Friday, January 11, 2013

In Love with Brando (16-Finale)

By: joshX
Source: m2m-bromance.blogspot.com


[16]
MAG-AALAS-DIYES NA NANG umaga nang magising ako kinabukasan. O mas tama yatang sabihing noon na lang ako nagdesisyon na bumangon sa kama dahil hindi naman talaga ako nakatulog sa buong magdamag. Napakahapdi tuloy ng mga mata kong hirap na imulat sa pagtama ng sikat ng araw na lampasan sa aking bintana.


Dala ko pa rin hanggang ngayon ang negative feelings mula kagabi. Hindi pa rin mawalawala ang sakit sa puso ko ng mga pangyayari. Napakabigat na yata ng eyebags ko sa kaiiyak at wala na rin ang composure ko sa sarili. Naging larawan tuloy ako ng devastation, hopelessness at walang direksiyon ang buhay.

Hindi ko rin alam kung saan ako huhugot ng lakas ng loob para ituloy pa ang buhay. Naisip ko ang aking OJT na dapat sana’y kanina ko pa napasukan o at least man lang ay nakapag-text ako kay Engr. Clyde na hindi makakapasok lalo na’t kababalik ko pa lang sa SJR.

Bigat na bigat ang katawan na inabot ko ang cell phone sa sidetable.

Shit! Battery empty. Malamang pagkatapos ng walang katapusang redial kagabi ay namatay na ito ng tuluyan. Itinabi ko na lang ulit at hindi ko na pinagaksayahan pa ng panahong i-charge tutal wala na naman akong ini-expect pang tatawag o magti-text sa akin. Imposibleng gawin pa iyon ni Kuya Brando. Not now na okay na sila ni Kuya Rhon.

Isinuklay ko lang ang aking kanang daliri sa aking buhok bago mabibigat ang mga paang lumabas ng silid. Nagpasya akong dumiretso sa silid ni Kuya Rhon dahil naroon pa kasi ang lahat ng mga damit at gamit ko na hindi ko na nagawang ilipat kagabi.

Kakatok sana ako sa pinto pero bukas na ito at wala si Kuya Rhon sa loob ng silid. Magaan ang utak at mabigat ang katawan na pinilit kong kumuha ng damit na ipapalit sa suot kong pajama.

Palabas na ako nang mapansin ang mga picture na nakakalat sa may sidetable. Hindi ko alam kung bakit parang may pwersang humihikayat sa akin na tingnan ang mga iyon. Tumingin muna ako sa labas at medyo nakiramdam kung may parating bago nilapitan ang mga larawan.

Mga pictures lahat ni Kuya Rhon, mga shots sa Korea, ang background ay sa kaniyang opisina, sa kaniyang bahay at sa mga magagandang tourist destination sa bansa. Lahat mukhang bagong kuha lang at ang size ay puro 3R maliban sa isang wallet size na medyo nanilaw na ang photopaper na pinagdebelopan at nakataob ito kaya iyong sort of dedication in handwriting ang una kong napansin.

May naalala tuloy ako bigla: ito kaya ang picture sa wallet noon ni Kuya Rhon na ayaw ipakita sa akin at nang at last ay nakita ko na ay napalitan na ito ng Tazmanian Devil? The same picture na nasa wallet at hawak ni Kuya Brando noong time na nagkakalabuan na sila? Picture ba iyon ni Phen?

Hindi ko mapigilan ang panginginig ng aking kamay nang kunin ko ang picture at binasa ang dedication:


Rhon,

I finally found the love in you…

Phen


Ang date na nakalagay ay more than ten years ago na. Nang pihitin ko ang picture, half body shot iyon ni Kuya Rhon, iyong hitsura niya noong 19 yrs old pa lang siya at yakap niya mula sa likod ang isang lalaki na tingin ko ay mas bata sa kaniya ng dalawang taon na malamang ay si Phen. Kinunan sa isang disco house ang picture base na rin sa makikita sa background nito.

Guwapo nga si Phen at kakaiba talaga ang hatak ng appeal. Pero habang pinagmamasdan ko siya ay may naaalala akong kamukha ni Phen na nakita ko somewhere hindi lang matukoy ng mahilo-hilo ko pang isip dahil sa mga nangyari mula pa kahapon.

Ipinikit ko ang aking mga mata sa pag-asang luminaw at matagpuan sa pinaglagakan ng isip ko ang hinahanap kong lugar kung saan ko nakita si Phen. Pagkatapos ng ilang sandali, naalala ko na. Sa kabila ng pagod ay naalimpungatan ko na lang ang sariling mabilis na nagbibihis para puntahan ang lugar.


“PAKIHINTAY NA LANG PO si Engr. Clyde at palabas na.”

Nagtatakang sabi sa akin ng katulong habang mariin akong nakatitig sa half body shot picture nina Kuya Brando at ni James na ayon din sa katulong na kaharap ko ngayon, na nasa picture frame na nakapatong sa entertainment cabinet sa malaking bahay ng mga Ramirez kung saan ako dinala ng mga paa ko sa paghahanap sa kamukha ni Phen. Nilapitan ko pa ito saka itinabi ang hawak kong wallet size na picture.

No doubt, magkamukha si Phen at si James. May kaugnayan kaya sila o sadayang magkamukha lang? Kambal ba sila o iisang tao lamang?

Tinapunan ko ng nagtatanong na tingin ang katulong. Lumapit naman ito sa kinatatayuan ko saka napangiti nang makita ang hawak kong picture. “May picture po kayo ni Sir James?”

Bakit James ang tawag ng katulong kay Phen? Parang sigurado ito sa sinabi na binalewala ang posibilidad na magkamukha lang sila?

“James…?”

“Opo, ‘yang nasa picture frame at ‘yang nasa hawak ninyo parehong si Sir James. Pati iyang kasama niya parang namumukhaan ko rin,” siguradong-siguradong sabi ng katulong.

“Si Phen ito,” giit ko.

Parang clueless naman ito sa iniisip ko at may kainosentehan nang magsalitang muli. “Opo. Si Sir James—si Sir Stephen—at si Sir Phen ay iisa.”

Namilog ang mata ko at hindi halos makapaniwala sa narinig. “Ano?!”

“Opo. Ang full name po niya ay Stephen James Ramirez. Ang tawag po ni Sir Brando at kami ni Inay sa kaniya ay James. Iyong iba naman ay Stephen pero mas gusto niyang tawagin siya sa palayaw na Phen. Sa mga kaibigan niya lalo na iyong may espesyal na puwang sa kaniyang puso, ang gusto niya ay tawagin siyang Phen. Pero medyo nakalimutan ko na rin siya kundi lang dahil kay Inay na palaging ikinukwento siya sa akin tuwing nagtatanong ako. Sa katunayan initials po niya ang SJR sa pangalan ng kumpaniya nila.”

OMG! Ibig sabihin ang third party na si Phen ay kapatid ni Kuya Brando! Ang tunay na anak ni Chairman. At bakit hindi ko nga pala napagtuunan ng pansin na ang SJR sa SJR Construction Corporation ay Stephen James Ramirez!

Tumingin ako sa family portrait doon sa isa pang batang lalaki. “Si Phen din ba iyon?”

Tumango ang katulong.

“All I thought walang anak si Chairman at inampon nila si Kuya Brando. Sabi pa nga ni Engr. Clyde nag-iisang anak lang si Kuya Brando.”

“Meron po. Si James po ang tunay nilang anak. Baka ganoon lang ang nasabi ni Engr. Clyde kasi—“ Biglang nalungkot ang mukha nito sa naisip.

“Kasi ano?”

“Kasi matagal na pong patay si Sir James. Nagpatiwakal po siya sa paglunod sa sarili sa swimming pool sa labas. Kaya nga mula noon hindi na nilagyan pa iyon ng tubig. Kasama niya si Sir Brando pero hindi siya nakuhang sagipin sa pagkalunod.”

“Paanong hindi nasagip?”

“Nag-inuman po silang dalawa nang gabing iyon. May problema daw si Sir James, ayon kay Inay, brokenhearted daw – ,” napatingin siya sa hawak kong picture na parang pilit kinikilala si Kuya Rhon. Maya-maya ay muling nagsalita sabay turo kay Kuya Rhon. “Naaalala ko na siya. Siya iyong palaging nandito sa bahay at minsa’y dito pa nga natutulog, mga ilang araw pagkadating ni Sir James. Mga ilang lingo ko din nakikitang magkasama sila palagi ni Sir James hanggang dumating iyong panahon na dumalang ang pagpunta niya tapos wala na…hindi na siya nagpunta pa.”

“Si Kuya Rhon ito,” mahinang sabi ko.

“Oo nga. Naalala ko na. Pinakilala nga pala siya ni Sir James na si Sir Rhon. Siya ang tinutukoy ng Inay na nang-iwan kay Sir James. Kaya nang gabing iyon nag-inuman sila Sir James at Sir Brando tapos nalasing sila at nakatulog. Nang maalimpungatan si Sir Brando, nakita na lang niyang nakalutang si Sir James sa swimming pool at wala ng buhay.”

“Kaya pala ayaw na niya ang swimming,” mahina kong bulong sa sarili pero narinig pa rin ng katulong.

“Traumatic kasi ang pagkalunod ni Sir James sa kaniya.”

Kung ayaw na niya ng swimming at napilitan lang siyang sumama dati sa beach sa Nasugbu para bantayan ako ayon sa kaniya, ibig sabihin totoong may pagtingin siya sa akin. Napakahirap kayang gawin iyong bagay na maghaharap sa iyo sa traumatic experience mo dati. Pero binalewala niya ang takot dahil mahal niya ako. Mahal ako ni Kuya Brando. Naisip ko na baka hindi naman totoo na sila na ulit ni Kuya Rhon.

Kahit papaano’y lumilinaw na ngayon ang mga katanungan na matagal na namalagi sa aking isip. “Kailan siya nalunod?”

“Matagal na po. Eksaktong eleven years na po ngayong araw na ito.”

“Malamang naging malaking dagok iyon kay Kuya Brando,” sabi ko para patuloy na i-encourage ang katulong na magsiwalat ng nalalaman.

“Opo, lalo na’t nagbabakasyon lang dito si Sir James noon galing Amerika.” Tumingin ito sa picture frame. “Iyan nga po ay kuha nilang dalawa nang sunduin ni Sir Brando sa airport si Sir James.”

Biglang bumalik sa akin iyong pangyayari nang puntahan ako sa skul ni Kuya Brando dahil nawala ang coin purse ko at bigyan na rin ng french fries at juice, sabi niya pinakiusapan lang siya ni Kuya Rhon saka hindi naman siya papasok sa mga susunod niyang subjects dahil may susunduin siya sa Maynila. That means si Phen iyong sinundo niya noon at siya din ang kausap niya sa telepono noong kinagabihan na parang may lakad sila pero hindi niya ako maiwan at hindi rin makontak si Kuya Rhon.

“Pagkatapos nga ng pangyayaring iyon, isinisi ni Chairman na noo’y nasa Amerika kay Sir Brando ang pagkamatay ni Sir James. Hindi man lang daw kasi inalagaan ng maayos ni Sir Brando si Sir James at pinabayaan niya ito. Iyo ng nga lang daw sana ang pwede niyang gawin bilang pasasalamat sa pagkalinga sa kaniya ng mag-asawa tapos ay nabigo pa sila. Pagkatapos noon, hindi ko na nakita pang muli si Sir Brando. Sabi ni Inay, sa galit daw ni Chairman sinabihan daw niya si Sir Brando na huwag ng magpakitang muli sa kanya.”

Nagdudugtong-dugtong na ang mga rebelasyon. Ibig sabihin nito naging sobrang bitter nga si Kuya Brando at dahil alam ito ni Kuya Rhon kaya nila nasabi ni Tiya Beng na nagbalik talaga siya para ipaghiganti ang pagkamatay ni Phen.

Hindi kaya pumayag si Kuya Brando na makipagbalikan kay Kuya Rhon dahil mas masarap sa kaniyang pakiramdam na gantihan ngayon si Kuya Rhon pagkatapos niya akong saktan? Para nga namang hitting two birds in one stone. Nakapaghiganti na siya kay Kuya Rhon dahil nasaktan na ako at muli siyang gaganti this time kay Kuya Rhon mismo. Baka iyon ang motibo niya sa pakikipagbalikan niya kay Kuya Rhon ng ganoon lang kadali.

Nasapo ko ng aking kamay ang aking noo saka marahang hinilot. Para naman akong mahihilo sa kaiisip.

“Kadadating nga lang po ni Sir Brando galing ospital kani-kanina at umalis muli papunta sa sementeryo para dalawin si Sir James sa death anniversary nito.”

Hindi na rumehistro sa isip ko ang binanggit ng katulong na kagagaling lang ni Kuya Brando sa ospital. Pati na iyong tanong kung bakit siya galing doon o kung sinoman ang pinuntahan niya.

Hindi ko na hinintay lumabas si Engr. Clyde tutal hindi naman talaga siya ang pakay ko. Siya lang ang hinanap ko sa guwardiya para makapasok ako sa bahay ng mga Ramirez. Nagmamadali na akong umalis sa kagustuhan na puntahan si Kuya Brando sa memorial park na sinabi ng katulong. Kailangan ko talagang marinig ang side niya ng story.


WALA PANG TATLUMPUNG minuto narating ko na ang memorial park. Sa lawak nito, alam kong matatagalan bago ko mahanap si Kuya Brando. Naisipan kong maghanap ng kotseng puti at ilang saglit lang nakita ko na ang kotse niyang nakapark saka ko natanaw sa may di kalayuan si Kuya Brando na nakatayo sa harap ng isang puntod.

