Wednesday, December 26, 2012

Piso (06)

by: Justyn Shawn

Sa paglubog niya sa ilog na iyon matapos niyang ihagis ang piso, kita ko pa ang kasiyahan sa kanyang mga mata. Kita ko pa dito ang kasiyahang nag-uumapaw. Alam ko dahil magkasama ulit kami, nagkausap. Ako rin ay masayang masaya sa mga sandaling iyon hindi lang dahil sa magkasama ulit kami kundi dahil sa mga aral na dulot din niya sa akin noong kami ay magkausap. Ngunit may kurot din itong dulot noong di ko siya masumpungan noong ako ay umahon. Masigla ko pa ring dala-dala ang pisong ipagmamalaki ko sanang natagpuan ko na iyon. Ngunit wala siya. Hindi ko na siya makita kahit ano pa ang gawin kong paghahanap. Nalungkot akong bigla. Natakot. Kinabahan. Tila napakahiwaga ng pangyayaring iyon.

Ginising ako ng aking gunita at katotohanan noong marinig ko ang isang katok. Nanaghinip lang pala ako. Hindi ko akalaing isa iyong panaghinip. Ramdam na ramdam ko pa ang kanyang presensya. Ang tamis ng kanyang mga halik sa aki'y nalalasahan ko pa, ang higpit ng mga hawak niya sa aking kamay, ang init ng kanyang mga yakap, bilis ng tibok ng kanyang puso, ang kanyang nakakapanghipnotismong mga titig; ramdam na ramdam ko pang tila isa iyong totoong pangyayari.


Ang kasiyahang nararamdaman ko dito sa puso ko ay nananatili pa rin at nag-uumapaw ngunit ang katotohanang wala na siya sa aking buhay at kailanman ay hindi na muling magbabalik ang siyang gumising sa aking kahibangan.

Nakakatuwang isipin na kahit wala na siya, kahit nasa kabilang buhay na siya ay nagagawa pa rin niya akong pasayahin. Nagagawa pa rin niya akong turuan sa mga bagay bagay na malabo para sa akin. Nagagawa pa rin niyang ilawan ang madilim kong tahakin at naipapadama pa rin niya tunay at wagas niyang pagmamahal.

Isang katok muli ang aking narinig mula sa labas ng pinto. Isang katok na nagpagising sa akin ng tuluyan. Pumupungas-pungas ko pang minulat ang aking mga mata. Ramdam ko ang pamamaga nito dahil sa aking pagtangis.  Ramdam ko din ang pananakit ng aking katawan na tila naglakbay ng napakalayo. Akmang manghihilamos-palad na ako't tatanggalin ang muta sa aking mga mata ay may napansin ako dito. "Panong nagkaroon ako nito dito sa palad ko? Diba panaghinip lang lahat ng iyon?"tanong ko sa aking sarili noong makita ko sa aking mga kamay ang piso na siya ring bitbit ko noong ako ay umahon sa ilog. Iyong piso na iyon ang hinagis ni Zaldy. Iyong piso na iyon ang ipagmamalaki ko sana sa kanyang nahanap ko na iyon.

Napabuntong hininga na lang ako isinilid ang piso sa aking bulsa. Muli, narinig ko na naman ang katok mula sa labas ng pinto. "Sino kaya iyon?" anong ko sa sarili at agad na bumangon na sa higaan. Imbes na magtungo agad sa pinto ay sa palikuran ako nagpunta. Umihi muna ako't naghilamos. Ilang minuto din ang tinagal noon at wala na akong katok mula sa labas ng pinto. Siguro'y nawalan na ng pag-asa ang taong naroon na may tao ng sa loob ng bahay; na andito ako. Pinuntahan ko pa rin. Tiningnan ko pa rin kung sino ang naghahanap at ano ang kailangan niya. "Baka si pareng Isko dahil mamaya ng hapon ang binyag ng kanyang anak" sabi ko sa sarili habang tinatanggal ang pagkakakandado ng pinto.

Dahan dahan ko iyong binuksan at nagbabakasakaling may makita akong taong nagdaraan upang matanong ko kung alam ba nila kung sino ang naghahanap. Nagbabakasakaling naroon pa rin ang taong gumising sa akin. Ang taong nagpabalik sa akin sa katotohanan sa paggising niya sa aking panaghinip.

