Friday, January 11, 2013

Strata: Bulong ng Kahapon (Complete Story)

By: emray
Source: bulonghangin.blogspot.com


[01]
BULONG NG KAHAPON PART 1 – Ang Simula Tag-araw ng taong 1940, patapos na ang buwan ng Mayo at ilang araw na lang ay magsisimula na ang unang araw ng pasukan. Masayang nagbakasyon si Phillip sa probinsya nang kanyang kaibigang si Arman nang nang kanyang kasintahang si Mercedes. Nakilala ni Phillip si Mercedes dahil kay Arman na kanya namang kaklase at matalik na kaibigan – “Phillip!” simula ni Arman sa sasabihin. 


“Hindi na kayang dalin nang aking kunsensya ang ginagawa natin.” dugtong pa ng binata. “Sa tuwing masisilayan ko si Mercedes ay inuusig ako ng aking damdamin dahil sa ginagawa nating kalapastanganan.” paliwanag pa nito. “Ngunit Arman…” tututol pa sana si Phillip nang muling magsalita si Arman. “Hindi ko na nagagawang matulog ng mahimbing sa gabi dahil sa tuwing ipipikit ko ang aking mga mata ay ang lihm nating pagsasama ang aking naaalala. Hindi ko na magawang mahimbing dahil lagi at laging binabagabag ako sa mabilis na pagbalik ng karma. Hindi ko magawang makatulog nang maayos sa gabi dahil hindi ko lubos maisip na nakagawa ako ng kapangahasang makakasakit sa aking pinakamatalik na kaibigan.” muling pagpapaliwanag ni Arman. “Unawain mo naman ako Arman! Labis-labis ang pagtangi ko sa iyo, ang pagmamahal ko para sa iyo. Huwag mo naman sanang baliwalain lahat ng pagtinging iniuukol ko para sa iyo.” pakikiusap naman ni Phillip. “Ayaw kong mawala ka sa akin sapagkat labis na kalungkutan ang idudulot nuon sa aking damdamin.” habol pa nito. “Unawain mo din sana ako Phillip! Tila tinatarakan nang balisong ang aking puso sa tuwing makikita kong masaya si Mercedes, habang nakangiti at maligaya niyang sinasalaysay kung gaano ka niya iniirog, kung gaano ka niya kamahal.” paliwanag ulit ni Arman. “Ngunit higit pa ang sakit nararamdaman ko sa tuwing ilalahad niya ang mga bagay na ginagawa mo sa kanya.” dugtong pa nito. “Arman, handa akong iwanan si Mercedes at ikaw ang piliin ko. Handa akong ipakilala ka sa buong mundo, handa akong ipaglaban ka, ang kaligayahan, ang buhay ko.” sagot ni Phillip saka hinawakan sa mga kamay si Arman. “Kahit isumpa ka ng pamilya mo? Kahit itakwil ka ni Senyor Fabregas?” tanong ni Arman. “Oo!” sinserong sagot ni Phillip. “Natatakot ako.” pahayag ni Arman. “Ano ang dahilan nang pagkatakot mo?” nag-aalalang tanong ni Phillip kay Arman saka hinaplos ang mukha nito. “Natatakot ako Phillip sa lahat ng maaaring mangyari.” tugon ni Arman. “Hindi ko alam ngunit sa pakiramdam ko ay mali ang tinatahak nang pagmamahalan natin.” komento pa nito. “Akala mo lang iyon Arman, dahil ang totoo sinusunod lamang natin ang musikang ibinibigay sa atin ng ating mga puso.” sagot ni Phillip. “Phillip.” tanging naisagot ni Arman. “Oo Arman, ako ang bahala sa lahat.” paniniyak ni Phillip kay Arman saka niya niyakap ang binata. Kinahapunan – “Nandito lamang pala kayo.” bati ni Mercedes sa dalawa nang makita niya ito sa ilog. “Ah, kararating lang din naman namin dito. Kanina ay naglibot kami sa plaza at tumingin-tingin na din nang maaring dalhin sa Maynila sapagkat nalalapit na naman ang pasukan natin.” sagot ni Arman. “Nagpasama na din kasi ako kay Arman para mamili ng pasalubong kay Papa.” singit naman ni Phillip. “Bakit naman hindi ninyo ako sinama?” may himig nang pagtatampo kay Mercedes saka kumapit sa bisig ni Phillip. “Hindi ko na kasi nais pang ikaw ay abalahin. Alam ko namang matapos ang bakasyon ay matatagalan ka na bago muling makauwi.” katwiran ni Phillip. “Alam ninyo, kung hindi ko lamang kayo kilala nang lubusan ay iisipin kong may pagtangi kayo sa isa’t-isa.” pahayag ni Mercedes. “Papaano mo naman iiyon nanasabi?” utal na tanong ni Arman. “Sa ikinikilos ninyo ay tila ba mas magkatipan kayo ni Phillip kung ihahambing sa akin.” sagot ni Mercedes. “Kung hindi ko lang talaga batid na malalim ang naging samahan ninyo ay iyon nga ang iisipin ko.” dugtong pa ng dalaga. “Halina kayo at tayo at itigil na iyang usapang iyan.” pag-awat naman ni Phillip. Lalong inusig na kanyang kunsensya si Arman sa mga narinig kay Mercedes. Lalo niyang ginustong itigil na nang tuluyan ang namamagitang ugnayan sa kanila ni Phillip, ugnayang higit pa sa pagiging magkaibigan. Sa bahay nila Arman – “Ayoko na Phillip!” pahayag ni Arman. “Hindi ko na talaga kaya.” dugtong pa nito. “Bakit Arman?” tanong ni Phillip. “Hindi mo na dapat pang tanungin kung bakit sapagkat ilang beses ko na bang sinasabi ang sagot sa iyo.” turan ni Arman. “Kung ito ay tungkol na naman kay Mercedes, huwag kang mag-aalala, gagawa na ako nang paraan.” sabi ni Phillip. “Hindi ka ba nakukunsensya?” tanong ni