Tuesday, January 8, 2013

No Boundaries (01-05)

By: emray
E-mail: iam.emildelosreyes@yahoo.com
Source: theimmaculatedalisay.blogspot.com


[01]
Si Nicco

Malakas ang hangin, tipong nagagalit ang kalangitan sa lakas ng kulog at kidlat, bawat patak ng ulan ay para bang mga batong nagkakalaglag sa mga bubungan. Sa ganiton pagkakataon, may isang malakas na iyak ng bata ang naririnig. Iyak na animo ay nakikisabay sa bagsik ng panahon. “Uhaaaaa… Uhaaa.. Uhaa.. Uhaaaaaaa”


“Lena, lalaki ang anak mo. Salamat sa Diyos at naisilang mo ng maayos ang bata.” Sabi ng matandang kumadrona.

“Nicco, Nicco ang gusto kong ipangalan sa bata. Mahal ikaw na ang bahala sa anak natin.” – at sa pagkabigkas nito, naibigay na ni Lena ang kanyang huling hininga. Ang iyak ng bata ngayon’y sinabayan pa ng hiyaw ng kalungkutan ng isang asawa sa pagkawala ng isang buhay. “Lenaaaaaaaaaaaaaaa... Gumising ka Lena. Wag mo kaming iwan.”

PAGKALIPAS NG LABING LIMANG TAON

Lumaking matalino, mabait at may takot sa Diyos si Nicco. Maganda ang tikas, maputi, may katangusan ang ilong, tama ang katawan, may biloy sa pisngi, mapungay ang mata na tila may kalungkutan, may katangkaran, mapamaraan sa buhay at higit sa lahat ginagigiliwan ng marami. Ito na ang araw ng pagtatapos ni Nicco sa High School at kasalukuyang natapos na ang programa para sa pagtatapos.

“Astig ka Nicco, sabi ko na nga ba ikaw ang Batch Valedictorian eh.”

“Wala akong nasabi, tama si Rome, astig ka talaga tol. Matalino na, mabait pa, talentado na nga, gwapo pa, artistahin talaga.” Dugtong ni Chad

“Ano ba, hindi totoo yun. Saka walang ganyanan mga tol, tsamba lang to.” Sagot ni Nicco kasabay ng mahinang tawa at matipid na ngiti.

“Oh, ayan na si Sandra” sabi ni Rome “ano sasagutin mo na ba.” Kasabay ang nakakalokong tawa.

“Mga sira, mabait lang talaga sa akin yung tao, kayo talaga malisyoso kayo. Wala akong balak makipagsyota, magpapari ata ako.” Sagot ni Nicco.

“Ke gwapo mong yan magpapari ka. Sayang ang lahi nyo.” Sabat naman ni Chad.

“Hindi yan, sabi kasi ni tatay yun daw ang gusto ni nanay kapag nagkaanak sila ng lalaki eh.” Sagot ni Nicco “Alam nyo na, yun din kasi ang hilig at gusto ko.”

Sa gitna ng kanilang pag-uusap ay dumating na ang tatay ni Nicco para ayain siyang umuwi. Matapos nito ay nagpaalam na sila sa isa’t-isa at unti-unti na din nawalan ng tao sa lugar na pinagdausan ng programa. Sa bahay nila Nicco samantalang nag-uusap silang mag-ama ay dumating si Fr. Rex na kura paroko sa kanilang simbahan kung saan siya ay naglilingkod bilang isang sacristan.

“Magandang gabi po father.” At kasabay ang pagmamano ni Nicco. “Ano po ang sadya ninyo?”

“Magandang gabi po father. Tuloy po kayo, Nicco kaw na bahala kay father papasok lang ako sa kwarto.” Sabi ni Mang Juancho. “Sige po itay.” Sagot ni Nicco.

“Ah iho, binabati kita. Tunay ngang pinagpapala ka ng Diyos. Narinig ko ung speech mo kanina, ang ganda ah. Talaga ngang napakayabong na ng kaisipan mo.” Pambungad ni Fr. Rex.

“Ah, salamat po father. Hindi naman po siguro tama na ako lang ang sabihan ng pinagpapala, kung tutuusin lahat naman po tayo ay pinagpapala, nasa pagdadala lang po ng tao yan kung paano gagamitin at isasabuhay.” Nakangiting saad ni Nicco.

“Tama ka iho. Pero mabalik ako, nagustuhan ko ung sinabi mong this is the best possible world.” Talagang nakakapagbigay ng pag-asa sa mga tao. Kahanga-hanga na sa gulang mong yan ay nagagawa mong mag-isip ng ganoon.”

