Tuesday, December 25, 2012

Bittersweet (03)

by: Zildjian

Kinagabihan ay pumasok si Andy sa trabaho. Hindi na siya nakatulog dahil sa biglaang pagbisita ng makukulit niyang mga kaibigan.

Hanggang sa trabaho ay hindi pa rin niya maiwasang hindi maisip ang mga nangyaring usapan kanina sa kanyang apartment.  Hindi pa rin siya makapaniwala sa nalamang ikakasal na ang taong ilang gabi pa lang ang nakakaraan ay nakatalik pa niya.


Mukhang tama nga ang naging desisyon kong itigil na ang kahibangan ko. Usal niya sa kanyang sarili. Ngayon, may dahilan na ako para manindigan sa naging desisyon ko.

Ipinagpasalamat niya na handa siyang suportahan ng kanyang mga kaibigan. Kahit makukulit at magugulo ang mga iyon, hindi naman niya maitatanggi na mababait at maasahang tao ang napili niyang pakisamahan at pakibagayan.

“Ang lalim naman yata ng iniisip mo.” Pukaw sa kanya ng kanyang katrabahong si Nelson.

Wala pang gaanong tao sa loob ng bar sa araw na iyon kaya naman hindi pa sila gaanong abala.

“Akala mo lang iyon.” Nakangisi naman niyang tugon dito.

“Kunyari ka pa. Kanina ka pa nakatulala diyan eh. Ano ba ang iniisip mo? Kahalayan siguro iyan noh?’

“Oo, iinisip ko kung ano ang hitsura mo kapag wala kang kahit na anong suot.” Pagsakay naman niya sa kapraningan ng kanyang katrabaho na nilakipan pa niya ng pagtaas baba ng kanyang kilay.

“Pinagnanasaan mo pala ako. Huwag gano’n, madali pa naman akong pumatol sa mga taong nagnanasa sa akin.” Ngingisi-ngisi naman nitong tugon.

“Saang banda ang kanasa-nasa sa’yo?”

“Aba, huwag mo akong hahamakin. Ang katawan ko ang klase ng katawan na hindi kayang matanggihan ng kahit na sino.” Ang nagyayabang naman nitong wika.

“Kaya pala.” Tatango-tango niyang wika. “Kaya pala palagi kang basted sa mga nililigawan mo dahil sa masyadong ‘irresistible’ mong alindog.”

Nagkatawanan na lamang sila. Normal na sa kanila ang mga ganitong klaseng biruan lalo na kung wala silang gaanong costumer. Natigil lamang ang kulitan nila nang may isang grupo ng costumers na pumasok.

Unti-unti nang nagkakalaman ang bar na pinagta-trabahuan ni Andy habang lumalalim ang gabi at nagsisimula na rin siyang maging abala sa paglikha ng mga inumin.

Ilang saglit pa ay isang grupo pa ang pumasok sa naturang bar na iyon at kasama roon ang taong kagabi lang ay naging costumer niya at iyon ay walang iba kung hindi ang talipandas na napakasungit na dati na niyang hinangaan.

Kita niyang sa kanyang direksyon napatingin ang mga ito. Agad naman siyang nagbawi ng tingin at nagkunwaring hindi napansin ang mga ito lalo na ang lalaking nagpakulo ng kanyang dugo kagabi lang. Ang sumunod na nangyari ay nasa harapan na niya ang mga ito at inukupahan na ang mga bar chair sa kanyang harapan.

“Oh, ano ang masarap na inumin dito Nhad?” Wika ng isa sa mga ito na ang tinutukoy ay ang lalaking dati niya nang hinahangaan.

“Lahat ng gawa niya masarap.”

Gusto man niyang matuwa dahil muli, narinig na naman niya ang papuring laging binibigay nito noon sa mga inuming gawa niya ay hindi niya magawa.  Sapagkat wala sa ekspresyon ng mukha nito ang ngiting palagi na niyang nakikita dito noon.

BInalingan siya ng isa sa mga kasama nito.

“Sabi nitong kaibigan namin magaling ka raw gumawa ng mix drinks. Kaya mo ba kaming gawan ng inuming makakapagpalimot sa problema nitong si Nhad?”

“Huwag mo akong simulan Anthony.” Kunot-nuong pagsaway nito sa kaibigan.