Arman. “Nililinlang natin si Mercedes, niloloko at sa tingin ko ay pinaglalaruan.” paliwanag pa ng binata. “Pagbalik natin ng Maynila, makikipag-hiwalay na ako sa kanya.” sagot ni Phillip. “Bakit hindi pa ngayon?” tanong ni Arman. “Dahil ba natatakot kang sugurin ng kanyang ama?” kasunod na tanong ni Arman. Nanatiling tahimik si Phillip – “Alam mo naman kung gaano ka kamahal ni Mercedes, alam mo naman kung hanggang saan ang pagtangi niya sa iyo at inaasahan niyang ikaw ang maghahatid sa kanya sa dambana.” wika ulit ni Arman. “Hindi ko naman inaasahang mas mamahalin kita kaysa sa kanya. Hindi ko naman inaasahang ang damdamin ko para sa iyo ay mas matimbang sa nararamdaman ko para sa kanya. Oo, sininta ko siya subalit higit ang naging pagtingin ko sa iyo.” paliwanag ni Phillip. “Paano kung tanungin ka niya kung bakit ka makikipagkalas? Ano ang sasabihin mo? Ano ang idadahilan mo?” balik na tanong ni Arman. Nanatiling tahimik si Phillip humugot nang isang malalim na buntong-hininga saka – “hindi ko ipagkakait sa kanya ang totoong dahilan.” sagot nito. “Hah?” nagulat na ekspresyon ni Arman. “Bakit? Anung masama? Huwag mo sa aking sabihing naduduwag ka?” tanong ni Phillip. “Hindi naman sa ganuon, subalit naisip mo nab a kung ano ang kahihinatnan pag sinabi mo iyon?” balik na tanong ni Arman na hindi makapaniwala sa sinabi ni Phillip. “Wala akong pakialam sa kung ano ang mangyayari dahil mas mahalaga sa akin ang makasama ka. Ayokong mawalay ka sa akin, ayokong magkalayo tayo, hindi ko kakayanin ang oras na dumating iyon.” tugon ni Phillip. “Kung nais mo ay ipagsisigawan ko pa sa buong daigdig ang pag-irog ko sa iyo.” habol pa ng binata. “Phillip…” biting turan ni Arman. “Wala akong pakialam sa pangungutya ng iba, handa akong ipaglaban ka sa harap ng madla.” turan ni Phillip saka hinaplos ang mukha ni Arman. “Bahala na!” tugon ni Arman na may mga ngiting puno ng pangamba at alalahanin. “Asahan mo, kung kailangan kong gumawa ng bagong mundo ay gagawin ko para lang makapiling kita.” wika pa ni Phillip saka hinalikan sa noo si Arman. Mabilis na lumipas ang bakasyon at heto, bibiyahe na sila pa-Maynila dahil kinabukasan ay simula na nang unang araw ng kanilang klase. Huling taon na nila sa kolehiyo at talaga namang pahirapan ang makakuha ng diploma, kung gaano kahirap ang mag-aral ay doble pa nuon ang makatanggap ng minimithing diploma. Iilan lang ang may kakayahang makapag-aral dahil tanging mayayaman at iilang may kaya sa buhay lamang ang nagagawang papag-aralin ang kanilang mga anak. Sa unang araw ng klase – “Bakit Phillip?” umiiyak na tanong ni Mercedes kay Phillip, dinig na dinig ni Arman ang usapan nang dalawa mula sa punong pinagtataguan. “Ipagpaumanhin mo Mercedes.” paumanhin ni Phillip kay Mercedes. “Hindi ko na talaga magagawang ipagpatuloy pa ang namamagitan sa atin.” paliwanag pa nito. “Bakit nga Phillip? Ano ba ang dahilan? Ano ba ang naging pagkakamali ko? Ano ba ang naging pagkukulang ko?” sunud-sunod na tanong ni Mercedes. “Wala kang pagkukulang, wala kang pagkakamali, ako ang may kasalanan.” turan ni Phillip. “Ipaliwanag mo sa akin Phillip! Bakit mo ako iiwanan?” pamimilit ng dalaga. “Hindi ko maaaring sabihin.” maikling tugon ni Phillip. “Masakit Phillip! Napakasakit!” wika ng dalaga saka humakbang palayo sa binata. Hindi alam ni Arman kung ano ang gagawin; kung lalapitan ba si Phillip, o hahabulin si Mercedes o mananatili sa pagkukubli sa likod ng puno. “Alam ko Arman na nandiyan ka!” wika ni Phillip ilang minuto pagkaalis ni Mercedes. “Bakit mo sinaktan si Mercedes?” simulang tanong ni Arman. “Dahil kailangan kong gawin Arman!” sagot ni Phillip. “Hindi mo na inisip kung ano ang maaari niyang maramdaman.” tugon ni Arman. “Sa simula lamang iyon dahil darating din ang takdang oras para mawala ang sakit.” sagot ni Phillip. “Paano mo nasigurado?” tanong ni Arman. “Alam kong makakakita din siya ng lalaking para sa kanya at nababagay sa kanya.” sagot ni Phillip. “Sana nga Phillip dahil hindi ko kayang makitang nasasaktan si Mercedes.” tugon ni Phillip. “Huwag na nating alalahanin muna si Mercedes! Sa ngayon, mas mahalagang malaman mong malaya na ako at maaari na nating ipagpatuloy ang damdamin natin sa isa’t-isa.” saad ni Phillip. “Hindi ko ata kayang maging masaya dahil alam kong nakasakit ako ng ibang tao.” tugon ni Arman. “Isipin mo na lang Arman, kung hindi ko gagawin iyon habang-buhay tayong magtatago.” pahayag ni Phillip. “Wala ding pinag-iba dahil ang sitwasyon natin ay habang-buhay din tayong magkukubli sa mata ng ibang-tao.” sagot ni Arman. “Arman! Mahalaga kung gaano kita kamahal.” sagot ni Phillip saka niyakap si Arman. “Phillip!” tugon ni Arman saka niyakap din si Phillip.


