Wednesday, December 26, 2012

Dream On (03)

by: Justyn Shawn

Nag aalangan ako kaninang lapitan ang matanda dahil may napansin akong isang lalaki na kanina pa siya pinagmamasdan sa di kalayuan. “Ahh, baka isa lang siyang mabait na taong nag-aaalala sa kalagayan” sabi ng isip ko. “Baka naman isang adik na may gustong gawing masama sa matanda.” saad naman ng kabilang isip ko. Di ko maaninag ang kanyang itsura ngunit sa tingin ko ay parang binabantayan niya ang matanda. Hindi ko tuloy maiwasang mag-isip kung bakit naman nya binabantayan ito? Para kanino? Para saan?  O kung binabantayan nga ba ito o may masamang binabalak. Pero bakit sa pulubing matanda pa siya magbabalak ng masama ganung wala naman itong makukuha sa kanya.

Tiningnan ko agad kung saan ko kanina nakita ang lalaki ngunit bigong mahagilap ng aking mga mata ang lalaki na kanina ay nasa di kalayuan lamang, nagmamatyag at nagbabantay.


Pungas ang mata niya at inaaninag kung sino ang nagsasalita. Masuri niya akong tiningnan at noong makilala na nya ako ay ngumiti ito’t nagpasalamat.

“Salamat. Okay lang ako hijo. Ikaw? Anong nangyari sayo bakit ka may pasa?” saad sa akin ng matanda nang may pag-aalala sa kanyang boses.

“A-ahh. Wala po ito. Wag nyo na po akong alalahanin. Okay lang po ako.” Saad ko sa kanya.

“Kalala po ninyo yung lalaking kanina pa po sa inyo nakatingin? Para po kasing may binabalak po na masama sa iyo kaya nilapitan na po kita at upang ibigay na rin po itong konting natira galing sa aking panindang tokneneng at fish ball para po makain ninyo kesa naman mapanis lang. Alam ko po kasing hindi ka pa po kumakain. At simula po ngayon, dadalhan na po kita ng pagkain kapag meron ako.”turan ko dito ng may pagtataka.

“Salamat” saad nya.

Inabot ko sa kanya ang pagkaing dala ko at agad naman niya itong itinabi. Sa kanyang ginawa, hindi ko maiwasang magtaka dahil alam ko namang pulibi sya at sigurado akong gutom sya pero hindi niya ito kinain agad bagkus ay tinabi lang nya ang bigay kong pagkain.

“A-ah. T-tinabi ko muna. Bukas ko na lang kakainin. Binigyan kasi ako ng lalaki na nagdaan dito kanina ng tinapay at tubig kaya busog na ako. Siya yata yung nakita mong parang nagmamasid sa akin.” garalgal na boses ng matanda na para bang kinakabahan at di sugurado sa kanyang mga sinasabi noong makita niyang pinagtakhan ko ang kanyang ginawa.

“A-ahh kaya pala.” Sabi ko na lang dito.

“Ano nga po ulit ang pangalan nyo?” dagdag ko pa dito. Dahil hanggang sa ngayon ay hindi ko pa rin kilala ang matanda at kung makaasta naman ako ay parang close na close na ako dito. Sa totoo lang kasi naaawa talaga ako dito simula pa lang noong makita ko itong tumawid sa kalsada at nahimatay nang wala man lang ni isang tumulong sa kanya. Awa dahil alam ko ang pakiramdam ng nag-iisa at walang malalapitan sa ganoong kalagayan. Kahit na sabihing may tiyahin, tiyuhin at tirahan ako, hindi ko pa rin mahanap ang pagmamahal na matagal ko nang kinauulilaan. Alam kong hindi lang tirahan at pagkain ang gusto ng matanda kundi ang mabahagian din ng pagmamahal gaya ko.

“Hijo, tawagin mo na lang akong Alissa. Lola Alissa”saad naman sa akin nito.

“Salamat din hijo sa pag-aalala mo sa akin. Di ko akalain na may tao pang katulad mo na handang tumulong sa katulad kong matanda na at pulubi nang walang hinihinging kapalit. Alam ko pagpapalain ka balang araw sa mga ginagawa mo. Masipag ka, matulungin, maalalahanin at mapagmahal na bata. Mahirap man ang kalagayan mo, nakuha mo pa ring tumulong sa gaya ko. Naalala mo rin ako sa kabila ng mga dinadala mo sa buhay. At kahit na pagod na pagod ka, hindi ka nanginimbing magreklamo sa kabila nang dalahin mo sa buhay. Salamat” dagdag nito ng sa akin na nagpakurot naman ng aking puso. Wala naman talaga akong hinihinging kapalit sa pagtulong ko sa matanda.