“Easy lang.” Saway ng isa sa mga ito saka siya binalingan at nginitian. “Pa-try naman ako ng Black Russian mo.”

“Ako, Blue Frog.” Ani naman ng isa saka binalingan ang walang imik na kasama nito. “Ikaw  Nhad, ano ang trip mo? Siguraduhin mo lang na di ka ulit male-late bukas sa shift mo.”

“’Yung order ko na lang kagabi.” Walang gana nitong tugon.

Agad naman siyang tumalima para simulang gawin ang mga in-order ng mga ito. Tulad ng nakasanayan na ng mga costumers nila sa bar na iyon ay ipinakita niya rito ang ginawa niyang paghalo-halo ng mga inumin kasama na s’yempre ang mga kakaiba niyang stunt ng paghahalo.

Matapos niyang magawa ang unang order ay napangiti ang mga kasama nito. Halata sa mga mukha ang pagkabilib sa kanyang ipanamalas na talento.

“Astig!” Naibulalas ng isa sa mga kasama nito nang maibigay niya rito ang order nito saka ito sumimsim marahil para tikman ang gawa niya. “At ang sarap ng pagkakagawa mo.”

Napangiti naman siya. Para sa kanya ay isang musika sa kanyang pandinig ang mga papuring nakukuha niya sa mga costumers nila.

Nagsimulang gumawa ng pangalawang inumin si Andy . Gano’n pa rin, tutok na tutok pa rin ang mga ito sa kanya at nang magawa na niya ang pangalawang inumin ay muli siyang pinaulanan ng papuri ng dalawa.

“Ang galing mo naman. Saan ka ba nag-aral para maging ganyan kagaling?” Magiliw na tanong ng isa sa mga ito na nagngangalang Anthony.

“Self-study lang po at sa tulong na rin ng isa sa mga pinsan kong barista sa ibang bansa.”

“Wow!” Naibulalas ng mga ito.

“Pakibilisan ang inumin ko.” Basag sa kanila ng kanina pa walang imik na kasama ng mga ito saka ito umikot patalikod sa kanya gamit ang inuupuang counter chair saka ipinatong ang mga siko nito sa bar counter.

Kita niyang palihim itong siniko ng katabi nitong kaibigan saka siya binalingan.

“Pagpasensiyahan mo na siya, may pinagdaraanan lang na kabiguan sa buhay kaya ganyan ‘yan kasungit.” Hinging paumanhin nito. “By the way I’m Jonas, to my left is Anthony at ang nasa kanan ko naman ay si Nhad . Ikaw, anong pangalan mo?”

“Andy po sir.” Simpleng tugon naman niya rito, hindi pinahalata ang iritasyong naramdaman sa muling pambabastos sa kanya ng lalaking dati na niyang hinangaan.

“Mukhang may bago na kaming pagkakatambayan kapag ganitong gusto naming mag-unwind sa trabaho namin. Ikaw ba palagi ang barista dito Andy?” Pagpapatuloy ng usapan ni Jonas halatang pilit na inawaksi sa kanya ang kaarogantehang pinaka ng kasama.

“Nag-iisang barista lamang po ako sa bar na ito.”

Tumango-tango naman ito.

Isinalin na niya sa shot glass ang ginawang order ng masungit niyang costumer.

“Ito na po sir.” Wika niya saka lang ito humarap ulit sa kanya at tulad ng nakaraang gabi napapikit ito nang malasahan ang kanyang likhang inumin.

“One more.” Wika nito.

Kita niya kung papaano napailing ang dalawang kasama nito pero hindi naman nagbigay ng kahit na anong komento. Mukhang hinahayaan na lang ng mga ito ang kasamang ilunod sa alak ang dinadalang problema.

Habang abala si Andy sa paggawa ng mga inumin para sa tatlong costumer niya sa bar sa gabing iyon ay abala rin siya sa pakikinig sa usapan ng mga ito. Halos mag-iisang oras na ang mga ito roon  at hindi na rin maikakailang may tama na ang mga ito.

“Hindi niyo ako maiintindihan.” Ang may pagka-groggy nang wika ng talipandas na si Nhad.

“Hindi ka talaga namin maiintindihan pare dahil hindi mo naman sinasabi sa amin ang dahilan kung bakit ka nagkakaganyan. Natatakot na ang ilang kasamahan natin sa ’yo, ah. Kanina, bukod sa mukha kang bumangong bangkay na pumasok ay halos lahat ay sinusungitan mo.” Wika naman ng isa na nagngangalang Jonas.