[02]
BULONG NG KAHAPON PART 2 – Ang Kasunod ng Simula “Mercedes?” nagulat na wika ni Arman nang makita kung sino ang nasa kwarto niya. “Arman!” hagulgol ng dalaga saka patakbong niyakap ang binata. Inaasahan na ni Arman na sa kanya unang lalapit ang dalaga. Alam na niyang siya ang unang pagsasabihan nito ng problema dahil siya ang pinakamatalik nitong kaibigan. Kanina pa nga niya pinaghahandaan ang pagkikita nila ni Mercedes at sa buong akala niya ay matatag na siya para harapin ito subalit pilit siyang pinapahina ng kanyang kunsensya. “Mercede…” pang-aalo ni Arman. “Iniwan na ako ni Phillip! Ayaw na niya sa akin.” sagot ni Mercedes. “Sige lang!” wika ni Arman saka hinagod sa likod ang kaibigan. “Hindi na niya ako mahal. Ayaw na sa akin ni Phillip, iba na ang gusto niya.” iyak ni Mercedes. “Ayos lang iyan.” sagot ni Arman na nais na ding mapaiyak at sabihin kay Mercedes kung ano ang tunay na dahilan ni Phillip. “Ano ba ang mali sa akin? Ano ba ang kulang sa akin? Ano ba ang ayaw niya sa akin?” sunud-sunod na tanong ni Mercedes kay Arman. “Walang mali sa’yo, wala ding kulang o dapat ikaayaw.” pang-aalo ni Arman. “Bakit niya ako iniwan?” tanong ni Mercedes. “Sapagkat may mga bagay na tanging ang panahon lang ang makakasagot.” walang maisip na dahilang tugon ni Arman. “Ayoko ng mabuhay!” wika pa ulit ni Mercedes. “Papakamatay na lamang ako.” sabi pa ng dalaga. “Huwag na huwag mong gagawin iyan Mercedes!” pigil ni Arman na biglang nakaramdam ng pagkabahala. “Kasalanan iyan! Ang pagkitil sa sarili mong buhay.” paliwanag pa ni Arman. “Ito lang ang paraan para makalimutan ko ang lahat.” sagot ni Mercedes. “Hindi iyan ang tamang solusyon Mercedes!” sagot ni Arman. “May mga bagay na hindi mo makukuha sa isang iglap. Kagaya nang sakit na nararamdaman mo, hindi yan panandalian lang.” sagot ni Arman. “Tulad nang sakit na nararamdaman ko, kung paano ako usigin nang sarili kong budhi, na hanggang ngayon ay patuloy pa ding ipinaparanas sa akin ang sakit.” bulong naman ni Arman sa sarili. Nanatili sila sa ganuong posisyon hanggang sa – “Arman!” tawag ni Phillip mula sa pintuan. “Sssh!” sabi ni Arman. “Baka magisisng si Mercedes.” wika pa ng binata. “Ilapag mo na iyan d’yan!” sabi pa ni Phillip. “Halina muna sa labas. Ibilin mo na lang din iyan kay manang Juana.” habilin pa nito. “Saan ba tayo paparoon?” tanong ni Arman. “Lalabas lang tayo sandali.” sagot ni Phillip. “Ito naman, parang may bago pa duon.” dugtong pa ng binata. “Hindi ko ata kayang iwan si Mercedes na mag-isa.” sagot ni Arman. “Arman naman!” may himig nang tampo sa tinig ng binata. “Sige na nga!” tugon ni Arman na may pilit na ngiti saka inilapag si Mercedes sa higaan. Sa may liwasan – “Saan ba tayo pupunta?” tanong ni Arman. “Mamasdan natin ang paglubog ng araw.” sagot ni Phillip. “Kanina pa nakalubog ang araw.” kontra ni Arman. “Papasikatin ko ulit para ating sabay na masilayan.” sagot ni Phillip. “Ano ba talaga ang nais mong mangyari?” tanong ulit ni Arman. “Ang makasama ka ngayong gabi.” sagot ni Phillip. “Kung maaari sana ay sabihin mo na sa akin kung ano ba talaga ang plano mo?” pamimilit ni Arman. “Iyon ring malalaman sa oras na mapunta tayo sa sinasabi kong lugar.” sagot ni Phillip. Maya-maya pa at – “Ano to?” tanong ni Arman nang bigla siyang piringan. “Magtiwala ka lang.” sagot ni Phillip. “Ano ba kasi ang dahilan nito?” tanong pa ni Arman. Ilang saglit pa at – “Ano yun?” hindi maidilat ni Arman ang mga mata dahil sa pagkasilaw. “Di ba sabi ko ay muli kong pasisikatin ang araw?” tanong ni Phillip. “Phillip! Anung kalokohan na naman ito?” tanong ni Arman. “Saka nasaan ba tayo?” tanong pa ulit ng binata. “Labis labis ang pagtatangi ko sa iyo Arman. Ikaw ang liwanag na matagal ko nang hinihingi sa Maykapal, ikaw ang gabay na laging laman ng aking dasal. Simula nang araw na makilala kita, unti-unti kong nakita ang sarili kong ikaw ang kasama.” saad pa ni Phillip. Sa wakas ay nagawang maidilat ni Arman ang mga mata at nalaman niya ang dahilan kung bakit siya silaw na silaw, dahil halos naka-ikot sa kanya ang spotlight na siya lang ang pinapatamaan. “Handa ka na bang tanggapin ako ng buung-buo Arman?” tanong ni Phillip kay Arman saka nito nilapitan ang binata. “Malaking iskandalo ito sa iyong pamilya sa oras na malaman nilang ganito ang ginagawa mo.” saad ni Arman. “Huwag mo na muna silang alalahanin dahil sa oras na ito, ang pagmamahalan na muna natin ang bigyang daan.” pahayag ni Phillip. “Phillip…” tugon ni Arman. “…sa dami ng pinagdaanan natin, ang pinagdaanan ng lihim nating pagmamahalan ay bakit ko naman tatanggihan ang isang tulad mo.” sagot ni Arman. “Salamat Arman!” napayakap na tugon ni Phillip. “Ngunit hindi ko maatim na habang nasasaktan si Mercedes nang dahil sa akin, ako naman itong nagpapakasaya.” tutol ni Arman. “Nuong una ay nakukunsensya ka dahil kinakaliwa ko si Mercedes, ngayon namang nakipaghiwalay na ako sa kanya ay puno ka pa din nang pag-aalala.” wika ni Phillip. “Panahon naman para isipin mo ang sarili mo.” paalala pa nito. “Ngunit Phillip…” pagtutot ni Arman. “Walang masama kung hahayaan mong lumigaya ka naman.” tugon ni Phillip. “Ako, tulad mo ay nalulungkot para kay Mercedes ngunit pasasaan ba at ako’y kanya ding malilimutan. Para saan ba at makakakita din siya nang bagong giliw. Piliin mo munang maging makasarili, dahil si Mercedes ay malalagay din sa wasto.” pang-aalo ni Phillip. “Ano? Ayos na ba?” tanong pa ni Phillip nang makitang natahimik na lang si Arman. “Sige! Tinatanggap na kita nang buung-buo.” sagot ni Arman na may mga ngiti sa labi. “Salamat Arman! Labis ang aking kaligayahna.” sagot ni Phillip saka niyakap si Arman. “Ngunit nakahanda ka ba talaga sa maaring kahantungan nang ating pagsasama?” tanong ni Arman. “Alisin mo na ang lahat nang pag-aalala sa iyong isipan Arman!” wika ni Phillip. “Dahil hangga’t sumisikat ang araw ay may bagong umagang darating para tayo ay harapin.” wika ni Phillip. “Umaasa ako Phillip. Higit pa at isang kasumpa-sumpa ang mga katulad natin sa paningin nila. Natatakot akong dahil dito ay layuan ako ng pamilya ko, ng mga kakilala at kaibigan ko. Natatakot akong ituring nilang salot o kaya naman ay pandirihan na tila may nakakahawang sakit.” paglalahad ng takot ni Arman. “Hangga’t wala tayong sinasaktan, tinatapakan, wala tayong dapat alalahanin. Tayo lang, ang mga katulad lang natin ang nakakabatid na hindi masama ang ating ginagawa.” tugon ni Phillip. “Ngunit si Mercedes?” tanong pa ulit ni Arman. “Si Mercedes ay hindi natin sinaktan, dahil maging tayo man ay nahihirapan sa kanyang dinadanas. Si Mercedes ay naunang dumating ngunit dahil sa pagkakaila ko sa damdamin ko sa’yo, pilit kong sa kanya ibaling ang lahat subalit isang pagkakamali ang aking nagawa.” paliwanag ni Phillip. “Phillip.” tanging nasabi ni Arman. “Mali! Nasaktan pa din nating si Mercedes at hindi ako magiging masaya hangga’t alam kong may kirot at sakit pa din siyang dinarama.” sa isip ni Arman. “Sa ngayon, ituon muna natin ang lahat para sa ating kinabukasan.” saad ni Phillip.


