.

“Hindi po nanang” tanggi niya sa sigarilyo “Fortitude po.” giit ni Micco.

“Ah” sabi ng babae “hindi ako prostitute, saka wala ditong nakatira na prostitute” tila naimbyernang wika nito.

“Sige po!” dispensa ni Micco na napakunot ang noo – “hay, wala akong mapapala kay nanang” – sabi ng utak niya kasunod ang isang malalim na buntong-hininga. Palinga-linga at patuloy sa paglalakad, naghahanap nang pwedeng pagtanungan.

“Bampira ba mga tao dito at tanghaling tapat ay wala kahit isa akong makita?” inis na wika ni Micco. Patuloy pa din sa paglalakad at paghahanap kung saan ang Fortitude.

“Ang tanga mo Micco!” malakas na usal ni Micco, saglit siyang napahinto at kinuha ang cellphone “pwede naman kasing itext bakit hindi pa kanina ginawa. Bobo!” dugtong pa niya.

“Liz, pano b pmnta sa fortitude?” tanong n’ya sa kaibigang nasa Fortitude.

“Bsta hanapn mo un cmbhan, taps hanpn mo ung Sitio Lazo, taps hanpn mo un pulang g8 tpos hnpin mo un yellow na g8, tpos ung pink na building, tas ung red na bubong” reply ni Liz kay Micco.

“Tilapiang bilasa naman ni San Andres” mahinang anas ni Micco “saang lupalop ko makikita ‘to?” inis na sabi ni Micco nang biglang may magtext ulit sa kanya.

“Joke lang friend! Nasa gate na nga ako para sunduin ka” sabi ni Liz.

Pagkabasa nito ni Micco ay –

“Hoy! Naligaw ka” bati ni Liz buhat sa likuran at sabay na din ang batok nito kay Micco.

“Mamaya ko na ikwento” sabi ni Micco “basta friend dito muna ako sa inyo.” pakiusap ni Micco.

“Halika muna sa loob” anyaya sa kanya nito “mainit na sa labas, baka mangitim ako” biro pa nito.

“Matagal ka nang maitim” pambasag ni Micco.

Si Liz – iyan si Lariza Fabian, kaklase ni Micco sa highschool. Valedictorian nila Micco at magna cum laude sa Philippine University. Katulad ni Micco, bagong graduate din siya, kaso mas pinili niyang maging social worker at ngayon nga ay tatlong taon na siyang tumutulong sa Fortitude Refuge of the Forgotten Children. Kahit nag-aaral ay tumutulong na siya sa pag-aalaga sa mga batang ulila hanggang sa tuluyan nang lumipat ang pamilya nila dito sa San Ildefonso. Siya din ang unang nagdala kay Micco dito sa Fortitude, last Christmas ata iyon at nag-adopt sila Micco para mag-celebrate nang pasko sa bahay nila.

“Sister, si Micco po” bati ni Liz kay Sis. Meding “naalala pa po ba ninyo siya?”

“Oo naman Liz” sagot ni Sis. Meing “lagi nga siyang hinahanap ni Matthew.” sabay na nalungkot ang mukha ng matanda.

Napangiti naman si Micco sa sinabing iyon ng matanda. “Nasaan na po si Matthew?” tanong ni Micco.

“May umampon na sa kanya” balita ni Liz kay Micco.

“Ganuon po ba? Sayang naman.” nalungkot man ay naging masaya na din si Micco para sa kapalaran ni Matthew.

Nagtataka kayo kung sino si Matthew at si Sis. Meding. Si Sis. Meding ang head, puno, superyora, reyna, beauty queen, dyosa at diwata nang Fortitude. May katandaan pero sobrang bait. Si Matthew naman iyong in-adopt nila Micco para magcelebrate nang pasko sa kanila.

“Mainam at napadalaw ka” sabi pa ni Sis. Meding kay Micco na sinagot naman ni Micco ng ngiti.

“Oh sige, kayo na muna ni Liz ang mag-usap!” paalam naman ng superyora.

Inaya ni Liz si Micco sa may terrace ng ampunan para duon kausapin.

