Tuesday, January 8, 2013

Dreamer (06-10)

By: emray
E-mail: iam.emildelosreyes@yahoo.com
Source: theimmaculatedalisay.blogspot.com


[06]
Break-Up: Moving Out

“Julian! Please naman ayusin na natin ito.” tila pakiusap ni Benz kay Julian.

“Sorry Benz!” biting sagot ni Julian.

“Sorry for what?” tanong naman ni Benz na nagsimula nang makaramdam nang kakaibang kaba.

Nanatiling tahimik si Julian.

“Sorry for?” tanong ulit ni Benz kay Julian at naghihintay at umaasa sa isang positibong sagot.

“It’s over. It’s enough.” malungkot na wika ni Julian.

Nagulantang ang buong mundo ni Benz sa sinabing iyon ni Julian. Hindi niya inaasahan ang ganitong sitwasyon na sa hinagap ay hindi niya nagawang maisip.

“Hindi mo na ba ako mahal?” tanong ni Benz ka kita sa mga mata nito ang labis na sakit.

“Hindi sa ganuon Benz.” tila pagtutol ni Julian sa mga sinabing iyon ni Benz.

“Then, bakit mo ako iiwan? Bakit ka makikipaghiwalay?” wika ni Benz na nangingilid sa magkabilang mata ang mga luhang nais nang kumawala.

“May iba ka na?” tanong ulit ni Benz

“It’s not like that!” kontra ulit ni Julian.

“If not, then how come that you were breaking up with me?” agad na tanong ni Benz kay Julian na pinipilit magpakatatag at magpakapormal sa harapan ni Julian.

“I need some space Benz.” tila pakikiusap ni Julian.

“I will give you what you want but please, don’t break up with me.” pakiusap ni Benz.

“Sorry Benz! Hindi ko kayang makipagkumpetensiya sa trabaho mo! Hindi ko kayang isiping mas mahal mo pa ang trabaho mo kaysa sa akin.” wika ni Julian at saka kumawala ang matagal nang kinikimkim na sama ng loob.

Nabigla si Benz sa sinabing iyon ni Julian. Huli na para pagsisihan niya ang nagawang kapabayaan sa taong minamahal niya. Huli na para ibalik ang mga nasayang na panahong mas pinili niya ang trabaho kaysa kay Julian at higit pa ay huli na para pagsisihang naging manhid siya at hindi nahalatang may kinikimkim na palang sama nang loob si Julian.

“Pero mahal mo pa naman ako di’ba?” pagbasag ni Benz sa katahimikan.

Nanatiling walang imik si Julian.

“Please, sagutin mo naman ako!” tila pakiusap ni Benz.

“Siguro, hindi lang talaga tayo ang para sa isa’t-isa.” wika ni Julian na pilit ang pagpapakalma sa sarili. “Oo, mahal kita at malamang ay hindi na ako makakakita pa nang isang kagaya mo. Pero nasisigurado ko namang hindi na ako masasaktan nang gaya sa nararamdaman ko tuwing ipinagpapalit mo ako sa ibang bagay.” tila pagtatapos ni Julian sa usapan at saka iniwanan si Benz na nag-iisa.

Gumuho man ang mundo ni Benz ay wala siyang ibang dapat gawin kung hindi buuin ang mundong ito. Nanatiling walang imik si Benz at minabuting dumiretso na lang pauwi upang duon ibuhos ang lahat ng sama nang loob at magplano nang buhay na wala nang Julian sa tabi niya. Sa kabilang banda naman ay umaasa pa din siyang panaginip ang lahat at kinabukasan paggising niya ay sila na ulit ni Julian, masayang magsasama.

Pinaharurot niya ang kotse sa gitna nang kalsada samantalang may isang taong biglang tawid ang ginawa na naging sanhi para sa biglaang preno ni Benz. Halos maumpog ang noo niya sa salamin nang kotse dahil sa lakas nang impact nang preno. Mabuti na lang din at may suot siyang seatbelt. Agad niyang binaba ang taong tumawid nang biglaan na ngayon ay nanginginig na sa takot.

“Anak na nang nanay mong magaling!” wika ni Benz pagkababa nang kotse.

Sa kabilang banda naman nang Pilipinas.

“Emil, pwede nang iuwi ang nanay mo.” masayang pagbabalita ni Mando sa inaanak.

“Talaga po ninong?” masayang sagot ni Emil.

“Naayos na nga lahat ng gamit niya. Babayaran na lang iyong bill natin dito.” tila nalungkot na wika ni Mang Mando.

“Bakit po bigla kayong nalungkot?” tanong ni Emil sa ninong niya.

“Naalala ko, wala nga pala tayong pambayad dito.” tila pagpapaalala ni Mang Mando kay Emil.

“Ako na po ang bahala Ninong!” sagot ni Emil. “Nag-withdraw na po sa bangko.” nakangiting sagot ni Emil na sa totoo lang ay inilabas na niya ang lahat ng pera niya sa bangko. Maging ang kinita niya sa LD at KNP ay ubos na.

“Choleng, halika na at umuwi na tayo.” aya ni Mando sa ina ni Emil.

“Halika na nga at ayoko na sa lugar na’to.” sagot ni Choleng.

“Nay!” nakangiting bati ni Emil mula sa likuran.

“Ikaw na naman!” sigaw ni Choleng sa anak.

“Nay naman!” wika ni Emil.

“Peste ka sa buhay ko! Ikaw ang malas sa buhay ko! Lahat nang kamalasan dinala mo sa akin!” wika ni Choleng sa anak.

“Pwede ba, huwag ka nang magpapakita sa akin!” tila gigil at galit n autos ni Choleng sa anak.

“Pero nay!” tila tututol pa si Emil sa winikang iyon nang ina.

“Walanghiya ka! Hindi kita anak at kahit bumaligtad ang mundo, hinding-hindi kita magiging anak.” sigaw pa ni Choleng.

“Nanay naman! Huwag naman ninyo akong ganituhin.” wika ni Emil sabay na niyakap ang ina.

“Punyeta ka!” buong lakas na tinulak ni Choleng si Emil palayo na naging sanhi para mapaupo ito sa sahig saka niya hinabulan nang isang malutong na sampal.

“Iyan ang bagay sa’yo! Huwag ka nang magpapakita sa akin.” wika pa ni Choleng.

Agad namang inawat ni Mando si Choleng at awa ang nararamdaman niya para sa inaanak.

“Sige na iuwi na ninyo si Choleng.” tila utos ni Mando sa mga anak niya at asawa na agad namang sinunod.

“Emil, pagpasensiyahan mo na ang nanay mo.” tila pagpapaumanhin ni Mando kay Emil.

“Wala iyon ninong.” nakangiting wika ni Emil. “Sanay na po ako na lagi na lang ganito ang inaabot ko.” naluluha pa ding wika ni Emil.

Mas masakit ang nararamdaman nang puso niya kaysa sa nararamdaman nang katawan niya. Mas masakit ang nasa puso niya sa isiping may ina man siya subalit hindi naman siya itinuturing na anak nito.

“Ang hindi ko lang po maintindihan ay bakit galit na galit sa akin si nanay?” tila pagtatanong nang kawawang si Emil sa ninong niya.

“May mga bagay na siya lang ang may karapatang magsabi.” tila pagtatapos ni Mando sa usapan nila.

“Ninong! Sobrang sakit na!” biglang naibulalas ni Emil. “Minsan naiisip kong tama na! Nakakasawa na din na paulit-ulit akong nasasaktan, pero hindi ko magawa, kasi ina ko pa din siya. At ang alam ko lang, anak akong nasasaktan pero nagmamahal.” wika pa ni Emil.

“Hijo! Darating din ang araw na matatanggap ka nang nanay mo.” tila pagpapakalma ni Mando kay Emil. “O siya, sa bahay ka na muna umuwi at iwasan mo muna ang nanay mo.” tila pagwawakas ni Mando sa usapan nilang mag-ninong.

Pinili ni Emil na magpahangin muna sandali sa labas at magpalipas nang sakit na nararamdaman niya. Hawak niya ang tanging larawan niya nuong bata kung saan kasama niya ang ina habang karga siya nito at ang kanyang ama na burado na ang mukha sa ayon sa ninong niya ay ang nanay niya ang bumura duon nang iwanan sila nito.

Hindi niya namamalayan ay tumutulo na pala ang luha sa kanyang mga mata. Ang larawang hawak ay biglang tinangay nang hangin. Agad niyang hinabol ito at walang pag-aalinlangang tinawid ang kabilang daan. Napahinto siya sa gitna nang kalsada nang makitang may kotseng papasalubong na sa kanya at sa takot ay hindi niya magawang maikilos ang buong katawan. Panlalamig ang tangi niyang nadarama sa sitwasyong hibla na lamang nang buhok ang layo nang kotse ay malamang na tumilampon na siya palayo.

“Anak na nang nanay mong magaling!” wika ng lalaki pagkababa nang kotse.

“Emil.” sambit pa nang lalaki na si Benz pala.

Nawala ang inis, asar at galit na nadarama ni Benz. Naawa siya sa anyo ni Emil. Ang mga mata nitong basa nang luha at ang ekspresyon nitong tila tinatanggap na ang kamatayan. May damdaming umusbong sa kanya at nagnanais na damayan ang kaawa-awang itsura ni Emil.

“Anung nangyari sa’yo?” tanong ni Benz kay Emil.

Nanatiling walang sagot mula sa binatang scriptwriter.

Inalalayan naman ni Benz si Emil paalis sa kinalalagyan nito at maingat na isinakay sa kanyang kotse.

“Halika na, sumabay ka na sa akin.” anyaya pa ng binatang direktor kay Emil kahit hindi niya alam kung saan ito pupunta.

Nabalot nang katahimikan ang dalawa. Ang anyo ni Emil ay nanatiling walang imik at nababalot nang matinding kalungkutan. Samantalang ang problema sa pag-ibig ni Benz ay panandalian niyang nakalimutan dahil sa presensiya ni Emil at sa pagnanais niyang malaman ang dahilan at ang kwento nito.

“Emil!” simula ni Benz sa usapan.

Agad naming napalingon si Emil sa gawi na iyon ni Benz bilang pagtugon sa tawag sa kanya nang binata.

“Ano bang nangyari sa’yo?” nag-aalalang wika pa ni Benz.

Isang matipid na ngiti lamang ang tinugon ni Emil dito. Matagal din bago muling magsalita si Benz, batid niyang wala siyang makukuhang sagot mula sa binata kayat siya na lamang ang nagkwento dito.

“Alam mo bang broken hearted ako ngayon?” simula ni Benz. “Ikaw ang dahilan.” pahabol pa nito.

“Stupid! Stupid! Stupid!” wika ni Benz sa sarili. “Baka kung ano ang isipin ni Emil.” pangaral pa niya sa sarili.

“It’s not like what you think!” agad niyang bawi sa sinabi.

Nanatiling blanko ang anyo ni Emil at nagpatuloy si Benz sa pagkukwento.

“Sa galing kasi ng KNP nagdoble kayod ako sa LD para matalo kayo. Ayun, nawalan ako ng oras para sa kanya.” nalulungkot na wika ni Benz.

“Aba at ako pa ang sinisisi mo!” nais sanang maibulalas ni Emil subalit mas matimbang pa din sa kanya ang sakit na dulot nang ina.

“Ikaw naman ang magkwento!” tila pakiusap ni Benz kay Emil na umaasang magbubukas din ito sa kanya.

“Ang daya mo naman, nagkwento ako, tapos ikaw hindi.” may lambing sa tinig na wika ni Benz.

“Bakit sino bang may sabing magkwento ka?!” wika ni Emil kay Benz.

“Aba! Ako na nga itong concern sa’yo, ikaw pa ang nagagalit ngayon!” tila naasar na wika ni Benz kay Emil.

“Kasi naman napakakulit mo!” sagot pa ni Emil. “Magkukwento ako kung gusto ko!” habol pa niya. Sa totoo lang ay hindi pa siya handa para magkwento kay Benz at higit pa ay ayaw niyang makaramdam nang awa para sa kanya ang direktor.

“Sorry na!” wika ni Benz sabay hawak sa mga kamay ni Emil. Tila nabago na naman ang mood ni Benz at muli itong naging malambing para kay Emil.

Bumilis ang tibok ng puso ni Emil sa ginawang iyon ni Benz. Napagaan nang mga palad na iyon ang nararamdaman niyang lungkot. Ang kakaibang init na ibinibigay nang palad na iyon ay sapat na para tunawin ang yelong bumabalot sa kanyang puso na nagbibigay kirot sa sawi niyang puso.

“Tell me your story when you’re ready.” maamong wika ni Benz kay Emil.

Muling nanatiling tahimik ang pagitan nang dalawa.

“Emil! Alam kong mali, pero sa tingin ko minamahal na kita!” wika ni Benz sa sarili.


[07]
Friendship: Tomorrow’s Light

“Ano na?” puno ng pag-aalalang tanong ni Benz kay Emil. “Saan kita ihahatid?” tanong pa nito.

“Kahit saan!” maikling sagot ni Emil na ramdam ang sinseridad sa mga sinsabi ni Benz.

“Hindi pwedeng kahit saan.” tila pagtutol ni Benz. “Saan nga?” pilit ni Benz.

Walang malinaw na sagot na sinabi ni Emil. Nanatili na lamang itong nakatahimik na tila ipinapaubaya kay Benz kung saan man siya dalin nito.

“Alam ko na!” tila may ideyang pumasok sa ulo ni Benz. “Ihahatid na kita pauwi!” nakangiting wika nito.

“Wag!” pakling tutol ni Emil kay Benz.

“Bakit?” may pagtatakang tanong ni Benz sa binata.

“Basta wag!” tila may pagpapakiusap sa mga mata ni Emil.

“Sabi mo!” sagot naman ni Benz na lalong nag-alala sa kalagayan ni Emil base sa reaksyon nito.

“Basta, kahit saan wag lang dun!” wika ulit ni Emil sabay lingon sa mga mata ni Benz na tila nakikiusap.

Agad na umiwas ng tingin si Benz dahil sa palagay niya ay hindi niya kakayanin at matutunaw siya sa tingin ni Emil. Hindi niya maunawaan kung bakit biglang may umuusbong na kakaibang damdamin sa kanya. Hindi siya sigurado kung pag-ibig ba ito, kakaiba sa nararamdaman niya para kay Julian o kahit na sinong minahal niya. Isa lang ang alam niya sa ngayon, ang alagaan ang lalaking kaharap niya.

Dinala nga ni Benz si Emil sa isang di kalayuang panggabing pasyalan. Sa isang bar sa may Quezon City niya naisipang dalin si Emil. Ito lang ang naisip niyang pwedeng puntahan at dito din siya dapat pupunta para makalimutan si Julian. Higit pa ay si Emil na ang nakagawa ng paraan para malimutan niya ang kasintahan.

“Baba na!” wika ni Benz kay Emil.

Nagtatakang napatingin si Emil kay Benz.

