By:
Jubal Leon Saltshaker
Source:
theimmaculatedalisay.blogspot.com
[21]
Songs We Used to Sing - Deep
Twenty-One
Akda ni Jubal Leon Saltshaker
“So this is what
you mean. And this is how you feel. So this is how you see. And this is how you
breath. Sometimes, i know. Sometimes, i go down deep.” -Binocular
INIYAKAN
ko ng lubos ang pagkamatay ni Arthur. At bagamat wala akong kasalanan sa mga
nangyari ay parte kong sinisisi ang aking sarili. Higit pa sa isang matalik na
kaibigan ang pagaalala ko para sa kanya. Naalala ko ang kanyang paglalasing
dulot ng kalungkutan at ang kanyang mga ngiti ng araw na bisitahin nya ako sa
hospital. Alam kong masaya sya ng araw na iyon hindi dahil sa muli nya akong
nakita, ngunit dahil sa imahe ng isang perpektong pagsasama na aking higit na
napansing nakaguhit sa kanyang mukha. Wala naman akong iba pang mahihiling
bilang kanyang kaibigan kung hindi ang makita syang masaya kaya naman lubos
akong natutuwa sa tuwing makikita kong mangyayari ito. Hindi ko lamang talaga
inaasahan na sasapitin nya ang ganitong kapalaran at kabaligtaran lamang ang
mga bagay na aking mga nakita. Napakabilis ng mga pangyayari.
Natagpuan
sya sa kanyang kwarto na walang saplot sa katawan, may lubid sa kanyang leeg at
puno ng paso ng sigarilyo at pasa ang buong katawan. Tinangay din ang ilan sa
mahahalagang kagamitan sa kanilang tinitirhang apartment kasama na ang mga
alahas ng kanyang ate.
Ayokong
ituring na maswerte ang nangyaring kaganapan dahil sa hindi na maibabalik pa
ang buhay ni Viktor ngunit mabuti na lamang at bago pa makalayo ng lubusan ang
suspek sa lugar ay natuklasan na ng kanyang kapatid ang nangyaring krimen. At
dahil sa hindi na maibabalik pa ang buhay ng kanyang kapatid, ay agad na nitong
sinundan ang taong kanyang nasalubong ng oras na sya ay paparating at mabuting
nakahingi ng tulong sa mga tao sa paligid upang mahuli ang kriminal.
Gamit
ang aking saklay, dahilan na rin sa nabali kong buto sa paa ay inalalayan ako
ni Mama ng magpunta kami sa lugar kung saan sya pansamantalang mananatili bago
pa man mailibing sa kanilang probinsya. Nang makita ko si Arthur sa likod ng
salamin ng kanyang himlayan, katulad ng iba ay para lamang itong natutulog.
Nakakunot ang kanyang mga noo, ngunit wala akong ideya kung bakit ko naisipang
sa kabila ng mga ito ay masaya syang pumanaw. Kahit na huli na upang sabihin ko
ito, hinihiling ko na sana’y nakamit na ni Arthur ang kanyang mga minimithi
bago pa man nya iwan ang mundo. Iniisip ko rin na sana ay nabura ng masayang
bagay na kanyang naranasan ang kalungkutang naidulot ko dito.
Ang
kanyang pagkawala ang lalong nagpaisip sa akin kung ano na ang kalagayan ni
Viktor. Paano kung sapitin nya rin ang ganito? Hindi ko alam ang aking gagawin.
Ayoko ng isipin.
Kinuha
ko ng agad ang teddy bear na ibinigay sa akin ni Viktor ng makarating ako sa
aking silid matapos naming makauwi. Tinawag nya itong “Gelo” na walang
pagdadalawang isip na aking sinangayunan. Para bang ipinamumukha lamang ng
pagkakataon sa akin na wala akong ibang kasama kung hindi ang aking sarili.
Kung Viktor lang sana ang ipinangalan nya sa laruan, ay bahagya itong
magbibigay ng kasiyahan sa akin at pakiramdam na sya ay aking kasama at
palaging nasa aking tabi. Niyakap ko ito ng mahigpit hanggang sa ako ay
makatulog.
