Tuesday, January 8, 2013

Songs we used to Sing (11-15)

By: Jubal Leon Saltshaker
Source: theimmaculatedalisay.blogspot.com


[11]
SONGS WE USED TO SING : Strong Enough
Akda ni Jubal Leon Saltshaker

Eleven


“Nothing’s true and nothing’s right.
So let me be alone tonight.
Cause you can’t change the way I am.
Are you strong enough to be my man?”
-Sheryl Crow




MATAPOS ang aking duty ay agad na akong umalis sa trabaho upang mamili nang aking babaunin papunta kila Viktor at nang mga pasalubong para sa mga kapatid nito. Nang makauwi na ako ay kinuha ko nang agad ang mga naempake ko nang mga gamit kaninang umaga at agad na akong nagmadaling umalis upang hindi ako masyadong gabihin.

Alam ni Mama na ako ay aalis at mayroon kaming Medical Mission. Iyon ang dahilang aking sinabi upang hindi na ito masyadong magtanong. Wala din sya nang ako ay papaalis dahil mayroon itong nilakad at si Ele lamang ang naiwan sa aming bahay na bago ako umalis ay nagpaalam naman sa akin.

“Kuya, ingat ka…at sorry na din.”

Tumango na lamang ako sa kanyang sinabi dahil sa nahihiya din naman ako dito. Hindi ko nga lang alam kung dahil lamang ba ito sa kanyang nalaman na aking sikreto o dahil sa bahagya ko syang napahiya kagabi. Syam na taon ang aking tanda kay Ele at sa tanan nang kanyang buhay ay hindi pa kami nito nagkaroon nang kahit na anong pagtatalo.

Papalubog na ang araw nang makasakay ako nang bus papunta kila Viktor. Kinakabahan ako dahil sa hindi ako sigurado sa aking pupuntahan at dahil na rin siguro sa muli naming pagkikita. Tumagal nang halos tatlong oras ang aking byahe dahil sa haba nang trapiko at sa sobrang dami nang taong nagsisiuwian sa kanilang mga probinsya. Lalo pa ngayong araw nang biyernes.

Nang tumigil na ang sinasakyan kong bus sa terminal kung saan ito gagarahe ay agad na akong naghanap nang masasakyang tricycle. Ayon sa sulat ni Valeria ay mas makabubuti kung alam nang tsuper ang lugar na aking pupuntahan. Swerte naman at alam nang isang pasahero ang lugar na aking pupuntahan na nakarinig sa paguusap namin nang drayber kaya’t agad na din akong nakasakay paalis. Halos trenta minutos ang itinagal nang aming byahe sa tricycle at medyo nakakahilo pa ito dahil sa lubak at maputik ang daan. SInabi ni Valeria sa akin na matapos makababa sa kantong kanyang isinulat ay agad na ipagtanong ang kanilang bahay sa matandang may-ari nang isang tindahan sa lugar na iyon at mabilis ko na daw itong matatagpuan. Naabutan kong pasara na ang tindahan at dahil sa aking uhaw ay bumili na muna ako nang Fanta dito bago ako magsimulang magtanong.

Itinuro ako nang matanda sa isang daan sa likuran nang kanyang tindahan na animo’y isang maliit na burol dahil papataas nang papataas ang lupang aking dinaraanan. Madilim ang buong paligid at bahagya pa akong natalisod sa isang tubo nang tubig habang naglalakad at mabuting agad na nakakapit sa sanga nang isang maliit na puno sa aking tabi. Hindi ko naman inaasahan na kinakailangan ko pang magdala nang flashlight upang makarating sa kanila. Suot ko ang aking salamin ngunit hindi rin ito nakatulong upang makakita ako nang mabuti. At hindi rin ako sigurado kung saan ako pupunta ngunit naaaninag ko pa naman ang daan dahil sa nasa gitna lamang ito at ang magkabilang paligid ay napupuno lamang nang mga puno at halaman.
Ang mga insekto lamang ang maririnig na nagiingay kasama nang aking paglalakad sa damuhan at ang madalas kong pagtapak sa mga sanga nang puno na nagbibigay nang matunog na ingay ang tanging ingay lamang na maririnig sa paligid. Sigurado akong wala pang alas-diyes ngunit pakiramdam ko’y lagpas na nang hating-gabi. Mayroon akong nadaraanang mga bahay ngunit patay na ang mga ilaw dito at marahil ay tulog na rin ang mga tao sa loob upang aking maistorbo. Naalala ko pa ang sinambit nang matanda na mag-ingat sa aking paglalakad dahil maraming  ahas daw ang gumagapang at lumalabas sa ganitong mga oras. Pagkaisip ko dito ay agad ko nang binilisan pa ang aking paglalakad kahit pa hindi ko alam ang hanggangan o alam man lang ang aking pupuntahan. Nang marating ko na ang sinasabi sa akin ni Valeria ay agad na akong tumigil dito. Sinabi nito sa akin na mula sa tindahan paakyat nang burol ay dire-diretso lamang akong maglakad at huwag na huwag liliko kung saan.

Kahit na malabo ang aking mga mata lalo pa sa dilim ay nagawa pa ding maaninag nang aking paningin ang tinutukoy nitong mga puting bakod na nakapalibot sa kanilang bahay. Gumaan nang bahagya ang aking pakiramdam matapos maisip na ito na marahil ang kanilang tirahan. Ang tirahan ni Viktor. Ang lugar kung saan sya naroroon. Ang aming muling pagkikita. Mala-kubo ang itsura nang kanilang tahanan na mayroong espasyo sa ilalim na maaaring pasukan nang isang malaking tao nang naka-luhod

Nang matiyak kong hindi ako nagkakamali sa aking pinuntahan ay hindi na ako nahiya pang tumawag mula dito. Naka-limang tawag ako nang “Tao po?” bago ko pa mapansing may kung anong lumiwanag sa gilid nang kanilang bintana.

Mula dito ay bumukas ang pintuan at lumabas ang isang babaeng may hawak-na  gasera sa kanyang kanang kamay. Nang lubos na itong maka-lapit ay agad na akong nagpakilala dito.