Pagbukas ko ng pinto ay wala akong nakita. Kahit na ang mga nagdaraan duon ay hindi ko rin naman matanong kung sino nga ba ang naghahanap sa akin o kung may alam sila dahil malayo sila. Noong isasara ko na sana ang pinto biglang nahagip ng aking mga mata ang taong nakaupo sa gilid nito. Nakasuot siya ng kulay berdeng t-shirt na pawisan dahil sa init ng panahon ngunit hindi niya pansin iyon, ang kanyang maong ay halata mo ring suot pa niya iyon kahapon, nakaub-ob siya sa bag niyang kulay itim. Parang may hinihintay. Tila nag-aabang ng kung ano. Hindi tuloy maalis sa isip kong ako ang kanyang hinihintay at hinahanap dahil sa narinig kong pagkatok kanina.

Nakatitig lang ako sa kanya habang nakatayo sa may pinto. Tila pagod na pagod itong nakasubsob ang mukha niya sa kanyang bag na dala. Ramdam ko ang paghihirap niya sa mga sandaling iyon. Ewan ko ba ngunit sa mga panahong iyon ay lumakas ang ang pagnanais kong ihakbang ang aking mga paa at tungihin siya. Bago pa man ay bigla siyang ng kuskos ng kanyang mga mata. Sa tingin ko'y umiiyak siya. Tumingin siya kung saan ako nakatayo. "Jose?!"

"Jay?.."tawag ko sa kanyang pangalan. Hindi ko akalaing siya ang taong iyon. Ang kanyang mga mata nong tingnan ko ito ay namumugto. Tila walang humpay ang kanyang pag-iyak sa mga nakalipas na oras.

Tumayo siya at patakbong tinungo ako sa kinatatayuan ko at niyakap ng mahigpit. Ramdam ko ang pagluha niya na pumapatak sa aking balikat habang mahigpit siyang nakayakap sa akin. Tila napakatagal nang gusto niya akong makapiling. Ramdam ko ang paghihirap na iyon dahil ganun din ang nararamdaman ko sa mga panahong wala Zaldy at gusto ko siyang makapiling. Kusa na lang gumalaw ang aking mga kamay at sumagot sa kanyang pagyakap.

"Dito lang ako sa tabi mo Jose. Maghihintay ako na mapansin mo rin ang pagmamahal ko. Maghihintay akong mahalin mo rin ako." Sambit niya sa akin matapos niyang yumakap. Hindi ako makaimik. Hindi ako umimik.

Pumasok na kami sa loob ng bahay.

Ako na ang nagbitbit ng kanyang bag at ibinalik sa lagayan nito. Nakatayo lang siya sa may pinto habang ginagawa ko iyon at nakatitig sa akin. Para akong naaasiwa sa tagpong iyon.

"Kumain ka na ba?" tanong ko sa kanya noong makaramdam din ako ng pagkagutom.

"Hindi pa."sagot naman niya. Patuloy pa rin ako sa pagbabalik ng kanyang mga gamit sa lalagyan nito.

"Ipagluluto kita. Alam ko hindi ka pa rin kumakain. Hindi mo kasi nakaugaliang kumain ng agahan e."magiliw nitong dagdag at tinungo ang kusina. Napahinto ako sa aking ginagawa. Andyan si Jay, wala na si Zaldy. Ngunit ang laman ng puso ko ay siya pa rin. Umaasa pa rin ako sa pagbabalik niya, umaasang maramdaman ko muli ang pagmamal niya kahit napakaimposible ng mangyari. "Ganito din kaya ang nararamdaman ni Jay para sa akin?"tanong ko sa sarili. Puno ng awa ang nakita ko sa kanya. Sa kanyang ginagawa. Pero mas naaawa ako sa aking sarili dahil imposible ang hinihintay kong mangyari. Dahil dito, biglang pumatak ang mga luha ko. Kasabay naman nito'y pag-alis na sa aking isipang hindi na muling magbabalik pa si Zaldy.