Mabilis ang ginawa kong paglakad sa gitna ng mainit na araw. Bago pa ako tuluyang makalapit, napahinto na ako nang makita kong may kasama pala siya. Maingat akong lumapit saka nagkubli ng sarili sa isang punong malapit sa kanila. Kaya pala hindi ko napansin kaagad ang kasama niya dahil nakatagilid sa akin si Kuya Brando at natatakpan niya ang kasama.

Kagaya kahapon, unti-unting nanariwa ang sugat sa aking puso nang masino ko ang kasama niya. Walang iba kundi si Kuya Rhon!

Ang lahat ng naipong lakas ko kanina papunta dito ay parang hinigop lahat ng punong kinasandalan ko. Napaiyak na lang ulit ako. Magkasama silang dalawa. Parang na-confirm ko na rin na totoo nga ang sinabi sa akin ni Kuya Rhon kagabi na sila na ulit. Nawala ng tuluyan ang maliit na pag-asa kong baka nagsisinungaling lang si Kuya Rhon. Na baka gawa-gawa lang niya ang kwento para iwasan ko si Kuya Brando ng tuluyan gaya ng gusto nilang mangyari ni Tiya Beng.

Kaya hindi na rin sagutin ni Kuya Brando ang mga tawag ko dahil pinili na rin niya ang manahimik. Ipinaubaya na lang niya ay Kuya Rhon ang pagsasabi sa akin tungkol sa kanilang pagkakabalikan.

Hindi na pala ako dapat nagpunta dito para kausapin si Kuya Brando at malinawan ang mga pangyayari. Malamang kaya sila magkasama ngayon para sabihin kay Phen na sila na ulit ni Kuya Rhon at baka humingi na rin ng kapatawaran sa sinapit nito.

Mula sa pagkakasandal sa puno ay padausdos na rin akong napaupo sa panghihina at panlulumo nang makita ko pa silang magkasabay na umalis. Si Kuya Brando ang nagda-drive ng kotse samantalang si Kuya Rhon ay katabi nito sa passenger’s seat.

Mukha ngang totoo ang kasabihan: Love is sweeter the second time around. Ganoon nga ba talaga iyon? O kailangan kong bigyan ng babala si Kuya Rhon sa posibleng motibo ni Kuya Brando sa pakikipagbalikan sa kaniya?

Hindi ko kayanin ang ihatid pa sila ng tingin palabas ng memorial park. Napatungo ako saka mariing nagpikit ng mga mata para pigilan ang aking luhang walang tigil sa pag-agos.

Ilang minuto akong nanatili sa ganoong posisyon hanggang makaipon akong muli ng lakas saka pinuntahan ang puntod na may mga bouquet of fresh flowers pa at kandilang nakasindi. Si Stephen James Ramirez nga ang nakalagak doon base na rin sa pangalan na naka-engrave sa marmol na lapida.

Umusal lang ako ng maiksing panalangin para sa ikatatahimik ng kaniyang kaluluwa bago ako tuluyang umalis.

Alas-dose na ng tanghali pero hindi pa rin ako makaramdam ng gutom.


BUKOD SA PARANG BLANGKO ang isip at mabigat ang katawan, may kakaiba pa akong nararamdaman habang naglalakad ako papalapit sa bahay namin. Masyadong strange ang feeling. Iyon tipong bigla ka na lang kakabahan at parang may mangyayaring hindi maganda. Sinabayan pa ang pakiramdam na iyon ng biglang pagkapal ng ulap sa kalangitan na tumabon sa kanina’y mainit na sikat ng araw.

Maya-maya lang nagsimula ng umambon na nagpabilis ng aking paglakad at nagwalis sa mga nagkalat na tao sa daan na nagkaniya-kaniyang takbuhan sa kanilang bahay.

Ang ambon ay lumakas at naging ulan, halos kasinlaki na ng piso ang patak sa lupa.

Finally, hinarap ko ang masamang mangyayaring iyon nang halos nasa harapan na ako ng gate ng aming bahay ay may narinig akong putok ng baril mula sa aking likuran. At an instant hindi ko iyon masyadong ininda kundi ko lang naramdaman ang pag-iinit ng aking balat sa itaas ng aking kaliwang balikat na dumugo nang madaplisan ng bala. Sa lakas ng ulan kumalat ang dugo sa suot kong tshirt at ang iba ay pumatak at kumalat sa tubig ulan na naipon sa inaapakan kong lupa.

Pumihit ako paharap sa pinanggalingan ng bala. Mga limang metro mula sa aking kinatatayuan, hawak ni Jimson ang baril. Bakas sa mukha niya ang pinaghalong galit at tuwa sa pagkatutok niya ng baril sa akin. Na-sense ko ang danger. Alam kong ito na ang sinasabi ni Vlad sa akin. This time sisiguruhin na ni Jimson na he’ll come out triumphant! And this time gaya ng sinabi ko na, hindi ko na siya uurungan.

“Baka naman gusto mo pang umiwas na naman this time.”

Napangisi ako ng nakakaloko. “Not this time my dear.”

Natawa siya. Firm na firm pa rin ang pagkakahawak niya ng baril. “I am glad that finally you’ve got your balls intact.”

“Yup. And I’m sad that you’ve lost yours now.”

Nakita ko ang pag-level up ng galit sa kaniyang mukha. Nagtagis din ang kaniyang mga bagang. Saka huminga at sinalat ng isang kamay ang harapan para imuwestrang naroon nga bago muling nagsalita. “Still here, never detached even a second.”

“Kung ganoon bakit kailangan pa ng baril? Kung matapang ka, you won’t need one.” Pangde-dare ko sa kaniya. Aminado kasi akong sa layo niya sa akin, wala talaga akong magagawang iba kundi ang hamunin siya ng suntukan. Kahit na nanghihina ako at nararamdaman ang pananakit ng sugat sa aking balikat.

Humakbang siya ng dalawa palapit. “You cannot fool me. Enough of this nonsense!”

Nawalan na ako ng pag-asang mapigilan ko pa siya. Bago ko ipinikit ang aking mga mata para harapin ang aking wakas, nakita ko ang paggalaw ng kaniyang hintuturong daliri sa gatilyo ng baril.

“Huwag!”

Narinig kong sigaw ng isang pamilyar na tinig para pigilan si Jimson. At sa isang iglap umalingawngaw ang putok ng baril sa gitna ng malakas na buhos ng ulan. Naramdaman ko rin ang pagbagsak ng katawan ng sumigaw na siyang umako sa bala na dapat ay sa akin.

Pagmulat ko ng mga mata nakita ko si Tiya Beng na nakahandusay sa lupa, mabilis na kumalat ang dugo sa suot na damit na nagmula sa pagitan ng dalawang didbdib kung saan tumama ang bala.

“Tiya Beng!” Halos pumalahaw na ako sa kalunos-lunos niyang katayuan. Niyakap ko siya saka kinausap. “Tiya Beng, huwag kang bibitiw….dadalhin kita sa ospital…mabubuhay ka!”

Kahit hirap ay nagpumlit naman si Tiya Beng na buksan ang mga mata para bigyan ako ng assurance na buhay pa siya.

“Kung pareho pa kayong aabot ng buhay sa ospital,” sambit naman ni Jimson na daig pa ang demonyo sa pagkakangiti. Humakbang pa ito palapit sa amin ni Tiya Beng saka tumigil mga dalawang metro ang layo.

Ramdam ko ang pag-akyat ng lahat ng dugo sa aking ulo. Maingat kong inilapag sa lupa si Tiya Beng pagkuwa’y tumayo ako para harapin si Jimson, ang bigat ng aking katawan ay hinati ko sa pagkakatayo sa aking dalawang paa. Hindi naman nawala sa pagkakatutok ang baril sa akin.

“Sige barilin mo na ako!” galit na galit kong hamon sa kaniya. Humakbang ako palapit para magkaroon ako ng pagkakataong sipain ang kaniyang hawak na baril. Naisip ko na isang side kick lang sa baril ay siguradong mabibitawan na niya ito. Kahit naman matagal na kaming hindi nagi-sparring ni Harry, hindi ko pa rin naman nakakalimutan ang taekwondong itinuro niya.

Itinutok niya sa mismong sentido ko ang baril. “Lumuhod ka! Luhod!”

Umiling ako. “Hindi ka Diyos para luhuran!”

“Yeah, I know but not until now. On your knees!” giit niya na lalong tinaasan ang boses.

Humakbang pa siya palapit. Mabilis ang ginawa kong pagkalkula kung aabot na ang sipa ko sa kaniya. Nang sa tingin ko’y kulang pa, lumapit pa ako ng kaunti saka nagkunwaring yuyuko para lumuhod ayon sa kagustuhan niya.

Sumilay naman sa kaniyang mga labi ang ngiti ng tagumpay. At iyon ang naging hudyat ko dahil iyon ang moment na mahina siya at hindi nag-iisip ng counter-attack. Mabilis kong itinaas sa ere ang aking kanang paa saka sinipa ang hawak na baril.

Nagulat siya sa pagsipa ko. Nabitawan niya ang baril at bumagsak sa may tabi mga ilang metro ang layo sa amin.

Hindi ko na siya hinayaang makabawi pa sa kabiglaanan. Ang sumunod na pinawalan kong malakas na sidekick ay diretso na sa kaniyang mukhan na nagpabagsak sa kaniya sa lupa at mabilis na nagpadugo sa kaniyang bibig at ilong.

Tinapunan ko ng tingin si Tiya Beng. Alam kong kailangan na niyang madala sa ospital sa lalong madaling panahon pero hindi ko kayang palampasin ang pagkakataong ito na harapin si Jimson at iparamdam sa kaniya lahat ng naramdaman ko sa mga ginawa niya sa akin. Kung konting oras lang ay alam kong manageable pa sa kaondisyon ngayon ni Tiya Beng.

Dinampot ko ang baril sa lupa. Nilapitan ko si Jimson, ang dugong sa bibig at ilong ay umagos na rin kasama ng patak ng ulan at kumalat sa lupa. Ako naman ngayon ang nagtutok sa kaniya ng baril.

“Lumuhod ka sa harapan ko!” buo ang loob na utos ko sa kaniya. Halos manginig na ang kalamnan ko sa galit. Lahat ng ginawa niyang kasalanan sa akin ay biglang nag-accumulate at na-refresh sa aking isip. Nagtagis ang aking mga bagang.

Kahit hirap ay nagpumilit bumalikwas si Jimson. Sa unang pagkakataon, nakita ko ring nabahiran ng takot ang kaniyang mukha. Hinintay ko siya hanggang magtiklop-tuhod siya sa aking harapan.

“Patawarin mo na ako Rhett,” pakiusap niya na halos manginig ang tinig. Pinagdikit pa nito ang kaniyang dalawang palad na parang sa isang batang ngayon pa lang natututong magdasal. Ang boses ay puno ng pagsisisi.

Tumawa ako ng malakas. Napakasarap ng pakiramdam. Itinutok ko sa kaniyang sentido ang baril. “Hindi ka lang sa akin nagkasala,” pahayag ko sa kaniya base sa mga sinabi sa akin ni Vlad.

“Oo, alam ko. Kung gusto mo iisa-isahin ko sila, hihingi ako ng tawad sa kanila. Maawa ka na Rhet, huwag mo akong patayin.” Bukod sa patak ng ulan, napansin ko ang pag-agos ng luha mula sa kaniyang mga mata.

Lihim akong napangiti at nagdiwang. Hindi naman pala matapang ang Jimson na ito, nagtatapang-tapangan lang.

Nang idiin ko ng mariin ang baril ay hindi na nakayanan pa ni Jimson ang hindi mapasigaw. “Rhett maawa ka, please!”

“Huwag Rhett! He’s not worth it!” sigaw naman ng isang tinig na hindi naman galing kay Tiya Beng pero kilalang-kilala ko rin.

Mga ilang metro mula sa amin, naroon si Engr. Clyde, basa ng ulan at hangos mula sa pagtakbo. Lalapit pa sana lalo sa akin nang makita si Tiya Beng na siya niyang nilapitan.

“Beng ikaw ba ‘yan?” parang kinikilala pa ni Engr. Clyde si Tiya Beng. Nang mapagtanto niya na ito nga, iniangat niya ang ulo nito saka sinalo sa kaniyang bisig at nahintakutang nagsalita. “Beng may tama ka…gumising ka Beng!”

Para namang nahimasmasan ng kaunti si Tiya Beng sa pagtawag sa kaniya. Pinilit nitong idilat ang mata. Halos pabulong na lang siyang nagsalita. “Clyde…”

Sa kabila ng galit ko at pahihiganti kay Jimson na nasa aking dibdib, hindi ko pa rin napigilan ang sarili kong magtaka. As far as I know, ngayon lang nakita ni Engr. Clyde si Tiya Beng…but basing from his reaction and hers, parang matagal na silang magkakilala!

Ibinalik ko ang pansin kay Jimson. Babarilin ko ba siya para matapos na ang lahat ng kasamaan niya o hayaan ko na lang siyang harapin sa batas ang lahat ng ginawa niya? Pero hindi ba dapat lang na sa akin siya magbayad?

Nagngangalit ang aking mga panga at determinado ang aking kamay na lalong idiniin ang baril sa noo ni Jimson saka inipon ang lakas ko at dinivert sa kanang hintuturo bilang paghahanda sa pagkalabit ng gatilyo na tatapos kay Jimson.

