Tuesday, January 8, 2013

Songs we used to Sing (06-10)

By: Jubal Leon Saltshaker
Source: theimmaculatedalisay.blogspot.com


[06]
SONGS WE USED TO SING : Even the Nights are Better
Akda ni Jubal Saltshaker

Six


“I used to think I was tied to a heartache.
That was the heartbreak.
But now that Ive found you.”
-Air Supply



Noong gabing iyon ay nakasuot nang malinis na puting t-shirt at maong pants si Viktor. Nang makapasok kami sa aking kwarto ay pinahiram ko sya nang damit ko’ng pambahay nang sa gayon ay hindi na marumihan pa ang kanyang suot na pang-alis. Sinabi ko’ng magpalit na muna ito habang kukuha lang ako nang makakain dahil hindi pa pala ako naghahapunan.

Nang makabalik na ako sa loob nang aking kwarto ay naka-pagpalit na ito at naka-upo na sa upuan sa tabi nang aking cabinet. Ipinatong ko ang dalang pagkain sa mesa katabi nang aking kama at inalok ko na itong kumain ngunit tumanggi sya’ng muli dahil nakakain na naman din daw ito bago pa man dumaan  sa akin. Sinabi ko na sa aking kama na lamang sya maupo upang kung inaantok na din sya ay masimulan nya nang matulog. Bago ako magsimulang kumain ay nakipag-palit na ako kay Viktor nang pwesto. Nakatingin lamang ito sa akin hanggang sa magsimula na itong magsalita.

“Ngayon po na alam na natin na may gusto tayo sa isa’t isa…ano po ang gagawin natin?..ah’…tama po ba ako?....”

“Drop na nga the “po”…super galang mo naman…
Oo’ tama ka…gusto kita…”

Sambit ko nang nakangiti habang kumakain.
Nakatingin lamang sya sa buong paligid at nagmamasid.

“Ah’ gagawin natin?...ah’..hayaan lang natin…”

Hindi ko talaga alam ang sagot sa kanyang katanungan ngunit nang oras na iyon ay ito lamang ang nakikita ko’ng magandang sabihin.

“Teka, nag-kagirlfriend ka na ba?.. o’ boyfriend?...”

Dagdag ko dito.

“Hindi pa po-…hindi pa ako nagkakaroon nang kahit na anong
karelasyon…kahit na sa babae …”

“Talaga?...ako kasi nag-karoon ako nang dalawang girlfriend…”

“Ganun?...ibig sabihin hindi ka talaga…alam mo na...”

“Hindi ko alam ang sagot dyan e’…pero kahit na iniiwasan ko ang tanong na yan,
siguro nga’y ganun ako…i mean, hindi kita magugustuhan kung hindi ako ganun di ba?..hehe.”

“Uhm, Angelo…pwede ba’ng tayo na?”

“Huh?...:

Nabigla ako nang marinig ko’ng sambitin ito ni Viktor. Maraming bagay ang sabay-sabay na pumapasok sa aking isipan at alam ko’ng ang buhay ko ang higit na maaapektuhan sa oras na salubungin ko ang aking kagustuhan.

“Gaya nang sinabi ko kanina, hayaan lang natin…maaaring bugso lamang nang damdamin ang iyong nararamdaman kahit ang sa akin di ba?.kaya’t magandang siguraduhin na muna natin ito…hindi ako ganon ka…ka-bading pero alam ko ang patakaran sa mundong pinipilit ko’ng hindi lakaran…”

Nanahimik nang sandali si Viktor bago ko’ng muling narinig itong magsalita. Nananatili itong naka-upo sa aking kama at nakatingin lang sa kanyang palad habang ito ay nilalaro.

“Hehe…tama po kayo…hayaan muna natin…”

“Oo…nagalit ka ba?..”

“Hmm? Di naman…hehe.”

“Ano nga yun’g sa hindi ka pa nagkakaroon nang kasintahan?...”

“Ah’…ako kasi masyado’ng abala sa pag-aalaga nang aking mga kapatid at sa pag-aaral..valedictorian ako nang klase namin noong highschool…”

“Wow…galing a’…e bakit patuloy mo ako’ng tinatawag na Dok?.”

“Tingin ko po kasi na mas bagay sa yo’ yon kaysa ang maging nars…”

“Ganun?…binalak ko din’g mag-doktor noon…pero hindi na natuloy…teka naka-pag college ka ba?.....ay’ pasensya ka na ha’...”

“Okay lang…hehe…hindi ako natapos makapag-kolehiyo…noong una ay marami ang nagaalok nang scholarship sa akin, tinanggap ko naman ito dahil naisip ko din na hindi talaga namin makakaya ni Mama na mag-aral ako nang walang suporta mula sa iba…naka-pagsimula ako sa kursong chemical engineering…”

“Galing ah’…”

Pagputol ko sa kanyang kinekwento.

“Pero hindi nagtagal e’ tumigil din ako…madami ang gastos lalo na sa pangaraw-araw na hindi na kayang sagutin pa nang nagpapa-aral sa akin…at isa pa, higit din ako’ng kailangan ni Mama noon sa bahay…”

“Sayang naman…ang tatay mo nga pala?...”

“Iniwan nya na kami nito lang sa sakit nito sa baga…farmer sya..lakas kasi sa yosi e’...nagka-lung cancer…”

“Ah’….So hindi ka nag-yoyosi?”

“Kahit kailan…e’ ikaw?”

“Uhm,..minsan lang…umiinom ka?”

“Alak po ni minsan hindi…kaw?”

“Hmm, occasional lang…”

“Madalas ka bang nag-mumura?...”

“Huh?...anong kinalaman?..minsan lang…kapag galit…ay teka madami pala akong gusto’ng itanong sa’yo…”

“Sige lang.”

“Una…paano mo pala nalaman kung saan ako nakatira…sobra mo ako’ng ginulat…nag-punta ako kanina sa trabaho mo…sabi nga na umuwi ka na daw sa inyo…basta, sobra akong nalungkot nang malaman ko yun…tapos eto ka…”

“Pwede ba akong humiga habang nag-sasalita?...”

“Oo naman…kung saan ka komportable…”

Bago pa man sya sumagot ay inayos nito ang unan sa aking kama at agad na itong humiga, ngunit sa pwesto’ng mabuti nya pa rin akong nakikita kahit na ito ay nakahiga.

