Wednesday, December 26, 2012

Anino ng Kahapon (12)

by: iamDaRKDReaMeR

Simula nga ng iniwan ako ni Christian ay bumalik ako sa pag-inom at paghang-out sa mga bar gabi-gabi upang makalimot. Ilang beses ko rin syang sinubukang kausapin ngunit lagi akong bigo. Lagi na lang nitong kinacancel ang tawag ko at kung magsesend naman ako ng text messages ay wala naman akong nakukuhang reply.

“Hindi ka ba napapagod at nagsasawa sa ginagawa mo?” ang tanong ng boses mula sa aking likuran.

"Kung kapaguran lang pagod na pagod na ako. Kung kasawaan lang sawang sawa na ako. Dahil paulit ulit na lang nangyayari sa akin ang masaktan pero anong magagawa ko hindi ko maiwasang hindi isipin ang nangyari sa akin. Hindi ko alam kung sadyang pinaglalaruan ako ng tadhana o talagang wala lang akong swerte sa pag-ibig.” Ang malamig kong wika.

“Sa pag-ibig hindi mo maiiwasang hindi masaktan dahil kakambal na nito ang pagluha. Tandaan mo, kapag nagmahal ka, hindi lang puro saya ang mararamdaman mo dahil kakambal na nito ang sakit. You are still young, there are lots of possibilities and chances na darating pa sa yo. But for now, all you have to do is to accept the reality. It will help, masakit nga lang pero pagnatutunan mo ng tanggapin ang katotoohanan makakalimot ka din sa mga bagay na pinagdadaanan mo. And don't forget to always wear your smile. It will surely attract good vibes. There are many things in life worth smiling for. Keep Smiling. Cute ka pa naman. Pumapangit ka kapag malungkot ka. Kaya smile ka na ha. Ampangit mo na eh ”


Ngumiti akong pilit. Tila naglagay ako ng maskara upang matakpan ang nararamdaman ko nung mga sandaling iyon.  Para ipakita kay Jane na alam ko ang gagawin sa mga sandaling iyon. Na naaabsorb ng utak ko mga sinabi niya. Na kaya kong mas isipin ang mga magaganda at masasayang bagay na makapagpapasaya sa akin. Ngunit hindi. Ngumiti man ako, hindi pa rin nito maitatago ang sakit na nararamdaman ko.  Ilang linggo na rin ang lumipas ngunit hindi pa rin kayang iabsorb ng utak ko ang nangyari sa amin ni Christian. Hinahanap-hanap ko pa rin sya.  Lagi ko pa ring inaasam na magkakaayos pa rin kami.  Pero hindi ko alam kung kaylan, saan at kung may posibilidad pa nga na magkaayos pa kami.

“Hindi mo man lang ba ako sasamahang uminom dito?” ang tanong ko kay Jane.

“Sige paalam lang ako kay Roger. Balikan kita at kailangan after ng inuman natin you will try to move on with your life.” Sabay tayo at pumunta sa kwarto nila upang magpaalam sa kasintahan.

Naiwan akong tulala habang patuloy ang paglagok ng mapait na alak upang makatulong na makalimot.  Ilang saglit pa ay bumalik na si Jane sa kwarto.  Umupo ito paharap sa akin at agad na kinuha ang baso upang tumagay.

Si Jane ang isa sa pinakamalapit kong kaibigan na nakasaksi ng lahat ng sakit na aking narasan sa pag-ibig simula pa lang kay Lee hanggang kay Christian.  Siya ang taong sinandalan ko ng magkalabuan kami ni Christian.

“Ron alam mong hindi lang best friend ang turing ko sa yo.  I treated you like one of my brothers na rin.  Alam mo na rin halos lahat ng kilos ko.  At bilang kaibigan at kapatid nahihirapan na ako sa pinagdaraanan mo.  Kung pwede nga lang na tulungan kitang buhatin ang bigat ng nararamdaman mo ginawa ko na.  Kaya lang hindi mo matututunan kung sa lahat ng panahon may taong tutulong sa yo.  Ron, sa ngayon wala ng iba pang makakatulong sa yo kundi ang sarili mo na lang din.  Kung hahayaan mo ang sarili mo na alipinin ka ng sakit at pighati wala ng mangyayari pang maganda sa buhay mo at lahat na lang ng bagay na tignan mo ay hindi mo na maaappreciate.  Marami pang magandang bagay ang maaaring mangyari.  Huwag mong isarado ang pintuan para sa mga opportunities na maaaring kumatok.  Huwag mong hayaang tuluyang masira ang buhay mo.  Gawin mo to hindi para sa akin o para sa kung sino man.  Gawin mo to para sa sarili mo.  Sana hindi lang papasok sa isang tenga at ilalabas agad sa kabila ang mga sinasabi ko.  Intindihin mong lahat.  Para rin sa yo yan Ron.” Ang mahabang paliwanag ni Jane sa akin.