“Akala ko ba pupunta ka ng Italy?” tanong ni Liz kay Micco.

“Oo nga, ngayon nga ang flight ko.” sagot ni Micco.

“Bakit nandito ka?” nagtatakang tanong ni Liz.

“Iyon nga friend ang problema ko” sagot ni Micco, nahihiya man ay ikinuwento niya kay Liz ang lahat.

Pinipigilang tumawa ni Liz habang nagkukwento si Micco. – “Friend, tatanga-tanga ka talaga” wika ni Liz.

“Lahat naman pwedeng mangyari ang ganun” kontra ni Micco sa kaibigan.

“Lahat nga potensyal na nagkaganun pero iilan lang ang kagaya mong nabibikitima” sagot ni Liz “pero seryoso, anong balak mo?” tanong ni Liz.

“Liz, sana makisama ka” pakiusap ni Micco.

“Naman! Di ba best friend tayo?” tila pangangalma ni Liz kay Micco “Ano na plano mo?” tanong ni Liz.

Si Liz nga pala ay ang bestfriend turned girlfriend turned bestfriend ulit ni Micco nuong high school. Lingid sa kaalaman ni Micco ay may gusto pa din sa kanya si Liz kaya hindi pa din ito nagkaka-boyfriend matapos nilang maghiwalay.

“Liz” seryoso ang mukha ni Micco “dito muna ako, kung pwede lang” tanong ni Micco.

“Naman” masayang sabi ni Liz “ikaw pa!” dugtong pa nito. “Eh, ano ba talaga ang balak mo?” tanong pa ni Liz.

“Nahihiya ako kila nanay at tatay pag-nalaman nilang napeke ako” sagot ni Micco “pati mga tyuhin at tyahin ko hindi ako tatantanan ng mga ‘yun, lam mo namang panghabang-buhay na nila akong pagtatawanan dahil sa katangahan ko.” malungkot na wika ni Micco kay Liz.

“Pero friend” tila may pagkontra kay Liz “mas mainam nga na malalaman na nila kaagad kesa naman magtago ka o gumawa pa nang kasinungalingan.” sabi pa ni Liz.

“Liz naman!” may tampo sa himig ni Micco “ayaw mo ata ako dito. Aalis na nga lang ako.” sabi ni Micco “Tatalon na lang ako sa ilog, pag namatay ako konsensiya mo iyon.”

“Nagtampo pa kunwari” sabi ni Liz “sige, dito ka muna, basta ipangako mong aayusin mo agad ito.” pangungundisyon ni Liz.

“Friend, un naman talaga ang balak ko, umamin sa kanila pag nakatyempo na” sabi ni Micco “saka, wala namang sikretong hindi nabubunyag di ba?” dugtong pa ni Micco “saka ayokong mag-alala sila ngayon, saka na pag in good-condition na ang lahat.”

“Ayan, sa susunod kasi, wag nang tatanga-tanga” sabi ni Liz “ako na ang bahalang kumausap kay Sis. Meding.” sabi pa nito.

“Opo” sagot ni Micco “salamat talaga Liz.” Pagkasabi nito ay pumasok na sila sa loob at kinausap na nga ni Liz si Sis. Meding.

Pinaghintay muna si Micco sa sala ng ampunan at nakikipaglaro sa mga bata duon. Hindi pa man nagtatagal ay muling lumabas si Liz sa opisina ng superyora na lukot ang mukha, malungkot at tila may hindi magandang balita. Malumanay itong nagsalita –

“Friend, may bad news ako sa’yo” simula ni Liz “hindi pumayag si Sis. Meding.”

Sa pagkarinig pa lang ng mga salitang bad news ay tila alam na ni Micco ang kasunod niyon. Ang saya ay napalitan na ng lungkot – “ganun ba?” tila paninigurado nito “Sige alis na ako.” sabay kuha sa mga gamit niya at lalakad na palabas.

“Sira” sabi ni Liz “hindi pumayag si Sis. Meding na mag-stay ka dito na wala kang gagawing maganda.” sabi ni Liz sabay akbay kay Micco.

