by: Zildjian
Lantis
Nagising si Lantis dala ng sinag ng
araw na nagmumula sa bintana malapit sa kanyang higaan. Sinubukan niyang igalaw
ang may pilay na paa, napapikit siya nang makadama ng kirot.
“Pambihira!” Naiusal niya.
Napapailing niyang iniupo ang sarili saka dumungaw sa
bintana. May kataasan na pala ang sikat ng araw at sa probinsiya kung nasaan
siya ngayon batid niyang kanina pa nagsisimulang kumilos ang mga tao.
Nakuha ng pansin niya ang nakatalikod
na bulto ng isang lalaki. Abala ito sa pagsisibak ng mga kahoy panggatong.
Bigla siyang napakunot-noo ng mapagtanto kung sino ito. It was Nicollo, ang
taong lagi niyang nakakabangayan sa nagdaang mga taon.
Dahil nakatalikod naman ito sa kanya
ay nabigyan siya ng pagkakataong pagmasdan ito. Hindi naging hadlang ang galit
niya rito para hindi niya mapansin ang napakagandang hubog ng katawan nito lalo
pa’t wala itong pang-itaas na damit kaya kitang-kita niya ang malapad nitong
likod na nangingintab dala ng pawis.
Napalunok siya. Biglang nanuyot ang
kanyang lalamunan. He can’t deny the fact that the person he hated most has a
well-built body. Isang uri ng katawan na kahit sinumang mapapatitig dito ay
mapapahanga at matutulala. Hindi rin niya maikakailang wala pa siyang
nakikitang lalaki na napaka-sexy tingnan habang may hawak itong palakol.
Wag mong purihin yan! Hindi yan tao di
ba? At mortal mo siyang kaaway. You should not praise your enemy, Lantis! Ang
biglang wika ng isang bahagi ng utak niya.
Napasimangot siya. Oo nga naman, dapat
hindi niya pinupuri ang isang napakawalang-kwentang nilalang na tulad nito.
Iiwas na sana siya ng tingin at ihihiga muli ang sarili nang bigla itong
lumingon sa gawi niya na ikinataranta niya ng husto because now, he has the
full access to the front view of Nicollo’s body. Kung kanina na nakatalikod ito
ay napahanga na siya lalo naman ngayon na kitang-kita niya ang harapang bahagi
ng katawan nito. Nicollo’s bulging biceps, broad shoulder and powerful chest
made him forget the world.
Gumuhit ang ngiti nito sa mukha habang
hindi inaalis ang tingin sa kanya. Isang napakagandang ngiti na ngayon lang
niya nakita rito dahilan para bumalik ang kanyang katinuan.
Pasimple niyang iniba ng direksyon ang
kanyang tingin ngunit hindi niya maikakaila ang matinding pagpintig ng kanyang
puso. Kasing tindi iyon ng kanyang nararamdaman para sa taong lubos niyang
kinamumuhian.
Hindi ko siya dapat pinupuri! And why
the hell my heart is thumping like this! Ang hindi niya maiwasang maisatinig sa
isipan dala ng iritasyon. Iritasyon sapagkat ngayon, hindi na naman magkamayaw
ang tibok ng kanyang puso. Palagi itong nangyayari sa kanya tuwing
magsasalubong ang landas nila ng kanyang mortal na kaaway. And he hated it.
Hindi niya namalayan na nakalapit na
pala ito sa kanya.
“Mabuti naman at gising ka na.” Wika
nito. “Nagugutom ka na ba? Sandali lang at ikukuha kita ng pagkain.”
Nabaling ang tingin niya rito hindi
lang dahil sa sinabi nito kung hindi pati na rin sa tono ng boses nito. May
nahimigan siyang paglalambing sa uri ng pagbitiw nito ng mga salita na lubos
niyang ipinagtaka.
“Oh, nagsalubong na naman iyang kilay
mo.” Wika nito kasabay ng pagbitiw ng isang nakakabighaning ngiti. “Diyan ka
lang, ikukuha na kita ng almusal mo.” Saka ito umalis mula sa may bintana at
tinungo ang loob ng bahay.