“Tinanong ko sa isang nurse na kasamahan nyo po nung umaga na mag-punta sya sa kwarto ko…”

Nagulat ako nang marinig ito at agad na itinanong kung kanino sya nakipag-usap.

“Babae po na may nunal sa mukha?..yung may bangs...”

“Ah, ganun ba...”

Patay. Si Bernadette.

“May problema ba?...”

“W-wala naman…tuloy mo…”

“Hindi na po ako nahiyang itanong kasi gusto talaga kitang makita…at nung gabi na bisitahin mo ako bago ka umuwi…hindi ko alam kung paano ko sasabihin’g gusto kita…kaya binagalan ko ang paglalakad natin noong inakay nyo ako papunta sa banyo…”

“Haha…nagpabigat ka ba nun?...”

“Hehe-hindi naman po sa ganoon…pero sinusulit ko talaga yung oras…”

“Teka’…ah’, umiyak ka ba sa loob nang banyo non’?”

Natapos na akong kumain noon at naibaba ko na din sa kusina ang aking pinag-kainan. Sinabi ko’ng sa higaan ko na sya matulog at ako ay naglatag na lang nang ekstrang kutsyon sa sahig katabi nang aking kama. Binuksan ko na din ang aircon sa  kwarto, at yung lampshade sa ibabaw nang aking mesa sa halip na yung fluorescent light.

Nakatingin ako sa kisame nang aking kwarto habang nakahiga at mabuting tinitingnan ang mga glow in the dark stickers na aking idinikit  dito.
Hindi ko pa sila gaano’ng maaninag dahil sa may ilaw pa’ng nagmumula mula sa lampshade.

“Okay lang ba sayo’ng may ilaw?...”

Tanong ko na hindi nakikita ang kanyang ginagawa maliban na lamang kung iaangat ko ang aking sarili sa pagkakahiga. Narinig ko’ng tumunog ang mga springs sa aking kama bago pa man sya sumagot.

“Okay lang naman kahit wala din…”

“Haha…ginagamitan mo ako nang defense mechanism ha’…”

Tumayo ako nang saglit at mabilis na pinatay ang ilaw nang lampara. Mga ilang segundo ko lamang nakita si Viktor ngunit sigurado ako’ng nakatingin ito sa akin.
Nang makahiga na ako ay nagsalita na itong muli.

“Nakakahiya naman,…dapat yata ikaw ang nandito at ako dyan sa latag…”

“Sus’…ikaw ang bisita ko…”

“Ah…”

“Hmmm?...nu yun?”

“Matutulog ka na ba?...”

“Hindi pa naman, bakit?...actually nananahimik ako kasi alam ko’ng maaga ka pa…”

“Ayaw nyo na makipag-usap?...”

“Haha,…Wala akong sinabi…”

“Uhm…di ba madami ka pa’ng itatanong sabi mo?...”

“Oo’…pero okay lang ba?...bahala ka mamaya abutin tayo nang sikat nang araw kaka-usap…sige ka…”

“Okay lang…”

“Sige…”

Inayos ko ang aking pwesto at humarap ako sa kanya. Bagamat’ sigurado akong ang haligi lamang nang aking kama ang aking kaharap. At dahil sa dilim ay hindi ko sya maaninag ngunit sa bahagya ko’ng paglapit ay pakiramdam ko na magkalapit lamang kami dahil sa lumakas nang kaunti ang kanyang boses.

“Bakit eleven?...”

“Huh?...ah, haha!...”

“Anu nga yun?...”

“Nung kasing unang araw ko sa trabaho, habang kumakain kami noon nang tanghalian e’ tumulo yung sipon ko sa magkabilang butas nang ilong…”

“Haha…asan doon ang eleven?...,”

Natigilan ako nang sandali hanggang sa maisip ko ang tinutukoy nito.

“Hahaha! Eleven nga!...hehe...maiba pala ako…Uhm…tsk…ako ba’ng first kiss mo?...”

“…Ah’, hind e’.”

“Hmm,…Ganun ba…okay lang ba malaman kung sino?...”

“Oo’ namn…yung English Teacher ko po na babae…hinalikan nya ako…tapos pumalag  ako…matapos nun, nagalit sa kin, lagi ako pinahihirapan…hehe…”

“Gusto mo ba sya?...”

“Hindi e’…”

“Dahil matanda na?...”

“Hindi naman sa ganun…bata pa lamang kasi ako e’ alam ko nang ganito ako…”

“Huh? Ibig sabihin bata ka palang e’ alam mo nang….”

“Bakla?...Oo naman…kaya alam ko na hindi ako magkaka-gusto sa babae. At natutuhan ko naman itong itago…si Mama lang ang nakaka-unawa…si Papa naman di nya talaga tanggap…naalala ko na sinapak nya ako sa nguso, grade four pa lang ako noon…nahuli nya kasi akong nakatingin sa salamin tapos may hawak akong manika nang kapatid ko…ayun dahil doon natuto ako’ng maging matigas…pero pang-labas lang yun…gabi-gabi iniiyak ko…”

Hindi ako nakapagsalita matapos ko itong marinig mula kay Viktor.
Aaminin ko’ng nakaramdam ako nang awa habang inilalahad nya ito sa akin.
Hindi ko din malaman kung umiiyak ito nang oras nang mga oras na iyon dahil hindi ko din naman sya makita at hindi rin ako sigurado sa aking mga naririnig.
Habang tumatagal na nakakasama ko si Viktor ay lalong nag-iiba ang pagtingin ko sa kanya. Aaminin ko’ng para itong bata nung una’ng beses ko syang maka-usap ngunit habang tumataga lay nakikita ko ang tunay nito’ng pagkatao.

“Angelo…”

Tawag nya’ng bigla sa aking pangalan na  biglang gumuhit sa aking isipan.

“Ano yun?...”

“Ah’…pwede ko ba’ng hawakan yung kamay mo?...”

“O-oo naman…”

Narinig ko’ng muli ang tunog nang paggalaw nang aking kama at bagamat hindi nakikita ay alam ko’ng papalapit si Viktor sa gilid nang kama.
Itinaas ko nang kaunti ang aking kamay nang makita ko na sya nang bahagya at agad nya naman ito’ng hinawakan. Upang maging komportable kaming dalawa ay lumapit din ako dito at dumikit na nang mabuti sa ilalim nang aking kama.
Ramdam ko ang mainit nitong hininga sa aking mga daliri. Gusto ko’ng hawakan ang kanyang mukha ngunit pinigilan ko na lamang ang aking sarili.

