Tuesday, December 25, 2012

Make Me Believe (14)

by: Zildjian

“Hi Ken, I’ll see you at Juliu’s Restaurant 7pm.”Ito ang text na natanggap ko galing kay Nhad pagkagising ko. Araw ng Sabado, rest day ko at naimbitahan ako nitong lumabas kaninang aksidente namin itong makasabay ng mag-lunch break kami ng mga kasamahan ko sa trabaho.

Restaurant? Ang naitanong ko sa aking isip na parang di makapaniwala. Nakakahiya mang aminin pero sa edad ko ngayon na 23, ito ang unang makikipag dinner ako sa labas lalo na sa isang lalaki. Maski no’ng college pa kami, kahit may mga babae nang nagpapakita ng interes sa akin ay wala kahit isa sa kanila ang niyaya o sinamahan kong makipag dinner.


Napapailing na lang akong bumangon at sinimulang ayusin ang kama.

“Kahit kailan pahamak talaga sa akin ang dalawang babae na iyon.” Pabulong kong sabi patukoy sa dalawang kasamahan ko sa trabaho na hindi lang ubod ng daldal kung hindi malakas rin ang mga sayad sa ulo at may pagka-pakialamera din.

“Anong binubulong-bulong mo diyan?”

Muntik na akong mapatalon sa gulat ng bigla itong magsalita. Nakatayo ito sa may pintuan ng aming k’warto. Wala itong pang-itaas at kita ang butil-butil ng pawis sa well built na katawan na ito.

“Huwag ka ngang biglaang susulpot, papatayin mo ako sa gulat eh.” Ang may bahid ng inis kong wika para lang maiwaksi ko sa aking isip ang half-naked nitong katawan.

“Sorry naman.” Ang wika nito na halatang nagpipigil itong mapabungisngis.

Ngali-ngaling hampasin ko ito ng hawak kong unan pero, hindi ko pa rin maikakaila ang kakaibang saya na nararamdaman ko sa nakikita kong mga pagbabago sa mga ikinikilos nito. Kung noon ay lalo pa ako nitong aasarin kapag nakita niyang hindi na maganda ang tabas ng mukha ko, ngayon, ay bigla na itong titigil na para bang iniiwasan nito na tuluyan akong mainis sa kanya.

“General Cleaning ang trip ko ngayon at tapos ko nang gawin ang sala, kusina, banyo, at ang kabilang k’warto. Kanina pa sana kita balak gisingin para malinisan ko na rin itong k’warto natin kaso sobrang himbing pa ng tulog mo at mukhang nananaginip ka pa, kaya hinihintay na lang kitang magising.” He said mischievously.

“Kanina ka pa nakatayo diyan sa may pintuan?” Hindi ko na pinansin ang pasimpleng pang-aasar nito. Mas nakuha na kasi ng pansin ko ang apat na huling salita nitong sinabi.

“Hindi naman, mga...” Nagbilang pa ito gamit ang kanyang mga daliri. “Mga 10 minutes pa lang.” Wika nito sabay ngisi. Kakaiba na talaga ang pinapakita nitong kagiliwan at ang kakaibang kislap ng mga mata nito na matagal ko nang hindi nakikita sa kanya simula no’ng itakwil ito ng kanyang mga magulang.

“Ginising mo na lang sana ako para natulungan kita sa paglilinis.”

“Alam kong pagod ka sa trabaho kaya hinayaan na lang kita. Besides, part na ito ng exercise ko, nang hindi naman tuluyang masira ang napakaganda kong katawan.” May kayabangan nitong sabi na sinamahan pa ng pag-flex ng muscle niya.

“Pakipatay ng electric fan.” Ang wika ko sa kanya na ipinagtaka naman nito dahil naka-off naman ang electric fan namin sa k’warto.

“Tulog pa ba ang diwa mo? Naka-off na kaya ang electric fan.”

“Ang electric fan sa katawan mo ang tinutukoy ko, masyado ka kasing mahangin.” Wika ko sa kanya sabay labas ng kwarto. Hindi nakatakas ang panlalaking amoy nito sa aking ilong nang bahagya kaming magkadikit nang lampasan ko siya sa may pintuan. Narinig ko rin ang paghagikhik nito.

“Asus! Kunyari ka pa. Alam ko namang pinagnanasaan mo ang mura kong katawan eh.”

Hindi na lang ako sumagot rito. Ngingiti-ngiting tinungo ko ang lababo para makapagsipilyo at makapaghilamos. Hindi matatawaran ang kakaibang saya ngayon sa akin sa mga nangyayari sa amin ni Martin. Parang muling bumalik ang sigla ng pagsasamahan namin na medyo nawala na no’ng pareho kaming mag-focus sa pagtratrabaho.