Isang buntong-hininga lang ang pinakawalan ni Benz at nauna na siyang bumaba sa kotse. Agad na lumipat sa kabilang pintuan at pinagbuksan si Emil.

“Tara! Kahit ilang shot lang!” wika ni Benz at saka nagbitaw ng isang ngiti.

“Pero!” tila may pagtutol kay Emil.

“Pero hindi ka umiinom.” tila panunumbok ni Benz sa nais sabihin ni Emil.

Tango lang ang sinagot ni Emil dito.

“Basta samahan mo na lang ako!” pamimilit pa din ni Benz.

Agad namang bumaba si Emil sa kotse. Wala din naman siyang ibang pupuntahan kaya pinili niyang samahan na lang din si Benz.

Unang beses na nakapunta si Emil sa ganuong klase ng lugar. Hindi siya mahilig sa mga gimmick o kaya naman ay gumala lalo na pag gabi. Hindi din siya isang socialite o kaya naman ay laging may pera na wawaldasin. Hindi sila mayaman, at ang bawat kusing para sa kanya ay napakahalaga kung kayat hindi na nakakapagtaka kung bakit hindi pa siya nakakapasok sa mga bar.

“First time mo dito?” tanong ni Benz kay Emil.

“Ah! Oo!” sagot naman ni Emil na biglang naalangan.

“Tol!” bati agad kay Benz ng isang lalaki.

“Kamusta na Vaughn?” ganting bati ni Benz sa nakitang kakilala.

“Ayos naman!” sagot ni Vaughn. “Kamusta na nga pala kayo ni Julian?” tanong pa nito.

“Wala!” malungkot na sagot ni Benz. Muli, ay unti-unting bumalik ang pangungulila niya kay Julian.

“Kaya pala!” sagot naman ni Vaughn. “Sino nga pala iyang kasama mo?” tanong pa niya kay Benz.

“Si Emil!” sagot ni Benz. “Dating katrabaho ko.” sagot pa ni Benz.

“He is good to replace Julian.” nakangiting komento ni Vaughn.

“Stop!” biglang usal ni Benz tanda nang pagpapahinto niya kay Vaughn sa kung ano pa ang sasabihin nito.

“Well, I see!” sagot naman ni Vaughn na tila nakuha na ang nais sabihin ni Benz. “Sige Benz, enjoy the night.” nakangiting pamamaalam ni Vaughn sa dalawa.

“Sino yun?” tanong agad ni Emil.

“Ah, si Vaughn ba.” tila nag-aalangang sagot ni Benz. “Kaibigan iyon ni Julian.” sagot pa nito.

“Okay.” tanging sagot ni Emil. Pinili na lamang niyang maging tahimik para kay Benz, wala sa plano niyang ipaalam kay Benz na alam niya kung sino si Julian at ang nasaksihan niya sa taping ng LD.

“Tagay ka!” aya ni Benz kay Emil.

“Ayoko!” tanggi naman ni Emil kay Benz. “Ikaw na lang, panunuorin na lang kita.” pahabol pa nito.

“Makakalimot ka ba sa problema mo kung papanuorin mo lang ako?” tila pagtatanong ni Benz kay Emil.

“Bakit, hanggang kailan ko naman makakalimutan ang problema ko pag-uminom ako?” ganting sagot ni Emil.

“Bahala ka nga! Pero at least kahit sandali nakalimot ako.” wika ni Benz kay Emil na ramdam niyang hindi ito papatalo at hindi niya ito mapapainom ng alak.

Nagsimula na ngang magpakalunod si Benz sa alak habang si Emil naman ay ginawa nga ang sinabi nitong panunuorin siya sa pag-inom. Labis na kaguluhan ang nararamdaman ni Benz sa mga oras na iyon. Hindi niya maintindihan kung bakit sa palagay niya interesado siyang malaman ang problema ni Emil at apektado siya sa kalagayan nito. Hindi din niya maunawaan kung bakit tila naging malaking kabawasan sa problema niya ang pagtatagpo nila ni Emil subalit ang sakit na nadarama niya ay labis pa din na nagpapahirap sa kanya.

Tahimik lang ang pagitan nang dalawa, walang imik ang dalawa na tila ba hindi magkilala o mga pipi na hanggang sa titig na lang ang kayang gawin.

“Cute ka nga talaga!” wika ni Emil sa sarili habang nakatitig kay Benz na naging sanhi para mapangiti ito.

“Ano naman ang nginingiti mo di’yan?” tanong ni Benz kay Emil na sa wakas ay nakahanap nang tiyempo para makapagsimula ng usapan, bagamat nakakailang baso pa lang ay tila may tama na din ang binatang direktor nang espiritu ng alak.

“Wala!” tila nahiyang sagot ni Emil.

“May dumi ba ako sa mukha?” tanong naman ni Benz. “Nakatitig ka na nga lang sa akin ngingiti-ngiti ka pa.” pahabol pa nito.

“Bakit masama bang tumingin?” tila lalong nakaramdam ng hiya sa katawan si Emil sabay tingin sa ibang gawi.

“May gusto ka ba sa akin?” tila walang pakundangang tanong ni Benz kay Emil. “Shit! What the heck are you saying Benz!” awat naman niya sa sarili.

“Ano naman ang naisip mo at tinanong mo iyan?” sagot naman ni Emil na biglang bumilis ang tibok ng puso. “Anong oras tayo uuwi?” tila pag-iiba ni Emil sa usapan.

“Kasi feeling ko may gusto ka sa akin!” walang kaabog-abog na sagot ni Benz. “Putcha ka Benz! Nagagago ka na naman!” pangaral niya sa sarili.

“Lalaki ako ‘tol!” tanging sagot na alam ni Emil para matigil na si Benz sa pagtatanong. “Okay Emil, calm down! Lasing lang si Benz kaya hindi niya alam ang mga sinasabi niya.” pangangalma ni Emil sa sarili.

“Lalaki daw oh! Sus, lokohin mo lelang mo!” tila pagdududa ni Benz sa sagot na iyon ni Emil na kitang hindi na kontrolado ang sasabihin. “Gago ka talaga Benz, pag nagalit iyan sa’yo.” tila hanggang sa isip na lang kayang sawayin ni Benz ang sarili dahil hindi niya magawa ito sa sarili ng personal.

“Aba at masyado nang yumayabang!” pagsasalubong ng kilay ni Emil sa mga narinig na iyon kay Benz. “Kung magiging bakla man ako sisiguraduhin kong hindi kita magugustuhan!” naibulalas na kasunod ni Emil.

“Ayos lang, hindi din naman kita type!” tila pagbawi ni Benz mula sa kahihiyan niyang matanggap kay Emil. “Awtz! Rejected by Julian, rejected by Emil!” biglang sumagi sa isipan ni Benz.

“Kaya siguro nakipaghiwalay syota mo sa’yo kasi ganyan ang ugali mo!” wika ni Emil kay Benz.

“Kung magsalita ka parang kilala mo na ako!” tila pagsalag ni Benz sa sinabing iyon ni Emil. “Pwede ba huwag mo na lang akong pakialaman.” tila wala sa sariling idinugtong ni Benz.

“Okay fine!” wika ni Emil sabay tayo at hakbang paalis.

Naging mabilis naman si Benz sa pagkilos at agad na nahabol ang braso ni Emil. “Sorry!” wika pa ni Benz na puno ng sinseridad at buong pusong nausal. “Please don’t leave me.” tila pakiusap ni Benz kay Emil sabay tingin sa scriptwriter sa mga mata nito. Ang maamong mukha ni Emil at ang mga mata nitong nagtatago ng lungkot ang pilit na hinabol ni Benz at sa wari niya na ang titig niya dito ay may kakayahang pawiin ang sakit na nadarama niya sa pagkawala ni Julian.

Waring napakalma ng ekspresyon ni Benz ang nagngangalit na damdamin ni Emil para sa kaangasan ni Benz. Agad din niyang iniwas ang mga mata sa mata ni Benz dahil sa wari niya ay kaya nitong tunawin ang buo niyang pagkatao. Ang mapupungay na mata ni Benz na kayang sumalamin sa isang-libong mga salita at nagpapahayag kung gaano nito kakailangan ng isang kaibigan at ang mukha nitong kawangis nang isang anghel ay sapat na para siya ay mapanatili sa tabi nito. Hindi na siya nagsalita pa para sumagot, bagkus ay bumalik siya sa upuan.

“Salamat!” wika ni Benz sabay na nagbigay ng isang matamis na ngiti kay Emil. “Labis mo na akong pinaligaya.” nais sanang idugtong ni Benz sa sasabihin subalit umiiwas na din siya sa isang malaking gulo.

Gumanti na lang ng ngiti si Emil na tanda nang “Walang anuman” tangi niyang sagot.

Tahimik na muli ang pagitan ng dalawa, walang imikan ngunit minsan ay may maiikling usapan. Umaga na ng maisipan ni Benz na umuwi at ihatid sa bahay si Emil. Mali, umaga na ng pilitin ni Emil si Benz para umuwi subalit sa huli ay ichineck-in na lang niya ito sa hotel at saka siya umuwi sa bahay ng Ninong Mando niya para na din sa kabutihan ng kanyang ina.

Lunod si Benz sa alak at lango pa din hanggang sa pagdilat niya ng mga mata. Pagkagising niya ay ibang damit na ang suot niya at maayos na nakahiga sa isang hindi pamilyar na higaan. Higit pa ay napapangiti siya sa isipin kung sino ang nagdala sa kanya ruon at kung sino ang umasikaso sa kanya. Unang hinanap si Emil subalit walang Emil na sumasagot at nagbigay ng konklusyon na iniwanan din siya nito. Dagli niyang kinuha ang cellphone at nagtext.

“Salamat!” wika sa text ni Benz para kay Emil.

Sa kabilang banda naman ay napangiti na lang si Emil sa text na iyon ni Benz. Naisin man niyang replayan ay hindi niya magawa dahil walang load ang cellphone niya at kahit panload ay tinitipid niya ang sarili. Isa pa ay nasa byahe siya para maghanap ng trabaho.

“Galit ata sa akin si Emil!” wika ni Benz sa sarili dahil ilang minuto na din siyang nagtext ay walang Emil na nag-reply. “Think positive! Baka tulog pa.” tila tutol niya sa sariling konklusyon.

At naghintay na nga ng mas matagal si Benz, subalit lipas na ang tanghali, nakapag-check-out na siya sa hotel at nasa byahe papuntang network ay wala pa ding reply galing kay Emil kaya naman –

“Hello!” sagot ni Emil sa phone.

“Ah, Hello!” sagot ni Benz.

“Napatawag ka?” masiglang tanong ni Emil.

“Wala lang, nagpapasalamat lang.” tila nabunutan nang tinik si Benz dahil batay sa tono nito ay hindi ito galit sa kanya.

“Ah, walang anuman. Sorry, wala kasi akong load kaya hindi na kita nareplyan.” sagot pa ni Emil na tila mas sumaya ang araw niya sa tawag na iyon ni Benz.

“Sige, mamaya na lang, pababa na kasi ako.” wika naman ni Emil sabay pindot sa end call at –

“Para po, sa tabi lang!” sigaw ni Emil at saka tuluyang bumaba sa bus na kinalululanan niya.


[08]
Let Me Heal the Pain

“What makes you deserving for the position?” tanong ni Mr. Ching, ang may-ari ng isang kilalang glossy magazine sa Pilipinas, kay Emil.

“My application form shows the reasons but what is important, I always dedicate myself fully and offer earnest effort and loyalty.” nakangiting sagot ni Emil sa tanong.

“Hindi ko alam ang kwento kung bakit mo iniwan ang Last Dance at Kanluran ng Pilipinas, pero kung pakakawalan ko pa ang isang writer na katulad mo, that will be the biggest mistake I will do.” saad ni Mr. Ching.

Napangiti naman si Emil sa sinabing ito ni Mr. Ching na sa wari niya ay alam na niya kung ano ang resulta ng pag-aaply na ginawa niya.

“Tanggap ka na, and to make this deal more formal magkakaroon tayo ng contract signing by next week and is effective for two years.” nakangiti na ding wika ni Mr. Ching.

“Thank you Sir.” wika naman ni Emil. “Promise, pagbubutihin ko po.” tila pangako ni Emil sa kausap.

“Aasahan ko ‘yan.” sagot ni Mr. Ching. “See you next week and please wait for our call sa schedule.” tila pamamaalam pa nito.

“Okay po.” maikling sagot ni Emil saka lumabas sa opisina ng Editor-in-Chief ng Metro-Cosmo.

“Yeeessss!” buong lakas na naibulalas ni Emil pagkalabas ng pintuan.

“Pagbubutihin ko na talaga ‘to.” sabi ni Emil sa sarili. “Wala na naman sigurong aberya dito.” patuloy pa niya.

Agad siyang umuwi sa bahay ng Ninong Mando niya dahil alam niyang makakasama sa nanay niya pag nakita siya nito. Higit pa ay naaawa siya sa sarili dahil sa tuwing hihilingin niya ang pagmamahal ng ina ay lagi siyang bigo at pinagtatabuyan nito. Para sa kanya, hanggang pangarap na lang ang kaya niyang gawin para sa pagmamahal ng ina.

Hinilig ni Emil ang katawan dahil sa pagod at nais niyang makapagpahinga at makatulog. Malapit na siyang mahimbing nang biglang tumunog ang cellphone niya. Nakalikha iyon ng ingay na sapat na para muling bumalik ang diwa niya mula sa pagkakatulog.

“Hello!” may inis at asar sa tinig niya. “Kung sino ka mang istorbo ka!” wika pa niya sa sarili.

“Hello Emil, naistorbo ba kita?” sagot ng nasa kabilang linya na may paghingi ng despensa.

“Ah, Eh, Hindi!” ang inis ni Emil ay napalitan ng saya at tuwa sa pagkakarinig sa pamilyar na tinig na iyon. “Kamusta ka na nga pala Ken?” tanong pa niya.

“Ayos naman ako. Ikaw ba? Balita ko wala ka na sa KNP.” sagot at tanong pa ni Ken kay Emil.

“Oo, may konting problema lang kasi. Ikaw ba, kamusta na?” balik na tanong ni Emil.

Naging mahaba pa ang usapan nilang dalawa subalit walang binanggit si Emil sa tunay na dahilan ng pag-alis niya sa KNP at kung saan siya ngayon magtatrabaho. Minabuti na lang niyang maging tikom ang bibig sa kung anumang kapalaran ang mangyayari sa kanya. Agad ding iginupo ng antok si Emil pagkatapos nilang mag-isap ni Ken.

“Emil, gising na!” gising ni Mang Mando kay Emil.

“Ninong kayo pala!” pupungas-pungas na bati ni Emil sa Ninong niya.

“Saka ka na matulog ulit pagkakain.” tila nag-aalalang wika ni Mang Mando para sa inaanak.

“Pasensiya na po ninong.” paumanhin naman ni Emil.

“Saan ka ba nanggaling at inumaga ka na ng uwi kanina tapos maaga ka pang gumising at umalis.” higit na kinabakasan ng pag-aalala si Mang Mando.

