by: iamDaRKDReaMeR
“Love me like the first time again
Let’s pretend that it never gonna end
For one last time
Just hold me in the way
We used to do, you know
Love me like the first time and go…”
(an excerpt from the song Love me like
the first time)
Ito ang linya ng kanta na biglang
pumasok sa aking isipan habang ako ay nasa taxi pauwi ng bahay. At sa pagkakataong ito hindi ko namalayan na
malaya palang umaagos ang luha sa aking mga mata. Ito ang matagal ko ng hinihintay ang lumabas
ang aking sama ng loob. Alam kong sa
paglabas ng mga luha ko ay kaakibat na nito ang magiging bigat ng aking
kalooban sa mga susunod pang mga araw.
At kung kalian ito matatapos iyon ang hindi ko alam.
Pagkadating na pagkadating ko ng bahay
ay agad akong dumiretso sa aking kwarto tila walang pakialam kung may tao sa
sala o wala, basta ang nasa isip ko noon ay gusto ko lang umiyak at
magmukmok. Hindi ko na rin nakuha pang
magpalit muna ng damit.
Ibinagsak ko ang bigat na bigat kong
katawan padapa sa aking kama habang umiiyak.
Ngayon lang lahat sumiksik sa aking
isipan ang mga nangyari noong lumipas na araw.
Ang inaakala kong matatag na ako ay biglang gumuho. Ngayon ko tunay naramdaman ang sakit at pait
ng paghihiwalay namin ni Lee. Ngayon ko
naramdaman na nadurog ang puso ko. Gusto
kong tawagan si Lee upang magmakaawa na bumalik sa akin ngunit wala akong lakas
ng loob.
Ngayon ko rin napatunayan sa aking
sarili na mahal ko pa rin pala ang taong naging sanhi ng aking pighati ngayon.
Nakatulog ako sa ganoong posisyon. Nakadapa habang umiiyak.
Ginising lamang ako ng isang tawag sa
aking telepono.
“Hello Ron musta ka na?” ang masiglang
tinig sa kabilang linya.
“Ok lang ako. Bat ka napatawag?”
“Wala lang miss lang kita. Bakit
parang paos ka yata?” ang may pag-aalalang tanong sa akin.
“Ah… eh… kagigising ko lang kasi kaya
mejo mababa ang boses ko.” Pilit kong pagpapaliwanag dito.
Nang mga oras na iyon gusto ko ng
sabihin kay Christian ang tunay na nangyari kung bakit medyo paos ang boses
ko. Oo si Christian ang tumawag sa
akin. Ang taong nakasama ko ng two weeks
sa exit ko sa Qeshm. Ang taong
nakahulugan ko ng loob. Ang taong laging
nakikinig sa mga problema ko about kay Lee.
Ang taong laging naglalahad ng kanyang damdamin para sa akin kahit hindi
ko kayang ibalik ang nararamdaman nya para sa akin. May panghihinayang ako ng sagutin ko ang
tawag dahil sa aking kalooblooban ay
dinadasal ko na sana si Lee ang nagdial ng number ko upang kausapin ako at
sabihin sa aking gusto nan yang makipagbalikan.
Ngunit ako’y bigo. Bagkus si
Christian ang kausap ko ngayon sa kabilang linya at sa pagkakataong ito gusto
kong sabihin sa kanya na kaya parang paos ang boses ko ay gawa ito ng matinding
pag-iyak dahil wala na kami ni Lee.
Ngunit tila may nakabara sa aking lalamunan hindi ko alam kung paano ko
ito sasabihin sa kanya. Marahil ay dala
na rin ng hiya dahil iniwan ako ng taong mahal ko samantalang sya nariyan lang
naghihintay na mabigyan ng pagkakataon upang mahalin ko. Kaya hinayaan ko na lamang ang aming usapan
sa simpleng kamustahan.
“Basta tol kung kailangan mo ng
makakausap at masasandalan nandito lang ako lagi para sayo alam mo naman na
mahal kita diba.”
Katulad ng dati wala pa ring sawa si
Christian sa paglalahad nya ng damdamin para sa akin ngunit hindi ko talaga
magawang suklian ang kanyang pagmamahal.
Marahil siguro sa kadahilanang ng nakilala ko sya ay may karelasyon ako
at ngayon naman ay basag pa ang pagkatao ko.
Nabasag ng taong lubos kong minahal.
At sa panahong ito hindi ko kayang ibigay ang puso kong basag kahit
kanino.
Nang matapos ang usapan namin ni
Christian ay agad akong nagpalit ng damit at pumunta sa kwarto nila Jane.
“Oh gising ka na pala. Kumain ka na
yung ulam nasa loob ng microwave.” Ang bungad ni Jane sa akin.
Agad akong kumuha ng makakain. Pero kahit anong gawin kong pilit sa sarili
ko hindi ako makakain ng maayos. Sa
kadahilanang paulit ulit ng pumapasok sa isipan ko na wala na kami ni Lee na
kahit kaylan ay hindi na sya magiging akin.
Bagay na lalong nagpapabigat ng aking nararamdaman. Matapos akong kumain at makapag hugas ng
pinagkainan ay bumalik ulit ako sa kwarto ni Jane at naupo sa sofa at nanood ng
tv. Oo nga at nanonood ako ng tv pero sa
totoo lang wala akong naiintindihan sa palabas.
Lutang ang aking isipan ng mga sandaling iyon. Nag-iisip ulit ng pangyayaring naganap sa
akin tatlong araw na ang nakalipas.