“Tabihan mo ako…”

Bigla nitong sambit.

Natahimik ako nang sandali matapos ko itong marinig.
Binalak ko’ng magsalita ngunikt inunahan nya ako dito.

“Okay lang kahit ayaw mo…”

Tumayo na lang ako nang bigla at agad naman’g umayos nang pwesto si Viktor upang magkatabi kami nang mabuti. Hindi ko talaga alam ang gagawin nang mga oras na magkalapit na kami. Ang naiisip ko’y alam ko’ng maari nyang hindi sang-ayunan at ayoko naman’g mag-iba ang tingin nya sa akin. Nasanay na ang aking malabong paningin sa dilim nang kapaligiran kaya’t lumilinaw na din ang kanyang mukha na alam ko’ng nakatingin sa akin. Hinawakan nya nang muli ang aking kamay at gamit ang isa pa ay inilagay nya ito sa aking likuran upang ako ay akapin. Inakap ko din ito nang mahigpit hanggang sa maging komportable kami sa isa’t-isa.

“Merci beaucoup monsieur, cela me fera plaisir…”
                      
Ang narinig ko’ng tinuran ni Viktor matapos ko ito’ng yakapin nang ma-lapit ang aking tenga sa kanya’ng mukha.

“Gusto mo?...”


Itutuloy



[07]
SONGS WE USED TO SING : Words Get in the Way
Akda ni Jubal Saltshaker

Seven


“And before you break my heart in two,
Theres something Ive been trying to say to you.”
-Gloria Stefan



NOONG gabing iyon ay napag-pasyahan namin’g huwag munang gawin ang bagay na nararamdaman namin sa isa’t-isa. Napagkasunduan namin ito ni Viktor at nanatiling magkayakap hanggang sa kami ay makatulog.

Alas-kwatro na nang madaling araw nang ako ay muling magising. Nakayakap pa din sa akin si Viktor, kaya’t dahan-dahan na lamang ako’ng kumilos upang hindi ko ito magising. At dahil sa inaantok pa ako ay balak ko’ng magtimpla nang kape para sa amin nang marinig ko ang boses nito.

“Saan ka pupunta?”

Bigla ko itong nilingon at agad akong lumapit sa kanya.

“Magtitimpla ako nang kape para sa atin...”

“Ah…”

“Gusto mo nang kumain?...”

Nakatitig lang ito sa akin hanggang sa sumagot na itong muli.

“Masaya ako…”

Aaminin ko’ng mas nagustuhan ko ang itsura ni Viktor ngayong bagong gising ito. Kung hindi lang kami nagmamadali, mas pipiliin ko pa ang matulog maghapon katabi sya.

“Haha…ako din…sana pareho tayo nang dahilan kung bakit…”

Ngumiti lang ito sa akin at lumabas na ako nang kwarto at agad na nagtungo sa aming kusina. Inakyat ko ang kape at ang natirang tasty sa mesa kasama nang palamang peanut butter mula sa aming ref. Nakabihis na si Viktor nang ako ay makabalik at tinitiklop nito ang pinahiram ko’ng short at t-shirt sa kanya.

“Uy…ibaba mo na yan…kain muna tayo…”

Inilapag ko ito sa maliit na mesa sa aking kwarto at dito ay agad nya na akong sinaluhan. Pinalamanan ko ang tinapay at saka ito iniabot sa kanya.

“Anu nang mangyayari sa atin…ibig ko sabihin…aalis ako…paano yun?”

Tanong ni Viktor sa akin matapos nito’ng gawin ang kanyang unang kagat.

“Nag-aalala ka ba na magkaroon ako nang iba?...”

“Oo yun…nahihiya ko lang na sabihin…baka din hindi mo ako mahintay…”
“Huh?...ano ka ba!?”

Sambit ko dito na medyo napataas ang tono nang aking pananalita kaya agad ako’ng bumawi dito.

“Hindi lang naman yun ang esensya kung bakit kita gusto…kahit di natin yun ginawa, e’ walang mababago sa pagtingin ko sa’yo...”

“Salamat…”

“E’ ako ba mahihintay mo?...”

“Huh?...saan ka naman pupunta?...”

“Uhm, wala lang…haha..ibinabalik ko lang ang tanong sayo…”

Napabuntong hininga si Viktor nang sandali bago pa man ito muling magpatuloy.

“Alam naman natin na mahirap maging ganito sa ating ginagalawan…kapag di ka nakuntento sa taong nasa harap mo…e’ karaniwang maghahanap ka at maghahanap ka nang iba…mahirap gawin pero kailangan. Sa relasyon nang isang babae at isang lalaki, mabilis na makita na nagkakagulo sila dahil sa pananaw nang babae…pero sa dalawang lalaki, wala kang ideya sa nangyayari..ang mga lalaki’ng marunong lamang masaktan ang naniniwala sa tunay na pagmamahal…sa mga lalaki naman’g walang pakialam sa nararamdaman nang iba, sila ang mga tipo nang tao na pansariling kaligayahan lamang ang hanap….”

“Oo...kaya naiintindihan ko na di muna natin ginawa…”

“Kailangan din nating maintindihan, na kahit wala ang…sex e’ gusto pa din natin ang isa’t-isa…minsan kasi yan lang ang dahilan nang karamihan…kapag tinanggal na ang sex…wala na rin ang lahat…”

“Teka, sinesermonan mo ba ako?...haha!..”

“Hindi naman…natutuwa lang kasi ako sa’yo at naiintindihan mo ako…”

“Haha…puro ka nalang natutuwa…ako din dapat…haha!”

Matapos namin’g kumain at magkwentuhan ay naligo na din ako para maghanda papasok sa aking trabaho. Sinabi ni Viktor na sa bahay na lamang nila sya maliligo kapag nakauwi na ito dahil kaunti pa lamang ang tulog nito at ayaw nyang mapasma. Lumabas kami nang bahay na tulog pa si Mama at Ele na hindi nalalamang nagpatulog ako nang bisita sa bahay.
Madilim pa rin ang paligid kahit na mag-aalas singko y medya na at nagsisimula na ring magsitilaok ang mga manok sa aming lugar. Ni-lock ko nang ang pinto nang aming bahay at balak ko na rin’g dumiretso na sa aking trabaho matapos ko’ng maihatid si Viktor sa terminal kung saan sya sasakay pauwi sa kanila.

