Friday, January 11, 2013

Breaking Boundaries (16 & Epilogue)

By: Migs
Blog: miguelsshortbisexualstories.blogspot.com
E-mail: miguisalvador@yahoo.com


[16]
Maaga akong nagising, naabutan ko ang aking mga magulang na nagkakasiyahan sa baba, tila ba bumabawi sa matagal na panahon na pagkakahiwalay nila. Napangiti ako, napagtanto ko kasi na matagal ng panahon nung huli kong naaalala na masaya kaming buong pamilya, sa totoo niyan, di ko na matandaan ang huling pagkakataon na iyon.




“Anak, iniisip ko na sabay sabay tayong magagahan tapos ay saka tayo tumuloy sa restaurant.” aya ng aking ina, noon kasi sa restaurant na kami nakain ng aking ina pero ngayon nagbago na ang lahat ay marahil gusto nitong masulit ang aming muling pagsasama bilang buong pamilya.



“Sige 'nay pero, hindi na kayo pupunta sa restaurant, magpahinga na lang kayo dito ni tatay, kaya ko nang magtarbaho ulit magisa. Magpahinga kayo o kaya kung gusto niyo mamasyal kayong dalawa.” alok ko sa mga ito, agad na nagliwanag ang mukha ng aking mga magulang at nagkatinginan.



“OK lang ako.” sabi ko sa mga ito.



0000oooo0000




“Mang Udoy, restaurant tayo.” sabi ko dito, agad naman ako nitong nginitian. Pitong taon ko ng driver si Mang Udoy pero ngayon ko lang ito nakita, medyo may edad na ito. Nginitian ko ulit ito.



“Sir, di ako sanay na hindi kayo naka shades.” nangingiting sabi ni Mang Udoy.



“Ganon ba mang Udoy? Ako naman di ako sanay na nakikita kayo.” pareho kaming napahagalpak sa sinabi kong iyon.



Habang nasa trapik kami ni Mang Udoy ay masaya kong sinasaulo ang bawat madaanan namin, minsan tinatanong ko kay Mang Udoy ang mga bagaybagay na masuyo niya namang sinasagot.



“Sir, yan nga pala yung dati niyong opisina. Diyan ko kayo halos arawaraw hinahatid, sinusundo at hinihintay.” nakangiting sabi ni Mang Udoy. Natigilan ako.



“Mang Udoy, pwede ba tayong dumaan saglit diyan?” tanong ko dito, napangiti naman ito.



0000oooo0000



Nasa lobby palang ako nang mapansin kon pinagtitinginan ako ng mga tao, agad ko itong tinanong kay Mang Udoy.



“Sikat kayo dito, Sir. Ibinangon niyo ang local branch na ito mula sa papalubog ng pamamahala.” nakangiti nitong sagot sakin.



Nang makasakay kami sa elevator ay tila nakakita ng multo ang babaeng nagooperate noon.



“G-goodmorning, Sir.” bati nito sakin, mataman ko itong tinignan at nginitian, narinig ko itong napasinghap.



“M-may problema ba?” tanong ko dito.



“W-wala naman po, Sir. Natutuwa lang ako at nakakakita na kayo.” sabi nito sakin saka kinakabahang ngumiti, napangiti narin ako.



Nang makaakyat na kami sa aking opisina ay iginala ko agad ang aking mata, umaasa na makikita ko sa maraming naglalakad at abalang nagtratrabaho si Ivan. Susupresahin ko ito.



“Sir Marcus!” sigaw ng isang babae na pinakamalapit sakin.



Sandaling bumagal ang kilos ng lahat at isa isang itinuon ang pansin sa akin. Ngumiti ako sa mga ito.



“It's nice to finally see the people I've loved working with for the past 5 and a half years!” tawag ko sa mga ito at isa isa itong lumapit sa akin, iba ay yumakap sakin at ang iba ay nakipagkamay, pero mas maraming yumakap sakin.



Agad na lumabas ang Presidente ng kumpanya sa branch na iyon, ngumiti ito sakin, siya ang aking boss noon, mabait, matalino at kagalanggalang.



“Nice to see you again.” bati nito sakin sabay yakap. Nagulat ako.



“Nice to finally see you.” napatawa ito at hindi binitawan ang kamay ko at hinila ako papalapit sa aking dating opisina. Nanlambot ako, makikita ko na ulit si Ivan.