“Sinamahan ko lang po iyong dati naming direktor kagabi.” paliwanag ni Emil. “Saka naghanap naman po ako ng trabaho kanina.” dagdag pa nito.

“Sa susunod magpapasabi ka ng hindi ako nag-aalala. Sa akin ka ibinilin ng ama mo bago kayo iwanan, kaya dapat ituring mo na din akong ama.” tila may lungkot na bumakas sa mukha ni Mang Mando subalit nanatili pa din ang pag-aalala sa mukha nito para kay Emil.

“Sorry po talaga Ninong.” paumanhin ulit ni Emil. Hindi na din niya inusisa ang tungkol sa ama dahil mula pagkabata pa ay madami ng kwento ang ninong niya tungkol sa tatay niya. Wari bang kilala na niya ito batay sa mga kwento sa kanya.

Maya maya na nga ay nasa kusina na din si Emil at ang inabutan niya ang pamilya ng Ninong niya, ang asawa nito, ang panganay na anak na lalaki na mas matanda sa kanya ng dalawang taon at isang babaing mas bata naman sa kanya ng tatlong taon.

“Kain ka na Emil.” anyaya sa kanya ni Vince, ang panganay na anak ng Ninong niya.

“Salamat.” sagot ni Emil na may kabuntot na ngiti.

“Dito na lang kaya ikaw magbagong taon.” simula ulit ni Vince sa usapan nila ni Emil.

“Nakakahiya naman sa inyo.” sagot ni Emil sa mababang boses.

“Ano ka ba, siyempre hindi ka na iba sa amin.” tila sang-ayon ni Mang Mando sa tinuran ng anak niya.

“Kawawa naman po si nanay, mag-isa sa bahay.” tutol pa din niya.

“Ayos ka din kuya Emil, sinasaktan ka na nga ni Tita Choleng ayaw mo pa din iwanan.” bati naman ni Vanessa na may paghanga para sa kinakapatid.

“Kung hindi ko pa mamahalin ang nanay, sino na lang ang magmamahal sa kanya? Kahit sinasaktan ako nun, kahit ilang ulit pa, kakayanin ko.” sagot ni Emil.

“Hindi ka ba nagsasawa?” tila tanong pa ni Vanessa.

“Nagsasawa? Oo, minsan, pero mas matimbang pa din ang pagmamahal ko para sa kanya.” sagot ni Emil kasunod ang isang ngiti para itago ang umiiyak niyang puso.

“Tama na iyan Vanessa, ini-interview mo na naman ang kuya Emil mo.” awat ni Aling Mila, ang asawa ni Mang Mando na Ninang naman ni Emil.

“Para nagtatanong lang!” sagot ni Vanessa kasunod ang pagtulis ng nguso.

“Isama na lang din natin si Choleng dito.” tila suhestiyon ni Aling Mila.

“Naku Ninang, huwag na po.” tila pagtutol ni Emil. “Baka bagung-taon na bagong-taon mas malakas pa ang singhal at sigaw ni nanay kaysa sa mga paputok.” paliwanag pa ng binata.

“Sige na Emil, dito ka na lang.” wika ni Vince sabay hawak sa mga kamay ni Emil.

“Sorry talaga Vince.” paumanhin ni Emil at tila naalarma sa ginawa ni Vince kaya naman daling binawi ang mga kamay niya mula sa pagkakahawak ng kinakapatid.

“Hayaan mo, kakausapin ko ulit si Choleng para naman bumait sa’yo kahit paano.” sabi ni Mando.

Kinabukasan ay bisperas na ng bagong taon kaya naman hindi na nakapagtataka kung may samu’t saring ingay ka ng madidinig sa kalsada o sa ibang bahay. May nagkakantahan, nag-iinuman, at may nagpapaputok na kahit bawal. Nakisama si Emil sa umpukan ng mga kabataang nag-iinuman na may mga kabataan ding nagvivideoke lang. Karamihan kasi sa mga kabarkada niya ay nasa umpukang iyon maging ang kinakapatid niyang si Vince ay nakikitagay din sa mga ito.

“Yeah! Sweet child of mine.

Yeah – eh – eh! Sweet child of mine.”

Banat ng isang lasing na kumakanta.

“Pare, itagay mo lang ‘yan! Kulang ka lang sa tagay!” tila pang-aasar ni Vince sa kainuman niya.

“Tigil ka na! Ako naman!” wika pa ng isa sabay kuha sa microphone.

“Ano iyan pare? My Way?” tila puna ni Vince sabay ang nakakainsultong tawa na sinabayan ng iba pa nilang kainuman.

“I did it my way!” halos sabay-sabay nilang kanta.

“Noise pollution lang kayo eh!” bati ni Jona na barkada din nila at ang ex-girlfriend ni Vince na kaklase ni Emil sa high school.

“Aba ang ganda mo na!” bati ni Vince kay Jona.

“Ayiee!” sabay-sabay nilang tukso sa dalawa.

“Kami naman ni Emil!” suhestiyon pa ni Jona. “Duet naman kami.”

“Ayos ‘yun! Maganda at maririnig namin kayo ulit ni Kuya Emil.” sabi ni Vanessa.

“Sige ba! Tagal mo din namang nawala, kaya pawelcome na’to.” wika pa ni Emil.

“Hanggang Ngayon! Iyon na lang ang kantahin natin.” tila may pakiusap sa tinig ni Jona.

“Kabisado ko pa naman.” tila sang-ayon na wika ni Emil.

“Hanggang ngayon

Ikaw pa rin ang iniibig ko

Ikaw pa rin ang natatanging

Pangarap ko

Hindi ko na kayang mag-isa

Ikaw lamang

Hanggang ngayon.”

Nakatapos nang kumanta ang dalawa at nakatanggap sila ng masigabong palakpakan. Maging ang mga usisero may kumapal na pumalibot sa kanilang lahat.

“Galing talaga!” komento ni Vanessa.

“Siyempre naman!” sagot ni Jona samantalang ngiti lang ang sagot ni Emil sa mga papuri.

“Emil!” bati ulit ni Jona kay Emil. “May sinabi na ba sa’yo si Vince?” tanong pa nito.

“Si Kuya Vince? Ano naman yun?” tila nagulumihanang sagot ni Emil.

Isang makahulugang ngiti lang ang sagot ni Jona kay Emil.

“O ayan na pala si Vince.” bati pa ulit ni Jona saka tuluyang umalis.

“Galing naman ni Emil.” bati ni Vince sa kinakapatid.

“Salamat!” tanging nasambit ni Emil.

“Ah, Emil, nga pala may sasabihin ako sa’yo.” simula ni Vince na kita ang pag-iipon niya ng lakas ng loob para makapagsalita.

“Ano naman iyon?” wika ni Emil na tila nakaramdam ng kaba sa kung ano ba ang sasabihin sa kanya ng kinakapatid.

“Alam mo bang..” biglang naputol at naumid ang dila ni Vince at hindi niya magawang makapagsalita.

“Sandali lang!” pakli ni Emil nang biglang mag-ring ang cellphone niya.

Agad na sinagot ni Emil ang tawag. Si Mr. Ching ang tumawag at pinapabalik na siya makabagong taon para pumirma ng kontrata sa kanila. May katagalan din silang nag-usap kaya naman si napagpasyahan ni Vince na bumalik na lang ulit sa umpukan. Umuwi na din si Emil matapos ang tawag ni Mr. Ching at nang makitang nasa umpukan na ulit si Vince. Isinaisantabi muna ni Emil ang kung anumang sasabihin sa kanya ni Vince bagkus ay mas piniling paghandaan ang bagong trabahong darating sa kanya sa susunod na taon. Bago umuwi sa bahay ng Ninong niya ay nakuntento na muna siyang silipin ang kalagayan ng ina na pilit siyang itinataboy palayo. Masakit man ay tiniis niya ang lahat, anupat may bukas pa.

Bisperas ng bagong-taon, maagang naghanda ang pamilya ni Mang Mando para sa Medja Noche, tumulong din si Emil sa paghahanda at desidido siyang sa bahay niya sasalubungin ang 2011 kasama ang ina. Wala siyang pakialam sa masasakit na salita nito o sa bugbog na aabutin niya, mas mahalaga sa kanya na ito ang makasama sa pagsalubong sa bagong taon.

Alas-diyes ng gabi, pinuntahan na ni Emil ang ina sa bahay nila, may bitbit na handa galing sa Ninong Mando niya at mga pagkaing duon na din niya niluto. Gaya ng normal niyang inaabutan sa bahay, nakaupos ito sa may bintana at nagpapakalasing sa alak. Lakas loob na lumapit si Emil sa bahay nila. Pumasok sa loob na tila hindi siya nakita ng ina.

“Mano nga po nanay!” sabi ni Emil sabay abot sa kamay ng ina.

Imbes na iabot ni Aling Choleng ang kamay ay isang napakalutong na sampal ang ibnigay niya dito.

“Nandito ka na naman?” pagalit na anas ni Aling Choleng. “Punyeta ka, hindi mo ba naiintindihan na ayaw kitang makita.” sabay hagis ng bote ng alak kay Emil.

“Nay naman! Ang mahalin lang naman ninyo ako ang gusto kong mangyari.” tila pagmamakaawa ni Emil sa ina.

“Puwes, tigilan mo na! Kailanman hindi kita mamahalin!” sagot ni Aling Choleng.

“Bakit ba nanay? Ano ba ang kasalanan ko?” pigil sa pagluhang wika na patanong ni Emil.

“Kasalanan mo? Kasalanan mo kasi nabuhay ka pa!” sagot ni Choleng. “Pag namatay ka, ako na ang pinakamasayang tao sa mundo! Hayop ka!” singhal pa ng ginang.

“Nay naman! Kahit ba maliit na puwang sa puso mo wala ako?” at kumawala na ang mga luha mula sa mga mata ni Emil na anumang pigil niya ay hindi niya magawa.

“Wala at hindi magkakaroon kahit katiting kailanman!” madiin pang wika nito kay Emil. “Punyeta ka, wag ka ng umasa!” pahabol pa nito.

“Choleng, bagong taon na bagong taon naman.” nagkukumahog na pag-awat ni Mando kay Choleng.

“Mando, kung ayaw mong madamay dito wag mo akong pakialaman. Mas mabuti pa kung itapon mo na iyang hudas na iyan palayo dito.” tila nag-utos na wika ni Choleng kay Mando.

“Choleng!” madiing wika ni Mando kay Choleng sabay hawak sa dalawang balikat nito. “Walang kasalanan si Emil, walang kinalaman si Emil sa nakaraan mo. Hindi ikaw ang biktima! Si Emil ang totoong biktima! Kung may dapat mang sisihin dito..” tila biting turan ni Mando. “Ikaw!” madiiin niyang pagwawakas sabay bitaw sa balikat ni Choleng.

Naiwang nakatulala si Choleng sa mga sinabing iyon ni Mando. Bigla siyang napaisip sa mga sinabi nito ngunit mas nangibabaw pa din sa kanya ang galit at suklam kay Emil.

“Punyeta! Pag namatay lang iyang hudas na iyan saka ako sasaya!” sigaw na pahabol ni Choleng.

Samantalang agad na niyakap ni Vince si Emil at saka inilabas sa bahay.

“Ayos ka lang ba?” nag-aalalang tanong ni Vince sa kinakapatid.

“Oo, ayos lang ako.” pilit na sagot ni Emil na kahit sa katotohanan ay gusto na niyang mamatay.

“Bakit ganyan ang itsura mo kung ayos ka lang?” tila tanong ni Vince.

“Panira ka naman ng moment!” wika ni Emil sa sarili. “Hindi tuloy ako makaiyak!”

“Wala naman akong galos o sugat di ba? Wala naman akong pasa.” napapangiting saad ni Emil.

Sabi mo at lalong higpit sa pagkakayakap ang ginawa ni Vince, walang pakialam sa mga matang nakatitig sa kanila ni Emil.

“Punyeta! Pag namatay lang iyang hudas na iyan saka ako sasaya!” nadinig ni Emil na sigaw ng kanyang nanay.

Dagling bumitaw si Emil sa yakap ni Vince at mabilis na tumakbo palayo. Hindi niya inakalang ganuon na lang ang pagkamuhi sa kanya ng ina at hinihiling nito ang kamatayan niya. Mabilis na pumara ng bus at ang nais niya ay makalayo sa lugar nila at huwag nang bumalik kahit kailan para lang sumaya ang kanyang ina. Hindi niya alam kung saan pupunta at walang ideya kung saan at papaano mabubuhay.

Sa kabilang bahagi ng Pilipinas naman ay balak ni Benz na makipag-ayos kay Julian bago magpalit ang taon kaya naman sinadya niya ito sa condominium unit nito.

“Julian, please can we talk?” tila pakiusap ni Benz kay Julian nang bisitahin niya ito sa condo unit.

“Sorry Benz, pero it’s over na di ba?” matigas na sagot ni Julian.

“Alam ko, mahal mo pa din ako Julian. Kahit ano gagawin ko bumalik ka lang ulit sa akin. I will do anything to make you mine again.” Pilit at giit ni Benz kay Julian.

“Ang kulit mo naman, sabing wala na, tapos na.” asar na wika ni Julian.

“Bakit Julian? Sino bang ipinagmamalaki mo ngayon?” tanong ni Benz kay Julian sabay lapit para sindakin ito.

“Madami akong pwedeng ipalit sa’yo. Iyong bibigyan ako ng tamang oras at hindi puro trabaho lang.” matapang na sagot ni Julian.

Agad na hinalikan ni Benz si Julian, tila ba isang baliw si Benz sa ginagawa niya ngayon. Wala sa katinuan at wala sa tamang pag-iisip.

“Kung hindi ka magigiging akin Julian hindi ka mapupunta sa iba.” tila nagiging marahas na si Benz sa mga oras na iyon.

“Gago ka Benz, tigilan mo na ako.” pagtutol ni Julian sa ginagawa ni Benz at buong lakas niya itong tinulak palayo sabay bigay dito ng isang malakas na suntok.

Napahandusay si Benz sa sahig.

“Sorry Julian.” tila natauhang paghingi ng despensa ni Benz.

“Get out!” tila utos ni Julian.

“Sorry Julian.” ulit ni Benz sa dispensa.

“Sabi ko, get out!” buong lakas na utos ni Julian kay Benz. “Pag hindi ka lumabas dito magpapatawag ako ng security.” tila pagbabanta ni Julian kay Benz.

“Julian, sorry talaga!” wika pa ulit ni Benz saka palapit na lumalakad papunta kay Julian.

“Isa!” simula ni Julian sa bilang.

“Julian!” pagmamakaawa ni Benz.

“Dalawa!” bilang ulit ni Julian. “Pag-umabot ng tatlo kita na lang tayo sa korte.” banta ulit ni Julian.

“Julian!” si Benz ulit.

“Dalawa!” pag-uulit ni Julian sa bilang.

“Babalik ako Julian, hindi ako susuko.” wika ni Benz at saka tuluyang lumabas sa unit ni Julian.