Halos
isang buwan din akong nanatili sa aming bahay upang makapagpahinga. At kahit
pilitin kong gamitin ang maikling bakasyon na ito upang bisitahin si Viktor sa
kanila ay hindi ko naman magawa dahil sa hindi talaga ako makalakad ng mabuti.
Patuloy ko ring hinihintay ang sulat nya sa akin ngunit ni isa ay walang
dumating. Ayoko rin namang isipin na hindi pinadala ni Ele ang sulat na
ipinakiusap ko sa kanya dahil ng araw na inutos ko ito ay agad nya rin namang
sinabi na natapos nya na itong ihulog ng oras na sya ay makauwi.
Lumipas
pa ang mga araw hanggang sa tuluyan na akong gumaling. Naapektuhan na rin ang
aking paglalakad dulot ng bali sa aking kanang paa. Sa tuwing makikita ko ang
aking sariling naglalakad ay naaalala ko si Viktor. Ito rin kasi ang dahilan
kung papaano nagkrus ang aming mga landas. Kung papaano kami nagkakilala
hanggang sa makita naming pinahahalagahan naman ang isa’t-isa. Malungkot ako sa
nangyari at maaari ko na rin sigurong sabihin na wala na akong maiiyak pa.
Pinaulanan ko ng mga sulat ang tirahan nila Viktor ngunit hindi na ako
nakatanggap pa ng sagot mula rito. Kahit na paulit-ulit ang aking mga sinasabi
ay hindi ko ito tinigilan, at umaasang isang araw ay magagawa nyang magpakita
sa akin. Sa aking harapan. Kahit hindi na nya ipaliwanag pa ang nakaraan dahil
sa masaya akong muli syang makita sa kasalukuyan at ngayon ay umaasang
mangyayari ang aking mga iniisip.
Madalas
ko rin syang mapanaginipan, nakangiti sya sa akin at tila ba gusto nyang
makipaghabulan. Ngunit sa tuwing tatangkain ko syang sundan ay saka naman ito
mawawala sa aking harapan. Kung maaari ko lang syang makausap sa loob ng aking
panaginip. Minsan nga ay naisip ko kung totoo ba ang mga nangyari sa amin. Kung
totoo ba si Viktor o isa lamang napakagandang pangitain para sa akin. Isang
pag-asa na nagbibigay ng kasagutan sa aking mga suliranin, isang sagot sa aking
mga problema. Madalas kong itanong sa aking sarili kung nasaan na nga ba sya at
ano ang kanyang ginagawa. Araw-araw. Gabi-gabi.
Kung
naiisip nya rin kaya ako sa oras na bigla syang lumitaw sa aking isipan. Sa
tuwing ako ay kinakabahan. Sa oras na may magpaalala sa akin sa mga bagay na
ginawa namin. Minsan pa ang hangin ay ramdam kong yumayakap sa akin na tila ba
tangay nito si Viktor at ihinahatid sa aking tabi. Gusto kong sabihin sa kanya
ang lahat ng aking nararamdaman ngunit alam kong malayo nya itong marinig.
Malayo upang kanyang malaman. At ngayon ay bahagyang malayo upang magkaroon ng
katuparan. Kailanman ay hindi ko rin naisip na kami ay pinarurusahan sa aming
mga ginagawa. Makasarili kung ipagpipilitan ko ito ngunit naniniwala akong kung
totoo ang iyong nararamdaman -kahit na saan mo pa ituon ang iyong pansin- ay
kasama mo dito ang langit at patuloy ka nitong susuportahan.
Aking
nilalakaran ang mga lugar na alam kong aming pinuntahan, mga daan na kanyang
inapakan. Ginagawa ko ito na tila ba mararamdaman ko ang kanyang presensya.
Kung pwede ko lang yakapin ang espasyo sa mga lugar kung saan sya nanatili o
naglakad upang kahit na papaano ay maramdaman ko syang muli ay matagal ko na
itong ginawa.