Hindi ko napansing nasa harapan ko na pala si Jay. Iniaabot sa akin ang kanyang panyo. "Alam kong mahal na mahal mo pa rin sya. Ngunit hindi mo na kailan pa man maibabalik ang nakalipas. Andito lang ako upang maramdaman mong may nagmamahal din sayo. Ipaparamdam ko sayo ang pagmamahal na dapat mong maramdaman. Maghihintay ako. Maghihintay akong mahalin mo rin ako." sambit niya sa akin. Hindi ko kinuha ang panyong binigay niya bagkus ay kiniskos ko ng aking mga kamay ang mga luhang tumulo sa aking mga mata.

"Salamat. Salamat Jay sa pagmamahal mo ngunit hindi mo ito kailangan gawin."

"Hihintayin kita. Maghihintay ako. Kahit matagal basta maghihintay ako. Dahil sinabi ko. Kahit ang paghihintay pa ang pinakaayaw kong gawin, hihintayin pa rin kita." tugon naman niya sa akin. Alam kong lahat ng kanyang mga sinabi ay totoo. Pinakaayaw talaga niyang gawin ay ang maghintay ng matagal; lalo ang maghintay sa wala ngunit heto siya't ginagawa ang bagay na pinakaayaw niya.

"Mahal ko ang sarili ko pero hindi ko kayang mawala ka kaya maghihintay pa rin ako kung kelan pwede ka na. May ilang beses na gusto na kitang bitawan dahil nasasaktan na ako sa kahihintay sayo. Nasasaktan na ako dahil nawawalan na ako ng pag-asang mahalin mo rin ako. Pero nung iniisip kong wala sa tabi ko, mas masakit pala. Hindi ko kaya. Kaya eto ako. Kinain ko ang pride ko para sa taong mahal na mahal ko." sambit niya habang tumutulo ang mga luha sa kanyang mga mata.

Lumapit ako sa kanya. Niyakap siya. Hinalikan ko ang mga luha sa kanyang mga mata. "Turuan mo kong magmahal muli. Tuturuan ko ang sarili kong kalimutan siya."sabi ko sa kanya at niyakap muli siya ng mahigpit.

"Oo, gagawin ko yun. Tuturuan kitang mahalin ako. Kahit mahirap, gagawin ko. Hindi ako susuko. Hindi kita iiwan. Hindi kita bibitawan."disididong sabi sa akin ni Jay. Sa pagkakasabi niyang iyon ay may dulot iyon sa aking kakaiba. Ramdam ko ang sinseridad at pagpupursige na iparamdam sa akin ang pagmamahal niya.

Tila naman lumiwanag ang kanyang mga mata noong dinampian ko ng halik ang kanyang pisngi. "Salamat. Salamat sa pagmamahal" sabi ko sa kanya. Tumunog ulit ang nag-aalburoto ko ng tiyan na nagpakawala sa amin ng aming tawa.

"Sige na. Magluluto na ako. Ipagluluto kita ng masarap." Pagkasabi niya ay bumalik na siya sa kusina at nagsimula ng muli sa kanyang ginagawa. Ako naman ay tinapos na ang pagliligpit ng kanyang gamit. Ibinalik ko ulit ito sa patas kung saan ito dating nakalagay.

Matapos noon, matapos niyang magluto ay kumain na kami ng sabay. Napakasarap ng niluto para sa aming dalawa ni Jay ngunit habang nasa hapag kami at kumakain, walang ni isang salita ang lumabas mula sa aming mga bibig. Ngunit alam namin sa isa't isa na madaming bagay ang dapat naming pag-usapan. Ang kailangan naming mapag usapan. Nanatili lang kaming tikom ang bibig. Tanging ang mga mata lang namin ang nag-uusap sa mga sandaling iyon. Makabuluhang tingin ang ipinupukol niya sa akin at sinasagot ko din naman iyon ng tingin din. Tila alam namin ang ibig sabihin ng mga titig namin sa bawat isa. Ganon ang nangyari hanggang matapos kaming kumain.

Sabay naming niligpit ang aming pinagkainan. Ako na ang nagpresentang maghugas ng aming pinagkainan pero nagpumilit pa rin siyang siya na lang ang gagawa nito. Ibinigay ko na sa kanya ang hawak kong plato at binigyan siya ng ngiti.

"Maliligo na ako." Paalam ko sa kanya matapos kong ibigay ang mga hugasin.

"Sige." sagot naman niya at pumunta na ng kusina at nagsimulang maghugas. "Gusto mo sabay tayo?" tanong niya sa akin habang tumingin sa akin habang papasok na ako sa banyo upang maligo. Pilyo ang mga nginti niyang iyon.

