Wednesday, December 26, 2012

Nilimot na Pag-ibig (Finale)

by: iamDaRKDReaMeR

“Alam ko Lee, naririnig mo ko.” Ang pauna kong wika.

“Ano ang feeling mo ngayon na may tao kang nasasaktan? Masaya ka na ba? Pinagmuka mo akong tanga! Alam mong ayaw ko sa lahat ang pag mukhain akong tanga! Pero parang wala lang sa 'yo! Ang linaw ng usapan natin na kung ayaw na natin sabihin lang.  Hindi naman kita tututulan kung may makita kang iba. Pero ang duwag mo!  Hindi mo kayang harapin ang katotohanan! O, sadya talagang wala ka lang pakialam?" may galit sa puso kong wika sa kanya. "Wala ka bang sasabihin? Umurong na ba ang dila mo o nakain na ng BOYFRIEND mo ang dila mo kaya napipi ka na?” dagdag ko pang wika dito.


Gusto kong umiyak ng mga sandaling iyon. Ngunit hindi ko alam kung bakit walang luhang lumalabas sa mga mata ko.  Ang puso ko ay parang pinipirapiraso, masakit ngunit nangingibabaw pa rin dito ang galit. Gusto kong magwala upang mailabas ko ang lahat ng nararamdaman ko. Kung nasa harapan ko lang si Lee malamang nasapak ko na. Sa dinami dami ng taong manloloko sa akin ang taong minahal at pinagkatiwalaan ko pa ang gagawa sa akin nito.

Naghintay ako sa magiging reaksyon ni Lee.  Ngunit ako’y bigo.  Wala akong tugon na nakuha mula sa kanya.  Hindi ko alam kung ano ang tumatakbo sa isip nya sa mga sandaling iyon.

“Ayaw mo talagang magsalita?” ang tanong ko. “Ok fine! Hindi na kita pipilitin at hindi rin kita papipiliin dahil alam ko naman na sya na rin ang pipiliin mo.  Alam kong malayo tayo sa isa’t-isa pero hindi ako nagkulang sa yo.  Hindi ko kinalimutan ang responsibilidad ko sa yo bilang partner mo.  Kahit masakit sa akin tatanggapin ko.  Pero hinding hindi ko makakalimutan ang araw na to. Ang araw na winasak mo ang pagkatao ko! Sana lang hindi danasin ng Boyfriend mo ngayon ang nangyari sa akin at sana hindi mo danasin ang ginawa mo sa akin.” Ang may pait kong wika.

Alam kong sa mga sandaling iyon ay bitter ako.  Dahil sa lahat ng nangyari sa akin. Pilit kong ipinaglalaban ang pagmamahal ko sa kanya ngunit sya pala ang unang bibitiw.  Sya pala ang sisira sa pangako ng pagmamahalan namin.

Wala akong maramdaman ng mga sandaling iyon kundi galit at hinanakit para kay Lee.

“Kaya naman pala hindi mo na suot ang bond ring natin ng nagpunta ka dito.  Kaya pala ang stuffed toys ko ay napako na lang sa walong piraso.  Ngayon Lee tatanungin kita.  Walong buwan mo lang ba akong minahal? Let me rephrase it.  Minahal mo ba talaga ako ng totoo?”

 “Sorry Ron…” ito ang tanging salitang narinig ko mula kay Lee sabay baba nito ng tawag.

Tulala ako ng ibaba ni Lee ang tawag. Hindi ko alam kung ang lahat ng ito ay panaginip lamang.  Pakiramdam ko may mga camera na romorolyo ng mga sandaling iyon tila isang scene sa isang pelikulang drama ang ginagawa sa biglaang pagbagal ng ikot ng aking mundo.

Hindi ko alintana kung may nakarinig sa akin o kung may nakakita. Ang sa akin lang gusto kong mailabas ang lahat ng nararamdaman kong galit at hinanakit sa puntong iyon.

Nasa pagkakatulala ako ng biglang maramdaman kong may tumapik sa balikat ko at ng lingunin ko ay nakita ko si Jane.  Hindi ko namalayan na nasa likuran ko pala ito habang kausap ko si Lee.

“Gusto mong pag-usapan natin?” ang may pag-aalalang tanong ni Jane.

Umiling lang ako tanda na hindi pa ako handang pag-usapan ang nangyari sa akin kani-kanina lang.  Dahil na rin sa bigat ng aking nararamdaman.