Nagsinungaling
ako sa aking sarili dahil may natitira pang mga luha sa akin sa tuwing gagawin
ko ang paghahanap kay Viktor. Hindi ko maiwasan ngunit alam kong habang buhay
ko itong gagawin. Buong buhay ko itong aalalahanin. Hinding-hindi ko ito
makakalimutan.
Pinagmasdan
ko ang kanilang tirahan. Puno na ito ng mga ligaw na damo at masukal na ang
daan patungo rito. Wala ng makapagsabi pa kung saan lumipat sila Viktor at
hindi rin alam ng kanilang kalapitbahay kung ano ang dahilan ng kanilang
paglipat. Mabuti na lamang at maaari akong pumasok sa loob ng gusali dahil na
rin sa ipinagbibili na ito at hindi dahil sa wala ng tao. Sinubukan ko ring
kausapin ang matandang lalaking nagbebenta ng bahay (na mahigit kong ipinagtataka
sa kung bakit wala syang kinalaman sa pamilyang nakatira dito) ngunit sinabi
lamang nito na matapos nyang mabili ang lugar kila Viktor ay nagdesisyon syang
ibenta na rin ito sa iba upang tugunan ang isang magandang pagkakataon.
Pumasok
ako sa loob ng tahanan nila Viktor na bukod sa mga naglahong kagamitan ay wala
pa rin namang nabago sa mga ito. Agad akong nagtungo sa ikalawang palapag upang
bisitahin ang kanyang silid. Ang kwarto kung saan panandalian naming nakapiling
ang isa’t-isa. Wala na ang karamihan sa mga gamit ni Viktor at ang papag na
lamang ang bagay na higit mong mapapansin sa loob nito. Binuksan ko ang bintana
ng kwarto at naupo sa harap nito. Alam kong sa lugar na ito nananatili si
Viktor ng oras na ako ay papaalis. Naghihintay sa aking pagbabalik at eto ako
ngayon at umaasang magkikita pa kaming muli.
Pinagmasdan
ko ang inuupuan kong sahig at inilagay dito ang aking mga palad. Nakalulungkot
isipin at masakit sa akin na kahit nasa kwarto na ako ni Viktor ay hindi pa rin
kami magkasama. Umaasang sa oras na patuloy kong hihimasin ang sahig ay
susulpot ng bigla si Viktor sa akin. Ngunit walang nangyari, nagiisa pa rin ako
at ang sinag ng araw ng papalapit na hapon na dumudungaw mula sa kanyang
bintana ang tanging presensyang dumaramay sa akin. Matapos nito ay nahiga rin
ako sa matigas na papag, umaasang nakikilala pa nito ang katawan namin ni
Viktor na minsang nahiga rito.
Ipinakilala
ko ang aking sarili na tila ba interesado sa pagbili ng gusali ngunit lumabas
ako ng bahay na tila ba hindi nasiyahan sa aking mga nakita. Nang mapansin ito
ng bagong mayari ay agad nya akong tinanong kung ano ang masasabi ko sa lugar.
Ayoko na itong sagutin dahil sa ayoko din namang magsinungaling at magpaasa
kaya naman nanahimik na lamang ako at nagpasalamat. Nang magsimula na akong
maglakad upang makaalis, ay agad nya din naman akong tinawag upang iabot sa
akin ang isang kahon. Naglalaman ito ng napakaraming sulat na patuloy raw na
dumarating at naka-adres sa bahay na kanyang nabili.
Kung
alam nya lang daw sana kung saan matatagpuan ang totoong mayari ng bahay ay
matagal na nya itong ibinigay. At dahil sa ako pa lamang daw ang nagtangkang
tumingin sa buong lugar ay ibinibigay nya na ito sa akin kaysa naman itapon nya
ang mga ito at sunugin. Malugod ko namang tinanggap ang napakaraming liham. Mga
sulat ko para kay Viktor.
Sa
tuwing maririnig ko ang mga kantang inaawit ni Viktor noon ay mabilis syang
pumapasok sa aking isipan. Habang unti-unting binabanggit ang liriko ng kanta
ay tila ba unti-unti rin syang nabubuo sa akin. Pakiramdam na isa syang awitin
na patuloy na tutunog sa aking isipan habang buhay. Isang kanta na alam kong
naiiba sa lahat at pinakaaasam kong muling mapakinggan. Sigurado rin akong wala
na akong maririnig pang iba na tulad nya.