“Hoy! Tinatanong kita!” ang sigaw ni
Jane sa akin na syang nakapagpabalik ng katinuan ko.
“Huh? Ano nga yung sabi mo?” ang
naguguluhan kong tugon.
“Ang sabi ko kamusta naman ang
paghahanap mo ng bagong work?”
“Ah… Ok naman pagod sa pagpapasa ng
CV.”
“Ok ka na ba?” ang biglaang tanong ni
Roger.
Hindi ako makasagot ng mga sandaling
iyon. Hindi ko alam paano ko sasagutin
ang isang katanungang biglaang ipinukol sa akin ng hindi ako handa. Isang katanungan na hindi ko rin naman alam
kung may kasagutan. Sa pagkakataong ito,
mahirap sagutin ang napakasimpleng katanungang ibinigay ni Roger.
Habang nag-uusap kami ay tumawag si
Richard kay Roger at nag-aaya ng inuman.
Sakto! Gusto ko pa namang uminom ngayon.
Ang bulong ko sa sarili.
Hinihintay nila Roger ang pagdating ni
Richard at ako naman ay ibinalik ang tuon sa panonood ng tv na kahit wala akong
maintindihan sa palabas. Ang sa akin
lang maiiwas ko lang ang sarili ko sa posibilidad na maitanong ulit sa akin ni
Roger kung ok lang ako.
Ilang sandal pa ay dumating si Richard
may dalang dalawang bote ng alak. Wow!
Mukhang malalasing ako ngayon. Ang tila
uhaw sa alak kong wika sa sarili.
Agad akong tumayo at naghanda ng mga
kakailanganin para sa inuman. Kumuha ako
ng basong tagayan, baso para sa chaser,
at syempre pa inihanda ko rin ang pupulutanin.
Nang makabalik ako ay handa na ang
lahat. Si Richard ang naging tanggero
namin.
Nagkukwentuhan sila habang nag-iinuman
sila samantalang ako nilalasap ang pait at ang mainit na hagod ng alak sa aking
lalamunan. Lutang ang isipan. Ganito ba talaga ang magmahal hindi pwedeng
hindi masaktan? Ang biglang sulpot ng tanong sa aking isipan. Isang katanungan na hirap akong intindihin at
hanapan ng kasagutan. Nasa gitna ako ng
pagmumuni muni ng biglang magtanong si Richard.
“Ron kamusta ka na pala?”
“Ito ok lang ako pagod lagi sa
paghahanap ng work. Ang hirap ng
maghanap ng work ngayon daming kakumpitensya.”
“Eh si Lee hindi na ba talaga tumawag
sa yo?” ito na naman ang tanong na ayaw kong marinig.
“Ah.. eh… ah…” ang hindi ko
madugtungan na sagot.
Hindi ko malaman bakit kailangan pa
bang paulit ulitin ang pesteng tanong na yan.
Alam naman na nila na wala na kami ni Lee. At hindi pa ba obvious sa itsura ko na hindi
pa ako ok.
Pilit kong nilalabanan ang sakit na
aking nararamdaman sa harap ng aking mga kaibigan. Pilit kong pinapatatag ang sarili ko dahil
ayaw kong may masabi sila sa akin na mahina ako. Kaya naman nung medyo tinatamaan na ako ay nakipagkulitan
na lang din ako sa kanila upang ipakita na wala lang sa akin ang nangyari pero
sa totoo lang nagdurugo pa rin ang puso ko.
Hindi ko na namalayan na mauubos na
pala namin ang pangalawang bote na dala ni Richard dala na rin siguro ng may
tama na ako. At idagdag mo pa ang
pakikipagkulitan ko. Kaya naman ng matapos kaming uminom ay niligpit ko na ang
aming pinag-inuman at naglinis na ako ng
katawan upang maghanda sa pagtulog.
Pagtulog nga ba o pag-iisip?
Pagkabalik ko ng kwarto ay agad kong
pinatay ang ilaw at humiga. Maraming
bagay ang tumatakbo sa aking isipan habang ako ay nakahiga. Nariyang iniisip ko na dapat makakita na ako
ng trabaho dahil ayaw ko ng mag exit ulit tapos biglang sisingit ang alaala
naming ni Lee yung mga times na palagi ko syang kasama at yung mga times na
nagkakatampuhan kami but at the end of the day inaayos pa rin namin. Hindi ko mapigilang mapaiyak sa mga
problemang aking kinakaharap. Kung dati
may nakakatulong ako sa aking problema iba na ang sitwasyon ngayon. Ngayon kailangang harapin ko ito ng mag-isa.
Hindi ko namalayan na nakatulog na
pala ako sa kakaisip at sa pag iyak.
Nang biglang mag ring ang
telepono ko. Agad kong kinuha ito upang
tignan kung sino ang tumatawag at sa hindi inaasahang pagkakataon nakita kong
si Charlie ang tumatawag sa akin. Sa dinami rami nga naman talaga ng taong
pwedeng tumawag sa akin bakit sya pa?
Bakit si Charlie pa? Bakit ang taong ipinalit sa akin ni Lee ang
tumatawag sa aking ng dis oras ng gabi.
At ng sagutin ko ang kanyang tawag.
“Kamusta naman ang pagkikita nyo ni
Lyndon? Masaya ba? Katabi mo ba sya ngayon?”
Itutuloy. . . . . . . . . . .
unspokenwordsofdarkdreamer.blogspot.com
No comments:
Post a Comment