“Ah yun po ba father. Naisip ko lang po kasi na saan mundo pa ba pwedeng manirahan ang mga tao? Wala ng mundong pwedeng tirahan kundi dito. May hangin, may puno, may mga halaman, may tubig. Kahit na nga po ba sabihin nating unti-unti ng nauubos at napapabayaan eh ito lang ang tanging mundong mayroon ng mga ganun. Saka nasa tao naman po kung paano un aalagaan. Siguro nga po, madaming kasamaan sa mundo. Pero sa paniniwala ko, ung dami ng kasamaan ay tatlong beses na mas madami ang kabutihan. Ang problema lamang po ay kailangan pa nating hanapin un at tayo mismo ang dapat makatagpo. Kung walang kasamaan hindi po natin magagawang maramdaman kung ano ang kabutihan. Hindi natin mararamdaman ang kaligayahan matapos ng kabutihan kung walang kasamaan. Kung sa kabilang buhay, hindi naman tayo sigurado kung saan tayo madadako di po ba. Kung sakali mang paladin tayo at diretso sa langit, hindi ko na po maituturing na mundo un, kasi kasama na po natin ang Diyos nun.”

“Hay, sabagay may punto ka iho. Siya nga pala, ikaw ang isasama ko bukas para sa baccalaureate mass ng Colegio de San Isidro. Umaga yun, pumunta ka na lang ng simbahan hintayin mo na lang ako dun. Sige iho, aalis na ako, si manang Conching mo kasi nagpapatulong pa sa akin.”

“Sige po father mag-iingat po kayo wag masyado papakapagod.”


[02]
Si Andrei

“Wag nyong sasaktan ang mga anak ko.” Sigaw ni Doña Rita “Ako na lang, wag nyo na idamay ang mga bata.”

“Sabi mo eh, pagbibigyan kita.” Pagkasabi ng lalaki ng mga katagang ito ay sabay na hinataw ng tubo ang ulo ni ni Doña Rita. Biglang dumadundong ang iyak sa loob ng mansion ng mga del Rosario.

“Mama” iyak ng mga bata “Mama.. Mamaaaaaaa..”

“Señorito gumising po kayo.”

Nagising si Andrei na basang basa ng pawis at animo’y takot na takot. “Salamat po Aling Martha.” Humihingal na nasambit ni Andrei.

“Nanaginip ka na naman ano iho.”

“Opo, naalala ko na naman si Mama at yung mga hayop na magnanakaw na yun”

“Oh siya, wag ka na masyado magpaapekto dun. Nakaraan na yun, pitong taon nadin ang lumipas nun, mas mahalaga ang ngayon at kung paano mo haharapin ang bukas.” Sagot ni Aling Martha.

“Sige po pipilitin ko, kaso mahirap po talagang hindi magpaapekto lalo na kung laging bumabalik.” Sagot ni Andrei.

“Iho, sabi nga ng kapitbahay namin past is past, pero past defines the present. Hindi pwedeng baliwalain o kalimutan ang nakaraan lalo na kung masakit ang naidulot nito o kaya ay matinding trauma. Sabi din nya na siguro kung ang mas magandang gawin na lang natin ay gamitin nating lakas ang nakaraan sa pagtanaw ng bukas at paggawa sa ngayon.” Sagot ni Aling Martha “Alam mo iho, may punto ung bata na yun, kasi mas lalo tayong tatatag at titibay sa pamamagitan nung nakaraan natin lalo na ung masasakit na pangyayari.” Dagdag pa ni Aling Martha.

Bumangon si Andrei at sabay na niyakap si Aling Martha. “Salamat po sa inyo, pinapagaan nyo po lagi ang loob ko. Kayo na din po ang nagiging parang nanay ko. Salamat po.”

“Wala yun iho. Minahal na din naman kitang parang tunay kong anak kasi.” Sagot ni ALing Martha “Ah siya nga pala, pinapatawag ka ng papa mo at nagpapasama sa’yo sa graduation ata ng San Isidro National High School.”

“Sige po mag-aayos lang po ako at bababa na ako.”

“Sige basta bilisan mo.” Sabay nito ay bumaba na si Aling Martha.

Sa pagdating nila Andrei sa bulwagan kung saan gaganapin ang taunang pagtatapos sa San Isidro National High School ay umugong ang mga bulungan patungkol sa paghanga kay Andrei. Bukod kasi magandang pangangatawan nito ay talaga namang may kagwapuhan. Matangos ang ilong, matambok ang pisngi, may biloy sa dalawang pisngi, maputi, maganda ang mga mata na tila laging nang-aakit, maganda ang tikas, magaling sa pananamit, at higit sa lahat, palakaibigan at mabait na bata.