Hanggang
ngayon ay umaasa pa rin akong magkikita kaming muli. Higit na umaasa na minsan
ay muli kong maririnig ang kanta na higit na nagpasaya sa akin. Si Viktor.
Umaasa na sa bawat paglingong aking gagawin, sa bawat lugar na aking pupuntuhan
at tatahakin ay agad ko syang matatanaw sa aking likuran. Nakangiti at kanina
pang naghihintay sa aking pagdating. Handa na akong salubungin.
Masaya
ako na minsan ay dumating sya sa aking buhay at desidido akong sa oras na sya
ay bumalik ng muli ay hindi ko na sya pakakawalan pa. Tatanggapin ng buong-buo
kahit pa alam kong babaguhin nito ang aking buhay kasama na ng pagtingin ng
ibang tao sa akin, na alam ko namang ang pagbabagong ito ang lubos na
magpapasaya sa akin. Wala akong pakialam sa sasabihin ng iba sa tipo ng aking nararamdaman,
ang mahalaga ay totoo ito at alam kong panghabang buhay kahit na isang lalaki
pa si Viktor.
Araw-araw
kong hinihiling na sana ay nasa mabuti syang kalagayan, ng sa gayon ay may
pagasang muling magkrus ang aming mga landas. Lubos akong maghihintay sa
pagdating ng araw na iyon, kahit na abutin pa ng dapit hapon ang aking buhay.
Dahil alam kong kapag nangyari na ito, ay wala na akong mahihiling pa.
Magkikita
rin tayong muli, Viktor. Palagi akong maghihintay sa iyong pagbabalik. Asahan
mo yan.
[22]
Songs We Used to Sing - Dreaming of You
Twenty-Two
Akda ni Jubal Leon Saltshaker
“Late at night when
all the world’s sleeping. I stay up and think of you. And I wish on the stars,
that somewhere you are thing thinking of me too.” -Selena
APAT
na buwan na rin akong nagtatrabaho bilang isang construction Worker sa isang
itinatayong gusali ng bigla ko syang makita.
Matulin
syang naglalakad patungo sa sakayan ng jeep at ng walang mamataang masasakyan
ay luminga-linga sa kanyang paligid. Pinagmasdan ko sya ng mabuti, dahilan
upang hindi ko mamalayan na kanina pa pala ako kinakausap ng aking kasama.
“”Tol,
tara na.”
Sambit
sa akin ng kasamahan ko sa trabaho.
Dahil
sa huli na kaming nakalabas ng gusali ay agad na kaming nagmadali sa
kadahilanang baka wala na kaming abutang pagkain sa mga karinderia. Minsan na
rin kasi kaming naubusan. Nakapila kami sa labas ng kainan at naghihintay na
makapasok sa loob. Ang katotohanan ay gusto ko syang lapitan upang mapagmasdan
sya ng mabuti ngunit hindi ko ito magawa hindi dahil sa inaalala ko ang
sasabihin ng aking kasama kung hindi ayoko naman itong iwan ng magisa.
“Oo.”
Hindi
ko alam kung ano ang mayroon sa kanya upang makuha nya ng ganito ang aking
atensyon. Mainit ang buong paligid at napakataas ng sikat ng araw ngunit hindi
ko ito pansin. Pero alam ko namang walang paraan upang sya ay aking makilala,
ang mga naiisip ko ay tiyak na magdudulot lamang ng gulo sa kanya. Sapat na
siguro ang minsan na nagkrus ang aming mga landas at ang aking nararamdaman ay
sa akin na lang. Ganoon naman talaga, darating at lilipas din.
Pinilit
ko syang lingunin bago man lang sana ako makapasok sa kainan. Dahil sa sigurado
akong hindi ko na sya makikita sa oras na mawala sya sa aking paningin. Ngunit
bago pa man ako makapasok ay nakita ko itong nakatingin sa akin. Lumakas ang
kabog ng aking dibdib at kung pwede ko lamang syang lapitan ay agad ko na itong
ginawa. Nagtagal ito ng ilang segundo bago ko pa sya makitang magsuot ng
salamin.