[03]
“Bakit malungkot ka na naman?” tanong ni Arman kay Mercedes.
“Sa tingin mo ba ay ganuong kadali kalimutan ang lahat?” balik na tanong ni Mercedes sa kaibigan.
“Mercedes.” tugon ni Arman na muling binagabag nang kanyang kunsensya.
“Arman! Hanggang ngayon ay nanunuot sa aking kaibuturan ang sakit. Sa bawat umaga ay hindi ko mapigiling pumatak ang aking luha dahil naaalala ko ang apat tatlong taong pinagsamahan namin ni Phillip.” tugon ni Mercedes.
“Ngunit Mercedes, isang buwan na ang lumilipas nang magkahiwalay kayo ni Phillip. Pinabayaan mo na ang iyong sarili, dapat ay isipin mo naman ang kapakanan mo, ang makakabuti sa iyo.” pagpapayo pa ni Arman. “Pumanhin Mercedes, dahil sa akin ay nararanasan mo ito.” bulong ni Arman sa sarili.
“Mahirap kalimutan Arman! Madali lang sa iyo ang sabihin iyan dahil hindi mo nararamdaman ang sakit na mayroon ako. Madali lang sa iyon iyan dahil hindi ikaw ang iniwan. Papaano ko kakalimutan ang lahat kung sa loob ng tatlong taon ay sa kanya ko inilaan ang buhay ko? Kung si Phillip na ang aking naging buhay?” sagot ni Mercedes. “Alam mo bang maging si itay ay nalulungkot dahil sa kinahinatnan nang pagsinta ko kay Phillip? Patuloy nila akong tinatanong kung anung dahilan daw.” dagdag pa ng dalaga.
“Mercedes, lalo akong inuusig nang aking kunsensya. Lalo mo akong pinapahirapan, higit mong pinapabigat ang aking nararamdaman. Hindi ko magawang maging masaya dahil sa wakas ay kasama ko na si Phillip at dahil binigiyan mo ako ng dahilan para makadama nang pagkabalisa.” bulong ni Arman sa sarili. “Ngunit Mercedes, alalahanin mong mayroon ka ding sariling buhay bago dumating sa piling mo si Phillip.” paliwanag ni Arman.
“Batid ko ang nais mong ipahiwatig Arman!” sagot ni Mercedes. “Hindi ganuon kadaling kalimutan ang lahat.”
“Mercedes…” nabanggit ni Arman. “Patawarin mo ako Mercedes nang dahil sa akin ikaw ay nagbabata ng hirap.” pahayag ng damdamin ni Arman.
“Sige na! Ako’y mauuna na!” wika ni Mercedes saka tumayo.
“Sandali!” awat ni Arman.
“Ano ang iyong dahilan?” tanong ni Mercedes.
“Matagal ko nang nais ibigay sa iyo ito.” wika ni Arman saka may kinuha sa kanyang lamesa.
“Ano ito?” tanong ni Mercedes.
“Plaka iyan na binubuo ng mga paborito nating awitin sa probinsya.” nakangiti nitong tugon. “Dalawang taon ko na iyang nabili sa may Quiapo at nais ibigay sa iyo subalit lagi kong nakakalimutan dahil lagi kang nagmamadaling umalis.” paliwanag pa ng binata.
“Naririto ba ang paboriton kong kanta sa opera?” tanong ni Mercedes.
“Oo!” sagot ni Arman. “Kasama diyan ang paborito mong Granada at O Sole Mio na una mong napakinggan sa mga nagtatanghal nuong unang beses tayong tumuntong ng Maynila.” saad pa nito.
“Salamat Arman!” pasasalamat ni Mercedes saka niyakap ang binata. “Hindi ka pa din nagbabago.” wika pa ng dalaga.
Totoo naman, dalawang taon na iyong nakatago sa kanyang lamesa hindi dahil nakakaligtaan niya, bagkus ay nahihiya siyang iabot sa dalaga. May lihim kasi siyang pagtingin dito mula pa nuong pumasok sila sa mataas na paaralan ngunit hindi niya magawang ipagtapat dala ng karuwagan. Hindi din niya nagawang ibigay iyon kay Mercedes dahil nuong araw na binili niya iyon ay ang parehong araw na nagtapat sa kanya si Phillip nang tunay nitong damdamin para sa kanya. Alam niya sa puso niya na may pagtangi din siya sa lalaking iyon subalit dala nang mas mabigat na takot ay ayaw niyang ipaalam kahit na kanino.

Sa buong akala kasi ni Arman ay hanggang kaibigan lang ang pagtingin sa kanya ni Phillip ngunit nang minsang magkayayaang uminom sila ng serbesang gawa sa kopra ay duon naibulalas ni Phillip ang lahat. Humahanap lang pala ng tamang tyempo ang binata para ipaalam sa kanya ang tunay nitong saloobin.
“Alam mo Arman, may nais sana akong sabihin sa iyon.” simula ni Phillip.
“Ano iyon?” tanong ni Arman.
“Alam mo ba iyong salitang mi amor?” tanong ni Phillip.
“Malamang dahil pinag-aaralan natin iyon.” sagot ni Arman. “My love pa nga ang pagsasalin niyon sa Ingles at aking mahal sa tagalong.” paliwanag pa nito.
“Mainam kung magkagayon.” sagot ni Phillip na may kakaibang ngiti. “Hindi ka na mahihirapang unawain ang sasabihin ko.” dugtong pa nito.
“Ano ba ang nais mong sabihin?” tanong ni Arman. “Ustedes amor Senyora Mercedes?” dugtong pa nito.
“No!”mariing tutol ni Phillip. “Vuestras mi amor!” walang prenong turan ni Phillip.
Biglang natigilan sa pag-inom ng serbesa si Arman at biglang naitapon ang laman nang kanyang bibig.
“Isang nakakatuwang biro.” pahayag pa niya.
“Iyon ay katotohanan.” tutol ni Phillip. “Mahal kita ng higit pa kay Mercedes at nauna pa kay Mercedes.” simula naman ng binata sa pagpapaliwanag.
“Papaanong?” tanong ni Arman.
“Sa simula pa lang ay napapintig mo na ang aking puso ngunit dala nang aking takot ay pinili kong ilihim at makipaglapit sa iyo bilang kaibigan. Nabihag din ako ni Mercedes, minamahal ko ang binibini at pinilit ko ding ibaling lahat sa kanya ang aking pagtingin subalit labis akong nahihirapan dahil kahit anung gawin ko ay pangalawa lamang si Mercedes sa puso ko.” kwento ni Phillip. “Alam mo bang kahit na anung supil ang aking gawin ay pilit na ikaw pa din ang sumisiksik? Ganuon pala kalalim ang pagtingin ko sa iyo.”
“Ngunit Phillip…” may himig nang pagtutil kay Arman.