“Oo nga.” Pagsang-ayon naman ng isa na nagngangalang Anthony. “Paano ka namin matutulungan kung ganyang ayaw mo namang sabihin ang dinadala mo. Magkakaibigan tayo pare, magkakatrabaho pa. Handa kaming makinig sa kung anuman iyang dahilan ng pagbabago mo bigla. Kaya nga tayo ngayon nandito di ba?”

“Hindi niyo magugustuhan ang maririnig ninyo.” Tugon naman nito saka muling sumimsim sa pang walong shot na nitong inumin.

“Try us pare.” Pangungumbinsi naman dito ni Jonas.

Natahimik ito at napatitig lang sa hawak nitong inumin. Mukhang wala talaga itong balak ikuwento sa mga kaibigan ang tunay na dahilan ng biglaang pagbabago nito ng ugali.

“I saw you one time sa mall, you were with another guy at mukhang masayang-masaya kayo. Correct me if I’m wrong pare ah, pero sa tingin ko, you’re having an affair with that guy base na rin sa nakita kong pagho-holding hands ninyo.” Ani ni Anthony.

May pagkagulat na napatingin sa gawi nito ang kaibigan nitong si Jonas.

“Oh shit.” Naibulalas nito. “So, the rumors are true?”

Masamang tingin ang ibinalik nito sa kaibigan.

“Oo totoo. May problema ka? Kung meron, sabihin mo na ngayon nang magkalimutan na tayo.” Bakas ang galit na tugon nito.

“Hey, easy lang. Hindi mo ako kaaway.” Ang napataas ng kamay na wika ni Jonas tanda na hindi ito kakasa sa kaibigan subalit hindi pa rin nito tinanggal ang masamang tingin dito.

Napapailing na lang si Andy sa nasasaksihan. Talagang tuluyan nang nawala ang palangiting anyo na dati na niyang hinahangaan sa taong ito at ngayon nga ay napalitan na ito ng bitterness at insecurities.

Muli niyang naalala ang naging tagpo nila sa nagdaang gabi at ang mga katanungan nito sa kanya na nagpapatunay lamang na ang lalaking minsan na nitong isinama sa bar nilang iyon ay ang dahilan ng biglaang pagbabago nito.

“Nhad pare, kalma lang. Wala sa amin ni Jonas kung totoo man o hindi ang lahat ng iyon, kaibigan mo kami pare.” Ani naman ng kaibigan nitong si Anthony.

Doon lang ito nagbawi ng tingin  sa kaibigan at muling binalingan ang iniinom.

“Pasensiya na.” Usal nito. “Hindi ko naman ginustong maging ganito.”

Sa hindi malamang dahilan ay biglang nawala ang inis ni Andy dito lalo na sa nakikitang paghihirap sa mga mata ng taong minsan na niyang nagustuhan.

Bakit nga ba ako naasar sa kanya? Hindi ba nga’t dapat, naiintindihan ko pa siya dahil napagdaanan ko na rin ang pinagdadaanan niya ngayon?

“Ayos lang iyon pare, naiintindihan ka namin.” Ang pagpapakita naman ng simpatyang wika ng kaibigan nitong si Jonas. “P’wede mong ikuwento sa amin iyang pinagdaraanan mo para mailabas mo iyan at mabawasan kahit papaano iyang dinadala mo.”

Naalala ni Andy ang kanyang mga kaibigan. Tulad ng dalawang ito, ang mga kaibigan din niya at ang kanyang nag-iisang kapatid ang umagapay sa kanya noon.

“Hindi ko na alam ang gagawin ko. Siya ang kauna-unahang tao na pinahalagahan ko higit pa sa pagpapahalaga ko sa buhay ko pero, hindi naging sapat iyon para mahalin niya ako. Ang sakit, nakakagago sa pakiramdam na sa tatlong buwan naming magkasintahan ay hindi pala niya ako minahal. Pakiramdam ko nagamit ako. Pakiramdam ko ginago ako ng mundo.” Ang mahabang pagse-sentimyento nito.