“”Tol,
kanina ka pa tulala. Sabi ko pasok na tayo. Nakahanap na ako ng pwesto...”
“Ah,
pasensya na. May iniisip lang.”
Bago
ako tuluyang pumasok ay lumingon muna ako sa kanyang kinatatayuan ngunit hindi
ko na sya namataan.
Nang
araw ding iyon ay hindi na sya nabura pa sa aking isipan, malungkot dahil sa
alam kong kahit na ano ang aking gawin ay hindi na kami magkikita pa. Alam kong
sa oras na matapos na ang aking trabaho ay muli na naman syang papasok sa aking
isipan. Hindi ko maaaring hilingin na sana ay iniisip nya rin ako dahil sa
hindi naman nya ako kilala at higit sa lahat, hindi nya ako nakita. Kung alam
ko lang sana kahit na ang kanyang pangalan. Pero ano ba ang aking iniisip at
inaasahan? Na magkakagusto sya sa akin kung sakali nga na magkita kaming muli?
Kabaliwan.
Pauwi
na ako ng gabi ding iyon ng yayain naman ako ng isa sa aking mga kasamahan
upang sa site na matulog. Karamihan sa mga trabahador na aking kasama ay wala
pang tinitirhan dito sa Maynila kaya naman nananatili lamang sila sa lugar na
mabuti namang hinahayaan ng buong kompanya kalakip ang matinding pagbabantay ng
mga guwardiya sa gusali.
Inimbitahan
akong matulog sa lugar ng isang kasamahan dahil sa huling araw na nya sa
trabaho at bukas na ng madaling araw ang kanyang alis. Nakalulungkot lang na
ang lahat sa amin ay walang kasiguraduhan ang tagal sa trabaho dahil sa anumang
oras, ang trabahong iyong ginagawa ay mabilis na natatapos dahilan upang hindi
ka na kailanganin. Kaya naman pinagbigyan ko na ang alok sa akin, ayoko din
namang mag-isa sa araw na iyon. Humiram ako ng gitara sa isa sa aking mga
kasama at buong gabi kaming kumanta. Kung inaalay nila ang kantang aking
inaawit sa kanilang minamahal, ay ganoon din ang aking ginagawa.
Dahil
sa hindi rin naman ako umiinom ay humiwalay na ako ng higaan sa aking mga
kasama. Humiram na lamang ako ng banig sa isa sa mga guwardiya at napiling
mahiga malapit sa isang haligi. Walang bubong ang aking pwesto kaya naman
kitang-kita ko ang buong kalangitaan, malamig ang kapaligiran at mabuting hindi
pa ako natutunton ng mga lamok. May pakiramdam din akong hindi naman bubuhos
ang ulan kinabukasan kaya naman hindi ko na kailangan pang sumilong. Maraming
mga bituin sa himpapawid at natitiyak kong mainit ang panahon bukas. Inaasahan
kong may daraang bulalakaw sa paligid upang maisakatuparan nito ang hinahangad
ng aking isipan.
Batid
kong lumipas na ang hating-gabi at malayo-layo pa ang umaga ng maramdaman kong
biglang sumakit ang aking binti. Isang mabigat na bagay ang bumagsak sa aking
paa dahilan upang magdulot sa akin ng matinding sakit na syang dahilan upang
magpakawala ako ng napakalakas na sigaw. Dito ay nagising ang lahat ng aking
mga kasama at agad na nagtungo sa aking direksyon. Ni hindi ko maiangat ang
aking ulo upang tingnan ang nangyaring pinsala sa akin. Isa sa aking mga kasama
ang may tanang gasera na nagbigay ng ideya kung ano ang nangyari sa akin. Nabagsakan
ng sementong pader ang aking kanang binti.
