by: Justyn Shawn
Dobleng kaba ang naramdaman ko noong
sabihin sa akin ni Rolly na kailangan niya akong makausap. Nang mag-isa, malayo
at hindi matao, nang kaming dalawa lang.
Hinanda ko na lang ang sarili ko sa
kung ano man ang mangyayari mamaya pagkatapos ng aming klase. Balisa ako’t
nangangatog ang tuhod. Halos mahimatay ako sa tindi ng kaba kung ano ang
pag-uusapan namin. Namumutla at nanginginig sa takot. Takot dahil alam kong
wala itong pinapalampas kahit na sa simpleng sagi lang sa kanya. Lagi kasi
itong mainitin ang ulo kaya naman sa ibang bagay niya ito binabaling. Ang
panggugulpi o di kaya naman ay tumakas sa klase upang mag-inom kasama ang mga
basagulero nitong barkada.
Alam ko sa sarili ko na iba siya sa
kanyang mga barkada. Ewan ko ba kung ako lang nakakapansin o kung bakit sa
kabila ng kanyang pilyo at bruskong ugali ay humahanga pa rin ako dito.
Nag ring na ang bell hudyat ng
pagtatapos ng klase. At hudyat din ng pagsisimula ng aming usapan. Usapan na sa
tingin ko ay wala akong ligtas at hindi uuwi ng bahay na walang latay sa
katawan.
Dali-dali siyang tumayo bitbit ang
kanyang bag at lumingon sa kanyang likuran kung saan ako nakaupo. Para naman
akong bibitayin sa mga panahong iyon. Kulang na lang ay mawala ako sa aking
kinauupuan. Masasabi ko rin kung ang tingin lang ay nakamamatay, paniguradong
kanina pa ako sinundo ni San Pedro dahil sa kanyang nanlilisik na tingin.
Tingin na alam mong walang papalampasin.
Hablot ang aking kaliwang kamay at
lumabas ng silid aralan. Halos maputol na ang aking kamay sa higpit ng
pagkakahawak niya dito. Pumunta kami sa likod ng eskwelahan kung saan walang
katao-tao dahil walang naglalagi dito.
“Eto na ‘to. Bahala na.” saad ng aking
isip at napabuntong hininga na lang sa sobrang kabang nararamdaman.
“Alam mo naman siguro kung ano ang
parusang ginagawa ko sa mga tulad mong tatanga-tanga. Kala ko pa naman matalino
ka? Bakit hindi mo ginamit iyang kokote mo ha?”may galit na tono sa aking sabi
ni Rolly na kala mo ay kakain na ng tao.
“P-pasensya k-ka n-na t-talaga.
H-hindi k-ko t-talaga s-sinasadya.” Nauutal at nanginginig kong pakiusap sa
kanya.
“Di mo talaga ginagamit ang utak mo
no? Alam mo namang hindi ako tumataggap ng sorry diba?” may galit na turan niya
sa akin.
Nakita kong tinikom niya ang kanyang
palad upang ihanda ang kanyang kamay sa pagsapak sa aking mukha sa mga
sandaling iyon. Pumikit na lang ako sa sobrang kaba. Alam ko din naman na kung
lalaban ako dito ay wala talaga akong magagawa dahil mas malaki sya sa akin,
mas may katawan, at isama mo pa ang mga barkada niyang mga basagolero sa
eskwelahan. Kaya wala talaga akong laban. Hinanda ko na lang ang aking mukha at
katawan sa matatanggap kong sapak galing sa kanyang mga kamao . Dahil kung
manlalaban lang ako, paniguradong babalikan lang niya ako at baka hindi na ako
sikatan ng araw.
Di ko na alam ang nangyari pagkatapos
kong pumikit. Dahan dahan kong minulat ang aking mga mata. Nandoon pa rin ako
sa lugar kung saan ako kinastigo ni Rolly. Nahimatay pala ako.
“A-aaahh” usal ko na lamang sa sakit
ng katawan habang tumatayo.
Magtatakipsilim na iyon at ako’y tiyak
na pagagalitan ng aking tiyahin sa aking pag-uwi. Naglakad ako palabas ng
eskwelahan at binaktas ko ang daan patungong bahay. Nadaan ako sa isang
nakapark na motorsiklo at doon nanalamin. Kitang-kita ko ang pasa sa aking mata
at dumudugong gilid ng aking labi. Masakit ang katawan. Tulo ang aking luha sa
pag-iisip kung bakit ba sa akin nangyayari ito. Di naman ito ang ginusto kong
buhay. Nais ko lang na mamuhay ng tahimik. Wala naman akong ginagawang masama
at ayaw na ayaw ko ng gulo pero eto ako ngayon naglalakad ng mag-isa at
katatapos lang bugbugin ng walang kalaban-laban. Walang kakampi at walang masasandalan.
Pagdating ko ng bahay ay nabungaran ko
ang aking tiyo at tiya na daig pa ang sawa kung makalingkis sa isa’t isa.
Nilingon lang nila akong mabilis na pumasok sa aking kwarto para di na ako
ratratin ng tanong at magisa sa sermon.