Tila isang malakas na batok ang hatid ng mga sinabi sa akin ni Jane. Biglang bumuhos ang mga luha sa aking mga mata. Niyakap niya ako. Dama ko na may karamay ako sa panahong iyon.

Hindi ko maiwasang mapaisip sa mga tinuran ni Jane dahil sa totoo lang ramdam ko sa sarili ko at batid kong tama ang lahat ng kanyang sinabi tungkol sa akin.  Hindi ko na nga naaaappreciate ang mga bagay na nakapaligid sa akin.  At hindi ko na rin napapansin ang mga magagandang bagay na nangyayari sa paligid ko.  Tanging ang sakit lang ng aking damdamin ang pinapansin ko wala ng iba.

Gusto kong nang kalimutan ang pait ng kahapon at maghilom ang sugat na dulot ng nakaraan. Sana ganun lang ito kadali. Sana natatakpan ng pait ng alak ang sakit na nararamdaman ko. Sana simple lang ito. Sana katulad lang ito na kapag gutom ka, pagkain ang sulusyon, kapag nauuhaw ka, tubig ang nakakapagalis ng tigang mong lalamunan. Sana gaya din ito nang kapag napagod ka, pahinga lang ang sulusyon ngunit hindi ee. Gutom na ang puso ko sa kalinga niya. Uhaw na ako sa pagmamahal niya. Pagod na ang puso kong masaktan sa mga nangyayari. Ngunit hindi ganon kadaling pagpahingahin ang pagod na puso. Sana pagpikit ko, hindi ko na maramdaman ang sakit. Sana paggising ko, ibang ako naman ang haharap sa panibagong hamon ng buhay. Mas matatag, mas alam ang gagawin. Mas hindi nasasaktan.

Nakaupo ako sa kama.  Umiiyak, nag-iisa, nakayuko at hindi alintana ang nasa paligid.  Patuloy ang pagbuhos ng luha mula sa aking mga mata na nagdala ng panlalabo ng aking paningin.  Iniaangat ko ang aking mukha dahil na rin dama kong may matang nakamasid sa akin.  ”Jane ikaw bay an?” Hindi ito sumagot.  Isang pamilyar na hubog ng tao ang aking napansin ang unti-unting lumitaw mula sa pintuan ngunit hindi ko maaninag ang mukha ng taong ito.  Pero dama ko ang bigat ng kanyang dinadala.  Wari’y may kulang sa kanyang pagkatao.  Unti-unti itong lumapit sa akin at inilahad nya ang kanyang mga kamay ngunit sa hindi malaman na kadahilanan ay hindi ko magawang iabot ang aking mga palad.  Ang sumunod na ginawa nito ay umupo sa aking tabi.  

“Alam ko ang pinagdadaanan mo.  Dahil tulad mo dinaranas ko rin ito.  Gusto ko ng makalimot at ipagpatuloy ang buhay ko ngunit hindi ko magawa dahil nakatali pa rin ako sa anino ng kahapon.  Hindi ko magawang ipagpatuloy ang buhay ko dahil mas ninais kong yakapin ang pait at hapdi ng pagkabigo kaysa bitawan ang mga masasakit na alaalang dulot nito.  Hindi madaling bumitiw sa nakaraan ngunit kung patuloy mong patutuluyin sa buhay mo ang mga sakit at pighati hindi mo magagawang mamuhay ng normal katulad ng dati.  Masakit, mapait, masaklap ang mahiwalay sa taong malaki ang naging parte sa buhay mo, sa buo mong pagkatao.  Pero hindi lahat ng bagay sa mundo ay permanente may mga bagay na dapat kaya mong bitawan kung kinakailangan.  Dahil minsan sa pagbitiw doon mo mararanasan ang tunay na kaligayahan.  Hindi madaling gawin ngunit pag nagawa mo hindi mo pagsisisihan.  Marami pang magandang bagay ang mangyayari sa buhay mo.  Learn to let go for you to be able to live.” Ang mahabang paliwanag ng taong ngayon ko lamang nakausap ngunit dama kong kilalang kilala nya na ako.

