Friday, January 11, 2013

Rico: Mr. Never Give Up (01-05)

By: (ash) erwanreid
Source: bgoldtm.blogspot.com
Facebook: www.facebook.com/BGOLDTM


[01]
"Mr. Miranda, alam niyo naman na hindi ito ang una." muling paalala ng principal. "Noong una, tinanggap namin ang pakiusap dahil marunong na estudyante ang bata. Nagdadalawang isip nga ako na ginawa talaga iyon ng anak ninyo sa kapwa niya estudyante. Ang manapak ng walang dahilan."


"Ako na po ang humihingi ng paumanhin." sabi ni Mr. Miranda sa principal habang naka-tingin kay Rico na nakaupo sa harapan niya.

"Pero, Mr. Miranda. Hindi na namin ito mapapalampas. Pangatlong beses na ang ganitong pangyayari. Galit na galit na ang magulang ng batang sinaktan ng anak ninyo. Kailangan na naming aksyunan ito. Paumanhin po, pero nararapat lang na mabigyan ng mahabang suspensyon ang anak ninyo. Pinag-aaralan rin namin kung nararapat bang ipalipat ng school na lang si Rico."

"Mmm baka po may iba pang paraan..."

"Mr. Miranda, nato-trauma na daw yung bata sabi ng magulang. Kaya siguro mas maiging lumipat na lang ng eskwelahan si Rico. Ayaw rin naming mabakante ang oras niya sa pag-aaral dahil marunong siyang bata pero kasabay ng matino niyang pag-aaral ang mang-bully ng mga estudyante. At kung sino ang mga lalampa-lampa ay iyon pa ang natyempuhan ng anak ninyo."

Muling napa-tingin si Mr. Miranda sa anak. Ngunit sa pagkakataong iyon, matalim na ang kanyang tingin sa anak niyang tahimik at parang walang malay sa mga nangyayari. "Mababatukan ko talaga 'to sa pag-uwi eh. Ginagalit ako ng sobra."
-----


Papasok na ng bahay si Rico at pangiti-ngiti. Hindi siya ganoong nag-aalala dahil alam niyang ang ama naman niya ang gagawa ng paraan para sa kanya. Didiretso sana siya sa kanyang kwarto ng tawagin siya ng kanyang ama.

"Rico, maupo ka muna sa sofa at kakausapin kita." halata ang ka-pormalan sa tono ni Mr. Miranda.

"Dad, may gagawin pa po ako. Pwede po bang after dinner na lang?"

"Ang sabi ko maupo ka at kakausapin kita." bahagyang tumaas ang tono ng ama.

Napa-ngiwi si Rico at sumunod na lang sa ama. "Bakit po ba?"

"Hindi ko na alam ang gagawin ko sayo bata ka." reklamo ni Mr. Miranda sa anak. "Ano bang nakakain mo at ang hilig hilig mong mang-bully ng mga kaklase mo. Ang laki-laki mong bata tapos pinapatulan mo yung mga kaklase mong kalahati lang ang laki sayo. Ano bang problema mo Rico?"

Hindi umimik si Rico.

"Ano?" naririndi si Mr. Miranda sa katahimikan ng anak. Parang wala itong naririnig. Bumuntong hininga muna siya bago muling nagsalita. "Alam ko na ang gagawin ko sayo..."

Napa-tingin si Rico sa ama nang naka-kunot ang noo.

"Doon ka na lang mag-aaral sa probinsya."

"Dad?" gulat ni Rico.

"Oo, doon ka mag-aaral sa eskwelahang ang tiyahin mo ang principal. Siguro doon titino ka."

"Ayoko Dad. Sobrang sungit nung matandang iyon."

"Rico, gumalang ka. Ayokong tinatawag ang tiyahin mo ng matanda."

"Dad naman kasi, ayoko po. Saan naman ako titira?"

"Sa kanya rin."

"Dad?"

"Oo."

"Ayoko!"

"Iyon ang desisyon ko."

"Pero Dad ayoko talaga. Mas gusto ko rito. O sige, hindi na ako mananakit ng mga kaklaseng payatot, lalampa-lampa basta hindi na ako aalis dito sa Manila. Kahit saang ibang school dito basta huwag sa probinsya. Dad, ang lungkot doon. Ngayon pa lang kinikilabutan na ako. Ayoko ng maraming puno. Gusto ko nakikita ko maraming buildings. Dad..." Napansin ni Rico na hindi na siya pinakikinggan ng ama. "Dad..."

"Sabi ko iyon na ang desisyon ko."

"Basta ayoko."
-----

"Badtrip, wala akong magawa. Nakakainis talaga. Sigurado ako, ito na ang katapusan ng kaligayan ko. Ako na mag-aaral sa school na hindi man lang madapuan ng technology, tapos mga classmates na di maka-uso, sabayan pa ng guidance ng principal na masungit take note, tiyahin ko pa. Ang higit sa lahat sa kanila pa ako titira!" wala talagang magawa si Rico kundi ang sumang-ayon lang kahit ang kalooban niya ay tutol na tutol. "Badtrip!" bulong niya.

"May sinasabi ka Rico?" tanong ng ama na kakapasok pa lang sa kotse para ipagdrayb siya patungong kalapit probinsya kung saan siya ihahatid ngayon.

"Wala po Dad."
-----

Wala pang tanghali, nakarating na sila ng ama sa tungo nila. Kanina pa napahiya si Rico sa sarili. Ang iniisip niya na pupuntahan nilang lugar ay masukal, mapuno at yung tipong wala ilan lang ang mikikita niya ang tao sa paligid at tipong huni lang mga ibon o anu mang hayop ang maririnig niya. Pero hindi pala ganoon gaya ng inaasahan niya.

Ngayon pa na ang pinasok nilang lugar ay isang subdivision at kung hindi siya nagkakamali, batay na sa mga nakikita niyang porma ng mga bahay na nakatayo ay maiihalintulad niya sa mga exclusive villages.

"M-meron pala dito. Hmmm." sabi niya sa sarili.

"Dito na tayo anak. Yan ang bahay ng tita mo. Baba na tayo."

Nanlaki ang mga mata ni Rico. "Y-yan ang bahay ni tita Mariella?"

"Oo anak. Bakit? Ang akala mo na naman isang kubo na nakatirik sa isang bukid? At napapalibutan ng mga puno habang may mga hayop na pagala-gala sa paligid?" sabay tawa ng ama. "Huwag kang mag-alala anak, wala kang makikitang ahas dito."

Napa-ngiwi si Rico. Napahiya siya sa sinabi ng ama niya at ganoon na rin sa kanyang sarili sa katotohanan ng sinabi ng ama. Muling napa-tingin si Rico sa bahay. "Hindi naman masama. Siguro yung nakatira sa loob." pilyong bulong niya.

"Halika na Rico."

"Opo."
-----

"Ito na pala si Rico, ang laking bata." magiliw na salubong ni Mariella sa pamangkin. "3 years old ka pa lang nang huli kitang makita."

Sa magiliw na sa salubong na iyon, nagkaroon ng lakas ng loob si Rico na magtanong. "Bakit po, saan po kayo nagpunta?"

"Nag-aral kasi ako sa Amerika kaya nalayo ako. Tapos naging busy sa pagiging principal sa eskwelang papasukan mo."

"Ah Mariella," singit ng ama ni Rico. "Sayo ko na ihahabilin muna si Rico."

"Ikaw naman Nauricio, hindi pa nga tayo nakaka-upo parang gusto mo nang magpaalam kaagad."

Natawa si Nauricio "Ganun na nga siguro."

"Kakain muna tayo. Tamang-tama nga dating ninyo. Halika na kayo sa lamesa." yaya ni Mariella.

Nauna na si Mariella para maihatid sila sa dining area. Dahil sa pagkakahuli, nagkaroon ng pagkakataon si Rico na magtanong sa ama ng pabulong.

"Dad, akala ko ba masungit yang si Tita Mariella, mukha namang mabait eh."

Natawa si Nauricio. "Mali ba ako? Dati kasi yang tita mo, snabera.. mataray."

"Baka naman Dad kapag iniwan niyo na ako dito biglang magbago ang ugali niya."

"E di mas mabuti para naman tumino-tino ka Rico."

"Dad, ayaw ko dito."

"Huwag mo nang suwayin ang gusto ng Daddy mo."

Napa-ngiwi na lang ang matabang nagbibinatang si Rico sa ama.
-----
"


Unang araw ni Rico sa eskwelahang ng San Simon High School- Main kung saan ang kanyang tita ang principal. Hindi na malalaman ng school ang kanyang record. Ang tita na niyang principal ang umayos nang lahat. Natutuwa naman si Rico dahil sa mabuting ipinapakita sa kanya ng kanyang tiyahing nung una ay inakala niyang masungit. Pero nagkamali siya. Minsan nararamdaman niyang itinuturing siyang anak nito lalo na at wala pa itong anak. Ang alam niya wala pa itong asawa. At hindi pa niya naiitatanong kung may boyfriend na ito.

Ngayon ang pasok ni Rico sa eskwelahan. Patapos na ang second quarter ng klase para sa ikatlong taon niya sa high school. Alam niyang kaya niyang sabayan ang mga estudyante ng San Nicolas kahit transferee lang siya. Nanggaling yata si sa private school at ngayon ay public.

Alam na niya ang room niya. Dahil noong biyernes pa lang ay isinama na siya ng kanyang tiyahin para makita ang kanyang room. Hindi nga lang niya nakita ang kanyang magiging classmates dahil nasa field daw ang mga ito para sa subject na P.E. At ang maganda roon, nasa star section pa rin siya o tinatawag na Special Science Class o SSC-A. Isang section na mas binibigyan ng atensyon.
-----

"Inay aalis na po ako." paalam ni Emman nang maibalot na niya ang kanyang baon na pagkain para sa tanghalian. Tulad ng dati, bagong saing na kanin at dalawang piraso ng tuyo. Swerte na lang niya ngayon na may isa pa siyang bilog ng kamatis.

Hindi narinig ni Emman ang tugon sa kanya ng ina.

"Bwisit, ang aga-aga." sigaw ng tatay niya na alam niyang galing sa labas ng bahay kahit nakatalikod siya rito.

"Tay, luto na yung sinaing, pwede na po kayong mag-almusal." alok ni Emman.

"Gago. Huwag mo akong utusan. Kakain ako kung kailan ko gusto."

Napa-ngiwi na lang si Emman. Nasaktan siya pero natitiis na niya ang ganoon sa araw-araw ba naman na ginawa ng Diyos. "Sige po, papasok na po ako."

Saka naman ang dating nanay ni Emman. Galing rin ito sa labas na akala niya ay nasa kwarto lang nito. Kaya pala hindi ito sumagot kanina.