Ang sumunod ay ang malakas na pagpalahaw ni Jimson at pag-alingawngaw ng putok ng baril.

Itutuloy


[17]
IT WAS ONLY A DREAM no matter how vivid it is. Iyon agad ang pumasok sa isip ko nang naghahabol-hiningang nagmulat ng mga mata mula sa pagkakaupo ng nakasandal sa punong pinagkublian ko sa loob ng memorial park. Nakatulog pala ako sa pananatili sa ganoong posisyon kaninang makita ko sina Kuya Brando at Kuya Rhon na paaalis sakay ng kotseng puti. Butil-butil ang pawis sa noo at mukha dahil na rin sa kasagsagan ng init ng araw na sentro na mismo sa puno na naghuhudyat na alas-dose na ng tanghali.

Nagpunas ako ng pawis saka napapikit at nagdasal ng pasasalamat dahil panaginip lang pala ang pagkabaril ni Jimson kay Tiya Beng. Buti na lang at panaginip lang at hindi ko pa rin nagawang barilin si Jimson.

Habang papalapit naman ako sa puntod ay naisip kong hindi kaya ang panaginip ko ay isang babala? Isang premonisyon sa maaring maganap? Inilahad sa akin sa pamamagitan ng panaginip para mapaghandaan ko at hindi makagawa ng isang pagkakamali na pagsisisihan ko sa bandang huli?

Nakita ko ang pangalan ni Stephen James Ramirez sa lapida ng puntod. Confirmed nga na si Phen ang nakalibing doon. Pero medyo nag-isip ako sa pagkakita sa mga fresh flowers at nakasinding kandila. Ganoon na ganoon ang nasa aking panaginip. Dinismis ko ang pagkakapareha. Maaaring nagkataon lang.

Umusal ako ng maikling panalangin sa ikatatahimik ng kaluluwa niya.

“Nandito ka lang pala Utoy,” sabi ng tinig mula sa aking likuran na nakapagpahina sa aking mga tuhod.

Pumihit ako paharap sa kaniya, blangko ang mukha pero naninikip ang pakiramdam sa sama ng loob. Ang amoy ng peras at banilya ang pumuno sa hangin.

Malungkot ang mukha at alumpihit sa pagsasalita. “Nasabi sa akin ng katulong na may bumisita daw sa bahay at base sa deskripsiyon niya naisip ko na ikaw ang tinutukoy. Sabi pa niya na nasabi nyang nagpunta ako dito kaya naisip ko na baka sumunod ka.”

Naisip ko na buti na lang pala at iyong kasambahay ang inabutan ko, at least siya iyong tipo na basta magaling ka lang sa conversation, siguradong mai-encourage mo siyang i-divulge lahat ng nalalaman. Kung ang ina niya na katiwala sa bahay malamang wala akong malalaman sa kaniya. “Alam ko na ang lahat Kuya Brando.” Ibinaling ko ang tingin sa lapida. “Ang tungkol sa kaniya. Malinaw na sa akin ngayon ang lahat. Tama sila na nagbalik ka lang para maghiganti. Ang sama mo. Dapat ay nakinig na lang talaga ako kina Kuya Rhon at Tiya Beng. Sana’y hindi na ako nasaktan ng ganito.” Hindi ko na napigilan ang pag-iyak.

Napamaang naman siya sa sinabi ko. “Magpapaliwanag ako Rhett…”

“At ano pa ang ipapaliwanag mo? Hindi pa ba sapat ang nalaman ko at lahat ng nakita ko? Ano pa bang pwede mong sabihin para mabilog ang ulo ko?”

Para naman siyang nalilito na pinagtatagni-tagni muna ang mga sasabihin sa isip bago ito ilabas sa kaniyang bibig. Para na rin siguro maging kapani-paniwala sa akin.

Nang akma na niyang ibubuka ang bibig ay inunahan ko na siyang magsalita. “Tama na Kuya Brando, nagawa mo na ang gusto mo. Napaghiganti mo na si Phen. Nasaktan mo na rin ako. Sana lang hanggang sa akin na lang. Dahil ang ginawa mong ito sa akin, wala ng kasing-sakit. Nasaktan mo hindi lang ako kundi pati narin si Kuya Rhon at buong pamilya ko.”

“Kailangan kang makinig sa akin at sa sasabihin ko,” nakikiusap ang kaniyang mga mata. Sinubukan pang hawakan ang aking kamay na mabilis ko namang iniiwas.

“Tama na Kuya Brando,” determinado kong sabi. “Kung anoman ang iba pang balak mo kay Kuya Rhon, sana man lang huwag mo ng ituloy.”

Hindi ko na pinansin pa maging pagtawag niya nang patakbo akong umalis at nilampasan ang nakaparadang kotse niya sa sementadong daan. Natakot ako na ipagkanulo ako ng sariling damdamin kapag ikinulong niya ako sa kaniyang mga bisig at lumambot ang aking puso na basta na lang paniwalaan anomang kasinungalingang sasabihin niya.

Nakasakay na ako ng tricycle sa tapat ng gate ng memorial park ay naaninaw kong nasa harap pa rin siya ng puntod ni Phen sapo ng dalawang kamay ang mukha habang ang araw ay nagkubli ng tuluyan sa kumakapal na ulap sa langit na nagbabadya ng malakas na ulan.

Pagpasok sa gate ng subdivision at halfway ng biyahe papunta sa kalsada namin, ay biglang tumirik ang tricycle. Ilang minuto ding pinilit paandarin ng driver pero mukhang malaki ang problema kaya napilitan na lang akong lakarin ang susunod pang kalahati. Maya-maya lang ay nagsimula ng umambon pagkuwa’y hindi na nakapagpigil pa ang langit at pinawalan na ang dinadalang ulan. Medyo nag-isip na naman ako dahil nagkataon na naman na umuulan kagaya sa panaginip ko.

OMG! Hindi kaya ang napanaginipan ko is now waiting to happen?

Nagtatakbo ako habang patuloy na palinga-linga sa buong kalsada sa takot na baka nasa paligid lang si Jimson. Sa totoo lang gusto ko na ring murahin ang sarili ko sa hindi makontrol na irrational fear na bumalot sa akin.

Nakarating naman ako hanggang sa tapat ng gate na wala pa ring Jimson na bumaril sa akin. Nakahinga ako ng maluwag. So panaginip lang pala talaga iyon at marahil ay nagkataon lang ang pag-ulan.

Sa isiping iyon ay naging kampante ang loob ko. Nakalock ang gate kaya napilitan akong tawagin si Tiya Beng para buksan. Ilang saglit lang ay lumabas ito na nakapayong. Minabuti nitong ang malaking gate na ang buksan para ako makapasok. Nagtaka naman ako nang ang pagkakangiti ay biglang nahalinhan ng takot.

“Rhett…!” sigaw niya na lalong natakot sa kung anoman ang nakita niya sa aking likuran. “Dapa!”

Instinctively, sinunod ko ang sabi niya bago ko pa marinig ang pagputok ng baril. Huli na nang marealize ko na nangyayari na ang aking panaginip nang makita kong bumagsak sa semento si Tiya Beng na duguan sa pagitan ng dalawang dibdib, ang mga mata’y nakapikit at sa pagkabitaw sa paying ay mabilis ding nabasa ng ulan ang suot na damit.

Mabilis ko siyang nilapitan, iniangat ang ulo at sinalo sa aking bisig. “Tiya Beng…!” Tumingala ako sa aking harapan at nakita si Jimson na hawak ang baril at nakatutok sa akin. Ang balang dapat sana ay akin ay tumama sa dibdib ni Tiya Beng nang padapain niya ako. Mabilis ding lumukob sa akin ang sobrang takot sa pagkatutok sa akin ni Jimson ng baril.

Nakita ko na ang eksenang ito sa aking panaginip. Ang kaibahan nga lamang, I was never afraid of Jimson and confronted him and outwit him in the process. But not now, this is real life and I feel my whole body was actually shaking, and cannot even utter a single word!

Mala-demonyo ang pagkakangiti ni Jimson. “Time is up! Bang!” malakas niyang sabi na medyo kinibot pa ang hawak na baril na kunwari ay pumutok. Humalakhak pa ito ng malakas na daig pa ang isang psychopath.

Unconciuosly, napahigpit ang yakap ko kay Tiya Beng na ramdam ko ang papahinang paghinga.

“Paalam Rhett Santillan!” sabi ni Jimson with a triumphant smile in his face.

Bago pa nakalabit ni Jimson ang gatilyo ng baril ay bigla itong nabuwal sa pagkakatayo. Lumitaw naman sa harapan namin si Engr. Clyde hawak ang isang may kalakihang bato na ipinampukpok niya sa nawalang malay na si Jimson.

Matagal-tagal akong nanatili sa state of shock. Bigla para akong na-detach sa mga nangyayari at naging piping saksi. Kinuha ni Engr. Clyde ang baril ni Jimson saka lumapit sa amin. Kagaya sa panaginip, rumehistro sa mukha nito ang pagkagulat nang makilala si Tiya Beng at kuhanin sa aking mga bisig. May mga sumunod pa siyang sinabi na hindi ko na mawawaan.

“Tayo na Rhett, kailangan na nating dalhin si Beng sa ospital!”pasigaw ang pagkakasabi ni Engr. Clyde sa harapan ko na nagpabawi sa aking kabiglaanan.

Sumunod ako sa kaniyang pagtakbo sa paghahanap ng masasakyan.

Nang lingunin ko si Jimson ay nagkamalay na ito. Nang mapansin kami na hindi pa nakakalayo ay nagmamadali itong nagtatakbo sa kabilang direksiyon. Dahil sa pagtakbo niya na sa amin pa rin nakapako ang tingin, hindi tuloy napansin ni Jimson ang isang paparating na kotse. Kitang-kita ko nang mabundol siya na sa lakas ng impact ay gumulong siya mula sa harapan, paitaas at nang bumagsak sa likuran ay ginulungan ang mismong ulo ng kasunod namang sasakyan. Dead on the spot si Jimson.

Nangilabot ako sa nangyari. Iba talagang humatol ang langit.



“NAITANONG MO SA AKIN dati kung may iba kaya hindi ko magawang pakasalan ang ka-live in ko ng matagal na panahon na hindi ko sinagot ‘di ba?”

Hindi ko ini-expect ang bubuksang topic ni Engr. Clyde habang pareho kaming nakaupong magkatabi sa upuan sa may hallway sa labas ng operating room kung saan nasa loob si Tiya Beng para tanggalin ang balang bumaon sa pagitan ng kaniyang dalawang dibdib. May bahid pa ng dugo ang suot niyang damit sa pagkakarga niya kay Tiya Beng.

Gusto ko sanang manahimik para gugulin ang oras sa pagdarasal na sana ay malampasan ni Tiya Beng ang krisis kahit na marami akong tanong sa aking isip. Pero dahil si Engr. Clyde na rin ang nagsimula, sa tingin ko’y mainam na ring malaman pa kung anoman ang naging ugnayan nila ni Tiya Beng.

Tumango ako sa kawalan ng sasabihin.

“Iyong iba na iyon ay si Beng. Nakilala ko at naging kaibigan. Siya ang babaeng minahal ko.”

Bigla akong nacurious sa pahayag niya. “Paano ho kayo nagkakilala ni Tiya?”

“Dahil na rin sa kapatid niya kaya ko sya nakilala. Ang totoo, una akong nagkagusto sa kapatid niya,” sinabi niya ang tunay na pangalan ni Mommy na ikinagulat ko.

“Si Mommy?”

Napakunot-noo siya pero nang maisip na pamangkin nga pala ako ni Tiya Beng and that means anak ako ng babaeng una niyang nagustuhan ay napatango na siya.

“Pero nalaman ko na may asawa na pala ang Mommy mo. Iyong Daddy mo na nasa Korea. Hindi ko alam kung paano nangyari basta nagising na lang ako isang umaga na hindi na ang Mommy mo ang gusto ko at ang Tiya Beng mo na nang mga panahong iyon ay nagkakalabuan na silang mag-asawa.”

“May asawa na rin noon si Tiya?”

Mapait ang kaniyang ngiti. “Oo. Your aunt is a battered wife. Sadista ang naging asawa niya. Hindi rin sila nagkaanak. Nakahinga lang siya ng maluwag nang pansamantalang ipadala ito ng kumpanyang pinapasukan sa ibang bansa. Salitan na ilang buwan na nasa ibang bansa ang asawa niya at ilang buwan na kasama niya. Doon ko siya noon nakilala, habang devastated at walang direksiyon ang buhay. Siguro iyon ang naging dahilan kung bakit naging malapit kami sa isa’t isa at nagkarelasyon.”

“Tapos po…” sabi ko nang medyo humaba na ang patlang sa pagitan namin.

“Bawal ang naging relasyon namin kaya hindi iyon nagtagal. Naputol ang ugnayan namin nang dumating ang kaniyang asawa. Gusto ko siyang ipaglaban pero siya mismo ang umayaw. Sinabi niya sa aking mahal pa rin niya ang asawa niya kahit alam kong ako ang mahal niya at natatakot lang siya sa maaring mangyari kung sakaling malaman nito ang tungkol sa amin.”

“Nalaman po ba ng asawa ni Tiya?”

