Friday, January 11, 2013

Flickering Light (11 & Finale)

By: (ash) erwanreid
Source: bgoldtm.blogspot.com


[11]
"Sige po." naka-ngiti pa ako nang sumang-ayon.
Tumingin ako kay Arvin pagkatapos. Simula ng dumating siya, hindi ko pa napansin na ngumiti siya kahit minsan lang.


"Pagod siguro." nabuo sa isip ko.

"Ren, dito tayo." yaya sa'kin ng choir directress.

Naka-ngiti akong sumunod sa kanya. Naupo kami sa may bintana.

"Ren, kilala mo ako. Mapagkakatiwalaan mo ako." simula niya.

Napakunot ang noo ko sa panimula niyang iyon. Hindi ko siya ma-get. Tumango ako bilang pagsang-ayon sa sinabi niya dahil totoo naman iyon.

"Kasi..." napa-tingin siya sa kabilang dako nang hindi maituloy ang sasabihin. Parang pinag-aaralan niya kung ano at paano magsasalita. "...tungkol sa inyo ni Arvin."

Parang sumabog ako sa pagkabigla nang banggitin niya ang pangalan ni Arvin. Naghihinala akong alam ko ang ibig niyang sabihin. May alam siya tungkol sa amin ni Arvin. Kinakausap niya ako tungkol sa amin.

Naramdaman ko ang simula ng panginginig ng aking kalamnan sa kaba, sa takot na marinig mula sa iba ang kinakatakutan ko.

"A-ano po bang tungkol doon?" tanong ko kapagdaka ng may alinlangan.

Bumuntong-hininga muna ito bago muling nag-salita. "May nakarating sa akin tungkol sa inyo ni Arvin."

Nanlaki ang mata ko sa narinig. Lalo akong nanginig sa takot. Para na akong pinag-papawisan. Nakadaragdag pa sa aking takot ang paunti-unti nitong paghahayag. Umiikot din sa aking isipan kung sino ang dahilan kung bakit nakarating sa aming choir directress ang tungkol sa amin ni Arvin.

"Alam na rin ba ito ni Arvin?" tanong ko sa aking isip.

"Magsabi ka ng totoo Ren." sabi niya nang mahinahon. Nararamdaman ko ang kanyang emphaty.

"N-na ano po?"

"May nakakita sa inyo ni Arvin na mag-kayap kagabi. Okey lang sana kung ganoon, eh kung talagang malamig. Ang kaso Ren, nakita pang nakahawak daw, daw ha? nakahawak ka pa daw sa ano... ni Arvin?" sunod-sunod niyang pahayag.

Lalo akong nagulantang sa narinig ko. Parang gustong kong mag-protesta pero hindi ako maka-galaw sa kinauupuan ko. Nakakaramdam ako ng pag-iinit sa aking mukha sa kahihiyan.

"Sino po ba ang may sabi? Kailan ba nangyari?" biglang pumasok sa isipan ko ang kagabi. Noong magkatabi kami ni Arvin. Nagising akong nakayakap at nakatanday ito sa akin. Pero wala akong maalala na nakahawak pa ako sa ari ni Arvin. Sigurado ako na nagising akong hindi nakahawak sa kanya.

Tumitig muna siya sa akin. Maya-maya ay tinawag niya sina Mike, Joshua at Josek galing sa labas. Gulong-gulo ang isip ko nang makita ko silang tinutungo ang aming kinalalagyan.

"Sila ang nag-kwento sa akin. Kaya bilang kaibigan at pinagkakatiwalaan mo Ren, kailangan natin itong ayusin."

Parang wala akong naririnig dahil gulong-gulo ang isip ko.

"Ano ang nakita ninyo?"

Ang nag-salita ay si Josek.

"Kasi Cher (cher kaputol ng salitang teacher. *info lang) nung natulog na kami, e di syempre dun kami matutulog sa kanila. Sama-sama kasi kami eh. Dahil ako yung tumabi kay Arvin, inangat ko yung kumot. Tapos..." ngumisi muna ito. Nag-iwas ako ng tingin sa hiya. "tapos, nakita kong nakahawak si Kuya Ren sa... ano ni Arvin. Yun."

"Nakita mo bang gising sila?" tanong ng choir directress kay Josek.

Umiling ito.

"Paano ninyo naman nalaman?" ang tinutukoy ay sina Joshua at Mike.

"Eh, pinakita sa'min ni Josek , cher." si Mike ang sumagot.

Lumingon sa akin ang choir directress.

"Ren... ginawa mo ba talaga yon?"