Biglang tingin si Micco kay Liz – “talaga?” masayang wika ni Micco “sige ba.” sabay yakap kay Liz na wari bang hindi na niya ito pakakawalan sa sobrang tuwa.

Bumalik kaya ang dating pagtitinginan nila Micco at Liz? Ano kaya ang magiging buhay ngayon ni Micco?


[05]
“Kamusta ang unang buwan mo dito?” tanong ni Sis. Meding kay Micco.

“Masaya po” sagot ni Micco na nakangiti.

“Mainam kung ganuon” sagot ng superyora “nga pala may darating tayo na bisita sa susunod na linggo” sabi pa nito “kung pwede sana ikaw na ang maghanda sa mga bata para sa araw na iyon.” tila pakiusap nito kay Micco.

“Naku Sis. Meding, wala pong problema” nakangiting saad ni Micco “kung gusto po ninyo ay maghahanda pa kami ng intermission number.” pahabol pa ni Micco.

“Maganda kung gayon” tila umaliwalas na lalo ang mukha ng superyora “aasahan ko iyan.” pahabol pa ng superyora.

Si Micco ay mahilig sa mga pagtatanghal, presentations at intermission numbers. Lampa man nga daw at hindi marunong sa sports ay may likas namang kakayahan at talento sa pagsayaw, pagkanta, pag-arte at pagdidirect ng mga productions. High School ng mahilig si Micco sa ganito, sa isang school program nagsimula ang pagkahilig niyang magtanghal sa harap ng mga tao.

Agad na umisip ng konsepto sa gagawing intermission, pinagtagni-tagni ang bawat detalye at nang handa na ay ikinunsulta kay Liz at nang aprubahan na ni Liz ay dagli niyang tinawag ang mga bata matapos nitong magsipag-aral. Tulong sila ni Liz para maiayos ang intermission na iyon, habol sa mga bata, takbo dito, hanap duon. Saway dito, pigil duon, iyak mamaya, iiyak ulit pamaya-maya. Nahirapan ang dalawa ngunit, magbubunga naman kaya?

Oras na – dumating na ang araw nang pagdating ng mga bisita. Naghanda ang mga bisita ng mga pagkain, nagbigay ng mga supplies and materials at nag-abot ng konting halaga para makatulong. Habang nagkakagulo ang mga bata sa labas ay nanatili na nakatago si Micco at inaayos ang lahat ng props na gagamitin nila. Eto na ang oras, papakilala na sila ni Liz –

“To our beloved guests, we are proudly giving you our deepest gratitude that will be expressed though a special intermission number, so without any further adieu, here are the children of Fortitude Refuge of the Forgotten Children” sabi ni Liz at pumalakpak naman ang mga guest ng Fortitude.

Nagsimula nang tumugtog ang background music nila, paunti-unti lumabas ang mga bata. Isang musical role play ang ginawa at pinagtulungan nila Micco at Liz. May pakanta-kanta pa ang mga bata, pasayaw-sayaw at may pag-arte din. Kwento nang Batang May Pangarap ang ginawa nilang title dito, tungkol sa batang inulila ngunit patuloy na nangangarap at umaasam na makamit ito. Sa katotohanan lang, kwento talaga ito ni Matthew, ang batang inampon nila Micco para magpasko sa kanila.

Pinasalubungan naman ng masigabong palakpakan ang mga bata, madami ang natuwa at madami ang napaluha sa kwento ng ginawa ng mga bata.

“Son, bakit ngayon ka lang?” bati at tanong ng mama ni Adrian “sayang, you haven’t watched the presentation.” dagdag pa nito.

“You’ve missed the chance to see such a nice short story” komento pa ng ama niya.

“Sorry ma, pa” nahirapan kasi akong mag-excuse sa isa kong travel agency, nagka-aberya kasi kami sa isa naming client.” pagdadahilan ni Adrian “Sayang nga, sana isasama ko ang mga bata, kaso hindi na ako nakadaan sa bahay” dagdag pa nito na may panghihinayang.

“Anyways son, hope you will enjoy the day.” sabi pa ng mama ni Adrian.

