by: Justyn Shawn
Ngayong pasado na ako sa trabahong
pinag-aplayan ko, alam kong magiging masaya na rin sa wakas si Zaldy para sa
akin. Alam kong kung saan man siya ngayon ay nakangiti siya, sumasaludo sa
pagharap ko sa katotohanan, sa hamon ng buhay at sa aking pagbabago. Positibo
ang pakiramdam ko na makakatulog na din ako ng payapa, ng magaan ang
pakiramdam, ng walang inaalala; dahil alam ko, ang ginagawa ko ay tama.
Kasabay ng pagbabagong ito, may mga
bagay akong kakalimutan at pilit na kinakalimutan na. May mga bagay na
magbabago at magbabago. Mahirap man, alam kong kaya ko ito. Kakayanin ko.
Masaya kong tinahak ang daan pauwi.
Habang naglalakbay ang mga paa ko ay may napansin akong nakalagay sa isang
istante noong may madaanan akong isang tindahan. Masuyo ko itong tiningnan.
Napangiti akong naalala si Jay. Binili ko ang nakadisplay dito. Alam kong
magugustuhan ito ni Jay. Tuwang tuwa
akong naglalakad pauwi habang bitbit ko ang pasalubong ko sa kanya.
Pagdating ko ng bahay ay naabutan ko
si Jay na seryosong nagluluto ng aming hapunan. Mistulang hindi mo siya
magawang istorbohin sa kanyang ginagawa. Dahan dahan akong lumapit dito upang
hindi niya naramdamang naroon na ako. Ang mukha ko ay halos nakadikit na sa
kanyang kaliwang tenga. "Ano yang niluluto mo?!," pabigla kong sabi
sa kanya.
"Ano ba!!," gulat na wika
nito. Hindi ko alam ngunit may kung
anong saya akong naramdaman ng makita ko syang namumula sa inis ngunit bigla
itong nagsilay ng matamis na ngiti noong ako ang kanyang nakita. "Kung
napaso ako dito, anong gagawin mo?!," tanong niya at nagbalik ulit sa
pagkainis ang kanyang itchura. Hindi ko alam kung nagtatampu-tampuhan lang ito
o sadyang nainis talaga sa ginawa ko.
"Bakit? Napaso ka ba? Hindi naman
ahh."
"Hmp."
"Ang bango ng niluluto mo
ahh. Amoy pa lang alam mo agad na
masarap. S'ya nga pala...,"magiliw
kong pagaalo sa kanya habang pinapaharap dahil nakasambakol pa rin ang kanyang
mukha. "Tsanan!," tila batang nagbigay ng sorpresa sa kanyang
kaibigan ang inasta ko kay Jay. Ang inis
nito ay napawi at napalitan ng saya. Kita ko iyon sa kanyang mga ngiti at mata.
"Wow, favorite ko yan!
Salamat!" ang masiglang wika ni Jay na biglang napayakap sa akin.
Lalong lumawak ang mga ngiti sa aking
mga labi ng makita ko na sobrang saya niya sa simpleng pasalubong kong
munchkins.
"Halata nga sa mga yakap mong
favorite mo yan," pang aaalaska ko pa dito sabay tawa ng malakas.
Hindi ko alam kung bakit ganon na lang
ako sa kanya. Siguro dahil nadala lang ako sa kasiyahang meron ako ngayon. At
ewan ko rin ba, kapag nakikita ko siyang nakangiti, napapangiti na rin ako.
Matapos ni Jay magluto ng hapunan at
ako'y nakapagpalit na din ng pambahay ay kumain na kami. Habang nasa hapag ay
kinuwento ko sa kanya ang nangyari sa aking interbyu at skedyul ng aking
trabaho.
"So, pano pala yun? Hindi pala
magkatugma ang oras natin," may lungkot na boses ni Jay.
"Okay lang yun. Atleast diba may
marangal na akong trabaho ngayon?" Pangungumbinsi ko pa sa kanya.
Panggabi ang oras ng trabaho ko
hanggang alas singko ng madaling araw bilang isang sekyu sa isang kompanya.
Kaya kapag oras ko na ng trabaho, saka pa lang dadating si Jay galing naman sa
kanyang trabaho sa bahay. Kung gising ako, siya naman ang natutulog.
Magkasaliwa ika nga nila.
Naging maayos ang takbo ng trabaho ko
kahit pa man nangangapa pa ako. Mahirap noong una dahil hindi ko pa gamay ang
aking trabaho pati ang oras ng aking pagtulog ay inaadjust ko pa rin dahil
hindi ko nakasanayang gising sa gabi at sa umaga naman tulog. Pero nung naglaon
ay nasasanay na rin ako kahit papaano at hindi naman nagkakaberya.