"Punyeta kang Andoy ka. Ang aga-aga maglalasing ka na naman? Ni hindi pa nga nalalamnan yang sikmura mo, tatagay ka na naman?" sigaw ng kanyang nanay sa kanyang tatay.

"Pakialam mo? Ikaw ba iinom? Ikaw ba ang malalasing?"

"Gago ka pa lang lalaki ka eh. Eh kung naghahanap ka ng trabaho at para may malamon naman tayong maayos, e di sana natutuwa pa ako."

"Naghahanap naman ako ng trabaho ah?"

"Gago! Inuman ang hinahanap mo."

Sumingit na si Emman. "Aalis na po ako."

Magsasalita pa sana ang nanay niya para kanyang tatay nang huminga na lang ito nang malalim at tumuon sa kanya. "Sige na Emman, pumasok ka na."

"Opo Inay. Itay alis na po ako." Pero hindi siya pinansin ng tatay niya.

Lumabas siya ng bahay kaunti na lang ay pwede na rin niyang sabihing tagpi-tagping bahay. Lumabas siyang panay ang buntong hininga. "Lagi  naman eh." naibulong niya sa sarili. Hindi pa siya nakakalayo nang marinig na naman niya ang boses ng ina. Hindi pa tapos ang sermon sa loob ng bahay nila.
-----

Naglalakad siya sa hallway. Kahit maaga pa siya ng kalahating oras para sa unang klase ay nagmamadali na siya. May proyekto ng kaklase kasi niya ang kailangan niyang gawin. Pero hindi pa man siya nakakatapak sa hagdan para sa ikalwang palapag kung saan naroon ang kanyang room ay may nag-aabang nang mga seniors sa kanya.

"Bwisit panira ng araw." bulong ni Emman.

"Emman, ang aga mo ngayon ah. Akala namin mapuputi kami ang mga mata namin sa kahihintay sayo." sabi ng isang lalaking nagmamayabang ang tono.

"Oh anong problema?" matapang na tanong ni Emman.

"Aba, tumatapang. Dahil sa classmate mong pogi daw.." sabay tawa. "na handang ipagtanggol ka. Gaya ng ginawa sa akin nung isang araw. Akala mo ba kakalimutan ko na lang yung ginawa na niyang pagsapak sa mukha ko?"

"Sino ba kasi may kasalanan? Kayo ang nagsimula ng gulo. Tahimik kami pero pinapakilaman niyo kami. Tapos kapag hindi kayo napapansin, umiinit ang ulo niyo. Kulang lang talaga kayo sa pansin."

"Aba, tol may sinasabi ito..." sabi ng isang matangkad na lalaki sa kausap ni Emman. Lumapit ito kay Emman. "Eh kung gulpihin kaya kita ngayon?"

Ipinapakita ni Emman na matapang siya kahit ang tuhod niya ay kanina pa nangangatog. Isa lang siya habang tatlo ang kalaban niya. Naisip tuloy niya sa Randy ang classmate at bestfriend niya. Alam niya na late na iyon darating. "Subukan mo lang na makanti ako, lalabanan kita."

"Aba-aba..." sabay ng matangkad na lalaki.

Nakita ni Emman na umangat ang kamay nito. Alam niyang papadapuin iyon sa kanya. Halata niyang sa paraan ng pagkotong. Napa-pikit siya sa inaasahan niyang mangyayari.

"At sino naman 'to?" tanong ng isang lalaki.

Napa-dilat si Emman sa pagtataka kung bakit nagsalita ng ganoon ang kaharap niya. Ang akala niya ay kokotongan na siya ng lalaking iyon. Saka lang niya napansin ang kamay ng kaharap niyang matangkad na lalaki ay hawak hawak ng isang lalaking bago sa paningin niya.

"Bakit mo balak kotongan ito?" sigang tanong ni Rico sa lalaking medyo matangkad sa kanya ng kaunti. "Tinatanong kita?"

"Pakialam mo ba? At sino ka ba?"

"Baka gusto mong upakan kita, ikaw ang tinatanong ko." sigang-siga talaga ang dating ni Rico.

"Ang tapang nito ah." sabi ng unang lalaki kanina.

"Bakit naliliitan ka sa akin?" tanong naman ni Rico sa isa.

Biglang sumulpot ang isang guro paakyat sa ikalawang palapag. "Anong meron dito?" tanong ng guro saka nakilala si Rico. "Ay, ikaw ang pamangkin ng ating principal tama?"

"Opo ako nga po." nakangiting sagot ni Rico.

Nanlaki ang mga mata ng tatlong lalaki. Napansin ni Emman na nagbulong-bulungan ang mga ito. Pero pati siya ay nagulat din.

"Rico ang pangalan mo di ba? So, Rico sana maging masaya ka dito sa bago mong paaralan. Sige mauna na ako sa inyo mga binata."

"Sige po maam." paalam ng lahat.

"Ano?" muling tanong ni Rico sa tatlo. Saka napalingon si Rico nang maramdamang may tao sa kanyang likuran.

"Anong kaguluhan 'to. Emman? Inaano ka na naman ng mga 4th year na yan?" si Randy, ang bestfriend ni Emman.

Sabay takbuhan ang tatlong 4th year.

"Tignan mo ang mga yun, nakita lang ako nagtakbuhan na." sabi ni Randy. "Halika na Emman akyat na tayo sa taas."

"Sige." Gusto pa sana niyang magpasalamat kay Rico pero, hndi na niya nagawa dahil bigla siyang hinila ni Randy.

Naiwan si Rico na nakapamulsa.
-----

Tahimik si Emman habang ginagawa ang project ng kaklase. Pero nasa isip niya ang pamangkin ng principal na tumulong sa kanya kanina. Gusto sana kasi niya magpasalamat pero hindi na niya nagawa.

"Ayan, tapos ko na." saka niya iniabot sa kanyang kaklase.

"Maraming salamat ha? Kapag break na natin saka ibibigay yung bayad ko." sabi ng kaklase niyang nagpagawa ng proyekto sa kanya.

"Naku, huwag mong isipin iyon."

"Basta mamaya na lang ha, sige punta na ako sa unahan."

Nakangiti si Emman habang sinusundan ng tingin ang kaklase niya papunta sa bandang harapan kung saan malapit sa pinto ng kwarto nila. Nanlaki ang mga mata niya ng makitang nakatayo roon ang lalaking tumulong sa kanya kanina. "Sinundan yata ako." bulong niya.

Tatayo sana siya para puntahan ito sa may pinto nang biglang pumasok ang kanyang adviser na si Mrs. Dimagiba, nagtayuan ang lahat.

"Section A, may ipapakilala ako sa inyo. Ang bago ninyong kaklase, galing siya sa private school pero pinili niyang mag-aral dito sa public. Siya si Rico Miranda ang pamangkin ng ating butihing principal."

Marami ang nagulat, nagbulong-bulungan at ang iba naman ay tahmik. Si Emman ay natulala lang. Ang iniisip niya ay nasa huling taon na ito dahil sa tangkad at pangangatawan nitong hindi naman ganoon kataba pero hindi naman payat. Chubby ang nasa isip niya.

"Rico, sila ang magiging kaklase mo." pakilala ng guro sa kanya.

Ngumiti si Rico saka yumuko. Hndi siya nahihiya. Sinadya lang niyang yumuko pagkatapos.

"Ok lang ba sayo Rico na sa likuran ka maupo, kasi yun lang may bakanteng upuan."

"Walang pong problema maam."

"Sige." saka tumingin ang adviser nila sa likuran kung saan naroon si Emman. "Emman, sa tabi mo mauupo si Rico. Paki-guide naman siya."

"Sige po Maam."


[02]
"Dito ka maupo." si Emman nang makalapit si Rico sa kanya. Napapagitnaan ni Rico at Randy si Emman.

Umupo lang ng tahimik at seryoso si Rico.

"Emman, dali akin na ang notebook. Kokopya na ako." atat si Randy na makuha ang hinihingi kay Emman.

Napa-tingin si Emman kay Rico. Nahiya siya sa sinabi ni Randy. Alam niyang kahit pabulong lang ang pagkakasabi ni Randy, siguradong maririnig pa rin ni Rico iyon. Pero nang tumingin nga siya napansin niyang seryoso si Rico habang nakatingin sa harapan kung nasaan ang kanilang titser na abala sa paglalagay ng tsart sa blackboard.

Nilingon ni Emman si Randy kasabay ang pag-abot ng notebook niya. "O. Bilisan mo, baka makita ka ni Ma'am. Nawili ka na naman sa kalalaro mo ng basketball kaya hindi ka na naman nakagawa ng assignment mo." Napakamot lang si Randy sa ulo. Muling tinignan ni Emman si Rico sa kung anong reaksyon nito sa sinabi niya kay Randy. Pero tulad ng una, nakatingin pa rin ito ng seryoso sa harapan. "Buti na lang walang pakialam 'tong bagong kaklase namin. Pero mukhang mahirap pakisamahan. Masyado yatang seryoso. Pero sa tingin ko, hmm sa una lang yan." napa-ngiti siya sa naisip.

"Class, kopyahin niyo muna 'to." Yung tsart na isinait ni Mrs. Dimagiba ang tinutukoy nito. "Babalik lang ako sa faculty." Saka tinungo ang pinto. "Saglit lang ako. Walang maingay. Walang magulo."

Nang nawala na ang kanilang adviser saka tumayo ang kaklase nilang babae na nakaupo sa harapan ni Rico.

"Ako nga pala si Mariel. Mabait ako. Sana maging close tayo."

Halata ni Rico ang pakikipag-flirt ng kaklase sa kanya. Hindi siya kumibo.

"Ah mabait naman talaga yan si Mariel, Rico. Best in class din yan." Singit ni Emman nang mapansin niyang walang reaksyon si Rico. Baka kasi mapahiya ang babae. "Pero may kaartehan nga lang." naisip niya. Pero wala pa ring reaksyon si Rico.

"Sige, mauupo na uli ako, baka dumating na si Maam. Nice to meet you." si Mariel.

Napa-titig lang si Emman kay Rico nang maupo na si Mariel. "Ano ba naman 'tong taong 'to. Bingi? Ang damot mamansin. Oo, may kaartehan si Mariel nang magpakilala pero sana naman kahit tango man lang. Naku."
-----

Pumasok si Emman sa loob ng C.R. nang tanghali, oras ng kanilang breaktime.

"Mahal na mahal kita Randy higit pa sa pagiging magkaibigan natin. Emman." ito ang maikling sulat na ginawa ni Emman sa isang kapirasong papel. Muli niya itong binasa na para bang naniniguradong tama ang ipinapahayag niya. Ang katotohanan, matagal-tagal na rin niya itong ginawa dahil hindi niya masabi ng personal kay Randy. Pero hindi rin naman niya magawang ihulog sa bag nito o iipit sa notebook o libro man lang dahil sa kaba at takot. Alam kasi niyang sa oras na gawin niya iyon posibleng masira ang pagiging magkaibigan nila.