“Magandang gabi at pasensya na sa aking abala…ako nga  pala si Angelo…ah’ dito ba nakatira si Viktor Andres?…kaibigan nya ako.”

“Magandang gabi din po…dito nga po sya nakatira…”

“Ah’…ikaw ba si Valeria?...”

“Hindi po, Ate ko po sya...”


Napansin kong tila nakaramdam nang takot ang babae sa akin kaya’t agad ko na lamang ditong itinanong kung nasaan si Valeria at agad naman itong pumasok sa kanilang tahanan. Maya-maya pa kasabay nang pagbukas nang halos lahat nang ilaw sa kanilang bahay ay muli na namang bumukas ang pintuan at dito ay lumabas naman ang isa pang babae na bahagyang may katangkaran sa nauna.

“A-ano pong maipaglingkod ko?...sino po sila?...”

Wika nito habang tila ba naniniguro kung ligtas ba ang lumapit.

“Magandang gabi sa iyo…ako si Angelo, yung kaibigan nang Kuya Viktor mo…”

Agad kong sinambit matapos itong makalapit nang mabuti sa akin.

“Ah…T-tuloy po kayo…ako po si Valeria…yung sumulat sa inyo.”

Pinapasok na akong agad ni Valeria sa kanilang bahay at pinaupo ako sa kanilang sala. Umakyat ito nang sandali at gigisingin lamang daw si Viktor. Kahit pa ayoko itong maistorbo ay hindi ko mapigilang hindi pa sya makita. Dahil sa kulay kahel na bumbilya nang kanilang ilaw ay nagmukhang papalubog lamang ang araw at malapit lamang ito sa buong paligid. Ipanatong ko ang aking dalang mga pasalubong sa katabing upuan at inilapag naman sa aking harapan ang dala kong Travel Bag. Tinanggal ko ang aking salamin at kinusot ang aking mga mata. Pinagmasdan ko ang buong paligid mula sa malaking litrato nang mga aso’ng nagsusugal, sa malaking kutsara at tinidor na gawa sa kahoy na nakasabit sa pagitan nang larawan at sa mga di mabilang na medalyang nakasabit sa dingding. Napansin ko rin ang isang batang lalaki na naka-toga sa isang litrato, naka-ngiti at hawak-hawak ang mga medalyang kanyang nakamit. Agad kong namukhaang si Viktor ito. Binalak ko itong lapitan upang makita ko nang mabuti nang mapansin kong dalawang batang babae ang nakatingin sa akin. Ngumiti ako sa mga ito at nagsalita.

“Hello…anong mga pangalan nyo?”

Halata mang nahihiya, ngunit nagwika ring agad ang isa dito.

“Vanessa po…”

“Hi Vanessa…ikaw anung name mo?”

Tanong ko naman sa isa pa.

“Violet…”

“Ilang taon na kayo?..”

“Seven po ako…”

Tugon ni Vanessa.

“Tapos si Ate po, nine.”

Dagdag pa nito.

“Ah. O’ para sa inyo nga pala ito…”

Iniabot ko sa dalawa ang kahon nang Donut na aking binili sa terminal sa Maynila bago ako sumakay sa bus at agad naman itong kinuha ni Vanessa.

“Salamat po kuya…”

Tugon ni Vanessa na sinundan din namang agad ni Violet.

“Salamat po.”

Ngumiti lamang ako sa mga ito hanggang sa marinig ko na mayroong pababa sa kanilang hagdanan.
Kinabahan akong bigla at nangingiti sa sobrang kasabikang muli syang makita.

“Kuya, sandali lang daw po…bababa na si Kuya…”

Magalang na sinambit sa akin ni Valeria.

“Aba…di pa kayo natutulog dalawa…teka, nagpasalamat na ba kayo kay Kuya Angelo nyo?...”

Dagdag pa nito matapos na makita ang hawak-hawak nang dalawa.

“Opo…Salamat po ulit Kuya Angelo.”

Si Vanessa.
Ngumiti akong muli sa mga ito.

“Naku, Kuya. Nag-abala ka pa…teka kumain ka na po ba?...mag-luto po ako nang Payless.”

“Naku, huwag ka nang mag-abala pa...busog din naman ako...Salamat ha'."

"Ako po ang dapat na mag-pasalamat,…Ay' papababa na rin po si Kuya…inaayos lang din po nya yung kama…”

Tumango na lamang ako sa kanyang sinambit.

“Mauna na po muna kami ha’…sigurado po ba talaga kayong busog pa kayo?”

Dagdag na tanong muli nito.

“Sugurado. Si-sige…”

Tumingin itong muli sa akin bago nito haraping muli ang dalawang kapatid.


“O’ sya bukas na yan…hugas na muna kayo nang kamay…Kuya pasok na po kami, magandang gabi po sa iyo...”

 Pumasok ang mga ito sa isang kwartong natatakpan nang kurtina at mga ilang sandali pa ay sumilip naman ang batang babaeng sumalubong sa akin kanina.Tumingin lamang ito nang sandali sa akin at agad na ding pumasok sa loob nang kwarto.

At narinig ko na namang mayroong pababa sa kanilang hagdanan.
Hindi ako tumingin nang ito ay makababa at hinintay ko na lamang na makita sa aking harapan ang kanyang presensya. Ngunit nang lumipas na ang mga sandali at hindi pa rin ako natatakpan nang kanyang anino ay iniangat ko nang muli ang aking paningin at nakita ko itong nakaupo sa pinaka-babang tabla nang kanilang hagdanan at mabuting nakatingin sa akin.

"Bakit?..."

At nakita ko na namang muli ang kanyang mukha. Lalo na ang maamo nyang mga mata.


Itutuloy...


[12]
SONGS WE USED TO SING : TORN
Akda ni Jubal Leon Saltshaker


Twelve


“There's nothing where he used to lie.
The conversation has run dry.
That's what's going on.
Nothing's fine, I'm torn.”
-Natalie Imbruglia



NILAPITAN ko si Viktor at umupo sa kanyang harapan. Hindi ito nagsalita at itinaas ko ang aking mga kamay upang hawakan ang kanyang mukha. Mainit ito at bahagyang mapula. Hindi nga lang ako sigurado kung bigla itong naging ganito nang akin syang hawakan.