Naiwan si Andrei sa baba ng entablado samantalang ang papa nya ay nasa taas dahil siya ang naimbitahang guest speaker sa naturang graduation. Ilang oras din siyang naghintay at nakatapos na sa pagsasalita ang kanyang ama. Labis na ang pagkainip ni Andrei at nais na nitong umuwi subalit sa pamamagitan ng isang text ay sinabi ng papa niya na konting tiis na lamang at patatapusin lang nila ang pagsasalita ng Valedictorian. May halong inis na lumayo si Andrei at pumunta sa ilalim ng puno kung saan malapit ito sa mga tao at kung saan nakaparada ang kanilang sasakyan. Buhat duon ay naririnig pa din niya ang kaganapan sa loob kung kaya’t makalipas ang ilang minute batid niyang ang nagsasalita na ay ang Valedictorian. Sa loob loob ni Andrei ay malapit na silang makauwi.

“this is the best possible world. No matter what the circumstances are, it always follows the goodness of having such misfortunes. My fellows, we must not see things very badly but try to search the other side. Never blame but instead be thankful for everything. Life is a battle of good and evil and life is a matter of options and choices. We ourselves define the life we will take. We must bring out the best in every raw material that are present.”

Sa hindi maipaliwanag na dahilan ay paulit –ulit na lamang naalala ni Andrei ang sinabi na yun ng valedictorian lalo na ang this is the best possible world. Sa isip ni Andrei, ang pinaniniwalaan niya this is the worst world to live in, people are corrupted and are materialist, they never think of others and of others own personal emotion and feelings. “Kalokohan naman ung sinabi nung valedictorian nila. Puro lang siguro pasarap sa buhay yun. Hindi nya siguro naranasang mamatayan ng nanay o kaya patayin ang nanay n’ya sa harap niya.”

Ilang sandali pa ay dumating na ang papa. “Let’s go Andrei. Thank you for waiting and coming with me.”

Habang pauwi na sila ay namamayani ang katahimikan sa kanilang mag-ama. Patuloy pa ding naaalala ni Andrei ang mga sinabing iyon ng valedictorian ng SINHS. “Ang ganda nung sinabi ni Nicco di ba?”pagbasag ng papa ni Andrei sa katahimikan “Short and simple but meaningful. Ah, kalian nga pala ang graduation nyo?”

“Sinong Nicco? Ung valedictorian? Opo maganda nga po.” Kahit hindi sang-ayon ay umoo na lang si Andrei. Sabay nito ay naalala niyang graduating nga din pala siya at bukas na yun “Ah, bukas po ang graduation namin ni Andrew.” Napaisip si Andrei kung nasaang lupalop na naman ang kapatid nyang si Andrew.

“Bukas na pala, nakalimutan ko, dami ko kasing invitations at ginagawa. Pasensya na din hindi ko kayo masasamahan.” Sambit ni Governor Don Joaquin “si Aling Martha na lang ang pasasamahin ko sa inyo.”

“Ayos lang po Pa, naiintidihan po namin.” Kahit may sama ng loob ay pilit parin maging mahinahon si Andrei, pabulong nalang nyang inusal “lagi namang ung iba ang una para sa’yo. Kailan ba kami naging mahalaga o inuna mo?”


[03]
Ang Pagtatagpo ni Nicco at Andrei

Sa may bulwagan ng Colegio de San Isidro kung saan idaraos ang misa para sa mga batang magtatapos ng hapon ding yun ay puno na ng mga magulang, guro, panauhin at mga bata ang buong lugar. Bago pa man magsimula ang misa ay nausal na ni Nicco ang paghanga sa lugar. “Grabe ang ganda dito, paaralan ba talaga to? Hay, puro talaga mayayaman ang nandito,daming mas maganda pa kaysa kay Sandra, mga itsurang pang-artista mga estudyante dito, para tuloy nakakahiya, hehehe. Kaya ko to. Di ako dapat mahiya.”

Mula sa malapit ay naririnig pala siya ni Fr. Rex “Oh Nicco, bakit ka naman mahihiya. Tandaan mo lahat ng tao ay special, kaya hindi dapat mahiya sa iba. Men are born equal at katulad ka din nila.”

“Salamat po Father sa ginutuang karunungan nyo. Hehehe”

“Kaw na bata ka, halika na at magsisimula na tayo.”

Habang si Andrei naman, bagamat hindi kasama ang kapatid sanhi ng katamaran, ay halata sa muka ang pagkabagot. Hihikab hikab at minsan ay napapapikit pa. “Hoy Andrei umayos ka nga” sabi ng katabi ni Andrei “nakakahiya pag may makakita sa’yo.”