May napansin akong nangingilid na luha sa kaniyang mga mata. “Hindi ko alam kung nalaman. Basta iniwanan nila ang tinutuluyang bahay sa Maynila at lumipat sa ibang lugar. Hinanap ko sila pero napatunayan ko na mas madaling hanapin ang nawawala kaysa nagtatago hanggang ako na rin mismo ang sumuko. Naisip ko na lang na darating din ang araw na kahit hindi ko sila hanapin, ay makikita ko pa rin. Hindi ko lang ini-expect na sa ganitong paraan ko siya muling makikita.”

Naputol ang pagsasalita ni Engr. Clyde nang dumating sina Mommy at Kuya Rhon. Kakatwa namang hinahanap pa rin ng mata ko si Kuya Brando, ini-expect na kasama ni Kuya Rhon.

Iba ang epekto sa akin na makita ko silang magkasama, gusto kong mainggit. Iba rin ang pakiramdam na makita ulit si Kuya Rhon. Gusto kong magalit sa kaniya pero sa kabila noon gusto ko rin siyang paalalahanan sa anomang balak gawin sa kaniya ni Kuya Brando.

“Rhett, anong nangyari kay Beng?” puno ng pag-aalala ang tinig. Nang makita si Engr. Clyde ay saglit na natigagal. “Clyde…?”

Isang marahang tango lang ang tugon nito sa kaniya.

Mabilisan kong iknuwento sa kanila ang mga nangyari. Dahil alam ko namang magkakilala sila kaya ipinakilalala ko na lang si Engr. Clyde kay Mommy bilang Supervisor ko sa OJT.

“Nandito rin kami kanina pero sa ibang floor. Pag-uwi namin saka na lang nalaman sa kapitbahay ang nangyari. Bumalik kami ulit dito,” sabi ni Kuya Rhon na wala namang particular na kinakausap.

Napaisip ako sa sinabi niyang nandito sila ni Mommy kanina pero hindi na ako nakapag-follow up ng tanong nang magsalita si Mommy na nakatingin kay Engr. Clyde.

“Bakit ka naman naroon at that time?” tanong ni Mommy. Isang tanong na sa dami na rin siguro ng iniisip ko ay ngayon ko na rin lang naisip ulit.

“Bago kasi iyon, tumawag si Vlad sa akin.” Ibinaling niya ang tingin sa akin. “Tinatawagan ka raw niya pero hindi ka makontak.”

Naalala ko na battery empty nga pala ako kaninang umagang paggising at hindi na rin ako nag-abala pang mag-charge.

Nagpatuloy siya. “Naisip naman ni Vlad na may inaasikaso din si Sir Brando kaya hindi na niya ito inabala bagkus ay ako na lang ang tinawagan niya. Nagpunta daw siya kina Jimson para kuhanin ang iba niyang gamit nang marinig niya na kinakausap ni Jimson sa sarili habang nakaharap sa salamin at may hawak na baril. Pupuntahan ka nga daw niya at papatayin. Kaya nang hindi rin kita makontak naisip kong mas mabilis kung puntahan kita. Minalas naman na pagpasok ko sa gate ng subdivision ay sumabog ang kanang gulong ng kotse ko kaya nagtatakbo na lang na tinungo ang bahay para mapaalalahanan ka. I realized I came just the right time para iligtas ko kayo kay Jimson.”

Tumingin ako kay Kuya Rhon na biglang nagbaba ng mukha. Hindi na inabala pa ni Vlad si Kuya Brando dahil inaasikaso nito ang pagkakabalikan nilang dalawa ni Kuya Rhon. Muli parang may mga na-uunahang punyal na tumarak sa aking puso.

Pinilit kong idismiss ang lungkot ng humaplos sa aking pagkatao. Ikinuwento ko na lang ang tungkol kay Jimson at Vlad kina Mommy at Kuya Rhon para maka-relate sila somehow.

Pinigilan ko ang sariling tanungin si Kuya Rhon tungkol kay Kuya Brando at maging ipaalam sa kaniya na nakita ko silang magkasama sa memorial park kaninang umaga.

Maya-maya lumabas na ang attending physician. Lumiwanag lahat ang mukha namin nang sabihin nitong ligtas na sa krisis si Tiya Beng. Kailangan na lamang nito ang masalinan ng dugo dahil sa dami ng lumabas sa kanya kanina.



MAHILI-HILO PA RIN ako ng bahagya pagkalipas ng ilang minuto matapos kuhanan ng dugo na ngayon ay isinasalin na kay Tiya Beng habang nakahiga sa hospital bed at nananatiling wala pa ring malay.

Kaaalis din lang ni Engr. Clyde na may pupuntahan lang daw saglit. Si Kuya Rhon ay lumabas din ng silid at tanging si Mommy lang ang naiwan kasama kong nagbabantay kay Tiya Beng.

Gusto ko sanang samantalahin ang pagkakataong iyon para kausapin si Mommy at itanong lahat ng gumugulo sa isipan ko pero hindi man lang niya ako pukulan ng tingin. Pinili ko na lang ang manahimik.

Mga ilang minuto pa ay nakaipon na ako ng lakas kaya napagpasiyahan kong magtungo sa canteen ng ospital pagkatapos magpaalam kay Mommy. Gusto kong bumili ng maiinom.

Paliko na ako sa pasilyo papuntang canteen nang matigilan ako sa nakita. Magkasama sina Kuya Rhon at Kuya Brando, papasok na ng pintuan ng canteen.

Nandito rin si Kuya Brando? Bakit hindi man lang siya nagpakita kanina? Palibhasa ay guilty kaya hindi makaharap sa akin, sa isip-isip ko.

Hindi ako makakilos sa kinatatayuan. Tingin ko’y biglang lumamlam ang mga ilaw sa buong ospital saka muling naghabulan ang pag-agos ng luha sa aking magkabilang pisngi.

Pinilit ko lang makabawi nang mapansin ko silang palabas na ulit ng canteen pagkaraan ng ilang minuto. Nagmadali akong bumalik sa silid ni Tiya Beng para hindi nila ako mapansin.

Imbes na si Mommy ay si Engr. Clyde na ang naabutan ko sa silid na nagbabantay kay Tiya Beng. Tumingin saglit sa akin saka pilit na ngumiti.

“Sana gumaling na siya agad. Sana magkamalay na. Gusto kong sa pagmulat niya ng mga mata, ako ang unang makita niya.” Puno ng emosyong sabi ni Engr. Clyde. Ramdam ko na mahal na mahal niya talaga si Tiya Beng dahil after all these years nanatili itong laman ng kaniyang puso at isip. “Marami din akong gustong malaman na alam kong siya lang ang tanging makakasagot.”

Ako rin may gusto rin akong itanong sa kaniya, sa isip ko lang.

“Ramdam kong hindi nalaglag ang anak naming na ipinagbubuntis niya gaya ng sinabi niya noon. Alam kong sinabi lang niya iyon dahil sa takot sa asawa niya. Malakas ang pakiramdam kong buhay ang anak namin.”

Namilog ang mga mata ko sa narinig. “May anak po kayo ni Tiya Beng?”.

Hindi na nakuhang sagutin pa ni Engr. Clyde ang tanong ko nang pumasok sa silid sina Mommy at Kuya Rhon.

“Si Rhon muna ang magbabantay kay Beng,” sabi ni Mommy sa amin ni Engr. Clyde. “Rhett, sumama muna kayo sa akin, pupunta tayo kay Chairman.”

Chairman? Nandito rin siya sa ospital?

Bakas naman ang pag-aalala sa mukha ni Engr. Clyde. “Bakit anong nangyari? Okay pa naman siya kaninang iwan ko bago magtungo dito?”

Nalilito naman ako sa naririnig. Si Engr. Clyde galing din doon? “Bakit?” Iyon na lang ang naitanong ko sa dami ng pwedeng itanong.

“Tayo na Rhett, saka ko na sasabihin sa iyo pagdating doon…hinihintay na tayo ni Chairman.”

Naalala ko ang nakita ko dati na magkasama sila ni Mommy sa isang kainan sa SM. Aaminin na ba nila ngayon na kaya sila magkasama ay dahil si Chairman ang kalaguyo ni Mommy na siyang nadatnan noon ni Daddy at nagresulta sa kamatayan nito? Sasabihin ba nito na siya ang ama ko? At biologically speaking magkapatid kami ni Phen?

Para na lang akong hipong nagpatangay sa agos na narating ang silid ni Chairman. Naabutan ko si Kuya Brando sa may gilid ng kama na parang katatapos lang makipagusap sa ama. Umalis ito at nagtungo sa visitor’s chair na naroon pagkakita sa amin. Lalay ang balikat at parang bigat na bigat ang pakiramdam.

Nilapitan namin si Chairman, nasa may kanan ko si Engr. Clyde samantalang si Mommy sa kaliwa.

Bukod sa oxygen ay may iba pang aparato ang nakadikit kay Chairman na nalaman kong inatake pala puso ayon na rin kay Engr. Clyde. Wala ang kakisigan at appeal na nakita ko sa kaniya dati sa mismong ospital na ito nang makuryente si Kuya Brando. Ang nakita ko ay isang nahihirapan na nilalang na tuluyan ng kinamkam ng karamdaman.

“Nandito na si Rhett,” sabi ni Mommy kay Chairman. Nagpilit itong magmulat saka sumenyas na tanggalin saglit ang oxygen sa bibig para siya makapagsalita na siya namang ginawa ni Engr. Clyde.

Iniabot sa akin ni Chairman ang kanang kamay na napilitan ko namang abutin. Pinisil niya ng bahagya ang kamay ko bago nagsalita. “Ikaw pala ang matagal na naming hinahanap. Patawarin mo ako Rhett na sa dalawang beses nating pagkikita ay magaspang na pakikitungo pa ang ipinakita ko sa iyo. Patawad dahil hindi ko alam.”

Para namang nalulon ko ang sariling dila na hindi alam kung ano ang sasabihin. Ano daw? Matagal na hinahanap? Patawad para saan?

Tumingin ako kay Mommy, naghahanap ng kasagutan. Puzzled expression naman ang nakita ko kay Engr. Clyde.

Nang hindi siya magsalita ay napilitan na akong magtanong kay Chairman mismo. “Kayo po ba ang totoong ama ko?”

“Anong ibig sabihin nito? Hindi ko maintindihan,” sabi naman ni Engr. Clyde. Halos pareho kami ng pakiramdam na alam pareho ni Chairman at ni Mommy ang pinag-uusapan pero kami ay hindi.

Kahit hirap ay nakuha pa rin niyang umiling saka ibinaling ang tingin kay Engr. Clyde. “Clyde…”

Awtomatiko ang sabi ni Engr. Clyde, parang hindi pinag-isipan. “Ano iyon Kuya?”

Napamulagat ako. Kuya? SiEngr. Clyde at Chairman magkapatid?

Nagsalitan ang tingin ko kay Engr. Clyde at Chairman sa mga sumunod na patlang.

Si Chairman ang unang bumasag ng katahimikan. “Clyde…si Rhett, siya ang matagal mo ng hinahanap. Siya ang anak ninyo ni Beng.”

Hindi ako halos makapaniwala sa narinig ko. Mga ilang segundong naging blangko ang isip ko. Hindi ko alam kung matutuwa ba ako o magagalit sa nalaman. Maya-maya lang ay umagos ang hindi mapigilang luha sa aking mga mata.

Finally nagsalita na rin si Mommy, tuluyang binasag na niya ang pananahimik. Kung bakit ay hindi ko alam. “Oo, Rhett…Clyde. Totoo ang sinabi ni Chairman.”

Naunahan ako sa pagtatanong ni Engr. Clyde. “P-paano nangyari iyon?”

Huminga muna ng malalim si Mommy bago muling nagsalita. “Pinilit itago ni Beng sa kaniyang asawa na noon ay nasa ibang bansa na buntis siya at ikaw ang ama. Naisip niya na mahihirapan siyang gawin iyon kung alam mong isinilang niya ang anak ninyo. Minahal ka ni Beng ng higit pa sa pagmamahal na inilaan niya sa kaniyang asawa kaya ayaw niyang umabot sa puntong malaman ng asawa ang inyong relasyon at kung ano ang gawin nito sa iyo. Kaya bago pa man mahalata ang kaniyang ipinagbubuntis ay minabuti na niyang iwasan ka at sabihin sa iyong nalaglag ang bata sa kaniyang sinapupunan. Buti na lang at nasa ibang bansa na ulit ang asawa niya nang naging pansinin na ang paglaki ng kaniyang tiyan.” Tumingin sa akin si Mommy. “Sa mismong araw ng kapanganakan mo Rhett nakatakdang dumating ang asawa ni Beng, buti na lang at na-delay pa ng tatlong araw pagkaluwal sa iyo.”

“At sa iyo niya ibinigay?”

Tumingin si Mommy ay Engr. Clyde saka maraahng tumango. “Wala siyang choice kundi ibigay sa akin. Ako din wala din choice kundi pumayag. Kapatid ko siya at kung anomang kasalanan ang nagawa niya, iyon ay dahil never siyang nakaramdam ng pagmamahal sa tunay na asawa. May responsibilidad din akong tulungan siya. Kaya pagpasok pa lang sa ospital ay pangalan ko na ang ginamit ni Beng. Ako ang lumitaw na nanganak sa ospital at si Rhett ay Santillan na ang ginamit na apelyido. At itinago ko rin siya sa iyo dahil alam kong magdududa ka kapag nakita mo si Rhett.”

“At pumayag na lang ng basta ang asawa mo?”