Pumasok ako ng kwarto ko na tila lutang.  Walang laman ang isip.  Nakatulala at nakatingin sa kawalan. Sa pagkabigla ko sa kakaibang supresang ibinigay sa akin ni Lee. Surpresang naging dahilan ng pagguho ng buhay ko.

Gusto ko ng ilabas ang lahat ng sama ng loob ko ngunit talagang walang luhang kumakawala sa mga mata ko.  Masakit na ang dibdib ko ngunit parang hindi ko maramdaman ang kirot.  Tila biglang namanhid ang buo kong pagkatao.

May tatlong oras na pala akong nagkukulong sa aking kwarto.  Nag-iisip ng wala namang iniisip.  Nakatingin lang sa mga stuffed toys na binigay sa akin ni Lee.  Sabay titignan ko ang bond ring na suot ko. Nagmistula akong isang salamin na nabasag na hindi na mabubuo pang muli.

Tila napasok ako sa isang dimensyon ng mundo kung saan sabay mong mararamdaman ang pagkalito, sakit, at kakulangan.  Pagkalito dahil pilit kong hinahanapan ng kasagutan ang biglaang pangyayari sa akin.  Sakit dahil akala ko sya na ang taong makakasama ko ngunit hindi pala bagkus sya pala ang taong susugat at magpipirapiraso ng puso ko.  Kakulangan sapagkat nasanay na akong nariyan sya palagi sa tabi ko upang ako ay suportahan at damayan sa mga panahong kailangan ko sya.

Bumalik lang ako sa aking katinuan ng biglang may kumatok.

“Hoy Ron lumabas ka na dyan wag kang magmukmok at wala ka namang mapapala.” Ang sigaw ni Jane.

Wala pa rin ako sa aking katinuan ng binuksan ko ang pinto at agad na bumalik ulit sa kama. 

Pumasok si Jane at lumapit sa akin.

“Ano mag mumukmok ka na lang dyan magdamag? Tumayo ka dyan at pupunta tayo kanila Richard don daw tayo mag didinner.” Ang may awtoridad nitong utos sa akin.

Wala akong nagawa kundi mag ayos at sumama upang makalimot na rin siguro o ayaw ko lang talaga ng kinukulit ako.  Kilala ko s Jane hindi ito titigil hanggat hindi ako mapapasama sa kahit anong lakad nya.

Ganon na nga ang nangyari at dumating kami sa bahay nila Richard.

“Oh bakit parang wala yata sa sarili si Ron?” ang tanong ni Richard.

Si Richard ay isa sa mga barkada namin kalog at makwento.

“Pano nagbreak sila ni Lee.” Ang singit ni Jane.

Nagbigay lang ako ng pilit na ngiti ng marinig ko ang sinabi ni Jane.

Nagkakwentuhan ng konti habang naghihintay na maluto ang pagkain para sa hapunan.

At ng matapos ay agad kaming niyaya ni Richard na magpunta na sa dining area.

Pinilit nila akong kumain kahit wala akong gana. Halos hindi ko nagalaw ang pagkain ko.  Nang matapos na ang lahat ay nagpunta kami ulit sa sala habang nililigpit ni Richard ang pinagkainan namin.  Kwentuhan dito, kwentuhan doon ang ginawa nila habang ako ay lutang pa rin.

Nasa gitna ako ng pag-iisip ng wala namang iniisip at pakikinig ng wala namang naiintindihan ng biglang mag ring ang phone ko.

“Hello…” ang walang buhay kong sagot sa telepono.

“Ron, right?” ang bungad ng tila lasing sa kabilang linya.

“Yes, who is this?” ang takang tanong ko.

“This is Charlie.  The boyfriend of Lyndon.” Ang umalingawngaw sa aking pandinig.

Paksyet talaga! Bakit ba hindi ko natandaan ang number ng taong naging sanhi ng hiwalayan namin ni Lee?  At bakit ba tumawag pa tong ugok na toh? Wala na eh, nasagot ko na pangatawanan na. Ang sabi ng isip ko.

Agad akong tumayo at pumunta ng kusina at doon nakipag usap.

“Hey there! Why did you call? Para ba ipamukha sa akin na ikaw ang pinili ni Lee?” ang sarkastiko ngunit kalmado kong wika dito.