Inakbayan ako ni Viktor habang kami ay naglalakad at kahit pa medyo naiilang ako ay hinayaan ko lang ito. Ganoon lamang siguro kapag guilty ka sa isang bagay, hindi ka komportable.

“Alam ba nang mama at nang kapatid mo?...”

Bigla nyang tanong sa akin.

“Huh?...hindi e’…ikaw ba?...”

“Si mama at si papa lang…yung mga kapatid ko, di nila alam…”

“Papa ko din walang ideya’ng ganito ako, pero tingin ko naman hindi sya magagalit…”

“Nasaan nga pala ang papa mo?...”

“Ah’ nasa abroad sya ngayon…”

“Hmm…”

“Meron ka pa’ng tanong?...”

“Angelo, ingat ka pala palagi ah…alagaan mo ang sarili mo…”

“Sus…O-oo naman…ikaw din…Salamat.”

“Susulat din pala ako…pangako yan…”

“Teka, alam mo ba’ng adres ko?...”

“Ayun nga, hihingin ko pa lang sana…”

“Haha…ayos ah’…e’ yung sa’yo?...kunin ko din para masulatan kita…”

“ Ah’, Huwag na…susulat naman kaagad ako at mababasa mo yun doon…”

“S-sige…ikaw ang bahala…”

“Hingi na lang ako nang picture mo kung pwede…sana pala tinanong na kita kanina no?...meron ka ba’ng dala ngayon?”

Agad ko’ng dinukot mula sa bulsa nang suot kong pants ang aking wallet at binuksan ito upang ipakita kay Viktor ang aking larawan.

“Hmm…okay na ba to’?”


Ipinakita ko dito ang tanging picture sa aking wallet, isang kuha para sa aming yearbook. Suot ko pa ang aking nursing uniform at bahagyang nakangiti sa kamera.

“Hehe…mukha kang totoy dyan...”

“Last five years pa yan kaya ganyan ang itsura ko…hehe…”

Tinanggal ko na ito sa aking wallet at hindi na nagdalawang isip pa na ibigay ito sa kanya kahit iyon na lamang ang aking kopya. Pagkaabot ay sandali nya ito’ng tiningnan at maya-maya pa ay biglang hinalikan ang aking larawan.

“Sus…haha..”

Reaksyon ko sa kanyang ginawa na ngumiti lamang at tumingin sa akin nang sandali. Paglabas namin sa kanto ay sumakay na kami nang jeep papuntang terminal nang bus at wala pang trenta minutos ay nakarating na kami dito.
Walang masyadong pila sa sasakyang bus ni Viktor kaya’t agad ko na itong pinilit na sumakay. Pagakyat nito’y sinabi nyang maupo muna ako sa kanyang tabi habang wala pa’ng masyadong tao at iyon naman ang aking ginawa.

“Hanggang kailan ka ba doon?...”

Tanong ko dito sa mahinang boses upang hindi marinig nang isang babae sa likuran nang inuupuan namin.

“Hindi ko alam, basta sisigiraduhin ko muna ang kalagayan ni Mama tapos babalik na ako dito para maghanap muli nang trabaho…higit naming kailangan yun lalo pa’t madami pa sa mga kapatid ko ang nag-aaral…”

“Aalis na tayo!..”

Narinig ko’ng malakas na sinigaw nang kondoktor nang bus kahit na hindi pa puno ang buong bus.

“Angelo, aalis na…”

“Ah…”

Hindi ko alam kung paano ko sa kanya sasabihin ang gusto kong malaman nya at tila ba alam nang iba na bababa din ako at naghihintay sa aking gagawin.

“Viktor…”

Ayoko namang pagsisihan ang aking gagawin ngunit ayoko din naman na mamaya ay magsisi din ako sa isang bagay dahil hindi ko ito ginawa.
Agad kong hinalikan si Viktor sa kanyang sentido at agad na bumaba nang bus matapos nito. Nakita kami nang kondoktor nang bus at nang dalawang lalaking pasahero sa tapat nang kinauupuan namin ngunit wala na akong pakialam dahil papaalis na din naman ako. Medyo makasarili ngunit alam ko namang hindi ito ikagagalit ni Viktor.

Gusto ko syang lingunin ngunit hindi ko na nagawa pa at matapos makababa ay agad akong dumistansya. Nang tangkain ko namang lingunin ang kanyang bus ay sigurado akong nakatingin ito sa akin. Inakala kong umiiyak ito ngunit hindi pa din ako sigurado dahil sa hindi ko sya makita nang mabuti dahil nakalimutan ko ang aking salamin sa mata. Kumaway sya sa akin nang magsimula nang gumalaw ang bus upang umalis at kumaway din ako dito.

Hindi talaga ako iyakin pero umiyak ako nang mga oras na yun dahil hindi ko sigurado ang aming muling pagkikita. Patuloy pa din sya sa pagkaway hanggang sa makalayo na ang kanyang sinasakyang bus at hindi ko na sya tuluyang makita. Mabigat ang pakiramdam ko nang sya ay maka-alis. May pagkakataon pa na noong nasa bahay pa lamang kami ay gusto ko syang pigilan na umalis ngunit alam ko namang wala akong magagawa. Naisip ko din na sana ay binagalan namin ang paglalakad bago kami sumakay nang jeep dahil ngayon pa lamang ay hinahanap-hanap ko na ang kanyang presensya. Ang tangi ko na lamang naisip ay kung kailan ang muli nyang pagbabalik at ang araw na sya’y susulat sa akin kahit na kaaalis pa lamang nito.

Sumakay na din ako nang jeep matapos ang ilang sandali upang pumasok sa trabaho at dito’y unti-unti nang lumiliwanag ang buong paligid at nagsisimula nang dumating ang bagong umaga.


Itutuloy...