Hindi alam ni Randy ang tungkol dito. Sa pagkakaroon niya ng pusong babae. Kahit naman sa buong eskwelahan sa mga nakakakilala kay Emman, wala naman nag-iisip na bading siya. Minsan nga lang may mga nagbibiro na kung sino ba ang bading sa kanilang dalawa ni Randy dahil sa closeness nila. Ang ikinatataba ng puso ni Emman, lagi siyang pinagtatanggol ni Randy.

Muli niyang binuklat ang papel saka binasa ang nilalaman noon. "Ito na. Ibibigay ko na ito sayo. Hindi na ako maglilihim. May lakas na ako ng loob." Sabi niya ng mahina kahit walang tao sa loob ng C.R. Huminga siya ng malalim saka pumikit. "Gagawin ko na talaga 'to. Walang urungan. Pramis." Nagulat siya nang maramdamang may kumuha ng sulat mula sa kanyang kamay. Agad siyang napalingon kung sino ang hindi niya namamalayang nakapasok dahil nakatalikod siya sa pinto. "Rico?"

"Ano 'to?"

"A-anong ginagawa mo rito?" tanong naman ni Emman imbes na sagutin ang tanong sa kanya.

"Ano bang lugar ito?" tanong naman ni Rico.

Saka pumasok sa isipan ni Emman na C.R. nga pala iyon kaya kahit sino ay maaring pumasok. "B-bakit hindi ka man lang kumatok?" tanong pa rin niya.

"Kailangan ba?"

Napipi si Emman. "Hindi nga naman kailangan pang kumatok." huminga siya ng malalim. "Akin na yan."

"Babasahin ko muna."

"Ano?" namula ang mukha ni Emman. "Hindi pwede, sa akin yan. Sikreto ko yan." Huli na nang ma-realize niya ang sinabi.

"Ah. Sikreto pala 'to." napa-ngisi si Rico.

"Akin na sabi yan eh." sigaw niya. Tinangka niyang agawin ang sulat niya. Pero agad naka-ilag si Rico. Itinaas nito ang kamay. Malaki si Rico at may katangkaran. "Ibigay mo sa akin yan." nagsimulang kabahan si Emman dahil nakikita niya sa mga mata ni Rico na wala itong balak ibalik sa kanya ang sulat.

"Gusto ko munang mabasa."

"Hindi nga pwede. Hindi naman sayo yan ah."

"Eh ano?"

"Isusumbong kita."

"Kanino?"

Nanlaki ang mga mata ni Emman. "Hindi talaga yata natatakot itong taong ito. Paano na yan? Ano?"

"Anong ano?"

"Akin na yan." muli niyang tinangkang agawin ang sulat. Hindi pa rin niya nakuha at sa pagkakataong iyon mas itinaas ni Rico ang sulat saka patingalang  binasa ang nilalaman niyon. "Huwag!" sigaw niya.
-----

Napatitig sa kanya si Rico nang mabasa ang sulat.

"Akin na nga yan." namumula ang pisngi ni Emman. "Ano? Bakit ganyan ka maka-titig?" Gusto niyang maiyak.

Saka napa-ngisi si Rico. "Hindi nga?"

"Wala kang pakialam. Akin na yan."

Natawa si Rico. "B-bading ka?"

"Hindi."

"Eh ano 'to?"

"Papel na may sulat."

Muling natawa si Rico. "Oo. Sulat. Bakit ka gumawa nito?"

"Anong pakialam mo? Bakit ba masyado kang pakialamero. Hindi naman sayo yan eh."

"Ayaw mong sabihin? Sige ako na lang ang magbibigay kay-" muling tinignan ni Rico ang sulat para masigurado kung para kanino iyon. "Kay  Randy." sabay tawa.

"Huwag." sigaw ni Emman. "Isa." binilangan ni Emman si Rico. "Dalawa."

"Tatlo. Bakit? Anong gagawin mo? Ha?" muling inilapit ni Rico ang mukha niya kay Emman.

"I-isusumbong kita." muntikan ng pumiyok ni Emman.

Isa pang tawa ang pinakawalan ni Rico. "Halika ka na nga."

"H-ha?"

"Ha? Anong Ha? Sasamahan kita kay Randy."

"Ano?" parang umakyat ang dugo ni Emman sa kanyang ulo. "Bakit ba ang kulit mo?"

"Oh, nagagalit na siya. Kutusan pa kita dyan eh. O sige, sumbong mo na lang ako kay Maam. Ano samahan  pa kita?"

Napa-singhap ng hangin si Emman. Buti na lang na malinis ang C.R. walang mabahong amoy. "Huwag kang magpapakita sa akin." banta ni Emman. "Kundi-"

"Kundi?" Ang hindi natatakot na si Rico. "Alam mo, walang mangyayari. Naalala mo yung nakaharap ko kaninang umaga?

Pumasok sa isipan ni Emman ang kaninang umaga. "Oo nga pala, niligtas ako nito kanina sa mga 4th year. O ano ngayon?"

"Kahit magsama-sama pa kayo, sama mo na rin si Randy." sabay tawa. "Pagbubuhol-buholin ko kayo."

"Ang sama mo."

"Matagal na. Kaya nga ako na kick-out sa dati kong eskwelahan. Buti na lang principal dito ang tita ko kaya ayun makakatapos pa rin ng 3rd year. Pero hindi ibig sabihin noon eh, titigil na ako. Gustong gusto ko kayang may nakukutusan araw-araw. Gusto mo mauna?" sabay tawa.

Naniniwala si Emman sa sinabi nito. "Hindi halata sa hitsura pero kapani-paniwala naman. Ano ba yan. Tapos na yata ang buhay ko nito. Paano na 'to. " iyak ng kanyang isipan.
-----

Nasa panghapon silang klase. Hindi maiwasan ni Emman na kabahan sa dahil panay ang ngisi ni Rico.Alam niya ang nasa isip nito. "Paano kung bigla niyang iabot ngayon ang sulat kay Randy?" tumaas ang balahibo niya sa naisip. Tumingin siya kay Rico. Sa unang pagkakataon, nawala ang atensyon niya ng matagal sa kanilang guro habang nagtuturo. Napansin niya si Rico na sumulyap sa kanya. Napa buntong hininga siya. Hindi naman niya makompronta dahil nasa kalagitnaan sila ng klase. Hindi niya gawain ang mag-ingay at mang-agaw ng atensyon.

Nanlaki ang mga mata ni Emman nang mapansing itinaas ni Rico nang bahagya ang kamay habang hawak-hawak ang maliit na papel. Kinabahan siya. Natakot. Pasimple niyang hinampas si Rico.

"Isa?" babala ni Rico. Mahinang seryoso.

Napa-singhap ng hangin si Emman. "Please." Pasimple.

"Don't worry, tinatakot lang kita."

Nag-tangis ang bagang ni Emman. "Ok, tinatakot lang ako. Relax Emman, hindi niya iyon ibibigay kay Randy. Maniwala ka na lang. Focus sa dini-discuss ni Maam." sabi niya sa sarili niya.
-----

Kalalabas lang ni Emman sa room niya para umuwi. Hindi na niya hinintay si Randy hindi tulad dati na lagi niya itong inaabangan matapos sa pagpa-practice ng basketball. Varsity player na kasi Randy ng school. Magaling din naman talaga kasi. Hindi na niya ito hinintay dahil sa nahihiya kahit alam niyang wala pang alam ito sa tunay niyang nararamdaman. Pangalawa, ayaw na muna niyang makita si Rico dahil hindi lang siya natatakot kundi galit na galit siya rito baka makagawa lang siya ng hindi maganda at ma-guidance ng wala sa oras.

Hindi pa siya nakakalabas ng gate nang mapansin sa isang gilid ng two storey building si Rico. Alam niyang si Rico iyon kahit nakatalikod at alam niyang may kausap ito. Hindi niya masyadong makita ang nasa harapan ni Rico dahil maliit at payat kumpara kay Rico. Malamang nasa unang taon pa lang ang kaharap ni Rico. Narinig niyang nagsasalita si Rico.

"Bakit mo nga ako tinitignan? Tatamaan ka talaga sa akin." akmang hahampasin ni Rico ang kausap.

"Huwag po." iyak ng lalaki.

"Ano nga?" sigaw ni Rico.

"K-kasi?"

"Kasi ano? Ayoko ng pinaghihintay ako. Bilis."

"K-kasi nakita ko ang I.D. mo, pula."

Mas lalong nainis si Rico. "Yun lang?" inambaan niya ito. "Malamang hindi kasi ako first year tulad mo kaya green ang kulay ng I.D. mo. Niloloko mo yata ako eh."

"Ay kuya." Ilag ng lalaki. "K-kasi, naisip kong parang hindi ka third year eh. Paran ka kasing 4th year na. Masyado kang malaki. Ay hindi pala, para kang college na."

Saka umagaw ng pansin si Emman. "Hoy." Napa-lingon ang dalawa. "Rico." tawag niya sa kaklase. "Hindi ka lang mayabang, pakialamero pa. Ngayon, babaw mo naman. Parang tinitignan ka lang, ano naman ang masama?" Hindi alam ni Emman kung saan niya nakukuha ang lakas ng loob. Alam alam niya kanina lang ay natatakot siya kay Rico.

"Ikaw pala. Napa-ngisi si Rico." tumingin siya sa lalaki. "Hoy ikaw, umalis ka na sa harapan ko kung ayaw mong tumama sa akin ang kamay ko."

"Opo. Opo."

"At siguraduhin mong magsusumbong ka ha? Ha? Para sama-sama ko kayong gugulpihin. Bilis takbo." Agad ding tumakbo ang lalaki sa takot. Saka tumingin kay Emman. "Oh, anong problema mo?"

"Wala akong problema. Ikaw ang masyadong maproblema. Pati first year pinapatulan mo."

Natawa si Rico. "O siya ikaw na lang ang gugulpihin ko."

Napa-urong si Emman. Iniwas niya ang tingin sa kausap. "Aalis na ako."

"Oh bakit? Natatakot ka?" Hindi siya pinansin ni Emman. "Wag kang mag-alala hindi naman kita susuntukin. May naisip akong iba."

Napa-lingon si Emman. "At ano naman yun."

"Mmm tingin ko bukas wag ka nang pumasok." sabay tawa.

Kunot-noo si Emman. "B-bakit?"

"Ibibigay ko na kay Randy ang sulat."

Nan-laki ang mga mata ni Emman. Halo-halong emosyon. "Ang sama mo!" Sigaw niya.