“No, I just called to say sorry sa inasal ko kanina.  I didn’t know na may boyfriend pala si Lyndon ng makilala ko.  All I know is that single sya.  Kasi yun naman ang pakilala nya sa akin.” Ang pagpapaliwanag nito.

“Why are you asking for forgiveness?  Are you the one who made me like a fool?  Isn't it Lee?” Ang malamig kong tugon.

“Ron please, I don’t want to lose Lyndon I love him so much.” Ang tinig nya na may pagmamakaawa.

“I don’t care if you love him or if he loves you. I’m out of his life.  Wala na akong pakialam pa sa kanya.  We’re over!” ang walang emosyon kong wika.

“No Ron.  I know and I can feel na mahal ka pa rin ni Lyndon.” Ang tila mangiyak ngiyak nyang wika.

Tila isang bombang sumabog ang mga salitang aking narinig.  Bumilis ang tibok ng puso ko.  Gusto kong makita at marinig mismo mula kay Lee ang mga sinabi ni Charlie. Bigla rin namang nag react ang isipan ko at tila nagsabi na uulitin lang ni Lee ang ginawa nito sa akin kung sakaling balikan ko ito.  Kaya naman hindi ko na rin alam ang mga sasabihin ko.  Bahala na.

“Wala na akong pakialam.  Hindi ko na sya kayang tanggapin pa.  Matapos ang nangyari kanina?  Kaya kong itapon ang lahat ng nararamdaman ko para sa kanya.  Hindi sya ang tipo ng tao na dapat kong pag-aksayahan ng panahon at pagmamahal.  Maging masaya ka na lang sa kanya.  Or should I say maging masaya na lang kayong dalawa?” ang tila nagpapakatatag kong wika ngunit kung alam kong kung si Lee ang makakausap ko ay bibigay ako at hindi ko masasabi ang mga ito dahil alam kong mahal ko si Lee.

Hindi makasagot ang nasa kabilang linya.  Isang malalim na buntong hininga lamang ang aking narinig.

“Are you drinking?”

“Yes and I am very drunk right now.”

“Well ang galing din no.  Ako na nga ang nagmukhang tanga ako pa tong parang wala lang nangyari samantalang ikaw nagpapakalasing.  Hindi ba  dapat I should be the one who is drinking to death?” ang tila walang pakialam kong wika kung masasaktan man sya o hindi sa mga binibitawan kong salita.

“Ron please I’m begging.” Ang ulit nito.

“I think you are really drunk.  You cannot comprehend what have I told you.” Ang tinig kong may pambubuska. “Ito lang ang masasabi ko sa yo.  Nagawa nya nga akong lokohin kahit umabot na kami ng one year ikaw pa kayang bago pa lang.  Kung ako sa yo I will watch over him.” Ang tila nagsusulsol kong wika sa kanya.

Hindi ulit naka imik si Charlie. 

Sa puntong ito pakiramdam ko ay nanalo ako kahit na sa katotohanan ay talunan ako.  Sa kadahilanang hindi nya masagot ang lahat ng mga salitang ibinabato ko sa kanya.  Isang tagumpay sa laban ng salita ngunit hindi sa laban ng puso.

Nang matapos akong makipag usap kay Charlie ay bumalik ako sa umpukan ng grupo.  Hindi ko alam na naglabas pala si Richard ng inumin.

“Oi Ron dyan ka na pala.” Ang tawag nito sa akin.

“Kanina pa ako dito diba ngayon mo lang ako napansin?” ang pilit kong pagbibiro.

Ngunit kahit anong gawin kong pagkukubli na ok lang ako hindi ito nakakatakas sa mga kaibigan ko.  Kilala talaga nila ako kung kaylan ako masaya at kung kaylan ako malungkot.

“Pwede ba Ron tigilan mo na yang pagpapanggap mo na ok ka.” Ang pambubuko ni Jane.

“Ito ang tagay para mailabas mo na yang nasa loob mo.” Ang sabat ni Roger sabay abot ng baso ng tagay.

Walang pagdadalawang isip ko namang kinuha at tinungga na hindi alintana ang pait ng alak.  Dahil sa totoo lang mas mapait pa ang mga nangyari sa akin sa araw na ito.

Marami kaming naiinom ngunit hindi ko alam kung bakit parang walang epekto ang espiritu ng alak sa akin.  Hindi ako natulungan ng alak mailalabas ang sakit at pait ng nararamdaman ko.