“Nasa Korea siya noon. Alam kong naniwala siya sa mga sinabi ko pero alam ko ding may maliit na bahagi ng isip niya ang may pagdududa. Hindi ko rin alam kung tama ang naging desisyon ko pero ang anggulo na lang na tiningnan ko ay iyong natulungan ko si Beng na itago si Rhett sa kaniyang asawa.”

Napailing-iling si Engr. Clyde saka nang may biglang naisip ay muling nagsalita. “Iyon ba ang dahilan kung bakit nagalit ka sa akin nang minsang puntahan kita para hanapin si Beng at halos magmakaawa ako sa iyo na hindi ko sinasadyang niyakap ka pa para sabihin mo lang sa akin kung nasaan si Beng? Na simula noon ay ayaw mo na akong kausapin?”

Para namang may sumariwang sugat sa puso ni Mommy. “Oo Clyde, iyon ang araw na pinagsisihan ko ang pagpayag na akuin si Rhett bilang anak ko,” – tumingin siya sa akin – ,”dahil iyon ang araw na nadatnan ako ng aking asawa na sorpresang umuwi. Sa nakita niya, nawala na lahat ng paliwanag ko na ikaw Rhett ay hindi ko anak. Ayaw na niyang maniwala na ikaw ay anak ni Beng. Ang sumiksik sa utak niya, nagtaksil ako at ikaw Clyde ang kalaguyo ko. Umalis siya ng bahay at nagpakalasing. Nabangga ang minamanehong kotse at namatay.” Kasabay ng huling salita ang pagpatak ng mga luha.

Totoo naman pala ang sinabi ni Tiya Beng sa akin na dahilan kung bakit galit sa akin si Mommy. Ang isang bagay na hindi lang totoo ay iyong si Mommy ang ina ko at ang namatay sa aksidente ay ang tunay kong ama. Naiintindihan ko na ngayon si Mommy.

Ako naman ang nagsalita. “Kung ganoon po, bakit inilihim niyo pa sa akin ang totoo? Hindi ba dapat pagkatapos noon o kahit man lang noong magkaisip ako ay sinabi na ninyo ni Tiya Beng ang totoo?”

Napailing si Mommy. Nagpahid saglit ng luha sa pisngi. “Nakiusap si Beng na ituloy na namin ang pagpapanggap habang nandito man lang ang asawa niya. Pumayag na rin ako dahil wala na ang asawa ko at hindi ko na maibabalik pa ang buhay niya. Ang siste ay matagal bago bumalik ang asawa niya sa ibang bansa.”

“At natakot na rin si Beng sa sinabi ko sa iyong pagbabanta na kapag nahanap ko ang anak ko ay kukunin ko ito sa kaniya?” tanong-konklusion ni Engr. Clyde sa sinabi ni Mommy.

Tumango si Mommy. “Oo, natakot si Beng na mawala sa kanya si Rhett kaya pinanindigan na lang niya ang pagpapanggap namin kahit noong mamatay ang asawa niya sa plane crash noong three years old ka Rhett,” sabay tingin sa akin. “Bago iyon ay lumipat na rin kami ng tirahan para mapalayo sa iyo Clyde at pagkatapos ng dalawang taon, nagpunta na rin ako ng Korea para hindi mo na ako masundan.”

“Dahil ba doon Mommy kaya ganoon na lang ang turing ninyo sa akin?”

May guilt feeling naman nang magsalita siya. “Partially yes. Totoo iyong sinasabi ko na nagagalit ako kapag nakikita kita kasi naaalala ko ang pagkakamali ko, naalala rin kita Clyde, naaalala ko rin ang nangyari noong gabing pinagkamalan tayo ng asawa ko na nagresulta sa pagkamatay niya. Pero aside from that, gusto ko ring ipitin si Beng para mapilitan siyang sabihin na sa iyo ang totoo. Sana maunawaan mo ako at sana huwag kang magagalit sa akin.”

Bakit naman ako magagalit? Noon ngang hindi ko pa alam ang lahat sa kabila ng trato niya ay mahal ko pa rin siya, ngayon pa kayang nalaman ko na? Sa isang banda ay may nagawa din siyang kabutihan sa akin mula pagkabata. Siyempre hindi natin alam kung anong pwedeng gawin ng isang sadistang lalaki sa anak ng asawa sa kaniyang kalaguyo di ba?

“Unfortunately Rhett, hindi siya nagkaroon ng lakas ng loob hanggang dumating na ako” patuloy ni Mommy.

“Iyon ba ang dahilan kung bakit parang umiiwas kayo? At halos pagbawalan na rin ako ni Tiya Beng na kausapin ko kayo?”

“Oo Rhett, ayaw kasi ni Beng na pag kinompronta mo akong muli ay hindi ko na mapigilan ang sariling sabihin ang totoo. Pakiusap niya kasi na siya na ang magsasabi sa iyo ng personal. Sobrang pag-aalala nga niya nang malaman na nagkakamabutihan kayo ni Brando. Pinakiusapan pa niya si Rhon na umuwi.”

Hindi ko na ikinagulat na malaman iyon dahil expected ko na kaya biglang umuwi si Kuya Rhon.. “Iyong usapan ninyong tatlo ni Tiya Beng at Kuya Rhon nang gabing dumating si Kuya Rhon, alam kong totoo iyon.”

“Tama ka Rhett, totoo iyon. Bago ka umalis sa pagkakasilip sa bintana ay nakita na kita kaya pagkatok mo sinabi ko na sa kanilang narinig mo na ang huling pag-uusap naming habang nakasilip ka sa bintana, sa pakiusap ni Beng na huwag sa pagkakataong iyon sabihin sa iyo ay mabilis kaming nag-isip. Kunwari ay galing sa pagkakatulog si Rhon, si Beng naman ay maagang nagpahinga sa silid at ako naman, nagpunta ako sa likod bahay para ipakitang hindi pa ako dumadating.”

Napailing ako nang maalala ang level ng inis ko nang gabing iyon.

“Sana Rhett, mapatawad mo ang iyong ina. Sana intindihin mo na mahirap para sa kaniya ang isiwalat sa iyo ang katotohahan sa takot na mag-iba ang tingin mo sa kaniya at in the long run, malaman mo na rin Clyde ang katotohanan at kunin para ilayo si Rhett sa kaniya.”

Kinapa ko ang aking puso kung may galit ba ako kay Tiya este Mommy Beng. Hindi ko masigurado kung meron.

“Nakita ko kayo ni Chairman sa SM na magkausap…”

Kahit hirap pa rin magsalita, si Chairman ang sumagot sa akin. “Hindi ko inaasahan na makikita ko siya. Buti na lang pumayag siyang mag-usap kami at doon niya inamin na hindi ka nalaglag Rhett. Natuwa ako dahil buhay ka. Nagulat ako nang malaman kong ikaw. Nalungkot ako dahil pangit ang naging pagkikita natin.”

Napatango ako saka may naisip na itanong. “Paano naman po kayo naging magkapatid ni Engr. Clyde?”

Nag-alis ng bara sa lalamunan si Engr. Clyde. “Magkapatid kami sa ama ni Chairman. Binata na ako nang malaman ko ang totoo. Mabait ang lolo mo sa akin pati na rin si Kuya.”

“Pero bakit Chairman ang tawag mo sa kaniya?”

Natawa ng mahina si Engr. Clyde. “Nakasanayan ko na lang ng ganoon kaya maging kay Brando ay Sir din ang tawag ko. Isa pa, hindi naman mataas ang pinag-aralan ko at wala akong alam sa pagpapatakbo ng negosyo. Desisyon ko na rin na maging karaniwang empleyado lang ng SJR kahit na inaalok ako ni Kuya ng mas mataas na posisyon. Simple lang ako Rhett, hindi ko gaanong priority ang kayaman, ang importante lang sa akin ay si Beng. Kaya nang mawala siya ay nawalan na rin ako ng saya sa buhay at lalo na rin akong dumistansiya sa SJR.”

Sumabad naman si Chairman. “Kaya ipinag-utos ko noon ang paghahanap sa iyo para maging masaya itong si Clyde at muling bumalik sa akin. Pero simula nang mawala si Beng ay hindi ko na rin siya nakita not until –“

Dahil sa hirap magsalita si Chairman ay si Engr Clyde na ang nagpatuloy, “Malaman ni Kuya na ako ang kumupkop kay Brando nang umalis ito sa poder niya.”

“Bakit hindi ninyo nabanggit sa akin na hindi lang basta kakilala ninyo si Kuya Brando kundi pamangkin ninyo?”

Napangisi si Engr. Clyde. “Simple nga akong tao kaya kung anoman ang meron ako, hinihintay ko na lamang ang ibang tao na sila mismo ang makaalam noon kesa sa ipagmayabang ko pa. Isa pa, si Sir Brando ay hindi ko naman pamangkin biologically. Magkaganoon man, daig pa sa isang tunay na anak ang turing ko sa kaniya.”

“Hindi po ba Lavina kayo?” ang tinutukoy ko ay ang apelyido niya.

“Iyon kasi ang apelyido ng nanay ko na sinunod ko—hindi Ramirez.”

Sa ikalawang pagkakataon ay pinisil muli ni Chair—este Tito Chairman ang kamay kong hawak pa rin niya. “Pinapatawad mo na ba ako Rhett?”

Hindi ko alam kung normal ba ako na walang maramdamang galit para kay Tito Chairman. Pero sigurado ako na wala talaga at imbes na retaliation ay pagpapatwad ang naghahari sa puso ko. “Opo,” malakas na sabi ko saka ko siya niyakap sa pagkakahiga sa kama.

Tuwang-tuwa si Tito Chairman sa gesture kong iyon at nakita ko pa siyang naluha pagkatapos.

“Ako din pinapatawad mo na?” nakangiting tanong ni Mommy sa akin.

“Opo,” walang pag-aalinlangan kong tugon.

Niyakap ako ni Daddy Clyde, maluha-luhang ipinadama ang pagmamahal ng isang tunay na ama. “Anak, mahal na mahal kita. Kaytagal kong hinintay ang pagkakataong ito, at ngayong nandito na, hindi mo lang alam kung gaano ako kasaya.”

Napaiyak na rin ako saka niyakap na rin si Daddy Clyde. “Ako din Dad, masayang-masaya ako.”

Inakay ako palabas ng kwarto ni Daddy Clyde. Nadaanan namin malapit sa pinto si Kuya Brando na nakangiti sa amin na biglang binawi nang tingnan ko siya ng may galit sa aking mukha.

Hindi ko alam ang iniisip niya pero masyadong mahalaga ang panahon ko ngayon para pag-aksayahan pa ng oras na isipin siya. Isa pa hindi naman niya ako iniisip na dahil sila na ulit ni Kuya Rhon.

Pagpasok namin ni Daddy Clyde sa silid ni Mommy Beng ay nagpaalam si Kuya Rhon na lalabas lang daw saglit. Kahit busy ang aking isip sa aking mga magulang, hindi pa rin nakaligtas sa aking puso ang sakit, siguradong kaya lumabas si Kuya Rhon ay para puntahan si Kuya Brando.

Pabayaan mo na sila, utos ng isip ko kahit taliwas naman sa sinasabi ng puso ko.

Pero sa isang banda, hindi man ako masaya sa buhay pagibig ko, masaya naman ako sa new-found family ko. Okay na iyon. Kontento na ako.

“Napatawad mo na ba siya anak?” tanong ni Daddy Clyde nang makita niyang tutok ako ng tingin kay Mommy Beng habang nakaupo sa gilid ng kama.

Saka ko naisip kung bakit wala akong nakuhang features sa kinilala kong Daddy dahil hindi naman pala talaga siya ang tunay kong ama. At ang features na pinagkamalan kong namana kay Mommy ay hindi naman pala sa kaniya kundi kay Mommy Beng na kung mapapansin ay magkamukha silang dalawa. Si Mommy Beng nga lang ay matabang version ng seksing si Mommy.

Kakatwa mang ituring ng ibang tao pero sa muling pagkapa ko ng aking damdamin ay puro pagpapatawad at pagmamahal lang ang natagpuan ko doon para sa aking tunay na ina na naging kasama ko at nag-alaga mula pagkabata hanggang sa aking paglaki. “Opo, napatawad ko na siya. Napatawad ko na si Mommy Beng kaya dapat magkamalay na siya.”

“Magkakamalay siya anak, gigisingin siya ng pagmamahal sa puso natin na para sa kaniya.”

Para namang naririnig kami ni Mommy Beng na iginalaw ang mga daliri sa kamay na malapit sa akin.

Sabay kaming nagkangitian ni Daddy Clyde.

Eksaktong apat na oras nang iwanan namin si Tito Chairman ay nalaman namin mula kay Mommy na finally bumitaw na siya. Pumanaw na ang tiyuhin kong kinilala ko sa ganoon kaikling panahon.

Tatapusin…


[Finale]
INILAPAG KO ANG basket ng beautifully arranged fresh flowers sa may taas ng lapida ni Tito Chairman saka sinindihan ang kandilang nakatirik. Medyo malamig pa ang simoy ng hangin at kalat pa rin ang hamog na marahang pinaglalaho ng papasikat na araw. Isang lingo na rin ang matuling lumipas mula nang mailibing si Tito Chairman.

Tumayo akong muli saka pumagitna kina Daddy Clyde at Mommy Beng.

“Napakabait pala niya Daddy,” sabi ko habang titig pa rin sa naka-engrave niyang pangalan in gold letters sa itim na marmol na lapida.

“Oo, Rhett. Kung sa iba lang, malamang hindi gagawin ang ginawa niya.”