"C-cher? Hindi ko alam yun cher." hindi na ako makatingin.

"Anong ibig mong sabihin? Tulog ka? Ano yun, nananaginip ka?" parang pasarkastikong tanong sa akin.

"Wala talaga akong alam cher." naluluha na ako.

"Tapos nakayakap pa sa iyo si Arvin? Pakitawag nga si Arvin sa labas."

Lumabas si Mike para tawagin si Arvin. Napa-tingin ako kay Arvin nang mapansin kong iniluwa siya ng pinto papasok. Hindi ito tumitingin sa akin at siryosong naglalakad papunta sa amin.

"Vin, ano ba ang nangyayari sa inyo?" tanong ng choir directress nang makalapit si Arvin.

Umupo si Arvin sa may likuran ko. Hindi sumagot si Arvin sa tanong.

"Gising ka ba nung hawak ni Ren ang... sayo?"

Hindi uli sumagot si Arvin. Pero parang umiling siya.

"Eh bakit nakayakap ka pa sa kanya?"

"Hindi ko alam cher." sagot ni Arvin sa unang pagkakataon.

Muling nabaling sa akin ang atensyon ng choir directress.

"Magsabi kayo ng totoo. Para malaman natin at magawan natin ng paraan. Nagulat nalang ako kanina nang may magsabi sa akin. Akala ko biro lang. Nang maka-usap ko sila Josek nagsasabi daw ng totoo. Maaaring kumalat ito."

Muli kong naalala ang nangyaring tawanan kanina nila Mike at Josek habang nagpa-practice kami. Kinilabutan akong ako pala ang dahilan kung bakit sila nagtatawanan. Naalala ko rin nang magsalita ako ng "give me another chance " muli silang nagtawanan at inulit pa iyon Joshua. Bigla akong nakaramdam ng pagka-insulto at pagkapahiya. Ngayon ko lang naramdaman.

Lalo akong sumabog nang maalala ko ang anak ng pastor kanina nang makasalubong ko. Sinabihan ako nitong tumataba ako at parang hiyang ako sa kung ano. Naluha ako. Kaya pala ganun nalang ang pagkakasabi niya sa akin ay dahil may alam siya. Para akong nahulog sa bangin sa pagkaka-upo ko. Pinag-uusapan nila ako. Sino-sino na ba ang nakaka-alam?

Bigla akong nakaramdam ng galit. Hindi naman mangyayari ang ganito kung hindi ipinagkalat ng tatlo. Sila ang may dahilan, alam ko.

"Ano Ren?" tanong muli sa akin.

"Hindi ko alam ang nangyari. Nananaginip lang siguro ako. Wala talaga akong alam. Ang alam ko lang nagising akong nakayakap sa akin si Arvin. Gusto ko nang umuwi, cher." sunod-sunod sinabi.

Napansin kong gumalaw si Arvin sa kina-uupuan niya dahil sa sinabi ko.

"Wala rin ho akong alam dun. Ano naman kung nakayakap ako sa kanya." depensa niya para sa sarili.

Napa-buntong hininga ang choir directress.

"Masisigurado ninyo bang hindi na mauulit ang nangyari?" tanong sa amin.

Hindi ako sumagot. Nakikiramdam ako kay Arvin. Hindi rin ito nagsasalita.

"Ano?" giit ng choir directress.

"Opo." napilitan kong sagot.

Hindi ko alam kung sumagot din si Arvin. Hindi ko siya narinig. Napatingin ako sa labas sa may bintana. Madilim na pala sa labas.

"Cher, gusto ko nang umuwi." sabi ko.

Sumang-ayon ito.

Lumabas ako nang simbahan at nakita ko ang ibang young people na naghihintay sa labas. Gabi na hindi pa sila umuuwi. Naghihintay siguro sila ng bagong balita sa isip-isip ko. Diretso ang lakad ko. Parang pinag-uusapan nila ako. Parang pinag-tatawan nila ako.

Nakasalubong ko ang isang young people na nasa mid-twenties. Nagparinig.

"Ang dumi mo! Kahit malinis kang tignan at maligo ka ng ilang beses, ang dumi mo pa rin."

Dire-diretso ang lakad ko. Tinamaan ako sa narinig kong iyon. Naluha ako nang maisip kong ganun na ba kabilis kumalat ng balita? Ibig ba sabihin nun alam na rin ni pastor? Nakahiya. Nakakatakot. Gusto ko nang makalayo.