"Akala ko ba ayaw mo na sa akin?..."

Agad nyang sinambit. Tinanggal nya sa pagkakahawak ang aking kamay sa kanyang mukha ngunit ibinaba nya lamang ito at ipinatong sa kanyang mga hita.

"Huh?..anong sinasabi mo?..."

Doon na muling pumasok sa aking isipan ang pangalawang sulat na ipinadala nya sa akin.

"Teka Viktor...ipaliliwanag ko sa'yo nang mabuti..."

"Kumain ka na ba?"

"Uy' nagsasalita pa ko...kumain na ako,
huwag mo akong alalahanin."

"Paanong huwag kang alalahanin, e' halos-"

"Mukhang hindi tayo nagkakaintindihan..."

"Oo nga'. Di ba sabi mo ayaw mo na sa akin at nalito
ka lang sa nararamdaman mo..."

"Viktor..."

Kumunot ang aking noo dahil hindi ko alam kung paano magsisimulang magpaliwanag
o kung ano ang aking dapat linawin sa aming hindi pagkakaunawaan.

Tinitigan ko lamang sya at pinisil ko nang madahan ang kanyang mga hita. Naka-sando at kulay green na basketball shorts si Viktor na ngayon ko lamang nakita sa ganitong ayos dahil madalas itong naka-maong pants at slacks naman noong naka-confine pa ito.

"Anung gagawin ko..."

Habang nakatingin ako sa kanya.

"Hindi ko alam..."

Matapos nya itong sambitin ay bigla namang tumulo ang luha sa aking mga mata.

"Bakit ba ganito ang nangyayari?..."

"Tsk, di naman kita pinaiiyak ah'..."

Matapos nya itong sabihin ay lumapit ito nang bahagya sa akin at agad na umakap.

"Sorry na...Sorry na...huwag ka nang umiyak..."

Tinapik-tapik nito ang aking likod na tila ba isa akong maliit na kapatid na sinusubukan nyang patahanin. Umalis ako sa kanyang pagkakayakap at pinunasan ang aking mga luha.

"Akyat tayo sa kwarto ko?"

Dagdag pa nito.

Isinara ni Viktor ang pintuan nang kanilang bahay at agad na kaming umakyat sa kanyang kwarto kasama ang aking mga bagahe. Humaba nang bahagya ang kanyang buhok kumpara noong huli kaming magkita at hindi ko rin masabi kung pumayat ba ito o tumaba nang bahagya.

Nang makapasok na kami ay binuksan nitong agad ang ilaw sa kanyang kwarto. Gaya sa kanilang sala ay kulay kahel na ilaw ang sumalubong sa akin at dito ay una kong napansin ang napaka-raming libro (mas marami pa rin naman ang sa akin) na naka-paligid sa apat na sulok nang lugar. Teddy Bear na naka-balot sa isang plastic cover, gitara at isang maliit na mesa na mayroong
nakapatong na gasera.

"Pasok ka na..."

Pag-anyaya nya sa akin. Nang simulan kong maglakad ay naglagitikan ang tablang sahig sa kanyang kwarto na dito'y bigla kong napansin na suot ko pa pala ang aking mga sapatos. Umupo akong agad upang ito ay tanggalin at nagtungo naman si Viktor
sa kanyang higaan upang ito ay ayusin.

"Mayroon akong ipapakita sayo'..."

"Hmm?...nu yun?"

Mahina kong tinuran habang pilit na tinatanggal ang rubber shoes sa aking mga paa.
Nakita kong kinuha nito ang isang libro sa book shelf na nasa dulong bahagi nang kwarto katabi ang maliit nyang bintana. Habang papalapit nang muli sa akin ay kinuha nito mula sa libro ang isang papel na agad nya namang binigay sa akin. Hindi na ako nagtanong pa at agad ko na itong binasa.

"Hindi ako ang gumawa nito..."

Tila hindi nya ako narinig at bahagya lamang itong lumingon sa akin.Nakaramdam ako nang matinding pagkainis hindi dahil sa reaksyong aking natanggap kung hindi sa mga bagay na nangyari na wala akong kaalam-alam.

"Sulat ito nang kapatid ko..."

"Kanino?..."

"Sayo. Teka Viktor..."

"Pinasabi mo yan sa kapatid mo?"

Sa mga sinasabi ni Viktor lalong nagpamukha sa akin na bagamat umaasta ito noon na parang bata ay mas matanda pa din ito sa akin. At gaya nang lahat, marunong ding magalit. Napabuntong hininga ako bago pa muling magsalita.

"Mag-aaway ba tayo?...ayoko nang ganito."

"Ako din."

"Alam mo ba na matapos mong umalis noon e'
palagi akong umaasa na matanggap ang sulat mo..."

"Sumulat ako di ba'?..."

Umupo na ito sa aking harapan.

"Pero hindi ko nga natanggap...paniwalaan mo naman ako o'. Itong sulat na ito, gaya nga nang aking mga sinabi ay hindi nagmula sa akin. Sinulatan ka nang kapatid ko nang hindi ko nalalaman...tingin mo ba masasabi ko ang mga ito sa'yo?"

Nilukot nang aking mga palad ang sulat na ibinigay nito sa akin.

"Tingin mo ba wala ako sa iyong harapan ngayon
kung hindi totoo ang mga sinasabi ko..."

"Masaya nga ako'ng makita kang muli.."


"Ako din..hindi mo lang alam na kahit ngayon e'
kumakabog pa rin ang aking dibdib dahil muli na kitang nakita..."

"Noong oras na bumaba ka para maligo noon, isinulat ko ang
aking adres sa isang kapirasong papel at inipit ko ito sa isa sa mga libro mo..."

"Ha? bakit di mo sinabi!..."

"Kung gusto mo ako, mahahanap mo yun..."

Paliwanag nya sa akin.
Natawa ako nang bahagya sa kanyang mga sinabi at agad na sumagot dito.