“You did so many great things in this company and so was your accomplice, Ivan. But if you're still interested, I'm offering your job back...” naguluhan ako sa sinabing iyon ng aking dating boss.



“I'm sorry to hear about Ivan, I know you two are close, almost like brothers...”



“Sorry, Sir, ano po bang ibig sabihin ng lahat ng ito, ang pagaalok niyo ulit ng dati kong pwesto at ang---” nangunot na ang noo ng aking dating boss



“Di mo ba alam? Ilang buwan ng bakante ang pusisyon na yan.”



“Ha?!” nagulat ang aking dating boss sa aking reaksyon.



“Marcus, wala na si Ivan. Patay na siya.”



Nanlaki ang aking mga mata sa gulat, nagmanhid ang aking buong katawan, bigla akong nahirapang huminga halos mawalan ako ng malay sa sinabing iyon ng aking dating boss. Inalalayan ako nito ng mapansing malapit na akong matumba.



“Akala ko alam mo na. I'm sorry, Marcus.” pangaalo ng aking dating boss, ngayon ramdam ko na ang tingin ng bawat isa na nagtratrabaho doon sa opisina na iyon. Ang isa ay inalok pa ako ng upuan. Agad naman akong umupo doon.



“W-what happened?”



“Tumor, we suggested having it removed because it triggers seizures and discomfort in his part. He consulted the best neurologist and neurosurgeon our company has to offer pero nung time na nung surgery, while the procedure is being done, nag cardio pulmonary arrest si Ivan, they were not able to revive him.”



Nang tumayo ako ay agad akong niyakap ng aking dating boss.



“Isa si Ivan sa naging pinakamagaling na VP ng kumpanyang ito. Like you we miss him.” sabi nito, di ko na napigilang mapaluha.




“Sir, can I ask a favor?” bulong ko pabalik sa aking dating boss.



“Anything...”



“Can I have the address of Ivan's family? Ang alam ko lang kasi he lives in Cubao and that's it. I tried calling but there's no answer.”



“Ah, baka asa Antipolo sila, may nabili kasing bahay dun si Ivan.” paliwanag ng aking dating boss.




Umalis ako ng opisina na yun na nanlalambot parin, panong hindi ko iyon nalaman? Nangunot ang noo ko at biglang napaisip.




“Mang Udoy, bahay tayo.” utos ko sa driver, tumango lang ito.



0000oooo0000



Pagdating ko sa bahay ay naabutan ko ang aking mga magulang na paalis pa lang. Agad nilang nabakas sa mukha ko na may mali.



“Anak?”



“ 'Nay sino ang tumawag noon bago mo malaman ang tungkol sa eye donor? Si Ivan ba talaga?!” malamig kong tanong sa aking ina, natigilan ito. Namutla at biglang inalis ang pagkakatingin sakin.



“S-si J-jepoy.” pagamin nito.



“May sinabi ba siya tungkol sa malubhang sakit? Tungkol kay Ivan?” nagsisimula ng tumaas ang boses ko. Natigilan ulit ang aking ina, tumalikod at naglakad palayo.



“ 'Nay!” sigaw ko.



“Marcus, anak, wag mo namang pagtaasan ang boses ang inay mo.” saway sakin ng aking ama.



“Patay na si Ivan.” napatigil ang aking ina.



Ito ang unang pagkakataon na nasabi kong patay na si Ivan, tila ba ito ang tumutuldok sa aking pagaalinlangang hindi totoo ang sinabi ng aking boss, tila ba inamin ko sa sarili ko na wala na nga ang kaibigan ko. para kong sinampal ang sarili ko.



Napaharap bigla ang aking ina. Kita ko ang pangingilid ng luha nito. Nilulunod ng pagsisisi ang mukha nito.



“A-anong sabi ni J-jepoy noon?”



“A-akala ko g-gusto ka lang niyang guluhin. A-akala ko g-gumagawa lang siya ng dahilan.”



“Sinabi niyang may sakit si Ivan, na malubha si Ivan at hindi mo naisip na baka nagsasabi ng totoo yung tao? Alam mo kung gano kaimportante sakin nung tao!” ngayon, pareho ng nababalot ng luha ang mukha namin ng aking ina.



Napaupo ang aking ina sa pinakamalapit na upuan. Tumalikod na ako, tinanong ng aking ama kung saan ako pupunta, pero di ko na ito pinansin pa.