Halos wala na din akong Jay na
naabutan pag uwi ko sa bahay. At pagmulat ko naman ng aking mga mata ay
nakapasok na ito sa kanyang trabaho. Ngunit ang labis na nakakapagpangiti sa
akin ay sa tuwing paggising ko o pag-uwi ng bahay ay may nakahanda ng pagkain
si Jay para sa akin. Nakakatuwa. Nakakalambot ng puso ang kanyang simpleng
ginagawa para sa akin. Tila may umuusbong na kaligayahan sa aking pagkatao sa
mga simpleng bagay na ipinapakita niya. May kung anong kakaibang dulot ito sa
akin. Matagal na niya itong ginagawa ngunit ngayon ko lang ito napansin. Noong
turuan ko ang aking puso na pakawalan na si Zaldy ng tuluyan.
Minsan pa, naalimpungatan na lang
akong tinatakpan niya ako ng kumot. Marahan niya itong ginawa upang hindi ako
maabala ngunit nagising pa rin ako dahil mababaw pa lang ang tulog ko. Hinawakan
ko siya sa kanyang mga kamay. "Anong ginagawa mo?" tanong ko sa kanya
at nagsilay ng mapanuksong tingin.
"Hoy! wala akong ginagawang
masama ahh. Kinukumutan lang kita."
"Halika nga dito." Hinila ko
ang kanyang mga kamay at ipinahiga sa aking tabi. Tila papalag sana siyang
gawin ko iyon ngunit hindi na niya magawa. Para bang nanlambot siya. "Wala
ka namang pasok bukas diba?,"dagdag ko pa dito habang hindi niya alam ang
kanyang gagawin.
"W-wala. B-bakit?," tanong
niyang halata mong kinakabahan sa susunod na mangyayari.
"Wala din akong pasok. Tabihan mo
ko. Gusto ko may kayakap ee." saad ko dito at umusog ako ng bahagya upang
mabigyan siya ng espasyo upang makahiga. Binuka ko ang aking mga bisig at
tinuro ito na tila nagsasabing doon siya umunan.
"Huh?! A-aahh e-eeh." di mo
alam kung matatae na ewan ang kanyang naging reaksyon. Kinabig ko na ang
kanyang balakang at pinatabi sa akin. Ipinaunan ko ang aking mga bisig sa
kanya. Wala lang siyang kibo habang ginagawa ko iyon. Hinayaan lang niya ako.
Iniusog ko pa siyang palapit sa akin. Nakatalikod siya. Nakayakap ako mula sa
kanyang likuran. Ang bisig ko ang ginawa niyang unan. Maya maya pa ay
nakaramdam ako na tila inaamoy niya ang aking mga braso. Mas hinigpitan ko pa
ang aking pagyakap. Mas pinagdikit ko pa ang aming katawan. Ibayong saya ang
nadarama ko ng mga panahong iyon. Tila may puwang sa aking pagkatao ang napunan
ng tagpong iyon na labis kong pinangungulilaan.
Maya maya pa ay lumingon sa akin si
Jay. Halos magkadikit naman ang aming mukha sa ginawang paglingon niyang iyon.
Halos magkahalikan na kami. Namula siya. Nanlamig akong tila pinasukan ng mga
paruparo ang aking sikmura. Nagkatitigan kami. Tila binabasa kung ano ang nasa
isip ng bawat isa.
Tumalikod ulit siya. Hinawakan ko ang
kanyang mga kamay habang nakayakap ako sa kanya. Pinaglingkis ko ang aming mga
daliri. Ang lamig ng mga iyon. Tila kinakabahan sa bawat kilos na ginagawa ko.
Hindi ko din alam kung bakit ko iyon ginagawa ngunit ang alam ko lang na masaya
ako. Na parang may kulang dito sa puso ko na siya ang nagpuno.
Tumingin muli sa akin si Jay. Tila may
kung ano sa mga titig niyang iyon. "Kala ko ba matutulog ka?" Tanong
niya sa akin. Ngumiti siya ngunit may kakaiba pa rin sa kanyang mga ngiti.
Parang may mabigat na problema itong dinadala. Siguro ay hindi lang siya sanay
na ganun ang mga kinikilos ko dahil nakakapanibago talaga sadya. Maski ako,
hindi ko din alam.
"Eto na nga ee. Matutulog na.
Basta 'wag mo kong iwan ha," tila isang bata na pinagalitan dahil may
nagawang mali ang pagtugon kong iyon. Bago pa man ako pumikit ay hinalikan ko
ang kanyang ulo. Nagsilay ng isang matamis na ngiti at natulog na ng mahimbing.