Sinuklian naman ng ngiti ni Adrian ang sinabi ng kanyang mama. Agad na nagpalinga-linga at tila may hinahanap sa umpukan ng mga tao na binubuo ng mga volunteers ng kapitolyo na kasama ng papa niya at ng mga batang ulila at mga volunteers na nag-aalaga sa mga ito.

“Sir Adrian kayo pala!” bati ni Liz kay Adrian.

“Hi Liz” sabi naman ni Adrian “kamusta ka na?” tanong pa nito.

Si Adrian ay minsan sa isang buwan kung bumisita sa ampunan, laging tumutulong at kilala na siya ng mga bata. Matapos ang kamustahan ay agad namang nagpaalam si Adrian kay Liz para puntahan ang superyora ng ampunan.

Sa kabilang banda naman ay binati ni Sis. Meding si Micco dahil sa magandang pagtatanghal na ginawa ng mga bata. Ang kwento, ang presentation, props at ang kabuuan nito. Hindi nagtagal ay umalis na din siya sa opisina nito para naman puntahan si Liz at pasalamatan. Tumatakbo siyang palabas nang –

“Arayyy” mahinang usal ni Micco habang pinipilit niyang tumayo sa pagkakabuwal.

“Ayos ka lang ba?” tanong ng nakabangaan niyang kapareho niyang pinipilit tumayo mula sa pagkakabagsak.

“Wow! Boses pa lang ulam na” buyo ng isip ni Micco.

“Salamat, ayos lang ako” sagot ni Micco saka pinintahan ng isang ubod tamis na ngiti ang mga labi bago i-angat ang mukha sa nakabangga niya.

“Ikaw” sabay nilang sigaw.

Ang mga ngiting nilagay ni Micco sa labi ay muling naalis sa pagkadismaya sa nakitang ang lalaking magaspang na ugali pala ang nakabangaan niya.

Sa kabilang banda ay muli na namang umakyat sa ulo ang dugo ni Adrian sa nakitang ang lalaking tatanga-tanga pala ang bumangga sa kanya.

“Kaya naman pala” simula ni Adrian “ang tatanga-tanga pala ang bumunggo, no doubt, tanga nga.” inis na wika ni Adrian.

Muli na namang uminit ang tenga ni Micco sa narinig na sinabi ng lalaking magaspang ang ugali. “Kaya pala nasaktan ako kasi kasinggaspang ng sahig ang ugali ng bumangga sa akin” ganting banat ni Micco.

“Magaspang man ang ugali ko pero hindi naman kasing gaspang ng utak mo ang utak ko” sabi ni Adrian sunod ang mapang-asar na ngiti.

“Careless lang ako! Okay!” sagot ni Micco “hindi ako tanga!” dugtong pa niya na may diin sa salitang tanga.

“Stupid!” mariing wika ni Adrian sabay ang tayo.

“Adrian, ikaw ba iyan” wika ng superyora.

Agad namang gumawa ng aksyon si Adrian para hindi mahalata ang sagutan at away nila ni Micco – “Sorry ulit” sabi ni Adrian sabay lahad ng kamay “tulungan na kitang tumayo” sabay ngiti nito kay Micco.

“Echoserong palaka” sabi ng isip ni Micco nang maramdaman ang bait-baitan ng lalaking magaspang ang ugali “Orocan, Tupperware or White Horse?” dugtong pa nito. Kahit na naasar sa ngiti nito at paglalahad ng kamay ay inabot pa din niya ang kamay ng lalaking magaspang ang ugali dahil nahihiya siya kay Sis. Meding na bastusin ang bisita nila.

Sa pagkahawak nila ng kamay ay tila huminto ang mundo nila pareho. Dumaloy sa mga kamay nila ang milyong boltahe ng kuryenteng ngayon ay tumutunaw sa asar at inis na nararamdaman nila. Nakaramdam ng pagbilis ng tibok ng puso si Micco samantalang si Adrian ay labis na nakaramdam ng ligaya sa pagkakahawak nila ng kamay ni Micco.

“Arayy” muling sigaw ni Micco at muling napasalampak sa sahig.

“Ikaw kasi” sabi ni Adrian sabay upo sa tabi ni Micco at tinulungan ulit itong itayo “careless ka kasi!” dugtong pa nito.