“Paano mong nasabi ang mga bagay na yan?  Parang kilalang kilala mo na ang pagkatao ko sa mga sinabi mo.” Ang takang tanong ko dito.

“Sa buhay maraming bagay ang hindi maipaliwanag.  Maraming katanungan ang hindi mahanapan ng tamang kasagutan.  Maraming imposibleng bagay na pwedeng maging posible.  Kung imumulat mo lang ang mga mata mo at bubuksan ang isipan maiintindihan mo kung ano ang nais kong iparating sa yo.” Ang matalinghaga nitong tugon sa akin.

Kinilabutan ako sa mga narinig ko mula sa kanya.  Sino ba sya at ganon na lang ang epekto ng mga salita nya sa akin.  Tila isang punyal na tumatarak sa kaibuturan ng aking puso.

“Sino ka ba at nasasabi mo yan?”

Isang payak na ngiti lang ang isinagot nito.  Hindi man malinaw ang kanyang itsura ay bakas ang mga ngiti nito sa labi.  Isang ngiti na pamilyar sa akin.  Tumayo ito mula sa pagkakaupo at naglakad patungo sa pinto.

“Sandali!” ang sigaw ko ngunit unti-unti ay naglaho ito sa aking paningin.

“Ron! Ron! Ron!” ang malakas na sigaw na may pagyugyog sa aking balikat ni Jane.

Bumangon akong humihingal, pawisan, at may luha sa mata.  Agad kong sinapo ang aking mukha ng dalawa kong palad.

“Buti na lang at napadaan ako narinig kitang umuungol at buti na lang ay bukas din ang pintuan mo.  Ano bang napanaginipan mo?” ang alalang tanong ni Jane.

“Hindi malinaw ang lahat sa akin.  May tao akong kausap na parang kilalang kilala ako.  Hindi ko makita ang mukha nya.  Pero dama ko sa kanya ang kakulangan ng kanyang pagkatao.  Parang ako.” At natulala ako sa huli kong sinabi.  “Parang ako.” Hindi kaya ako yung taong nasa panaginip.   Walang ibang taong makakakilala sa akin at makakaalam ng pinagdaraanan ko kundi sarili ko.  Ngunit bakit sya alam nya ang sagot at gagawin sa sitwasyon ko, bakit ako hindi ko magawa yun.  Hindi kaya alam ko naman talaga hindi ko lang magawa?

“Sige na Ron.  Uminom ka muna ng tubig at magpahinga bago ka bumalik sa pagtulog.  O kung gusto mo naman ay don ka na lang sa kwarto matulog para mabantayan ka.”  Ang may pag-aalalang tono ni Jane.

Isang pilit na ngiti ang ibinigay ko sa kanya.

“Dito na lang ako.  Kaya ko na ang sarili ko.  Salamat Jane.” niyakap ako ni Jane at nagpaalam na.

Naiwan akong nakaupo at paulit ulit na iniisip ang mga bagay na sinabi sa akin ng kausap ko sa panaginip.  Siguro nga ay tama ang kanyang mga sinabi.  Kung kaya ko lang bumitiw magiging masaya siguro ako at kung kaya kong tanggapin ang katotoohanan mabubuhay ulit ako ng normal.

Uumpisahan ko ng magbago at harapin ang katotoohanan ng buhay.  Kakayanin ko ang sakit at pait na maaari nitong maidulot.  Handa na ako sa pagbabago.  Handa na ako sa bagong buhay na aking tatahakin.  Magpapakatatag ako hindi para sa kung sino kundi para sa sarili ko.  Mamumuhay ako ng normal katulad ng dati.  Ito na ang umpisa ng pagbangon ko.  Hindi ko na dapat pang intindihin ang nakaraan ko.  Maging leksyon na lang ang mga alaalang nabuo mula dito. Kaya ko to. Kakayanin ko.

Muli kong ipinikit ang aking mga mata ng may pag-asang kakayanin ko ang hamon ng bagong buhay.

Itutuloy. . .  . . . . . . . .


unspokenwordsofdarkdreamer.blogspot.com

No comments:

Post a Comment