Kahit asar pilit umayos si Andrei at duon nahagip ng paningin nya si Nicco. “Gwapo ah” naiisip ni Andrei habang nakatingin kay Nicco di namamalayan ng binata na siya ay ngingiti ngiti. Hindi malaman ni Andrei kung bakit tila nahuhumaling na siyang titigan ang binata na kapwa din nya lalaki. Kung sa pag-aakala nyang simpleng paghanga lang ito yun ang dapat nyang malaman na hindi pala ito ganuong kasimple. Di napapansin ni Andrei na tumitingin din sa kanya ang sacristan subalit agad agad ding binabawi.

Habang nasa may entabladong ginawang altar ay tila ba hindi mapakali si Nicco. Para bang ang lakas ng tibok ng puso nya habang nagseserve sa altar. Pakiramdam nya na may nakatingin sa kanya at sinusuri kung anung klaseng pagkatao ba mayroon siya. Tama ang hinala niya, madami na sa mga nakikinig ng misa ang tinititigan sya at minamasdan ang mga kilos nya at nagpapakita ng paghanga. Lalong lumakas ang tibok ng puso nya at lalong nanginig ang mga kamay at binti nya ng mapansing mayroong isang binatilyong nakapako na ang paningin sa kanya. Di maintindihan ni Nicco ang nararamdaman niya. Tila ba gusto nyang magpasikat para lalo siyang pansinin ng binatang iyon subalit pinangungunahan siya ng hiya sa lahat ng nanduduon sa bulwagan. Pinilit nyang baliwalain at kalmahin ang sarili ngunit talagang di nya maiwasang titigan din ang lugar na kinalalagyan ng binata.

Pagkatapos ng misa ay inaya si Fr. Rex para magminandal at sinasama si Nicco subalit tumanggi si Nicco at mas piniling ayusin na lang muna ang gamit nila sa baba. “Sigarado ka ba iho na ayaw mong kumain muna?” tanong ng pari.

“Ah hindi na po Father. Aayusin ko na lang po ung mga gamit natin para mabilis tayong makabalik sa simbahan. Hintayin ko na lang po siguro kayo sa may labasan.”

“Sabihin mo, nahihiya ka lang ano iho.”

Biglang namula si Nicco “Hindi naman po sa ganun”

“Sige na nga, ipagbabalot na lang kita. Hintayin mo na lang ako sa may labasan”

“Naku si Father talaga.”

Habang nasa may labasan si Nicco at hinihintay si Fr. Rex ay unti-unti nang nawalan ng tao sa paligid. Sa gitna ng katahimikan ay may narinig na ingay si Nicco.

“Pwede ba Carla tigilan mo na ako. Di nga kita type.” sigaw ng lalaki. Biglang lumakas ang kabog sa dibdib ni Nicco ng marinig ang magandang boses na iyon.

“Andrei, naman seryoso ako. Paano mo ako magugustuhan kung di mo naman ako pinapansin lagi.” Sagot ng babae.

Hanggang sa ang dalawang boses ay nagpakita na kay Nicco. Sigurado si Nicco sa nakita nya at lalo siyang kinabahan. Iyon ung lalaking nakatingin sa kanya kanina. Nagsimula ng mabalisa si Nicco. Iniisip na baka napansin din nitong tumitingin sya sa gawi nito kanina.

Hinawakan ni Andrei ang dalawang balikat ni Carla. “Carla I’m so sorry if I hurt your feelings. Pero dapat malaman mo kung bakit hindi kita napapansin.” Sandaling tumahimik ang dalawa “Bakla ako at may boyfriend na ako.”

“Don’t fool me Andrei. Si Step hang dahilan diba. Hindi ka bakla sigurado ako.”

“No, I’m not kidding. In fact, may boyfriend na ako ngayon.” Sabay lingon sa gawi ni Nicco “kita mo hinhintay nya ako para sabay kami umuwi” sa pagwika ni Andrei ng ganoon ay hindi alam ni Nicco kung ano ang gagawin ngunit may puwang sa puso niya ang biglang sumaya at unti-unting nilapitan ni Andrei si Nicco at biglang hinalikan sa labi. Nakakabigla, ngunit hindi magawa ni Nicco na tabigin si Andrei. Pakiramdam niya ay gusto ito ng puso niya. Ilang segundo ding magkalapat ang labi nila ng biglang lumapat naman sa pisngi ni Andrei ang napakalakas na sampal. Dahil sa sampal ay nagkalayo ang dalawa.

“Walanghiya kang Andrei ka. Tandaan mo ang araw na ito. Hindi ako papayag na hindi makaganti.” Banta ni Carla.

Ilang minuto nading wala si Carla ay binasag ni Andrei ang katahimikan. “Pasensya ka na pare, makulit lang talaga kasi.” Napansin ni Andrei na tila lalong lumungkot ang mga mata ni Nicco at nakatitig sa kawalan. Mas malungkot kaysa sa nakikita at namamasdan niya kanina. “sige pare, kung susuntukin mo ako ayos lang”

“Kawawa ka naman kung susuntukin pa kita. Nasampal ka na nga at sigurado akong masakit un.” Nakangiting wika ni Nicco at sabay tingin kay Andrei.