“Aba at ang demonyito” sigaw ng utak ni Micco at nag-aalsa na ang damdamin niya sa galit. Gusto na niyang bugbugin si Adrian kahit pa hindi siya marunong sumuntok. Sa utak niya ay isang bugbog saradong Adrian na ang nakikita at pinagtatawanan niya.

“Salamat!” sabi niya kay Adrian pagkatayo sabay tapak sa paa nito at idiniin pang lalo.

“Ouch” sabi ni Adrian.

“Sorry” sagot ni Micco “hindi ko sinasadya, napakacareless ko kasi.” dugtong ni Micco na may diin sa careless.

“It’s okay!” sagot ni Adrian.

Agad naman silang nilapitan ng superyora.

“Ayos lang ba kayo?” tanong nito sa dalawa.

“Opo Sister” sagot ni Micco “huwag na po ninyo akong alalahanin.”

“Mukang sanay ka nang maaksidente” nakangiting wika ni Adrian “siguro lagi kang napapahamak” dugtong na biro pa ni Adrian kasunod ang isang makahulugang tingin kay Micco.

Alam ni Micco na inaasar siya ni Adrian at hindi simpleng biro lang kaya naman agad siyang sumagot – “Oo nga eh, sa sobrang bait ko kasi lagi akong pinagtitripan” kasunod ang isang ngiting itinapon kay Adrian.

Naguguluhan man ang superyora sa kinikilos ng dalawa ay binalewala na lang niya iyon. Tuluyan nang nagpaalam ni Micco at pumasok na sa opisina ng superyora si Adrian.

“Pesteng lalaki iyon” anas ni Micco habang palabas na hawak ang beywang “nanadya, mauntog sana. Para naman siyang dininig ng langit dahil sa pagyuko ni Adrian ay nauntog nga ito sa lamesang nasa opisina ni Sis. Meding.

May isang palaisipang naglalaro kay Adrian – hindi niya maintindihan kung bakit ganuon ang naramdaman niya sa pagkakahawak ng kamay ni Micco. Hindi niya maipaliwanag kung bakit kakaibang saya ang naramdaman niya habang hawak ang mga iyon. Isa lang ang sigurado niya, bago ang ganuong pakiramdam para sa kanya at sa tuwing maalala ang nangyaring iyon ay napapangiti na lang siya ng hindi niya alam.

Sa kabilang banda – “Micco, kalimutan mo na nga ang lalaking iyon” buyo ng isip niya. katulad ni Adrian ay naguguluhan si Micco kung bakit ganuon ang naramdaman niya sa pagkakahawak ng kamay ng lalaking magaspang ang ugali. Tila ba sa tuwing maiisip niya iyon ay nawawala ang inis na nararamdaman niya para dito. “Micco, kaya ka lang kinabahan kasi naramdaman mong may masamang balak ang lalaking magaspang na ugali na iyon.” kontra ng isipan ni Micco.

“Huwag ko na sana siyang makita” sabay na pumasok sa kukote ng tatanga-tanga at ng lalaking magaspang ang ugali.

Tila nanadya ang langit dahil –

“Micco, halika bilisan mo.” aya kay Micco ni Liz sabay hatak dito.

“Micco” nakangiting wika ni Liz “this is Sir Adrian, he visits us regularly.” sabi pa ni Liz.

Pinilit na lang itago ni Micco ang pagkainis sa lalaking kaharap na ipinakilala sa kanya ni Liz. Nilagyan na lang niya ng ngiti ang mga labi para naman hindi nito masabing napikon siya sa ginawa nito kanina. “Adrian pala ang pangalan mo, bagay na bagay sa masamang ugali mo” wika ng utak ni Micco “Liz, ingat kayo, may demonyitong nakakapasok pala dito.” paalalang nais niyang sabihin kay Liz.

“Sir Adrian, this is Micco” pakilala naman ni Liz kay Micco “a new volunteer.”

“Yeah, we’ve met several times” sabi naman ni Adrian na may ngiting tila inaasar si Micco “naku mag-iingat kayo, Mr. Careless yan di ba?” pahabol pa ni Adrian.