[08]
SONGS WE USED TO SING : Too Many Walls
Akda ni Jubal Leon Saltshaker

Eight


“Watching the others chances drift by
They'll never discover these feelings I hide
Deep inside I'm falling apart.
All alone with a broken heart.”
-Cathy Dennis



APAT na buwan na ang nakalipas simula nang huli kaming magkita ni Viktor. Araw-araw kong hinihintay at inaasahan ang sulat na kanyang ipadadala ngunit wala akong natanggap. Minsan sa aking pagtulog ay may mga pagkakataong napananaginipan ko sya na akala ko ay muli syang nagbalik sa aking tabi. Mga unang linggo nang kanyang pagkawala ay madalas ko itong iyakan at sabik akong malaman kung ano na ang nangyari sa kanya. Ngunit wala akong magawa. Sa sobrang pagkasabik ko sa kanya ay ilang beses ko ding binalikan ang lugar kung saan sya nagtrabaho ngunit walang iba man ang makasagot o nakakaalam kung saan talaga sya nakatira.

Nito lang ay kinausap ako ni Bernadette tungkol kay Viktor na akin naming ikinagulat. Sinabi nito na bago nga raw ito umalis nang ospital ay tinanong ako nito. Hindi naman daw alam ni Bernadette kung ano ang isasagot sa kanya dahil adres ang kanyang hinihingi at wala syang ideya kung ikatutuwa ko ba o hindi ang kanyang gagawin.

“Gustong-gusto ko po syang makita ulit…”

Ang sinambit daw ni Viktor sa kanya na tila ba kumuha nang kanyang simpatya.
Nang tanungin ko din noon si Bernadette kung iniisip ba nitong ikinagagalit ko ang kanyang ginawa ay seryoso itong sumagot na di tulad sa kaswal naming usapan na ako mismo ang palaging seryoso at sya ang karaniwang nagbibiro.

“Hindi ko na inisip kung magagalit ka pa…alam mo Angelo, hindi ka naman mag-dududa sa isang tao kung hindi naman ito kaduda-duda…”

“A-anong ibig mo’ng sabihin?...”

“Matagal ko nang alam…ikaw.”

“T-talaga?...”

“Oo, kahit noong kayo pa nang last girlfriend mo…”

“Halata ba sa kilos ko?...sa pagsasalita?..”

”Hindi,..nararamdaman ko.”

Tumango na lamang ako dito.

“Sinabi mo ba sa iba?...”

“Hindi.…kung malalaman nila, bahala silang makadiskubre…”

“Salamat.”

“Sayang!...kainis ka…”

Bulalas nito sabay hampas sa aking braso.

“Haha..Bern talaga…”

“Teka Angelo…may gusto ka ba doon?...”

Hindi agad ako nakasagot dito ngunit naisip ko din na wala na akong dapat pa’ng itago sa kanya dahil alam na din naman ni Bernadette ang isang malaking bagay sa aking pagkatao.

“Uhm,…oo.”

“Mabait ba sya?...”

“Oo e’…gusto ko syang alagaan…”

“Pero magaling na sya di ba?...”

Tumango ako dito.

“Parang kailangan nya lang nun’.”

“Tsk, Angelo ha?...ingat ka…alam mo na yun!...”

“Oo naman,…hindi yun ang habol namin sa isa’t-isa…”

Tumango naman si Bernadette na mayroong ekspresyon sa kanyang mukha na ano pa ba ang kanyang magagawa. Hinampas nya akong muli at sabay na ngumiti.

Sa mga oras na nawala si Viktor, tila ba naghayag ang aking sarili kung ano ang tunay ko’ng pagkatao nang hindi ko nalalaman. Madalas na akong makatanggap nang mga Indescent Proposal’s na nagpaisip sa akin kung masyado na ba’ng halata sa aking mga kilos o nagkataon lamang. Sa dami nito, aaminin kong naisipan ko na ding kalimutan si Viktor dahil hindi ko alam kung magkikita pa talaga kami. Pero sa mga binitiwan naming mga salita sa isa’t-isa, alam kong mahal ko pa rin talaga sya at handa ko pa rin itong hintayin.

Isang umaga matapos ko’ng makakain nang almusal at handa na upang umalis papasok sa aking trabaho nang makatanggap ako nang isang sulat. Iniisip ko na isang sulat lamang ito mula sa bill nang kuryente, telepono o tubig ngunit nang makita ko ang sobre ay napansin ko’ng personal itong sulat.

Nang makita ko’ng sa akin naka-adres ang sulat ay agad ko na itong binuksan. Inakala ko nung una na mula ito kay Viktor, ngunit galing ito sa isang taong nagngangalang Valeria. Doon ko lang din napansin na pareho sila nang apelyido ni Viktor. Valeria Andres.

Mr. Marion Alcantara,

Ako nga po pala si Valeria Andres. Kapatid po nang kaibigan nyong si John Viktor Andres. Gusto ko lang po sanang ipaalam sa inyo ang kalagayan ni Kuya. Pasensya na po kayo sa aking abala, ngunit alam ko’ng kayo lang po ang mahihingan ko nang tulong. Natagpuan ko po ang calling kard nyo sa wallet ni kuya at nagbaka sakali po akong humingi nang tulong mula sa inyo.
Maraming salamat po.

Lubos na gumagalang,
Valeria Andres.

Paulit-ulit kong binasa ang sulat na aking natanggap na isinulat sa isang yellow pad. Hindi na ako nagdalawang-isip pa sa kanyang mga sinabi at binalak ko’ng matugunan ito kaagad. Sobra ang kaligayahang aking naramdaman nang makatanggap ako nang sulat bagamat hindi mula kay Viktor ay patungkol ito sa kanya. Bago ako umalis nang bahay ay tinapos ko nang isulat ang gusto kong sabihin at binalak na ihulog ito maya-mayang hapon nang sa gayon ay mabilis nya itong matanggap at nang sya ay makasagot agad. Gusto kong isentro ang aking sulat kay Viktor ngunit pinigil ko ang aking sarili dahil hindi ko naman alam kung alam nang kanyang kapatid ang tungkol sa amin. Hinayaan ko na lamang ito hanggang sa magkita kami ni Vikor. Sa ngayon ay bahagya na akong masaya na makarinig nang bagay tungkol sa kanya at  ayokong isipin na mayroong masamang nangyari dito.