Pagkasakay ng kotse ay agad na pinaharurot at walang kasiguraduhan kung saan mapupunta. Napagdesisyunan niyang manuod ng New Year’s Countdown sa Mall of Asia para sandaling makalimot at saka siya uuwi sa condo at magpapakalunod sa alak. Binago na niya ang planong sa bahay nila kasama ang pamilya na sasalubungin ang bagong taon. tinext na niya ang mama niya at mga kapatid para hindi na siya asahan pa ng mga ito.

Sa isang sulok kung saan walang masyadong tao ay hindi niya inaasahan na makikita ang isang tao.

“Emil?” wika niya sabay hawak sa balikat nito.

“Direk, ikaw pala!” gulat na gulat si Emil.

“Anong ginagawa mo dito?” tanong ni Benz. “Bakit ka umiiyak?” kasunod pa nitong tanong. Umupo din ang binatang direktor sa tabi ni Emil at inakbayan pa niya ang scriptwriter.

Naging mabilis na naman ang tibok ng puso ni Emil sa sitwasyon nila ngayon. Ang kanilang ayos at ang kanilang posisyon. Sa wari niya ay may hatid na kakaibang damdamin ang presensiya ni Benz sa mga oras na iyon at may kakayahang baguhin ang kung anumang nadarama niya sa mga oras na iyon.

“Ako? Umiiyak? Hindi kaya.” pagsisinungaling ni Emil. “Ikaw, bakit ka nandito?” balik na tanong ni Emil kay Benz at pag-iiba na din sa usapan.

“Sige, ganito na lang.” tila may naisip na ideya si Benz. “Ikukwento ko kung bakit ako nandito pero dapat ikukwento mo din kung bakit ka nandito.” tila pangungundisyon ni Benz kay Emil.

“Hindi ako interesado.” malungkot ngunit sarkastikong tugon ni Emil sa sinabing iyon ni Benz.

“Hindi daw interesado oh.” kontra naman ni Benz na may tono ng pang-aasar.

“Di’yan ka na nga! Nanahimik ako dito guguluhin mo pa.” saad ni Emil sabay ang pagtayo nito.

“Dito ka lang.” wika ni Benz sabay hawak sa kamay ni Emil. “Please, samahan mo muna ako.” pakiusap pa ng binatang direktor.

Wari bang ang presensiya ni Benz ay lalo pang nagatungan sa pakiusap nito sa kanya. Sa pakiramdam ni Emil ay nawili na din siya sa tabi nito kung kayat imbes na umalis ay agad na bumalik si Emil sa pagkakaupo at muling tinabihan si Benz.

“Salamat!” tugon ni Benz na may lakip na isang simpatikong mga ngiti na sapat na para muling matunaw ang nagyeyelong si Emil. Hinubad niya ang suot na jacket at kanyang isinuot kay Emil na nuon ay manipis na t-shirt lang ang suot. Muli din niya itong inakbayan at mahigpit na hinawakan.

Wala mang malinaw na sagot mula kay Emil ay sinimulan na ni Benz ang pagkukwento sa kung ano ang nangyari sa kanila ni Julian. Detalyado na puno ng emosyon. Nang makatapos magkwento ni Benz ay mahabang pilitan pa bago ikuwento ni Emil ang kung ano ang nangyari sa kanya. Naluluha man si Emil subalit pakiramdam naman niya ay gumagaan ang pakiramdam at ang dala dala niya.

Makatapos magkwento ay agad na nagsalita si Benz.

“Gusto mo sa Condo ko muna tumira?” aya ni Benz kay Emil.

“Ha!?” tila hindi makapaniwala si Emil sa sinabing iyon ni Benz. “Nakakahiya naman, makikitira ako ng libre.” sagot ni Emil.

“Sinong may sabing libre kang titira dun?” tugon ni Benz.

“Wala akong pambayad kung hihingi ka ng renta.” sagot pa ulit ni Emil.

“Hindi ako hihingi ng renta sa’yo. Pagsisilbihan mo lang naman ako kapalit nang pagitra mo.” wika ni Benz na ngayon ay nakaramdam ng kakaibang ligaya dulot ng pagsasama nila ni Emil sa iisang bubong.

“May bahay naman akong uuwian kaya hindi ko na kailangan pang makitira.” tila may asar na sa tinig ni Emil na sa katotohanan lang ay gusto din niya ang ganuong set-up na magkasama sila ni Benz.

“May bahay ka nga ayaw ka namang patirahin nang nanay mo. Wag ka nang magdahilan, deal na yan.” wika ni Benz sabay hila kay Emil papunta sa kotse nito at agad na pinaandar papuntang condo unit niya.


[09]
Ken + Julian = Emil – Benz

“Happy New Year Emil!” sigaw ni Benz ng sumapit na ang alas-dose. Inalog-alog ang bote ng champagne at sabay tapat sa mukha ni Emil kasunod ang isang makaka-asar na tawa.

“Naman!” inis at asar na anas ni Emil.

“Bagong taon na bagong taon naasar ka.” panunuya ni Benz sabay abot ng tuwalya kay Emil.

“Kasi naman kung makapang-asar ka parang wala ng bukas.” sarkastikong sagot ni Emil. “Sabi ko na nga ba, gagaguhin mo lang ako kaya mo ko inaya dito.” wika pa ni Emil sabay hablkot sa tuwalyang inaabot sa kanya ni Benz.

“Eto naman!” tila may lambing sa tinig ni Benz sabay kuha ulit sa tuwalya kay Emil. “Namiss ko lang ito.” pahabol pa niya sabay punas sa mukha ni Emil.

Napahinto ang mundo ni Emil sa ginawang iyon ni Benz, wari ba ay biglang pinalis nito ang inis niya para sa binatang direktor na kanina lang ay kinaasaran niya. Ibang gaan sa pakiramdam ang mayroon siya lalo’t higit pa ay ang nakakatunaw nitong tingin sa kanyang mga mata at ang mapanuksong ngiti nito. Si Benz naman ay tila nadala na sa sitwasyon nila kung kaya naman ang kaninang mapang-asar na tawa ay napalitan ng isang simpatikong ngiti at may kasamang mga titig na minamasdan ang kabuuan ng mukha ni Emil. Sa pakiramdam ni Benz ay nawiwili siyang titigan ang maamong mukha ni Emil at natutukso siyang angkinin ang mga labi nito.

Hindi na kinaya pa ni Emil ang titig na iyon ni Benz kung kaya’t siya na ang unang bumitiw. “Akin na nga iyan!” wika ni Emil sabay hablot ng tuwalya kay Benz. “Hindi ka naman marunong magpunas.” wika pa niya.

Sa ginawang iyon ni Emil ay tila ba binuhusan ng tubig si Benz at muling nagpanumbalik sa katinuan ang kanyang diwa. “Nagsalita ang marunong.” sagot pa ni Benz na nakaramdam ng hiya.

Habang nililinis ni Emil ang sarili ay siya namang ayos ni Benz sa lamesa at mga pagkaing pagsasaluhan nilang dalawa.

“Emil halika na.” tawag ni Benz kay Emil na siya rin namang lapit ni Emil.

“Buti na lang at may inabutan pa tayong bukas na fastfood at grocery.” sabi ni Emil pag-upo kasunod ang isang malalim na buntong-hininga.

“At bakit may buntong-hininga pang kasama?” tanong naman ni Benz.

“Wala lang. May naalala lang ako.” malungkot na wika ni Emil.

“Ang nanay mo na naman?” tanong ni Benz.

“Sandali lang may tumatawag.” paalam ni Emil.

“Hello! Ninong!” simula ni Emil.

“Si Vince ‘to!” tila may tampo sa tinig ng lasing na si Vince.

“Sorry naman!” paumanhin ni Emil. “Bakit ka nga pala napatawag?” tanong pa nito.

“Nag-aalala kasi ako sa’yo.” buong sinseridad na wika ni Vince. “I mean nag-aalala kami.” tila pagbawi ni Vince sa una niyang sinabi.

“Pasensiya na kung nag-alala kayo!” sagot ni Emil. “Aba Vince, huwag mong sabihing beki ka din!” tila napapangiting bulong ni Emil sa isipan.

“Nasaan ka ba ngayon? Umuwi ka naman na!” tila pakiusap ni Vince sa kinakapatid.

“Hindi muna ako uuwi di’yan!” malungkot na pagbabalita ni Emil.

“Nasaan ka? Pupuntahan kita ngayon.” wika ni Vince.

“Hoy Vince, si Emil na ba iyang kausap mo?” tanong ni Mang Mando sa anak na narinig naman ni Emil sa kabilang linya.

“Opo tay!” sagot naman ni Vince.

“Amina iyang cellphone at kausapin ko.” tila utos pa nito sa anak.

“Emil!” panimula ni Mang Mando sa inaanak.

“Pasensiya na po kayo ninong.” paumanhin pa din ni Emil.

“Wala iyon hijo!” sagot ni Mang Mando. “Nasaan ka ba ngayon? Hindi ka ba uuwi? Nag-aalala kami sa’yo!” wika pa nito.

“Hindi na po muna siguro ako magpapakita sa atin.” saad ni Emil.

“Naiintindihan ko.” sagot naman ni Mang Mando.

“Huwag po kayong mag-alala, nasa mabuti po ako ngayon.” tila pagpapagaan ni Emil ng loob sa kanyang Ninong.

“Basta tatawag ka lagi at pumunta ka naman dito sa atin ng madalas.” habilin pa ni Mang Mando.

“Opo naman Ninong.” sagot ni Emil. “Sige po, celebrate na po kayo di’yan. Happy New Year po.” pamamaalam ni Emil.

“Happy New Year din Hijo!” sagot ni Mang Mando.

“Sige po ninong.” pagkasabi ay saka niya pinindot ang end call at agad na binalikan si Benz.

“Sino ‘yung tumawag?” agad na tanong ni Benz.

“Ninong ko!” sagot ni Emil. “Nakalimutan kong magpasabi kaya nag-alala.” may pilit na mga ngiting turan ni Emil.

“Tara kain na tayo!” simpatikong wika ni Benz.

“Sandali lang direk!” paalam ulit ni Benz. “Una ka na po, may tumatawag ulit.” dugtong pa ni Emil.

“Benz na lang, huwag ng direk!” may diing wika ni Benz. “Sige, hintayin na kita. Answer it na, baka importante.” sabi pa nito.

“Salamat Benz.” wika ni Emil. “Mauna ka na, nakakahiya.” sagot ni Emil na may mga ngiti sa labi at saka sinagot ang tawag.

“Hello Ken!” wika ni Emil pagkasagot sa tawag.

Bigla na lang narinig ni Emil ang madiing pagbagsak ng kutsara at padabog na lapag ng baso mula kay Benz na agad namang paglayo ni Emil.

“Happy New Year!” masayang bati ni Ken.

“Napatawag ka?” tanong pa ni Emil na sa katotohanan lang ay may naramdamang kakaibang kiliti at saya dahil sa tawag

“Masama bang batiin ng happy new year ang bagong bestfriend ko?” tanong ni Ken kay Emil.

“Bagong bestfriend?!” tila may pagtatanong kay Emil sa tinuran na ito ni Ken.

“Bakit? Hindi ba pwede? Ayaw mo ata, eh di huwag na lang.” tila may tampo na sa tinig ni Ken.

“Ah, hindi naman sa ganuon.” pagbawi ni Emil kay Ken. “Kaya lanh Ken, matagal na tayong magbestfriend.” itong mga ito ang nais sanang sabihin ni Emil kay Ken.

“Iyon naman pala!” muling sumigla ang tinig ni Ken. “Bestfriend Emil!” tila pagpapalayaw ni Ken kay Emil.

“Hoy Emil! Bilisan mo nga di’yan!” malakas na sigaw ni Benz kay Emil na may asar at inis sa tinig nito.

“Opo, ayan na!” asar na sagot ni Emil.

“Sino ‘yun?” tanong ni Ken kay Emil.

“Wala iyon! Nagaamok lang na lasenggero.” pagsisinungaling ni Emil.

“Ano ba Emil! Sabihin mo nga sa kausap mo na isa siyang malaking abala!” sigaw ulit ni Benz sa mas malakas na tinig.

“Sige Ken, text na lang kita. Sinasaniban na ng masamang espiritu ‘yung lasenggero.” paalam ni Emil at saka pinindot ang end call.

Pagkadating ni Emil sa lamesa ay saka naman tumayo si Benz.

“Magligpit kana!” utos ni Benz kay Emil. “Nakakain na ako.” wika pa nito.

“Bilis mo naman ata?” may pagtatakang tanong ni Emil.

“Mabilis na ba iyong 5 minutes?” sagot ni Benz. “Sabihin mo matagal ka lang talagang nakipag-usap.” tila paninisi ni Benz kay Emil.

“Ako pa ang binaligtad mo.” balik sisi ni Emil.

“Simulan mo nang magligpit nang makatulog ka na.” wika pa ni Benz. “Mamaya naman linisin mo ang buong unit at maghanda ka ng agahan ko. Gisingin mo din ako ng 5am, so, dapat 5am nakaready na ang agahan ko. Heavy meal dapat kasi 12 na ng tanghali ang next meal ko. Ayoko ding kumain ng mga ininit lang or left-overs, gusto ko bagong luto. Prepare ka din ng hot bath, kasi masyadong malamig at maginaw mamaya.” pag-uutos pa ni Benz kay Emil. “Malinaw?” paglilinaw pa ng binatang direktor.

“Sigurado ka ba? Malapit na kayang mag-three.” windang na naisagot ni Emil sa mga utos na ito ni Benz.

“Eh di huwag kang matulog. Pagkalinis mo magluto ka na kaagad at ihanda mo na ang hot bath ko.” wika ni Benz kasunod ang isang nakakaasar na ngiti. “May kasunduan tayo kaya huwag ka ng magreklamo.” pagpapaalala ni Benz sa usapan nilang dalawa at saka tuluyang pumasok sa kwarto.

“Tinolang hilaw naman!” naibulalas ni Emil. “Sadista ata itong Benz na’to.” saka umupo at agad na kumain. “Hindi man lang nabawasan ‘yung pagkain niya tapos na daw. Ano akala niya sa akin? Multi-tasker? Superhuman? Android? May superpowers para lahat sa utos niya.” anas pa ni Emil.

Agad na ngang nagligpit si Emil ng mga kalat, naglinis nang pinagkainan at itinabi ang lahat ng nakakalat na gamit. Pagkatapos magligpit ay nagluto na siya ng agahan para kay Benz. Pagkaluto ay inihanda na din niya ang hot bath nito para sa oras na gisingin niya ang direktor ay nakahanda na ang lahat. Sakto namang alas-singko nang matapos niya ang lahat ng bili nito sa kanya. Pinasok sa kwarto upang gisingin.

“Hoy Benz!” Gising na!” gising ni Emil dito.

“Ano ba! Wag ka ngang istorbo! Natutulog ang tao.” reklamo ni Benz saka biling patalikod kay Emil.