“Hindi ko naman ninanais na suklian mo ang nararamdaman ko para sa iyo, ang ibig ko lamang ay ipabatid sa iyo ang tunay kong damdamin nang sa ganuon ay makahinga na ako nang maluwag.” saad ni Phillip. “Kung ako’y iyong lalayuan may buong giliw kong tatanggapin dahil iyon ang kapalit ng aking kahangalan, subalit ipangako mo sa aking hindi mo papabayaan ang iyong sarili." pakiusap pa ni Phillip.
“Alam mo Phillip, alam mong hindi tama! Bakit pinili mo pa na ako ang iyong mahalin?” tanong ni Arman.
“Dahil ang puso ko ang namimili sa taong kanyang iibigin. Ang puso ko na hindi nakakakita subalit nakakadama ang may kayang mamili kung kanino ito titibok. ang puso kong walang utak ang siyang namili nang aking iibigin. Marahil ay tanga nga ang puso, subalit ang puso lamang ang nakakabatid kung ano ang tama at mali sa pag-ibig.” sagot ni Phillip.
“Phillip! Hindi pa huli ang lahat, sabihin mong nagbibiro ka, na lasing ka lang.” pamimilit ni Arman.
“Oo lasing ako kaya may lakas ako ng loob para sabihin sa’yo kung gaano kita minamahal, tinatangi at iniibig.” lahad ni Phillip. “Sabihin mo sa akin Arman, ano ba ang nadarama mo para sa akin?” tanong pa ng binata saka tinitigan si Arman.
“Kaibigan!” sagot ni Arman na hindi magawang makipaglaban sa titig na iyon ni Phillip.
“Kaibigan?” pag-uulit ni Phillip. “Kaibigan lang?” tanong pa nito.
“Oo!” sagot ni Arman.
“Hindi na hihigit pa duon?” tanong pa ni Phillip.
“Oo Phillip! May pagtangi din ako sa iyo, at may pagmamahal ngunit batid kong mali ang damdamin ko, mali ang dikta nang puso ko.” sagot ni Arman.
Walang anu-ano ay inangkin na ni Phillip ang mga labi ni Arman.
“Sabihin mo ngayong nagkakamali pa din ang puso mo.” wika ni Phillip.
“Phillip, natatakot ako!” sagot ni Arman.
“Wala kang dapat katakutan Arman! Wala dahil ako na mismo ang nagsasabi sa iyo na habang kaya nating panindigan, lagi tayong nasa tama.” sagot ni Phillip.
“Pero Phillip, alam kong mali…” tutol pa sana ni Arman.
“Pag tinanggap mo nang mali ay magiging mali na talaga!” sagot ni Phillip.
“Hindi mo maiaalis sa akin ang pag-aagam-agam” turan ni Arman.
“Ngayon ay simulan mo na at asahan mong tutulungan kita.” pahayag ni Phillip.
Itong pangyayari na ito ang nasa isipan ni Arman nang katukin siya ni Phillip sa kanyang silid.
“Arman! Halika na at baybayin natin ang kahabaan ng Lawa ng Maynila.” aya ni Phillip kay Arman.
“Bakit naman sa malayo pa tayo mamamasyal?” tanong ni Arman.
“Balita kasi na may bagong bukas duon na pasyalan at kainan. Gusto kong puntahan kasama ka.” sagot ni Phillip.
“Anung pasyalan na naman iyan? Ikaw Phillip, kung maglabas ka nang salapi ay akal mo ganuon na lang kadali magkaruon niyon.” puna ni Arman.
“Pinagsisikapan ko namang makuha ito mula sa pagtulong ko kay Papa sa kanyang negosyo, sa pakikipagkalakal niya sa mga dayong nagnanais nagtayo ng pagkakakitaan.” tugon ni Phillip.
“Kung iyan ba naman ay iyong iniimpok, malamang na madami ka nang salapi ngayon.” sagot ni Arman.
“Ayos lang iyon. Nakikita ko naman kung saan napupunta ang bawat paggasta ko.” may ngiting tugon ni Phillip.
Habang binabaybay nila ang kahabaan ng Lawa ng Maynila –
“Alam mo Phillip, labis pa din akong binabagabag nang aking nagawa kay Mercedes.” turan ni Arman.
“Nandirito tayo upang magsaya at hindi upang muling pag-usapan si Mercedes.” mariing tutol ni Phillip.
“Ngunit hindi mo maiaalis sa akin ang ganito ang maramdaman dahil araw-araw kaming nagkikita at araw-araw kong nakikita ang kapanglawan nang kanyang mga mata.” sagot ni Arman.
“Arman! Patatagin mo ang loob mo dahil ako’y nangangamba na iyan ang maging kahinaan mo para ipagpatuloy ang pagsasama natin.” pahayag ni Phillip.
“Pinipilit ko namang maging matatag at matibay, ngunit hindi mo kayang alisin sa akin ang ganuong damdamin.” turan ni Arman.
“Basta! Huwag kang bibitiw!” pakiusap ni Phillip kay Arman saka nito tinitigan ang binata sa mga mata.
Dama ni Arman ang sinseridad ni Phillip kaya naman ay napatango na lang din siya para sang-ayunan ang sinabi ni Phillip.


[04]
Mabilis na lumipas ang araw, ang panahon at ang mga buwan dahil sa wakas ay kanila nang makakamit ang pinaka-aasam na dimploma para ibitn sa harapan ng kanilang bahay at ipangalandakan sa mga bibisita na nakapagpatapos sila ng anak. Sa magkaibang paaralan nag-aral sina Mercedes at Arman ngunit magkalapit lang ang kanilang inuuwian kaya nagagwa pa din nilang makapagkita araw-araw.
“Ang aking pagbati Mercedes!” simulang bati ni Arman sa kaibigan.
“Walang anuman!” sagot ni Mercedes. “Binabati din kita sapagkat sa wakas ay nakuha mo na ang minimithi mo.” tugon pa nito.
“Ano na ang mga balak mo?” tanong ni Arman.
“Papasok akong guro sa ating bayan.” sagot ni Mercedes. “Iyon naman ang tinapos ko, ang pagguguro. Pipilitin ko ding makapagpatayo ng pampublikong elementary sa ating nayon para naman iyong malalayo sa bayan ay may malapit na mapapasukan.” saad pa nito.
“Mainam kung magkaganuon.” sagot ni Arman.
“Ikaw? Itutuloy mo bas a pag-aabogasya ang tinapos mo?” tanong ni Mercedes.
“Alam mo namang mahirap ang pag-aabogasya at higit sa lahat mahirap din iyon sa bulsa kaya malamang ay hindi na lang muna.” sagot ni Arman.
“Ano na ang plano mo?” tanong ni Mercedes.
“Tatanggapin ko na muna ang alok sa aking makapagtrabaho sa pamahalaan.” maikling tugon ni Arman.
“Mainam naman at may plano ka na.” tugon ni Mercedes.