[03]
Inagahan ni Emman ang pagpasok. Sisiguraduhin niyang mauuna siya kay Rico. Kahit ano gagawin niya huwag lang maibigay ni Rico ang sulat kay Randy. Oo, gusto niyang malaman ni Randy ang tungkol sa kanyang feelings pero huwag naman sa ganoong paraan. "Kahit ano talaga. Ok lang, gagawin ko. Sasabihin ko kay Rico kahit humiling siya ng favor. Kahit mahirap. Huwag niya lang ibigay ang sulat." Kung ngayon pa lang ay sobra na ang kaba niya paano pa kaya kung nasa kamay na ito ni Randy. "Patay ako."

Naghintay si Emman sa harap sa may gate, 6 am. 7 am ang pasok niya, umaasa siyang naunahan niya si Rico. Pero magse-seven na pero wala pa rin si Rico. "Hindi yata yun papasok." Napa-ngiwi siya. "Mas mabuti kung ganun." Bahagya siyang naka-hinga ng maluwag sa isiping iyon. "Kung papasok siya sa room ko na lang siya hihintayin."

Malapit na si Emman nang makita si Randy sa tapat ng pinto ng kanilang roon. Kitang-kita niya ang kunot-noong si Randy nang tumingin ito sa kanya. Sinalubong na siya nito. Muling nadagdagan ang kaba ni Emman. "Bakit ganun ang hitsura ni Randy? May alam na ba ito. Masyado syang seryoso."

"Emman." tawag ni Randy. "Bakit ang tagal mo?" nang makalapit. "Sabi mo saglit ka lang doon?" Naabutan kasi niya si Emman sa gate na may hinihintay. Akala niya ay siya.

"P-pasensiya na. Sabi ko saglit lang pero-" pinilit ni Emman langkapan ng tawa dahil sa sobrang kaba. "Akala ko may alam na siya." isip niya.

"Kasi, hindi pa ako nakakagawa ng assignment natin. Baka, mapalabas ako ni Maam." sabi ni Randy.

"Lagi naman eh." ngayon ay naka-ngiti na si Emman ng maayos.

"Dali, pa-kopya na ako." Tinulungan ni Randy si Emman kunin ang notebook nito sa bag.

"Oh." iniabot ni Emman ang notebook. "Teka, dyan na ba si Rico?"

"Wala pa yata. Hindi ko pa napapansin."

"Yes!" sigaw ni Emman. "Sigurado ka ha?"

Napa-kunot noo si Randy. "Oh bakit? Anong meron? Oo, hindi ko pa siya nakikita. Bakit?"

"Wala naman." saka inakbayan niya ito. "Tayo na sa loob."
------

Ilang minuto na lang bago mag-simula ang klase. Naroon na rin sa loob ng room ang kanilang guro. May sinusulat ng kung ano at naghihintay rin ng hudyat para simulan ang klase.

Napapa-ngiti naman si Emman dahil mas lamang na hindi papasok si Rico. Nagiging panatag siya. "Walang Rico, walang sulat. Walang sulat, walang problema." Nakatingin siya sa dingding kung saan naka-sabit ang orasan. Dalawang minuto bago mag-alas siyete pagkatapos oras na ng klase. Hindi na niya binitiwan ang paningin sa orasan nang mapansing nag-tinginan ang mga kaklase siya sa may pintuan. Napa-nganga siya nang makita kung sino ang naroon.

"Good morning." ngiting-ngiti si Rico habang nakatayo sa may pintuan. Inaakala kasi niyang late na siya.

"Good morning, Rico." bati naman ni Mrs. Dimagiba. "Naka-abot ka. Maupo ka na."

Ngiting-ngiti talaga si Rico habang tinutungo ang kanyang upuan. Alam niyang nagtataka ang mga kaklase niya sa ganoong hitsura siya. Hindi katulad kahapon na napaka-seryoso. Singkit ang mga mata kung tumingin. Ngayon hindi lang mata ang namimilog kundi pati ang mga labi na hinayaang makita ang maganda niyang ngipin. Napansin din niya si Mariel na kinikilig at may pasimpleng hampas pa sa katabi nito.

"Good morning, Emman." bukas na bukas ang mukha ni Rico nang batiin ang nakaupong si Emman nang makaharap na ito. "Upo na ako ha?" paalam pa niya.

Napa-ismid namna si Emman. Hindi maka-piyok pero ang kanyang isipan ay naghuhumirintado. "Bakit ka pa pumasok? Anong balak mo?"

Naka-upo na si Rico nang muling tumingin sa katabing si Emman. "Kamusta ang gabi? Naka-tulog ka ba ng maayos?"

Suminghap ng hangin si Emman. "Sa tingin mo?" sarkastikong tanong.

"Sigurado."

"Sigurado?" takang tanong ni Emman. Napa-tingin siya kay Randy na abala pa rin sa pagkopya sa kanyang notebook. "Siguradong hindi ako naka-tulog."

"Mabuti naman."

"Natuwa ka pa talaga? Bakit ba ang sama ng ugali mo?" iritang-irita na si Emman. Nagpipigil lang siya.

"Oo natutuwa ako kasi alam kong napanaginipan mo ako ng gising." gustong matawa ni Rico sa sinabi niya pero tulad ni Emman ayaw rin niyang makagawa ng ingay na magiging dahilan ng atensyon ng karamihan. Oras na ng klase.

"Oh, hindi ka lang mayabang, pakialemero na, mababaw pa, at ngayon ang kapal." diniinan talaga ni Emman ang huling salitang binitiwan niya.

"Oo makapal ako, kasi mataba daw ako eh." Hindi naapektuhan si Rico. "Sya nga pala, mamaya ko na lang ibibigay yung sulat ha? Alam mo bang na-late ako kasi hindi matandaan kung saan ko nailapag yun."

"Makakalimutin ka rin pala." Gustong matawa ni Emman pero mas nananaig ang galit niya rito. Nagtatangis nga ang kanyang bagang eh.

"Kanina lang." saka ngumiti si Rico ng ubod ng tamis kay Emman. Yung tipong naniningkit pa ang mga mata.

Para namang nandidiri ang mukha ni Emman nang iiwas ang tingin kay Rico.
------

"Sandalim, huwag ka munang lalabas Emman." pigil ni Randy. Oras kasi ng break nila. "May ikukwento pala ako sayo."

"Ano yun.?" Napa-sulyap si Emman kay Rico na naka-ngisi pero ang tingin ay nasa sinusulat nito. Alam niyang  wala siyang kinalaman sa ginagawa nito.

"Kasi-" pagpapatuloy ni Randy. "Nakita ko si Selena habang nagpa-practice kami ng basketball. Ang saya-saya ko. Pumapalakpak siya kapag nakaka-shoot ako."

"A-ah. Ganun ba?" parang may kung anong tumarak sa puso ni Emman sa nalaman mula sa kaibigan.

"Nung natapos kaming maglaro, nilapitan ko siya. Sinabihan niya akong magaling daw talaga ako. Ayun, hinatid ko siya sa kanila kahapon. Ang dami naming napag-usapan. Tumitibok talaga ang puso ko kay Selena, Emman."

"A-ah. Ok. Masaya ako para sayo." parang gusto niyang maluha.

"At bago nga siya pumasok sa bahay nila, tinanong niya kung kailan daw uli ang practice sabi ko mamaya meron kaya sigurado na manonood uli siya. Sinabi niya iyon sa akin. Emman, ang saya di ba?"

"O-oo. Oo ang saya talaga." pinilit ni Emman ngumiti.

"Sana maging kami na. Yun ang wish ko bago mag-birthday ko."

"S-sana nga."

"Sige, lalabas muna ako. Gusto ko siyang silipin sa room niya."

Tinanaw na lang ni Emman ang kanyang kaibigan palabas ng kanilang room. Walang siyang masabi. Hindi siya kumikibo. Parang nakikita pa rin niya ang matalik na kaibigan sa may pintuan, nakangiti sa kanya. Pero alam niyang kung nakikita man niya ang mga ngiti ng totoo, hindi para sa kanya iyon. Para iyon kay Selena na matagal na nitong pinopormahan. "Ang sakit." aray ng isip niya.

"Akala ko lalabas ka?" tanong ni Rico.

Nagulat pa si Emman nang magtanong si Rico. Oo nga pala naroon pala si Rico. Bigla siyang nakaramdam ng pamumula ng pisngi. Gusto niyang maluha sa katotohanang hindi wala siyang pag-asa kay Randy at si Rico na nakakaalam ng pag-ibig niya sa matalik na kaibigan ang naka-saksi pa ng kanyang pusong wasak. Hindi na lang siya kumibo.

"Paanp yan, may gustong iba si Randy. Saka yung totoong babae." Pansin ni Rico ang buntong hininga ni Emman.

Hindi naman nakaka-ramdam ng pangungutya si Emman mula kay Rico sa sinabi nito pero ang kinaiinis niya ay nakikialam na naman ito. "Palibhasa may alam."

"E di nalulungkot ka ngayon?" Hindi siya pinansin ni Emman. "E di sobrang sakit ngayon ng puso mo?" Hindi pa rin siya pinansin. "Para bang nawawalan ka na ng gana?" Ganun pa rin. Nakatulala lang si Emman. "Anong nararamdaman mo ngayon?" Tumingin na sa kanya si Emman.

"Hindi mo pa ba naranasang umibig?" sigaw sa kanya ni Emman. "Ang dami mong tanong. Oo. Oo. Oo. At Oo. Ano masaya ka na? Salamat sa concern ha? Kung concern nga ba yun." Saka tumayo si Emman saka tumakbo papalabas. Ilang mga kaklase ang naka-agaw ng pansin niya.

Naiwang naka-nga nga si Rico.
-----

Sobrang sakit ng nararamdaman ni Emman nang oras na iyon. Tulad ng dati sa loob ng C.R. siya nagpalipas. Hindi siya nakakaramdam ng inis kay Rico sa mga tanong nito. Naiinis siya sa katotohanang hindi siya magugustuhan ni Randy. Kung pwede lang, hindi na siya papasok. Gusto na niyang umuwi. Ayaw muna niyang makita si Randy.

Ilang saglit pa siyang naglagi sa loob ng C.R. bago tuluyang lumabas. Pinilit ni Emman na maging masaya ang bukas ng kanyang mukha. "Wala naman siyang alam sa kung anong nararamdaman ko para sa kanya. Kaya, dapat Ok lang ako. Hindi ako dapat nalulungkot sa paningin niya, baka kung ano pa ang isipin niya. Saka na lang ako iiyak pag-uwi." bahagya siyang natawa sa huling sinabi.

"Pero ako may alam."

"Ay butiki?" gulat ni Emman. Nalingunan niya si Rico. "Ano ba? Bigla ka na lang dyan nagsasalita."