“Ah ganun!” wika ni Emil saka lumabas at may kinuha. Pagkabalik niya ay may tangay siyang dalawang stainless tray at –

“Batugan! Gumising ka na!” sigaw ni Emil saka pinaghampas ang dalawang tray sa malapit sa tenga ni Benz.

Biglang napabangon si Benz sa gulat. “Ano ka ba naman Emil!” asar na anas ni Benz.

“Ikaw na nga lang itong gigisingin ikaw pa ang galit.” wika pa ni Emil na natatawa sa reaksyon ni Benz.

“Sorry!” tila paumanhin pa ni Benz. “Nakalimutan kong sabihing cancelled nga pala ang lahat ng appointment ko ngayon kaya matutulog akong maghapon.” wika ni Benz na may lakip na isang napakahiwagang ngiti.

“Ano!” tanging naibulalas ni Emil. Agad na lumabas si Emil sa kwarto at wala na siyang panahon para makipagtalo pa kay Benz. Nais na lang niyang makatulog at makapagpahinga. Tinungo niya kaagad ang isa pang kwarto, subalit –

“Lock?” mahinang usal ni Emil at muling sinubukang buksan.

“Talaga naman oh!” wika pa niya saka muling tinungo ang silid ni Benz na ngayon ay nakalock na din.

“Hoy Benz! Saan ako matutulog?” wika ni Emil sabay ang malalakas na katok. Waring walang naririnig si Benz at kahit gaano kalakas ang katok niya ay hindi siya nito maririnig. Nagkasya na lang si Emil na mahiga sa sofa at namimilipit sa lamig.

“May araw ka ding Benz ka!” wika ni Emil sa sarili bago tuluyang makatulog sanhi ng sobrang pagod.

Alas-nuwebe ng magising si Benz. Isang masayang umaga ito para sa binatang direktor at higit pa ay sabik na siyang makita muli si Emil at ang asar nitong anyo. Dali-dali siyang lumabas ng kwarto at sa pambungad pa lang ay isang namimilipit sa ginaw na Emil ang nakita niya.

“Nakalimutan ko palang mag-iwan ng kumot.” mahinang usal ni Benz na may kalakip na mahiwagang ngiti.

Agad na pumasok si Benz sa kabilang silid na sinadya niyang i-lock para hindi makapasok duon si Emil. Kumuha ng kumot at unan para sa nahihimbing na si Emil. Marahan niyang kinumutan at hiniga sa sa unan ang natutulog pang scriptwriter.

“Ikaw kasi!” tila may paninisi sa tinig ni Benz. “Tagal mo kasing kausapin si Ken.” pahabol pa nito. Bigla namang natigilan si Benz sa kanyang sinabi at napaisip – “Ano ba yang sinasabi mo Benz! Hindi ka pwedeng magkagusto sa Emil na ‘yan.” Agad namang nahagip ng paningin ni Benz ang maamong mukha ni Emil, wari bang napako ang mga mata ni Benz sa mala-anghel na mukha ni Emil. Nawiwili siyang masdan ang mukha ng binatang scriptwriter, ang mapupula nitong labi na tila ba wala pang nakakaangkin, ang pagkakangiti nito kahit tulog na parang may magandang napapanaginipan, ang ilong na hindi man katangusan ay nababagay naman sa korte ng mukha at karakter ni Emil at ang mga biloy na nagpapatingkad sa hindi pansinin nitong kagwapuhan.

“Gwapo ka naman Emil” usal ni Benz “kaso nakatago pa ang appeal mo.” dahan-dahan niyang hinawakan ang mga pisngi ng natutulog na si Emil.

“Ang mga labi mo, parang ang sarap halikan.” mahina pa niyang usal. “Siguro ako ang napapanaginipan mo kaya ka nangingiti.” dagdag pa ni Benz.

Marahang inilapit ni Benz ang mukha niya sa mukha ni Emil, nakaramdam ng kaba ang binatang direktor sa kanyang balak gawin sa nahihimbing na binatang scriptwriter. Muli niya itong tinitigan at unti-unti namang inilalapit ang kanyang mga labi sa labi nito. Malapit nang maangkin ni Benz ang mga labi ni Emil at habang lalong lumalapit ay lalo ding bumibilis ang tibok ng puso ni Benz.

Biglang napatayo si Emil at biglang dilat na naging sanhi para hindi maisakatuparan ni Benz ang kanyang nais.

“Anong ginagawa mo diyan at nakalupasay ka sa sahig?” nagtatakang tanong ng inosenteng si Emil.

“Ah, eh, wala may hinahanap lang ako.” palusot ni Benz na napakamot sa ulo sabay tayo.

“Tutulog-tulog ka kasi kaya ako na ang naghanap.” mataas ang timbre ng boses ni Benz na tila naggagalit-galitan.

“Nakakatawa ka!” simula pa ulit ni Emil. “Para kang aso na liligid-ligid di’yan.” pang-aasar pa nito.

“Ayusin mo na nga iyang higaan mo. Bilisan mo at ipagluto mo ulit ako.” utos pa ni Benz sabay sipa sa sofa na hinihigaan ni Emil.

“Arayyy!” napa-aringkingking sa sakit si Benz dahil sa ginawa niyang pagsipa.

“Kay agang karma! Salbahe ka kasi!” mahinang wika ni Emil na may pigil na tawa.

“May sinasabi ka?” pagsusungit ulit ni Benz.

“Sabi ko po kikilos na ako.” wika ni Emil na may nakakalokong ngiti.

Nakapaghanda na nga si Emil ng pagkain ni Benz tulad ng utos sa kanya nito.

“Hoy Benz!” tila sigang tawag ni Emil kay Benz habang kumakain.

“Bakit?” tanong ni Benz kay Emil.

“Aalis ako ngayon.” tila paalam ni Emil sa tonong wari bang siya ang amo.

“Aba at saan ka naman pupunta?” tanong ni Benz. “Hindi kita pinapayagan!” wika pa nito.

“Uuwi muna ako, kukuhanin ko lang iyong mga damit ko.” paliwanag pa ni Emil.

“Hindi!” madiing sagot ni Benz. “Maglinis ka muna ng unit ko.” haring utos ni Benz.

“Nakalinis na po kanina pa!” mapang-asar na sagot ni Emil.

“Labhan mo muna lahat ng damit ko, kurtina, bedsheets, lahat ng pwedeng laban! Pati underwear ko!” utos pa ulit ni Benz dito.

“Aba!” tanggi ni Emil. “Sumosobra ka na!” galit pa nitong wika. “Kadiri ka naman, pati underwear mo, kay laki mong tao underwear lang hindi malabhan.”

“Basta hindi!” sagot ni Benz na muling natutuwa sa ekspresyon ni Emil na pagkaasar.

“I changed my mind!” muling wika ni Benz.

Agad namang umaliwalas ang mukha ni Emil sa sinabing iyon ni Benz. “Talaga?” tila paninigurado niyang tanong.

“Oo naman!” sagot ni Benz na may nakakalokong ngiti.

“Mabait ka din pala kahit paano.” pang-aasar ni Emil.

Pagkatapos ngang makakain ay –

“Saan mo naman ba ako dadalhin?” tanong ni Emil kay Benz.

“Di ba sabi ko I changed my mind?” tila pang-aasar pa ni Benz dito.

“Oo nga, you changed your mind, ibig sabihin pinapayagan mo na akong makauwi muna.” saad ni Emil.

“No no no!” may nakakainsultong ngiti mula sa labi ni Benz. “Ayan, hindi ka kasi muna nagtatanong.” may paninisi pa sa tinig nito. “Tsk tsk tsk.”

“Anong kalokohan na naman ba yang tumatakbo sa kukote mo.” asar pang wika ni Emil.

“Malalaman mo din!” wika ni Benz saka biglang nagpreno na halos ikauntog na ni Emil at sinabayan pa ng tawa ni Benz.

“Nandito na tayo!” wika ni Benz nang tumapat na sila sa isang mall. “Baba ka na! Hintayin mo na lang ako dito.” saad pa nito.

“Ano naman ba kasi ang ginagawa natin dito?” yamot at sarkastikong tanong ni Emil kay Benz.

“Basta, samahan mo na lang ako.” giit ni Benz.

“Alam ko na!” waring nalinawanagang saad ni Emil. “Gagawin mo akong tagabitbit!”

“Galing naman!” pambubuska pa ni Benz. “Tama ka! Ayos nga ang porma mo, para ka talagang kargador.” sabay ang nakakainsultong tawa.

Nahiya naman si Emil nang mapansing shorts at muscle shirt lang ang suot niya at ni hindi man lang niya nagawang maghilamos o magsuklay. Iyon ang suot niya nang gabing tuluyan siyang itapon ng kanyang nanay palayo at ang suot niya nang magkita sila ni Benz at ang suot niya sa pagsalubong sa bagong taon.

“Ah ganun pala!” mahinang wika ni Emil saka pinatid ang tatawa-tawang si Benz.

“Anak ka ng!” nausal ni Benz na muntikan nang mapasubasob sa sahig.

Ngayon naman ay si Emil na ang tatawa-tawa at tila nabaligtad na ang sitwasyon.

“Ilan ba ang nahuli mo?” pambubuska ni Emil dito.

Nagtuloy-tuloy lang si Benz sa paglakad na tila hindi nakikita si Emil. Hindi niya inaasahan ang ganuong sitwasyon lalo pa at madaming tao ang nakakita at ngingiti ngiti pa.

“Sandali lang!” habol pa ni Emil.

Dire-diretso lang si Benz sa isang salon sa loob ng mall.

“Miss, please lang total make-over para sa kasama ko.” wika ni Benz sabay turo sa hihingal-hingal sa si Emil. “Haircut naman para sa akin.” habol pa ng binatang direktor.

“Ha?!” pagtataka ni Emil.

“Pasalamat ka at kahit pinahiya mo ako mabait pa din ako sa’yo.” wika ni Benz kay Emil.

Mabilis na hinatak ng mga staff si Emil at sinimulan ang make-over sa kanya. Samantalang si Benz naman ay sandali lang ginupitan at agad ding umalis at iniwan si Emil.

Pumasok si Benz sa isang kilalang clothes line at naghanap ng mga damit.

“Ano kaya ang bagay sa ugok na ‘yun?” tanong ni Benz sa sarili habang hawak ang limang piraso ng t-shirt at tatlong klase ng pantaloon.

“Miss!” tawag ni Benz sa sales lady.

“Yes Sir!” nakangiti at magalang na bati nito.

“Sa tingin mo alin ba dito ang babagay sa kaibigan ko?” tanong ni Benz dito.

“I’m sure sir, lahat ‘yan bagay sa kanya.” sagot ng sales lady.

“Mukha kasing yagit ‘un.” wika ni Benz. “Alam mo iyong itsurang salaula? Ganuon ang itsura nun.”

“Sir, clothe line po kami hindi plastic surgery.” nakangiting wika ng sales lady.

Tinitigan naman ni Benz ng matalim ang sales lady at may kalakip na mapaghamong ngiti.

“Joke lang Sir.” pagbawi naman ng sales lady.

“Alam mo pwede kang matanggal dahil sa sinabi mo.” wika pa ni Benz. “Pero dahil mabait ako, hindi na lang ako magsusumbong, basta ayusin mo ang pili para sa kaibigan ko.” pagbabanta ni Benz.

“Opo Sir.” nanginginig sa takot na sagot ng saleslady at saka sinunod ang utos ni Benz.

Ilang sandali pa at –

“Sir, heto na po.” nanginginig na wika ng sales lady sabay abot kay Benz ng isang polo shirt at isang pantalon.

“Good! I’ll take it.” wika ni Benz saka agad na nagbayad.

Bago umalis ay bumulong pa ito sa sales lady – “Ihanda mo na ang sarili mo pag hindi ito bumagay sa kanya.” wika ni Benz kasunod ang isang nakakalokong ngiti.

“Hay Benz!” wika ni Benz sa sarili. “Ang galing mo talaga, hindi ka na nahirapan pang mamili para sa ugok na ‘yun.”

Ilang sandali pa at nakabalik na si Benz sa salon na pinag-iwanan niya kay Emil.

“Miss, tapos na ba si Emil Buenviaje?” tanong ni Benz.

“Hindi pa po, pero malapit na naman.” sagot ng receptionist.

“Ipasuot n’yo na po sa kanya bago palabasin ah.” nakangiting saad pa nito habang iniisip ang itsura ng sales lady at ang takot nito at saka iniabot sa receptionist ang mga damit na binili.

Ilang minuto ding naghintay si Benz sa kung anong pagbabago ang nangyari kay Emil. Balak niyang umalis ulit para mag-ikot at maglibot sa mall nang –

“Sir Benz!” tawag ng stylist. “Tapos na po si Sir Emil.” pagbabalita pa nito.

“Good! Nasaan na?” tanong ni Benz.

“Nahihiya po kasi.” katwiran ng stylist.

“Kay arte naman!” wika ni Benz sabay tayo at agad na pumasok sa loob.

“Alam mo ikaw na Bien Emilio ka, saksakan ka ng arte. Ikaw na nga itong pinagmumukhang tao gumaganyan ka pa.” litanya nito kay Emil sabay hawak sa braso nito at hinila paharap sa kanya.

“Wow!” tanging nasambit ni Benz. Napahinto na muli ni Emil ang mundo ni Benz dahil sa malaking pagbabago nito. Nakaramdam ng kakaibang kaba si Benz sa kanyang nasaksihan. Hindi makapaniwala sa pagbabago ni Emil. Ang sabukot na buhok ay maayos na ngayon na ang gupit ay bumagay sa maamo nitong mukha. Sa tingin niya ay ang inosenteng mukha ni Emil dati ay lalong naging inosente subalit naging mas mapang-akit pa. Ang mga mata nito ay lalong napatingkad at mas naging kapansin-pansin sa kung sino man ang titingin. Ang mga labing mapupula ay nanatili at sa wari ni Benz ay mas higit na kahali-halina at katukso-tukso.

“Kasi naman!” inis na wika ni Emil. “Wala namang ganyanan.” sabi pa nito kay Benz.

“Hoy Benz!” sigaw ni Emil ng walang makuhang rekasyon kay Benz.

“Bakit?!” gulat na tanong ni Benz.

“Hindi bagay no.” wika ni Emil.

“Ayos nga eh.” napangiting pahayag ni Benz. “Kita mo na ang nagagawa ng make-up, ang yagit nagmumukhang tao.” pang-aasar ni Benz.

“Sir, wala pong make-up si Sir Emil.” paalala pa ng stylist.

“Tahimik ka na lang.” sagot ni Benz.

“Sorry Sir.” paumanhin pa nito.

“Tara na!” anyaya pa ni Benz kay Emil.

“Saan naman tayo pupunta?” tanong ni Emil.

“Basta, sumama ka na lang.” sagot ni Benz saka hinila si Emil palabas sa salon.

“Julian.” blangko ang mukhang nabanggit ni Benz pagkalabas nila sa salon.

“Ano ba Benz!” wika ni Emil at saka pa lang nakita kung sino ang kaharap nila ngayon.