“Arman!” tawag ni Phillip mula sa likuran.
“Phillip! Ikaw pala.” sagot ni Arman.
“Phillip.” nagulat namang tugon ni Mercedes saka umakmang tatalikod.
“Sandali lamang Mercedes.” awat ni Phillip.
Natuwa naman si Arman dahil sa wakas at sa unang pagkakataon ay magkakausap na ang dalawa.
“Bakit?” maikling tanong ni Mercedes.
“May nais lamang akong ipagtapat sa iyon.” tugon ni Phillip.
Hindi mawari ni Arman subalit naging mabilis ang tibok ng kanyang puso ng mga oras na iyon. Hindi niya alam kung ano ang tumatakbo sa isipan ni Phillip subalit nakakasigurado siyang hindi maganda ang sasabihin nito kay Mercedes.
“Ano iyon?” tanong ni Mercedes.
“Si Arman ang dahilan kung bakit ako nakipaghiwalay sa’yo.” turan ni Phillip.
“Phillip!” madiing pagtutol ni Arman.
“Anung ibig mong sabihin?” tanong ni Mercedes.
“Mahal ko si Arman nang higit sa pagmamahal ko sa iyo.” wika ni Phillip. “At una ko siyang minahal. Sana Mercedes, ngayon ay nauunawaan mo na ang dahilan kung bakit ako nakipagkalas sa iyo.” wika ni Phillip na muling nalumbay ang tinig.
“Hindi ito totoo!” saad ni Mercedes saka tumakbo palayo.
“Mercedes!” hahabulin sana ito ni Arman –
“Huwag na Arman!” tutol ni Phillip.
Iwinasiwas lang ni Arman ang kamay ni Phillip saka mabilis na hinabol si Mercedes.
“Arman!” pigil ni Phillip saka hinabol na din niya ang binata.
Kahit na anung hanap ay hindi nagawang makita ni Arman si Mercedes. Nagalit din ito kay Phillip dahil sa ginawang hindi man lang siya kinukunsulta.
“Malamang ay pauwi na iyon sa inyo.” saad ni Phillip.
“Ano ba sa tingin mo ang ginawa mo?” tanong ni Arman.
“Sinabi ko lamang ang totoo.” wika ni Phillip.
“Ngunit bakit ngayon pa at sa tono nang pananalita mo ay parang hindi mo siya minahal.” sagot ni Arman.
“Malinaw ang sinabi kong mas minahal kita ngunit hindi ko sinabing hindi ko siya minahal.” sagot ni Phillip.
“Ganyan ka ba takaga mag-isip?” tanong ni Arman. “Wala ka na ba talagang puso para kay Mercedes. Kung saktan mo siya ay ganun na lang na tila ayos lang ang lahat.” paninisi pa ni Arman kay Phillip.
“Ngunit karapatan niyang mabatid ang katotohanan.” giit ni Phillip.
“Mali ang pamamaraan mo Phillip at iyon ang ikinagagalit ko.” sagot ni Arman saka lumakad nang mabilis palayo sa binata.
“Arman sandali lang!” pigil ni Phillip saka hinabol si Arman.
“Ano na naman ang sasabihin mo? Igigiit mo na namang tama ka at ako ang mali?” tanong ni Arman.
“Patawarin mo ako.” sinserong paumanhin ni Phillip. “Hindi ko sinasadyang masaktan ka.” dugtong pa nito. “Ayokong magkahiwalay tayo ngayong araw na may sama ka ng loob sa akin.” turan pa ng binata.
“Sa susunod ay iisipin mo kung ano ang sasabihin mo.” turan at pagpapayo pa ni Arman.
“Pinapatawad mo naba ak sinta?” tanong ni Phillip.
“Oo naman!” maikling tugon ng binata.
“Salamat! Pangako, hindi ko na uulitin.” masayang reaksyon at pangako ni Phillip saka niyakap si Arman.
Sa probinsya nila Arman naman ay agad na nagtungo ang pamilya nila Arman sa bahay nila Mercedes. May maliit kasing salu-salo na inihanda ang pamilya ni Mercedes dahil nakapagtapos na ito sa pag-aaral. Hindi magawang magtinginan nang dalawa dahil nagkaka-ilangan pa ang mga ito dahil nga sa hindi inaasahang pangyayaring kagagawan ni Phillip.
“Arman at Mercedes” simula ng ama ni Arman nang makaalis na ang mga bisita ng dalaga. “Alam naman nating mula pagkabata pa ay lagi na kayong magkasamang dalawa.” dugtong pa ng ama ni Arman.
“Napagkasunduan naming bakit hindi nalang kayo ang ipakasal para naman lalong tumibay ang samahan nang dalawang pamilya.” dugtong naman ng itay ni Mercedes.
“Hindi po maaari!” tutol ni Mercedes na biglang napatayo.
Agad namang nakadama ng kaba si Arman at batid niyang may panibagong problema siyang dapat harapin at may mas malaking unos na darating.
“Bakit hindi?” tanong ng itay ng dalaga. “Hindi ba’t hiwalay na kayo ni Phillip.” dugtong pa ng itay ng dalaga.
Tinitigan naman ni Arman si Mercedes at tila may pagmamakaaawa sa mata nitong huwag sasabihin ang tungkol sa lihim nilang relasyon.
Tumingin naman si Mercedes kay Arman at sa mata nito. Hindi niya kayang tagalan ang titig nang binata na animo nakikiusap sa kanyang huwag sasabihin ang kanyang lihim.
“Dahil si Arman at Phillip ay may pagtangi sa isa’t-isa.” nawika ni Mercedes saka ito tumakbo palabas.
“Mercedes!” awat ng ama ng dalaga.
“Hintayin mo ako!” tumayong habol ni Arman.
“Dito ka lang!” pigil ng ama ni Arman.
“Hhabulinn ko ppo ssi Meerceedees.” nanginginig na usal ni Arman.
“Gaano katotoo ang sinabi ni Mercedes!” nabigla subalit nananaig ang galit sa tinig ng ama niu Arman.
Nanatiling tahimik lang si Arman.
“Sumagot ka!” sigaw ng ama nito.

“Tama na! Natatakot na si Arman.” awat naman nang ina ni Arman.
“Huwag kang papasok sa loob ng bahay hangga’t hindi mo nakukumbinsing pakasal sa iyo si Mercedes.” madiing utos ng ama ni Arman.
“Pero aman…” tutol pa sana ni Arman.
“Pero totoo ang sinabi ni Mercedes?” tanong at paniniyak ng ama ni Arman.
Hindi alam ni Arman kung tatango ba siya o iiling. Natatakot siya at ito na ang simula ng bangungot para sa kanya.
“Hindi ako nagpapapasok sa bahay ko ng isang salot!” madiing lahad ng ama ni Arman saka ito umuwi na sa bahay.
“Arman!” pang-aalo naman ng ina ni Mercedes sa kanya. “Pagpasensyahan mo na ang anak ko.” turan pa ng ginang.