Naiwan siyang punong-puno ng pagtataka
sa inaasta nito. Kilala niya si Nicollo, kilala niya ang kababatang nakatira
katapat ng bahay nila at alam niyang wala sa bokabularyo nito ang maging mabait
o magpakita man lang ng katiting na konsiderasyon sa lahat ng bagay. Nicollo is
the type of person who only thinks about himself, ni hindi nito kayang
magpakita ng interes sa lahat ng bagay maliban sa pusang lagi nilang
pinag-aawayan.
Maya-maya lamang ay pumasok na ito sa
silid na kinururoonan niya na may dalang tray ng pagkain. Again, he can’t help
but admire the person who’s in front of him, kahit anong pigil niya sa kanyang
sarili.
“Maagang umalis si Aling Marta kasama
si Shiela papunta sa kabilang baryo para dalawin ang biyenan niya. Sina Mang
Andoy naman ay naroon ngayon sa bukid nila kasama sina Popoy at Rodney.” Wika
nito habang inilalapag sa upuan ang mga dalang pagkain.
Binalingan siya nito.
“Masakit pa ba ang paa mo?”
“Hindi na.” Matipid niyang tugon saka
umuwas ng tingin dito. Hindi niya maintindihan ang sarili pero parang may mali,
hindi siya sanay na umaasta itong mabait sa harap niya.
Hindi ba’t sinabi na niya sa ‘yo na
gusto na niyang makipagbati? Usal ng isang bahagi ng utak niya. At hindi ba
ilang araw na ring nagiging kakaiba ang ikinikilos ng taong ‘yan?
Oo nga naman. Napapansin niyang ilang
araw na ngang nagiging kakaiba ang kinikilos nito para sa kanya at nagsimula
iyon pangalawang araw pa lamang nila sa probinsiya.
“Mabuti naman. Sige, kumain ka na.
Susubuan na lang kita para hindi ka na mahirapan pa.”
Napatingin siya rito na puno ng
pagtataka. Ano raw? Susubuan siya nito? At kailan pa ito naging ganoon kabait
sa kanya? And why on earth, all of a sudden nakadama siya ng kaunting kilig sa
narinig mula rito. Di ba nga’t matagal na niyang kinalimutan ang nararamdaman
niya para sa isang ito dahil alam niyang wala siyang mapapala sa isang taong
hindi alam kung papaano pahalagahan ang iba.
Akmang susubuan na nga siya nito ng
maagap niya itong pigilan.
“What are you doing Nicollo?”
Kunot-nuong tanong niya rito.
“Pinapakain ka?” Inosenteng tugon
naman nito.
“Kaya kong kumain ng mag-isa at hindi
mo na kailangang subuan pa.” May diin niyang sabi.
“Alam ko, pero di ba mas maganda kung
susubuan na lang kita para di ka na mapagod pa?”
“Nang-aasar ka ba? Hindi ako inutil
para subuan mo.” Pigil ang inis niyang wika rito.
“Ako, nang-aasar? Hindi ah! Bakit,
naasar ka ba? At wala akong sinabing inutil ka, inutil lang ba ang sinusubuan
sa mundong ‘to?” Nakangisi nitong tugon.
Aba’t talagang nananadya ang isang to,
ah!
“Lumabas ka na Nicollo, kaya ko nang
kumain mag-isa.” May diing pagtataboy niya rito.
“Nagsusuplado ka na naman, Lantis.”
Kahit ang pagsagot sa kanya nito ay kakaiba ang dating sa kanya.
“Lumabas ka na Nicollo.” Muling wika
niya.
“Sabi ko nga lalabas na ako.”
Ngingiti-ngiti nitong sabi saka tumayo. “Ang sungit mo talaga, noh? Kapag may
kailangan ka tawagin mo lang ako.”
Nakalabas na nga ito ng k’warto
subalit hanggang sa mga oras na iyon ay hindi pa rin niya maiwasan ang magtaka
sa kakaibang ikinikilos nito. Parang may napapansin siyang kakaibang kinang sa
mga mata nito tuwing nagsasalubong ang mga tingin nila.