Hindi malaman ni Andrei kung bakit bigla siyang nakaramdam ng hiya at biglang umiwas ng tingin kay Nicco. “Ganuon ba, basta pasensya na talaga.” Pakiramdam niya ay para bang natutunaw siya sa tingin na iyon. Bigla at namula ang pisngi niya na napansin ni Nicco subalit hindi na nagawa pang usisain.

“Basta ba ikaw ang bahalang magpaliwanag kay Fr. Rex pag kumalat ung ginawa mo weh. “ sa pagkakasabi nito ni Nicco ay may kasabay na mahinang tawa na lalong kinakabog ng dibdib ni Andrei.

“Sige ako na ang bahalang magpaliwanag kay Fr. Rex kung saka-sakaling gumawa ng gulo ang babaing yun.” May katahimikan na namang namayani “siguro kung hindi ko ginawa yun malamng kinukulit pa din nya ako. Sa bahay nga laging tumatawag yun. She’s so obsessed. She’s not acting like any normal girl out there.”

“Naiintindihan kita. May mga bagay talaga na pag hindi mo dinaanan sa dahas hindi ka papakinggan o papansinin. Hindi ka seseryosohin.”

“Salamat talaga pare. Salamat at naiintindihan mo ako. Siguro kung ibang lalaki ang nandito malamang bugbog sarado na ako. Hindi naman ako pwede gumanti kasi ako may kasalanan buti na lang at ikaw ang nandito.” Pakiramdam ni Andrei ay para bang napakagaan ng loob nya kay Nicco.

Ganuon din si Nicco para bang matagal na silang magkakilala sa pakiramdam nya “Wala yun, kung hindi kita naintindihan sana nakatikim ka na sa akin” Kasunod ng mahinang tawa. “Buti na lang at ako ang nandito noh…” at ang kasunod nito ay sa isipan na lang niya sinabi “..dahil ako ang nahalikan mo”

“By the way I’m Andrei. Emjhay Andrei John del Rosario and you are..”

“Nicco, Niccollo Emmanuelle Ray de Dios. Nice meeting you.”

“Nice meeting you too.”

Sa gitna ng pag-uusap ay dumating na si Fr. Rex “Nicco tara na, balik na tayo ng simbahan.”

“Magandang araw po father” sabay ang pagmamano ni Andrei.

“Magandang araw din naman.”

“Tara na po father. Sige Andrei alis na kami. Ingat ka ah.” Pag-aalalang nasambit ni Nicco.

“Sige ikaw din. Magkita pa sana tayo sa susunod.” Sabi ni Andrei subalit ang puso nya ay ayaw na sanang iwan pa si Nicco.

“Oo Andrei, sana magkita pa tayo” – tanging nasaisip ni Nicco.


[04]
Pagkabigo ng Buhay Pag-ibig ni Andrei

Sa gabi ng pagtatapos ng magkapatid na del Rosario sa High School ay tanging si Aling Martha lamang ang sumama sa kanila. “Mga iho, pagpasensyahan nyo na ang Papa nyo. Madami daw talaga syang commitment ngayon. Nalimutan daw niya na ngayon ang graduation nyo kaya tumanggap sya ng mga appointment.” Pagdepensa si Aling Martha para sa papa nila Andrei.

“Wala po iyon Aling Martha, sanay na kami ni Kuya Andrei kay Papa. Lagi naman syang walang oras para sa amin.” saad ni Andrew.

“Pero iho, intindihin n’yo na lang Papa n’yo. Gaya n’yo nakita ko na malungkot din siya kanina at hindi n’ya kayo masasamahan.” Pagtatanggol ni Aling Martha

“Aling Martha, wag nyo na po ipagtanggol si Papa” usal ni Andrew “kung tutuusin mas magulang pa po kayo para sa amin kaysa sa kanya.” dagdag pa ng binata. “di ba Kuya Andrei.”

Habang si Andrei ay nakatahimik lamang at patuloy na iniisip si Nicco at ang kapangasahang ginawa n’ya dito kanina. “Ayos lang kaya si Nicco? Naiisip pa kaya n’ya yung ginawa ko sa kanya? Sana naman hindi n’ya ako iwasan pag nagkita kami ulit.” – laman ng isip ni Andrei bago s’ya tanungin ng kapatid nyang si Andrew.

“Kuya, kanina ka pa tahimik dyan ah. Ano ba ang iniisip mo? Baka naman sino?” tanong ni Andrew

“Wala yun, may naalala lang ako pero wag mo na lang itanong dahil walang sense un.” Sagot naman ni Andrei.

