Wednesday, December 26, 2012

Piso (05)

by: Justyn Shawn

Natulala ako kung sino ang nakita ko. Hindi ko akalaing makikita ko siyang muli. Biglang bumuhos ang mga luha ko sa galak. “Salamat…salamat at nagbalik ka.” Hindi ko na pinulot ang piso bagkus ay niyakap ko siya ng pagkahigpit higpit. Dinama ko ang init ng kanyang katawan sa pagkakayakap kong iyon. Pinakiramdaman ko ang tibok ng kanyang puso.

Tumingin akong deretso sa kanyang mga mata. Ganun pa rin tulad ng dati. Andon pa rin ang kislap nito. Andon pa rin ang nakakapanghipnotismo niyang mga titig. Sinampal sampal ko pa ang sarili ko kung totoo nga ba ang nakikita ko. Pumikit pikit pa ako baka dala lang ito ng puyat at nananaghinip lang ako ng gising na andiyan nga siya. Na nayakap ko siya at kaharap. Pero totoo…si Zaldy nga ang nasa harap ko. Buhay na buhay. Napakasigla nitong tingnan. Andon pa rin ang kanyang angking kakisigan na talaga namang nakakahalina. Napaka gwapo pa rin niyang tingnan sa pagdadala ng damit. Nakakabighani.

Nabuhayan ako ng loob. Ang gaan gaan ng pakiramdam ko noong mga panahong iyon. Para akong nasa ibang dimension ng mundo. Napakasaya. Parang akin ang mundo. Umiikot batay sa kung ano mang gustuhin ko. Masarap sa pakiramdam.


Tinitigan ko siya sa kanyang mga mata. Hinawakan ko ang magkabila niyang panga. Sinuri ang bawat parte ng kanyang mukha. Mula dulo ng kanyang buhok hanggang sa kanyang baba. Animoy kinakabisado ang bawat detalye nito. Napakasarap ng pakiramdam habang pinagmamasdan ko siya. “Ikaw nga! Ikaw nga!..hindi nga ako nanaghinip.” Ulit ko pa sa sarili ko habang nasa harapan ko lang si Zaldy. Halos sumabog na ang puso ko sa galak. Miss na miss ko na siya.



Inilapit ko ang aking mukha at nagtangkang halikan siya. Nag-isa ang aming mga labi. Banayad ang naging paggalaw ko sa halik na iyon. Ninanamnam ko ang bawat galaw ng aming mga dila. Ang sarap sa pakiramdam na malasap muli ang kanyang mga labi. Ilang minuto ang tinagal nito. Niyakap ko siyang muli ng pagkahigpit-higpit. Parang ayaw ko na siyang pakawalan sa higpit ng pagkakayakap ko dito. Ngunit ako din mismo ang bumitiw sa aking pagkakayakap upang muling masilayan ang kanyang mukha. Hindi ako magsasawang tingnan ito lalo pa't kay tagal kong inaasamasam na makita ko siyang muli; mayakap, makausap at iparamdam sa kanya ang aking pagmamahal.

Habang titig pa rin ako sa kanyang mga matang nakakapanghipnotismo ay nagsilay siya ng isang napakagandang ngiti. Hindi talaga ako makapaniwalang nasa harapan ko nga si Zaldy. Hinawakan niya ako sa aking mga kamay. Gusto niyang maglakad lakad kami dahil hinila niya iyon. Nagpatangay na lang ako kung saan man niya ako gustong dalhin. Napakasaya ko noong mga panahong iyon. Walang pagsidlan ang aking kaligayahan na makasama muli ang taong labis na minamahal.

Habang naglalakad kami ay may kakaiba akong napansin. Tila wala ni isang tao akong nakikita sa bawat parte ng bayan na aming dinaraanan. Tanging ang kalikasan lang ang naging saksi sa aming paglalakbay patungo sa kung saan. May pailan-ilan akong naririnig na huni ng ibon at tahol ng aso ngunit hindi ko makita ang pinagmulan. Gusto kong ipagmalaki sa mundo na kasama ko ang aking minamahal ngunit walang ni isa akong masumpungan. Hindi ko na lang din ito pinag-ukulan pa ng pansin dahil gusto ko ding suliting kasama si Zaldy sa bawat minutong daraan. Siguro'y pati ang mga tao doon ay nakikiayon din sa amin; na masolo ko siya; na wala ni sinuman ang makakastorbo sa aming dalawa.