“Ramil. Bakit ka may pasa? Kelan ka pa
natutong makipagbasag-ulo ha? Ehh kung namatay ka? Gastos na naman. Buti sana
kung itatapon ka lang sa ilog. Halos wala na nga tayong makain ohh nakuha mo
pang makipagbasag ulo. Ang mahal mahal na ngayon ng pagpapalibing buti sana kung
aabot iyon sa abuloy sayo kung may mag-abuloy man. Palamunin na nga, wala pang
silbi! Buti pa nga ang baboy kapag namatay kikita ka pa, ehh sayo?! Perwisyo!
Hala! Bilisan mo na dyan at hinihintay ka na ni Aleng Lita” mahabang lintanya
sa akin ng aking tiyahin.
Masakit isipin na sa ganitong
kalagayan ko ay hindi ko man lang sa kanila naramdamang isa akong kasapi sa
pamilya o kadugo. Na mas iniintindi pa ang pera kesa kung ano ang nararamdaman
ko. Mas mabuti pa nga siguro ang katulong. May sweldo na, pinapakain pa ng tama
ng kanilang amo. Pero ako, heto’t nagpapakahirap at nakikitungo sa amo kong
walang puso.
Binilisan ko na lang ang aking
pagbibihis habang parang pinipiga ang aking puso’t pinipigilang umiyak. Hindi
ko na makuhang umiyak sa lahat ng nararanasan ko. Sawa na ako. Pagod na ako.
Ubos na yata ang luha ko. Nagpapakatatag ako sa lahat ng pagsubok na aking
kinakaharap dahil sa tingin ko hindi solusyon ang umiyak.
Pagkatapos ko magbihis ay pumunta na
ako kay Aling Lita kung saan ko inuupahan ang stroller ng tokneneng, kikiam,
fishball at palamig na aking nilalako sa tabi ng plaza kung saan maraming tao.
Habang naghihintay ng bibili at
nanunood sa mga nagdaraan sa plaza ay narinig ko ang isang himig na hindi
nakaligtas sa aking pandinig.
Biglang tumulo ang aking luha at
nagbalik ang ala-alang kanina lamang nangyari. Naisip ko kung ganito din kaya
ang buhay ko kung buhay pa ang mga magulang ko. Kung hindi lang sana sila
namatay, hindi sana ako nagkakandahirap sa pakikitungo sa aking tiyuhin at tiyahin;
di sana’y nakakapag-aral ako ng maayos; di sana’y may sumusuporta sa aking
pag-aaral at hindi nahihirapan ng ganito; di ko na sana kailangan ang maglako
at mamuhunan ng dugo at pawis sa pagtitinda upang tustusan ang aking pag-aaral.
Hindi sana ako nahihirapan ng ganito.
Ganito ba talaga ang gusto ng maykapal
na pagsubok na ibigay sa akin? O kung pagsubok nga ba itong matatawag o parusa.
Alam ko naman na wala akong ginagawang masama kundi ang magsumikap upang
makatapos sa pag-aaral at umahon sa buhay ko ngayon. Pero bakit ganito? Alam ko
may plano sya para sa akin, upang subukin ako; upang maging matatag; upang
magsumikap. Hindi ko na alam ang dahilan Niya kung bakit ganito na lang kahirap
ang pagsubok na ibinibigay niya sa akin. Ngunit may tiwala pa rin akong lahat
ng ito ay may dahilan. Hindi ko man alam pero Siya na lang ang matatawag kong
meron ako. Siya lang ang nasasandalan ko kung may mabigat akong dinadala. Siya
lang ang tanging naging sumbungan ko sa lahat ng problema.
Pagkatapos ng kanta, pinunas ko ang
aking luha na minsan ko lang ilabas. Nakakagaan pala ng pakiramdam na minsan
ilabas mo ang lahat ng pait at bigat na meron ka sa iyong puso. Napabuntong
hininga na ako at inayos ang sarili.
“Kuya, limang tokneneng nga..” saad sa
akin ng isang babaeng bumili. Bakas sa kanyang mukha ang pagtatakang reaksyon
ng makita niya akong may pasa ako’t namumugtong ang mga mata.
Binigay ko sa kanya ang kanyang binili
at kasabay nito ang pag-abot ng kanyang bayad.
“O-okay ka lang ba?” tanong niya sa
akin. Di ko mapigilan ang aking sarili na manggilid na naman ang luha sa aking
mga mata. Buti pa ang hindi ko kakilala, Tinatanong ako kung okay lang ako,
kung ano ba ang nararamdaman ko, kung may problema ba ako.
“S-salamat. Okay lang ako.” Sabi ko sa
kanyang malat ang boses.
Pagkatapos ilang oras pang pagtitinda
sa plaza ay naisipan ko nang umuwi dahil halos wala ng tao sa plaza at gabi na.
Tulak ko ang stoller ng aking mga
paninda ng madaan ako sa isang waiting shed. Nakita ko dun ang isang pamilyar
na taong nakahiga dito. “Ano kaya ang ginagawa nya dito? Bakit pa sya nandito?”
saad ng aking isip. Nag-aatubi man akong puntahan, nilapitan ko pa rin ito.
“O-kay ka lang?”
Itutuloy. . . . . . . . . .
justynstories.blogspot.com
No comments:
Post a Comment