0000ooo0000




“Pasensya na, Mang Udoy, pero kailangan ko pong pumunta sa Antipolo, naiintindihan ko po kung sasabihin niyong pagod na kayo---”



“Ay naku, Sir. OK lang ako.” sagot agad ni Mang Udoy, agad akong pumasok at umupo sa tabi nito.



“Dito tayo sa address na ito.” sabi ko dito, tumango bilang sagot si Mang Udoy at pinaharurot na ang sasakyan papunta sa Antipolo.



0000ooo0000



“Sir, andito na po tayo.”


Dahan dahan kong ibinukas ang aking mga mata, hinayaan itong magadjust sa liwanag ng paligid. Nakatulog pala ako sa biyahe. Iginawi ko ang aking paningin sa labas ng bintana, nasa isa na akmi ngayong village, magaganda ang mga bahay doon, isang bahay ang nakakuwa ng aking pansin.



Exact replica ito ng aming bahay, ang kahoy na ginamit ang bubong ang simento, mga halaman pati ang puno. Nung una akala ko ay nasa harapan kami ng aming bahay pero ng tignan ko ang mga katabing bahay ay ibang iba ito. Nangunot ang aking noo.



“Saglit lang po, mang Udoy.” paalam ko sa matanda.



Agad akong naglakad papalapit sa bahay, pati ang mababang bakod ng aming bahay ay kuwang kuwa nito, naglakad ako sa terrace na tila naglalakad sa sarili naming terrace, kumatok ako sa pinto at nagulat ng si Jepoy ang magbukas nito.



Halatang nagulat din si Jepoy sa biglang pagsulpot ko doon.




“Jepoy, hijo sino yan?” tanong ng isang babae.



Nang makalapit ito sa likod ni Jepoy ay natigilan din ito, agad na nangilid ang luha, tumitig sa aking mga mata at ngumiti.



“Sir Marcus.” bulong nito.



Pamilyar ang boses na iyon sakin. Matamlay ang mukha nito pero pilit na ngumingiti, nakaitim na damit ito na miya mo nagluluksa.



“Pasok ka, Sir.” alok ng babae sakin.



“S-salamat po.” sabi ko sabay tingin kay Jepoy nun ko lang napansin na nakaitim din si Jepoy at ng magtama ang aming mga tingin ay bigla akong nakaramdam ng pamimigat ng pakiramdam.



Matagal tagal ko naring di nakikita si Jepoy, pero alam ko ang itsura nito kapag may tinatago itong hinanakit at galit. Nagsimula na akong pumasok, pinadaan ako ni Jepoy at sumunod ito sakin papunta sa sala na katulad na katulad din ng samin. Sa di kalayuan ay napansin ko ang isang litrato, may isang maliit na kandila na nakatirik sa unahan nito. Tinitigan ko ang mukha ng lalaking tampok sa litratong iyon. Napakaamo.



“Bakit ka nandito?” isang malamig na tinig ang aking narinig, di ako nagkamali, kay Jepoy galing iyon.



“Jepoy, Hijo.” saway ng babae.



“Hindi ka na dapat pumunta dito. Matagal ng patay si Ivan. Huli ka na!” sigaw nito, namumula ang mukha at nanlilisik ang mata sa galit.




Di ko na napigilan ang mga luha ko sa pagbagsak.




Itutuloy...




[Finale]
Nagulat ako sa inaasta ni Jepoy, alam ko kung bakit ito nagagalit at hindi ko siya masisisi. Matalim parin ang mga tingin nito sakin, hinaplos na ng babae ang likod ni Jepoy para kumalma ito. Huminga ako ng malalim at inisip kung ano bang magandang sabihin.



“I'm sorry---”



“You should be!” sigaw ni Jepoy. Wala akong makitang ibang emosyon sa mukha nito kundi galit. Nasasaktan ako habang nakikita iyon.



“Jepoy---” simula ng babae.



“Isang beses ka lang kinailangan ni Ivan di mo pa napagbigyan! Ikaw na itong nagsabi sakin na hindi mo kayang saktan si Ivan pero nasan ka nung kailangan ka niya?! Lagi siyang nandiyan noon sa tabi mo, maski hindi mo siya kailanganin andyan siya sa tabi mo, pero nung kailanganin ka niya, asan ka?! Sinabihan mo pa akong desperadong makausap ka! Pinagbintangan mo pa akong gumagawa ng kwento makausap ka lang!”