“Sige po tita.” paalam naman ni Arman sa ina ni Mercedes.
Sa bahay nila Arman –
“Hudas ka!” simula ng ama ni Arman saka ito sinampal. “Ngayon mo sa akin sabihin hindi totoo na may pagtatangi kayo ni Phillip para s aisa’t-isa.” galit na galit pa nitong tugon.
“Totoo po ama ang tinuran ni Mercedes. Hindi ko naman po sinasadya kung madadala ako sa nararamdaman ko. Ang alam ko lang po ay masaya ako at masigla ako sa bawat araw na kasama ko si Phillip.” paliwanag ni Arman.
“Hindi kita pinag-aral sa Maynila para maging ganyan Arman!” madiing pahayag nang ama ni Arman. “Madami akong pangarap sa iyo at hindi kasama duon ang pakikiapid mo sa kapwa mo lalaki.” wika pa ng ama ni Arman.
“Ama! Hindi naman makakaapekto sa mga pangarap mo sa akin kung makikisama ako kay Phillip.” sagot ni Arman.
“At sinasagot mo pa ako!” wika ng ama ni Arman saka muli nitong binigyan ng sampal ang anak. “Sa bahay na’to ako ang masusunod at kung sinuman ang ayaw sumuno sa akin ay makakalayas na ngayon palang.” madiing utos nang ama ni Arman.
“Ama!” tutol pa ni Arman.
“Ama! Wala kang karapatang tawagin akong ama! Damuho kang bata ka! Matapos ka naming alagaan at palakihin ganyan ang igaganti mo sa amin. Nagayon, kung ipagpapatuloy mo ang pakikisama sa Phillip na iyan, magbalot ka na at lumayas ka na dito.” utos nang ama ni Arman.
“Pero ama…” tutol ni Arman.
“Mamili ka na ngayon!” madiing utos nito.
“Opo, susundin ko po ang nais ninyo.” naisagot ni Arman.
“Hanapin mo si Mercedes at kumbinsihin mong pakasalan ka.” madiing utos nito sa anak.
“Opo!” masakit man sa dibdib subalit kailangan niyang sumunod sa ama.
“Ngayon na!” utos pa ng matanda.
Dala ng takot ay mabilis siyang nagtungo sa bahay nila Mercedes –
“Tita, nasaan po si Mercedes?” tanong ni Arman sa ina ng dalaga.
“Nag-aalala na nga ako dahil hindi pa din siya matagpuan nang tito mo.” wika nang matanda.
Tumulong na sa paghahanap si Arman buong magdamag subalit walang Mercedes silang nakita. Nabalitaan na lang nilang may nakakita daw sa dalagang pasakay ng bus at pa-byahe pabalik ng Maynila. Bumiyahe din si Arman pa-Maynila at una siyan gnakipagkita kay Phillip.
“Phillip! Ilang araw na naming hinahanap si Mercedes subalit hindi namin makita.” puno nang pag-aalalang simula nito ng kwento.
“Sinubukan mo na bang hanapin sa mga kaibigan niya?” tanong ni Phillip.
“Hindi pa, ngayon pa lang ako magsisimula.” sagot ni Arman. Wala pa sa balak niyang sabihin ang lahat kay Phillip dahil batid niyang lalo lang siyang maguguluhan sa kung ano ang maaring maganap.
Sinuyod nila ang ka-Maynilaan para mahanap si Mercedes subalit bigo ang dalawang binata hanggang sa –
“Dumito siya nung nakaraang gabi at kumuha ng ilang pirasong gamit. Ang paalam niya sa akin ay pupunta siya sa Quezon para magbakasyon.” sabi ng may-ari ng paupahang bahay na tinigilan ni Mercedes nuong ito’y nag-aaral pa.
“Phillip samahan mo ako sa Quezon.” aya ni Arman sa binata.
“Hindi ako pwede, kailangan pa ako ni papa sa negosyo.” malungkot na saad ni Phillip.
Mag-isang biniyahe ni Arman ang sinabing lugar na iyon ng matanda at sa hindi inaasahan ay nabangga ang sinasakyan niyang bus papunta nang Quezon at ang kawawang si Arman naman ay nahulog sa bangin kaya hindi ito napansin ng mga rescuers.


[Finale]
“Gising ka na pala hijo!” nakangiting bati ng isang hindi pamilyar na mukha kay Arman.
“Sino po kayo?” tanong ng binata sa kausap.
“Ako’y nagligtas sa’yo mula sa bangin.” kwento nang matanda.
“Bangin?” tanong ni Arman.
“Nakaligtaan kang iligtas mula sa nabanggang bus dahil nagtuloy-tuloy ka sa bangin na malapit sa kubo ko.” sagot ng matanda. “Alam mo bang hindi ka na halos humihinga nang makita kita.” pagbabalita pa nito.
“Salamat po kung ganuon.” sagot ni Arman at muli niyang naalala ang pakay sa lugar na iyon.
“Huwag ka na munang bumangon. Hindi ka pa lubusang nakakabawi sa sinapit mo.” tutol nang matanda ang makitang nagpupumilit umayo si Arman.
“May kailangan po akong hanapin.” sagot ni Arman.
“Tutulunga kita hijo, ngunit hayaan mo na munag makabawi ka ng lakas para naman hindi ka kung mapaano na lang.” wika nang matanda.
“Salamat po.” sagot ni Arman. “Arman nga pop ala.” pakilala pa ng binata.
“Tawagin mo na lang akong Lolo Mencio.” sagot nang matanda.
“Kailangan ko po talagang hanapin si Mercedes.” saad pa ni Arman.
“Matutulungan kita hijo at mabilis mong mahahanap si Mercedes basta ba’t hayaan mo munang dito ka mamalagi. Hindi pa lubusang gumagaling ang mga bali mo sa katawan at mahihirapan kang bumiyahe at lumibot.” paalala pa ng matanda.
“Pero Lolo Mencio…” tututol pa sana si Arman ngunit biglang nanakit ang likod niya. “Aray…” pagdaing pa ni Arman.
“Sabi ko sa iyo!” sabi nang matanda. “Huwag lang mag-alala dahil may ituturo ako sa iyo para naman hindi ka mainip.” lahad pa nito.
Namangha si Arman nang makita niyang kausapin ni Lolo Mencio ang alaga nitong pusa. Manghang-mangaha ang binata dahil totoong kapani-paniwalang nagkakaintindihan ang tao at ang pusa.
“Bakit ganyan ka makatingin sa akin apo?” tanong nito kay Arman.
“Nauunawaan po ba talaga ninyo ang pusa?” hindi makapaniwalang tanong ni Arman.
“Oo naman hijo! At iyan ay isa lang sa mga bagay na ituturo ko sa iyo.” saad nang matanda.
Hindi alam ni Arman kung ano ang magiging reaksyon. Halu-halo na ang problema niya ay idadagdag pa niya si Lolo Mencio kung totoo ba ang sinasabi ng matanda.