Ikinalulungkot
ko ang nangyari sa akin. Hindi lang dahil sa hindi ko na maipagpapatuloy pa ang
aking trabaho ngunit dahil sa aking mga kasama. Alam kong sa insidenteng ito ay
ipagbabawal na ang pagtulog sa konstraksyon. Dahil sa akin. Paano na lamang ang
mga kasamahan kong ngayon pa lamang nakakabawi?
Agad
nila akong dinala sa ospital at patuloy na sinasabi sa aking huwag na silang
intindihin bagkos ay alalaahanin na lamang ang aking sarili. Ikinalulungkot din
nilang hindi ako masamahan sa loob ng aking silid na lubos ko namang
naiintindihan. Malapit ng dumating ang bagong umaga kaya naman hindi na ako
natulog pa at naghintay na lamang sa pagdating ng sinag ng araw sa bintana sa
loob ng silid. Masama ng nangyari sa akin ngunit hindi ko alam kung bakit
maganda ang aking pakiramdam.
Masakit
ang aking kanang binti ngunit mayroon akong pakiramdam na tila ba walang
masamang nangyari sa akin. Marahil ay dahil sa nagagawa ko pang saksihan ang
bagong araw. Isang simbolo na palaging nagbibigay sa akin ng pagasa upang
magpatuloy. Upang laging bumangon, dahil alam kong kahit na nakararamdam ako ng
pighati ay patuloy pa ring darating sa aking buhay ang isang magandang
pagkakataon. At wala na akong dapat gawin kung hindi ang hawakan ang mga ito at
patuloy na maghintay sa kanilang pagdating.
Pinasok
na ng haring araw ang loob ng kaninang madilim na silid. Nakahiga ako ng mga
sandaling iyon at wala na akong ginawa pa kung hindi ipikit na lamang ang aking
mga mata. Ramdam ko ang kanyang presensya ngunit hindi ako dumilat upang sya ay
salubungin. Lubos kong ipinagpapasalamat ang tyansang muli syang makita at ang
pagkakataong ito ay sapat na para sa akin at hindi ko pa rin magawang
paniwalaan na umaayon ang mga bagay sa aking mga gustong mangyari.
Batid
kong naglakad sya papalayo sa aking direksyon, at dito ay hindi ko na
pinalagpas pa ang aking pagkakataon.
Kung
nasaan ka man ngayon, ay buong buhay kong ipagpapasalamat na ikaw ay aking
nakilala. Alam kong higit ang tiwala at pagpapahalaga natin sa isa’t-isa, na
kahit hindi tayo magkapiling ay daig natin ang ibang magkasama. Dahil sa
totoong nagmamahal tayo at ito ang syang pinaka mahalaga.
WAKAS
[Epilogue]
Akda ni Jubal Leon Saltshaker
Hindi
ko alam kung anong higit at mabuting bagay ang aking nagawa upang makuha kong
lahat ang mga gusto ko sa buhay. Ilang dekada na rin kaming magkasama ni Viktor
sa iisang bubong at patuloy na nabubuhay. Masayang magkapiling mula sa
pangungulila namin sa isa’t-isa sa napakahabang panahon. Araw-araw akong umaasa
noon na muli ko syang makikita at ang pagalala sa aming dalawa ang nagbibigay
sa akin ng pagasa na balang araw ay magkikita kaming muli. Ngayon ay masasabi
kong hindi talaga sya nawala sa aking piling, dahil hindi ko naisipang bumitaw
hanggang sa kanyang pagdating. Lahat ng taong nakapalibot sa akin ay nabigyan
na ng pagkakataon upang malaman ang aking tunay na pagkatao. Kung ano talaga
ako. Nagalit man sila o nagbigay ng suporta para sa akin ay tinanggap ko ang
mga ito ng lubos. Wala akong pinagsisihan. Ngunit hindi lingid sa akin na
karamihan sa kanila ay nagbago ang tingin at pakikisama sa akin, kabilang na
ang mga mahal ko sa buhay, ang aking mga naging kasintahan at halos lahat ng
aking mga kaibigan. Ayos naman ang lahat sa akin ngunit nakalulungkot nga
lamang isipin na nagbago ang kanilang pakikitungo, gayong totoong sarili ko na
ang aking ihinaharap. Para bang kinalimutan na nilang ako ay narito, na alam
kong hindi rin naman ako nagbago.