Ilang minuto pa kaming naglalakad. Hindi pa rin kami humihinto. Para itong isang lakbayin na kung saan hindi matapos tapos ang iyong dinaraanan.Siguro gusto din ni Zaldyng makapiling ako ng mas matagal; nang kaming dalawa lang; nang walang storbo. Ninanamnam ko lang ang sarap ng pakiramdam habang hawak niya ang aking kamay habang naglalakad. Hindi mawala ang mga ngiti sa aking mukha sa sobrang tuwang nararamdaman. Tinitingnan ko pa siyang maigi habang sentro naman ang kanyang atensyon sa aming pupuntahan. Ewan ko ba pero ang alam ko lang ay masaya akong andito siyang muli, na kasama ko, na hawak ko ang kanyang kamay. Kahit ni isang salita mula sa kangyang mga labi ay wala pa akong narinig ngunit masaya pa rin ako. Ang presensya pa lang niya, sapat na upang mapaligaya niya ako ng lubusan. Hindi ko napansing nasa ilog na kami kung saan kami unang nag-kita, kung saan pinagtapat namin ang aming pagmamahalan, kung saan nabuo ang lahat. Hindi ko napansing dito pala niya ako dadalhin dahil sentro lang ang buo kong atensyon sa kanya; sa ligayang nadarama dahil nandito siyang muli.

Kay sarap namnamin ng simoy ng hangin at paminsan minsan pa'y dumadampi sa iyong mga balat. Ang lagaslas ng ilog ay parang musikang napakasarap pakinggan. Napakasarap sa pakiramdam dinagdagan nito ang naguumapaw na kaligayahang kanina ko pa nararamdaman.

Dinala niya ako kung saan nakita ko siyang naka upo noon. Duon kung saan niya pinalambot ang aking puso. Duon kung saan pinalawak niya ang aking pag-iisip sa mga bagay bagay sa mundo; sa mga pagharap sa mga hamon na kaakibat ng ating buhay. Duon kung saan nasilayan ko ang kagandahan ng kalikasan, ng mundo at ng buhay. duon kung saan nakilala ko ang taong nagpabago sa akin; ang taong iniibig ko ng walang hanggan. Doon kami naupo. Ibayong saya pa rin ang aking nadarama kahit pa man may lungkot ang ala-alang iniwan sa akin ng ilong na iyon. Nanaig pa rin dito ang kaligayahan dahil dito ko siya lubusang nakilala. nakausap at minahal.

Bumitiw siya sa kanyang pagkakahawak sa akin. Tiningnan akong nagsusumamo ang kanyang mga mata. Parang napakarami niyang bagay na gusto niyang sabihin ngunit hindi niya isinasatinig. Nakatingin lang siya sa akin.

"Kumusta?"magiliw kong pagbasag sa katahimikang pumapagitna sa aming dalawa. Tila isa naman iyong gong na pumukaw sa kanyang atensyon dahil nakatuon lang siya sa ganda ng kalikasan at sa ilog kung saan kami naroon. Ngunit noong ibinaling naman niya ang kanyang tingin sa akin ay may kung anong lungkot sa kanyang mukha ang aking nasilayan.

"Okay naman ako. Eto payapa. Ikaw?" sa kanyang naging tugon sa akin ay tila may tumama sa aking masakit na bagay. Tila baga binuhusan niya ako ng malamig na tubig. Napabalikwas ang aking buong katauhan sa katotohanang hindi ako panatag sa aking buhay ngayon. Ni minsan ba nakatulog ako ng mahimbing? Nang walang inaalala? Nang hindi nangangamba para sa aking bukas? Hindi ko rin masagot ang mga tanong na nabuo sa kanyang mga itinuran sa akin. Napatahimik na lang ako. Napansin naman niya iyon dahil sa pagbitiw ko ng buntong hininga at pagtingin sa kawalan.