Tumango ako ng marahan. “Oo nga, Daddy. Ako nga din ay nagulat nang basahin ng kaniyang Attorney ang last will and testament four days ago na nagsasabing lahat ng kaniyang properties ay ipinamamana sa iyo.”

“And he did that last changes in the will bago siya inatake nang malaman niyang buhay ka pa nang magkausap sila ng kinilala mong Mommy.”

Nalungkot ako sa isiping ang ipinamana lang kay Kuya Brando ay cash na nasa bangko na nagkakahalaga ng 300 million pesos. Sabagay malaking halaga na iyon pero siyempre kung titingnan ng marami dapat ay kay Kuya Brando ipinamana lahat ng ari-arian dahil legally adopted naman ito.

Kahit papaano nama’y tahimik lang na tinanggap ni Kuya Brando ang naging desisyon ni Tito Chairman habang binabasa ang last will. Ako naman ay nanatili sa aking stand na tuluyan na siyang layuan at hayaan ko na silang dalawa ni Kuya Rhon na pareho ko ng hindi nakakausap simula ng mamatay si Tito Chairman at mailibing. Hindi sa ayaw kong kausapin si Kuya Rhon, pero talagang nawalan na lang ako ng oras dahil sa mga sunod-sunod na pangyayari at mukhang pinili na ring niyang manahimik at huwag ng buksan pa ang tungkol sa kanila ni Kuya Brando na lalong nagpapasakit sa aking nararamdaman.

Si Kuya Brando naman ay nag-attempt na makausap ako noong panahon ng lamay na pilit kong iniiwasan. Maging si Daddy Clyde ay nagpasaring sa akin na at least man lang bigyan ko daw ng chance si Kuya Brando na i-explain ang side niya ng story. Pero hindi ko sila pinaunlakan dahil flooded kasi ang isip ko ng mga nangyari at hindi ko na kayang dagdagan pa ng mga paliwanag niya, hindi ko rin naman alam kung paano ko tatanggapin.

Hindi na rin naman naging mahirap sa akin totally ang iwasan si Kuya Brando dahil mula nang mamatay si Tito Chairman ay pinili nitong sa hotel na ito mamalagi habang kami naman ng aking pamilya ay nanatili sa malaking bahay.

Sumabad naman si Mommy Beng. “Higit pa naman doon ang dapat nating ipagpasalamat sa kaniya. Itong pagkakabuo ng ating pamilya, indirectly ay nakatulong siya.” Kahit nasa harap kami ng puntod ay hindi pa rin niya mapigilan ang saya sa mukha. Sa tinagal-tagal nga naman ng panahong paghihirap na pinagdaanan niya sa kaniyang unang asawa, at least happy ending pa rin ang kwento ng pamilya namin. Nawalis lahat ang agam-agam sa kaniyang isip nang makita niya kami ni Daddy Clyde na nagbabantay sa kaniya sa hospital bed nang magkaroon siya ng malay. Immediately sinabi ko sa kaniya na alam ko na ang lahat at wala na siyang dapat ipangamba dahil pinatatawad ko na siya. Imposible mang paniwalaan ng iba na napakabilis kong magpatawad pero iyon talaga ang nasa puso ko.

Katabi ng puntod ni Tito Chairman ay ang kay Phen na pinsan ko. Saglit kaming nanahimik para umusal ng panalangin para sa ikatatahimik ng kaluluwa nilang dalawa.

Maya-maya lang magkakasama na kaming sumakay ng kotse pauwi sa malaking bahay na siyang tinutuluyan na namin ngayon.



“SIR RHETT MAY TAWAG po kayo.”

Boses iyon ng katulong na nagpadisrupt sa aking pagkakaupo sa gilid ng swimming pool, ang mga paa ay natutuwang ikinakampay sa tubig. Sa unang araw ng pagtira naming magkakasama sa malaking bahay pagkalibing kay Tito Chairman ay pinalagyan na ng tubig ni Daddy Clyde ang pool sa hiling ko na rin. Naisip ko kasing sa paglalagay ng tubig sa pool ay hudyat na rin iyon ng pagtatapos sa isang mapait na kabanata sa buhay ng aming angkan.

Iniabot sa akin ng katulong ang wireless phone. “Hello…”

“Hi Rhett...” bungad ng nasa kabilang linya, ang boses ay pinilit na tumunog na friendly.

“Yes Miss Elizalde?” pormal kong tanong sa kaniya. Iba ang dating sa akin ng babaeng ito na simula pa lamang ay hindi ko na talaga nagustuhan. Ilang beses na itong tawag ng tawag na talaga namang nakakairita.

“Iimbitahan sana kitang mag-dinner tonight.”

OMG! Anong akala ng Yzah’ng ito? Easy to get ako? Kapal naman talaga ng mukha na matapos makipagkalas kuno(?) kay Kuya Brando nang malaman na hindi ito ang tagapagmana ng SJR ay heto naman at ako ang gustong puntiryahin. Ako naman ang gustong maging fiancé niya.

Sa kabila ng inis ko, nagawa ko pa rin maging polite sa phone. “Sorry Miss Elizalde but I don’t have time to spare for a dinner.”

“Maybe tomorrow night?”

“Sorry—“

“How about the night after tomorrow,” pangungulit nito.

“My schedule is full,” sabi ko pa rin kahit nagngingitngit na ang loob ko sa inis.

“In that case, just give me a date when you will be free. Ako na lang ang mag fit in.”

Hindi ko na talaga kaya, “Sorry Miss Elizalde but I have to tell you this, hindi ako interesado sa iyo o sa kung anoman ang proposal mo. Not tonight, not tomorrow and not even in this lifetime.”

Mukha namang nasaktan siya sa sinabi ko kaya to redeem herself, “Akala mo ba gusto kita? Kung hindi lang dahil sa parents ko, I will not be talking to you now. You freak!”

Naramdaman ko ang biglang pag-akyat ng dugo sa aking ulo na pinilit ko namang kontrolin. “Okay, thank you for your time. Don’t dare to call me again. Have a nice day,” sabi ko saka pinindot ang button para sa end call.

Natawa na lang ako sa Yzah Elizade’ng iyon. Kakaiba talaga siya.

An hour later, dumating naman sina Harry at Eunice na inestima ko na rin sa nipa hut cottage na ipinabili ko kay Daddy at inilagay sa may tabi ng pool.

Ngayon ko na lang ulit nakita si Eunice dahil hindi siya kasama ni Harry noong pumunta sa lamay ni Tito Chairman. May pamahiin kasi ang pamilya nila na hindi pwedeng pumunta sa lamay o sa may namatay ang isang buntis dahil mahihirapan ito sa panganganak. Tingin ko’y medyo tumaba siya kumpara dati. Siya mismo ang nag-abot sa akin ng isang light green envelope nang magkaharap na kami sa mesang yari sa kawayan.

“Ano ito?” napapantastikuhan kong tanong sa mga mukha nilang parehong maluwang ang pagkakangiti.

“Buksan mo,” masayang sabi ni Harry na ngayon ay hindi na skin head na mukhang sinadya ng pahabain ang buhok na nasa 10mm na siguro ang haba.

Natuwa naman ako nang makitang invitation iyon sa nalalapit nilang kasal. “Akala ko ba Harry after pa nating makapag-board exam, bakit next month na agad?”

“Ganoon din naman iyon, magpapakasal din kami ni Eunice, kaya bakit patatagalin pa?” proud niyang sabi.

Si Eunice naman ang nagsalita. “Isa pa, ayaw kasi ni Harry na isilang ang anak namin nang hindi kami kasal.”

Nakangiting tumango naman si Harry bilang pagsang-ayon. “Siyempre kahit pa sabihing pwede na naman ngayon na isunod sa apelyido ko ang anak namin, lilitaw at lilitaw pa rin sa birth certificate niya na hindi kami kasal noong isilang siya. Ayoko naman na dumating iyong time na may isip na siya at magtanong kung bakit hindi kami kasal nang isilang siya at pagdudahan niya ang relasyon namin ng kaniyang ina.”

Wow! Ano pa nga ba ang masasabi ko sa paninindigan ni Harry kundi, “Approve na approve sa akin ang kasalang iyan!” Ini-scan ko ang laman ng invitation, “Ako ang Best Man?”

“Alangan namang ikaw ang Maid of Honor ko?” natatawang turan ni Eunice.

“Puwede ba?” masayang biro ko.

Halos pamulagatan ako ng mata ni Eunice. “Siyempre hindi pwede.”

Napatawa na rin kaming pareho ni Harry.

Umalis din sina Harry at Eunice pagkatapos makapananghalian. Matutulog muna sana ako sa aking silid nang sabihin ng katulong na dumating daw si Kuya Rhon at gusto daw akong makausap. Sinabihan ko na lang ang katulong na sa nipa hut ko na rin siya kakausapin.

Ibang Kuya Rhon ang humarap sa akin, walang mababanaag na saya sa kaniyang mukha at parang bigat na bigat ang katawan sa kung anoman ang bumabagabag sa kaniyang kalooban. Tingin ko nga’y medyo namayat ito pero naroon pa rin ang kakaibang appeal na dulot ng kaniyang long hair at goatee na bumagay sa moreno complexion nito at hunk pa ring tingnan. Parang talagang isang bida ng Mexican telenovela.

Umupo kami magkaharap sa loob ng cottage.

“Kumusta ka na?” iyon lang ang naisip kong itanong dahil muli na namang nanariwa sa akin ang sakit na naramdaman ko sa pagbabalikan nila ni Kuya Brando.

“Heto, restless at guilty,” maikling sagot niya pero ramdam ko ang emosyon na itinatago sa dibdib.

Bakit ganoon ang sagot niya? Hindi ba siya masaya sa piling ni Kuya Brando? Hindi ba’t for more than ten years ay inasam niya na magkabalikan silang dalawa? O baka naman nagkatotoo na ang iniisip ko dati na kaya nakipagbalikan si Kuya Brando sa kaniya ng ganoon kadali ay para pahirapan siya na karugtong pa rin ng original plan nito?

“Hindi ka na kasi dapat nakipagbalikan sa kaniya. Sinasaktan ka ba niya?”

Hindi niya sinagot ang tanong ko. Iba ang lumabas sa kaniyang bibig. “Babalik na ako ng Korea, Rhett. Gusto kong bago man lang umalis ay gumaan ang loob ko at maitama ang aking mga pagkakamali.”

Puzzled ako sa sinasabi niya. “Iiwan mo si Kuya Brando?”

Muli hindi na naman siya sumagot. Biglang tumingin sa kawalan saka malalim na nag-isip. Nang finally madetalye na sa isip ang sasabihin ay muling nagsalita. “Naaalala ko pa the first time I met Phen more than ten years ago. May emergency practice kami noon sa UB Chorale kaya’t hindi kita masusundo. Pinakiusapan ko si Brando na sunduin ka kahit alam kong mahihirapan siyang makabalik kaagad dahil susunduin naman niya sa airport ang kapatid niyang galing sa Amerika na si James. Pero pinilit pa rin niya dahil sa pagmamahal niya sa akin na ayaw akong biguin.”

May na-refresh sa utak ko sa mga pahayag ni Kuya Rhon. Ito iyong araw na sinuntok ako ni Jimson at naabutan ni Kuya Brando na nakahandusay sa kalsada.

Malungkot ang mukha na nagpatuloy si Kuya Rhon. “Buti pa noon, mahal na mahal ako ni Brando kahit hindi naman kasing-level ng pagmamahal niya ang pagmamahal ko sa kaniya. Siguro nga’y napilitan lang akong makipag-relasyon sa kaniya noon kaya that night, pagkatapos ng aming emergency practice ay nagkayayaan ang grupo na mag-bar. Sinadya kong hindi siya isama at hindi ko rin ipinaalam sa kaniya.”

Ayun, kaya pala nang magkamalay ako at nasa bahay na ay hindi alam ni Kuya Brando kung nasaan si Kuya Rhon.

“Doon ko nakilala si Phen sa bar. Unang kita pa lang ay iba na ang naramdaman kong atraksiyon sa kaniya. Magaan ang pakiramdam namin sa isa’t-isa. Hindi ko na nga naisip pa si Brando nang gabing iyon dahil kay Phen na pumuno ng gabi ko. Noon ngang may kausapin siya sa cell phone, instantly naramdaman ko agad ang selos at hindi ko rin alam kung ramdam din niya iyon dahil nag-explain siya at sinabing Kuya niya ang kausap sa phone na dapat daw ay kasama niya sa bar na iyon. Later ko na lang nalaman na ang Kuya pala niyang iyon na kausap niya ay walang iba kundi si Brando na sandali kong kinalimutan nang gabing iyon.”

Wala akong makapang pwedeng sabihin kaya nanahimik na lang ako at matamang nakinig sa mga sasabihin pa niya.

“Naging kami ni Phen na ang tawag sa kaniya ni Brando ay James. Nalaman ko lang na kapatid niya si Brando nang unang beses akong pumunta sa bahay na ito at makita ko ang picture nila ni Brando nang sunduin siya nito sa airport.”

Iyon din ang nakita kong picture na nakaframe at nakapatong sa entertainment cabinet.

“Nang maging kami ni Phen ay nagdesisyon akong makipagkalas sa kaniya. Nalaman din ni Brando na si Phen ang dahilan nang makita niya sa wallet ko ang picture naming dalawa na kinunan sa bar nang una kaming magkita. Naging masaya naman ako pero naging pansamantala lang dahil nang wala na kami ni Brando, saka ko naman naramdaman ang pangungulila ko sa kaniya.”