Inilahad
ko lamang ng buo ang aking katauhan. Isang salitang para bang binigkas na
katumbas ay ang paglalahad ng mga importante at personal na kaganapan sa aking buhay. Kung ganito man ang
kanilang reaksyon sa aking mga ginawa na tingin kong sa mata ng diyos ay tama, wala
akong dapat na ikagalit dahil alam kong para sa akin din naman ang kanilang mga
nararamdaman. At ni minsan ay hindi ko ito ituturing na kabayaran sa tinatawag
ng iba na kasalanang ipupukol sa isang tao dahil lamang sa tingin ng karamihan
na imoral ang kanyang mga ginagawa. At isa pa, alam ko sa aking sarili na wala
akong ginawang mali. Kung mali man na mahalin higit pa sa aking sarili ang
kapwa ko lalaki, hihilingin ko na lamang sa langit na agad na akong kunin dahil
sa hindi ko mapipigilan ang aking damdamin na hindi ito magpatuloy. Sa mga
pagkakataong ganito, mabilis maghusga ang isa kapag wala sila sa sitwasyon.
Gaya ng mabilis na pagpapayo, kapag wala sayo ang problema. Lumaki akong ganito
at ganito rin ako mamamatay.
Paanong
ang isang bagay ay ginawa para lang sa wala? Dahil sa naniniwala akong walang
nangyari sa mundo na walang halaga, kabuluhan o eksplenasyon. Lahat ay mayroong
kapares at lahat ay mayroong kasagutan na alam kong pabor ang diyos. Minsan
lamang tayo tatapak at mabubuhay sa daigdig na ito at wala ng oras pa para sa
pagkukunwari. Yun ang aking ginawa at masaya ako dito.
Kasabay
ang aking pagiging lesinsyadong nars, ay matagumpay akong muling nakatapos sa
pagaaral at ngayon ay isa ng ganap na doktor. Ni minsan ay hindi ko naisip na
masasayang ang lahat ng aking pinaghirapan kaya naman nagpatuloy lamang ako.
Dahil ng oras na makamit ko ito ay alam ko na matutulungan ko na ng lubusan si
Viktor. Ang pagdating ni Viktor sa aking buhay ang lalong nagdala sa akin upang
abutin ang pangarap kong ito. Simula ng sya ay mawala, umaasa akong palaging
nasa mabuti ang kanyang kalagayan. Ayoko mang isiping mayroong masamang
nangyari sa kanya, ay hindi ko pa rin ito maiwasan dahil sa kawalan ko ng
impormasyon. Hindi ako nawawalan ng pag-asa. At pinanghahawakan ko ang aking
sinabi na ako mismo ang tutulong sa kanyang kalagayan.
Gaya
ng pinanghahawakan ko, alam kong balang araw ay magagawa rin akong patawarin ng
aking Ama at ni Ele. Tahimik ang usapan namin ni Papa noon at natapos lamang sa
pagsasabi nya ng ‘wala akong anak na ganyan, kaya makakaalis ka na.’ Simula rin
noon ay hindi na ako kinibo ni Ele. Si Mama naman ay palihim na dumadalaw sa
aking tirahan at tila ba wala pa ring nagbago kaya ayos pa rin naman ang lahat
sa akin. At alam kong balang araw ay maayos din ang lahat. Isa na lang ang
kulang.
Tumigil
ang ikot ng aking mundo noon ng malaman kong wala na sya at hindi ko na
makikita pa. Para akong namatay. Makasarili rin para sa akin na sabihing hindi
na ako dapat nagpapatuloy pa. Pero nabali ang lahat ng ito ng muli ko syang
makita. Naging maayos na ang lahat.
Ang
aking buhay ng mawala sya ay tila ba isang orasan na patuloy na
tumigil
sa kanyang kawalan. Paano gaganang muli ang isang bagay sa pagkawala ng
bateryang mayroon lamang iisang piraso sa mundo?
At
gaya ng aking sinabi, ay muling umikot ang takbo ng aking buhay ng oras na sya
ay muli kong nasilayan.