Ngayon, ang mga kaibigan naman nito ang natahimik. Bakas ang awa sa mga mata ng mga ito habang nakatingin sa kanilang kaibigan. Siya man ay nakaramdam ng kirot sa kanyang puso sa mga narinig mula rito. Isama mo pa na sa bawat salitang binibitiwan nito ay mararamdaman mo ang sakit at pait na pinagdaraanan nito.

“Siguro hindi siya ang taong para sa’yo.” Kapagkuwan ay wika ng isa sa mga kaibigan nito na si Jonas. “O siguro isa lang ito sa mga pagsubok ninyong dalawa. Sinubukan mo na ba siyang kausapin?”

Umiling ito.

“Hindi ko alam kung papaano ko siya haharapin. Natatakot ako na muling marinig mula sa kanya na hindi ako ang taong mahal niya.”

“You better try to talk to him pare. Baka hindi lang kayo nagkaintindihan. Minsan, kapag nauunahan  na tayo ng galit at selos ay nagiging sarado ang utak natin sa mga paliwanag.”

Hindi na ito muli pang umimik. Siguro ay pinag-iisipan nitong mabuti ang sinabi ng kaibigan nito. Siya naman ay may awa lamang na nakatingin dito.

Hanggang sa umalis na ang mga ito ay hindi pa rin mawala kay Andy ang mga narinig na usapan sa tatlong magkakaibigan na iyon. Kanina ay gusto na sana niyang sumali sa usapan upang pagaanin ang loob ng lalaking minsan na niyang hinangaan noon subalit, naunahan siya ng hiya at takot na baka pagsupladuhan lamang siya nito.

Dumating ang oras na kailangan na nilang magsara. Hindi na niya kailangan pang tumulong sa paglilinis sa mga kasamahan sapagkat ang teritoryo naman niya roon ay ang bar counter. Nagpaalam na siya sa mga ito at diretso nang tinahak ang daan pauwi sa kanyang tinutuluyang apartment.

Sakay ng kanyang pinakyaw na tricycle ay narating ni Andy ang kanyang tinutuluyang apartment. Ngunit agad na nawala ang pagod at antok niya at napalitan iyon ng kakaibang kaba nang makita niya ang sasakyang nakaparada sa tapat nito.

Anong ginagawa niya rito sa ganitong oras? Hindi niya maiwasang maitanong sa kanyang sarili.

Pagkababa niya sa sinasakyan ay siya namang paglabas ng taong nasa loob ng nakaparadang kotse sa labas ng apartment niya. Halatang siya talaga ang hinihintay nito.

Nagpakawala siya ng isang malalim na buntong-hininga para pakalmahin ang kanyang sarili.

“Anong ginagawa mo rito? Madaling araw na, ah.” Nakangiti niyang wika nang makalapit siya rito.

“We need to talk.” Seryoso nitong sabi.

“Gaano ba ka-importante ang pag-uusapan natin at kailangan mo pa akong hintaying makauwi?”

“Stop giving me that fake smile, Andy.” May pagbabantang utos nito. “Ano ang sinabi sa ’yo nina Miles?”

Ngunit imbes na magpatinag dito ay lalo pa niyang linuwagan ang kanyang ngiti. Isa ito sa mga paraan niya para ipakita na wala na ang dating epekto nito sa kanya at purong pagkakaibigan na lamang ang meron siya para rito.

“Wala naman, pinuntahan lang nila ako para bisitahin at suportahan sa naging desisyon kong itama ang pagkakaibigan natin. Teka, kanina ka pa ba rito? Sana pinuntahan mo na lang ako sa bar.”

“Andy, please for once, kahit ngayong gabi lang, magpakatotoo ka sa akin. Ipakita mo sa akin ang tunay na nararamdaman mo.” Ang may himig ng pinaghalong pagkadismaya at pagsuko nito.

“Iyan lang ba ang dahilan kung bakit ka nagpakahirap maghintay sa akin? Ano ba ang gusto mong makita? Ano ba ang gusto mong marinig?”

“Sumbatan mo ako. Huwag ganitong parang wala lang sa ‘yo ang lahat. Dahil hindi ko alam kung saan at papaano ako magpapaliwanag.”

“Bakit kita kailangang sumbatan? Ginusto ko ang magpagamit sa ’yo. Wala akong makitang rason para sumbatan kita Jasper. Pero sige, dahil mapilit ka, may isa akong tanong na gustong-gusto kong maitanong sa ’yo noon pa man.”