“Pero alam mo namang napakarami kong libro di ba’?
Malay ko ba kung may inilagay ka doon at saan...at alam mo na gusto kita.”

Napatigil ako nang sandali bago pa man muling magpatuloy.

“Bakit mo ko pinahihirapan...pwede namang diretsahan mo nang ibigay yun sa akin a'...nakakainis ka..."

"Kung para tayo sa isa't-isa...yun ang mangyayari..."

"Paano kung hindi ako sinulatan nang kapatid mo?..."

"Paano nga? pero hindi yun ang nangyari di ba'?"

"Hay naku, ikaw talaga."

"Hindi ko alam na sumulat sa'yo ang kapatid ko...pero eto' at nagkita pa din tayo..lahat nang bagay mangyayari kapag ito ang nararapat...."

Tinapik ko ang kanyang balikat at ngumiti ako dito.
Gumanti naman itong agad sa akin nang mas malakas.

"Aray."

"Haha..."

"Teka...sa sulat sa akin ni Valeria nag-kasakit ka daw...
o may sakit...sana ay maayos ka na.."

"Mahahampas ba kita kung hindi ako maayos...anong sinabi nya?"

"Tama ka..ayun nga may sakit ka daw..."

"Napa-sobra naman yata ang nakwento nya...
nag-katrangkaso lang ako e'...hehe."

"Mag-iingat ka kasi."

"Palagi naman....Hindi ko nga pala inaasahan na
ikaw ang sinasabing bisita ko kanina..."

"May hinihintay ka pa?"

"Wala. Nasaktan talaga ako sa sulat mo...nang kapatid mo pala...
kaya kahit araw-araw kitang naiisip ay hindi sumagi sa
isip ko na magkikita pa tayo..."

"Di' ko nga alam kung bakit nya iyon ginawa...
nakakalungkot...ang daming nasayang."

“Oo nga...Anu palang gagawin mo dito?”

“Huh?...Anu ba yan, seryoso ka ba Viktor?...
bakit ganyan ang mga tanong mo?...syempre nandito ako para makita ka.”

“Ang bilis mo palang mapikon...”

“Ewan ko sa’yo.”

"Teka Angelo..."

Ngumiti ako at bahagyang itinaas ang aking mga kilay upang linawin kung ano ang gusto nyang sabihin. Tuluyan na syang lumapit sa akin at kinuha ang aking mga kamay, mahigpit nya itong hinawakan at saka nagpatuloy na nagsalita.

"Na-miss kita nang sobra...”

Hindi ito nakatingin nang diretso sa akin at animo'y isang musmos na pinaglalaruan ang aking mga kamay.

"Lalo na ako..pina-iiyak mo ako nang hindi mo alam."

“Sana hindi na tayo magkahiwalay pa...o’ huwag mong sasagutin yun.”

Hindi na nga ako sumagot pa sa kanyang sinabi. Siguro ay ayaw lamang nito na ako ay mangako. Lumapit na lamang ako dito nang mabuti at hinalikan sya sa kanyang kanang pisngi.


Itutuloy...


[13]
SONGS WE USED TO SING : Wonderwall
Akda ni Jubal Saltshaker


Thirteen


“There are many things that i would like to
say to you but i dont know how.
I said maybe your gonna be the one that save’s me.”
-Oasis



TINANONG ako ni Viktor kung napagod ba ako sa aking byahe. Ngunit sinabi ko lamang dito na hindi ko inaasahang ganito akong kabilis makararating sa kanila. Nagpalit ako nang pambahay na damit at tinanong ako nito kung gusto ko na bang matulog ngunit sinabi ko lamang na gusto ko pang makipagkwentuhan sa kanya.

“Gusto mo palang maligo sa ilog bukas?...”

Tanong nya sa akin habang inaayos ang mga unan sa kanyang papag. Umupo ako malapit sa kanya bago simulang sumagot.

“O-okay lang...a’ condolence nga pala sa mama mo Viktor ha’…”

“Salamat. Ayun! Punta na lang tayo sa puntod ni Mama bukas?
Okay yun sa’yo?...”

“Okay lang naman…teka’ parang inaantok ka na...”

“Di ah’…higa na lang tayo habang nag-uusap.”

“S-sige.”

Nagsimula na kaming mahiga at gaya nang sa kanilang sahig ay nagpakawala din ang mga ito nang tunog na tila ba nababaling mga buto habang inaapakan.

“Pasensya ka na ha’ papag lang to’. Matigas.”

“Anu naman ngayon.”

“Syempre yung sa’yo malambot…”

“Okay lang nga. Hindi ko alam kung anung gusto mong palabasin…”

“Sinasabi ko lang na baka hindi ka komportable dito sa amin…”

“Pagtatalunan na ba yun?...Haha.”

“Bahala ka dyan…”

“Ay o’ nga pala Viktor…marunong kang mag-gitara?...”

“Hmm?...Kaunti. Bakit?.”

“Wala lang, nakita ko yung gitara mo e’. Gusto ko lang marinig muli ang boses
mo nang kumakanta.”

“Muli?...Sige, kantahan kita.”

Tumayo ito mula sa pagkakahiga at agad na nagtungo sa kanyang gitara. Nakahiga ako malapit sa dingding kung saan nakadikit ang kanyang papag. Matapos na makuha ang kanyang instrumento ay umupo ito sa aking tabi at bumangon naman ako upang lumapit sa kanya.

“Anung gusto mong kantahin ko?...”

“Hmm, ikaw? Ano bang paborito mong kanta?”

“A’ sige. Ito na lang.”

Sinimulan nyang kalabitin ang kwerdas nang kanyang gitara at nagsimula nang kumanta.

“He, walks in. And im suddenly a hero…”

“Teka, di ba “she” yun?...”

Pag-awat ko sa kanya.

“Bakit babae ka ba?...tahimik ka lang dyan.”