“Wait lang ah!” bulong ni Emil sa sarili. “Parang pamilyar sa akin ang mukhang ito.” dugtong pa ng isip ni Emil saka inalala kung saan niya nakita ang pamilyar at gwapong lalaking kaharap nila.

“Long time no see.” wika ni Julian.

“Oo nga Julian.” may pilit na mga ngiting sagot ni Benz.

“Tama!” sigaw ulit ni Emil sa isip. “Si Julian nga, boyfriend ni Benz.”

“Sige Benz, una muna ako.” paalam ni Emil.

“Dito ka lang.” tila pagtutol ni Benz.

“Who is he?” tanong ni Julian kay Benz na ang tinutukoy ay si Emil.

“He is” hindi na natapos pa ni Benz ang sasabihin dahil –

“Emil!” tawag ng isang pamilyar na tinig na kaagad namang nilingon ni Emil ang tumawag sa kanya.

“Ken!” sagot na bati ni Emil kay Ken.

“Anong ginagawa mo dito?” tanong ni Ken kay Emil at sabay na inabot ang dalang ice cream kay Julian.

“You look stunning Emil.” mga katagang naglalaro sa isipan ni Ken na hindi naman niya magawang maibulalas dahil sa pagkamangha sa anyo ni Emil. Sa tingin niya ay kakaibang aura ang dala ni Emil. Ang kanyang kinababaliwang kababata ay mas lalo niyang kinahuhumalingan. Ang anyo nitong masarap yakapin, ang mga matang laging nangungusap at nang-aakit, ang mga labi nitong nag-aanyaya para mahalikan, ang mala-anghel na anyo, ang ngiting sapat na para siya ay matunaw.

“He is my newest buddy.” wika ni Julian sabay kapit sa braso ni Ken na ikinabigla naman ni Ken at ni Emil.

“Same here!” sagot naman ni Benz sabay akbay kay Emil. “Meet my lifetime partner.” nakangiting sagot ni Benz na mas ikinayanig ni Emil. “And we’re living together.” habol pa niya.

“Tinolang hilaw kang Benz ka!” wika ni Emil sa sarili sabay tingin kay Benz. “Baka maniwala si Ken, hindi pwede. Pero, si Ken, ipinagpalit na ako. Bobo ka kasing Emil ka. Paano ka naman napaniwalang mahal ka pa din ni Ken.” Sakit ang nararamdaman ni Emil sa kanyang natuklasan. Si Ken na kanyang unang minahal at hinintay ay heto’t may iba nang minamahal. Kahit na nga ba alam niyang may honey ito ay umasa ang puso niyang babalikan siya ni Ken dahil sa pakikitungo sa kanya. Dobleng sakit ang nasa puso niya dahil sa nangyari, umasa siya sa maling pagkakataon at nagtago ng pagmamahal sa maling tao. Nais na sanang umiyak ni Emil subalit doble ang pagpipigil niya na huwag itong mahalata nang kahit na sino.

Sa kabilang banda ay umiiyak ang puso ni Ken sa natuklasan niyang ang taong pinakamamahal niya ay pag-aari na ng iba. Hindi niya gusto ang nakikita at lalo pa ay hindi niya kayang tanggapin na wala na si Emil sa kanya at sa nakikita niya ay mahihirapan na siyang maangkin ang puso ng binata. “Emil! Paano mo ako nagawang ipagpalit sa iba! Hindi mo man lang ako hinintay na bumalik.” hikbi ng puso ni Ken.

“Julian, paano mo nagawang ipagpalit ako sa iba?” tanong ni Benz sa sarili na punung-puno ng paghihirap. Hindi niya inaasahang may kapalit na siya sa puso ng minamahal sa lugar na hindi naman niya talaga iniwan. “Bakit sa lahat, kay Ken pa na kinakapatid ko?” usal pa niya sa sarili.

“Sige, mauna na kami.” paalam ni Benz kila Ken at Julian na lalong inilapit si Emil sa kanya.

“Goodness!” agad na usal ni Ken kay Julian. “Bakit mo sinabi iyon?” tanong pa niya dito.

“Sorry tol!” paumanhin ni Julian kay Ken.

“Para ka kasing eman.” asar na wika pa ni Ken. “Paano kung maniwala iyong mga iyon?”

“Maganda!” nakangiting sagot ni Julian.

“Loko!” salag ni Ken at nagpahabol ng isang batok kay Julian. “Paano na lang ang carer ko?”

“Career?” tila may pagtataka mula kay Julian. “Kailan ka ba naging concern sa career mo? Sabihin mo na lang bakla ka.” sagot pa nito na may pahabol pang tawa.

“Hindi ka man lang nag-iisip.” asar pa ding anas ni Ken.

“Umamin ka nga sa akin Ken.” sumeryosong tanong ni Julian kay Ken.

Bumilis ang tibok ng puso ni Ken sa naging anyo ni Julian ay sa kung ano ang ipapaamin sa kanya nito. Paputol-putol siyang nagsalita – “Anong aaminin ko?”

“Si Emil ba ang sinasabi mong kababata na matagal mo ng hinahanap?” tanong ni Julian. “Si Emil ba ang sinasabi mong una at huling pag-ibig mo? Ang dahilan kung bakit ka nagtyatyaga sa showbiz?”

“Hindi ah!” maang ni Ken na lalong naging matindi ang kaba sa dibdib. Hindi siya handa na aminin kay Julian ang tungkol sa taong minamahal niya.

“Oh c’mon Ken.” giit ni Julian. “Your expressions show the answer.”

Nanatiling tahamik lang si Ken sa pagsukol sa kanya ni Julian.

“I saw the pain in your eyes nang malaman mong ang bagong partner ni Benz ay si Emil.” wika pa ulit ni Julian. “And your silence means yes.” habol pa ni Julian.

Tinitigan lang ni Ken si Julian at nakikiramdam sa kung ano man ang susunod na eksena.

“Alam mo, wala namang masama kung aamin ka.” wika pa ni Julian. “Kita mo, hindi ba’t simula pa lang ng relasyon namin ni Benz sinabi ko na sa’yo, lahat ng kwento namin alam mo. Hindi naman masama kung sasabihin mong kapareho din kita.”

“Yes, it is Emil.” may pag-aalangang sagot ni Ken. “He is the reason of everything. He is the reason of my incompleteness, my melancholic nights, my sadness and my heart’s weary emotions.” sagot pa ni Ken. “Kahit hindi kami nagkakasundo ni papa, pinili ko pa ding bumalik sa Pilipinas at iwan si mama sa states dahil gusto ko siyang makita at tumupad sa pangako ko sa kanya. Kahit ayoko, pumasok ako sa pag-aartista dahil alam kong pinakamadaling paraan ito para magtagpo kami.”

“Ken.” tila blankong wika ni Julian.

“But unluckily, iba na pala ang mahal niya.” naluluhang wika ni Ken. “Nagsisisi ako kasi may pagkakataon na ako pero pinili ko pa ding manahimik. Nagsisisi ako kasi naunahan na ako ng iba. Nagsisisi ako kasi may sumalo na sa kanyang iba. Ang gusto ko lang namang mangyari nuong una ay hayaan na muna siyang gawin lahat ng gusto niya. Gusto ko lang na ingatan muna ang image ko pati na ang image niya. Ayokong dumanas kami ng pre-judgment mula sa mga tao, kaya kahit gusto ko na siyang yakapin ay pinipigilan ko ang sarili ko at nagpapanggap na hindi ko siya naaalala. Pero sana hindi ko na lang pala ginawa iyon, sana hindi ako naunahan ni Kuya Benz.”

“Ken, don’t blame yourself.” pang-aalo ni Julian. “Hindi mo ba nakita iyong reaksyon niya kanina?” tila pagtatanong pa nito. “He was hurt Ken!” wika pa nito. “I saw the pain, I felt it, nung sabihin kong buddy na kita. He was hurt Ken.” saad pa din ni Julian. “It only means mahal ka pa din ni Emil.” nakangiti nitong pagwawakas.

Napatitig naman si Ken kay Julian. Sa totoo lang ay hindi niya ito napansin dahil ang inintindi niya ay ang sakit na nadarama niya. Hindi niya nabigyang ng atensyon ang reaksyon ni Emil dahil tinabunan na ito ng sakit na biglaan niyang naramdaman.

“The only thing we need to do is to bring them apart, away from each other.” tila suhestiyon ni Julian kay Ken. “Alam mo, I still love Benz, kaya lang naman ako nakipaghiwalay kasi gusto kong marealize niya na may pagkukulang na siya sa akin. Hindi ko naman inaasahang may ipapalit na siya agad.” pagkukwento naman ni Julian.

“Do you really think that it is a good idea na paghiwalayin sila?” tila may pag-aalinlangang tanong ni Ken.

“Yes!” walang dalawang isip na sagot ni Julian. “That is the only way para makuha mo si Emil at bumalik sa akin si Benz.”

“But how? Paano natin sisimulan?” may pagdududa pa din kay Ken.

“Ituloy na natin ang nasimulan. Magpanggap na tayong, tayo na nga talaga. Sa tingin ko ito ang pinakamagandang simula ng plano natin.” wika pa ni Julian.

“I am not so much in favor with your plan, pero for the sake of my Emil, sige pumapayag na ako.” pag-sang-ayon ni Ken sa plano ni Julian.

“Good!” nakangiting sagot ni Julian. “Very good!”


[10]
Almost There

“Ah, Emil!” simula ni Benz habang nasa loob sila ng sasakyan.

“Bakit?” tanong ni Emil na may matipid na ngiti.

Matapos ang pagtatagpo nilang apat ay nag-aya nang umuwi si Benz. Hindi niya inaasahan na bigla na lang bubulaga sa harap niya si Julian at ang mas higit pa dito ay hindi niya alam kung papano ito ipapaliwanag kay Emil. May pangamba sa kanya na baka magbago ang pagtingin ng binatang scriptwriter sa kanya. Isa pa ay nasaktan din siya sa nakitang ang Julian na dating sa kanya ay napunta na sa iba. Nawala na din ang lahat ng pag-asa niya na magbabalik sa kanyang piling ang binata. Ayaw niyang masira ang relasyon ni Julian sa kinakapatid niyang si Ken at higit pa ay ayaw niyang masaktan si Ken kung mababawi niya si Julian dito. Hindi niya alam kung ano sa dalawang problema ang una niyang haharapin – ang pagpapaliwanag ba kay Emil ng katotohanan o ang tuluyang pagkalimot kay Julian.

Si Emil naman ay nasa gitna pa din ng pag-iisip sa kung ano ang nangyari kanina. Patuloy at paulit-ulit na umaalingawngaw sa kanyang diwa ang – “He is my newest buddy!” na sinabi ni Julian. Mga katagang mitsa kung bakit tila nawalan na ng gana ang puso niya para asahang may mapapala pa ang paghihintay niya kay Ken.

“Iyong sa nangyari kanina.” tila nahihiyang simula ni Benz kay Emil.

“Alam ko na ‘yun.” nakangiti pa ding sagot ni Emil.

“Ano kasi, hindi iyon tulad ng iniisip mo. I mean, please, magpapaliwanag muna ako.” nagkakanda-utal na wika ni Benz.

“Direk!” tila pagpapakalma ni Emil sa nabubulol ng direktor. “Matagal ko ng alam na lalaki si Julian.”

“Paano?” nagulat na tanong ni Benz sa hindi inaasahang sagot ni Emil.

“Remember the day I left LD? I mean, nung pinalayas mo ako sa LD?” simula ni Emil. “Actually, I was in the car habang nag-uusap kayo ni Julian. That time, I was looking for my phone and iyon nga, sumakay kayo sa loob ng van.”

“Huh?” naguguluhan man ay pinilit alalahanin ni Benz ang nangyari nun. “Baka naman sinundan mo lang kami?” may pilyong timbre sa tinig ni Benz.

“Hello! Kung sinundan ko kayo dapat kayo ang nauna sa van.” pambabara ni Emil kay Benz. “Ako kaya ang naunang sumakay sa van.” halos magsalubong ang kilay na pahabol pa ni Emil. “Pasalamat ka pa nga kasi hindi ko ipinagkalat.” pagkasabi ay biglang tumulis ang nguso nito.

“Okay! Wag ka nang magalit.” sabi pa din ni Benz. “Salamat for keeping my secret a secret.”

“Direk, hindi naman sa nanghihimasok ako sa buhay mo.” pag-iiba ni Emil sa usapan. “I guessed this is the time for you to move on.” suhestiyon nito. “I mean, learn to live without Julian and start a brand new life.” paglilinaw pa ng scriptwriter.

“Alam mo writer ka nga, magaling kang magpayo.” tila papuri ni Benz kay Emil. “Pero, sana alam mo ding mahirap gawin iyang sinasabi mo.” pagbaligtad niya sa sitwasyon.

“Mahirap pero magiging madali kung gugustuhin mo at sisikapin mo.” wika ni Emil.

“Sige na, kunin mo na mga gamit mo sa inyo.” pagmamaniobra ni Benz kay Emil. “Balak ko pa namang ilibre ka ng mga bagong damit, kaso tinamad na akong bigla.” may pilit na ngiting wika pa nito. “Here is the duplicate key ng unit. Baka mauna kang makauwi, gagabihin kasi ako.” pahabol pa ni Benz na tila may nais ipakahulugan. “Dun ka sa isang kwarto matulog, wag sa sala, baka kasi magkasakit ka pa.”

“Umuwi ka ng maaga.” tanging nasambit ni Emil, sa palagay kasi niya ay alam na niya kung saan ang lakad ni Benz. Bumaba na din ng sasakyan si Emil at umuwi sa kanila.

Sa Bulacan, sa bahay ng Ninong Mando ni Emil –

“Kuya Emil!?” masayang bati ni Vanessa sa kinakapatid na sa wari ba’y naninigurado kung si Emil nga ba iyon.

“Oi, wag kang masyadong maingay.” pabulong na wika ni Emil.

“Ikaw nga Kuya! Buti na lang at bumalik ka. Alam mo ba, napakalungkot ni Kuya Vince kagabi.” tila nadulas na wika ni Vanessa. “Ibig kong sabihin kami pa lang lahat malungkot.” pagbawi naman niya.

“Ako din naman malungkot kagabi.” saad ni Emil. “Hay naku Vince, kung hindi lang talaga kita kakilala, iisipin kong may gusto ka sa akin.” wika naman ni Emil sa sarili.

“Teka tatawagin ko lang si Kuya Vince saka sina tatay.” sambit ni Vanessa at saka tumakbo palabas ng bahay. “Tiyak na magugulat iyon sa itsura mo ngayon.”

“Kuya! Kuya!” tawag pa nito.

Samantalang agad na umupo si Emil sa may bintana kung saan ay kitang-kita niya ang kanilang mumunting kubo. Nakita din niya ang ina na masayang-masaya na tila ba ay ipinagdiriwang pa nito ang pagkawala niya. Labis na sakit ang unti-unting nararamdaman ni Emil sa mga oras na iyon. Hindi niya maikukubli pa sa sarili na talagang wala nang pakialam sa kaniya ang ina. Ibig niyang lumuha sa mga bagay na pumapasok sa isipan niya subalit labis din naman ang pagpipigil niya sa sarili dahil sa ayaw niyang madatnan nang kanyang ninong na umiiyak.