Was that an amusement? Para saan naman
‘yon? Ang hindi niya maiwasang maitanong sa kanyang sarili. At bakit parang
iwas itong mainis siya ng todo rito? What happened?
Dahil wala naman siyang makapang
kasagutan sa mga tanong na namumutawi sa kanyang isipan ay pinagpasyahan na
lang niyang lantakan ang pagkaing dinala nito para sa kanya. Kahit ang mga iyon
ay nakakuha ng pansin niya dahil ang pagkaing nakahanda ngayon sa harapan niya
ay ang mga pagkaing gustong-guto niya tuwing almusal.
Si naynay siguro ang nagluto nito.
Napangiti siya sa naisip. Kahit kailan talaga ay napakaalaga ng dating yaya
niya sa kanya. Noon pa mang bata pa lang siya, sobrang maalaga na nito sa kanya
na halos ituring na siya nitong tunay na anak.
“Tunay na anak.” Ang pabulong niyang
wika kasabay ng pagkawala ng ngiti sa kanyang mukha nang may bigla siyang
maalala.
“Nasa tamang edad na si Lantis para
malaman ang totoo.”
“Bakit pa natin kailangang sabihin ang
totoo sa kanya, Anabeth? Hindi na importante iyon ngayon.”
“Kailangan, dahil lumalaki na siya at
pasasaan ba’t malalaman niya rin ang lahat. Mas malapit sa’yo ang loob ng anak
ko Philip, nasisiguro kong maiintindihan niya kapag ikaw ang nagsabi.”
“Hindi ko sasaktan si Lantis, Anabeth.
Kung gusto mo, ikaw ang magsabi sa kanya.”
“Hindi ko kaya, Philip.”
“P’wes hindi ko rin kaya. Kung ikaw
nga na ina niya ay hindi mo magawang sabihin ang totoo, ako pa kaya? Mahal ko
si Lantis, Anabeth at itinuturing ko na rin siyang tunay kong anak. Kaya bakit
pa natin kailangang sabihin ang totoo?”
“Dahil iyon ang dapat.”
Iyon ang tagpong naabutan niya nang
umuwi siya isang hapon mula sa ekwelahan ng malamang dumating na ang
pinakamamahal niyang ama. Ngunit hindi katulad noon na sa tuwing uuwi ito ay
ibayong saya ang nararamdaman niya, sa mga oras na iyon pagtatampo ang naramdaman
niya.
He was in grade six that time at sa
murang edad na iyon nang malaman niya ang katotohanang ang inaakala niyang ama
na mahal na mahal niya ay hindi naman pala talaga tunay niyang ama ay ibayong
kirot ang naramdaman niya.
Noong una ay inakala niyang galit ang
nararamdaman niya sa ginawa nitong pagsisinungaling sa kanya subalit habang
lumalaki siya, doon niya napagtantong hindi pala galit iyon kung hindi hiya.
Nahihiya siya sa kanyang sarili sa katotohanang hindi siya tunay na anak nito
at dahil doon ay tuluyan niyang inilayo ang kanyang sarili dito.
He never cared to know who his real
father was dahil para sa kanya, ang totoong ama niya ay ang taong nagparamdam
sa kanya how special he is and that was his foster father. Pero hindi niya
magawang malapitan ito kahit anong gusto niya. Sapagkat hindi niya alam kung
papaano ito ituturing pagkatapos niyang malaman ang lahat.
Ipinagpapasalamat niyang may nakilala
siyang mga taong kahit papaano ay nagawang maipalimot sa kanya pansamantala at
naging sandigan niya sa mga nagdaang taong iyon - ang apat niyang kaibigan na
sina Alexis, Maki, Jay at Nicollo subalit isang damdamin ang pinukaw ng huli sa
kanya. Damdaming hindi niya inakalang mararamdaman niya sa isang taong walang
pakialam sa mundo at walang pakialam sa nararamdaman niya.
Sa sobrang pag-iisip ay hindi na niya
napansin ang muling pagpasok ni Nicollo.
