Wednesday, December 26, 2012

Anino ng Kahapon (17)

by: iamDaRKDReaMeR

“Ladies and gentlemen, welcome to Ninoy Aquino International Airport, Local time is 3:00 o’clock in the afternoon and the temperature is 33 degrees celcius…” ito ang bungad ng flight attendant matapos lumapag ang eroplanong sinasakyan ko.  Hudyat na malapit ng pumarada ang aming sinasakyan sa entrada ng gate na aming lalabasan.  Hudyat na rin ng pagharap ko sa paghanap sa aking sarili.

Ang sarap ng pakiramdam.  Kasama ko ang aking pamilya na matagal na ring nawalay sa akin.  Nagkamustahan, ibinigay ang mga pasalubong para sa mga kamag-anak.  I had my quality time with my parents and siblings.  Hindi ko masyadong ininda ang mga sakit na aking naranasan sa pag-ibig.  Masaya ako dahil kasama ko ngayon ang mga mahal ko sa buhay.  Ngunit may mga pagkakataong nakakalusot pa rin ang kalungkutan upang bisitahin ako.

Naging maayos ang unang dalawang linggo ng aking pagbabakasyon.  May mga araw na gumagala ako kasama ng mga dati kong kasamahan sa trabaho.  Gimik dito, gimik doon ang ginawa ko upang libangin ang sarili.  Nandyang ayain ko ang buong pamilya upang mag outing.  Lahat ng paraang alam ko upang makalimot ay ginawa ko na.  Ngunit nakalimutan ko ang tunay na pakay ko kung bakit ako nagbakasyon.  At ito ay ang hanapin ang sarili ko, ang hanapan ng kasagutan ang nararamdaman ko.


Isang gabi na nag-iisa ako sa aking kwarto at nagmumuni-muni kung bakit ako nandito ngayon sa Pilipinas.  Ano nga ba talaga ang dahilan at kailangan kong lumayo at mag-isip?  Hindi ko na nga ba kayang bigyan pa ng pangalawang pagkakataon si Chrisitian?  Kakayanin ko pa kayang magmahal muli?  Ang daming tanong na kaylangan kong hanapan ng kasagutan.

“Anak, ang lalim ng iniisip mo ha, may problema ba?  Gusto mo pag-usapan natin?” ang hindi ko namalayang pagpasok ng aking ina sa loob ng aking kwarto at tumabi sa akin.

“Akala ko kakayanin kong kalimutan ang nararamdaman ko para sa kanya, hindi pala.  Bago ako magbakasyon pinuntahan nya ako sa bahay upang humingi ng tawad sa hindi nya pakikinig sa akin.  Akala ko kaya ko na syang harapin matapos ang nangyari sa amin.  Akala ko matatag na ako.  Pero lahat pala puro akala lang.”  Ang paglalahad ko sa aking ina habang nakayuko ako at yakap ang aking unan.

“Nak, alam mo.  Minsan kung kaylan mo inaakalang nakalimutan mo na ang isang bagay tsaka naman susubukin ng tadhana ang tatag ng iyong kalooban.  Mahal mo pa sya?” Tanging tango lamang ang aking naisagot sa aking ina biglang pagsang-ayon.  Nanatili akong nakayuko kaya naman itinaas ng aking ina ang aking mukha.   “Mahal mo pa sya pero nagdadalawang isip ka kung dapat pa ba syang mahalin?”  Hindi ko na namalayang dumadaloy na pala ang luha sa aking mga mata at nanatiling tahimik lamang.  Sa puntong ito, hinawakan nya ang aking mga kamay na parang sinasabing kung kaylangan mo ng masasandalan nandito lang ako.  “Kaya ka ba nagdesisyon na magbakasyon ng biglaan para hanapin ang kasagutan sa tanong sa isip mo?” Wala akong maitago sa aking ina.  Kilala nya ang kilos at alam nya ang tumatakbo sa isip ko.  Tama ang lahat ng kanyang sinabi.  Para akong sinampal sa mga pahayag nya.