"Sigurado ka?" sabi ko sa kanyang mas pinilyuhan din ang mga tingin na ipinukol ko sa kanya. Sabayan pa ng nagpakawala ako ng isang ngiting pangarisma. Nakita ko siyang lumunok ng sarili niyang laway. At timalikod sa akin at naghugas muli. Tumawa lang siya. "Ano ka ba! Nagbibiro lang ako. hahaha" sabi niya at tuloy pa rin ang paghugas ng aming pinagkainan.

Dumeretso na ako sa banyo upang maligo na. Habang nagbubuhos ako ng tubig sa aking katawan ay di ko maiwasang mapangiti sa ginagawa ni Jay. Hindi dahil inaabuso ko ang pagmamahal niya para sa akin. Kundi sa relasisasyong may nagmamahal pa nga sa akin ng tunay at tapat.

Matapos kong maligo ay niyaya ko si Jay sa pupuntahan ko. Sa binyag ng anak ni Pareng Isko. Hindi sumama si Jay sa akin. Ewan ko ba kung bakit ako biglang nalungkot nung sinabi niyang hindi siya sasama. Ngunit hinayaan ko na lang din ito dahil alam kong pagod pa siya at walang tulog. May gagawin din daw siya sa bahay.

Dumeretso na ako sa simbahan kung saan bibinyagan ang inaanak ko. Dito na lang daw kami magkita-kita. Hinanap ko sila kung saan man sila naroon at nakita ko naman agad ang mga ito. Umupo na ako sa malapit sa kanila.

Habang nakikinig ako sa misa ng pari, di ko maiwasang isipin si Zaldy. Dahil gaya ng pari, ang mga sinasabi nito'y katotohanang may turok sa puso ko. Habang nasa isipan ko sya, sa di maipaliwanag na dahilan, nagbalik muli ang mga katagang binitawan sakin ni Jay. "Maghihintay ako kung kelan pwede na ang puso mo." Paulit ulit iyon sa aking isipan. Parang sirang plaka na umaandar habang ang kanyang mukha ay nakatitig sa akin. Deretso. Disidido. Nagmamakaawa.

Di ko namalayang patapos na pala ang pagbibinyag. Tinawag ako ni Pareng Isko upang sindihan ang kandila na dala ko. Hindi ko alam kung ano ang gamit noon pero sinindihan ko pa rin. Matapos noon ay isa isa kaming nagbuhat sa bata at kinunan kami ng litrato.

Pagkatapos ng binyagan ay agad naman kaming pumunta sa bahay nila. Dahil fiesta, madaming pagkain ang nakahain. Ngunit hindi gaya ng mga luto ni Jay, hindi nakakasawa. Konti lang ang nakain ko at pagkatapos noon ay nag-inuman na.

Ang paligid ko ay nagsasaya pero hindi ko din alam sa sarili ko kung bakit hindi ko magawang makisaya sa panahong iyon. Tulala lang ako. Tatapikin na lang nila ako kapag tagay ko na. "Okay ka lang ba pare?"tanong sa akin ni Pareng Isko. "Okay naman ako."sagot ko naman dito at ngumiti.

Hindi ko maiwasang sa bawat pagpihit ng oras, naaalala ko si Jay. "Namimiss ko ba sya? May puwang ba sya sa puso ko? Kaya ko na bang kalimutan si Zaldy?". Tanong na pilit pumapasok sa aking isipan. Tuloy lang ang ikot ng tagay. Tuloy lang ang kasiyahan ng mga taong naroon ngunit nananatili lang akong walang imik habang nakaupo at pinagmamasdan sila.

Natapos na ang inuman at lasing akong naglakad pauwi. Nagmamadali akong makarating ng bahay na tila sabik na sabik.

Nasa harap na ako ng bahay at bumuntong hininga. Tila nagpapanggap na hindi lasing sa mga oras na iyon. Dahan dahan kong pinihit ang siradora at akmang gugulatin si Jay na naroon na ako. Pagpasok ko ng pinto, imbes na ako ang manggulat ay ako ang nagulat sa nakita ko.

Itutuloy. . . . . . . . . . . .


justynstories.blogspot.com

No comments:

Post a Comment