“Kuya ayan na si Carla oh, humanda ka baka mangulit na naman yan sa iyo.”

Sa pagdaan ni Carla ay tila may pang-aasar nitong sinabing “Kamusta ka na Andrei? Kamusta na yung boyfriend mo? Di ko akalain bakla ka pala.” Agad ding umalis si Carla ng mapansing tila hindi siya nakikita ni Andrei at lalong hindi naasar sa ginagawa niya.

“Oh Kuya ano naman ba ang sinasabi ng babaing iyon? Tanong ni Andrew

“Wala, nahihibang na naman. Wag mo na lang pansinin.” pagdepensa ni Andrei.

Ilang sandali na lang at natapos din ang programa subalit sumasagi pa rin sa isip ni Andrei si Nicco. “Hay Andrei, tigilan mo na yan, wag mo na isipin si Nicco. Wala ka mapapala. Lalaki ka at lalaki din un. Hindi kayo talo.” Sabi ng isip ni Andrei.

Nang pauwi na sila ay nakita ni Andrei ang kababatang si Chad. Si Chad ang anak ng dating sekretarya ng kanilang papa nung Vice Mayor pa lamang ito ng bayan nila. Nilapitan ni Andrei si Chad na higit sa isang taon na din niyang hindi nakikita. “Oi pare, kamusta ka na?” pagbati ng binata “kamusta graduation?”

“Oi pare kaw pala yan” sagot ni Chad “ayun nakaraos din kami kahapon. Si Papa mo nga ang speaker naming eh.” Si Chad din ay kabarkada ni Nicco sa SINHS.

“Oo alam ko, andun din kaya ako.”

“Wow naman, at peace na pala kayo ni Papa mo.” Sambit ni Chad na may tipid na tawa.

“Magtigil ka nga. Saan ba ang punta mo? Nadaan ka yata dito?” usisa ni Andrei.

“Hinihintay ko ung pinsan ko, may celebration kasi sa kanila. Gusto mo sumama ka? Shot shot lang sandali tas uwian na.” aya ni Chad sa kaibigan.

“Sige paalam lang ako kila Andrew. Malamang naman wala din si Papa sa bahay pagdating namin”

“Sige hintayin kita.”

Sa bahay ng pinsan ni Chad na kaibigan din naman ni Andrei ay duon napagkwentuhan ng dalawa ang tungkol sa buhay pag-ibig ni Andrei. “Kamusta na kayo ni Stephanie? Tinuloy mo bang ligawan?” usisa ni Chad.

“Pare hindi ko pa nililigawan basted na ako.” sagot ni Andrei “ganuon kasaklap pare.”

“Sa gwapo mong iyan, daming naghahabol sa iyo tas ayaw sa iyo? Bakit naman daw?”

“Hindi daw ako ang type niya. Mas type nya si Andrew pare” saad ni Andrei “at ito pa pare, nililigawan na pala siya ni Andrew at hanggang ngayon ay nililigawan pa din siya at hanggang ngayon ay hindi alam ni Andrew na mahal na mahal ko si Steph.”

“Ganuon ba, sorry pare sa tanong ko. Ayos lang yun pare. Maganda na din at hindi ka pinaasa, hindi tulad ni—“

“Shut up pare, wag mo ng ipaalala si Nicolai ang dakilang manloloko.” basag ni Andrei sa kaibigan.

Tumawa na lang ng malakas si Chad at ganuon din si Andrei. “Hahaha, hanggang ngayon pala ay di mo pa din makalimutan yung ginawa nya.”

Biglang naging seryoso si Andrei “Oo naman pare, minahal ko siya, pinaglaanan ng oras, nagsakripisyo, inilaan ang buong buhay ko. Pero ano, malalaman ko, hindi lang pala kami dalawa, apat kaming pinagsasabay-sabay nya.” Biglang tumulo ang luha ni Andrei “at masaklap pa, ako ang pinagmumuka nyang masama.”

“Tama na pare, wag ka ng umiyak.” pag-alo ni Chad “move ka na”

“Mahirap talaga kasi pare,” sambit ni Andrei “ayoko na talaga sanang alalahanin pero hindi pwede, sa tuwing naaalala ko nasasaktan ako.”

“Alam mo pare, may nakapagsabi sa akin, kung ang isang bagay hindi talaga para sa’yo, talagang hindi mo makukuha. Pilitin mo mang makuha at sakaling magtagumpay ka hindi ka pa din makakaramdam ng tunay na ligaya. Dahil sa pag-aakala mong ito na ang para sa’yo, di mo alam na unti-unti na palang sumasara ang puso mo at naitataboy kung ano ang talagang laan para sa’yo. Ganyan din sa pag-ibig pare. Mas mainam na yung hinahanap pero wag mong piliting makuha, dahil pag nakita mo na ang tunay na para sa’yo, ito na mismo ang lalapit at didikit sa’yo.” pag-alo ni Chad kay Andrei.