Wala ng tigil ang luha galing sa aking mga mata. Lumapit sa aking ang babae.



“Tahan na, Sir.”



“Sa bibig ko ba mismo galing ang mga salitang yan, Jepoy?” tanong ko dito, nakayuko na ako ngayon, walang sing bigat ang pakiramdam dahil sa mga masasakit na salita na sinabi ni Jepoy pati narin dahil sa mga bintang nito.



Natigilan saglit si Jepoy.



“Ang inay ang nakausap mo nung tumawag ka---”



“Tumawag ako para sabihin malubha na si Ivan at sinabi ng inay mo na ayaw mo akong makausap na desperado na ako---”



“Galit ang inay sayo, kung ako ang nakausap mo hindi sana---”



“Nakausap na kita bago pa lumubha ang sakit ni Ivan. Hindi ka naniwala sakin, sinabi ko sayo na wala kaming relasyon na ang lahat ay palabas lang dahil may pinaplano para sayo si Ivan.”



Natigilan ako.



“Pero nanguna yang pride mo. Akala mo nandun ako para sirain kayo ni Ivan, ni hindi mo nakita na nagsasabi ako ng totoo! Kung naniwala ka lang sana---” nanginginig ng sabi ni Jepoy.



“Matagal ng alam ni Ivan ang sakit niya, pero hindi niya inalintana yun dahil ayon sa kaniya, mawawalan ka ng kasama sa oras na magpaospital siya. Pinilit niyang bumawi sa kabutihan mo sa kaniya sa pamamagitan ng paglalapit ulit sating dalawa dahil naniniwala siya na asakin ang kaligayahan mo. Pilit niyang isinasama ako sainyo para mapalapit ang loob mo ulit sakin, pero hindi, ang taas ng bakod mo, hindi ka magpadaig sa totoong nararamdaman mo, sa pagmamamahal na pinararamdam ko sayo. Nagsimula ka ng magtaka at nakita ni Ivan na naguguluhan ka na sinabi nito na magboyfriend kami para di ka na magtanong at di ka na pumili sa aming dalawa, pero mali ang ginawa niyang yun, lalo mong tinaasan ang bakod mo. Nung gabing ayaw kang isama ni Ivan mag dinner, yun ang gabing dapat sasabihin ko na sayo ang lahat ng pinaplano ni Ivan, dun ko na lilinawin ang lahat dahil nakikita kong unti unti ka ng lumalayo, alam kong nasaktan ka nang hindi ka isama ni Ivan, alam niya rin ito, kitang kita sa mukha mo, Maki, pero nagmatigas si Ivan, lumalala na ang sakit niya noon, matamlay na siya, bagsak ang katawan at madalas nagsusuka, di magtatagal mismong ikaw mapapansin mo na na may kakaiba sa kaniya, kinausap ko siya nung gabing iyon, sinabi ko na sasabihin ko na saiyo lahat ng binabalak niya sayo sa dinner na iyon pero pinigilan niya ako, nagtalo kami, ayaw niyang masira ang plano niyang makabawi sayo, alam niya na kapag nalaman mo ang tungkol sa pagdo-donate niya sayo ng mata kapag nangyaring talunin na siya ng kanyang karamdaman ay sigurado siyang tatanggihan mo iyon kaya't mas pinili niya na masaktan ka ng panandalian at makakita sa huli kesa malaman mo ang lahat at tumanggi sa inaalok niya. Isinakripisyo niya ang sarili niya para sayo. Ganun ka niya ka-mahal. Hanggang sa huli di ka niya iniwan!”



Wala akong masabi sa mga inilalahad ngayon ni Jepoy, ang alam ko lang walang patid ang pagiyak naming dalawa kahit na pinipilit naming maging matigas ang aming mga mukha ibinuko naman ng aming mga luha ang totoo naming naramdaman.



“Hanggang sa lumala na yung sakit niya. Alam niya na hindi na siya magtatagal kaya humanap siya ng ibang paraan para makabawi sayo. Yung tipong kahit wala na siya ay nakakabawi parin siya sa kabutihan mo sa kaniya noon. Mahal na mahal ka ni Ivan, Maki. At utang na loob mo sa kaniya ang panibago mong buhay.”