Napagtagni-tagni ko na rin naman ang mga sumunod nyang sinabi kaya, “At dahil doon kaya ka nakipagkalas naman kay Phen para balikan si Kuya Brando?”

Marahan siyang tumango. “Pero ayaw na niyang makipagbalikan sa akin. Ni ayaw na nga niya akong kausapin. Alam kong mahal pa rin niya ako pero ipinagparaya na lang niya ako sa kaniyang kapatid. Hindi ko naman magawang dayain ang sarili ko kaya hindi ko na binalikan pa si Phen. Hanggang isang umaga dumating si Brando na lasing na lasing at gusto akong makausap. Nakiusap siya na balikan ko na si Phen dahil sobrang depressed na ito mula nang iwan ko.”

“Pero hindi ka pumayag sa pakiusap niya?” tanong ko sa pagkaalala ko ng tagpong iyon.

Pinangingiliran na ng luha ang gilid ng mga mata ni Kuya Rhon. “Hindi naman kasi ganoon kadali ang hinihingi niya. Nagkamali ako ng desisyon sa buhay nang piliin ko si Phen at i-dump siya ng basta-basta. Isang pagkakamali na ayaw ko ng dagdagan pa sa pamamagitan ng pakikipagbalikan kay Phen at papaniwalain na mahal ko siya kahit ang Kuya Brando naman niya ang mahal ko.”

“Dahil ba doon kaya nagalit sa iyo si Kuya Brando?”

“Inisip kasi niya na pinaglaruan ko lang silang magkapatid, pinaniwalang mahal ko at later ay niloko. Ang pagkakamali ko lang, hindi ko nagawang aminin sa kaniya na kaya hindi ko mapagbibigyan ang hiling niya na balikan si Phen ay dahil siya ang mahal ko. At lalong pinalala ang sitwasyon ng pagpapatiwakal ni Phen sa paglunod sa sarili na nang mabalitaan ko ay naging dagok naman sa akin.”

Gusto kong lapitan si Kuya Rhon para aluin. “Iyon ba ang dahilan ng depression mo?” Naalala ko kasi ang sinabi ni Mommy Beng.

Tuluyan ng dumaloy ang luha sa kaniyang mga pisngi. “Oo Rhett, sa sobrang depressed ko napabayaan ko na ang aking pag-aaral. Muntik pa nga akong hindi makagradweyt.”

“Kaya ba siya nagbalik para maghiganti sa iyo at dahil wala ka ay ako ang pinagdiskitahan niya?” tanong kong naninikip ang dibdb.

Atubili namang sumagot sa Kuya Rhon.

Halos mag-crack na ang aking boses na nagpatuloy ako. “At ngayon kahit alam mong naghihiganti siya ay nakipagbalikan ka pa rin sa kaniya ng ganoon-ganoon na lang? Hindi mo ba naisip na baka parte pa rin ng paghihiganti niya ang pakikipagbalikan sa iyo? Kaya ngayon ikaw naman ang pinahihirapan niya?”

Nagulat ako nang mapailing si Kuya Rhon sa lahat ng tanong ko sa kaniya. “Nang mag-usap kami sa kaniyang opisina, sinabi ko sa kaniyang layuan ka at huwag kang idamay sa paghihiganti niya sa akin. Sinabi niya sa akin na kinalimutan na raw niya ang lahat ng nangyari at pinatatawad na raw niya ako. Siyempre hindi ko siya pinaniwalaan.”

Sa pagbabalik tanaw ko sa nangyari ay bigla na lang umagos ang luha ko. Parang kahit ilang araw na ang nakalilipas ay ganoon pa rin ang sakit na nararamdaman ko sa tuwing maaalala ang mga nangyari.

“Hanggang pakiusapan na niya akong umalis. Itinuro niya sa akin ang pinto palabas ng opisina. Kaya nang bumukas ang pinto halos nakatalikod na siya sa iyo. Sinamantala ko ang pagkakataon na iyon na bago mo pa kami mapansin ay bigla ko siyang niyakap at hinalikan sa mga labi. Nanlaban siya pero pinilit kong hindi siya makagalaw kahit man lamang habang naroon ka at nakatingin sa amin. Hindi kami nagkabalikan ni Brando, Rhett.”

Natigil naman sa pagpatak ang mga luha ko sa huling sinabi niya. Hindi daw sila nagkabalikan ni Kuya Brando. “I-ibig sabihin pinaniwala mo lang ako na naging kayo ulit kahit hindi?”

“Patawarin mo ako Rhett. Iyon lang kasi ang naisip kong paraan para layuan mo si Brando. Pero nagkamali ako dahil sa kagustuhan kong malayo ka para hindi masaktan ni Brando ay lalo pa kitang nasaktan sa ginawa ko.”

Saka ko na-realize na kung pinakinggan ko lang si Kuya Brando sa gusto niyang sabihin noong nasa sementeryo kami, malamang naipaliwanag niya kung bakit naging circumstantial ang mga sumunod na nangyari para paniwalaan ko ang kasinungalingan ni Kuya Rhon.

“Ito ang gusto kong itama Rhett bago ako bumalik ng Korea. Gusto ko ring hingin ang pagpapatawad mo.”

Hindi ko alam kung anong reaction ko sa ibinunyag niya. Gusto kong magalit, gusto kong mainis. Pero sa isang banda, kapakanan ko rin naman ang nasa isip niya nang gawin iyon. Hindi nga lang maganda ang ginamit niyang paraan. Ewan basta ang naisip ko lang ay si Kuya Brando. May mga bagay kaming dapat pag-usapan.

Sa kabila ng galit na nararamdaman ko ay nagawa ko pa ring yakapin ng mahigpit si Kuya Rhon. “Ingat ka sa Korea,” sabi ko sa kaniya. “Salamat din sa pagiging kuya mo sa akin all these years.”



SUMALUDO PA ANG guwardiya sa akin pagbaba ko mula sa passenger’s seat ng kotse pagkuwa’y lumapit. Pinahinto ko na muna kasi sa driver ang kotse bago pa tuluyang makapasok sa main gate ng construction site.

“Pumasok ba si Engr. Ramirez?” halos kapusan na ako ng hininga sa huling salita sa sobrang kaba at excitement na makitang muli si Kuya Brando.

Mabilis naman ang naging tugon nito. “Pumasok po kaninang alas-otso ng umaga Sir pero umalis din kaagad matapos kuhanin ang mga gamit niya sa kaniyang opisina.”

Napakunot-noo ako. “Bakit kinuha ang gamit?”

“Resigned na po kasi siya effective today.”

Natigilan ako sa sinabi ng guwardiya. Nag-echo sa akin ng paulit-ulit ang “Resigned na si Kuya Brando.” Bigla ang pagbalot ng panghihinayang sa aking puso. Akala ko pa naman ay makakausap ko na siya this time.

Nanghihina ang mga tuhod na pumasok na ako ulit sa kotse.

Kinuha ko ang aking cellphone para tawagan si Daddy Clyde.

“Hello…” masaya ang boses sa kabilang linya.

“Daddy…” hindi ko alam kung paano ko sisimulan ang pagtatanong kay Kuya Brando.

“O, Rhett, nasaan ka ba? Hinahanap ka ng Mommy mo, bigla ka na lang daw umalis?”

Finally naglakas-loob na akong magsalita. “Daddy, nandito ako sa site. Gusto ko sanang makausap si Kuya Brando pero resigned na pala siya.”

Ilang patlang bago sumagot si Daddy sa malungkot na tinig. “Oo, anak. Nag-resign na siya.”

“Saan daw ho siya pupunta?”pinigilan ko ang pag-crack ng aking boses.

“Wala siyang sinabi. Basta sabi niya magso-soul-searching muna daw siya. Gusto nga sana niyang puntahan ka para kahit man lang bago siya umalis ay makapag-usap kayo. But the last minute, he changed his mind. Baka daw kasi hindi ka pa handang pakinggan siya.”

Handa na akong makinig sa kaniya Dad, sa isip ko lang. “Ganoon po ba. Sige Dad, try kong puntahan siya sa hotel baka sakaling abutan ko pa.” Kaninang umaga pa siya umalis ng opisina at hapon na ngayon. Kahit slim ang chances na nandoon pa siya, I still have to try my luck.

Biglang sumaya ang tono ni Daddy Clyde. “Sige anak, bilisan mo na at harinawang abutan mo pa siya. Maganda iyong magkausap kayo at magkalinawan. Baka sakaling mapigilan mo pa siyang umalis sa kumpanya.”

Abot-abot ang dasal ko habang papunta kami sa hotel. Pero nawala na ng tuluyan ang gahibla kong pag-asa nang sabihin ng front-desk personnel na nakapag-check out na raw si Kuya Brando an hour ago.

Kung napaaga lang sana ako. Laylay-balikat at halos maiiyak na akong lumabas ulit ng hotel at bumalik sa kotse.

“Saan tayo Sir?” tanong sa akin ng family driver.

Saan nga ba? Pwede ba patungo kay Kuya Brando? Pero saan na nga ba siya naroroon? Saan ko ba siya hahanapin?

Sa kawalan ng direksiyon ay umibis ako sa kotse nang tumapat ito sa may daan patungong plaza. Sinabihan ko ang driver na mauna na sa bahay nang magtangka itong ihatid na lang daw ako sa pupuntahan ko.

Nilakad ko ang kahabaan ng daan na parang wala sa sarili. Pakiramdam ko’y solo ko ang mundo sa kabila ng karamihan ng taong naglalakad at nakakasalubong ko na ang iba’y nakakabanggaan ko na rin. Wala tiyak na patutunguhan ay nagtuloy-tuloy lang ako sa paglalakad habang nag-iisip ng susunod na gagawin.

Hanggang dalhin ako ng mga paa ko sa breakwater ng Calumpang river. At dahil magdadapit-hapon na, mas marami na ngayong mga bata sa paligid na naglalaro. Traffic na rin sa Calumpang Bridge sa may kanang bahagi at sa ilalim naman ang agos ng tubig na natatakpan ng mga berdeng water lily.

Tinungo ko ang bench na inupuan namin ni Kuya Brando sa unang beses na pagpunta namin. Nakaramdam lalo ako ng panghihinayang nang wala si Kuya Brando doon na kahit kaunti ay idinalangin kong sana’y narooon siya at abutan ko. Kagaya ng mga romance stories na nababasa ko, pero mukhang wala na yata talagang happy ending na nakalaan para sa amin ni Kuya Brando.

Matagal akong umupo sa bench, patuloy ang pagbabalik-tanaw sa mga masasayang nangyari sa amin sa lugar na iyon hanggang sa maisipan kong maglakad-lakad at para balikan na rin ang kahabaan ng tinakbo ko habang hinahabol ko si Kuya Brando noong araw na nagpahayag kami ng damdamin sa isa’t-isa.

Hanggang makalapit ako sa bench na piping saksi sa aming pag-ibig. Mga ilang hakbang pa ay naaninag ko na na may nakaupong isang lalaki. Biglang kaba ang naramdaman ko sa aking dibdib. Sa isip ko ay nanulay ang pag-asa na sana ay si Kuya Brando ang nakaupong lalaki.

Nagmamadali akong lumapit at parang mapupugto ang hininga nang humarap ang lalaki sa akin saka nagsalita. “Nandito ka rin pala, Utoy.” Alumpihit ang lumatay na ngiti sa mukha.

Pakiramdam ko’y lumiwanag ang buong paligid na amoy peras at banilya. Ang saya ay bumalot sa aking dibdib. Halos maiyak ako sa muling pagtawag niya sa akin ng Utoy. Parang nalulon ko naman ang aking dila na hindi makahagilap ng sasabihin kaya umupo na lang ako sa kaniyang tabi, sinadyang lagyan ng puwang sa pagitan namin.

“Paalis na rin ako,” mapait ang tinig niyang sabi. “Gusto ko kasing puntahan muna ang lugar na ito bago ako tuluyang umalis.”

Pinilit kong tumingin sa mukha niya. “S-saan ka pupunta?” Huwag ka ng umalis Kuya Brando, huwag mo akong iwan.

“Hindi ko pa alam, baka sa Manila muna…basta malayo lang dito.”

Ouch! Gusto talaga niyang lumayo sa akin. Ang sayang nararamdaman ko ay napalitan ng lungkot. “A-akala ko’y hindi na kita makikita. Galing ako sa site—“

Pinilit niyang ngumiti. “Resigned na ako.”

Parang napakahirap sa akin ang magsalita. Kinakain pa rin ako ng aking pride na nasaktan. Pero last chance ko na ito na ipaalam sa kaniya na handa na ako. Kung hindi ko pa sasabihin ngayon, baka tuluyan na akong mawalan ng pagkakataon. Huminga ako ng malalim. “Gusto ko ng makinig sa sasabihin mo Kuya.”

Kita ko ang pagliwanag ng kaniyang mukha. “Saan mo gustong simulan ko ang pangungumpisal?” pagbibiro na niya.

Alam ko na naman ang tungkol sa pinsan kong si Phen kaya mas mabuti sigurong itanong ko na lang sa kaniya ang iba pang kailangan kong malaman. “After more than ten years nagbalik ka ba para maghiganti?”

Nagbaling ng tingin si Kuya Brando at ipinukol sa sementadong daan. “Iyan din ang ipinipilit sa akin ni Rhon nang kausapin niya ako the day after he arrived from Korea. Pero aaminin ko nang una kitang makita sa interview, lahat ng masasakit na nangyari sa buhay ko ay biglang nanariwa. Nang i-confirm mo sa akin na kapatid mo nga si Rhon, doon na nabuo sa isip ko ang maghiganti kay Rhon. At iyon ay gagawin ko sa pamamagitan mo.”