"Alam kong mahirap ang pinagdadaanan mo ngayon at alam kong kelangan mo ng karamay kaya nandito ako. Alam ko rin na hindi mo matanto kung bakit ganito na lang ang buhay mo ngayon pero gusto ko lang malaman mo na laging may karamay tayo sa lahat ng pinagdaraanan natin. Tumawag ka lang sa kanya. Andito lang ako, nandyan lang lagi Siya." Pagkasabi niyang iyon ay agad naman siyang ngumiti. Hinawakan niya ang aking mga kamay na nakapatong sa aking mga binti.

"Bitawan mo na ang nakaraan Jose. Huwag mong hayaang walang matira sayo; sa pagkatao mo. Huwag mong hayaang kainin ka ng galit at pagsisisi na pilit na lumalamon sa buo mong katauhan." mahinahong dagdag pa niyang sabi sa akin.

Napaluha na lang ako sa kanyang mga sinabi. Sa mga araw na hindi ko siya kapiling ay para akong walang buhay; walang dereksyon at walang nararamdaman. Para akong napilayan; parang may isang parte sa akin ang nawala. Hindi kompleto at walang patutunguhan ang buhay.

Noong una kaming magkita ay kay rami niyang itinuro sa akin. Isa na doon ang pagiging matatag sa mga hamon ng buhay. Ngunit heto ako’t bumabalik na naman sa dati; walang tiwala sa sarili, walang pagpupursige, walang pagsisikap, duwag, mahina. Poot at pagsisisi ang pilit na lumalamon sa buo kong katauhan. Wala akong magawa kundi ang magpatangay na lang dito dahil naduduwag ako, duwag ako. Duwag ako dahil mahina ako. Mahina ako dahil wala akong tiwala sa sarili. Wala akong tiwala sa sarili dahil hindi ko alam ang dapat gawin.

“Sabi ko naman sa’yo diba, huwag mong aralin ang buhay. Dahil hindi ito proseso ng paglikha kundi isa itong proseso ng pagtuklas. Napakasarap mabuhay sa mundo na payapa ka, nang hindi iniintindi ang mga bagay na mangyayari. Magtiwala ka lang sa Kanya na ang lahat ng bagay ang may dahilan.” Sambit ni Zaldy habang hawak pa rin niya ang aking mga kamay. Kanina’y siya ang napansin kong walang imik ngunit ako naman ito ngayong parang binusalan sa bibig at di makapagsalita. Tanging buntong hininga na lang ang nagagawa ko dahil sa kurot sa puso ko na dulot ng kanyang mga sinasabi sa akin.

Lumuluha lang ako habang nakikinig sa kanya. Lahat ng mga katagang binibitawan niya ay tumatagos talaga sa akin. "Sorry Zaldy. Simula nung iniwan mo ako, para akong napilayan. Sunod sunod na ang kamalasan na dumarating sa akin. Hindi ako makagalaw. Hindi ko alam ang gagawin."sabi ko sa kanyang tuloy pa rin ang aking paghikbi. "Ang sakit sakit kasi eh. Ayaw kong mawala ka. Ayaw ko ulit na mawala ka. Dito ka lang ha." dagdag ko pa sa kanya kasabay ng pagkakayakap ko.

"Alam mong hindi ang tadhana ang may kasalanan doon. Mas pinili mong mapilayan ka kesa labanan ang mga pagsubok na dumarating sa iyo. Lagi lang akong andito para sa iyo. May mga bagay lang talagang masakit para sa atin, na feeling natin hindi natin kaya pero kaya natin ito. Diba hindi naman Siya nagbibigay ng hindi natin kaya? Oo nasaktan ka, nasasaktan ka dahil may buhay ka. Pero wag mong hayaang lamumin ka ng sakit na nararamdaman mo. Gamitin mo ang sakit na na iyan para mas maging matatag." makabuluhang sabi niya sa akin. patuloy lang akong nakikinig sa kanya habang pinagmamasdan siya. Naalala ko nung unang beses na kami ay narito sa ilog na ito. Ganon na ganon ang nararamdaman ko. Malungkot ngunit masaya, dahil andyan siya.