Pero naisip ko rin na buti nalang at iba ang nakita sa amin ni Arvin. Hindi ang mas malala pa roon. Pero hindi ko talaga alam na nakahawak ako sa ari ni Arvin. Natanong ko ang sarili ko kung nakapasok ba sa loob ng shorts ni Arvin ang kamay ko. Malamang nanaginip ako kung totoo talaga ang binibintang nila Josek. Gumagalaw ba kaya ang kamay ko? Kinikilabutan ako sa kahihiyan.
--------

Hindi ako sumakay. Gusto kong mag-lakad at mag-isip. Hindi ko inaasahang may tatawag sa akin. Ang kapatid ni Arvin na babae.

"Kuya Ren, uuwi ka na ba?" sigaw ni Ana Grace.

Tumigil ako at nilingon ko siya. Tumango ako ng pagsang-ayon.

"Maglalakad ka lang ba?" tanong niya sa akin nang halos isang dipa nalang ang layo niya.

"Gusto ko munang mag-lakad ngayon."

"Pasabay."

"Ano?" gulat ko. "Bakit? wala ka bang pamasahe?" tanong ko sa kanya. Bibigyan ko siya kung ganun.

"Hindi, gusto ko lang talaga maglakad din."

"Baka magalit ang kuya mo?"

"Ano ka ba kuya Ren. Hindi nga ako pinapansin nun eh. Papagalitan ka diyan."

Bigla niya akong hinila para magsimulang mag-lakad.

"Teka, sandali." pigil ko. "Sigurado ka ba?"

"Oo nga."

Nauna na siya sa akin ng ilang hakbang kaya napadali ako ng paglalakad para makasabay.

"Bakit gusto mong maglakad?" tanong ko.

"Para may kausap ka."

"Ngek." natawa ako. "Bakit mo naman naisip yun?"

"Alam ko kasi yung nangyari kanina kaya nang makita kitang naglalakad naisip kong problemado ka."

Nabigla ako sa narinig ko sa kanya. Ibig sabihin may alam din siya. Talaga nga palang kalat na kalat na ang balita. Pero thankful parin ako dahil hindi grabe ang alam nila kaysa sa tunay na nangyayari.

"So, kailangan kong mag thank  you sa'yo?" natatawa ako sa kabila ng nangingilid na mga luha.

"Hindi noh. Ano ka ba? Siyempre, kaibigan ka ni kuya mmm parang naiisip ko lang kung paano pag-usapan."

Bigla akong napasagot. "Pinag-uusapan ako? Nino?" gusto kong malaman agad ang sagot.

"ahm... halos lahat kuya Ren."

"T-talaga?" para akong nawawalan ng panimbang.

"Pero wag ka mag-alala. Naiintindihan kita."

Naguluhan ako sa kanya. Paanong akong naiintindihan niya?

"Sabi ko nga sa kanila baka nananaginip ka lang." pagpapatuloy niya.

"Wala talaga akong alam."

"Ibig sabihin ba talaga kuya Ren na hindi mo alam na hinahawakan mo ang..." hindi niya masabi. "Yung ano ni Kuya."

"Paanong hinahawakan? As in gumagalaw ang kamay ko?" tanong ko nang madiin.

"Parang ganun na nga."

"Ay..." napa-tingala ako sa kadiliman ng langit sabay buntong hininga. "Ayun ba ang kumakalat?"

"Oo, kaya nga hindi sila naniniwalang tulog ka eh. Tapos si kuya nakayakap pa sayo."

"Teka, eh kung gising ako dapat tinigil ko kasi di ba nandoon sina Josek. Sila ang nakakakita eh." depensa ko.

"Yun na nga rin ang sabi ko sa kanila. Eh di sana tinigil mo yun kung gising ka. Pero alam mo kuya Ren, kahit si kuya naliligalig dahil biglang kumalat. Kaya pala hindi yun makatulog kagabi."

Bigla kong naisip si Arvin. Ibig sabihin pala na wala siyang kinalaman sa pagkalat ng balita. Naglaro tuloy sa isip ko kung paanong naliligalig si Arvin. Bigla akong nakaramdam ng awa para sa kanya.

"Ibig sabihin, kahapon pa kumalat yun?" tanong ko kapagdaka.

"Oo, si Joshua daw ang nagkwento bago daw nag-uwian. Ako nga nalaman ko nalang dahil sa txt eh."

"Grabe na yata 'to. Parang wala na akong maihaharap sa kanila."  hiyang-hiya na ako.

Muli kong naisip si Arvin, kaya pala siryoso at late pa kung dumating kanina. Parang akong tanga na halos nagmamadali pang makapunta sa simbahan tapos ganun lang pala ang mangyayari. Muli akong kinilabutan.