“Salamat pare” sambit ni Andrei “buti na lang at may tao pang kagaya mo. Buti na lang at naging kaibigan kita, buti na lang at nakilala kita pare.”

“Ayos lang iyon pare, basta sa tuwing maaalala mo yung mapait mong nakaraan, wag kang iiyak, mula duon humugot ka ng lakas.” usal ni Chad “wala pang namatay na ginawang lakas ang sakit ng kahapon” dagdag pa nito.

Pumailanlang ang katahimikan sa dalawa na kapwa apektado na ng espiritu ng alak. Sa gitna ng katahimikan ay muling nagsalita si Chad. “Sa ngayon ba pare wala kang ibang natitipuhan?” tanong ni Chad sa kaibigan.

“Di ko alam pare, nakatali pa rin ang puso ko kay Steph. Pero alam ko lilipas din to. Sa ngayon medyo naguguluhan ako, lalo na sa mga nangyayari.” Sagot ni Andrei.

“Ano ba ang nagpagulo sa’yo? Yun bang nangyari kaninang umaga?”

Natahimik ulit ang pagitan ng dalawa at parang binuhusan ng malamig na tubig si Andrei ng maalala ang kapangahasang ginawa n’ya kay Nicco. Bakas sa mukha ng binata ang pagkagulat at pagkabigla subalit umaasa siyang hindi iyon ang ibig iparating ng kaibigan.

“Nakita kasi kita kanina pare, malapit na ako sa gate nun nang marinig kitang may kasigawan. Nakita ko hinalikan mo si Nicco. Pare, napakatino ni Nicco, matalino, mabait, kakaiba sa lahat.” at nagpatuloy si Chad “kung ang tinutukoy mong nagpapagulo sa’yo ay si Nicco, mas mainam na kalimutan mo na lang. Malayo ang pangarap ng taong iyon na siya lang mag-isa ang makakaabot.”

“Pare, hindi naman sa ganoon –“ matagal bago makapagsalita ulit si Andrei “wala na sana pareng ibang makakaalam nun. Ayoko malagay sa kapahamakan si Nicco.”

“Kung hindi mo sana ginawa iyon sana wala kang ipinag-aalala” untag ni Chad “pero wag kang mag-alala, dahil gaya mo mahalaga sa akin si Nicco, ayoko ding mapahamak ang kaibigan kong iyon, wala akong pagsasabihan.”

“Salamat pare.”

“Pero sinasabi ko sa iyo, wag kang maguluhan kay Nicco. Wag mong hayaang lumalim ang damdamin mo sa kanya. Pareho lang kayong masasaktan sa bandang huli.”

“Wag kang mag-alala pare dahil hanggang ngayon si Stephanie pa rin ang nasa puso at isipan ko. Susundin ko ang payo mo pare. Maghihintay ako kasabay ng paghahanap ko.” – kahit iba ang sinasabi ng puso at isipan ni Andrei ay nagawa pa din niyang pagtakpan ang tunay na laman nito.

“Si Stephanie, ang pinakamayumi sa buong lalawigan ng San Juan. Hanggang ngayon siya pa din ang laman ng puso mo tama ba ako Andrei?” Biglang pagsingit ni Marie sa usapan ng dalawa na ikinabigla naman nila “wag kang mag-alala kadarating ko lang kaya’t kung may tinatago kayo malamang hindi ko narinig un.”

“Hay naku Andrei, andito naman ako, bakit si Stephanie pa din ang iniisip mo? Kayong magkapatid kayo nahuhumaling sa iisang babae.” panunuya ni Marie na may halong pang-aakit para kay Andrei “sabagay sino namang lalaki ang hindi mababaliw kay Stephanie, kahit ako tanggap kong siya na ang pinakaDiyosa sa buong lalawigan.”

Nahalata na ni Marie ang pagkairita sa mukha ni Andrei kung kaya’t nagpasya itong magpaalam na sa dalawa. “Oh siya, hinihintay pa ako ng mga amiga ko duon, kita nalang tayo sa susunod.” sabay kindat at ngiti.

“Pare, sobrang makapang-akit tila gustong angkinin ang lahat ng kalalakihan sa mundo.” Sabi ni Chad at sumang-ayon din si Andrei sa pamamagitan ng pagtawa.

“Pare sandali lang may tumatawag ata sa akin” paalam ni Andrei.

“Hello, Andrew bakit napatawag ka?”

“Pinapauwi ka na ni Papa, bilisan mo at wala ata sa mood.”

