Wednesday, December 26, 2012

Dream On (01)

by: Justyn Shawn

“Ramil!!!!!...”tawag sa akin ng aking tiyahin na kala mo ay nasusunog na ang bahay. Na halos umabot na ang boses sa kabilang kalye kung makasigaw.

“Bumangon ka na dyan. Tanghali na nakahilata ka pa rin. Mag-igib ka na ng tubig at wala na namang laman ang drum. Pagkatapos mo mag-igib, mag luto ka na at ng may malamon naman tayo at maglinis ka na rin ng bahay. Tingnan mo oh para ng basurahan itong bahay natin. Nakakahiya kapag may bisitang dumating. Hindi lang yung puro ka lang tunganga. Walang silbi. Bilis. Bangon na.” mahabang litanya sa akin ng aking tiyahin.

Nakasanayan ko na rin ito. Halos-araw araw kasing ang mala-armalite na bunganga ng aking tiyahin ang nagsilbi kong alarm clock sa aking paggising. Pasok sa kabilang tenga at labas naman sa kabila ang lahat ng kanyang sinasabi dahil alam ko sa sarili ko na wala ring patutunguhan kung didibdibin ko ang kanyang mga sinasabi at sasagot pa dito. Ako lang ang lugi. Kaya ang seste eh sunod na lang at nang hindi mapagalitan.


“Kung di lang sana….”usal ko.

“Ano kamo?”

“A, wala ho”.

Nag-inat-inat ako ng konti at kuskos ng aking mutaing mga mata ang una kong ginawa. Naghilamos at pumunta na sa labas bitbit ang galong kumikintab na sa lumot para makapag-igib.

Matiyaga akong naghihintay sa mahabang pila sa gripo. Tanging ang barangay lang ata namin ang may gripo ng masa kung saan mas mabilis pa ang patak ng ihi ko.  Pero wala akong choice. Kelangan kong hintaying matapos ang lahat ng nakapilang nauna sakin sa pag-igib bago makasahod, dahil kung hindi, tiyak na tatadtarin na naman ako ng bala ng tiyahin ko. Bala ng kanyang bunganga.

Pagdating ko sa bahay saka ko palang narinig ang iyakan ng mga alaga ko sa tiyan. Kaya nagmadali na akong mag-luto at maglinis upang malamnan na ang nag-aalburuto kong alaga sa tiyan at nang makapapag handa na sa pagpasok sa eskwelahan.

 “Sa wakas malalagyan ko na rin ng laman ang nagmumura kong sikmura” takbo ng isip ko habang minamadali ang ginagawa upang matapos na ito.

“Natapos din!” singhal ko.

Pumunta ako sa hapag upang makakain na. Tanging pritong tuyo ang aming ulam na nakahain sa hapag. Minsan, kapag masarap ang ulam, inaasahan ko ng wala na akong maaabutan. Kung may matira man sigurado, nakatago na ito. Kaya kapag ganon, kape na lang ang tanging almusal ko bago pumasok sa eskwela.

Nakakain na ako ng natirang tuyo. (Buti na lang at may tinira pa.) Pumunta ako sa may lababo upang magsipilyo. Hanap ko ang bagong bili pa lang na toothpaste ng aking tiya upang makapagsipilyo. Wala.

“Asa ka pa nga ba ako dun. Tsk”singhal ng aking utak. Alam ko naman na may tago factor ang aking tiyahin kaya tiis na lang ako sa asin upang ipangkuskos sa aking ngipin.

Natapos na din akong maghanda para makapasok ng maaga upang hindi mahuli sa pagpasok. Lakad ko lamang itong tinungo.

Habang binabaktas ang daan papuntang eskwelahan, may napansin akong isang matandang himatay sa paglalakad patawid sa kalsada. Nakakapanglumong makita na sa dami ng dumaraan dito ay wala man lang ni isang tumulong. Kaya, kahit na nagmamadali ako sa aking pagpasok ay inalalayan ko ang ale sa pagtayo at upang itawid na rin siya sa daan kung saan sana tutungo.

Pagkatapos ko siyang itawid sa kalsada ay binigyan ko siya nang makakain galing sa konti kong ipon sa pagtitinda. Magiliw naman niyang tinanggap ang ibinigay ko sa kanya. Pansin ko ilang araw na itong walang kain dahil halos mabilaukan na siya sa sabay-sabay na pagsubo ng pansit at tinapay na aking binili. Napag-alaman ko rin na ang ale ang ilang araw ng hindi kumakain at ni hindi man lang mapupuntahan. May hinahanap daw ang ale. At hindi na rin ako nag-atubiling usisain pa ang kanyang hinahanap dahil sobrang late na ako sa klase ko. Kaya nag-apura na akong magpaalam sa kanya at sinabihang mag-iingat.

 Takbo-lakad-takbo kong tinungo ang aming eskwelahan. Di naman ito masyadong malayo sa aking tinutuluyan kung saan ako pumapasok at wala din naman akong pamasahe upang sumakay pa ng padyak sa ganitong panahon na nagmamadali ako.

“Mr. Matienzo! Anong petsa na? Ano na namang nangyari sayo? Himala atang late ka ngayon?” usal sa akin ng aking guro.