"Kuya Ren, sandali." pigil niya sa akin.

Napatapat kami sa isang bakery.

"Bibili ako tinapay." tumawa ito. "yung ipapamasahe ko dapat, ibibili ko na lang ng tinapay."

Namili siya ng tinapay. Sa likuran niya, nadukot ako sa bulsa  ng pera. Naka-kuha akong twenty peso bill. Ako ang nagbayad.

"Ikaw kuya Ren, ayaw mo?" alok niya sa akin.

"Ayoko. Nawawalan ako ng gana." nakangiti ako sa kanya nang sabihin ko iyon.

"Hala. E di, sayo na 'tong bayad ko." pinipilit niya akong kunin ang dapat na pamasahe niya.

Todo tanggi naman ako at hindi niya ako napilit.

"Sige na nga." nasabi na lang niya.

"Balik tayo dun sa isyu. Tingin mo alam na din  ba nila pastor?" nangangamba ako sa isasagot ni Ana.

Nanguya ito. "Mmm malamang kuya Ren. Alam ng anak eh, malamang."

Buntong hininga. Nag-ngangalit ang mga bagang ko.

"Si tatay Nim alam kaya niya?" natatakot din akong malaman ni tatay Nim dahil napaka-istrikto nito sa simbahan. Daig pa ang pastor sa pagiging istrikto.

"Si papa? Ewan ko? Parang hindi pa."

Kahit ganoon, patuloy parin akong nangangamba. Posible kasing makarating.

Tahimik na ako hanggang sa mapatapat kami sa iskinita nila Ana.

"Ana, hindi na ako di-diretso sa inyo. Hanggang dito nalang kita hahatid ah."

"Okey lang kuya Ren, malapit na naman na eh."

"Salamat ah."

"Wala yun."

"Sige." paalam ko sa kanya.

Ngumiti lang ito at tumalikod na. Hindi pa ako nakaka-alis nang bigla itong lumingon at kumaway paalam. Ngumiti lang ako at tumango.

Sa patuloy kong paglalakad, nakaramdam ako ng kahit papaano nn hinahon sa aking dibdib. Thankful ako kay Ana sa ginawa niyang pag-sabay sa akin. Kahit masakit marinig ang mga nalaman ko, kahit papaano nalaman kong may nakaka-intindi o umuunawa ng pangyayari.

Pero saglit lang pala iyon, dahil sa muli kong pagtanaw sa mga pangyayari, nabubuo ang galit ko sa mga nagkalat ng isyu. Muling akong kinikilabutan sa sobrang kahihiyan. Parang ayaw ko ng magpakita sa lahat ng nakakaalam... kahit kailan.




[Finale]
Lulugo-lugo ako nang maka-uwi sa bahay. Nakasalubong ko si papa nang pumasok ako sa pintuan.

"Oh, bakit nakabusangot yang mukha mo?" nagtatakang tanong ni papa sa akin.

"Wala po pa." dire-diretso akong maglakad.

"Hoy, nak!" tawag sa akin nang maka-lagpas ako sa kanya. "May problema ka alam ko? Kilala kita. Tandaan mo."

Umikot ako para humarap sa kanya. "Okey lang ako pa." pero naluluha ako.

Natatakot din naman akong sabihin kay papa ang dahilan. Baka magalit pa nga ito kung malaman niya. Hindi niya inaasahang may anak siyang ang damdamin ay nahulog na sa kapwa lalaki. At kasalukuyang ginigiba ng alalahanin.

"Pero anak, kung gusto mong magsabi dito lang kami ni Mama."

Bigla akong napa-talikod dahil ayokong makita ni papa na naluluha ako. Baka kung ano pa ang isipin nito at magpilit magtanong.

"Okey lang talaga ako pa." alam kong nahahayag sa tono ko ang problema. Sabay lakad ko ng mabilis paakyat sa kwarto ko.

Nakakahiya ang katotohanang sa likod ng aking pintuan ay naroon akong umiiyak. Hindi ko na kinayang dalhin. Hindi lang ako galit, natatakot din ako at ang higit sa lahat ang nararamdaman ko ay wala na akong mukhang maihaharap sa mga tao. Lalo na sa mga taong ang tingin sa akin ay hindi gumagawa ng mga bagay na taliwas sa pinaniniwalaan namin.

Ano na lang ang sasabihin ng mga kapwa ko kristyano, pasimba-simba pa, naghahatid daw ng mabuting balita tapos heto at nangunguna pala sa kasalanan. Gulong-gulo ang isip ko. Walang na akong ibang maisip kundi puro negatibo. Napapa-paranoid na yata ako.