Bigla na lang niya akong niyakap nang makita niyang may namumuong luha na sa aking mga mata dahil sa mga sinabi niya sa akin. Hagod sa aking dibdib ang kayang mga sinabi. Niyakap niya ako ng mahigpit. Dama ko ang init ng kanyang mga balat sa pagkakayakap sa akin. Hindi din naman ako nangiming yakapin din sya pabalik dahil dama ko ang pagmamahal sa kanyang mga yakap.  Pagmamahal ng isang magulang na hinahanap ko matagal na.

“Anak, pagpatuloy mo lang ang kung ano mang hangarin ang meron ka. Alam ko pagpapalain ka ng maykapal dahil busilak ang iyong kalooban.” Bigkas sa akin ng matanda habang hinahagod ang aking likod.

“S-salamat. Hayaan mo lola lagi na akong pupunta dito para dalhan ka ng makakain. Pagpasensyahan nyo na po kasi hindi naman po ako mayaman kaya sana po mapagtiisan na po ninyo kung ano mang maiabot ko.”sabi ko dito ng may pag-aatubili. Pagaatubili dahil alam ko din sa sarili ko na wala akong pera para sa pagpapakain ng matanda pero heto ako’t nangako pa na dadalhan siya araw-araw. Naisip ko din kung paano ko siya aabutan ganung wala din naman ako. Pero alam ko na kahit ganun, kahit konti man, may maiaabot pa rin ako dito.

“Salamat ng marami hijo.”sabi sa akin ng matanda.

“Oh sya uuwi na po ako ng bahay at gabing gabi na po. May pasok pa po ako bukas at kelangan ko pang mag-aral.”sabi ko sa kanya.

Pagkatapos kong magpaalam sa matanda ay tumayo na ako at tinulak ang stroller ng aking paninda papunta sa bahay ni Aling Lita. Nasa akin ang susi ng kanilang garahean. Ibinigay sa akin ito ni Aling Lita dahil kelangan ko pa itong ipasok sa loob dahil baka mawala kung sa labas ko lang ito ilalagay. Pagkapasok ko ng stroller ng aking mga paninda ay agad naman akong naglakad.  Mag-aala una na din noon ng madaling araw kayat binilisan ko na ang paglalakad pauwi.

“Naku, tatanghaliin na naman ako nito bukas at tiyak raratratin na naman ako ng mala armalite na bunganga ng aking tiyahin” singhal ng aking isip.

Pagkadating ko ng bahay ay agad kong itinabi sa ilalim ng aking damitan ang naging benta ko sa gabing iyon at ang iba naman na renta na inuupahan ko ay itinabi ko na rin upang idaan bukas kay aling Lita bago pumasok sa eskwela. Agad akong sumampa sa aking higaan at nagbasa ng aking aralin. Di ko na namalayan na nakatulog na pala ako.

Alas singko na naman ng umaga at gaya ng dati, ang bunganga ng aking tiyahin ang nagsilbi kong alarm clock sa paggising. Inaantok pa man at bumangon na ako sa aking higaan at nagsimulang gawin ang mga gawain na nakatoka na sa akin.

Pagkatapos kumain ay palihim naman akong naglagay ng kanin at tuyo na natira kanina sa aming agahan para ibigay sa matanda mamaya pagdaan ko papasok ng klase.

Dinaan ko na din kay Aling Lita ang napagkasunduan naming renta sa pagtitinda. Kanya lahat ng gamit at ititinda ko at sya din ang namumuhunan pero hati kami sa magiging tubo ng aking paninda at ibabawas naman sa kita ang puhunan niya rito.

Pumasok na ako sa eskwelahan.

Hindi ko nakita si Rolly sa aming eskwelahan. “Sabagay, lagi naman yun sa second class na pumapasok ehh.” sabi ng isip ko. “ Minsan nga hindi talaga pumapasok.” Sabi naman ng kabilang isip ko.

Napabuntong hininga na lang ako sabay sabing “ Haaay. Salamat”. Baka kung anon a naman kasi ang pumasok sa kokoti nun at masapak na naman ako. Buti na lang at hindi pumasok.