“Ma, anong gagwin ko?  Gulung-gulo na po ako.” ang paghingi ko ng payo habang patuloy ang pagdaloy ng luha sa aking mata.  Pinahid ito ng aking nanay at inihilig ang aking ulo sa kanyang balikat at hinawakang muli ang aking kamay.  Kahit na medyo hirap ang kalooban ko alam kong may karamay ako.  Dama ko ito sa presensya ng mahal kong ina.

“Anak, sa pag-ibig laging kadamay nyan ang sakit.  Kung hindi ka masasaktan, hindi mo malalaman kung paano magmahal.  Walang perpekto pagmamahalan.  Maraming pagsubok ang pagdaraanan upang subukin kung gaano katatag ang inyong pagtitinginan sa isa’t-isa.  Nasa inyo na yong magkarelasyon kung paano nyong haharapin ang bawat dagok na ibibigay sa inyo ng tadhana.  Pag-intindi sa isa’t-isa, tiwala, at respeto ang kaylangan upang malampasan nyo ang mga trials.  Minsan  nakakagawa tayo ng mga desisyon sa buhay na pagsisisihan natin sa bandang huli.   Ngayon anak ang tanong ay kung kaya mo pa ba syang tanggapin matapos ang mga bagay na nagawa at nasabi nya sa yo?  Kung makakaya mo, then give him second chance.  Kung sa tingin mo karapat-dapat pa sya sa pag-ibig mo hindi masamang magsimula kayong muli ng panibagong yugto ng samahan ninyo.” Ang mahabang paglalahad ng aking ina habang paulit-ulit niyang hinihimas ang aking ulo.  Para akong isang musmos na nagsusumbong sa kanya ng mga oras na iyon.

Sa totoo lang tama ang aking ina sa lahat ng kanyang sinabi.  Ngayon naisip kong hindi lang si Christian ang nagkulang sa relasyon namin, pati ako.  Kung naging bukas lang ang komunikasyon naming dalawa hindi naman hahantong ang lahat sa ganito.  Masyado akong natali sa pag-ibig ko kay Lee.  Sa pait ng kahapon. Na nakalimutan kong may iba na palang tao akong kasama ngayon.  Ibinuhos ko ng lahat ng nararamdaman ko sa aking ina.  Iniiyak ko na ang lahat ng sakit sa paniniwalang sasama na ang lahat ng sakit sa bawat luhang pumapatak sa aking mata.  Na malilinis ng mga luha ko ang mga mapapait na ala-ala.

“Maraming salamat  Ma.  Dahil ngayon ay nalinawan na ako.  Mahal ko pa rin sya at handa na akong bigyan sya ng pangalawang pagkakataon at magsimula ng bago.”

“Tandaan mo anak.  Sakaling hindi umubra, nandito lang kami lagi para sa yo.”  Sabay halik sa aking noo.

Matapos ang pag-uusap namin ng aking ina ay naging mas maluwag ang dibdib ko.  Umaliwalas ang pag-iisip ko.  Unti-unti ng nagkaroon ng linaw ang mga katanungan sa aking isipan.  At higit sa lahat nararamdaman ko ng malapit ng bumalik ang dating Ron.  Ang Ron na positive ang outlook sa buhay.  Ang Ron na masayahin kahit maraming problemang pinagdaraanan.  Ang Ron na matatag sa lahat ng pagsubok.  Masyado kong namiss ang dating ako.

“Hello Jane, kamusta na kayo dyan?  Miss ko na kayo.” Ang bungad ko.

“Ito OK naman kami.  ikaw kamusta ang bakasyon mo dyan?  Masaya ba?  Nakalimot ka na ba?  Wala na bang sakit?  Malapit ka na palang bumalik no.  Yung pasalubong ko ha wag mong kalimutan.  Masaya na ako sa tuyo.”  Ang dirediretsong tanong ni Jane at syempre hindi kinalimutan ang habilin na pasalubong.