Hindi ko na nagawang bumaba para kumain. Wala namang kumatok para pababain ako upang kumain. Kahit naman ganon ang mangyari hindi parin ako bababa. Ramdam ko ang bigat ng talukap ng aking mga mata sa luhang naibuhos ko kanina-nina lang.

Nakatitig lang ako sa kisame. Blangko ang isip. Hindi, patuloy kong nilalabanang huwag maalala ang ayoko nang maalala. Pagod na ako sa kakaisip. Gusto ko nang magpahinga. Pakiusap ko na sana makatulog na ako. Nararamdaman ko namang dinadalaw na ako ng antok kaya lang apurang-apura na ako.

Sigok-sigok lang ang naririnig ko sa apat na sulok ng kwarto ko. Gusto kong gumawa ng desisyon pero ang sakit na ng ulo ko. Wala na yantang gumagana sa utak ko. Kaya gusto ko munang makatulog. Bukas pag-gising ko gagawa ako ng paraan para mawala ang lahat ng sakit. Sana nga.
-------

Nagising ako nang hating-gabi. Bumaba ako para tunguhina ng kusina. Nagugutom ako, bahagyang nakakaramdam ako ng sakit sa tiyan. Dumiretso ako sa may lutuan. Baka may naiwan doon na pagkain sa kawali man o rice cooker. Pero kanin lang ang nakita ko. Binuksan ko ang Refrigerator baka may maii-ulam. Puro malalamig.

Wala akong makitang maaaring mai-ulam. Naubusan yata ako. Ang nakikita ko lang ay mga iluluto pa. Ayokong magluto. Tumalikod ako sa refrigerator nang maisara ko. Saka ko lang naisip na sa lamesa maaring may pagkain doon. Nasabihan ko tuloy ang aking sarili ng tanga.

May naka-takip ngang pagkain sa lamesa. Nang buksan ko, nakita ko ang ulam na pritong isda. Natuwa ako na mayroon pala akong maii-ulam. Dali-dali na akong kumuha ng plato at sumandok ng kanin. Tapos ay tinungo kong muli ang lamesa.

Habang kumakain napag-desisyunan kong mag-isip kung paano ko matatakasan ang kinakaharap kong problema. Pumasok sa aking isipan na kalat na sa buong simbahan ang isyu, sigurado ako. Hindi ko mapipigilan ang bawat bibig ng mga nakaka-alam ng isyu.

Kaya ko ba silang harapin? Paano kung magtanong sila sa akin tungkol doon? Kaya ko bang sumagot? O hindi ko nalang papansinin? Parang imposible. Kakayanin ko ba kung makita ko silang nag-uusap? Baka ang isipin ko ako ang kanilang pinag-uusapan. Kaya ko kayang balewalain yun. Hindi yata.

Hindi ko namalayang tumigil pala ako sa pagkain. Napabuntong-hininga ako at muling sumubo at ngumuya. Paano ko ba matatakasan?
-----------

Natapos ako sa pagkain at muli akong umakyat sa taas. Nahirapan na naman akong makatulog. Kahit anong gawin kong higa parang hindi ako komportable. Naiinis na akong kaka-ikot sa aking katawan sa higaan. Saka ko naalala si Arvin.

"Ganun din ba siya? Hindi rin ba makatulog? Iniisip din ba niya ako? Sana..."

Na-isipan ko siyang itxt ngunit nagdalawang isip ako. Hindi rin naman siya nagte-txt sakin eh. Hindi ko alam kung hinihintay niya rin akong mag-txt sa kanya. Hindi na ako naglakas-loob na mag-txt.

Matagal bago ako nakatulog.
------

Nagising ako nang tumunog ang cellphone ko. May mensahe pero hindi galing kay Arvin. Galing sa choir directress namin. Ipinapaalala ang practice mamayang hapon. Kailangan daw naming umatend dahil last practice na namin at bukas na namin aawitin. Nang masagad ko ang mensahe napansin ko ang oras. Alas-otso na pala ng umaga.

Bumaba ako para mag-almusal pero wala akong naabutang kapamilya sa baba. Sabado ngayon pero wala sila. Dumiretso ako sa lamesa para malaman kung ano ang inihandang almusal. Nakita ko lang ay pandesal. Parang nawalan ako ng gana nang makita yung tinapay. Para kasing ang gusto kong kainin ay medyo basa dahil sa nanunuyo kong lalamunan. Dumiretso muna ako sa living room.