Seryoso ang muha ni Rico. "Masyado ka kasing seryoso."

"Ano na naman ang pakialam mo kung seryoso ako?"

Napa-ngisi si Rico. "Kasi may alam ako."

Makikita sa mukha ni Emman ang sobrang inis. "Oh ano naman kung may alam ka? Dahilan na ba yun para makialam ka pa?"

"Saan ba ako nakikialam?"

Napa-nganga si Emman. "Nagtatanong ka pa ha, talaga?" Ayaw na ni Emman makipag-usap kay Rico. Tinalikuran na niya ito. Narinig niyang tumawa si Rico. "Ang lakas talaga ng trip ng taong yun." Tuluyan na siyang pumasok sa loob ng room.
-----

Nagpapasalamat si Emman dahil hindi naman siya nahirapang itago ang tunay na nararamdaman kay Randy. Natapos ang klase.

"Emman, huwag mo na ako hintayin. Sigurado kasama ko si Selena mamaya."

"A-ah. Sige. O-oo. Kailangan ko rin umuwi ng maaga." May katotohanan din naman ang dahilan niya.

"Siguradong magiging masaya na naman ako bago matapos ang araw na 'to."

"Maganda yan."

"Sige Emman, mauna na ako. Siguradong naghihintay na sa akin ang team. Pati si Selena."

"Kung para sa akin lang ang mga ngiti mo Randy, maganda rin ang araw ko. Kaso hindi eh." takbo ng isip niya.

"Emman." agaw atensyon ni Randy. "Natutulala ka?"

"H-ha?"

"Sabi ko mauuna na ako."

"Sige. Sige. Ingat ka."
-----

Panay ang labi ni Emman kasabay ang paulit-ulit na buntong hininga. Nasasaktan talaga siya. Hindi talaga maiiwasan. Pero pasalamat na lang siya at wala sa harapan niya si Randy. Ngayon, kahit magtatalon siya dahil sa sakit ng nadarama ng kanyang puso, malaya siya.

"Ang swerte mo ngayon."

"Ay butiki!" gulat ni Emman. "Ikaw na naman?" nang malingunan si Rico. Nasa likod nya lang pala ito, nakasunod.

"Nagkataon lang. Anong feeling mo sinusundan kita?"

"Hmpt." wala siyang masabi sa dahilan nito. "Oh, anong swerte ko?"

"Hindi ko naibigay yung sulat."

"Ay, salamat." pasarkastiko ang pagkakasabi ni Emman.

"Nakalimutan ko kasi, kaya bukas na lang." Pero ang totoo sinadya talaga ni Rico na hindi na ibigay dahil napansin niyang buong klase si Emman na malungkot. Wala siyang pakialam kung ano man ang nadarama ng isang tao. Ang mahalaga magawa niya ang gusto niyang gawin kahit makasakit pa siya. Pero sa pagkakataong ito, pinagbigyan niya si Emman. "May bukas pa naman eh." ngumiti siya kay Emman.


"He he." sabay irap ni Emman.

"Saan ka nga pala nauwi?" tanong ni Rico. Kahit siya hindi rin niya alam kung bakit niya naitanong.

Hindi pinansin ni Emman ang tanong ni Rico. Nagmadali na lang siya sa paglalakad. Gusto niyang makalayo. Tama na ang dinadala niyang kirot sa puso para kay Randy. Ayaw na niyang madagdagan pa ng pang-aasar pa ni Rico.
-----

Kumain ng hapunan si Rico nang hindi niya sinasadyang makagat ang labi. "Ah!..."

"Oh?" reaksyon ni Mariella.

"Nakagat ko lang po ang labi ko, tita."

Natawa si Mariella. "Siguro may naka-isip sayo."

Napa-kunot noo si Rico. "Tita, naniniwala kayo roon?"

"Hindi naman, Rico. Hmmm siguro kasi, ganyan din ang naiisip ko kapag nakakagat ko ng hindi sinasadya ang labi ko." isang pang tawa para pagbubuking sa sarili.

Napansin ni Rico ang mga tawa ng kanyang tita ay hindi naaayon sa edad nito. Kung pipikit lang siya, mapapagkamalan lang niyang nasa late 20s ang kanyang tiyahin.

"Pero kung totoo nga iyon? Sino naman ang nakaalala sa akin?" Bigla siyang napa-ngiti. "Si Emman." tumawa ang kanyang isipan. "Malamang hindi na naman yun makatulog dahil iniisip ang sulat."


"May problema ba, Rico?" pansin ni Mariella sa kanya.

"A-ah wala po tita. May naisip lang ako related sa napag-usapan natin. Pero ayoko sabihin, nakakahiya po."

Natawa si Mariella. "Hmmm sige lang. Pero parang alam ko kung ano ang naiisip mo. Babae. Sige na ituloy na natin ang pagkain."

"Opo." naka-ngiti niyang sang-ayon. "Huwag kang mag-alala Emman, hindi ko na ibibigay kay Randy ang sulat. May naisip akong iba. Malay mo sumaya ka sa naisip ko." Muling natuwa ang kanyang isipan. "Pero ako pa rin ang mag-eenjoy. Magmumukha kang tanga."


[04]
Ilang araw ang nakakalipas, inakala ni Emman na nakalimutan na ni Rico ang banta nitong ibibigay kay Randy ang sulat na ginawa niya. Kahit pansin, hindi siya inuukulan ni Rico. Ang napansin niya sa kaklase ay ang pagiging attentive nito sa klase. Tumataas ng kamay, kapag may tanong ang guro, sumasali sa recitation. Nagbo-volunteer kapag may pinasasagutan na problem sa blackboard. Sumasali sa group works. Yun nga lang, hindi matyempuhang maging ka-grupo. Pero wala siyang balak.

"Matalino pala si Rico." naisip ni Emman. "Akala ko puro away lang ang alam. Marunong pala talaga sa klase. Eh mabuti para sa kanya. Atleast ngayon panatag na ako na nakalimutan na niya ang tungkol sa sulat. Wala na akong dapat na poproblemahin. Hayss..."

Sa isang banda.

"Malapit na ako sa balak ko." napa-ngiti si Rico. "Ako na ang excited. Sigurado, mag-eenjoy ako nito."
------

"Matatapos na ang laro, susunod na ang team natin." paalala ni Marian kay Emman nang makita nito sa loob ng room nila. "Ano bang ginagawa mo? Wala ka bang balak suportahan ang bestfriend mo?"

"Tatapusin ko lang 'to." Gumagawa kasi si Emman ng report niya sa Social Studies para sa susunod na araw. "Malapit na ako."

"Ano ka ba? Ang tagal pa nyan. Masyado ka namang advance."

"Marami kasing magpapatulong ng project, kaya ginagawa ko na 'to ngayon."

"Masyado ka namang masipag Emman. Ikaw na matulungin."

Napa-ngiti si Emman. Tumingin siya kay Marian. "Matulungin? Masipag siguro oo, pero sa matulungin hindi yata. Kung hindi lang sa binibigay sa akin kapag tumutulong ako, hindi ko siguro gagawin." Napasinghap siya ng hangin. "Alam mo naman na kailangan ko lang talaga dahil wala akong pambili ng project natin." Muli siyang yumuko at pinagpatuloy ang ginagawang report. "Hindi naman masama di ba?" Hindi niya narinig na sumagot si Marian. Napa-tingala siya rito. "Oh, anong nangyayari sayo."

"Na-touch lang ako sa sinabi mo. Nakakaiyak, pang-MMK."

"MMK?"

"Maalaala mo kaya. Ano ka ba? Hindi ka ba nanonood?" takang tanong ni Marian.

Natawa si Emman. "Adik ka. Wala kaming T.V."

"Aw. Ano ba yan. O siya ayoko na magtanong. Baka bumaha dito ng luha. Basta, walang masama sa ginagawa mo. Nakaka-proud nga eh. Oh, sumunod ka na ha? Laro na ni Randy ang susunod."

"Oo naman, siguradong susunod ako. Sige, salamat." Nangingiti si Emman nang ihatid ng kanyang paningin si Marian nang lumabas ito ng room. Saka niya muling ibinalik ang tingin sa ginagawa. Nagsusulat siya sa manila paper ng ire-report niya. Nang muli siyang gumuhit, napakunot noo siya nang walang sumulat gamit ang kanyang pentel pen. "Ah... wala na." Luminga-linga siya na para bang makaka-kita ng pentel pen sa paligid. Napa-buntong hininga siya. "Sa bahay ko na nga lang 'to itutuloy. Pag bumili ako ng gaas mamaya, lalagyan ko na lang itong pentel pen para sumulat uli." Iyon kasi ang paraan niya kapag wala nang sulat ang pentel pen niya.

Isa-isa niyang inayos ang gamit niya. Nilagay niya ito sa loob ng kanyang bag. Maingat. Malinis siya sa gamit, ayaw niya ng kung anong mga papel sa loob ng kanyang bag na hindi naman kailangan. Kaya nang may makita siyang papel na nakatupi ng kakaiba agad niya itong kinuha at itinapon. Nagulat siya nang hindi agad ito lumapag sa sahig kundi bahagya pa itong nagpalipad-lipad sa ere. "Eroplanong papel? Paano naman nagkaroon ng ganyan dito sa bag ko?"

Kinuha niya ang eroplanong papel nang lumapag ito sa sahig. Agad niyang napansin ang sulat sa parte noon ang mga kataga. "I love you too, Emman." Nasapo ng kamay niya ang kanyang bibig. "S-sino ang may gawa nito? B-bakit?"
------


Tawa ng tawa si Rico. Sapo-sapo niya ang tyan sa sobrang kakatawa. Nang makita na si Emman na palabas ng room pinigil niya ang pagtawa. Nag-akto siyang papasok pa lang sa loob ng room.

"Mukhang masaya ka ha?" kunot noo at seryosong tanong ni Rico.

Nawala ang mga ngiti sa labi ni Emman. "Lagi naman akong masaya ah?" sabay irap kay Rico. Nilagpasan niya ito.

Nang mawala na sa paningin ni Rico si Emman at nasisiguradong nakalayo na ito, napa-bunghalit uli siya ng tawa. "Sabi na eh, maniniwala yun."
-----

"Si Randy may gusto sa akin?" kinikilig at hindi makapaniwalang si Emman habang tinutungo ang covered court ng kanilang school. Gusto niyang magmadali pero mas pinili niyang hindi. Gusto niyang maging natural, kunyari walang alam. "Pero, paano nangyari iyon? Akala ko ba si Selena ang gusto niya?"

Muli niyang kinuha ang eroplanong papel sa kanyang bag saka muli itong binasa habang naglalakad.