“Phillip! Hindi kita kayang iwanan at ayokong magkahiwalay tayo pero ayoko namang itakwil ako ng pamilya ko dahil sa pagsama ko sa iyo. Ito na nga ba ang kinakatakutan ko sa lahat, ang pagdating ng araw na ito.” bulong ni Arman sa sarili saka napabuntong-hininga.
“Bakit apo?” tanong ni Lolo Mencio.
“Wala po.” sagot ni Arman. “Mercedes! Saan ka naman ba nagtungo? Pinag-aalala mo ako. Hayaan mo, hahanapin kita sa oras na umayos ang pakiramdam ko.” wika ng diwa ni Arman.
Kinagabihan –
“Lolo, wala po ba kayong kasama dito?” tanong ni Arman habang kumakain sila ng hapunan.
“Ako lang ang mag-isa sa buhay.” wika nang matanda.
“Talaga?” hindi makapaniwalang tanong ni Arman.
“Oo apo!” sagot ng matanda. “Buhat nang maligaw ako sa bundok Banahaw ay hindi na ako umalis pa dito. Paminsan-minsan nama’y lumalabas ako para magtungo sa bayan subalit babalik din naman ako kaagad.” kwento pa ng matanda.
Isang buwan na nanatili si Arman sa kubo ni lolo Mencio at hindi niya lubos maisip na matututo siya ng mga mahikang akala niya ay sa mga nababasang kwento lang mangyayari. Hindi niya lubos maisip na totoo pala ang sinasabi ng matanda sa kanya. Ngayon nga, tulad nang pangako nang matanda ay tutulungan niya si Arman na hanapin si Mercedes at sa tulong nang mahika ay madali niyang natunton kung nasaan ang dalaga. Nalaman niyang nasa kalapit na nayon lang nila ito nagtatago.
“Sige po Lolo Mencio.” paalam ni Arman saka nagmano sa matanda.
“Mag-iingat ka apo.” wika ng matanda saka may ibinigay kay Arman.
“Ano po ito?” tanong ni Arman.

“Nakikita kong may darating na bago sa bundok na ito at sa kasamaang palad ay hindi ko na aabutan pa ang lalaking iyon. Sa nakikita ko ay Ronnie ang pangalan nang susunod na tagapag-ingat nang mutyang ito. Hasain mo siya at ituro mo ang laaht ng itinuro ko sa iyo at mga bagong malalaman mo. Makakatulong din siya sa iyo sa hinaharap.” paglalahad pa ulit ng matanda.
“Opo Lolo Mencio.” sagot ni Arman at nakahandang gawin ang sinabi sa kanya ng matanda bilang pagtanaw ng utang na loob.
Pagkabalik niya ng probinsya –
“Alam ko na po kung nasaan si Mercedes.” simulang pagbabalita ni Arman sa ama ni Mercedes.
“Saan?” tanong nito.
“Sa bahay po ni Elisa.” sagot ni Arman.
Natunton nga nila si Mercedes at nakapag-usap na din nang masinsinan ang dalawa. Napapayag ni Arman si Mercedes na pakasal sa kanya at naitakda na ang petsa kung kailan sila mag-iisang dibdib. Nalaman ni Arman na katulad niya ay may pagtingni na din sa kanya si Mercede smula nuong nasa mataas silang paaralan. Nasaktan lamang siya nang malamang may ugnayan sila ni Phillip ay dahil muling umuusbong ang damdamin niya para kay Arman.
“Patawarin mo ako Phillip! Hindi ko kayang ipaglaban ang pagmamahal ko sa iyo. Sana maintindihan mong naduduwag ako at natatakot.” wika ni Arman sa sarili.
Bago nagpakasal ay nakipagkita muna si Arman kay Phillip –
“Totoo pala.” malungkot na wika ni Phillip.
Tango lang ang tugon ni Arman saka pagpatak nang mga pigil na luha.
“Patawarin mo ako Phillip! Labis lamang akong duwag para ipagpatuloy ang ugnayan natin.” wika ni Arman.
“Alam mo bang nasasaktan ako?” tanong ni Phillip.
“Oo, batid ko dahil nasasaktan din ako sa naging pasya ko.” sagot ni Arman.
“Bakit Arman?” tanong ni Phillip.
“Dahil duwag ako! Dahil hindi ko kayang panindigan ang pagmamahalan natin.” sagot ni Arman.
“Bakit ka naduwag Arman?!” pigil ang mga luhang tanong ni Phillip.
“Hindi ko alam Phillip! Basta nakaramdam ako ng takot, mga takot at bangungot na ayokong mangyari.” sagot ni Arman.
“Arman.” wika ni Phillip saka pumatak ang mga luha sa mga mata.
“Patawarin mo ako Phillip.” paghingi ulit ng kapatawaran ni Arman.
“Mahal mo ba si Mercedes?” tanong ni Phillip.
Ayaw na lalong masaktan ni Arman si Phillip kaya naman isang tahimik na tango lang ang tugon niya kasunod ang pagpatak ng masagang luha.
“Arman…” naiiyak na saad ni Phillip saka niyakap si Arman.
“Patawad Phillip.” muling paghingi nang kapatawaran ni Arman.
“Sige, pipilitin kong maging ayos ang lahat.” sabi ni Phillip.
“Ayokong may magbago sa atin.” pakiusap ni Arman.
“Hindi ko masisigurado ngunit pipilitn ko.” sagot ni Phillip na may pilit na ngiti.
“Salamat Phillip! Asahan ko ang mga sinabi mo.” tugon pa ni Arman.
“Iingatan mo ang sarili mo.” wika ni Phillip saka tumalikod.
“Siguro ay hindi pa angkop sa panahon natin ang uri ang damdaming mayroon tayo, maaring naduwag lang ako o natakot. Gayunpaman, umaasa akong sana’y nauunawaan mo ako at hayaan na lang na ang mga apo natin ang magpatuloy sa pagmamahalan hindi natin naituloy, hayaan natin silang ipagpatuloy kung ano ang hindi natapos, baka sa panahon nila, kung pareho man sila ng kasarian ay mas matanngap sila nang mga tao, baka mas matapang sila para ipaglaban ang hindi ko nagawa at kayang gawin.” winika ni Arman bago tuluyang makaalis si Phillip.
Masakit ang damdaming nagpaalam sa isa’t-isa. Ang pagmamahalang biglang naramdaman ay ang damdaming pilit nilang kakalimutan. Biktima sila ng nakaraan, nang panahon at nang kanilang sariling takot at alinlangan. Ang ganitong uri nang bangungot ay patuloy pa ding nangyayari sa kasalukuyan na tipong ang kahapon ay bumubulong lang sa bawat puso ng mga nagmamahalan sa kaparehong dahilan at sitwasyon. Ang bulong ng kahapon ay nagpapatuloy na magpasakit at sugatan ang puso nang mga tapat na nagmamahalan dahil ang pagtigil nito ay hindi tiyak kung kailan.

No comments:

Post a Comment