Doon ay pasalampak akong umupo at muling kinalikot ang aking cellphone. Parang gusto kong magtxt ngunit hindi ko alam kung kanino ko ipapadala. Naisip ko si Arvin, gusto ko siyang maka-usap pero hindi ko naman alam kung ano ang sasabihin ko. Puro natatapos nalang ako sa buntong hininga.

Maya-maya ay pumasok si mama sa pintuan. May dala itong mga plastik. Kasunod na pumasok ang kapatid kong lalaki. Alam ko na kung saan sila galing, sa palengke.

"Nag-almusal ka na?" tanong sa akin ni mama.

"Hindi pa."

"Ayun oh, bumili ang kapatid mo ng sopas dun sa kanto. Makihati ka na."

Tumingin ako kung nasaan ang kapatid ko.

"Hati tayo?" tanong ko sa kanya. Naninigurado ako kung bibigyan ako.

Medyo naka-simangot ang kapatid ko. Naisip kong wag nalang.

Lumabas nalang ako, para bumili ng sarili ko. Naitanong ko na kay mama kung saan makakabili niyon. Sa paglalakad ko, hindi ko inaasahang mabubunggo ko ang isang medyo matangkad na babae.

"Sorry mis." paumanhin ko agad.

Medyo naka-simangot pero nagsabing okey lang siya. Pagkatalikod niya nagsabi uli ako ng sorry. Dire-diretso na siya sa paglalakad.

"Aling Lydia, pabili nga po ng sopas." tawag ko sa kanya dahil naka-talikod ng dumating ako.

"Ay, may bibili." bahagya siyang nagulat.

"Sopas po." sabi ko.

Nangunot ang noo ko nang may lumabas na lalaki galing sa loob ng bahay ni Aling Lydia. May dala itong kaserola. May laman siguro dahil idi-display para maibenta.

"Ren, ito nga pala ang panganay ko. Si Omar, natatandaan mo pa?" pakilala sa akin.

Nanlaki ang mata ko. "Si Omar yan?" gulat ako.

"Ang laki na ng anak ko diba?" pagmamalaki nito. "Elementary pa kasi iyan nang umalis dito. Kararating lang niya kahapon."

Napa-tango nalang ako. Patalikod na si Omar para pumasok sa loob ng bahay at agad ko siyang binati.

"Omar, musta na? Welcome back." nangingiti akong bumati sa kanya.

Lumingon naman siya sa akin at ngumiti pagkatapos ay pumsok na sa loob.

"San po ba siya galing?" nagkaroon ako ng interes. Noong bata pa kasi kami magkalaro na kami kaya lang hindi ko namalayang umalis pala ito. Siyempre dahil bata pa ako noon, parang wala akong pakialam at malay ko.

"Umalis yan para doon mag-aral sa Maynila. Ga-graduate na yan. Bumisita lang yan dito Babalik uli yan bukas nang hapon sa Maynila."

"Ah... kaya pala." nasabi ko nalang.

"Kaya, pag naandito na uli yan, kaibiganin mo Ren ha? Para may kakilala agad. Baka kasi manibago eh. Ang tagal kasing nawala."

"Okey po."

"Ay, teka nakilala na pala siya ng kapatid mo kanina nang bumili ng sopas."

Napatango ako.

"Ay naku! Ano nga pala sa'yo? Sopas? Pasensiya na." natawa ito. "ang daldal ko kasi."

Natawa rin ako. "Opo."

"May bago pala akong magiging kaibigan dito." sa isip-isip ko.

Natuwa naman ako kahit papaano dinagdagan ni Aling Lydia ang binili ko. Sulit.
------

Kumakain ako nang maisip ko ang cellphone ko. Naiwan ko nga pala sa sofa. Iniwan ko muna ang kinakain ko sa lamesa para kunin ang cellphone. May mensahe at hindi lang isa. Tatlong mensahe ang ipinadala sakin. Nagmadali ako para malaman kung kanino galing.

"Ren, punta k b mmya?"

Galing kay Arvin ang unang mensahe.

Natuwa ako dahil si arvin ang nag-txt. HIndi muna ako nag-abalang mag-reply. Tinignan ko muna ang iba. Puro galing kay Arvin.

"Musta n, punta k b mmya?"

Binuksan ko ang pangatlo.

"Punta k mmya, reply"

Bumalik ako sa lamesa na tuwang-tuwa. Saka ako nag-isip nang ire-reply kay Arvin. Masaya ako dahil naalala ako ni Arvin. Hindi siya galit sa akin. Parang gusto kong sumigaw sa katuwaan. At last...