Sa kabilang bahagi naman ay –

“Kuyyaaaaa!” isang nakakabinging tawag ni Vanessa nang marating na nito ang tinatambayan ni Vince.

“Bakit na naman ba?” asar na wika ni Vince sa kapatid.

“May artista sa bahay.” masayang pagbabalita ni Vanessa kay Vince.

“Gago! Umayos ka nga!” sagot ni Vince.

“Isusumbong kita kay tatay, minura mo ako.” may pagtatampo pa sa tinig na wika ni Vanessa. “Para joke lang.”

“May pajoke-joke ka pa kasi!” agad na sagot ni Vince.

“Si Kuya Emil nasa bahay na!” saad ni Vanessa sa masiglang paraan.

Hindi na kinumpirma pa ni Vince kung totoo ang sinabi nang kapatid dahil agad na siyang tumakbo pauwi. “Emil! Sa wakas bumalik ka na! Masasabi ko na sa iyo lahat! Masasabi ko na sa iyo lahat-lahat.” wika niya sa sarili.

“Kuya! Wag excited! Hintayin mo ako!” habol ni Vanessa.

“Istorbo ka lang! Maiwan ka na lang.” walang lingon niyang sabi sa kapatid.

Pagkadating ni Vince sa bahay ay agad siyang pumasok, napangiti naman si Vince sa nakitang totoo ang sinasabi ni Vanessa. Ang malungkot niyang puso ay muling napasaya nang masilayan ng kanyang mga mata ang taong nais niyang makita. Nakatalikod ito sa kanya at sa wari niya ay nakatingin sa kabilang bahay – ang kanilang bahay.

“Emil!” mahinang usal ni Vince.

“Bakit?” agad na nagpahid ng luha si Emil at saka dahan-dahang lumingon. Pinintahan din niya ng mga ngiti ang labi upang pagtakpan ang sakit na muling nagbalik sa kanya.

Biglang napahinto si Vince sa nakita. “Emil! Ikaw ba talaga iyan?” wika ni Vince sa sarili. Namangha sa siya sa anyo ng Emil na nasa harap niya. Ang mapang-akit na mata ni Emil na mababakasan ng lungkot ay lalo at higit pang naging mapang-akit para sa kanya. Ang mga labi nitong ninais niyang maangkin ay heto’t higit siyang tinutukso upang ariin. Higit pang nadagdagan ang kakaibang aura ni Emil dahil sa bikas nito ngayon. Oo! Matagal nang may gusto si Vince sa kababatang kinakapatid. Ngayon ay nasisigurado na niyang mahal niya ito subalit wala siyang lakas ng loob para umamin at aminin kung gaano niya kagustong makasama ito habang-buhay. Sa una ay pilit niyang nilalabanan ang ganuong damdamin para kay Emil. Ang pagpigil sa damdaming iyon ay humantong sa panliligaw niya sa iba’t-ibang mga babae at pagkakaroon ng kabilaang girlfriends. Hindi naman siya nahihirapang makahanap ng mga syota dahil sa itsura nitong artistahin, may matangos na ilong, mga matang tila ba laging kumikislap, ang mga labing mapupula na tawag atensyon at higit pa ay ang morenong kulay na bumabagay sa matipunong katawan. Ang pinakahuli na nga niyang relasyon ay ang kay Jona na malapit na kaibigan ni Emil, ito ang nakapansin na si Vince ay may lihim na pagtingin at pagmamahal para kay Emil. Hindi naging sarado ang isipan ni Jona sa bagay na iyon kung kaya’t siya na ang naging tagapayo ni Vince para ilahad ang tunay na laman nang puso at ito na ang naging katapusan ng kanilang relasyon bilang magsyota.

“Hoi!” tila naiinip na sigaw ni Emil. “Hindi ba bagay sa akin?” tanong pa ni Emil.

Nagulat si Vince sa sigaw na iyon ni Emil. “May artista nga!” tanging naibulalas niya.

“Loko! Artista ka d’yan.” pagsalag ni Emil saka nilapitan si Vince.

“Ah, eh, kumain ka na ba?” naging aligagang tanong ni Vince sa kinakapatid.

“Kaya nga ako umuwi kasi nagugutom ako.” birong wika ni Emil.

“Kasi naman pinapauwi, hindi ka umuwi.” tila may pagtatampong wika ni Vince.

“Sorry naman!” sagot ni Emil. “Siyempre, para mamiss naman ninyo ako.” sagot pa nito.

“Iyan ang bagay sa’yo.” wika ni Vince sabay batok kay Emil na may kasamang nahinang tawa. “Kung alam mo lang Emil, lagi kitang namimiss at naaalala.” sa loob-loob ng binata.

“Di ba may sasabihin ka kagabi?” pagtatanong ni Emil kay Vince.

“Ako?!” muling bumilis ang pagtibok ng puso ni Vince nang maalalang may ipagtatapat ito kay Emil. “Wala!” maang na sagot ni Vince. “Hindi na tayo bagay Emil! Kahit nuon pa man ay hindi na talaga tayo bagay higit pa ngayon. Sa itsura mo, sa bikas mo? Siguradong madaming mas higit pa sa akin ang makikilala mo, ang magkakagusto sa’yo.” sa loob-loob ni Vince.

“Emil, hijo!” simulang bati ni Mang Mando.

“Ninong!” wika ni Emil sabay na pagmamano.

“Aba!” gulat na wika ni Mang Mando. “Anong ginawa mo sa sarili mo at ganyan ang itsura mo?” tanong pa nito.

“Ano po kasi ninong, basta mahabang kwento.” saad ni Emil.

Sa kabilang bahagi naman ng Pilipinas, matapos niyang ihatid sa sakayan ng bus si Emil ay agad siyang tumungo sa lugar kung saan sila nagkakilala ni Julian. Umupo siya sa upuan, sa eksaktong upuan kung saan tumawag ng pansin sa kanya ang lalaking nagpatibok ng kanyang puso. Unang lalaking minahal niya ng lubos at ang huling pag-ibig na akala niya ay hindi na matatapos ngunit ngayon ay malinaw na nabigyan ng tuldok.

“Benz?” tawag ng isang lalaki kay Benz at agad itong lumapit sa kinaroroonan ng binatang direktor.

“O Vaughn ikaw pala!” bati ni Benz sa binata. “Anong ginagawa mo dito?” tanong pa nito kay Vaughn.

“Adik ka ba? Sa amin kaya ‘tong theme park na ’to at ako din ang head dito.” sagot ni Vaughn. “Ikaw? Anong ginagawa mo dito?”

“Namamasyal para kumita naman kayo.” pagbibiro pa ni Benz.

“Sira!” saad ni Vaughn. “Sa tagal ba naman nating magkakilala lolokohin mo pa ako.”

Si Vaughn ay classmate ni Benz sa high school sa isang sikat at kilalang university sa bansa. Naging matalik na magkaibigan at magkabarkada. Si Vaughn din ang naging dahilan kung bakit sila nagkakilala ni Julian at iyon ay naganap ng minsang ayain siya ni Vaughn na sumama sa kanya sa theme park na pag-aari nila. Si Vaughn ang best friend ni Julian. Alam ni Benz na may bahid si Vaughn, alam at pansin niya nuong una pa lang na silahis ang kaibigan subalit tanggap niya lahat ng iyon. Sa una’y hindi niya maamin sa sariling mahal na niya si Julian kaya nga umabot pa ng pitong taon mula ng magkakilala sila bago maging sila. Si Vaughn ang tumulong sa kanya para tanggapin sa sarili na nagmamahal siya ng kapwa lalaki.

“Si Julian ba?” tanong ni Vaughn.

Nanatiling tahimik si Benz at walang imik.

“Tama ako si Julian nga!” naliwanagang saad ni Vaughn. “Ano naman ba ang nagyari?” tanong pa nito.

“Akala ko may pag-asa pa kami.” tila biting simula ni Benz. “Wala na pala talaga. Pare, napakadali niya akong palitan. Sobrang bilis, wala pang isang buwan may kapalit na ako.” mangiyak-ngiyak na tila pagsusumbong ni Benz.

Agad namang hinagod ni Vaughn ang likuran ni Benz na wari bang inaalo niya ang kaibigan.

“Masakit pa pare, kinakapatid ko ang ipinalit niya sa akin. Nakakagago nga, hindi ko kayang bawiin si Julian sa kanya kasi ayokong masaktan siya. Pero ako? Heto, hirap na hirap, hindi ko alam kung paano magsisimula.” si Benz ulit.

“Lahat na ng alam ko para maging masaya siya ginawa ko, pero dahil lang sa minsang nagkulang ako sa kanya nakipaghiwalay na siya sa akin at ipinagpalit na ako kaagad sa iba.” si Benz pa din. “Pare, sa isang taong tumatakbo ang relasyonn naming, kahit siya ang may kasalanan ako pa din ang humihingi ng sorry. Kahit na pride ko nilunok ko na para sa kanya, lahat ng gusto niya pinagbigyan ko. Lahat pare! Ginawa ko lahat!” tila panunumbat pa ni Benz.

“Pare, kung iniwan ka na niya, move on! There should always be a room for moving on. Kung iniwan ka niya at iiyak ka lang di’yan, you are making your life miserable. Talo ka ng dalawang beses, iniwanan ka na nga, umiiyak ka pa. Hindi iyon babalik sa’yo kung magmumukmok ka lang sa sulok at aatungal, iiyak, ngangawa. Walang mangyayaring maganda sa buhay mo kung ganyan ang gagawin mo. Learn to accept na hindi kayo para sa isa’t-isa.” tila habilin ni Vaughn kay Benz.

“Pare, mahal na mahal ko si Julian. Nag-iisa lang siya sa mundo.” giit pa din ni Benz.

“Tama! Nag-iisa lang si Julian sa mundo at hindi ka na magmamahal ng katulad ng pagmamahal mo sa kanya.” sang-ayon ni Vaughn. “Come to think of it! Bakit ka maghahanap ng kagaya ni Julian kung mayroon namang ibang tao na mas angat kaysa sa kanya. He is not the best in the world, maybe yes para sa’yo kasi mahal na mahal mo siya at talagang hindi ka makakakita ng mas higit sa kanya kung bubulagin ka pa din nang pagmamahal mo para sa kanya. Bakit ka magmamahal ng katulad ng pagmamahal mo sa kanya kung pwede ka namang higit na magmahal ng iba.” tutol naman ni Vaughn sa sariling inayunan.

Muling naging tahimik ang pagitan ng dalawa.

“Sige na pare alis na ako. May meeting pa ang mga staff ko and they need my presence.” paalam ni Vaughn sa binatang direktor.

“Salamat pare, salamat sa pagdamay.” pasalamat ni Benz.

“Welcome!” nakangiting sagot ni Vaughn. “Basta, be open for changes, malay mo nasa tabi-tabi lang pala ang hinahanap mo.” makahulugang wika ni Vaughn saka tuluyang iniwan ang kaibigan.

Nilibot pa ni Benz ang buong theme park at duon na nagpaabot ng dilim. Pagkagaling sa theme park ay sa isang bar siya dumiretso para muli ay magpakalunod sa alak. Walang hanggang pag-inom ang ginawa niya.

Sa unit naman niya ay maagang nakabalik si Emil at tulad nga ng inaasahan ay walang Benz na inabutan ang binatang scriptwriter.

“Nasaan na kaya iyong salbaheng emo na ‘yun?” naiinip at pag-aalala ni Emil para kay Benz.

Ilang oras din siyang nag-aabang sa pag-uwi ni Benz subalit nagdikit na ang araw ay wala pa din ni anino o tawag man lang mula dito. Ipinagluto ni Emil si Benz ng masarap na hapunan nang sa ganuon, kahit sandali ay mawala sana ang kalungkutang mula dito. Nagtyaga si Emil na hintayin ang direktor. Ang nais lang naman niya ay madamayan ito para kahit papaano ay mabawasan ang sakit na nadarama ng direktor. Inaantok man ay pinipigilan niyang makatulog para kung sakaling dumating si Benz ay siya na ang sasalubong. Inabot na ng umaga, pilit pa ding nilalabanan ni Emil ang antok, kahit na nga ba gusto ng bumigay ang buo niyang katawan ay may kung anung lakas na nagpapanatili sa kanyang nakabangon.

“Alas-tres na wala pa din!” nag-aalalang saad ni Emil. “Magkasama nga kami sa trabaho dati, wala naman akong number niya at magkasama nga kami sa bahay, hindi ko man lang nakuha ang number niya.” tila paninisi ni Emil sa sarili.

Pamaya-maya pa ay dumating na din sa wakas si Benz na langong-lango sa alak.

“Sobra ka naman kung makainom!” pambungad ni Emil saka inalalayang pumasok sa loob si Benz.

Nawala ang antok ni Emil ng mga oras na iyon. Bumalik ang sigla niya at inasikaso si Benz na ngayon nga azy diretso nang bumagsak at tila wala ng malay.

Pinunasan ni Emil ang buong katawan ni Benz, puno ng pag-aalala ang puso ni Emil para sa binatang direktor. Nagkaroon ito ng puwang sa puso niya at hindi niya namamalayang may isang damdaming unti-unti ng umuusbong sa kanya. Pinagtyagaan din niyang buhatin ang direktor papunta sa kwarto nito at duon niya pinalitan ang damit nito.

“Loko ka! Papakalasing ka hindi naman pala kaya!” nangingisi pang wika ni Emil.

Kinaumagahan –

“Anong ginagawa ng mokong na iyan dito?” nagtatakang simula ni Benz nang makita si Emil na natutulog kasama niya. Iyon nga lamang ay nakalupasay ito sa sahig at ang ulo lang ang nasa kama.

Nasa akto ng huhubarin ni Benz ang damit subalit –

“Ito ba ang suot ko kagabi?” nagtataka niyang tanong sa sarili saka napalingon kay Emil.

Napangiti siya sa kung anuman ang naiisip niyang nangyari nung gabi. Nagkaroon ng kakaibang ngiti sa kanyang mga labi sa isiping ang binatang kaharap niya ngayon ang may kagagawan ng lahat ng ipinagtataka niya. Ang tanging posibleng umasikaso sa kanya at nag-alaga sa kanya ng nakaraang gabi. Hindi maipaliwanag ni Benz kung bakit ganuon na lang ang ligayang nadarama niya at ang mumunting kiliti na nagiging dahilan para maging maganda at masaya ang kanyang umaga.

Maingat niyang binuhat si Emil at hiniga sa kama, inayos ang pagkakahiga at saka niya ito tinitigan. Patagilid din siyang humiga sa tabi nito at nanatiling nakapako ang kanyang paningin sa maamong mukha ni Emil. Dahan-dahan din niyang hinimas ang mga pisngi nito at pinadaanan ng mga daliri ang mga mata, labi at ilong ni Emil.