Hindi ko alam kung ipinagkalat ni Bernadette ang tungkol sa akin pero nakaramdam ako nang di magandang pakikitungo sa mga kasamahan ko’ng bagamat hindi ko naman ganoon kasundo ay maayos ang pakikisama sa akin noon. Sa bagay ding ito ay wala na akong pakialam pa kahit na malaman nila ang tunay at tungkol sa akin.

Dear Valeria,

Maraming salamat sa iyong pagsulat. Matagal ko nang hinihintay ang sulat mula sa iyong kapatid ngunit wala akong ni isa mang natatanggap. Inaasahan ko’ng mabuti ang inyong kalagayan, si Viktor at ang inyong ina na minsan nyang naikwento sa akin. Inaasahan ko na sa pagsagot mo nang sulat kong ito ay masabi mo sa akin kung paano ko kayo mapupuntahan at mabibisita. Agad kong hihintayin ang iyong sagot. Maraming salamat at ikamusta mo ako kay Viktor.

Angelo Alcantara.

 Itutuloy...



[09]
SONGS WE USED TO SING : Linger
Akda ni Jubal Leon Slatshaker

Nine


“But I’m in so deep.
You know I’m such a fool for you.
You’ve got me wrapped around your finger.
Do you have to let it linger?”
-The Cranberries



NOONG una ko’ng makilala si Viktor, inaakala kong mahilig lamang itong magpapansin sa tipo nang pakikipag-usap nya sa akin. Pero nang mag-tagal ay napansin ko na talagang ganoon lamang sya. Likas na mayroong positibong pananaw sa kanyang paligid. At nang huli ko syang maka-usap sa maikling panahon ay nakita ko din ang seryosong pagkatao nito na sa palagay ko ay ang pinaka-malaking parte nang kanyang ugali.

Isang araw matapos ko’ng masulatan ang kapatid ni Viktor na hindi na ako makapag-hihintay pa sa kanyang sagot, nang aminin sa akin ni Bernadette ang kanyang ginawa. Naikwento nya ito sa isang naming katrabaho na madalas nyang kasabay mag-duty. At dahil wala na akong magagawa tungkol dito, kahit ano man ang mangyari ay hindi ko ikahihiya at pagsisisihan.

Ako mismo ay nagugulat din sa aking sarili sa mabilis kong pagtanggap sa mga bagay na dati ay hindi ko binibigyang pansin. Ngunit alam kong hindi ko dapat itago ang isang bagay sa aking sarili dahil lamang sa sasabihin nang iba at sa magiging epekto nito sa aking buhay.

Oo. Siguro nga’y bakla ako dahil sa mahal ko si Viktor.

Isang linggo pa ang lumipas nang magpadalang muli nang sulat sa akin ang si Valeria. Inaasahan ko talaga na si Viktor na ang ang sasagot sa akin upang masiguro ko na rin higit  sa lahat ang kanyang kalagayan. Matapos ko itong matanggap ay agad ko na itong binasa.

Mr. Angelo Alcantara,

Salamat po sa inyong pagsagot nang aking sulat. Lubos ko po itong ipinagpapasalamat at ikinatutuwa. Pasensya na din po kayo sa deretsahan kong pagsulat. Hindi din po kasi alam ni Kuya na sinusulatan ko kayo. Salamat po sa pag-aalala sa amin at marahil ay naikwento na din po sa inyo ni Kuya ang pagkamatay ni Mama. Hindi na po ako mahihiyang magsabi sa inyo nang aming mga problema dahil wala na din naman po akong matatakbuhang iba. Matapos po kasi ang pagkawala ni Mama ay nabaon na po kaming lahat sa utang at kinailangan na din pong tumigil nang mga nakababata ko pang kapatid sa kanilang pagaaral. Dagdag pa po nang magkasakit si Kuya. Kalakip po nang sulat kong ito ang adres namin at kung paano po kayo makararating dito. Malugod ko pong hihintayin ang araw nang inyong pagdating at alam ko po’ng ikatutuwa ni Kuya na kayo ay makita. Maraming salamat po’ng muli at diyos na po ang bahala sa iyo.

Lubos na nagpapasalamat,

Valeria Andres.

Nakaramdam ako nang matinding kalungkutan matapos ko’ng basahin ang sulat sa akin ni Valeria. Sa pagkamatay nang kanilang ina, sa estado nang kanilang pamilya sa kasalukuyan at higit sa lahat ang kalagayan ni Viktor na hindi ko pa alam. Ang kawalan ko nang ideya tungkol sa kanyang kalagayan ang lalong nagpapahirap sa aking kalooban. Dahil sa mga bagay na aking naiisip na wala naman akong kasiguraduhan kung totoo. Ang mga bagay na ito ang nagpaisip sa akin na kailangan ko na syang agad na makita. Ilang buwan ko’ng hinintay ang pagkakataong muli syang makita at makasama kaya wala akong dapat na palampasin sa mga nangyayari. Napakarami kong tanong kay Viktor at alam kong ganoon din sya sa akin. Lubos ko lamang talagang pina-ngangambahan ang hindi nya pagsulat sa loob nang napakatagal na panahon na araw-araw ko namang hinihintay at inaasahang makuha.

Matapos magbasa ay itinupi ko nang muli ang sulat kasama ang adres na inilakip ni Valeria sa ilalim nang mantel sa taas nang aming pridyider. Matapos nito ay bigla namang nahulog ang dalawang marumi at gusot na sulat mula dito. Dalawang sulat na adres para sa akin na mula kay Viktor.