Biglang naiba ang itsura ni Micco, tinitigan si Adrian. Sugatan, lupaypay, mahinang-mahina na, bugbog sarado at naghihingalo na ito sa isipan niya. Tadtad ng pasa at nagmamakaawa sa kanya at humihingi na ng tawad. “Lagot kang Adrian ka, may araw ka din sa akin.” sigaw naman ng utak ni Micco.

“Sige na Liz” paalam ni Adrian “Mr. Careless, mag-iingat ka next time.” paalala pa nito kay Micco.

Nang mga oras na iyon ay hindi naramdaman ni Adrian ang pag-init ng ulo hindi gaya ng mga una nilang pagkikita, mas nais niyang makitang mapikon si Micco, makita ang mukha nitong asar na asar sa kanya at ang makitang ekspresyon ng inis mula dito. Sa tingin niya ay mas magiging masaya siya pag ganitong ekspresyon ang makikita niya kay Micco.

Ang pagkikita nila ay muling naulit, galing si Micco sa may kusina at palabas na siyang may dalang tray na may lamang tinapay at inumin. Sa may pintuan sa kusina ay muli niyang makasalubong si Adrian na papasok naman sa pintuan na lalabasan niya.

Tumabi si Micco para paunahing makadaan si Adrian dahil sa masikip ang pintuan nang kusina. Imbes na maunang lumakad ay tila humarang pa ito at nang-aasar na ibinalandra ang katawan sa gilid ng pintuan.

“Aba, tilapiang bilasa ni San Andres, nang-iinis ba ang lalaking ito” sabi ni Micco sa sarili.

“Excuse me Sir Adrian!” pasintabi ni Micco kay Adrian “na magaspang at masama ang ugali” singit naman ng utak niya.

Nginitian lang si Micco ni Adrian at humakbang ito patalikod na tila nagbibigay daan kay Micco para makalabas ng kusina. Sa may kanang gawi lalabas si Micco at walang anu-ano nang palabas na siya ay muli siyang hinarangan ni Adrian. Dahil sa humarang si Adrian ay lumipat si Micco sa gawing kaliwa, subalit tila nang-iinis si Adrian na humarang din pakaliwa. Muling pihit si Micco sa pakanan at muling harang ni Adrian sa gawing kanan. Lilipat sa kaliwa, at ganuon din si Adrian na lilipat sa kaliwa.

“Anak ka ng” mahinang usal ni Micco na nakakaramdam na ng inis, mas lalong pagkainis pala. Agad siyang tumalikod at pumasok na lang sa loob ng kusina – “magsawa ka ngang mang-asar di’yan” inis niyang anas.

Tila naman nang-iinis si Adrian at agad itong pumasok sa loob ng kusina – “Mr. Careless sige na dumaan ka na” at nagtapon kay Micco nang isang napakatamis na ngiti. Ngiting lalong nagpa-inis kay Micco.

“Pwede ba, wag mo akong tawaging Mr. Careless!” sabi ni Micco at walang pagdadalawang isip na umalis agad palabas ng kusina.

“Sige Mr. Tatanga-tanga na lang” sigaw namang pahabol ni Adrian. “Ayaw tawaging tatanga-tanga, ngayong tinatawag na Mr. Careless ayaw din. Siya na nga ang nagsabing careless siya.” saad ng utak ni Adrian.

“May pangalan ako, Micco” madiin na sigaw ni Micco bago tuluyang makalabas sa kusina.

Lingid sa kaalaman ni Micco ay sinadya talaga ni Adrian na harangin siya sa pintuan, kahit walang dahilan ay agad itong pumunta sa kusina nang makitang palabas naman siya. Labis na tuwa ang nadarama ngayon ni Adrian sa nakikitang ekspresyon ni Micco. Ang inis, asar at halos pagsusumpa na sa kanya nito.

“May topak yatang talaga ang lalaking iyon!” sabi ni Micco sa mahinang tinig.

“Micco” tawag sa kanya ng superyora “bilisan mo at nais kang makilala ng gobernador.” pagbabalita ng superyora kay Micco.