Emman,

Alam kong nabigla ka sa I LOVE YOU na nabasa mo. Pero ang katotohanan para sa iyo talaga iyon at iyon ang nararamdaman ko talaga para sayo. Ayoko ko lang sabihin sayo nang personal dahil baka mag-iba ang pagtingin mo sa akin. Marahil nagtataka ka rin ngayon na si Selena ang gusto ko. Sa totoo lang, wala naman ako sa kanyang pagtingin. Sinusubukan ko lang kung magseselos ka kapag nalaman mong nakikipag-mabutihan ako sa iba. Pero napansin kong walang epekto sayo kaya ginawa ko ang sulat na 'to.

Emman, mahal na mahal kita hindi sa pagiging matalik na magkaibigan natin. Mahal kita bilang nais kong ikaw ang makasama ko sa habang buhay. Ikaw ang gusto kong makasama sa tuwing gagawa ako ng plano para sa hinaharap. Isang pamilya.

Ngayon ko ginawa ito, araw ng Sportfest. Ngayong nabasa mo na, pakiusap, kung wala kang pagtingin sa akin, hayaan mo na lang ito. Umaasa akong magkaibigan pa rin tayo. Huwag ka sanang magalit. Kung may pagtingin ka rin sa akin, pakiusap, huwag mong ipagsabi. Ilihim muna natin kahit sa harapan ko baka kasi may makahalata. Alam mo naman na magagalit ang Dad ko.

Panoorin mo ang laro ng team natin, kung mahal mo rin ako. Doon ko malalaman kung mahal mo rin ako tulad ng nararamdaman ko sayo. Mahal na mahal kita, Emmanuel Dore.

Randy.

Ang buong pangalan niya ang nagpapatunay na siya ang tinutukoy ni Randy sa sulat. Nilatag niya ang sulat sa kanyang dibdib. "Mahal na mahal kita Randy."
-----

"Yes." Napa-tumpik si Rico sa hangin nang makita ang ginagawi ni Emman habang naglalakad. "Sigurado, kilig na kilig yan." sabay tawa.

Binilisan niya ang lakad nang makitang malapit na si Emman makapasok sa covered court ng school nila. Gusto niya malaman kung saan ito pupwesto para makakuha din siya ng magandang pwesto sa likuran nito. Gusto niyang makita kung paano i-cheer ni Emman ang boyfriend niya sa kasinungalingan. Natawa si Rico.
-----

Pumasok si Emman sa covered court. Hindi na siya natagalan sa paglinga-linga nang makita agad niya si Randy, nasa kabilang court ito at nagppa-practice na. Agad niyang tinungo ang malapit sa pwesto ng team ni Randy kung saan naroon din si Marian. Nakakaramdam siya ng kaba at excitement. "Ano ang gagawin ko kapag nagkatinginan kami?" Bigla siyang nakaramdam ng panlalambot ng tuhod at lakas ng kabog ng dibdib. "Wala, wala akong gagawin. Ngingiti. Ano naman kung magkatinginan kami ni Randy? Natural lang iyon." pinalakas niya ang loob hanggang sa makarating siya sa kanyang napiling pwesto. Nanlaki ang mga mata niya nang mahagip ng paningin ni Randy siya. Nanlaki ang mga mata niya sa ang kakaibang kabog sa dibdib. Napa-singhap ng hangin.

Kinawayan siya ni Randy kasabay ang matamis na ngiti. Wala sa sarili niyang napa-kaway din siya kay Randy at ang ngiting utos ng kanyang damdamin. Naka-hinga siya ng maluwag. "Dumating ako rito, kaya ibig sabihin noon na alam na ni Randy na sumasangayon ako sa pinagtapat niya sa akin. Na mahal ko rin siya tulad ng pagmamahal niya sa akin. Kanina pa ako ayaw maniwala pero, totoo pala 'to." Hindi na nawala sa paningin ni Emman si Randy hanggang sa magsimula ang laro.

Sa isang banda, hindi naman talaga maka-ayos ng pwesto si Rico sa kakatawa sa tuwing makikita niya si Emman kapag nagniningning ang mga mata nito habang nagchi-cheer kay Randy. "May mga susunod pa Emman. Mas matutuwa ka pa." saka siya tumawa kasabay ng ingay ng mga tao sa loob ng covered court.
-----

"Wooo!..." sigaw ni Randy nang makarating sa room nila. Saglit niyang iniwan ang team sa kabilang building para makita ang bestfriend niyang si Emman. Alam niyang naghihintay ito sa room.

"Wooo!..." pangalawa ni Emman nang makita si Randy sa loob ng room. Pagkatapos ang sigawan ng mga kaklase sa loob ng room.

Sinabayan naman ni Rico ang pagsigaw sa ingay ng karamihan pero ang sa kanya ay hindi dahil sa dumating si Randy at ang panalo nito sa kalabang team kundi sa napapansin niya kay Emman. "Akalang akala. Sakay na sakay. Paniwalang paniwala. Wooo!..." isa pang sigaw ni Rico.

"Panalo kami. Yes." balita ni Randy. Nilapitan niya si Emman saka niyakap. "Bestfriend, panalo kami."

Nabigla si Emman sa pagyakap sa kanya ni Randy. Ginagawa naman ni Randy yun dati kapag nananalo sa laro pero iba na ngayon na alam niyang may namamagitan na sa kanila. Pero agad din siyang nakabawi, wala naman nakakaalam maliban sa kanilang dalawa ni Randy. "Congrats Randy. Ang galing talaga ng team nyo!"

"Bakit team? Hindi ba dapat ako?" si Randy.

Napa-nganga si Emman saka naramdaman ang kilig. "Ikaw na." Labis ang labis ang ngiti niya. Malaki ang ibig sabihin sa kanya ng tanong na iyon. Ang akala niya, hindi team ang dapat niyang ma-appreciate kung si Randy mismo.

"Yun!" saka muling niyakap si Emman.

"Wooo!" sigaw ni Rico kasabay ng ingay ng buong klase. "Nagkaka-inlaban na sila." Pang-aasar sa isip ni Rico. "Nakakasuka." sabay tawa.

"Sige classmates, babalikan ko na yung team. Emman, alis na ako."

"Sige, sige ingat ka."

"Huwag mo na ako hintayin mamaya. Kasama ko si Selena."

Natigilan si Emman. Parang may kung anong tumarak sa kanyang puso. Hindi na siya nakapagsalita hanggang sa makaalis si Randy. Agad kasi itong tumalikod nang sabihin nitong kasama niya si Selena. Naguguluhan siya. "Bakit?" parang sa tanong niyang bakit saka siya nakahanap ng sagot. "Oo nga pala, ginagamit lang niya si Selena. Dapat pala naming ilihim ang aming relasyon. Kunyari lang iyon, para walang mag-isip ng tungkol sa amin. Tama, yun yon." Naka-hinga siya ng maluwag.

Sa isang gilid, matamang pinagmamasdan ni Rico si Emman sa kung ano ang reaksyon nito nang magpaalam si Randy. Baka kasi magkabukingan pero nakita niya sa mukha ni Emman na Ok pa rin ang lahat.
-----

Tumakbo pa ang mga araw. Sumasang-ayon sa kagustuhan ni Rico ang mga nangyayari tungkol kay Emman sa akala nitong secret boyfriend niyang si Randy. Hindi na nga siya nangbu-bully ng mga schoolmates. Natutok na ang atensyon niya sa relasyong Emman at Randy. Lagi siyang gumagawa ng paraan sa pamamagitan ng sulat para hindi mabuking ni Emman na wala talagang gusto sa kanya si Randy.

Mahal kong Emman,

Huwag kang mag-iipit ng sulat sa akin. Baka hindi ko mapansin at makita may maka-kitang iba. Alam mo naman na lagi akong abala, Magulo ako sa gamit ko. Ako na lang ang magiipit sayo ng sulat dahil alam kong maingat ka. Mahal na mahal kita kaya ayokong magkaroon tayo ng problema sa mga nakapalibot sa atin.

Nagmamahal,
Randy.

Ito ang bagong sulat na ginawa ni Rico para kay Emman. May pagkakataon kasing nag-ipit ng sulat si Emman kay Randy at buti na lang lihim niya itong nakuha bago pa man mabasa ni Randy. Sa pagkakabasa niya ng sulat, malamang na magkakabukingan ang dalawa at masisira ang plano niya. Hindi naman siya natatakot magkabukingan ang dalawa dahil hindi naman malalaman na siya ang gumagawa ng sulat. At kung mangyari man na mahuli siya, wala siyang pakialam. Sanay na siyang makipag-sapakan o humarap sa guidance counselor.

Inipit niya ang sulat sa notebook ni Emman. Tinaon niya nang lumabas  ito nang room.
-----

"Bakit ka nangingit dyan?" tanong ni Emman nang makabalik siya. Napa-tingin siya sa pwesto ni Randy nang hindi ito mapansin. Nagpalinga-linga pero wala sa loob ng room. Muli siyang tumingin kay Rico. "Oh bakit nga?"

"Wala. Masama bang ngumiti mag-isa? Hindi na ako nakikialam sayo. Hindi na kita inaaway. Mabait na ako ngayon." sabay tawa.

"Parang ayaw ko maniwal. Pero sa mga nakaraang araw, hmm maaring mabait kana nga." Umupo na si Emman sa tabi ni Rico. "Matanong ko nga."

"O?"

"Naalala ko yung sulat. Nasaan na iyon?"

Kunot-noong tumitig si Rico kay Emman. "Ah... Oo nga pala." saka siya napa-ngiti.

"Nasaan na nga?" Hindi ngumingiting naghihintay ng sagot si Emman.

"Ang totoo, nakalimutan kong tanggalin sa bulsa ng pants ko. Pag-gising ko ng umaga hinanap ko. Di ba balak kong ibigay kay Randy yun?"

"Oh asan na nga?"

"Nabasa."

"Nabasa?"

"Oo. Nilabhan pala ng maid namin yung pants ko nung gabi kay nung umaga nadurog na. Wala na akong mapakinabangan." sabay tawa.

Napa-ismid si Emman. "Ganun?"

"Oo. Bakit? Parang nanghihinayang ka."

"Hindi naman. Nakalimutan ko na nga iyon eh." Tumingin si Emman sa harapan kung nasaan na para bang may iniisip.

"Kinalimutan ko na rin yun." sabi ni Rico.

"Ok lang."

"Sabi mo yan ha?" sabay tawa.

Napa-tingin ng masama si Emman kay Rico. "Maka-tawa ka parang may binabalak ka na naman ah?"

Isa pang tawa. "Hindi. Masayahin lang ako. Gusto ko na dito sa school." Sinadya ni Rico na dugtungan ng ibang topic para maiba ang usapan.

"Maganda naman talaga dito." sang-ayon ni Emman.