Para kay Marion Angelo Ebenezer Alcantara,

Kamusta ka na? Sana ay naiisip mo din ako. Kagaya ngayon, habang isinusulat ko ang liham na ito sa’yo. Puno nang mga bituin ang buong kalangitan ngayong gabi habang ako ay nagsusulat. Inaasahan kong nakatingin ka din sa kanila gabi-gabi gaya nang aking palaging ginagawa. Aaminin ko sayo na matapos mong makaalis sa bus na aking sinakyan ay hindi ko napigilang umiyak. Hindi ako iyakin pero patuloy ang pagpatak nang aking mga luha. Naisip ko din na bumaba para habulin ka pero alam ko naman na sa sulat ko’ng ito e’ magkikita din tayong muli. Ikinalulungkot ko nga palang ibalita sayo na pumanaw na ang aking ina. Nang makauwi ako ay tatlong araw na syang lumipas, inilihim lamang ito sa akin nang aking mga kapatid upang hindi ako magalala habang pauwi dito sa amin. Sa kanyang pagkawala ay higit kong kinakailangang muli  ang trabaho para suportahan ang aking mga kapatid. Kaya baka makabalik na din ako dyan matapos ang dalawang linggo. Masaya ako at magkikita tayong muli. Sana sa oras na makabalik ako dyan, ay ako pa din ang nasa isip mo. Madalas sa aking isipan ang iyong maamong mukha na palagi kong inaalala bago ako matulog. Noong gabing magkatabi tayo sa iyong higaan at nang oras na ikaw ay tuluyan nang makatulog, ay pilit kong pinagmamasdan ang iyong mukha sa buong kadiliman nang paligid hanggang sa unti-unti na kitang makita. Hindi ako natulog nang gabing iyon dahil ayokong lumipas ang mga oras na hindi ko nasusulit habang kasama kita.

Kapag natanggap ko ang iyong tugon ay agad akong sasagot sayo’. Tandaan mo na matapos kong maihulog ito ay ganun din ako kasabik na agad matanggap ang liham na mula sayo.

Lubos na umaasa,

Janvik Andres.

Naupo ako sa aming hagdanan sa tapat nang altar na mayroong bumbilyang pula na sumasayaw ang liwanag sa pader nang paligid. Pinagmasdan kong mabuti ang magandang sulat-kamay ni Viktor at pinantay ko ang mga gusot dito. Tandang-tanda ko pa ang petsa kung kailan kami naghiwalay, at dito’y nabasa ko mula sa sobre na isang linggo matapos kaming huling magkita nang ipadala nya ang sulat sa akin. Nakita ko rin ang isa pa nyang liham ngunit dalawang linggo naman ang nakaraan bago ito maipadala sa akin. Hindi ko alam ang aking gagawin dahil na rin sa di gaya nang naunang sulat, ang hawak ko ngayon ay hindi pa nabubuksan. Upang mapawi ang aking nararamdamang pagkalito ay sinimulan ko nang basahin ang isa pa.

Angelo,

Pasensya ka na sa aking mga nasabi at huwag mo na itong pansinin pa. Higit kong ikanalulungkot ang aking naidulot na problema sayo. Hindi ako galit sayo at umaasa ako na sana ay palaging nasa mabuti ang iyong kalagayan nang sa gayon ay may posibilidad pa rin na tayo’y magkita balang araw. At bagamat wala ka nang pagtingin sa akin, ay patuloy pa rin kitang hihintayin. Hindi yun magbabago dahil alam kong totoo ito at hindi kita masisisi sa iyong desisyon. Pasensya nga pala pero hinalikan kita noon habang ikaw ay natutulog. Paalam Angelo.

J.V. Andres.

Inayos kong muli ang sulat ni Viktor at agad na akong pumanhik sa aking kwarto. Inilagay ko ito sa ilalim nang aking damitan. At agad na bumabang muli upang maligo at maghanda na sa aking pagpasok sa trabaho. Iniisip kong mag-empake na nang aking mga gamit para sa binabalak kong agarang pagbisita kay Viktor ngunit naisipan kong gawin na lamang ito mamayang gabi matapos akong makauwi mula sa aking trabaho. Huwebes na ngayon at Biyernes nang gabi ko naisipang mag-byahe. Susubukan ko ding kausapin si Mama sa mga nangyari dahil sigurado akong may kinalaman ito kung bakit ganoon na lamang ang sulat sa akin ni Viktor.


Simula nang maikwento ni Bernadette ang tungkol sa akin sa iba pa namin’g kasamahan, (na sigurado akong kumalat na sa lahat) ay napansin ko nang agad ang ilan sa mga taong tuluyan nang umiiwas sa akin. Isa na dito si Arthur, isa sa kagaya kong staff nurse na madalas kong makasabay magduty. At kahit na hindi ko sya madalas pansinin (dahil hindi ko naman talaga alam ang sasabihin at hindi kami ganoong ka-close) ay ito ang madalas na unang kumakausap sa akin kapag kami ay nagsimulang magka-kwentuhan.
Ngayon ay nag-duduty kami nang tila ba hindi kilala ang isa’t-isa at tingin ko na ang dahilan nito ay ang kwentong kanyang nalaman tungkol sa akin. Napipilitan din akong magsalita ngunit alam ko namang wala akong dapat na sabihin kaya nananahimik na lang din ako. Wala din naman akong magagawa at  walang kailangang ipaliwanag dito.

Pauwi na ako nang bigla naman akong tawagin ni Arthur na hindi na ako hinintay pang makalingon at agad na umakbay sa aking balikat.

“Tol’, uuwi ka na ba?...”

Sambit nito na ngayon ko lang din nasaksihan sa ganoong paraan.

“Ah’…Oo…bakit mo natanong?”

“W-wala lang…imbitahan lang sana kita…birthday ko kasi ngayon e’…”

“Ta-talaga?...e’ bakit hindi mo sinabi sa mga kasama natin kanina para madami tayo kung sakali?...”

“Ah’…Gusto ko kasi ikaw lang… ang maimbita…”

Itutuloy...


[10]
SONGS WE USED TO SING : Just Another Day
Akda ni Jubal Leon Saltshaker

Ten


“I don't wanna say it.
I don't wanna find another way.
Make it trough the day without you.”
-John Secada



NANG gabi din’g iyon nang imbitahan ako ni Arthur para sa kanyang birthday ay isinama nya ako sa Cindy’s upang kumain. Inaasahan ko’ng magiinom kami pero mabuti na lamang at hindi ito ang kanyang nasa isipan dahil sa hindi din naman ako talagang umiinom.

“Okay na ba’ sa’yo yang one rice lang?”

Tanong nya sa akin matapos na kami ay makaupo.

“Oo’ naman, busog pa din kasi ako…Ah’, Happy Birthday nga pala’ sayo’ Arthur…”

“Ah, salamat…”

“Teka, hindi ka ba hinihintay nang mas importanteng tao sayo’ ngayong kaarawan mo?...”

“Huh? Wala akong ganun…hehe’…”

“Girlfriend?...”

Umiling lamang sya sa akin.

“Family mo?...”