“ Hindi mo ba nagustuhan ang niluto
kong almusal?.” Untag nito sa kanya.
Wala sa sarili siyang napatingin dito.
“Sabi ni Aling Melissa iyan daw ang
paborito mong agahan kaya iyan ang linuto ko para sa ‘yo pero mukhang hindi mo
naman ‘ata nagustuhan.”
Napakunot-noo siya. Una, dahil hindi
siya makapaniwalang ito ang nagluto ng almusal niya at pangalawa ang nahimigan
niyang lungkot sa boses nito.
Lumapit ito at kinuha sa kamay niya
ang kanyang hawak na plato na maagap naman niyang napigilan.
“Hindi pa ako tapos.” Wika niya. Hindi
niya alam kung bakit iyon ang naisipan niyang sabihin basta ang alam lamang
niya hindi niya nagustuhan ang nahimigang lungkot dito sa pag-aakalang hindi
niya nagustuhan ang almusal na hinanda nito para sa kanya.
Gumuhit ang isang nakakabighaning
ngiti dito na hindi niya alam kung para saan ngunit imbes na punahin iyon ay
itinutok na lamang niya ang kanyang atensyon sa pagkain.
“Pagkatapos mong kumain, sasamahan
naman kitang maligo. Iyon ang bilin sa akin ni Aling Melissa dahil baka mabasa
iyang pilay mo.”
Nabaling ang tingin niya rito na
punong-puno ng pagkabigla.
“Ano kamo?” Naibulalas niya.
“Oh, bakit? Ayaw mo bang maligo? Aba,
hindi ka pa naliligo mula kahapon, ah.” Batid niyang pinipigilan nitong
mapangiti sa hitsura nito ngayon.
“Hindi p’wede!” Protesta niya.
“Ang
maligo ka?” Pa-inosenteng tanong naman nito. “Sinong may sabi?”
“Nanadya ka ba?” Pinukol niya ito ng
masamang tingin. “Ihahatid mo lang ako sa may poso pero hindi mo ako sasamahang
maligo.” May diin pa niyang dagdag.
Tulad nga nang sinabi nito matapos
siyang kumain ay dumiretso na nga sila sa may poso na nasa likod ng bahay. Nakaalalay ito sa
kanya at ingat na ingat na hindi niya maitapak ang may pinsalang paa habang may
bitbit na isang upuan sa kanang kamay nito.
“Umupo ka lang diyan, ako na ang
bahalang magbomba ng tubig para sa gagamitin mo.” Wika nito.
“Basta pagkatapos mong lagyan ng tubig
iyang balde umalis ka na.” Wika niya rito.
“Ayon ang hindi p’wede kasi hindi pa
rin ako naliligo ngayon, kaya sasabayan na kita.” Nakangising tugon nito.
“Hell no!”
“Hell yes! Huwag ka nang kumontra,
tutal may damit naman akong maliligo kaya ‘di mo kailangang kabahan.”
“At sinong nagsabi sa ‘yong
kinakabahan ako kapag nakikita kitang walang damit?” May bahid ng inis niyang
sabi. Nahahalata niya kasing sinasadya siya nitong asarin.
“Ang mga paru-paru kanina.”
“Eh, kung ihampas ko kaya iyang balde
sa ‘yo nang makita mo ulit ang mga paru-parung sinasabi mo.”
Tumawa lang ito sa tinuran niya.
Sinimulan niyang maghubos habang ito
ang taga bomba ng tubig na gagamitin niya. Napapansin niya ang panaka-naka
nitong pagsulyap sa kanya.
“Ano tinitingin-tingin mo riyan?” Sita
niya rito.
“Wala. Masama na bang tumingin
ngayon?” Pagrarason naman nito.
“Masama kung sa akin ka nakatingin.”
“Bakit?” Painosenteng tanong nito.
“Hindi ka ba komportable na nakatingin ako sa ‘yo?”
“Oo, dahil hindi ka tao.” Tugon niya
rito.
“Bakit ikaw, hindi naman ako nag-react
no’ng pinagmamasdan mo ako kanina, ah.”