"Nag-eenjoy na ako." Lihim na tawa. "Nag-eenjoy akong paglaruan ka. May isa at kalahating taon pa tayong magsasama Emman."

"Dapat lang na mag-enjoy ka. Pagkapos ng school year na 'to, 4th year na tayo. Huwag mo naman hayaang magtapos ka sa school na 'to na puro away ang maaalala mo."

"Opo. Opo." natatawang sang-ayon ni Rico. "Hindi naman talaga mananakit kapag nag-eenjoy pa ako sa inyo ni Randy."

"Friends?" nilahad ni Emman ang kanyang kamay kay Rico.

"Sure, friends" Naningkit ang mga mata ni Rico.

Napa-ngiti na si Emman.


[05]
"Napapansin ko lang, hindi na tayo nagsasabay sa pag-uwi." may halong pagtatampo ang tono ni Emman nang sinabi niya ito kay Randy habang hinihintay ang kanilang guro. Hindi pansin ni Emman na nanlaki ang mga mata ni Rico sa tanong niya kay Randy.

Agad ang pasok ni Rico sa usapan. "Emman, gusto ko sanang sumabay sayo sa pagkain mamayang lunch Ok lang ba?"

Napa-lingon si Emman kay Rico saka tumitig. "Tama ba ang narinig ko?" natanong niya sa sarili bago siya nagtanong ng kumpirmasyon. "Kumain ng tanghalian, kasabay ko?"

"Oo." Napa-ngiti si Rico. Pansamantala niyang naiiwas ang tanong kanina ni Emman kay Randy. Napa-tingin siya kay Randy na nakikinig sa kanilang dalawa. Tinanguan niya ito pero walang response. Papalit-palit lang ng tingin. "Naisip ko lang."

"Ikaw." sagot ni Emman saka tumango. "Sa canteen kami kumakain ni Randy." Tumingin siya kay Randy.

Akala ni Rico ay ibabalik ni Emman ang tanong nito kanina kaya mabilisan siyang naghanap ng masasabi. "A-ano..." agaw niya ng pansin. Bahagya pa niyang kinabig ang balikat ni Emman para sa kanya humarap.

"Oh?" balik atensyon ni Emman kay Rico.

"Malinis ba doon sa canteen?" tanong ni Rico. Napansin niyang umiling si Randy at tumingin sa harapan. Alam niya ang iniisip nito sa kanya. Kung hindi lang niya alam na walang gusto ito kay Emman ay iisipin niyang nagseselos ito. Pero sigurado siyang ang iniisip nito na maarte siya.

"Oo naman." sagot ni Emman.

"Sige, sasama ako sa'yo."

"So, tatlo tayong kakain ng sabay mamaya?" nangingiting tanong ni Emman. "Randy, Ok naman sayo yun di ba?"

"H-ha?" lingon agad ni Randy sa kanya. "Oo naman, kaya lang nagyaya si Selena na samahan ko siya sa labas mamaya eh. Kaya out muna ako ngayon. Next time na lang."

"Ano ba itong Randy? Nagseselos?" lihim na tanong ni Emman sa sarili. "Selos ba talaga yun?" kinilig siya sa naiisip. "Si Randy nagseselos kay Rico dahil lang sasabay sa pagkain?"


"O sige, Randy Ok lang." si Rico. "Ako muna ang sasabay sa bestfriend mo."

"Sige lang Rico. Ingatan mo yang kaibigan ko, baka mabulunan." si Randy na may tipid na ngiti. Pero natawa si Rico.

Tinapik ni Emman si Randy. "Mabulunan?" Saka tumakbo ang isip. "Eee... nagseselos nga si Randy."


"Basta mamaya ah?" paninigurado ni Rico kay Emman. Saka ang pagdating ni Mrs. Limaso ng Geometry. "Yan seryoso na uli si Emman. Yes, nakalusot na naman." tumatawa ng lihim si Rico.

Pero sa kabilang banda, hindi maiwasan ni Emman na magselos. Araw-araw na magkasama sina Randy at Selena. Kung titignan lang ang dalawa, hindi iisiping ginagamit lang ni Randy ang babae. Pero dahil may sulat si Randy sa kanya, yun ang pinanghahawakan niya. Iniisip na lang niyang huwag siyang magmadali.
-----

"Alam mo nagtataka ako sayo." nasabi ni Emman habang naglalakad papunta sa canteen.

"Bakit naman?" naka-ngiting tanong ni Rico.

"Hindi ka pa ba talaga nakakapasok sa canteen?" Hinarap siya niya si Rico kaya napatigil ang kasabay.

"Oo." Kasinungalingan. "Hindi pa talaga." Napa-kunot noo si Emman sa kanya. "Oo nga. Sa labas kasi ako nakain."

"May baon ka?"

"Wala. Nabili lang."

"Ah..." muling naglakad si Emman. Sumunod si Rico. "Pero alam mo kung saan ang canteen?"

"Oo naman, siyempre madadaanan natin kapag pupunta tayo sa P.E. natin. Hindi nga lang ako napasok."

"Ah..." sang-ayon ni Emman. "Pero teka, paano kapag break time natin? Imposibleng hindi ka kumakain? Ibig sabihin lumalabas ka pa?"

"Kumakain na lang ako ng marami sa tanghalian saka hapunan. Marami kasi ako kumain sa almusal kaya busog pa ako hanggang tanghalian." todong paliwanag ni Rico na dati naman ay hindi niya ginagawa.

"Ah, Ok."
-----

"Sige na umorder ka na, maghahanap lang ako ng pwesto natin." si Emman kay Rico nang makapasok sila sa loob ng canteen.

"Ikaw?"

"May baon ako."

"Sige." Tumalikod na si Rico kay Emman at tinungo ang stall kung saan may kain at ulam. Noon pa siya nakapasok doon, kaya lang masyado siyang naiingayan sa dami ng studyante sa loob ng canteen. Feeling niya madali siyang pagpapawisan sa loob. Malaki ang canteen. Maming stall ng pagkain ang ino-offer sa loob na iba't iba ang may-ari, kaya naman kahit hindi ka na lumabas halos nasa loob na ng canteen ang kung ano mang pagkaing meron din sa labas.


Iyon nga lang may katagalan dahil mahaba ang pila.

Habang si Emman ay nakakita na ng mapu-pwestuhan. Agad niyang inayos ang sarili sa pagkaka-upo. Inalis niya ang bag sa kanyang likod at binuksan ito para ilabas ang kanyang baon para sa tanghalian saka inilapag sa lamesa at bag ay sa tabi niya.
-----

Naka-ngiwi nang maka-upo si Rico kasabay ang paglapag ng inorder niya. "Ang tagal." nasabi niya sa inis.

Natawa si Emman. "Galit ka na niyan?"

"Gusto ko nga sana sabihan yung lalaki na bilisan. Ang bagal."

"Hala, buti hindi mo ginawa."

"Pinakita ko na lang na naiinip ako."

"Loko ka talaga."

"Hayaan ko na." awat ni Rico. "Nagugutom na ako."

Napa-labi si Emman. "Loko talaga 'tong lalaking 'to. Wala yatang sasantuhin dito." Pero naisip naman niyang hindi naman gagawin iyon ni Rico kahit alam niyang nang-aaway ito ng mga kapwa estudyante. "Namimili naman din naman siguro 'to ng aawayin." Naisip niya. "Kain ka na." Napagmasdan niya ang inorder nito. "Menudo at dalawang kanin." Napa-ngiti siya.

"Oh ikaw? Asan ang pagkain mo?"

Napa-kunot noo si Emman. "Ito oh, hindi mo ba nakikita? Nasa harapan mo." ito sana ang gusto niyang sabihin. "Ito." Saka niya binuksan. Umalingasaw ang amoy ng dalawang isdang pinausukan. Nangingiti si Emman. "Ang bango." Saka siya tumingin kay Rico. Natawa siya sa hitsura ng mukha nito. "Bakit?" Alam niyang hindi inaasahan ni Rico baon niya.  "Malamang mahirap lang ako. Hindi ko kayang bumili katulad ng sayo, pero kuntento ako. Masarap kaya 'to."


"B-bakit ganyan ang ulam mo?" Titig na titig si Rico sa dalawang isdang nakapatong sa kanin na alam niya kahit hindi niya hipuin ay malamig na. At ang dalawang isdang pinausukan.

"Tinapa." sagot ni Emman. "Bakit hindi ka ba nakain nito?" tanong niya. "Malamang sa reaksyon mong yan." Hindi naman siya naiinis. Sanay na siya.


"H-hindi." Saka napatingin si Rico kay Emman. "Mahirap ka lang?"

Napa-kunot noo si Emman pero pinilit agad niyang ngumiti. "Oo eh."

"Ah..."

"Sige kumain ka na." naka-ngiting si Emman. "Kumain ka na at huwag ka ng magtanong baka hindi ko na mapigilang mainis." takbo ng isip niya.

"S-sige kain na tayo." saka tumahimik si Rico at kumain.

Ayaw sana ni Emman makaramdam ng inis. Pero sa pananahimik ni Rico parang may nagtutulak sa kanyang mag-isip ng iba. "Siguro pagkatapos nito, hindi ako sasamahan nito kumain bukas. Halata naman sa hitsura niyang ayaw niya ang ganitong ulam. Ano bang masama sa tinapa? Bakit kanina nang maamoy niya parang gusto niyang masuka?" Sumimple siya sa pagsinghap ng hangin ayaw niyang mainis sa bagong kaibigan.
-----

May kalahating oras pa bago ang unang klase sa hapon. Minabuti ni Rico na tumambay muna sa grandstand. Sumang-ayon si Emman. Maganda ang araw. Kahit tirik ang araw, hindi naman masakit sa balat dahil sa patuloy na ihip ng banayad na hangin. Walang ulan na nagbabadya.

"Dito tayo." si Rico ang nagyayang umupo sila sa may gitna ng grandstand tulad ng ginagawa ng maraming estudyante na naka-standby din roon.

"Sigurado ka?" Hindi pa tuluyang umupo si Emman. Inilapag lang niya ang bag sa tabi ni Rico.

"H-ha? " naka-tingalang tanong ni Rico. "Bakit? Nakaupo na nga ako, tatanungin mo pa ako kung sigurado ako."

Natawa si Emman. "Baka kasi napipilitan ka lang. Malamang pagtayo mo, maaring marumihan ang pants mo."

Napa-tingin si Rico sa inuupuan niya. Ang napansin niya ay puro maliliit na damo. Hindi nga niya makita ang lupa dahil sa kapal ng damo. Hinimas niya ito. Alam niyang hindi iyon bermuda grass. "Puro damo naman 'to eh. Ok lang." Saka niya napansin na nakaupo na rin pala si Emman.

"Ok." saka tumakbo ang isip. "Baka kasi maarte ka din sa dumi tulad ng kaartehan mo nang makita mo ulam ko."