“Nasa province silang lahat e’…”

“Ah…”

“Dalawa lang kami dito sa Manila. Boarder lang..”

“Kapatid mo?”

“Ate.”

“Hindi ba kayo kakain nang Ate mo?...Dapat pala sya ang kasama mo.”

“Ngayon naman kasi e’ wala sya sa bahay…”

“Mabuti nga pala na nakasama ako sayo.”

“Oo’ nga, kaya salamat.”

Nagpatuloy pa kaming magkwentuhan hanggang sa matapos na kaming kumain.
Noong mga oras na iyon ay gusto ko na talagang umuwi, pero ayoko namang iwan syang agad dahil alam kong wala din syang makakasama.
At isa pa ay kaarawan nito ngayon at higit nyang kinakailangan nang taong sasalo sa kanyang espesyal na araw.

“Sige’ Angelo, salamat ah’…”

Matapos naming makalabas nang Food Chain.

“Walang anuman yun…Salamat din sa panlilibre.”

“Kaarawan ko ngayon…”

Ngumiti lamang ako sa kanyang isinagot.

“Uwi ka na?...”

“Hmm, Oo’…ikaw din ba uuwi na o’ may pupuntahan ka pa?...”

“Gusto ko sanang uminom…kahit kaunti lang…”

“Ha’?..ikaw ang bahala…hindi kasi ako umiinom, pasensya na’.”

“Okay lang. Okay lang. Teka.tatawid ka sa kabila pasakay di’ba?”

“Oo’…ikaw dito na?..”

Hindi ito sumagot sa akin at tumango lamang ito.

“Arthur..e’ kung ipagpaliban mo na lang muna kaya yang pag-inom mo…may duty pa tayo, at tutal e’ biyernes naman bukas…”

“S-sige na nga…Haha…Tama ka…sige sakay na din ako…”

“Tama yan.”

“Angelo…”

“Nu yun?”

“Uhm,…Pasensya ka na nga pala sa mga sinabi ko ah’…”

“Tsk. Tsk. Wala yun..”

Nakangiti kong tugon sa kanya at madahan itong tinapik sa balikat.


Nang mayroon nang dumaang jeep sa harapan namin ay pinasakay ko nang agad si Arthur. Sumang-ayon naman itong agad sa akin at kumaway na lamang habang papaalis ang kanyang sinasakyan. Matapos nito ay tumawid na rin ako at sumakay na din pauwi.

Habang nag-lalakad papunta sa aming lugar ay bigla kong muling naisip ang mga sinabi sa akin ni Arthur. Isang pagtatapat na hindi ko inaasahan. Sinabi nitong matagal na syang mayroong paghanga sa akin at ang makasama ako sa kanyang kaarawan ay higit nyang ikinatutuwa.

“Hinahangaan kita Angelo…Gusto kita.…”

Nakayuko nyang sinambit sa akin.

“…pero huwag kang mag-alala, ang aking paghanga ay hindi nangangailangan nang pansin…masabi ko lamang sa’yo ito ay masaya na ako…”

Paliwanag nito na tila ba nagsabi nang isang kamaliang gusto nyang agad na linawin.

Ito rin marahil ang dahilan kung bakit hindi nya ako madalas kausapin. Dahil daw nahihiya sya sa akin kahit pa gusto nitong makipag-kwentuhan.

Nang maka-uwi na ako sa amin ay nakita kong naghuhugas nang pinggan si Mama sa aming kusina. Siguro’y katatapos lamang nilang kumain ni Ele nang hapunan. Matapos kong makapag-palit nang aking pambahay na damit ay agad na akong bumaba muli upang kausapin si Mama. Hindi na ako nagdalawang isip pa dahil alam ko namang mangyayari at mangyayari din ito.

Dala-dala ko ang sulat sa akin ni Viktor at nang tuluyan na akong makalapit sa kanya ay agad ko na itong ipinakita.

“Hmm, kumain ka na?...ano yan nak’?”

“Ma, sulat...”

“Alam ko…anu nga yan?...”

Tugon nito habang nagpupunas nang kanyang mga kamay. Umupo ako sa aming hapag at nagulat ako nang bigla nya itong kinuha sa akin.

“Teka, sulat ba ito nang Papa mo?...”

Si Mama matapos mabasa ang kaunti sa sulat nang hindi man lamang tiningnan kung kanino ito galing. Aaminin kong hindi ako sigurado kung si Mama nga ba ang nagtago nang mga sulat ngunit napansin ko sa mga kinikilos nito na wala talaga syang nalalaman. Noong una’y iniisip kong nagkukunwari lamang itong walang alam nang maisip kong bigla si Ele.

“Nak, anu ba yan?..sino to’?.”

Matapos nito ay agad ko nang kinuhang muli ang sulat kay Mama.

“May problema ba?...”

Dagdag nitong tanong sa akin.

“Ah’ wala po…si Ele nga pala ang kakausapin ko…”

Nakangiti kong sinambit sa kanya na inaasahan kong tagumpay akong nagmukhang nalilito.

“Hay’ nako, pagod yan…kumain ka na ba’? Hmm?”



Nang papaakyat na ako sa aking kwarto ay nakasalubong kong bigla si Ele. Tiningnan ko sya nang mabuti at pilit kong itinago ang pagkadismaya dito.
Kahit pa wala akong ebidensya sa iniisip kong nangyari ay tila ba nasisiguro kong sya ang may kagagawan dito.

“Le’. Bakit mo yun ginawa?...”

Malungkot lamang itong tumingin sa akin at nagpatuloy nang pumasok sa kanyang kwarto at agad na isinara ang pintuan nito. Bahagyang sumakit ang aking ulo sa sobrang kaka-isip kaya’t nang agad na akong mahiga ay pinilit ko nang agad na makatulog. Gusto ko pa sanang magbasa nang aking mga libro ngunit mas nanaig sa akin na isipin na lamang ang kasagutan sa aking mga problema na alam ko namang mahirap solusyunan. At kahit pa bigyang pansin ko ang mga bagay na ito ay patuloy pa ring pumapasok sa aking gunita ang isang taong tanging laman nang aking isipan.

“Mag-kikita din tayo Viktor, magkikita din tayo…pangako.”

Ang naalala kong aking sinambit bago ako tuluyang makatulog habang umiiyak.


Itutuloy...

No comments:

Post a Comment