Lalong bumigat ang aking pakiramdam. Tumingin ako sa salamin sa hindi kalayuan at sa litrato ni Ivan, ipnabalibalik ko ang tingin sa aking repleksyon at sa litrato ni Ivan. Lalo akong napahagulgol.



“I'm sorry, Ivan.” bulong ko ulit at niyakap ako ng babae sa aking tabi.



“Ngayon, alam mo na kung bakit ko sinabi na dapat lang na humingi ka ng tawad kay Ivan, mahal na mahal ka niya, tiniis niya lahat sayo at nagsakripisyo. Kung hindi ka parin naniniwala sa sinasabi ko, tumingin ka sa paligid mo, gamitin mo ang paningin na binibay sayo ni Ivan, tignan mo ang bahay na pinagawa niya.”



Mayamaya pa ay narinig ko ang paglakad ni Jepoy at ang pabalang na pagsara ng pinto.


0000ooo0000


Matagal kaming natahimik ng babae sa aking tabi, wala paring tigil ang pagpatak ng luha ko at ganun ganun parin ang pagaalo sakin ng babae. Bahagya akong kumalas sa yakap nito, tinignan nito saglit ang mukha ko at pinahiran ang aking mga luha. Nun ko lang din ito napagmasdan.



May edad nadin ito pero masasabi mong maganda ito nung kabataan niya, maaliwalas ang mukha nito at di rin maikakaila ang maamo nitong mukha na siya ring nagsasabi na mabait ito.



“Sir, alam kong ngayon lang tayo nagkakilala pero matagal na tayong nagkakausap sa telepono, ako ang nanay ni Ivan.” pakilala nito. Ngayon alam ko na kung bakit pamilyar ang boses nito.


“Maki na lang po.”


“Tama ang sabi ni Ivan. Mabait ka nga.” sabi nito sabay ngiti.



“Tita, sorry talaga sa nangyari, di ko alam...”



“Wala iyon, hijo. Walang may gusto ng nangyari.”


Di na ako nakasagot sa halip ay isang mahigpit na lang na yakap ang ibinigay ko dito, nang maghiwalay kami ay nginitian lang ako nito, iginala ko ang aking mata sa buong bahay. Nahagip ng aking mata ang isang litrato. Tumayo si Tita at kinuwa iyon atsaka bumalik sa aking tabi.


“Napakabait na bata ni Ivan, wala siyang ginusto kundi ang makapagaral at maiahon kami sa kahirapan. Ikaw ang tumulong sa kaniya na makamtan yon, Maki at dahil dun napamahal ka na sa kaniya. Nung una, hindi ko maintindihan kung bakit ganito ang design ng bahay, saka na lang sinabi sakin ni Jepoy na ganitong ganito ang itsura ng bahay niyo at ayon sa sinabi ni Ivan ay gustong gusto niya doon.” natatawang salaysay ni Tita habang nakatingin sa larawan ni Ivan.


“Bakit di niyo sinabi sakin yung tungkol sa tumor, tita? Sana natulungan ko kayo.”


“Si Ivan narin ang may sabi na wag kang sabihan para bang noon pa lang alam na niya na wala na ring magagawa ang operasyon.” matamlay na sagot ni Tita.


Natahimik ulit ako at tinitigan ang litrato na kandong kandong ni Tita. Noon ko lang nakita ang mukha ni Ivan. Dati kasi nasasabi ko lang na gwapo ito dahil sa aking pagkapa sa kaniyang mukha ngayon ay masasabi kong talagang gwapo si Ivan.


“Totoo rin ang sinabi ni Jepoy kanina, sinubukan ni Ivan na paglapitin ulit kayo ni Jepoy. Sana, Maki makaayos na ulit kayo, alang alang kay Ivan.”



0000ooo0000


“Mang Udoy sa restaurant tayo.”



Isang linggo na ang nakaraan nung malaman ko ang totong nangyari kay Ivan, di narin nagalangan pa na humingi ng tawad ang aking ina sa kaniyang mga maling desisyon noon, di ko sana ito mapapatawad pero ang inay narin ni Ivan ang nagsabi na patawarin ko ito.



“Gusto ka lang protektahan ng iyong inay.”