"Masaya pala dito noh. Hindi boring."

"H-ha? Oo naman." Tumingin si Emman kung saan naka-tingin si Rico. Sa isang grupo ng mga babae na naka-pabilog at nagtatawanan. Naisip niyang maaring nagkukwentuhan ng mga nakakatuwang bagay o maaring mga crush nila. Muli siyang tumingin kay Rico at naabutan niyang tinuturo nito ang isa pang grupo sa medyo kalayuan.

"Tignan mo yung grupo na yun, may dala pang  gitara."

"Oo." Agad niyang binawi ng tingin mula sa grupong tinuro ni Rico at saka tumingin dito. Napansin niyang naka-ngiti ito. "Nakatagilid pa lang maganda na ngumiti, paano pa kung humarap yan." Hanga niya kay Rico. Agad siyang nagbaba ng tingin nang gumalaw ang mukha ni Rico.

"Emman."

"Oh." nag-angat siya ng tingin kay Rico.

"Gusto ko na nga dito sa school nyo." nangingiting si Rico.

Napa-ngiti siya. "Ano ka ba, school natin. Dito ka na rin nag-aaral at sana dito ka na rin magtapos. Teka, magsalita ka parang ayaw mo sa school mo dati. Di ba, private yun?"

"Oo. Kaso boring. Madali ka nga matuto, hindi ka naman makapag-cutting." sabay tawa ni Rico.

Hindi maitago ni Emman ang mga ngiti sa labi. Ngayon lang niya yata napansin ang tawa ni Rico nang hindi nang-iinsulto. Masarap pakinggan. "Mmm cutting talaga?"

"Biro lang. Hindi ko gawain yun."

"Marami kayang gustong makapag-aral sa private schools." Isa na si Emman doon. Pero napaka-imposible noon para sa kanya dahil sa uri ng pamumuhay nila. Hindi nga siya mabigyan ng magulang niya ng baon, tuition fee pa kaya sa private school? Pasalamat siya at lagi siyang first honor kaya nalilibre siya ng paaralan sa mga unang gastusin sa pag-eenrol. Masaya na siya doon. Kuntento.

"E di mag-aral sila doon." muling tumawa si Rico. "Wala naman problema kung gusto nilang mag-aral sa private school basta may pera sila."

"E bakit ikaw? Bakit ka lumipat dito sa public?" saka si Emman may naisip. "Imposible naman na naghirap 'tong taong 'to? Principal dito ang tita niya."


Tumitig si Rico kay Emman. "Nakick-out kasi ako." saka ang ngiting abot tenga. Napa-higa si Rico na parang nahiya sa sinabi.

"Uy," pigil sana ni Emman. Inalala niya ang polo nitong ubod ng puti. "Baka, marumihan ang polo mo."

"Ok lang ginagawa din naman ng iba."

Bumalik na lang si Emman sa usapan nila. "Na kick-out ka kasi mahilig kang mang-away."

"Oo."


"Proud pa siya." Hinila niya ang bag at ginawang unan. Pareho na silang nakahiga sa ilalim ng nakatirik na araw. "Medyo nakakasilaw." Kaya ipinatong niya ang braso sa kanyang noo para maharangan ang sikat ng araw. "Bakit ba kasi ang hilig mo mang-bully ng estudyante?" Hinintay niyang sumagot si Rico.

Walang balak sumagot si Rico sa tanong na iyon ni Emman. Dahil kahit siya, wala naman siyang alam na dahilan kung bakit niya talaga ginagawa iyon. "Dahil ba nasisiyahan ako? Siguro. Pero parang hindi rin. Basta gusto ko lang na may umiiyak sa harapan ko. Yun siguro ang sagot ko." Pero wala siyang balak isa tinig iyon. "Ang gusto ko ngayon, paglaruan kayo ni Randy, Emman. Kaya ako sumasama sayo, para masiguradong hindi nyo mabubuking ang isa't isa." napa-ngiti siya.

Tumagilid si Emman paharap kay Rico. Hindi kasi niya narinig ang sagot nito. Napansin niyan ngumiti ito. "Bakit na ngumingiti?"

"Wala naman."

"Ayaw mo sabihin sa akin kung bakit ang hilig mo mang-away."

"Hindi. Hindi iyon ang dahilan." naka-ngiti pa ring si Rico.

Napa-isip si Emman. "Eh ano? Huwag mong sabihing, pinagtatawanan mo ako?"

Napa-tingin si Rico kay Emman. "Bakit naman kita pagtatawanan?"

Tumitig si Emman kay Rico. Parang hindi siya kumbinsido sa sinabi nito. "Teka nga." Napansin niyang tumaas ang noo ni Rico. Naghihintay ng sasabihin niya. "D-di ba, alam mo na-" napalunok si Emman. "Na ako."

"Na bading?" diretsong tanong ni Rico.

Kinilabutan siya sa diretsahang tanong ni Rico. First time niya lang na magsabi sa kanya ng ganun. Parang hindi rin siya makapaniwala na bading siya. "Oo, ganoon na nga, may gusto kasi kay Randy eh." saka siya muling nagsalita. "Oo ganun na nga. Hindi ka ba naiilang sa akin. Parang-"

"Huwag kang mag-alala hindi naman halata na bakla ka." Diretsong sabi ni Rico. "Halika na. Balik na tayo sa room." yaya niya saka tumayo.

May kung anong sumundot na parang masakit sa dibdib ni Emman nang tukuyin ni Rico na bakla siya. Pero agad din namang nawala iyon nang inintindi niya ng lubos ang sinabi ni Rico. "Ok lang sa kanya. Ok lang sa kanya kahit b-" hindi niya nagawang ituloy ang tinutukoy ng isip sa halip "na ganito ako." napa-ngiti siya. "Tulad ni Randy, mahal ako ni Randy, tanggap niya ako kung ano ako." isa pang ngiti.

"Hoy, tumayo ka na dyan. Sun bathing?"

Napa-tayo agad si Emman. Nakalimutan na niyang babalik na sila sa kanilang room dahil sa mga naisip niya. Nakaramdam siya ng hiya kay Rico, sa sarili. Natawa na lang siya.
-----

Hindi pa si Emman nakakapasok sa loob ng room. Nauna na siya nang dumiretso si Rico sa C.R. Napasilip siya sa bintana, sa loob naroon na si Randy tumatawa. Pero hindi siya napangiti, kundi ang lukot sa mukha na tanda nang may hindi nagugustuhan ang kanyang paningin. Si Selena, kaharutan ni Randy. Tipong kikiligin ka sa biruan ng dalawa. Nagkikilitian.

Gusto niyang maiyak. "Bakit ganoon?" tanong niya sa sarili. Hindi niya maintidihan ang nangyayari. "Pinapakita lang ba ni Randy sa mga kaklase namin na may girlfriend siya para hindi isipin ng mga ito na may relasyon kami?" Kung iisipin ni Emman ang sinasabi ng mga sulat ni Randy, ganoon na nga ang gusto nito. Hindi nga yata niya mapipigilan ang nagbabadyang luha niya. Gusto niyang umurong, bumalik sa kung saan hindi niya makikita si Randy at Selena.

"San ka pupunta?"

Napa-titig si Emman kay Rico na nasa likod na pala niya. "G-gusto kong mag C.R. muna." alibi niya.

"Hindi ka naiihi." siryosong si Rico. "Pumasok ka na." Inakbayan niya ito hanggang sa makapasok sila sa loob room at hanggang sa maka-upo.

Naguluhan si Emman sa ginawang iyon ni Rico sa kanyan. Ang pag-akbay. Ano? Ang isip o ang puso. May kung anong kapalagayan ang nadama ni Emman.

"Emman." nakangiting bati ni Randy. Saka lang nito napansin ang kaibigan dahil wiling-wili sa pakikipagharutan kay Selena.  "Narito ka na pala."

"Oo." tipid at siryosong si Emman.

"Ah, sige babalik na ako sa room ko." paalam ni Selena.

"Mabuti naman. Ipapahalata ko nga dapat sayo eh." takbo ng isip ni Emman para kay Selena. "Magkasama pala kayo rito?" tanong ni Emman kay Randy na hanggang ngayon ay ngiting-ngiti pa rin kahit wala  na si Selena.

"Alam mo naman kung bakit, bestfriend."

"Alam ko naman, OO, kung bakit. Pero bestfriend? Malamang Emman na bestfriend ang itawag sayo ni Randy dahil maraming kaklaseng nakapalibot sa inyo. Nasa tabi mo rin si Rico. Ano gusto mong magpatawag ng mahal? Syota? boyfriend? Girlfriend?" napa-singhap ng hangin si Emman. "Oo, alam ko kung bakit." nasabi na lang niya.

Tinapik ni Randy ang balikat ni Emman. "Malapit na, Emman." at ngiti nito.

"Malapit na? Malapit nating ipaalam sa kanila?" Gustong ngumiti ni Emman sa naisip niya pero nakatago iyon sa mga labi niya. Napa-tingin siya kay Rico. Gusto niyang malaman ang reaksyon nito sa mga naririnig nito, kung may nababasa ba ito sa mga usapan nila ni Randy. Napansin lang niya ang pag-iwas nito ng tingin at siryosong tumingin sa harapan. Bumuntong hininga siya.
-----

"Si Selena na naman ang kasama mo sa pag-uwi?" kunot noong tanong ni Emman kay Randy.

"Si bestfriend naman, nagseselos na kay Selena. Hayaan mo, babawi ako sayo."

"Ok." Ayaw rin naman ni Emman na magkagalit sila ni Randy dahil lang sa katatanong niya. Pero hindi niya maiwasan ang magselos. "Para kasing hindi tayo eh."  Gusto sanang itanong ni Emman kay Randy.

"Sige na, mauna ka ng umuwi. Mag-ingat ka bes." Tumalikod na si Randy para tunguhin ang room ni Selena.

"Emman."

Nagulat si Emman sa pagtawag ni Rico na nasa likod pala niya. "Ang hilig mong manggulat."

"Ako nanggugulat? Magugulatin ka kasi. Huwag kasing masyadong malalim ang iniisip. Magugulat ka talaga niyan." siryosong pahayag ni Rico.

"Oh bakit ba kasi?"

"Gusto ko lang ipaalala sayong sasabay akong kumain uli sayo."

"Bukas?"

"Hindi. Mamaya."

Napa-ngiti si Emman. "Nambabara ka rin pala."

"Uuwi na ako." Hindi na dinugtungan ni Rico ang sinabi ni Emman. "Bakit ba bigla akong naawa kay Emman. Dapat nga matuwa pa ako sa nakikita ko." takno ng isip niya habang naglalakad palayo kay Emman.

No comments:

Post a Comment