“Ok na ako.  Malinaw na ang isip ko.  Masaya naman ang bakasyon ko.  At kaya ako tumawag sa yo kasi nawala ko yung number ng car lift na binigay mo.  Magpapa arrange ako ng pick-up sa airport.  Text ko na lang sa yo yung flight details ko para mainform mo sya.  At wag kang mag-alala sa pasalubong mong tuyo.  Madami akong dadalhin.  Sandamakmak!” Matapos ang tawag ay agad kong itinext si Jane about sa flight details ko.  Ilang saglit pa ay naconfirm na nya na may susundo na sa akin sa pagbalik ko.

Ilang araw na lang at babalik na ako ng UAE.  Ang bilis lumipas ng araw.  Parang feeling ko ngayon pa lang nag-uumpisa ang bakasyon ko. Ngayon pa lang akong nag-eenjoy.  Kasi nga ngayon pa lang luminaw ang isipan ko sa mga bagay na gumulo sa akin.  Kung pwede lang akong mag extend ng bakasyon kaya lang hindi na pwede.  Kaya susulitin ko na tong time na to.  Magbabonding ulit kami ng pamilya ko bago ako umalis muli.  Para pagbalik ko may masasayang ala-ala muli akong mabibitbit upang sa tuwing malulungkot ako ay iyon na lang ang iisipin ko.

Ngayon ang araw ng pagbalik ko sa galing ng bakasyon.  Nag-ayos ako ng gamit sa loob ng kwarto ng pumasok si papa.

“Mukhang handa na ang anak ko. “ ang bungad ng aking ama.

“Pa, ikaw pala.  Opo.  Dami na sigurong work na naghihintay sa kin don pagbalik ko.”

“Nak, tandaan mo ha.  Iwan ka man ng mga taong minahal mo kahit anong mangyari nandito pa rin kami ng mama mo at ng mga kapatid mo handang sumuporta sa yo.”  Sa sinabing iyon ng aking ama ay iniwan ko ang aking ginagawa at nilapitan sya upang yumakap.

“Salamat pa, salamat sa lahat lalo na sa pagtanggap ng pagkatao ko.”

“Kahit ano ka pa, tanggap kita.  Kasi mahal kita at anak kita.  Sige na ayusin mo na ang mga gamit mo at baka mahuli ka pa sa flight.”  Ito ang pinakatumagos sa puso ko ang mga salitang galing sa aking ama.

Matapos  na maiempake ang lahat ng gamit ko ay nag-ayos na ako ng sarili upang pumunta na ng airport.  Ang hirap ng pakiramdam ng iiwan kong muli ang pamilya ko upang bumalik sa ibang bansa at makipagsapalarang muli.  Mas mabigat kaysa sa unang pag-alis ko.  Pero may bagay pa akong dapat isettle at syempre para matulungan pa rin ang pamilya ko.  Kaya kahit mabigat sa kalooban ko kaylangan kong magpakatatag muli.

Walong oras ngunit tila napakatagal.  Hindi ko alam kung ano ang una kong gagawin kung sakaling dumating ako sa Abu Dhabi.  Hihintayin ko na lang bang tumawag si Christian o ako na ang gagawa ng paraan upang makapag-usap kami?  Kung hindi ako gagawa ng paraan baka walang mangyari.  Ano kaya ang magiging reaksyon ni Jane kung malaman nyang babalikan ko si Christian?  Magagalit yun, pero mas mahalaga sa akin ang magkaayos kaming muli ni Christian, isa pa ako naman ang makikisama hindi sila,  ako naman ang masasaktan kung sakali man hindi sila.  Sana sa pagkakataong ito maging maayos na ang pagsasama naming dalawa.  Sana mas maging matatag kami at mas maging mature sa paghawak ng relasyon sa pangalawang pagkakaton.  Ito ang mga bagay na paulit-ulit na tumatakbo sa aking isipan sa byahe.  Ni hindi ko man lang nga nabawasan ang mga pagkaing naihain sa akin during the duration of flight.  Nanonood ako sa monitor ngunit hindi ko naman maintindihan dahil sa kabang aking nararamdaman.