"D q lam e, kaw? :)"

Ang tagal bago siya mag-reply.

"Oo. Punta k ha?"

Pinapapunta ako ni Arvin. "Sabi mo eh, so pupunta ako." nasabi ng isip ko sa katuwaan.

"Sige punta aq. :)"

Pagkatapos mag-reply muli akong nagtipa para muling magpadala sa kanya ng mensahe.

"Vin, okey ka lng ba?" nagtanong ako sa kanya. Nagkaroon ako ng lakas ng loob tanungin ang kalagayan niya dahil sa ginawa niyang pagte-txt sa akin.

Ngunit bumilang ang oras wala na akong natanggap na mensahe.
-----
Mga alas-kwatro ng hapon.

Naliligo ako nang muling tumunog ang cellphone ko. Sinadya kong lakasan ng todo aang tunog para hindi ko ma-miss ang mga mensaheng darating. Sa muling katuwaan nagmadali akong maligo.

Napasimangot ako nang malaman kong hindi pala si Arvin ang nagpadala ng mensahe. Isang young people na naatasang magpadala ng mensahe para sa mga choir members. Naniniguradong ang lahat ay dapat na magpunta sa huling pag-eensayo. Hindi ako nag-abalang replayan.

Nagbibihis ako nang muling tumunog ang cellphone. Dali-dali kong binuksan. Galing kay Arvin.

"D2 n ko." ang laman ng txt message.

Nanginginig pa ang mga daliri ko sa katuwaan habang pumipindot sa keypad.

"Punta q. Bhis n q. W8. :)" reply ko.

"Sige. :)"

Gusto kong lumundag sa katuwaang nilagyan niya ng smile sa hulihan ng kanyang mensahe.
------

Bumaba ako nang naka-ngiti.

"Ma, may practice." paalam ko kay mama.

Hindi  ito kumibo. Nagtuloy-tuloy ako sa labas. Hindi pa ako nakakalabas ng gate nang mapansin kong naka-tambay sa di kalayuan ang bago kong kapit-bahay. Hindi pala, ang nagbabalik kong kapit-bahay. Si Omar.

"Omar." tawag ko sa kanya nang makalabas ako.

Lumapit siya sa akin.

"Mukhang aalis ka ah."

"Medyo." tumawa ako ng bahagya.

"Nagtatambay kasi ako baka makakita ng kakilala. Makipag-kwentuhan."

"Ah ganun ba?." kaya pala. "Dapat mamayang gabi." tumawa ako. "Ang alam ko kasi, tuwing gabi lang sila naglalabasan."

"Ganoon ba?" medyo nalungkot ito sa nalaman. "Eh, ikaw san ang lakad mo?"

"Sa simbahan, may practice eh." para akong nag-aalangang mag-salita. "Ng choir." dagdag ko.

"Hindi ka parin nagbabago ha, laking simbahan ka talaga." tumawa ito pero hindi nakaka-insulto.

"Oo nga eh." ngumiti lang ako dahil bigla kong naalala ang mga nagdaang pangyayari.

"Sige, lakas ka na. Baka ma-late ka pa."

"Sige." pagsang-ayon ko. "Di ba hanggang bukas ka pa?"

"Oo."

"Sana bukas magkaroon ako ng time para makapag-kwentuhan tayo. Sige"

Nagpaalam na ako. Agad akong nakasakay sa jeep.

Si Omar napansin kong ang laki din ng pinagbago. Sa tagal ba naman naming hindi nagkita. Tumangkad siya. Mas pumuti at talagang luminis siyang tignan kaysa noon na maduhin tignan dahil sa kalalaro. Nagbinata na talga siya. Mas matanda nga pala siya sa akin. Ga-graduate na. "ano kayang kurso?" natanong ko sa isip ko. Sa totoo lang magandang lalaki din si Omar.

Sa naisip kong iyon ay biglang kumontra ang aking isipan.

"Mas pogi si Arvin, kaya." natuwa ako sa naisip ko pero bigla ko rin sinaway.

Dahil muli kong naalala ang nakakahiyang pangyayari. Bigla akong kinilabutan. Pero kahit ganoon may lakas ako ng loob para pumunta sa church.
-----

Hindi pa ako nakakababa nang tumunog ang cellphone ko. Hininaan ko na ang volume. Galing kay Arvin.

"san k n?"

"pskay p lng jip. w8" pagsisinungaling ko. Sa totoo lang pababa na ako.

"blis h pra my kausp n q d2."

Para akong naligalig sa txt na iyon ni Arvin. Wala pala siyang maka-usap.