Natapos kaming mag-inuman at nagkaayaan ng umuwi ngunit hindi ko pa rin nakuhang mailabas lahat ng sama ng loob ko. Kung bakit, ito ang hindi ko alam.

Nang makarating kami ng bahay ay agad lang akong dumiretso ng kwarto ko, ni hindi ko na nagawang magpalit at maglinis ng katawan. Ang tanging nasa isip ko lang ay gusto kong magpahinga.  Ipahinga ang utak kong pagod na sa kaiisip ng mga bagay na hindi ko naman mahanapan ng kasagutan.  Ipahinga ang katawan kong pagod  kahit na wala naman akong ginawang mabigat na bagay.  At ipahinga ang puso kong biglang napagod.  Napagod magmahal sa taong hindi naman pala karapatdapat sa pagmamahal ko.

Hindi ko na alam kung paano ako nakatulog ng gabing iyon.  Marahil ay dala na rin ng pagod.  Hindi pisikal na kapaguran bagkus kapagurang emosyonal at isipan.

Pagising ko parang normal na araw lang para sa akin.  Hindi ko alam kung bakit ganon ang naging reaksyon ko ng araw na ito.  Siguro ay tanggap ko ng wala ng Lee sa buhay ni ko.  Tanggap ko na nga ba?  Siguro nga ito na ang tinatawag nilang moving on stage. Am I moving on na nga ba? Pero bakit parang ang bilis naman para sa akin?  Hindi ko na nga ba mahal si Lee?  Ganon ko na nga lang ba itatapon ang pagmamahal ko sa kanya?  Paano nga kaya kung mahal pa ako ni Lee? Paano kung malaman ni Christian ang nangyayari sa akin ngayon?  Paano nga ba ako haharap ng mag-isa sa mga susunod pang mga araw?

Yan ang mga bagay na tumatakbo sa isipan ko ng araw na iyon.  Puro katanungan na hindi ko naman alam ang tamang kasagutan o kung may tamang kasagutan.

Alam kong matatag akong tao pero alam kong darating din ako sa isang realisasyon ng buhay na magiging mahina ako at ito ang hindi ko alam kung kaylan darating at hindi ko nanaising dumating pa.


Minsan sa isang samahan kahit gaano na kayo katagal o kahit gaano na ninyo kakilala ang bawat isa ay may mga bagay pa rin na naililihim.  Walang perpektong tao pagdating sa relasyon pero pwedeng maging totoo naman sa nararamdaman upang maiwasan ang mga hindi  pagkakaunawaan.  Pero heto ako ngayon naharap sa isang biglaang pangyayari ng hindi inaasahan.  Ang masaktan ng taong mahal ko.  Alam kong hindi ako nagkulang ngunit may bagay pa rin na humadlang sa aming samahan na naging dahilan kung bakit nilimot ni Lee ang pag-ibig nya para sa akin.  Kung ano man ang dahilan ni Lee sa pag-iwan sa akin ito ang hindi ko alam.  Ito ang dapat kong alamin.  Ngunit hindi sa panahong ito.  Hindi sa panahong sariwa pa ang sugat na ginawa ng mapaglarong tadhana.  Basta ang alam ko sa sandaling ito ay nabasura ang damdamin ko ng biglaan.

Alam kong hindi magiging madali ang mararanasan ko sa mga susunod na araw ngunit pipilitin kong maging matatag at magpakatatag.  Kahit na bumalik pa sa akin ang mga ANINO NG KAHAPON…

_____


Tatlong araw matapos ang paghihiwlay naming ni Lee.

Nasa kalagitnaan ako ng isang malalim na pag-iisip ng biglang bumalik ang isang alaala sa akin…

"Hijo isa lang ang mahihiling ko sa yo, sana ay wag mong sasaktan ang anak ko dahil mahal na mahal namin yang aming panganay. Makakaasa ba ako?" ang pag-papaalala ng aking ina.

"Opo tita pinapangako ko po." ang tila siguradong sagot ni Lee.

Ito ang araw na ipinangako ni Lee na hindi nya ako sasaktan.  Ito rin ang pangako na kanyang nilimot.

Kahit anong pilit kong kalimutan si Lee may mga bagay na kusang bumabalik sa aking alaala upang hindi makalimutan ang Nilimot Na Pag-ibig…

-----Wakas-----


unspokenwordsofdarkdreamer.blogspot.com

No comments:

Post a Comment