“Class, this coming Friday I want you to settle your account for graduation fee.” pasimula ng aming Class Adviser.

“Ah..ahh” pikit-matang naibulalas ko. Bayaran na naman. Buti na lang at may ipon ako pero kulang na kulang pa rin iyon pangbayad sa graduation fee.

Natapos ang dalwa pang sumunod na klase. Oras na ng pananghalian. Nag kanya-kanya naman ang iba kong mga kaklase. May pumunta sa Jolibbe, Max’s at ang iba naman ay sa kalapit na kinagigiliwang restaurant. Di ko alam kung saan ko palilipasin ang dumadagundong kong bituka. Di ako kumain dahil iniipon ko ang pera ko pangbayad sa graduation fee.

Napagdisisyunan ko na lang na pumunta sa library upang palipasin ang nangangasim kong sikmura.

Naglakad ako papuntang library. Nakayuko at para bang tamlay na tamlay. Hindi ko alam ang nararamdaman ko noong mga panahong iyon. Masakit ang ulo sa bayarin. Masakit ang tiyan sa gutom. Hilo.

Papasok na ako sa library at nagkataon naman na palabas pala si Rolly galing doon. Hindi ko sya napansin. Nabundol ko sya. “Patay” naibubulas ng aking isip. Ngayon hindi lang sakit ng ulo at tyan ang abot ko dito kundi pati sakit ng katawan. Kinakabahan ako. Patay na naman ako dito. “Tatanga-tanga kasi ehh. Hindi ka na nadala. Hindi mo tinitingnan ang dinadaanan mo!” sisi ko sa aking sarili.

Nanginginig ako at nangangatog ang tuhod. Hindi sa gutom kundi sa kaba.

Laking taka ko na lang na hindi galit ang nakita ako kay Rolly. Parang awa na ewan hindi ko maintindihan. Tumingin ito sa akin at ngumiti na para bang nakakaloko at tuloy na lumabas ng library.

Napabuntong hininga na lang ako at tuloy na pumasok sa library.

Hindi pa rin mawaglit sa aking isipan ang tinuran ni Rolly kanina. “Sya ba yun? Ano kaya ang nakain noon? Buti naman at good mood ata ang loko”. sabi ng ko sa aking sarili.

Pagkatapos ng aming klase ay agad akong umuwi upang magbihis para pumunta naman kay Aling Lita upang kunin ang stroller ng aking paninda.

Habang nakatigil sa gilid ng basketball court samu’t saring mga bagay ang lumalambitin sa aking utak.

Ano kaya ang buhay ko kung buhay pa ang aking mga magulang. Ganito pa rin ba kaya? Kung isa kaya akong mayaman, magiging matatag ba ako, magsasakripisyo, maghihirap at matututong lumaban? Bakit ganito na lang ang nararamdaman ko kay Rolly sa kabila ng mga ginawa nya sa akin? Makakahanap kaya ako ng lalaking magmamahal sa akin ng tapat at tatanggap sa aking pagkatao? Hanggang kalian nga ba ako maghihintay?

Di ko na namalayan na gabi na pala kaya’t umuwi na ako. Dinaanan ko muna ang matanda at binigyan ng makakain at nagpasalamat naman siya rito. Sabi nya sa akin na hindi ko naman daw kailangang gawin ang mga bagay na iyon dahil nakita na daw nya ang kanyang hinahanap at sabing hindi na daw siya magtatagal duon. Hindi na din ako nag-atubiling tanungin kung ano ba ang kanyang hinahanap dahil alam ko naman nab aka isang kamag-anak lang niya iyon na matagal na niyang hinahanap kaya siya nagpalabuylaboy na lang dito. Gumaan naman ang loob ko dahil sa wakas ay magiging maayos na din ang kanyang buhay sa piling ng kanyang kapamilya.

Nagpaalam na ako rito. At tumuloy na sa paglalakad pauwi.

Mabilis akong nakatulog at di ko namalayang umaga na naman.

Pritong itlog, tinapa na may kamatis , sinangag at umuusok na kape ang aking nabungaran sa hapag kainan. “Himala! Masarap ata ang almusal. Ano kaya ang meron?” nagtataang wika ng aking isip. Dati-rati kasi’y tanging mainit na kape lamang ang gumuguhit sa tiyan ko tuwing umaga.

“Kain na Ramil baka maubusan ka kung titingnan mo lang yang almusal” aya ng aking tiyuhin na hindi alam kung paano pagkakasyahin ang pagkain sa namumuwalang bibig.