Nakangiting paliwanag nito sa akin.
Nagpatuloy nang kumanta si Viktor habang nakatingin nang mabuti sa akin.
Pakiramdam ko’y bigla akong inantok sa kanyang pag-kanta, hindi dahil sa hindi maganda ang kanyang boses ngunit sa pakiramdam na dinadala nito sa akin. Hindi ako mabilis humanga sa mga taong talagang magaling umawit ngunit ang pag-awit na ginagawa ni Viktor ay tila ba espesyal sa akin. Siguro ay dahil na rin sa ang mensaheng kanyang ipinararating ay para sa akin. Ipinatong ko ang aking ulo sa kanyang mga hita at naramdaman ko na lamang na sinusuklay nya ang aking buhok gamit ang kanyang mga daliri. Nakatulog na lamang ako na huling ala-ala ang kanyang matamis na boses at ang patuloy na paghaplos nya sa akin.


Sabado na nang umaga at sumikat na ang haring araw nang imulat kong muli ang aking mga mata. Pakiramdam ko ay nakahiga pa rin ako sa aking kama hanggang sa ako ay bumangon. Nang mapansin kong wala ako sa aking kwarto ay doon ko na naalalang nasa bahay ako ni Viktor.
Agad kong inisip kung ano ang huling nangyari sa akin bago ako makatulog.

Napansin kong bukas na ang bintana sa kwarto at wala si Viktor sa aking tabi.
Tumayo ako upang mag-inat nang biglang bumukas ang pintuan nang silid.

“Magandang umaga…gising ka na pala.”

“Good morning din Viktor…”

Sambit ko habang nililinis ang aking mata gamit ang mga kamay.

“Ikaw ha’. Tinulugan mo ako kagabi…”

“Ah’ oo nga. Pasensya na.”

“Di’, alam ko na napagod ka sa byahe...tara baba na tayo. Mag-agahan.”

Tugon nito habang kinukusot pa ang aking buhok na para bang nag-papaamo lamang sya nang isang tuta.

“Nakatulog ba nang mahimbing ang…”

“Ang ano?...Haha…may dala nga pala akong grocery dyan,
ihain natin sa mga kapatid mo…”

“Ikaw naman, hindi ko pa nga po natutupad yung pangako ko sa’yo…dinaragdagan mo nang agad ang utang ko…”

“O’ bumalik ang po’ mo…Haha…Teka, utang mo?”

Nagtatakang tanong ko dito.

“Di ba sabi ko sa’yo na ikakain kita sa mamahaling restoran…”

“Naalala mo pa yun?...”

Pagpuna ko sa kanyang sinabi.

“Oo naman…”

“Hindi pa rin sya nagbabago.”

Sambit ko naman sa aking sarili.


Matapos naming makapag-agahan ay pinaligo na ako ni Viktor upang maaga kaming makapunta sa kanyang ina. Kasabay naming kumain nang agahan si Valeria, Visha, (na syang una kong naka-usap kagabi) si Violet at Vanessa. Mayroon pang dalawang kapatid si Viktor na hindi ko na nakita. Ang sumunod kay Viktor ay mayroon nang sariling pamilya na isang beses isang linggo ay hindi nalilimutang sila ay bisitahin. Ang pangatlo nya namang kapatid ay sa kabilang bayan naninirahan malapit sa pinagtatrabahuan nitong pagawaan nang sabon na hindi rin naman nakalilimot sa kanila at magbahagi nang kanyang kinikita.

Matapos kong makaligo ay napansin kong umiiyak si Valeria. Agad kong nilapitan si Viktor kung ano ang nangyari ngunit sinabi lamang nito na nagkatampuhan lamang sila nang isang kapatid at huwag na itong initindihin.

Ilang kilometrong lakad lamang mula sa kanilang bahay ay narating na agad namin ang sementeryo sa kanilang lugar. Maya-maya pa ay tumigil na kami sa paglalakad sa masukal na lugar nang malaman kong nasa puntod na pala kami nang kanyang ina.

Iniabot ko sa kanya ang dala naming lighter at agad na nyang sinindihan ang mga kandilang aming binili. Matapos nya itong itirik ay umupo ito sa tapat nang puntod at nagsimulang magdasal.

“Ma, si Angelo pala.”

Lingon nito sa akin matapos mag-dasal at agad din namang tumalikod upang humarap nang muli. Hindi ko talaga alam ang aking sasabihin at naintindihan ko naman ang ginagawa ni Viktor.

“Kamusta po…ako po si Angelo. Kaibigang matalik ni Viktor…”

“Kaibigang matalik...haha.”

“Shhhh…”

Pag-saway ko sa kanya.

“Uhm, huwag po kayong mag-alala…aalagaan ko po syang mabuti…”

“Aalagaan ka dyan…ano ako may sakit?…Hehe.”

“Hindi lang naman may sakit ang inaalagaan...”

Nakangiti kong paliwanag dito.
Ngunit ang tunay kong gustong iparating sa kanyang ina ay sinambit ko na lamang sa aking sarili. Dinala ni Viktor ang kanyang gitara at kumanta ito sa harap nang puntod nang ina. Mga kantang madalas daw kantahin nang ina sa kanilang mag-kakapatid noong nabubuhay pa ito.


Nang makahanap kami nang lugar na mauupuan sa loob nang pantyon ay nagsimulang magkwento si Viktor nang mga bagay na gusto nyang gawin na napunta naman sa personal na usapan tungkol sa amin.

“Anong balak natin ngayon?”

Tanong ko sa kanya. Habang pilit na inaalis ang mga damo sa aking suot na pantalon habang nakaupo sa isang natumbang pader.

“Ako ang dating nag-tanong nyan ah’…”

“Oo nga e’…sagot ko din ba ang isasagot mo sa akin?…”

“Parang ganun…”

“Haha’, parang nagkabaligtad na tayo ah’.”


“Hehe…noon kasing mga naka-raang buwan e’ naisip ko ang mga sinabi mo sa akin...na hayaan lamang ito…”

“Pero hindi pala maganda yun…Sorry ha’…”

Ngumiti lamang ito bago ako muling nagsalita.

“Para ngang nagbago ka na sa akin e’…”

“Huh? Nagbago?”

“Oo’…parang hindi ka na kasi…malambing…”

Nakita ko na lamang na hinubad nito ang suot nyang damit at agad na tinanggal din ang sa akin.

“Huy?...anung gagawin natin?”