Masarap ang tulog kong kayakap ko si
Jay. Mahimbing pa rin itong natutulog sa aking bisig. Ang maamo niyang mukha ay
kay sarap tingnan. Mistula siyang anghel sa aking harapan. Kahit pa man manhid
ang aking kamay dahil sa pagkakapatong ng ulo niya dito, parang balewala iyon
sa mga nakikita ko. Ngayon lang ulit ako nakaramdam ng ganito. Ngayon ko lang
ulit naramdamang ngumiti sa paggising sa umaga. Ngayon lang ulit ako naging
inspired na harapin ang buong araw...dahil kay Jay.
Marahan kong inalis ang aking kamay sa
pagkakahiga niya dito upang hindi siya magising. Dahan dahan din akong
bumangon. Tiningnan ko muli siya. Malalim pa rin ang kanyang buntong hininga.
Tulog pa rin siya.
Naisipan kong magluto ng agahan namin
ni Jay. Nagmumog muna ako at naghilamos at dumeretso na sa kusina. Nagkakape
ako habang nagluluto. Habang nagluluto, may naisip akong gawin. Agad naman
akong pumunta ng banyo at inayos ito. Nakangiti. Masaya. Magaan ang pakiramdam.
Matapos kong magluto ay inihanda ko na
ito, inilagay ko sa isang tray upang dalhin kay Jay. Pumitas pa ako ng bulaklak
sa labas at inilagay ko ito katabi ng plato. Sinarapan ko talaga ang
pagkakaluto ko. Pati ang paghahanda nito ay pinag-igihan ko talaga. Para sa
kanya.
Inilagay ko muna ang dala kong tray ng
pagkain sa isang lamesitang nasa tabi ng higaan. Marahan akong umupo sa tabi ni
Jay upang hindi siya magising. Tinitigan ko ang mala-anghel niyang mukha.
Napangiti ako. Kinakabahan ngunit nilakasan ko ang loob kong halikan siya sa
kanyang pisngi. Tila isa akong bulateng
binuhusan ng asin dahil sa takot na mahuli niyang hinahalikan ko siya. Parang
may kung anong nag-uunahan dito sa puso ko noong mailapat na sa kanyang pisngi
ang mga labi ko. Napangiti ako.
"Inlove na nga ba ako?,"
tanong ko sa sarili na tila naguguluhan pa rin sa mga ikinikilos. Noong mga nakaraang
buwan, hindi lumilipas ang oras at araw na hindi ko siya naiisip. At kapag
pumapasok na siya sa utak ko, napapangiti na lang ako bigla. Ganado lagi ako sa
ginagawa ko dahil gusto kong magpa impress sa kanya, na gusto kong makita niya
ang mga pagbabago kong iyon dahil sa kanya, dahil gusto ko matuwa siya at
mapasaya.
Hinaplos ko ang kanyang mukha.
Napakaganda talaga nitong tingnan. Ang kanyang mga kilay na tila hinabi ng
isang magaling na iskultor na tumerno naman sa mapipilantik nitong mga
pilikmata. Ngunit kinuha ang atensyon ko ng kanyang mga mapupulang labi. Tila
nagsasabing ilapat ko ang mga labi ko dito. Unti-unti kong inilapit ang mukha ko sa kanya. Ilang pulgada lang at
matitikman ko na ang kanyang mapang-akit na labi.
Biglang iminulat niya ang kanyang mga
mata. Kinabahan ako bigla. Aligaga at hindi alam ang gagawin.
"Ahh..ehhh...," sabi ko sa kanya. Napakamot ako sa aking ulo na tila
binabalakubak. Umatras akong bahagya dahil sa pagkapahiya. Kinakabahan.
Napatingin ako sa tray na dala ko kanina. "...ahmmn...gigisingin sana kita
kaso, nagising ka bigla," pagpapalusot ko pa. Ngumiti ako. Kinuskos niya
ang kanyang mga mata gamit ang kanyang kamay. Nag-inat-inat.
"Good Morning," dagdag ko
pang bati sa kanya. Ngumiti siya. Napangiti ako. Kinuha ko ang tray na
nakapatong sa lamesa at umupo sa tabi niya.
"Ano yan? Wala naman akong sakit
ah. Pwede naman tayong kumain sa lamesa. Bakit dito pa sa higaan?" takang
tanong niya. "..at bakit may bulaklak?"dagdag pa niya.
Hindi ko alam ang isasagot. Tila umurong
ang aking dila sa mga tanong niya. Nalungkot ako bigla dahil hindi ko
inaasahang hindi niya magugustuhan ang inihanda ko para sa kanya. Kamot na
naman ako sa aking ulo. Nagsilay ng pilit na ngiti. "Breakfast in bed
sana. Kaso ayaw mo naman ata. Ihahanda ko na lang ito sa baba." Naglakad
na ako palabas ng kwarto upang tunguhin ang kusina at iayos muli ang nakahain
sa tray.