“Sige pauwi na ako”

“Pare, una na ako, pinapauwi na ako sa bahay. Alam mo na kailangan magpakagoodboy” kasunod nito ang mahinang tawa. “Ung napag-usapan natin wala na sanang iba pang makakaalam ah.”

“Loko ka talaga, sige na uwi ka na.”

“Salamat ulit pare.”


[05]
Kasaysayan ni Stephanie

“Stephanie” tawag ng mommy ni Steph habang kumakatok sa pintuan ng kwarto niya “may bisita ka sa baba.”

“Sino po?” tanong ni Steph na tila nagiisip kung sino naman kaya yun.

“Basta babain mo na lang” dagling sagot ng mommy nya “mamaya ka na lang magbeauty rest.” Sabay ang mahinang tawa.

“Si mommy talaga” sagot ni Steph na may paglalambing sa tinig nito.

Wala pang limang minuto ay narito na si Steph at pababa sa hagdan “Andrew, ikaw pala yan., Ano naman ba ang naisipan mo at bigla kang nandito?”

“Wala lang masama bang dalawin ang mahal ko?” sagot ni Andrew na sinabayan pa niti ng ngiti na lalong nagpagwapo dito.

Si Stephanie Luisa del Carmen ay anak ni Teresita del Carmen na isang guro sa San Isidro National High School at ni Nacario del Carmen na isang Kapitan ng Baranggay. Hindi masasabing mayaman at lalong hindi mahirap. Kabilang sila sa kung tawagin ay middle class.

Isang mayuming dalaga si Steph, mabait, may takot sa Diyos at higit pang kapansin pansin ay ang kagandahan nito na talagang angat sa buong lalawigan. Matangkad na pang beauty queen ang dating. Matangos ang ilong, magandang mga mata na para bang laging nangungusap, maninipis na mga labi na labis sa pula, mahaba ang buhok na binagayan ang hugis ng kanyang mukha, maputi, balingkinitan ang katawan at higit sa lahat may tagla na karisma para mahulog ang sinumang lalaki sa unang sulyap pa lamang.

Mula pagkabata pa lamang ay suki na ng mga beauty contest si Steph. Sa tatlumpu’t limang sinalihan nito ay dalawampu na ang napapanalunan niya at ang iba ay runner-ups naman. Kahit hindi gusto ni Step hang ganuong mga buhay ay pinipilit niyang gawin dahil nakikita nya na sa tuwing mananalo siya ay labis na nagagalak ang mga magulang niya. Para kay Steph, wala nang mas hahalaga sa mundo kung hindi ang makita nyang masaya ang kanyang mga magulang.

Hindi pa man nagtatagal ang usapan ng dalawa ay nagtanong si Andrew “Steph, mahal mo ba ako?” nanatiling walang imik si Steph “please naman oh, sagutin mo na ako.”

“Andrew” sagot ni Stpeh

“Please tell me you love me too” pagsusumamo ni Andrew.

“I really love you Andrew, kaso –“ natahimik muli si Steph

“Kaso? Sige ituloy mo nakikinig ako”

“Let us wait for the right time to come.” sagot ni Steph

“Kailan pa iyong right time na yun?

“Sa palagay ko hindi pa ngayon ang tamang oras. Hintayin mo akong maging handa at maayos ko ang lahat.” sagot ni Steph “but I assure you, it will be soon.”

“Steph” tila may lungkot sa tinig ng binata.

“Alam mo sabi nga ni Nicco, pag ang mga bagay ay ginawa ng wala pa sa oras ay pihadong masasayang lang ito. Kailangan munang maging handa at siguraduhing maging hinog ang lahat para sa bandang huli ay hindi masayang o kaya ay manghinayang at mas maging masarap ang kalabasan.”

Ang nanay ni Steph ang adviser ni Nicco nung third year ito. Kaya’t kahit sa Colegio de San Isidro nag-aaral ang dalaga ay naging magkaibigan ang dalawa at alam ni Andrew ang tungkol sa bagay na iyon.

“Sige Steph, nakahanda ako para maghintay sa iyo.” malungkot na saad ni Andrew.

“Salamat Andrew” saad ni Steph “at isa pa nga pala” dugtong ni Steph “pupunta ako ng Australia. Kinukuha ako ng tita ko. Duon ako pinag-aaral ng college.”

“Steph” muli ay lumaganap ang katahimikan sa dalawa “nakahanda ako, hihintayin kita sa muling pagbabalik mo at sana nakahanda ka na sa pagbabalik mo.”

“Oo Andrew, pangako ikaw lang ang mamahalin ko.”

Di na nagtagal ay nagpaalam na si Andrew dahil tumawag ang kanyang Papa para magpasama sa isang appointment na pupuntahan nito.

No comments:

Post a Comment