Alam ko din naman ang mangyayari dahil tingin kong kagustuhan namin itong dalawa at madali ko na ding tinanggal ang aking salamin sa mata. Hindi ito nagsalita at sinimulan nya akong halikan. Biglang nagbalik sa aking isipan nang huli nya itong gawin sa akin at dito ay hindi ko na napigilan pa ang aking sarili.

“Doon tayo…”

Sambit nito sa pagitan nang kanyang ginagawa at itinuro ang kabilang pader sa aming tabi na natitirang nakatayo. Agad akong sumunod dito at sabay kaming pumasok sa likod nang semento.


Itutuloy...



[14]
SONGS WE USED TO SING : Eternal Flame
Akda ni Jubal Saltshaker


Fourteen


“Say my name, sunshine’s thru the rain.
My whole life so lonely, and then you
come and ease the pain.
I don’t want to lose this feeling.”
-The Bangles



HAPON na nang mapagpasyahan naming umuwi. Bagamat hindi kami nakaramdam nang gutom ay umalis na kami sa lugar dahil tingin naming ay masyado na kaming nalilipasan nang gutom. Umalis din kasi kami sa kanilang bahay nang hindi pa naghahapunan. At isa pa, mayroong isang matandang lalaki ang nakakita sa amin.
Mabuti na lamang at wala itong masyadong nakita maliban na lamang sa magkahawak naming mga kamay. Nakita kong may hawak itong kutsilyo (“Gulok yun.” Pagtatama sa akin ni Viktor) at dito’y hinila ko nang agad si Viktor upang kami ay tumakbo palayo. Tinawanan lamang ako nito dahil sa magtatabas lamang daw ang matanda sa mga ligaw na halaman at lumalagong mga damo. Madalas daw kasing Makita ni Viktor ang matanda na tila ba araw-araw na naglilinis sa lugar.

“Malabo nang mata nun’ kaya huwag kang mag-alala…natatawa talaga ako sa’yo…”

Nangingising sambit ni Viktor sa akin.

“Malay ko ba kung bigla tayong tagpasin nun’…”

“Hindi ka muna nag-short bago ka tumakbo...ahaha!”

“Mamatay nang may damit o tumakbong hubo? Haha…”

“Kakatawa talaga yun…ahaha!”

“Haha. Tulog naman ang mga tao dito e’…
ikaw ha’, tinatawanan mo na ako.”

“Nakaka-tuwa naman talaga kanina ah’…pero Angelo…ang cute mo nun’…hehe’.”

Naka-yuko nitong sinambit sa akin.

“Bumabawi ka lang e’. Haha…”

Matapos na matigil ang aming tawanan ay nagkwentong muling ito sa akin.

“Naka-usap ko na palang matandang yun dati…hinahanap nya kasi yung puntod nang asawa nya…bumagyo kasi dati dito sa min at halos matabunan ang buong sementeryo nang putik…kaya nililinis nya daw ang buong sementeryo dahil baka mahanap nya pa ang puntod nang asawa…”

“Hmmm. Sa tiyaga nya…sigurado akong nakita nya na ang puntod nang kanyang asawa…hindi nya nga lang alam na nakita nya na.”

“Siguro..O’ nga pala tungkol sa sinabi kong sulat ko sayo Angelo...”

“Anung tungkol dun?...”

“Wala akong nilagay…nagbiro lang ako.”

Nakangiti nyang binanggit sa akin.

“Ano?...Nakakainis naman. Salamat na lang talaga sa kapatid mo.”

Bigla kong kinusot ang buhok nito at matapos ay agad na tumakbo palayo sa kanya.

“Ah’. Mag-papahabol ka pa ha’.”

Sambit ni Viktor bago nya ako tuluyang habulin.

Maputik ang aming mga paa at madumi ang aming buong katawan kaya nang makauwi ay naligo na muna kami. Katulad kanina ay ako ang pina-unang maligo ni Viktor.
Huwag din daw akong mahiya at ituring ang kanilang bahay na parang sa akin. Matapos kong maka-paligo ay pumunta ako sa likod nang kanilang bahay kung saan matatanaw ang mga alagang manok nang kanilang kapitbahay na kanina kong narinig na gumising sa akin. Nagpupunas ako nang tuwalya sa aking basang buhok nang lapitan ako ni Valeria.

“K-kuya, marami po’ng salamat ha’..hindi pa nga po pala ako nakapag-pasalamat nang personal sa inyo…”

“Wala yun...At isa pa, ako ang dapat na magpasalamat sa iyo dahil kung hindi mo ako sinulatan…siguro ay hindi na kami magkikita nang kaibigan kong yan…condolence nga pala Valeria…”

Natahimik itong sandal at hindi muna tumugon sa aking mga sinabi.

“Kuya Angelo…uhm, alam ko na po…”

“Huh? Anung alam mo na?...”

Lumapit naman sa kanyang likuran ang bunso nilang kapatid na si Vanessa, hila-hila nito ang isang saklay at agad na kumapit sa binti nang nakatatandang kapatid.

“Ne’, nag-uusap kami ni Kuya…mamaya na ha’?...itago mo yan,…
hindi yan laruan di’ ba’?”

Agad na nakinig dito ang bata at mabilis din namang sumunod.

“Ah’…alam ko po na kayo ni Kuya…”

Kanyang tinuran na mukhang hindi pa sigurado sa kanyang sasabihin.


“T-teka…Uhm, Ano…galit ka ba?”

Nalilito kong sagot dito.

“Ah’ hindi po ako galit…naku…paano ko ba ipaliliwanag…eto na lang po, gusto ko kayo para sa isa’t-isa…”

Natatarantang paliwanag nito sa akin.
Matapos ko namang marinig ang kanyang mga sinabi ay naramdaman kong namulang bigla ang aking buong mukha. Gusto ko itong tanungin kung ano ang ibig nya pang mangyari o’ kung may gusto syang ipahiwatig ay sabihin nya nang agad sa akin.