Kinausap ko na ito na sa oras na makahingi ako ng tawad kay Jepoy ay siya rin dapat na hingi niya ng tawad dito. Pero isang linggo na rin na wala akong balita kay Jepoy. Sinubukan ko itong tawagan, sinubukang ma-contact ang pinagtratrabahuhan nito at minsan naring pumunta sa bahay ng mga magulang nito pero talagang mailap ito.


“Opo, Sir.” sagot ng matanda sabay ngiti.



Inabot ko ang mga dokumento tungkol sa ga inventories ng aking restaurant na nakapatong sa upuan sa aking tabi, sinimulan kong buklatin ang mga ito at basahin isa isa ang mga reports. Napansin kong tumigil ang sasakyan, tumingin ako sa unahan ng sasakyan at napansing traffic, napa buntong hininga ako. Iginawi ko saglit ang aking tingin sa labas ng aking bintana.


“Jepoy?” tanong ko sa sarili ko nang mapansin ang isang lalaki na naglalakad sa labas ng isang sementeryo.


“Sir, May sinasabi po kayo?” tanong ng driver sakin.


“Mang Udoy itabi mo muna saglit ang sasakyan, may pupuntahan lang ako.” utos ko dito sabay labas ng sasakyan.


Mabilis kong sinundan ang lalaki, papasok ito sa sementeryo.


“Jepoy!” tawag ko dito pero parang hindi ako nito narinig.


Binilisan ko pa ang aking paglalakad, nang makapasok ako sa sementeryo ay agad kong iginala ang aking mga mata. Di ko na makita ang lalaki, malaki ang sementeryo, malawak ang lupain natatakpan ng pantay pantay na damo na naputol lamang ng ilang mga lapida na nagmamarka ng mga taong nakahimlay don saka ng ilang mga matatas na puno na siya namang nagsisilbing mga silungan ng mga taong bumibisita doon.


Di ako magkamayaw sa paglingon, nagbabakasakaling makita ulit ang lalaking aking sinundan papasok sa sementeryong iyon. Tumigil ako saglit sa ilalim ng malaking puno ng acacia dahil sa pagod at sa init na binibigay ng nakatirik na tanghaling araw nang biglang humangin ng malakas, nagliparan naman ang mga piraso ng papel ng inventories ng restaurant na inaamin ko nung mga oras na iyon ay nakalimutan kong hawak ko pa pala.


Nahabol ko ang ilan dito pero ang iba ay dinala ng hangin sa ilang mga lapida na nakahilera sa malawak na damuhan. Isang pahina na lang ang aking di napupulot, inabot ko ito at laking gulat ko ng aking damputin ang papel, natatakpan nito ang isang lapida.


“Jana.” bulong ko.


Parang nawalan ng lakas ang aking mga tuhod, napaluhod ako sa malambot na damuhan at nakita ko na lang ang sarili ko na lumuluha. Ibinaba ko sa aking tabi ang mga papel na naglalaman ng inventories sa aking tabi. Di ko na napigilang ang mapahagulgol.


“Jana, I'm sorry.” bulong ko ulit kasabay non ay ang pagihip ng malakas na hangin. Muling nagliparan ang mga papel sa aking tabi.


“Maki?”


Agad akong napalingon nang marinig ko ang pagtawag sakin ng isang lalaki sa aking likod. Nang malaman ko kung sino ito ay agad akong tumayo at iniyakap ang sarili ko dito. Hawak hawak nito ang ilan sa mga papel na kanina lamang ay nilipad mula sa aking tabi.


“Bakit ka umiiyak?” malumanay na tanong nito sakin habang mahigpit ding ibinabalik ang yakap na aking ibinibigay sa kaniya.


Kung pakikinggan mo ang tono ng boses nito ay miya mo hindi nangyari ang paninigaw na ginawa nito sakin nung huli kaming nagkausap, walang bahid ng galit, mayamaya pa ay naramdaman ko narin ang pagtulo ng mga luha nito sa aking balikat kung saan nakahilig ang kaniyang ulo dahil sa aming pagkakayakap.


“Walang may gusto ng nangyari kay Jana.”


“Nasaktan natin siya, Jepoy.”


“I'm sure napatawad na tayo ni Jana.”


“P-pano mo nasabi?” tanong ko dito, bahagya kong inilayo ang aking mukha sa kaniya para makita siya ng maayos.