Bigla
kaming nagkatinginan mula sa aming kinatatayuan. Malayo kami sa isa’t-isa
ngunit ng magtama ang aming mga paningin ay tila ba nagkadikit kaming bigla.
Parang isang pares ng bagay na naiiba sa karamihan, isang kutsara at tinidor sa
lupon ng mga kutsilyo. Pakiramdam ko na kami lamang ang nasa paligid at wala ng
iba. Kami lamang ang mayroong kulay sa mundong kulay abo. Nagtitigan kami na
wari ko ay tumagal ng ilang sandali. Tila ba tinitiyak namin sa isa’t-isa kung
totoo ba ang aming mga nakikita. Tinitiyak na hindi ito isang panaginip. Ang
umpisa ng simula. Sobrang lakas ng kabog ng aking dibdib, pakiramdam kong muli
itong tumibok gaya ng sa isang kapapanganak pa lamang na sanggol sa unang tibok
ng kanyang puso. Para bang muli akong isinilang. Hanggang sa tumulo na ang
aking mga luha. Wala akong pakialam kung mayroong nakakakita sa akin. Sa amin.
Nagliwanag din ang kanyang mga mata dulot ng luhang umaagos dito. Gusto ko
syang yakapin sa harapan ng napakaraming tao ngunit hindi ko ito ginawa. Ako
ang unang nagtungo sa kanyang direksyon hanggang sa mapansin kong kumikilos na
rin sya upang lumapit sa akin. Nang tuluyan na akong makalapit sa kanya ay
tinabihan ko ito at sumabay sa kanyang ginagawang paglakad.
Kung
titingnan ay para kaming mga batang uuwi ng luhaan. Ngunit kami lamang ang
makapagsasabing napakasaya ng aming nararamdaman ngayong muli naming natagpuan
ang isa’t-isa. Walang gustong magsalita sa amin dahil na rin siguro sa alam na
namin ang mga bagay na gusto naming sabihin. Tinanggal ko ang suot kong salamin
at saka ito pinunasan bago ko pinagmasdan ang kanyang mukha na patuloy pa rin
sa pagiyak. Umaagos ang mga luha sa kanyang mga mata ngunit hindi nya ito
pinawi. Dito ay inabot ko sa kanya ang aking panyo at marahan nya itong
tinanggap at agad na inilapat sa kanyang mga mata. Dahan-dahan kong kinuha ang
kanyang mga palad at hinawakan ito ng mahigpit. Tila ba nagulat ito sa aking
ginawa at nagawa kong pawiin ang kanyang mga luha. Nangungusap ang kanyang mga
mata na para bang nagtatanong. Alam ko ang kanyang nasa isipan at alam kong
alam nya na napakarami ring tanong mula sa akin. Ang bawat tanong namin sa
isa’t-isa tungkol sa mga oras na lumipas at nasayang ay agad na naburang lahat
sa pagtatagpong ito. Ang mga pangakong binitiwan ng bawat-isa ay unti-unti ng
matutupad.
Hindi
nagpumiglas si Viktor at hinayaan lamang nito na magkahawak ang aming mga
kamay. Kahit na ilang daang tao pa sa paligid ang masusing nakamasid sa amin ay
wala na kaming pakialam, dahil mas mahalaga na kapiling namin ang isa’t-isa
kaysa sa sasabihin ng iba. Alam kong marami pa kaming tatahaking landas at
pagdaraanan sa buhay. Nang magkasama.
“Huwag
ka ng umiyak ha? Nandito na ako.”
“Ikaw
din.”
Sagot
sa akin ni Viktor.
“Umiiyak
ako, kasi masaya na ako. Hindi ko ito mai-ngingiti ng sobra, pero magagawa ko
sa pagluha habang nakangiti.”
“Tayo
na?”
“Palagi
namang tayo.”
“Walang
nabago.”
“Patuloy
lang.”
Lalong
humigpit ang pagkaka-kapit namin sa isa’t-isa.
“Habang
buhay.”
“Mahal
kita.”
“Mahal
kita.”
Wakas
No comments:
Post a Comment