“A-Ano iyon?”

“Masarap ba sa pakiramdam sa tuwing ginagamit mo ang taong alam mong mahal na mahal ka ng husto?”

“A-Andy..”

Mapait na ngiti ang ibinigay niya rito.

“Huwag mo na lang sagutin. Umuwi ka na Jasper, madaling araw na at kailangan ko na ring magpahinga. Ingat sa pagmamaneho.”

Akmang lalampasan na sana niya ito para tunguhin ang pintuan ng kanyang apartment nang pigilan siya nito sa pamamagitan ng paghawak sa kanyang kaliwang kamay.

“Let me explain Andy.” Ang nagsusumamo nitong wika sa kanya.

Muli niya itong hinarap at nginitian.

“There’s no need for you to explain. Tanggap ko nang hindi mo talaga ako kayang mahalin kaya itatama ko na ang mga maling nagawa ko no’n. Mali ang naging paraan ko sa pagpapakita sa ‘yo ng tunay na nararamdaman ko. At mali naman ang naging paraan mo para mailabas ang libog mo.”

“Hindi parausan ang tingin ko sa ‘yo, Andy.” Mariin nitong tanggi. “Alam kong iyan ang nararamdaman mo sa tuwing gagawin natin iyon noon pero ––”

“Ikakasal ka na Jasper.” Pagputol niya sa iba pa nitong sasabihin. Ayaw na niyang umasa, nagsawa na siyang umasa pa.

“Pati pala iyan ay sinabi na rin nila sa ‘yo.”

“Na ipinagpapasalamat ko dahil lalo lamang akong nagkaroon ng rason para itigil na ang ginagawa nating pangloloko kay Ivy.”

“Andy…”

“Hayaan mo na ako Jasper.” May bahid ng pakiusap niyang sabi. “Hayaan mo na akong tuluyang kalimutan ang nararamdaman ko sa ’yo. Maging normal na lang sana tayong magkaibigan.”

“Iyan ba talaga ang gusto mo?” Wala siyang mabasang ekspresyon sa mga mata nito.

Tumango siya bilang pagtugon.

“Kaibigan mo pa rin ba ako?”

“Hindi magbabago iyon.”

“I’m sorry Andy.” Hindi niya alam kung para saan ang paghingi nito ng paumanhin. Kung para ba iyon sa mga ginawa nila noon na ginusto rin naman niya o para sa damdaming hindi nito maibalik sa kanya.

“Wala kang dapat ipaghingi ng tawad sa akin.”

Ngumiti ito ngunit hindi iyon umabot sa mga mata nito. Bagkus, ay may naaninag siyang lungkot sa mga mata nito na ipinagtaka niya kung para saan.

Binitiwan nito ang pagkakahawak sa kanyang kamay tanda na handa na siya nitong palayain. Kahit nakadama siya ng kirot ay pinigilan niya ang sariling hindi iyon ipakita dito.

“Mag-iingat ka sa pagmamaneho, Toper.” At tuluyan na niya itong iniwan bago pa makita nito ang mga luhang malapit ng kumawala sa kanyang mga mata.

Nang makapasok siya sa kanyang apartment at maisarang muli ang pinto ay doon na niya tuluyang pinakawalan ang mga luhang kanina pa nagbabadyang pumatak. Ngayon lamang niya napatunayan sa kanyang sarili na hindi pa pala talaga siya tuluyang nakakapag-let go sa taong una niyang minahal.

Impit siyang umiyak. Matagal na panahon niya ring hindi nagagawa iyon. Hinayaan niyang sa muling pagkakataon ay maging totoo siya sa kanyang sarili. Ang lalaking naging dahilan ng minsang pagkasira ng kanyang buhay. Ang lalaking ipinaglaban niya ng ilang taon kahit pa man sa kabila ng katotohanang matatalo lamang siya sa bandang huli ay tuluyan na niyang pinakawalan.

Ang katotohanang hindi ka kayang mahalin ng taong mahal mo ay napakasakit. At iyon ang nararamdaman ni Andy sa mga oras na iyon. Sa bawat luhang kumakawala sa kanyang mga mata ay nagpapahiwatig ng kanyang tunay na saloobin.

Itutuloy. . . . . . . . . . . .


zildjianstories.blogspot.com

No comments:

Post a Comment