“Salamat…Teka, Nabanggit mo sa iyong sulat na kailangan nyo nang tulong?...ano ba ang maitutulong ko…”

“Gusto ko nga po palang humingi nang tawad sa ginawa kong iyon…masyado po akong naging mabilis…pero okay na po ang lahat…nakahanap na po ako nang trabaho sa health center dito sa amin at natutugunan na naman po nito ang aming mga pangangailangan…”

“E’ si Viktor…nag-trabahong muli?...”

“A’…opo. Sa bayan din po… katulad ni Ate Vivian…”

“Ayos ah’…puro “V” pala ang pangalan nyo ano?...”

“Oo nga po e’…sabi po ni Mama…gusto daw ni Kuya Viktor noong maliit pa sya na kung mag-kakaroon ito nang kapatid, dapat ay sa letrang V din magsisimula ang pangalan nito…”

Napangiti ako sa kanyang mga sinabi at hinayaan itong magpatuloy.

“Pangalan ko po, ni Violet, Visha at Vanessa ay si Kuya ang naka-isip…”

Natawa ako nang bigla dahil sa naisip kong mabuti at hindi nito napangalanang “Vulva” ang isa sa kanyang mga kapatid.

“K-Kuya?...Bakit po kayo natawa?”

“Wala naman. Natutuwa lamang ako sa inyo.”

Kinapa ko sa aking bulsa ang aking wallet at mabilis na dumukot dito nang pera. Iniabot ko sa kanyang kamay ang isang daang piso at isinara ito sa kanyang mga daliri.

“Huwag kang tatanggi…magagalit ako…”

“Sa-salamat po talaga nang marami Kuya…sobra po ang maitutulong nito sa amin…”

Kinusot nito ang kanyang mga mata bago ko pa magawang punasan ang mga luha nito.

“Hindi ba alam nang Kuya mo na sumulat ka sa akin…sabi mo.”

“Opo…nakita ko lamang po kasi ang adres nyo sa kanyang wallet gaya nga po nang sinabi ko sa inyo sa sulat…Nakita ko po iyon nang minsan nyang maiwanan sa kanyang kwarto nang ako ay maglinis doon…at dahil sa desperado po kami sa tulong ay hindi na po ako nagdalawang isip pa na sulatan kayo…”

“Ginagalaw mo ang wallet nya?...”

Maingat kong pag-usisa dito.

“Ay’ hindi po sa ganun’ Kuya Angelo. Napagkakatiwalaan po ako ni Kuya higit sa lahat lalo na pagdating sa pera kaya po ganoon…”

“Pasensya na natanong ko.”

Muling nagbalik sa aking ala-ala ang isinulat ko sa likod nang lumang calling card ni Papa. Maliban sa aking adres ay sinulat ko sa likod nito ang aking mensahe para kay Viktor.

“Hihintayin ko araw-araw ang ating muling pagkikita.”

“Anu nga pala yung sinasabi mong kalagayan ni Viktor?...”

“Ah’…ayun nga po…mabuti at gumaling na sya agad po…”

“Basta, huwag kang mahihiyang sumulat sa akin para humingi nang tulong ha’?...”

“O-opo Kuya…salamat po’ng muli.”

Hindi na ako sumagot pa at ngumiti na lamang dito.

“Sya nga po pala...may gusto pa po akong hilingin sa inyo…”

“Kahit anu yan, basta kaya ko. Nu’ yun?”

“Mahalin nyo po nang sobra ang kuya ko ha’?...at palagi syang intindihin…”

“Oo’ naman…kapag mahal mo ang isang tao…hindi na kailangan pang lagyan nang sobra, dahil ang pagmamahal mo pa lamang e’ sapat na…Maraming salamat, Valeria.”

Nang marinig ni Valeria na muling bumukas ang pintuan nang kanilang banyo ay agad naman itong lumabas na nang tuluyan sa likod nang kanilang bahay.

“Sige po Kuya…”

Binigkas nya nang mahina bago pa man tuluyang makalayo sa akin.
Ilang sandal lamang ang naka-lipas nang mapansin kong papalapit na sa akin si Viktor.

“Anung ginagawa mo dito?…”

“W-wala naman…pinapanuod ko yung mga manok…”

“Akala ko umakyat ka na…palit na muna tayo nang damit bago tayo kumain…aabutan na tayo nang hapunan…”


Bago pa man ako maka-akyat nang tuluyan ay nakita kong pumasok si Valeria sa harapan nang kanilang bahay at agad na inasikaso ang mga bunsong kapatid nito na masayang naglalaro sa kanilang bakuran.


itutuloy...



[15]
SONGS WE USED TO SING : Close to you
Akda ni Jubal Saltshaker


Fifteen


“A secret to tell,
I got something they don't have.
and baby it's you that is lifting me high.
I just wanna be close to you, 'cos I understand
the strength of your hand.”
-Whigfield



ALAS-otso na nang gabi nang makapag-simula na kaming makakain. Nang makauwi kami ni Viktor mula sa pantyon at nang makapag-linis nang katawan ay namalagi lamang kami nito sa kanyang kwarto at nag-kwentuhan. Hanggang sa sabihin na nitong bumaba na kami upang mag-hapunan. Nagprisinta na ako upang magluto dahil matagal ko na rin naman itong hindi nagagawa. Nagpasama ako kay Valeria sa palengke sa kanilang lugar at dito ay namili kami nang sangkap sa aming hapunan. Ipinagluto ko sila nang Adobo at bumili din kami nang isang rolyo nang Cake sa isang panaderia bago kami naka-uwi. Tuwang-tuwa naman ang mga kapatid ni Viktor lalo na ang mga naka-babata. Tinanong ako ni Viktor kung ano ang okasyon ngunit sinabi ko lang dito na mas masarap kumain kapag maraming pagkain sa hapag. Hindi ko alam na maaga pala ang kanilang tulog at ang alas-otso na naming kain ay masyado na palang gabi para sa kanila. Napansin ko din na bago kami umalis ni Valeria kanina ay halos tulog na ang mga tao sa buong paligid kahit na ala-sais pa lang naman nang gabi. Ganito nga lang talaga siguro sa probinsya.