“Wala akong maalala na pinagmamasdan
kita, Nicollo. ‘Wag kang masyadong mangarap.”
“Talaga? Eh, bakit nahuli kitang
nakatingin sa akin kanina habang nagsisibak ako ng kahoy? At..” Ngumisi muna
ito ng nakakagago bago nagpatuloy. “At bakit parang natulala ka no’ng humarap
ako sa’yo? Pinagpapantasyahan mo ba ako, Lantis?”
Nakaramdam siya ng biglang pag-init ng
kanyang magkabilang pisngi sa tinuran nito. Hindi niya akalain na napansin pala
nito ang ginawa niyang pagtitig niya rito kanina.
“Silence means yes.” Ngingisi-ngisi
nitong turan.
“Hindi kita tinitigan kanina!” Kaila
niya at sinabuyan ito ng tubig na hindi naman nito naiwasan.
Ang sumunod na nangyari ay isang
himala para sa kanilang dalawa. Nagkakatawanan silang nagbabasaan na parang
hindi mortal na magkaaway. Weird, dahil pansamantala niyang nakalimutan ang
galit na meron siya para rito.
Maagang nagising si Lantis
kinabukasan. Tulad ng ginawa niya sa nagdaang araw ay sinubukan niyang igalaw
ang kanyang may pinsalang paa at ikinatuwa niya na kahit papaano ay kaunting
kirot na lang ang nararamdaman niya.
Dahan-dahan siyang bumangon at
sinubukang maitapak ito. May kaunting kirot pa siyang naramdaman pero konti na
lang iyon. Napansin niya rin na wala na ang pamamaga nito. Napangiti siya, sa
wakas ay makakapaglakad-lakad na ulit siya ng walang mag-aalalay sa kanya.
Napansin niya ang natutulog na pusa at
kinarga ito.
“Tingnan mo Karupin, magaling na ang
paa ko.” Pakikipag-usap niya rito. “P’wede na ulit kitang mapakain ngayon.”
“Mabuti naman at mukhang ayos na ulit
iyang paa mo.” Ang bungad sa kanya ni Popoy.
Sinimangutan niya ito. Napapansin niya
kasi ang ginagawa nitong pag-iwas sa kanya simula ng maaksidente siya na alam
niya kung bakit. Sinisisi nito ang sarili sa nangyaring kamalasan n’ya.
“Bakit ka nandito? Di ba dapat
iniiwasan mo ako.” Ang wika niya rito.
Lumapit ito sa kanya.
“Nagtatampo ka na niyan?” Sabi nito na ginulo pa
ang kanyang buhok na lagi nitong ginagawa sa kanya noon pa mang magsimula ang
kanilang pagkakaibigan. Popoy was like a bother to him, ito ang taong
napagkuk’wentuhan niya ng lahat-lahat na hindi niya maikuwento sa iba.
“Sira!” Ang natatawa niyang wika. Alam
talaga nito kung papaano siya agad aaluin kapag may topak siya.
Tumabi ito ng upo sa kanya sa kanyang
higaan.
“Pasensiya ka na pala sa kapabayaan
ko, ah. Napahamak ka pa tuloy.” Seryoso nitong wika.
Nginitian niya ito. Kahit bihira
lamang silang magkita nito ay hindi iyon naging hadlang para maging matatag ang
kanilang pagkakaibigan. Sila ang tamang example na ang kaibigan ay hindi
kailangang palaging nasa tabi mo para maramdaman mo na sinsero iyon dahil tulad
ng pagkakaibigan nila ni Popoy, malayo man sila palagi at minsan lang magkita
ay batid naman niyang malalim pa sa mga magkakaibigang araw-araw na nagkikita
ang ugnayang namamagitan sa kanila.
“Ayos lang iyon. Hindi mo naman talaga
kasalanan ang nangyari sa akin kaya ‘wag mo ng isipin yon. Ayos ba?”
Nginitian siya nito saka tumango.