Para akong maiiyak dahil sa mismong bibig pa ngayon ni Kuya Brando ko naririnig na isa lang akong tauhan sa plano niya. “Parang ako lang si Phen noon—“

“Tama. Para lang ikaw si James noon na pinaglaruan niya, pinaibig saka iniwanang devastated. Kaya naisip ko kailangang siya naman ngayon ang makaramdam ng dinanas ko. Kung paiibigin kita at paglalaruan magiging amanos na lang kami.”

Ibinaling ko sa ilog ang aking paningin para kahit paano’y maitago ko sa kaniya ang pangingilid ng luha sa mga mata. Parang mga punyal na tumatarak sa aking dibdib ang mga sinasabi ni Kuya Brando. Oh, ang sakit. Ang sakit, sakit.

“Nang malaman ni Chairman na nag-o-OJT ka sa kumapanya namin at ikaw ang kapatid ni Rhon ay kinausap niya ako. May nakapagsabi rin kasi sa kaniya na nagiging malapit na tayo sa isa’t-isa. Sinabihan niya ako to stay away from you. Ayaw na raw niya kasing magkatotoo ang kasabihan na ‘History repeats itself’. Si Rhon noon pinaibig niya si James tapos biglang iniwan at dahil doon ay nagpatiwakal at nawala siya ng tuluyan sa amin. Tapos ako naman ngayon na baka daw mahulog ang loob ko sa iyo at kagaya ka rin ng Kuya mo na iiwanan ako at baka mawala din ako sa kaniya. I assured him na hindi iyon mangyayari at nangako ako sa kaniya na kaya kita nilalapitan ay para ipaghiganti ko ang sinapit ni James at wala ng iba pa.”

Take note, sabi ng puso ko, ‘ipaghiganti ko ang sinapit ni James at wala ng iba pa’ ibig sabihin hindi nga ako minahal ni Kuya Brando from the start. Lahat ng mga nangyari sa amin ay parte lang ng kaniyang paghihiganti.

Tuluyan ng umagos ang luha ko sa magkabilang pisngi.

“Puro galit ang nararamdaman ko kay Rhon. Walang araw sa aking buhay na hindi ko naiisip ang nangyari kay James. Ang pagpapatiwakal niya…” parang sa maiiyak ang boses ni Kuya Brando at mabigat sa kalooban ang mga sumunod na sinabi. “Sinamahan ko siyang mag-inom nang gabing iyon, gusto ko siyang damayan lalo na’t hindi ko nagawang pakiusapan si Rhon na balikan siya ng mga nagdaang araw. Nakarami kami ng ininom at nakatulog ako. Paggising ko nakita ko na lang siyang nakalutang sa pool. Sinaklolohan ko siya pero huli na ako ng gising dahil hindi ko na siya na-revive. Patay na si James.”

Matagal na katahimikan ang namagitan sa amin. Wala ni isa man ang gustong magsalita sa takot na ipakita sa isa’t-isa ang pag-iyak.

Maya-maya ay si Kuya Brando ang bumasag ng katahimikan. “Ang sakit talaga sa akin ng nangyari kay James kaya naging sobrang guilty ako sa aking sarili nang ang aking paghihiganti ay nauwi sa pagkahulog ko ng loob sa iyo.”

Bigla naman akong napa-Oh sa huling sinabi niya. Napamulagat ako at biglang binawi ang sarili sa sunod-sunod na pag-eemote. Tumingin ako sa kaniyang mga mata, bakas sa mukha ang pagtatanong sa kaniyang sinabi.

Marahang tumango si Kuya Brando. “Oo, Utoy. Nahulog na ako sa iyo the first time we met in the interview. Ayoko lang aminin sa sarili ko.”

WOW! Totoo ba talaga ito?

“Naaalala mo ba nang una nating punta dito? Nakatulog ka noon sa pagkakahilig sa dibdib ko. Nang magmulat ka, tinanong mo ako kung bakit ako umiiyak.”

Mataman ang pagkakatingin ko sa kaniya, ang kaligayahan ay unti-unting umuusbong sa aking puso.

“Hindi mo alam na sa kabila ng pangungumbinse ko sa sariling parte ka lang ng aking paghihiganti, ay iba naman ang sinasabi ng puso ko. Iyon ay ang mahal kita Rhett! At ang pag-ibig ko sa ‘yo ay isang maliwanag na pagtataksil kay James at pagsisinungaling sa ipinangako ko kay Chairman. Naiyak ako dahil napaka-komplikado ng lahat para sa atin. At nang gabing iyon, tanging puso ko lang ang sinunod ko.”

Hindi ko na mapigilan ang sariling hindi ngumiti sa rebelasyon ni Kuya Brando sa akin. Animoy nalulunod ako sa sobrang kaligayahan. Pero nanatili akong tahimik dahil gusto kong marinig ang magaganda niyang sinasabi.

“Takot na takot ako nang muntik ka ng malunod sa beach sa Nasugbu. Galit na galit ako sa sarili ko dahil pinabayaan kita. Hindi ko natupad ang sinabi ko sa iyo na kaya ako nagpilit na pumunta para bantayan ka. Kahit napakahirap para sa akin dahil sa naging trauma ko sa mga nangyari. Ayokong mangyari sa iyo ang nangyari kay James. Pero mapagbiro talaga ang tadhana dahil ganun rin ang nangyari, naiwan kita, naglasing ka at muntik ng malunod.”

“Uminom ako noon dahil iniwan mo ako at sumama ka kay Miss Elizalde.”

“Ginawa ko lang iyon dahil ayokong makarating kay Chairman sa pamamagitan ni Yzah na magkasama tayo at may namamagitan sa atin. Buti na lang hindi ka nalunod, kundi baka hindi ko na kakayanin at sumunod na rin ako.”

“Galit ka ba sa akin noon Kuya?” Naalala ko kasi ang ekspresyon ng mukha niya nang gabing iyon.

“Hindi sa iyo, Utoy. Sa sarili ko ako galit dahil muntik ka ng mawala sa akin sa kapabayaan ko.”

“Hindi ka pala galit, e bakit iniwan mo ako? Bakit ka umalis ng maaga?”

“Pasensiya ka na. Tumawag kasi si Chairman that night at may biglaang pinapatapos na report na kakailanganin niya first hour in the morning. Kinumusta naman kita kay Eunso at nang masiguro kong okay ka na saka lang ako umalis. Sinabi ko na lang kay Eunso na huwag sabihin sa iyo that I dropped by.”

“Si Kuya Rhon—“

“Pinatawad ko na si Rhon the day I admit to myself that I love you.”

“Pero hindi siya naniwala?”

“Hindi ko siya masisisi dahil kahit ako hindi ko din sukat akalain na I could forgive him that easy. Siguro kaya ganoon dahil kailangan kong palayain ang sarili ko sa pait ng kahapon para maharap ko ang mundo ng masaya at walang alinlangan na mahalin ka.”

“Sinabi niya sa akin na nagkabalikan kayo?”

Tumango si Kuya Brando. “Yes, I know dahil inamin niya rin sa akin iyan during the wake of Chairman. Doon ko napag-isip na kaya biglang naging ganoon na lang ang trato mo sa akin. Immediately I attempted to talk to you pero ayaw mo akong kausapin.”

“Bakit kasi noong kinagabihan na mag-usap kayo ni Kuya Rhon ay hindi mo sinasagot ang mga tawag ko. Gusto ko lang namang i-confirm sa iyo kung totoo ngang nagkabalikan kayo ni Kuya Rhon tapos ini-off mo pa ng tuluyan ang telepono.”

Napailing siya. “That night, inatake si Chairman. Ako ang nagsugod sa kaniya sa ospital. Sa pagmamadali ko, naiwan ko sa kuwarto ang cellphone na nag-battery empty na sa dami ng missed calls mo na nakita ko nang i-charge ko kinaumagahan pag-uwi ko. Pero tinawagan kita late night from the hospital pero hindi na kita makontak hanggang sa kinaumagahan.”

Naalala ko, nag-battery empty nga pala ang cellphone ko at kinaumagahan, hindi na ako nag-charge ulit dahil sa sama ng loob ko sa nangyari.

“Pinuntahan nga kita sa bahay ninyo pag-alis ko ng ospital pero wala ka naman kaya tumuloy na lang ako dito para magbihis bago dalawin ang puntod ni James.”

Ibig sabihin, nagkasalisi kami ni Kuya Brando. “Magkasama kayo ni Kuya Rhon sa pagdalaw sa sementeryo.”

Tumango siya. “Bago ako umalis sa ospital dumating si Rhon at ang Mommy mo, binisita si Chairman. Nabanggit ko sa kaniya na sasaglit nga ako sa puntod ni James pagkatapos kitang puntahan sa bahay dahil hindi nga kita makontak. Pagdating ko naman sa gate ng memorial park, naroon na si Rhon at naghihintay sa akin dahil hindi nga raw niya alam kung nasaan ang puntod.”

Napatango ako. “Pero magkasama kayong umalis?”

“For old time’s sake, I offered him na sumabay na sa akin palabas lalo na’t medyo mainit na noon ang araw. Nagpaunlak naman siya pero nang makalabas ng gate, umibis din siya at may pupuntahan pa raw.”

OMG! Iba talagang magbiro ang tadhana. Parang ang lahat ng nangyari ay swak na swak sa isat-isa para patuloy akong papaniwalain na nagkabalikan na nga sina Kuya Rhon at Kuya Brando. Pero lahat pala ay circumstantial lang dahil ang ikinukubli nito ay ang totoong pagmamahal sa akin ni Kuya Brando.

Natawa ako na hindi nakaligtas sa paningin ni Kuya Brando.

“What’s that for?”

Umiling ako patuloy pa rin sa pagkakangiti. “Nothing.”

Hindi siya kumbinsido sa sagot ko. “Ang totoo naisip ko lang na kung pinakinggan na kita sa paliwanag mo noong nasa sementeryo tayo, hindi na sana tayo umabot sa ganito.”

Tumayo siya sa aking harapan saka mabilis akong hinila na nagpatayo din sa akin, ang mga katawan namin ay halos magkadikit. Hinawakan niya ang magkabila kong balikat saka muling nagsalita. “That will serve a lesson. Kapag may hindi pagkakaunawaan, kaysa mag-jump-into-conclusion na lang basta, mas mainam ang pakinggan ang side ng bawat isa para malinawan anoman ang hindi pagkakaunawaan.”

Tumango ako na ang puso ay punom-puno ng kaligayahan. At last may happy ending pa rin pala para sa amin ni Kuya Brando.

Lumapit ang bibig niya sa bibig ko. Tinanggap ko ang halik na iyon na pinagsaluhan namin sa mga sumunod ng tatlong minuto. Sa sarap at tagal ng halik na iyon ay nagawa na nitong bumuhay ng natutulog na damdamin.

Kumalas lang sa pagkakahinang ang aming mga labi nang mapansin ang grupo ng mga batang lalaki na nakatingin na sa amin. Iba’t-iba ang reaksiyon nila sa pagkakita sa amin ni Kuya Brando. May mga nakangiti, may nandidiri at may dedma lang sa kanila ang nakita.

Maya-maya ay nagtakbuhan ang mga bata at may isang naiwan. Nanatili siyang nakatingin sa amin na parang natutuwa sa kaniyang nakikita pagkuwa’y pasipol-sipol na tumalikod, nakapameywang at pakembot-kembot na lumakad tungo sa direksyion ng mga kalaro.

Pareho na lang kaming nagkatawanan ni Kuya Brando.

May kinuha siya sa bulsa ng pantalon saka inabot sa akin.

“Regalo?”

Tumango siya. “Open it.”

Para na naman akong maiiyak sa tuwa nang buksan ko iyon at makita ang isang gold-plated na parker pen na may naka-engrave na Brando Love Rhett.

Saka niya inilabas sa bulsa ang isa pang parker pen. Iyon ang gift ko sa kaniya. “Nasa iyo?” nagtatakang tanong ko.

“Nakita ng guwardiya sa basurahan at dahil may nakalagay na ‘To Kuya Brando’ ay ibinigay niya sa akin nang makaalis na si Rhon ng opisina. Nang buksan ko nalaman kong galing sa iyo dahil sa engravings na Rhett Love Brando. Kaya naisip kong pagawan din kita, Brando Love Rhett naman.”

Yumakap ako sa kaniya ng mahigpit. “Salamat Kuya.”

“Tayo na Utoy.”

Kumalas ako sa pagkakayakap sa kaniya. “Saan Kuya?”

Niyakap niya ulit ako at ipinadama ang kaniyang kahandaan na gaya ng sa akin ay tuluyang binuhay ng torrid kiss.

Pabulong siyang nagsalita. “I love you Rhett Santillan.”

Bumulong din ako. “I love you too, Brando Ramirez.”

“Let’s go Rhett, I want to make love with you now.”

Napangiti ako saka medyo kinabahan. “You will be my first.”

Lalo siyang na-excite sa sinabi ko. “Don’t worry, I will be gentle.”

Mabibilis ang mga hakbang na iginiya niya ako patungo sa puting kotse.

“What’s the rush?” hindi ko mapigilang itanong habang natatawa sa pagmamadali niyang makasakay kami sa kotse.

Kumindat si Kuya Brando. “Every second counts.”


WAKAS

No comments:

Post a Comment