“Talaga po?” nakaramdam ng kaba at ngiti si Micco sa narinig at agad naman siyang sumama kay Sis. Meding.

“Governor” sabi ni Sis. Meding “eto po si Micco, siya po ang nagturo sa mga bata.” sabi pa nito.

“Congratulations” bati sa kanya nang asawa ng gobernador “maganda ang presentation ninyo. Natutuwa ako.” saad pa din nito.

“Salamat po” nahihiya man si Micco ay natutuwa siya at nagustuhan ito ng gobernador at ng asawa nito.

“Maganda ang concept at maganda din ang kwento” sabi pa ng gobernador.

“Inspiration ko po iyong batang inampon namin para magcelebrate ng pasko sa bahay two or three years ago” sabi ni Micco.

“How wonderful!” sabi naman ng asawa ng gobernador “this proves na kahit simpleng pangarap ng mga bata ay may makukuha tayong aral.” nakangiting wika pa nito.

“Ma, Pa” bati ng isang tinig sa gobernador at sa asawa nito.

“Patay na!” sabi ni Micco sa sarili na tila ba alam na niya kung kanino at sino itong tumatawag na ito.

“Adrian” bati ng asawa ng gobernador na mama din ni Adrian “glad you’re here.”

“Napadaan lang po, naglilibot kasi ako” nakangiting sagot ni Adrian.

“If I know may masama ka na namang balak sa akin” buyo ng utak ni Micco.

“Actually Ma, I saw you here kaya pinuntahan ko na kayo” sabi ulit ni Adrian. “Actually Ma, I saw Mr. Careless here.” sabi pa ng isipan ni Adrian.

“This is Micco” pakilala ng mama ni Adrian sa kanya “siya iyong nagturo sa mga bata nung musical presentation na ginawa kanina.”

“Sorry, I’m late and I didn’t watched it.” sabi naman niya kay Micco sunod ang isang ngiti.

Kinabahang bigla si Micco sa ngiti na iyon ni Adrian, pakiramdma niya ay mapapasubo na naman siya sa isang gulo na gagawin ng lalaking nasa harapan niya. Sa kabilang banda ay tila nagliwanag ang isipan ni Adrian.

“Musical? Meaning music?” tanong ni Adrian.

“Yes my son, beautiful harmony indeed” sagot naman ng mama niya.

“I’m planning na bigyan ng music teacher ang mga bata” sabi naman ni Adrian “ayos pala at nakakita na ko dito, good thing at galing din siya sa ampunan mas maganda iyon para kay Matthew.” pahabol pa ni Adrian.

“It’s beautiful plan Adrian” bati niya kay Adrian “ano Micco, ayos lang ba sa’yo? Para mas maging kumportable si Matthew, alam mo na, galing din kasi dito ang bata.”

“Depende po kay Sis. Meding kung papayagan niya ako.” sagot ni Micco. Wala naman talagang balak si Micco na maging music teacher, lalo pa at ang amo niya ay si Adrian, subalit nang marinig ang pangalang Matthew at malamang galing ito sa ampunan ay tila ito na lang ang dahilan niya para pumayag sa kung anuman ang tumatakbo sa isipan ni Adrian.

“Walang problema sa akin iyon Micco” sagot ng superyora.

“Ayun naman pala” sabi ni Adrian “so next week, I’ll pick you up here.” dugtong pa ni Adrian. – “Lagot kang Micco ka, ihanda mo na ang sarili mo” pahabol pa ng isip ni Adrian.

Isang ngiti lang ang sinagot ni Micco. – “Humanda ka ng Micco ka at makakasama mo na ng mas matagal ang Adrian na’yan.” sabi naman ng utak ni Micco.

Sa katotohanan ay wala namang balak kumuha ng music teacher si Adrian, ngunit dahil sa naisip niyang plano ay agad na tumakbo sa kanya na kuhanin si Micco para sa posisyong ni minsan ay hindi sumagi sa utak niya. Ang gusto lang niya ay makita si Micco na naiinis at naasar sa kanya at mas magagawa niya ito pag naging madalas ang pagkikita nila, isang paraan dito ay magsama sila sa iisang bahay.

No comments:

Post a Comment