“Masaya ako na nagkakaayos na kayo ni
Nico. Mukhang sa wakas ay natupad na rin ang matagal mo ng gustong mangyari sa
inyo.”
Naik’wento niya rito ang tungkol sa
damdaming meron siya sa isa sa mga kaibigan niya at iyon nga ay si Nico. Ngunit
ang hindi nito alam ay ang malaking pagbabago sa kanyang nararamdaman sa mga
nagdaang taon.
“Hindi na iyon ang gusto ko ngayon
Poy.” Kapagkuwan ay wika niya.
“Anong ibig mong sabihin?”
“K-kinalimutan ko na ang nararamdaman
ko sa kanya. Sa halos mahigit anim na taon, napagod na rin ang puso ko sa
paghihintay na mapansin niya.”
Hindi ito tumugon o nagbigay man lang
ng reaksyon sa sinabi niya dahilan para mabaling ang tingin niya rito.
“Hindi iyan ang nakita ko kahapon
habang masaya kayong naliligo.” Kapagkuwan ay wika nito.
Natural na nabigla siya. Kung gano’n
nakita pala nito ang ginawa nilang kulitan.
“W-Walang ibig sabihin iyon.” Ang
pagtanggi niya.
“Huwag mo nang lokohin ang sarili mo
Lantis, huwag mo na ring gawing kumplikado ang lahat.”
Siya naman ngayon ang hindi nakasagot
rito.
“Panahon na para magtagpo ang mga puso
niyo. Matagal na panahon ka na ring naghintay sa pagkakataong ito, huwag mong
sanang sayangin ang lahat … lalo na ang sakripisyo ko.”
Hindi niya alam kung tama ang
pagkakarinig niya sa huling mga salitang binitiwan nito. Masyado kasing mahina
iyon na halos hindi na niya marinig.
“Popoy ––”
Hindi na niya natapos pa ang kanyang
sasabihin nang biglang pumasok sa k’warto niya ang kanyang dating yaya.
“Nariyan na Nicollo.” Wika nito.
“Ganoon ho ba?” Tugon naman ni Popoy
dito na may bahid ng pagkadismaya saka ito bumaling sa kanya. “Oh, paano,
dalawin mo ulit kami dito, ah.”
“Teka-teka!” Ang naguguluhan niyang
wika. “Anong nangyayari?”
“Tapos na ang bakasyon ninyong dalawa
rito.” Wika ni Popoy.
“Ano? Hindi pa ako uuwi!” Protesta
niya saka binalingan ang ginang. “Naynay, hindi pa ako uuwi.”
“Uuwi na kayo ni Nicollo, Lantis.” Si
Popoy.
“Bakit?”
“Dahil iyon ang dapat.” Tugon nito sa
kanya.
Hindi niya maiwasang magtaka sa
biglaang pag-iiba ng ikinikilos nito na para bang itinataboy siya.
“Pero hindi ko pa gustong umuwi. Bakit
parang itinataboy mo ako? Ano ba ang nangyayari?”
“Hindi ka namin itinataboy anak.” Ang
mahinahong wika ng kanyang yaya Melissa.
“Kung gano’n bakit niyo ako pinipilit
na pauwiin, nay? Akala ko ba p’wede ako rito sa inyo hanggang sa gusto ko?”
“Dahil kailangan mo nang ayusin ang
problema mo at ng Daddy mo.”
Napatingin siya kay Popoy na agad namang
nag-iwas ng tingin sa kanya.
“Sinabi mo sa kanila?” May
pagpaparatang niyang wika. “Akala ko ba mapagkakatiwalaan kita?” Hindi niya
maiwasang makadama ng galit rito. Si Popoy lamang sa lahat ng tao ang
pinagsabihan niya ng totoong dahilan kung bakit siya umiiwas sa kanyang ama
dahil akala niya ay mapagkakatiwalaan niya ito.
“Uuwi ka ngayon sa inyo Lantis at
haharapin mo na ngayon ang Daddy mo.” May pag-utos na wika ng kanyang yaya
Melissa.
Itutuloy. . . . . . . .
zildjianstories.blogspot.com
No comments:
Post a Comment