“Nanalo kasi ang tiya mo sa jueteng kahapon.” Dugtong pa sa akin nito sabay kindat.

Magrereact sana ako ngunit nakita kong simbilis ng kidlat ang ginawang pagtapik sa balikat ng aking tiya sa tiyuhin ko.

“Paano ba yan? Hindi ka yata makakaungot ng pambayad para sa graduation fee mo.Pagkakataon mo n asana pero mukhang mamalasin ka ata sa kakuriputan ng tiya mo. Alalahanin mo, sa isang lingo na ang deadline ng bayaran!” sabi ko sa aking sarili.

Sa School. Hindi ko maiwasang mag-alala kung saan ko pupulutin ang pambayad sa grad fee at iba pang requirements upang maka graduate ako. Tuliro. Paikot-ikot ang mata kasabay ng pag-ikot ng aking sikmura. “Ayan ka na naman Ramil. Tiniis mo na namang hindi mananghalian. Aba hindi ka pa nakaakyat sa entablado, embalido na iyang katawan mo.” Singhal sa akin ng aking utak.

“Mr. Matienza…?”Pukaw sa akin n gaming guro.

“Wala akong pera!” Bigla kong naibullyaw nang wala sa loob.

Gulat na napako ang tingin sa akin ng aking mga kaklase. Hindi malaman kung matutuwa o maiinis. Parang drama lang sa teatro. Naka-freeze ang lahat.

“Anong problema mo Mr. Ramil Matienzo?” sabi sa akin n gaming guro nang makabawi sa kabiglaan.

Hindi ko malaman kung ano ang aking sasabihin at gagawin. Bigla akong tumakbo palabas ng silid at nagpatianod sa pagraragasa ng aking mga paa.

Namalayan ko na lang ang aking sarili na nagmamakaawa kay Aling Lita. Isang bultong sermon at reklamo muna ang pinalamon sa akin ng matanda bago ako pinahiram ng pera.

“Maraming salamat po Aling Lita. Awasin na lamang po ninyo sa upa ko sa pagtitinda ang ibabayad ko.” sabi ko dito nang hindi nawawala ng ngiti sa kaligayahan na aking nadama.

Pagdating ko ng bahay ay itinago ko sa ilalim ng aking damitan  ang perang nahiram ko dagdag sa aking ipon. Daragdagan ko na lang iyon upang makompleto ang pambayad sa graduation fee. Bahala na kung saan ko kukunin ang pandagdag. Ang mahalaga ay may inisyal na akong pambayad.

Pumunta  ako sa burol sa likod ng aming bahay at nagpasalamat sa panginoon sa kabila ng lahat habang nanunood ng mga bituin sa kalangitan. Napakaganda ng tanawin na iyon habang nakahiga sa damuhan. Walang problemang naiisip. Puno ng pangarap. Puno ng pasasalamat. Puno ng saya ang aking nararamdaman. Titig sa mga bituin sa langit na para bang nananalangin at nagsusumamo. Kinakausap ang mga tala sa langit. Bakas sa aking mga mata ang pag-asang makakaahon at matanggap ng lipunan. Mahimbing na akong nakatulog na dala-dala ang aking mga pangarap. Pagkakataon sa aking buhay na nararamdaman kong ako ay ligtas, payapa at may kakampi.

“Ramil?” tawag sa akin ng isang lalaki. Di ko maaninag ang kanyang hitsura kung sino sya. Habang papalapit siya sa akin ay pabilis nang pabilis naman ang tibok ng aking puso.

“Bat ka nandito? Anong ginagawa mo dito?tanong ko sa kanya ng makita ko kung sino sya.

Tumakbo ito sa akin at niyakap ako. Ang init ng kanyang mga yakap. “Anong ginagawa mo?”tanong ko dito nang may pagtataka sa kanyang ginawa.

“Sorry sa lahat. Sorry talaga.”sabi niya sa akin na bakas ang pagsusumamo sa kanyang mga mata. Hindi ako umimik o nagsalita. Nanatili akong nakatayo habang niyayakap niya ako. “Hindi ko alam pero ito ang nararamdaman ko. Sana may pag-asa ako sayo. Mahal na mahal kita”usal sa akin nito sabay kabig ng aking mga bibig.

Itutuloy. . . . . . . . . .


justynstories.blogspot.com

No comments:

Post a Comment