“On behalf of Middle East Airways and the entire crew, I’d like to thank you for joining us on this trip and we are looking forward to seeing you on board again in the near future.  Have a nice evening!”  ang mga salitang nakapagbalik sa aking katinuan.

Ito na to.  Oras na para harapin ang totoong damdamin ko.  Ang harapin ang taong mahal ko.

Madali lang akong nakarating sa bahay dahil na rin sa nakontrata kong sundo.  Pagpasok ko pa lang ng bahay ay si Jane agad ang bumungad sa akin.

“Musta ang bakasyon.  Mukhang hiyang ha.  Medyo tumaba ka.” Ang pagpuna ni Jane sa akin.

“Hindi naman.  Sabihin na lang nating naliwanagan lang ang utak ko.  Pasok muna ako at mag-aayos ng gamit.  Bukas may pasok na eh.”  Ang pagdedepensa ko.  At pumasok muna ako sa aking kwarto upang maayos ang mga dala ko.

Matapos mailabas at maiayos ang lahat ng gamit na dala ko at ang mga pasalubong humiga muna ako sandali at nagpahinga.   Agad akong nakatulog dahil na rin sa pagod siguro sa byahe hindi ko na rin nagawa pang magpalit ng damit.

Nagising na lang ako ng madaling araw dahil giniginaw ako hindi ko napala nagawang magkumot dahil sa pata talaga ang katawan ko.  Agad kong tinignan ang cellphone ko upang tignan kung anong oras na.  May miscall akong nakita.  Sobrang pagod ko siguro at napasarap ng tulog kaya hindi ko naulinigan ang pagtunog nito.

*UNKNOWN NUMBER*

“Sino kaya to at nakuha pang tumawag?” ang tanong ko sa sarili kaya naman para malaman ko ay agad akong nag call back.

Panay ring lang.  sabagay para din naman akong tanga hindi ko naisip na madaling araw na pala at talagang tinawagan ko pa.  Kaya nagpalit na lang ako ng damit at agad bumalik sa pagtulog dahil may pasok na ako mamaya.

Maaga akong nagising dahil may pasok na nga ako.  Bago pa man ako bumangon ay kinuha ko muna ang cellphone ko at agad kong tinignan.

1 Message Received

“Kita tayo mamaya sa Abu Dhabi Mall sa food court  sa Il Forno after ng work mo.  Doon mo na lang malalaman kung sino ako.  I wil expect you to be there on time at 4:00 PM since half day ka lang naman ngayon.”

Nagtataka ako kung sino ang nagtext na ito dahil sya rin ang tumawag sa akin na unknown number.  Sino sya?  Si Lee?  Si Christian?  Ang gulo.  Nagugulo ang utak ko ang aga-aga.  Kaya tumayo na lang ako at nag-ayos ng sarili at naghanda para sa pagpasok muli sa trabaho.

And as expected ang dami kong work ng araw na yun kaya naman hindi ko na naisip pa kung sino ang ponsyo pilato na nagmessage sa akin.

“Hey Ron,  aren’t you going home?  Remember were just half day today.  No OT’s” ang pag-papaalala ng kasamahan kong ibang lahi.

At dito naalala ko ang text message na nareceive ko nung umaga.  Nagpasya na akong iligpit na muna ang aking ginagawa at ilagay na lang sa backlog ang report na ginagawa ko.

Exactly 3:45 PM dumating ako sa tagpuang ibinigay sa akin ng texter na Unknown Number.  Agad kong inilibot ang aking mata nagbabakasakaling makakakita ng kakilala since he stated na kakilala ko sya.

Sa isang sulok isang lalaking nakaupo at nag-iisa.  Pinakatitigan ko munang mabuti at kinilala baka mamaya magkamali ako.  Pero hindi ako magkakamali kasi bigla syang tumingin sa akin at nagguhit ng matamis na ngiti sa kanyang mga labi.  Sya nga.  Agad kong nilapitan.

“Ikaw pala ang nagtext.  Musta na?”

Itutuloy. . .  . . . . . . . .


unspokenwordsofdarkdreamer.blogspot.com

No comments:

Post a Comment