“Natatadaan mo ba nung gabi ng aksidente? I'm sure di mo nakita kung pano siya ka concern sayo nung nakita niyang duguan ka, Maki. Hindi ka matitiis ni Jana.”


Pinagmasdan ko ang mukha nito. Seryoso, walang bahid ng pagaalinlangan ang kaniyang binitiwang mga salita. Pero sa kabila ng sinabi niyang yun ay nilalamon parin ako ng guilt at sa loob loob ko ay sinisisi ko parin ang sarili sa pagkamatay ni Jana. Marahil ay napansin ni Jepoy ang pagaalinlangan ko sa kabila ng kaniyang pagaalo. Kumalas ito sa aming pagyayakapan at lumuhod sa tapat ng puntod ni Jana.


“Jana, Sana napatwad mo na kami. Mahal na mahal ko si Maki sana pagaangin mo na ang loob niya. Tulad ko, matagal na niya itong dinadala at matagal na rin itong bumabagabag samin. Sana maging masaya na kami sa isa't isa.”


At kasabay ng pagtapos ng mahabang sinabing yun ni Jepoy ay tila ba isang mensahe, tila ba sinagot nito si Jepoy, isang katamtamang lakas ng hangin ang siyang umihip na nagpagalaw sa mataas na puno ng acacia. Sabay kaming napatingala ni Jepoy.


Nagsimulang magbagsakan ang maninipis at pabilog na dahon ng puno ng acacia na tila ba umuulan ng pinaghalong berde, dilaw at pusyaw na kulay ng dahon at bulaklak mula sa puno. Nagkatinginan kami ni Jepoy, muling nagsalubong ang aming mga katawan.


“Tagal ko ng gustong maulit ito, Maki.” naiiyak na bulong sakin ni Jepoy. Lalo kong idiniin ang aking mukha sa kaniyang leeg.


“Sorry.” bulong ko dito.


“Para saan?”


“Sorry dahil di kita pinaniwalaan agad.” pagkasabi ko nito ay bahagya ulit ako nitong inilayo sa kaniya at hinawakan ng mahigpit ang aking kamay at hinila sa isang puntod di kalayuan sa puntod ni Jana.


“Napanaginipan ko si Ivan kagabi. Pinapapunta niya ako dito. Tinatanong ko siya kanina kung bakit nya ako pinapapunta dito nang makita ko ang nagliparang papel. Dun kita nakita.” nangingiting sinabi nito sakin.


Napatingin ako sa lapida ni Ivan at ngumiti narin.



“Kulit mo talagang kumag ka!” bulong ko sa maliit na lapida. Nakarinig ako ng paghagikgik sa aking likod.


“Sorry din pala dun sa mga sinabi ko sayo dun sa bahay nila Ivan---” nakayukong sabi ni Jepoy na tila nahihiya sa kalokohang ginawa.



“Huwag kang maginarte ng ganiyan, di bagay sayo.” saway ko dito. Napatawa ito.


“Sir Maki, hinahanap na po kayo ni Ma'am sa restaurant.” tawag sakin ni Mang Udoy na sumunod pala sakin. Nginitian ko si Jepoy, tila hindi alam kung pano ngayon kikilos ngayong maayos na sa pagitan namin ang lahat.


“S-sige una na ako.” paalam ko dito, tila naman nadismaya ito sa aking pamamaalam.


“S-sige i-ingat ka.” sagot nito, di ko maintindihan ang aking nararamdaman, tila ba nanghihinayang ako dahil di ko na ito makakasama sa susunod pang mga oras, na natapos ang aming pagkikita sa ganoon. Kaswal lang ang lahat, parang bumalik sa panahong ka papakilala lang samin ni Jana, walang emosyon, walang pagmamahal.


Mabigat ang paa akong lumakad palayo mula dito. Nang makalmpas na ako sa puntod ni Jana atsaka sa malaking puno ng acacia ay bigla ko ulit narinig ang pangalan ko.


“Maki!”

Tumalikod ako at nakitang tumatakbo papunta sa aking direksyon si Jepoy. Nabuhayan ako ng loob, nang magsalubong ang aming mga katawan ay agad naming ibinalot ang bawa't isa sa isang mahigpit na yakap at nagsalubong na sa wakas ang aming mga labi.



Isang halik na puno ng pagtangis at pagmamahal ang aming pinagsaluhan.



“I will never let you go again.”



-wakas-

No comments:

Post a Comment