Naglalakad ako nang binabasa ko yun. Tumigil muna saglit para mag-reply.

"w8 lng, ppunta n q." saka ako muling naglakad.

Hindi pa ako nakakalapit nang husto sa gate nakakarinig na agad ako ng tawanan. Gaya ng dati hindi ako dumiretso sa pag-pasok. Gusto ko munag sumilip at lalo na ang makinig sa nag-uusap.

"Ang labo mo naman." sabay tawa. Ito ang naumpisahan kong sinabi ng isang lalaki sa likod ng gate.

"Uy si Arvin oh." sabi nang isa pang lalaki. Para bang palapit sa kanila si Arvin.

"Vin, ano? Masarap ba ang nangyari?" sabay tawanan.

Hindi ko narinig si Arvin na tumawa. Hindi ko alam.

"San ka pupunta?" tanong ng unang lalaki.

"Diyan lang." sagot ni Arvin. Napansin ko ang tono ng pananalita niya ay nananamlay.

"Baka susunduin mo si Ren?" muling nagtawanan.

"Hindi ah."agap na sagot ni Arvin. "Bakit ko naman susunduin yun?"

"Wooo, sino ba sa inyo ang bading?" tawanan. "Biro lang." sabay bawi.

Nangingilid ang luha ko sa aking mga mata. Nanginginig ako sa mga naririnig ko. Paano kung pumasok na akobaka ako naman ang pagbalingan nila at pagtawanan. Hiyang-hiya ako at nawawalan ako ng lakas ng loob para pumasok. Patuloy parin silang tumatawa. Kahit medyo nalihis na ang pinag-uusapan, nakaka-insultoparin ang dating ng kanilang tawanan.

"Papasok pa ba ako?" parang gusto ko nang umatras at umuwi nalang.

Nagulat ako nang magbukas ang gate. Hindi ko alam kung ano ang gagawin ko kung magtatago ba o magpapakita sa lalabas.

Nanlaki ang mata ko nang makita si Arvin ang iniluwa ng gate. Nanlaki din ang mga mata nito. Bigla itong pumasok muli nang makita ako.

"Bakit?" tanong ko sa sarili ko.

Hindi ko alam ang sagot. Ang alam ko lang lalo akong nawalan ng lakas ng loob na tumuloy. Tumalikod ako at tinungo ang daan pauwi.-wakas.
-----




Ang alam ko lang noon, wala na akong mukhang maihaharap sa mga taong nakaka-alam ng isyu. Batay sa mga nalaman ko at narinig ko, hindi ko kayang harapin ang problemang ibinabato sa akin. Gusto kong maglaho nang mga oras na iyon. Parang sasabog ako pagna-aalala ko ang mga tawanan, bulong-bulungan at tuwiran nilang pagpaparinig sa akin. Pagna-iisip ko ang kanilang mga mukha, ang nakikita ko, pinagtatawanan nila ako.Ayoko ko na silang makita pang muli. Ayoko ko nang bumalik sa simbahan kung saan ako lumaki.

Hindi ko maisip si Arvin sa masasayang sandali dahil sa tuwing naiisip ko siya lalo akong nangingilabot sa sa tindi ng kahihiyan.

Kaya kong sabihing mahal ko si Arvin. Pero dapat kong kalimutan kasama sa desisyon kong makalimot, magbago at umalis.

Hindi na ako nag-simba, simula noon. Nag-txt sa akin si Arvin pagkaraan ng ilang sandali. Pero hindi ko nagawang replayan. Punong-puno ako ng hinanakit na kahit hindi sa kanya. Pagkatapos noon, hindi na muling nag-txt pa sa akin si Arvin.

Dumaan ang ilang linggo. Naka-tanggap ako ng mga mensahe kung nasaan ako at bakit wala ako pero binalewala ko ang lahat. Natapos ang pasukan, hindi na talaga ako nagpakita sa kanila. Nakapag-desisyon na akong hindi na babalik.

Pupunta ako sa tita ko sa Laguna para doon makalimot. Hindi ako mag-iistay doon ng ilang araw kundi hanggang sa kung kelan pwede akong maglagi doon.


-REN
----

Sa mga sumusubaybay sa aking likha, ito ang katapusan ng "Flickering Light." Maaaring natapos ang kwento sa hindi "happy ending" na paraan. Hindi ko alam kung mali ang naging desisyon, ngunit itinuloy iyon dahil natakot ang pangunahing karakter.


ABANGAN ninyo ang kanyang pagbabalik.

No comments:

Post a Comment