"May mga bagay talaga na kailangan lumayo. Kahit pilitin pa man nating pigilan ang paglisan nito, hindi natin iyon magagawa ngunit kailangan nating bitiwan ang mga bagay na mahal natin dahil ito ang dapat nating gawin. Mahirap...masakit...ngunit makakaya din natin ito. Ang buhay ay gaya nitong ilog. Maganda...maaliwalas...patuloy na umaagos. Ngunit sadyang may mga pagsubok din itong nakaakibat. Gaya ng ating buhay, darating din sa puntong may dadaang bagyo sa ilog, ang maganda at maaliwalas na tubig nito ay didilim din..masisira. Ngunit sana, gaya ng ilog na ito, patuloy ka pa rin sanang maging matatag sa bagyong darating sa iyong buhay at patuloy na umaagos gaya ng ilog." Pagkatapos niyang sabihin iyon ay ngumiti siya. Niyakap niya ako. Dama ko ang init ng kanyang pagmamahal sa yakap niyang iyon. Hinahaplos pa niya ang aking likuran upang mapatahan ako sa aking pag-iyak.

Nalinawan ako sa kanyang mga sinabi. Napatahan akong niyayakap ko siya ng mahigpit. Ilang minuto pa ay bumitiw na siya sa pagkakayakap sa akin at binigyan niya ako ng isang napakatamis na halik sa aking labi. Kay sarap namnamin noon pauli-ulit ngunit bigla siyang tumayo. "Naalala mo ito?" tanong niya sa akin matapos niya dumukot sa kanyang bulsa at inilabas ang piso at ipinakita sa akin. Kay sarap pamasdan ng kanyang mga ngiti habang ginagawa niya iyon. "Oo naman, hindi ko makakalimutan iyang piso na iyan. Isa iyan sa mga bagay na malaking epekto sa aking buhay."

"O pano? Magdadramahan na naman ba tayo o maglalaro tayo nitong piso?"

"Maglalaro!"masigla kong tugon sa kanya. "Teka teka, di ba tayo muna maghuhubad? Wala tayong dalang pamalit"dagdag ko pa. Tinining nan ko siyang seryoso at may pilyong ngiti.

"Maghuhubad?"

"Dali naaaa!"agad kong sambit sa kanya. Nagsimula na siyang tanggalin ang kanyang pang-itaas ngunit lumapit ako't pinigilan ko ito. Ako mismo ang dahan-dahang nag-alis ng kanyang saplot habang ngumingiting nakatitig sa kanya. Maharan kong ginawa iyon. Matapos kong mahubad lahat ng kanyang saplot ay gayon din ang kanyang ginawa sa akin.

Niyakap ko siya pagkatapos at hinalikang muli. Matagal. "Mahal na mahal kita."bolong ko sa kanyang tenga matapos ang masuyo kong mga halik.

"Ano to? Maglalaro ba tayo o hindi?"tanong niya sa akin habang ang mga mata nito'y parang may ibang ibig ipahiwatig.

"Game!" pagputol ko sa kanyang iniisip. Tumawa akong malakas. "Hagis mo na!"dagdag ko pa dito.

"Walang dayaan ha"

"Oo naman."

Inihagis niya ang piso na kanina pang nasa kanyang palad. Matapos noon ay sabay kaming lumundag at sumisid sa ilog upang hanapin ang pisong kanyang inihagis. Napakasarap sa pakiramdam noon. Parang bagong ako muli ang nararamdaman ko. Malaya. Masaya. Panatag.

Sisid kong hanap ang piso. Masigla, masaya ko iyong ginawa. Agad ko naman iyong nakita dahil sa kislap nito. Pagkapulot ko niyon ay umahon ako sa tubig at masayang ibinalita ito kay Zaldy na nahanap ko na iyon. Nakangiti pa ako sa pagkakaahon ko habang hinahanap siya. Ngunit wala akong makitang Zaldy sa paligid. Biglang hinahon ng tubig na parang ako lang doong mag-isa.

Bigla naman akong nalungkot. Nag-alala. Hinanap ko siya at sumisid muli upang siya naman ang hanapin. Baka pinagtataguan lang niya ako. Ngunit ilang minuto pa ang nagdaan ay wala akong Zaldyng nakita sa paghahanap ko. Bumalot ang kaba na aking nararamdaman. "Zaldyyyyyyyyyyyyyy!!!!."pagsigaw ko pa sa kanyang pangalan.

Itutuloy. . . . . . . . . . . .


justynstories.blogspot.com

No comments:

Post a Comment