Matapos makakain ay nag-linis na akong muli nang aking katawan at umakyat na sa kwarto ni Viktor upang maka-usap nang muli ito. Agad na itong umakyat bago pa man ako pumasok nang kanilang banyo at sila Valeria naman ay nagpumilit na sila na ang maglilinis nang aming pinag-kainan. Bukod daw sa talagang gawain nila yun ay sobra daw nilang ikinatuwa ang aking inihaing hapunan. Nang maka-akyat ako sa kanyang kwarto ay nakita kong naka-upo ito sa kanyang papag at tila ba hinihintay lang akong makarating bago sya kumilos.

“Anung ginagawa mo?”

Bungad kong tanong dito.

“Para sa’yo.”

Dito ko lamang napansin ang hawak-hawak nyang Teddy Bear na nakita kong naka-display kagabi sa kanyang lamisita.

“A-ano yan?...”

“Oso. Bakit ayaw mo ba?...”

“Hindi yun, bakit mo binibigay yan sa kin’?...”

Umupo na ako sa kanyang tabi.

“Noong bata pa ako, pinabili ko yan kay Mama noon sa perya...tapos sabi nya sa akin na ingatan ko daw at ibigay sa taong mamahalin ko...”

Ngumiti lang ako sa kanyang sinabi at hindi muna umimik dito.

“Nagustuhan mo?”

Tanong nito habang nakatingin sa akin.

“O-oo naman, maraming salamat talaga...ngayon lang ako naka-tanggap nang ganito...”

Bahagya kong pinisil ang stuffed toy at iniharap ito sa akin.

“Di’ ba nagka-girlfriend ka na?...binibigyan mo ba sila nang ganyan?”

“Bulaklak madalas kapag anniversary namin…Yung una kasi nagtagal kami nang 2 years yung isa naman three…”

“E’ tayo?...”

“Huh?...Lahat naman kasi nang pinapasok kong relasyon…palagi kong iniisip na forever magtatagal…”

“Kahit itong sa atin?...”

“Oo. Haha. Bakit mo tinatanong ang mga yan? Ayaw mo ba?...”

“Tingnan mo ko…”

Sumunod naman ako dito bago tumugon.

“Ayan nakikita na kita…”

“Anung nakikita mo?...”

“Syempre ikaw…hehe. Guwapo…”

“Seryoso ako…”

“Teka’ seryoso din naman ako ah’.”

“Tingnan mo nga ako…kung saan ako nabibilang…mahirap lang kami...
at propesyunal ka…”

“Viktor, ano ba yan?...”

“Kaya nga nang malaman kong nagkagusto ka sa akin…sobra ang saya ko..pati na rin ang isiping magkakagusto ka sa isang lalaki.”

“At bakit naman hindi?...itigil mo na nga yan. Ayoko nang ganyang usapan e’. Nagustuhan lang ba kita dahil sa estado mo?...Hindi. Gusto kita dahil ikaw yan, si Viktor. Yun ang gusto ko…O’ ano pang gusto mong marinig para maniwala ka sa kin’?...”

Bahagyang napataas ang tono nang aking pananalita ngunit hindi ko naman nakitang napahiya sya sa akin.

“Ikaw.”

Natahimik ako bago pa magsalita.

“Ay’ ilagay ko na to’ sa bagahe ko ha’, para di ko malimutan…
Anung gusto mong ipangalan ko dito?...”

“Kailangan ba yun?...Ikaw bahala…Uhm, Viktor gusto mo?...”

“Mas mabuti. Hello Viktor. Ikukulong na muna kita ha’…”

Nilapitan ko ang aking bag at agad nang inilagay ang laruan dito.

“Oo’ nga pala, Linggo na bukas…uuwi ka na…”

“Ang bilis nang oras no…pero pwede naman akong bumisitang muli dito di’ ba? At susunod ka sa akin…”

“Hindi ko nga lang alam kung kailan…”

“Basta tandaan mo na palagi akong naghihintay sa’yo…”

Bumalik na ako sa kaninang kinauupuan at humarap nang agad muli dito.

“Mukha kang pagod…inaantok ka na ba?...”

Tanong ko sa kanya. Matapos ay kinuha ko ang isang unan na malapit sa amin at saka
Ito ipinatong sa aking mga hita.

“Haha…baka ikaw. Sina-suggest mo yatang matulog na tayo e’…”
“Uy’ di ah’…teka…parang nangitim ka Viktor…”

Lumapit ako sa kanya upang  mapagmasdang mabuti ang kanyang mukha at nang akmang hahawakan ko na ang kanyang kaliwang pisngi ay kinuha nya namang agad ang aking kamay at saka ito hinawakan nang mabuti.

“Oo’. Laging nasa arawan e’…kahit yata hangin dito nakakaitim. Hehe…”

Inilagay nito ang aking mga kamay sa kanyang mga labi na tila ba inaamoy.

“Huy’…inaamoy mu yan.”
Pag-puna ko dito.

Tumayo naman itong bigla at nagpunta sa switch nang ilaw sa loob nang kanyang silid.

“Patayin kong ilaw, okay lang?...”

“Sige.”

“Yun na lang gasera kong buksan natin…”

Matapos patayin ang ilaw sa loob nang kanyang kwarto ay kinuha nito ang kanyang maliit na gasera at agad na sinindihan. Matapos itong mailawan ay ipinatong nya ito sa sahig malapit sa akin.

“Wait lang ha’…buksan ko lang yung radyo natin…”

“Papatugtog ka?...”

“Um…ayaw mo ba?...”

“Di’. Okay lang.”

Narinig kong binuksan nito ang kanyang Radio at humanap nang istasyong aming pakikinggan.

“Dito ako nakikinig e’…puro tunog lang kasi sa stasyon na ito at walang kanta…instrumental.”

“Ah’…pampatulog ko yan pagganyan…meron kasi akong mga ganyang tape sa Walkman…”

Kaunting liwanag lamang ang ibinibigay sa amin nang gasera kaya’t hindi ko maaninag kung ano na ang ginagawa ni Viktor. Napansin ko na lamang na nakatayo ito sa aking harapan at inaalok nito ang kanyang kanang kamay sa akin.

“Sayaw tayo?...”

No comments:

Post a Comment