"Jose...," pagtawag niya sa
pangalan ko. Lumingon ako. Itinaas ang kilay na tila nagtatanong kung ano iyon.
Nakita ko siyang bumangon. Umupo sa
gilid ng higaan. Tumingin sa akin ng may pagtataka. "Bakit mo 'to
ginagawa."
Hindi na naman ako makasagot. Tahimik.
"Hindi ko alam."
Tahimik.
"Basta ang alam ko lang...masaya
ako kapag kasama kita. Masaya ako kapag nakikita ka. Napapangiti ako sa t'wing
nakikita kang ngumingiti. Kahit isipin lang kita gumagaan na pakiramdam
ko," pagpapahayag ko sa aking nararamdaman.
Tahimik.
Napaisip ako. Ilang taon ko na nga ba
kasama si Jay? Ilang taon na ring sweet siya sa akin? Ilang taon na ring hindi
ko napapansin ang kanyang presenya? Ilang taon na ring iniignora ko ang kanyang
nararamdaman?
Ganito pala ang pakiramdam ng
binabalewala. Masakit ngunit kailangan mo itong tanggapin dahil ito din naman
ang kukumpleto sa araw mo; ito ang nakakapagpasaya sayo. Kailangang lakasan mo
ang loob mo para maipadama din sa kanya ang nararamdaman mo. Kailangang
desidido ka at matyaga upang hindi ka panghinaan kung sakaling hindi pansinin
ang mga ginagawa mo para sa kanya. Kailangan mong maging matatag dahil hindi
porke't may gusto ka, makukuha mo ito. Hindi lang pala puro saya, mababalutan
ka rin pala ng kalungkutan.
Ngumiti siya. Napangiti din ako. Alam
kong bago ito sa kanya. Ngunit sana hayaan niya akong ipakita kung ano man ang
nararamdaman ko ngayon.
"Talaga lang ha. Halika nga dito.
Akin na na yang dala mo. Nagugutom na 'ko ee."
Lumapit agad ako. Umupo sa tabi niya
at ibinigay ang tray ng pagkain. Nginitian ko siya ng matamis. Ngumiti din siya
ngunit kita ko sa kanyang mga mata na may tinatago siya sa likod ng mga ngiting
iyon. Hindi ko na lang ito pinag ukulan pa ng panahon dahil gusto ko sulitin
ang weekends namin. Minsan lang kaming magkita kahit pa man sa iisang bahay
lang ang tinutuluyan namin. Gusto ko sulitin ang bawat oras na magkasama kami.
Ngayon pa at alam kong may nabubuo nang puwang dito sa puso ko para sa kanya.
Gusto kong ipakita iyon. Gusto kong ipadama.
"Gusto mong subuan kita?"
magiliw kong tanong sa kanya.
"Wag na. Ano ka ba. May kamay
naman ako no."
Tumitig ako sa kanya. Nakipag titigan
siya. Malamlam ang kanyang mga mata. Parang may kung ano dito. Tila
nagpapasahan at nagbabasahan kami ng mensahe sa bawat isa. Hindi ako nagpatalo
lalo pa't ang mga mata ko ang pang-akit ko. Kumurap siya at namula. Inalis ang
kanyang pagkakatitig sa akin. Yumuko. Ngumiti ako. Hindi siya makapagsalita.
Parang may bumara sa kanyang lalamunan. Kita kong lumunok siya ng sarili niyang
laway. Hinawakan ko ang kayang mga kamay. Hinanap ko ang kanyang mga mata upang
tingnan muli ito.
"Subuan na kasi kita.
Please..," pang-aamo ko pa dito upang mapapayag ko siya. Tumango siya.
Hindi siya makatingin sa akin ng
deretso habang sinusubuan ko siya. Tinititigan ko pa rin sya habang ginagawa ko
iyon. "Bakit ka ganyan kumain? Hindi kaya mabilaukan ka nyan sa ginagawa
mo?" Pansin kong binibilisan niya ang pagnguya upang maubos na at makaiwas
na siya. Ngunit hindi iyon mangyayari. May plano pa ako para sa araw na 'to.
Sinubuan ko ulit siya. May amos sa kanyang bibig. Tinanggal ko ito ng aking mga
kamay. Napatingin siya sa ginawa ko. Tila hindi alam ang gagawin.
"uhuhh uhuhhh...Wait lang. CR
muna ako," nabibilaukang paalam niya sakin. Bumaba na siya at nagtungo sa
banyo. Maya-maya pa... "Joseeeeeeeeeeeeeeeeee!..," tawag niya sa
pangalan ko.
Itutuloy. . . . . . . . . . . .
justynstories.blogspot.com
No comments:
Post a Comment