Mahina din siyang bumulong – “Baka nga tama si Vaughn, baka nasa tabi ko lang pala ang tunay kong kaligayahan pero hindi ko lang makita dahil binubulag ako ng pagmamahal ko kay Julian. Emil, ikaw na ba iyon? Pero hindi, hindi ko muna sasabihin hangga’t hindi pa ako sigurado. Ayokong masaktan ka pag sa bandang huli ay mali pala ako ng akala. Hindi mo din pwedeng malaman lalo’t higit nasa proseso ako ng moving-on.” nangingiting dugtong pa niya.

Habang nahihimbing naman sa pagkakatulog si Emil ay agad namang bumangon si Benz at lumabas sa kwarto. Tanghali na ng magising si Emil, tila walang pakialam at walang pagtatakang mababakas sa kanya ay agad siyang bumangon.

“Benz!” tawag ni Emil.

“Goedemiddag!” bati ni Benz kay Emil.

“Anung nangyayari sa’yo?” tanong ni Emil kay Benz at tila nagtataka siya sa nakikita.

“Ipinaghanda ka ng makakain.” masiglang tugon ni Benz.

“Teka sandali.” wika ni Emil saka lumapit kay Benz. “May sakit ka yata.” pagkasabi ay saka niya sinalat ang noo ng direktor.

Hinawakan naman ni Benz sa kamay si Emil saka iniupo. “Basta, maupo ka na lang at hintayin mo na ang lunch mo.”

Napangiti na lang si Emil sa ginagawa ngayon ni Benz sa kanya. May bahagi sa puso niya ang bumubulong subalit sa sobrang hina ay hindi pa niya maintindihan. “Kung sana lagi kang ganito, e di magkakasundo tayo.” wika ni Emil sa sarili.

“Ah Emil!” simula ni Benz sa usapan habang kumakain sila. “May gagawin ka ba ngayon?” tanong ni Benz kay Emil.

“Wala naman.” agad na sagot ni Emil. “Bakit?” tanong pa niya.

“Kasi di’ba hindi tayo natuloy kahapon.” si Benz ulit.

“Oo, ayos lang iyon.” sagot ni Emil.

“Ayain sana kita ulit.” saad ni Benz na may isang simpatikong ngiti.

“Sige ba.” walang pagdadalawang-isip na tugon ni Emil. “Basta ba hindi ka mang-iiwan.” tila pasaring na habol niya.

Isang nakakalokong ngiti lang ang sinagot ni Benz kay Emil.

“Sir Benz may delivery po para sa inyo.” sabi sa telepono ng isang staff kay Benz.

“Pakikyat na lang dito kung pwede.” sagot naman ni Benz.

Nagtataka man ay hinintay na lang ni Benz kung ano ang delivery niya. Hindi na nga nagtagal at dumating na ito sa unit niya at agad din namang binuksan.

Isang bote ng white wine ang laman ng package at may kasama pang note na ang laman ay –

“Thank you for the last night. I enjoyed you and Mark. Love Liz.”

Biglang napaisip si Benz sa kung ano ang nabasa. Ngunit higit pa ay ang pakukubli niya at paglamukos sa note na iyon dahil sa takot na mabasa ito ni Emil.

“Anung sabi sa note? Saka kanino galing.” usisa ni Emil.

“Wala ito.” kinakabahang sagot ni Benz dahil sa totoo lang ay hindi na malinaw sa kanya ang kung anumang nangyari nuong gabi.

“Hindi nga? Pabasa nga.” wika ni Emil saka tumayo at nilapitan si Benz.

“Wag na.” giit ni Benz na agad na lumayo.

“Para babasahin lang.” tila may tampo na sa tinig ni Emil.

Pilit na iniisip ni Benz kung sino iyong Mark at Liz na nakalagay sa note. Kahit na nga ba lasing na lasing siya ay alam pa din niya kung ano ang nagyayari sa kanya at kung sinu-sino ang kinakausap niya. Higit pa duon ay hindi siya para sa one-night stand lang o kaya naman ay sa mga hook-ups at wala pang nagyayaring ganuon sa buhay niya.

“Sa wakas nakuha ko din!” sigaw ni Emil ng mapasakamay niya ang note na nilamukos at tinapon ni Benz.

Biglang kinabahan si Benz sa nangyari. Mabilis niyang bawi kay Emil, subalit tumakbo ang binatang scriptwriter kung kaya’t hindi na niya ito naagaw pa.

“Thank you for the last night. I enjoyed you and Mark. Love Liz.” binasa ni Emil ang note sa simula ay malakas at mataas na tono subalit naging pababa na makikitaan ng pagkabigla hanggang sa matapos.

“Okay Emil please listen to me!” tila pagpapaliwanag at pakiusap ni Benz na pakinggan siya. “Hindi ko kilala kung sino si Liz o kung sino si Mark. Yeah, I have a friend named Mark pero hindi pa kami nagkikita almost a month na. Baka nagkamali lang ng address or ng unit address. Besides, hindi ko gawain ang one-night stand or hook ups.” may pagmamakaawa sa tinig ni Benz.

“Bakit ka nag-eexplain?” may pilit na ngiting tugon ni Emil. Sa katotohanan lang ay nakaramdam siya ng hindi maipaliwanag na kirot dahil sa nabasa niya. Biglang sumakit ang kung anumang nasa puso niya. Naguguluhan siya, alam niyang wala siyang karapatan na makaramdam ng ganuon subalit ito ang dinidikta ngayon ng puso niya sa kanya.

“Please Emil, sana maniwala ka. Ayokong maiba ang tingin mo sa akin.” buong sinseridad na wika ni Benz at saka nito hinawakan sa mga kamay si Emil at tinitigan sa mga mata. “Please!” ulit pa niya.

Isang matipid na ngiti lamang ang sinagot ni Emilk kay Benz. Isang ngiti na lumalarawan sa pait na unti-unting bumabalot sa katauhan niya. Pinipilit niyang maniwala sa paliwanag ni Benz at pinipilit niya ang sariling intindihin kung ano ba ang nararamdaman niya.

“Bihis ka na ng makaalis na tayo.” aya pa ni Benz kay Emil.

Nanatiling walang imik si Emil sa loob ng sasakyan hanggang sa makarating sila sa mall.

“Hintayin mo ako dito magpapark lang ako.” wika ni Benz kay Emil na ibinaba niya sa entrance ng mall.

Tumingin si Emil sa itaas at napansin niya ang mga naglilinis ng salamin. Nawili siyang titigan ang mga ito hanggang sa –

“Tumabi ka!” aniya ng isang lalaki sabay yakap kay Emil palayo. Kasunod nito ay ang pagbagsak ng dalawang timba ng tubig at mga basahan.

Napapikit si Emil sa nangyari. Hindi niya inaasahan ang ganung bagay. Natakot? Oo, natakot siya. Mabilis ang naging tibok ng kanyang puso, halos ikamatay na niya ang nerbiyos dahil sa nangyari. Unti-unti niyang idinalat ang mga mata na lalong naging sanhi ng pagbilis ng tibok ng puso niya.

Ang lalaking nagligtas sa kanya ay ngayong nakapatong sa ibabaw niya habang nakayakap pa din. Nakatitig ito sa kanya at ang mga mata ay nakapako na sa kanyang mukha, nakangiti na tila ba may nais ipakahulugan.

“Ayos ka lang ba?” tanong ng lalaki kay Emil.

“Oo, ayos lang ako.” sagot ni Emil na napanatili ang posisyon nilang dalawa. “Salamat nga pala Ken.” dugtong pa nito.

Hindi maigalaw ni Emil ang sariling katawan dahil sa kakaibang kabang dinala sa kanya ng presensiya ni Ken. Sa wari niya ang matutunaw siya sa titig nito sa kanya at ang mga ngiting nagpapalutang sa kanya ngayon sa alapaap. Napahinto ng binatang aktor ang mundo niya na tila ba sila lang ang tao ngayon sa daigdig at walang ibang nakakakita sa kanila. Sa wari niya ay nais niyang manatili sila sa ganuong posisyon hanggang sa matapos na ang walang-hanggan. Ang pagkakadikit ng katawan nila ay nagbigay sa kanya ng kakaibang kuryente na unti-unting dumaloy sa buo niyang katawan na naging sanhi para ang takot na mararamdaman niya kanina ay mapalitan ng kakaibang saya at ligaya.

Hindi nila alintana na madaming tao ang ngayon ay nakatingin sa kanila dahil maging si Ken ay ayaw na matapos ang oras na iyon. Nais ng binatang artista na manatili sila sa ganuong ayos hanggang sa kanilang huling-hininga. Masaya siyang maramdaman ang init na mula sa katawan ni Emil at kakaibang kiliti din ang nararamdaman niya kapag tumatama sa mukha niya ang hanging lumalabas mula sa binatang scriptwriter.

Sa kabuuan ng pangyayari, hindi nila pansin na may isang taong nakamasid ngayon ay labis na nakakaramdam ng kirot sa nakikita.

“Sir ayos lang po ba kayo?” tanong ng guard sa dalawa.

“Ayos lang.” sagot ni Ken saka bumangon. Inalalayan din niya na makatayo si Emil.

“Dahan-dahan lang.” nag-aalalang wika pa ni Ken.

“Anong nangyari?” pambungad na tanong ni Benz sa dalawa na humahangos at humihingal pa.

“Wala, muntikan lang kasi na malaglagan si Emil ng timba.” sagot ni Ken.

“Wala tapos muntikan.” sarkastikong sagot ni Benz.

“Ayos ka lang ba?” nag-aalalang tanong ni Benz kay Emil.

“Oo, salamat na lang at nailigtas ako ni Ken.” wika ni Emil na hindi magawang tingnan si Ken dahil sa hiya.

“Walang anuman.” sagot ni Ken.

“Salamat Ken.” pilit na pasalamat ni Benz kay Ken.

“Saan nga ba kayo pupunta?” tanong pa ni Ken.

“Ibibili ko sana ng gamit si Emil.” agad na sagot ni Benz.

“Pwede ba akong sumama?” tugon ni Ken na may pahabol pang mapanghamon at nakakagagong ngiti.

“Sure, bakit hindi.” sagot naman ni Benz na halatang napipilitan lang.

Hindi pa man sila tuluyang nakakapasok sa loob ng mall ay –

“May lakad nga pala ako ngayon.” tila naalala ni Ken.

“Ganuon ba? Sige unahin mo na iyon.” umaliwalas ang mukhang tugon ni Benz.

“Sige, mauna na ako at baka magalit na naman si papa sa akin.” paalam pa ni Ken sa dalawa at saka ito tuluyang umalis na.

“Buti naman ang wala ng asungot.” saad ni Benz sa sarili.

Matagal ding naglibot sina Emil at Benz sa loob ng mall. Nanatiling tahimik ang dalawa, walang imikan. Hanggang sa may pumasok na isang bagay sa kukote ni Benz.

“Tara sa bahay?” aya ni Benz kay Emil.

“Huh?!” naguguluhang sagot ni Emil.

“Papakilala kita kila papa.” saad pa ni Benz saka hinatak si Emil papalabas na mall.

Sa bahay nila Benz sa Laguna –

“Anak, wala ka man lang pasabi na uuwi ka pala.” tila gulat na bati ng mama ni Benz.

“Pasensiya na po hindi po ako nakadalaw kahapon. Kaya ngayon na lang po ako umuwi.” tila paumanhin pa nito.

“Ayos lang iyon, at least naalala mo pa ding umuwi.” nakangiting wika ng mama ni Benz.

“Aba ang kumag biglang naputulan ng sungay!” bulong na tila tukso ni Emil para kay Benz.

“Nga pala ma!” si Benz ulit. “Meet Bien Emilio Buenviaje.” nakangiting pakilala ni Benz kay Emil.

“Good evening po ma’am.” nahihiyang bati ni Emil sa mama nito.

“Nice to meet you Emil. Halina kayo at pumasok na kayo.” anyaya pa ng matanda sa dalawa.

Namangha si Emil sa ganda ng bahay nila Benz. Hindi niya inaasahan na mas maganda pa pala ang loob nito kaysa sa akala niya. Kung sa labas ay talagang namangha na siya dahil sa napakalaking istruktura at malawak na hardin na may private pool pa, mas kamangha-mangha pala pag nakapasok ka na mismo sa loob nito. Mga gamit na maayos na nakalagay at nakapwesto sa bawat lugar, mga makakapal na kurtina na nahahawi at ang mga tela ay halatang galing pa sa ibang bansa. Ang malawak na kabuuan ng bahay na kahit puno ng gamit at makikita mo pa din na maluwag. Ang isang malaki at malawak na hagdan paakyat sa ikalawang palapag at ang kapaligirang maituturing mong hari at reyna ang nakatira sa bahay na iyon. Lahat ng iyon ay kabaligtaran sa kung ano ang mayroon siya.

“I forgot to introduce myself. I’m Cristina, Cristina Tan-Angeles.” sabi pa ng mama ni Benz pagkapasok nila sa loob ng bahay nito.

“Nice to meet you ma’am.” magalang na wika ni Emil.

“Benz anak, buti at napadalaw ka!” wika ng isang baritonong tinig na pababa sa hagdan.

“Pa!” bati ni Benz.

“Akala ko ay nakalimutan mo na kami.” wika pa nito. Agad din namang nahagip ng paningin niya ang kasama ng anak kung kayat – “Sino naman iyang kasama mo?” nakangiti pa nitong tanong.

“Emil po!” pakilala ni Benz.

“Nice to meet you Emil.” agad na abot ng kamay ng Don pagkadating sa lugar nila.

“He is my father, Don Florentino Angeles.” pakilala naman ni Benz sa ama niya.

Ngiti lang ang tanging naisagot ni Emil. Pakiramdam niya ay nanliliit siya sa kung anuman ang nakikita ng kanyang mga mata.

“Benz Aaron, our dearest son. We missed you.” wika pa ng Don saka niyakap si Benz.

“Nakakainggit, kung sana kahit ganito ang nanay ko sa akin masaya na ako.” bulong naman ni Emil sa sarili na naging sanhi para muling tumamlay ang kanyang itsura.

“Is there any problem hijo?” agad na tanong ni Donya Cristina kay Emil nang mapansin nito ang lungkot na biglang bumakas sa mukha niya.

“Wala po!” maang na sagot ni Emil.

“Saan ka nga pala nakatira?” tanong ni Don Florentino.

“I’m from Bulacan, Malolos, Bulacan po.” sagot ni Emil.

“Well, I know people from Bulacan.” tila pagyayabang pa ng Don na tinugunan lang ng ngiti ni Emil.

Agad namang nakagaanan ng loob ng Don si Emil kung kayat hindi nakakapagtaka kung labis na naging matanong ito sa kanya.

Pagkakain ng hapunan ay agad ding nagpaalam ang dalawa. Kahit na pinilit sila na duon na matulog ay labis na tanggi ang ginawa ni Benz dahil iniisip din niya na hindi pa ganuong kakumportable si Emil sa bahay nila.

No comments:

Post a Comment