“At ikaw din Mr. Berjuega! Buti naman at naisipan mo pang pumasok?” Di ko namalayan na may tao pala sa aking likuran ng mga panahong iyon dahil sa pagkataranta ko kung ano ang aking gagawin at hinahabol ko pa ang aking hininga dahil sa pagmamadali ko kanina.

Ha? Mr. Berjuega? Nasa likuran ko?isip ko lang. Nadagdagan ang aking kaba nang malaman na ang hinahangaan ng lahat dahil sa katalinuhan, angking kagwapuhan at tikas ng katawan, dagdagan pa ng isa itong varsity player ngunit suplado at tinagurian ding bugoy ng eskwelahan ay nasa likuran ko lang.

Ewan ko ba sa mga panahong iyon kung ano ang nangyayari sa akin. Hindi ko rin alam. Para akong estatwang tuod at nakatayo lamang at hindi gumagalaw.

 “Di dahil pinapayagan ko kayong umabsent at wala nga sa grading system ko ang attendance, hindi nangangahulugan yun na lagi na lang kayong wala sa klase ko. Buti na lang kamo at magagaling kayong dalwa sa klase ko, kung hindi. Naku! Ibabagsak ko talaga kayo!” saad sa amin ng aming guro.

Sanay na si Rolly sa pagtanggap ng mga guro nito sa kanya sa tuwing siya ay papasok dahil lagi nga itong late o kung minsan ay talagang absent pa. Pero kahit na ganun ay may lakas ng loob pa rin siyang lumiban o tumakas sa klase dahil may katalinuhan din naman itong taglay. Nakita ko na lang siyang lumampas sa akin at walang kaabas-abas na tinungo ang kanyang silya at umupo ng nakadekwatro.

“O anong tinatayo tayo mo pa dyan?”

“P-pasensya na po sir. Di na po mauulit.” Paumanhin ko naman habang kamot ang aking ulo na kala mo’y binabalakubak. Buti na lang kamo sadyang mabait ang aking guro kung hindi panigurado akong maaapektuhan ang grades ko pati na ang pinaghirapan kong scholarship.

“Class. This is my grading system. 10% recitation, 40% exams at 50% sa quizzes. Wala akong pakialam sa attendance ninyo at hindi din ako nagchecheck ng notebooks at nagpapagawa ng assignments at project gaya ng ibang mga guro dahil hindi iyon ang aking sukatan kung may natutunan ka sa klase ko o wala. Kaya siguraduhin ninyo na papasa kayo sa lahat ng quizzes at exams na ibibigay ko dahil iyon lang ang tanging batayan ko sa pag compute ng grades. At dahil ito lang ang batayan ko, asahan ninyong hindi magiging madali lahat ng pagsusulit na ibibigay ko sa inyo.” Alala kong sabi niya noong unang klase.

Noong una natakot ako sa kanya dahil sa tingin ko terror siya gaya ng mga matatandang guro sa aming eskwelahan. Pero sadyang iba lang talaga ang gamit niyang strategy sa pagtuturo. Isa pa, walang masyadong gastusin dahil wala itong projects na ibinibigay. Tanging recitation, quizzes at exam lang talaga ang batayan nya sa kanyang pagkocompute ng grades. At ito naman ang nagustuhan ko. Dahil kung nagkataon, mahihirapan na naman ako kung saan ko hahagilapin ang ipanggagastos ko sa aking project.

Nagtuloy na sa pagtuturo ang aming guro.

Habang papalapit ako sa aking silya ay kinakabahan na naman ako dahil dadaanan ko kung saan si Rolly nakaupo. Yumuko na lang ako habang tinutungo ang aking pupuntahan. Hanggang sa natabig ko ang kanyang paa na nakadekwatro.

“S-sorry.”kinakabahan kong turan sa kanya.

Hindi sya umimik o nagalit sa tagpong iyon. At yun naman ang laking pinagtakhan ko. Suplado kasi ito at hindi mo makakausap ng matino kung walang konekta sa laro o babae ang pag-uusapan. Galit din ito sa bakla. Kaya laking kaba ko ng masagi ko ang kanyang paa dahil baka paglabas ko ng aming silid aralan ay balikan ako nito.

“Sorry ulit” sabi ko na halata ang kaba sa aking boses.

Wala man lang akong nakitang reaksyon sa kanyang mga mata. Hindi sya sumagot. Nananatili sa kanyang mukha ang blangkong ekspresyon habang nakikinig sa pagtuturo ng aming guro. At iyon ang dahilan kung bakit ako kinakabahan ng sobra.

May nabalitaan kasi akong binalikan nila ang isang estudyante noong mapagtripan nila itong bugbugin dahil lang sa natabig siya nito. Binugbog nila ng barkada nya ang nasabing estudyante at pinagbantaan. Napagalaman ko din na ang estudyanteng iyon ay lumipat na ng eskwelahan dahil na rin sa nangyari. Kaya naman labis labis ang kaba ko sa nangyari.

Umupo na ako sa aking silya kung saan nasa harapan ko lamang siya. Nakinig na ako sa kung ano man ang aming leksyon sa araw na iyon. Pero walang pumapasok sa kokote ko dahil ang tanging nasaisip ko kung ano ang mangyayari sa akin paglabas ko sa silid na iyon. Kinakabahan ako.

Maya-maya pa ay lumingon sa akin si Rolly.

“Mag-usap tayo mamaya”

Itutuloy. . . . . . . . . .


justynstories.blogspot.com

No comments:

Post a Comment