Tulad ng napagkasunduan naming oras at lugar ni Nhad, dumating ako sa Julius' Restaurant sa tamang oras. Agad ko naman itong nakita na nakaupo isa sa mga mesa doon. He was patiently waiting for me at nang makita ako nito ay agad na sumilay ang ngiti sa kanyang mukha.

“Pasensiya na kung medyo nahuli ako ng dating. Nahirapan kasi akong makahanap ng sasakyan puro puno kasi ang mga jeep. “ I said apologetically. “Kanina ka pa ba?”

“Ayos lang iyon.” Buhay na buhay ang aura nito at hindi rin pahuhuli pagdating sa pormahan. He’s wearing a navy blue polo paired with a black pants and a black leather pointed shoes. Kung tutuusin ay simple lang ng porma nito ngayon ngunit, dahil na rin sa magandang tindig at pagdadala nito ay lalong itong gumuwapo.

Paniguradong kapag nakita ito ngayon ni Chelsea baka tuluyan na itong molestyahin. With that thought, ay napangiti ako na hindi naman nakatakas sa kanya.


“You have a great smile.” Komento nito. “Dapat ay lagi ka lang nakangiti.”

Na-conscious naman ako sa papuring ibinigay nito lalo na sa nakikita kong amusement sa mga mata nito habang nakatitig sa akin.

“Ah.. Eh.. Salamat.”

Nagsimula na kaming umorder at dahil ito naman ang nakakakilala sa mga pagkain ng restaurant na iyon ay siya na ang pina-order ko. Mukhang enjoy naman itong ibigay ang mga napili niyang pagkain sa waiter.

“Hindi ka magsisisi kapag natikman mo ang Chopsuey nila dito.” Wika nito nang tuluyan nang maibigay nito sa waiter ang mga orders namin.

“Parang ang dami mo naman atang in-oder. Baka hindi natin maubos mga ‘yon.”

“Okey na ‘yon para mas marami pa tayong mapag-usapan habang kumakain.” Nakangiti na naman nitong tugon.

“Ikaw ang bahala.” Wika ko naman na sinamahan ko rin ng isang ngiti. Nakakadala rin kasi ang magandang aura nito.

“Kamusta na pala ang mga kaibigan mo.” He’s trying to open up a conversation. “Nakakatuwa talaga sila ang sarap nilang kasama.”

“Muntik ka nang ma-rape ni Chelsea natutuwa ka pa sa kanila.” Pabiro kong sabi.

Tumawa ito habang napapailing.

“It was my first time meeting a woman like Chelsea.” Tatawa-tawa nitong wika. “And I admit medyo natakot ako sa ginawa niya.”

“Natural lang ‘yon. Kahit sinong lalaki ay matatakot kung may isang baliw na babae ang bigla na lang amoy-amuyin siya.” Pareho kaming napatawa.

Tulad ng una ko itong makausap, madaling napagaan nito ang loob ko. Nawala ang kaninang pag-aalinlangan ko sa kanya. Sa mga makakakita sa amin ngayon walang mag-aakalang ito palang ang pangatlong beses na nakusap ko ito, para na kasi kaming matagal na magkakilala sa ginawa naming biruan at tawanan.

“Kakaiba talaga ang kaibigan mong iyon. She even said she wanted to court me. Wala pa akong babaeng nakilala na tulad niya.”

“Rare kasi ang lahi ni Chelsea.”


“Ano ba ang lahi niya?” Curious naman nitong tanong.

“Nagmula siya sa lahi ng mga baliw.” At muli kaming napahagalpak ng tawa.

Naputol lang ang masayang usapan namin ni Nhad nang i-serve na ng waiter ang mga in-oder namin. Hindi nga ito nagbibiro nang sinabi nitong masarap ang mga putahe sa naturang restaurant na iyon, amoy pa lang ay talagang nagpapakalam na nang sikmura.

“How was it?” Wika nito, na ang tinutukoy ay ang Chopsuey na pinagyayabang nito sa akin kanina.

“Masarap nga.” Tugon ko naman. “Ang galing ng chef nila dito, saktong-sakto lang ang pagkakaluto.”

“Iyan din ang nagustuhan ko sa Chopsuey nila dito. Hindi over-cooked ang pagkakaluto, kaya bawat nguya mo namnam mo ang sarap.”

“Bago lang ba ang restaurant na ito?”

“Yep! Two months pa lang ata ito.” He said at muli itong sumandok ng kanin. Nakakahawa ang pagiging magana nitong kumain.

“Mabuti naman at na-discover mo itong restaurant na ito.”

“Actually, it was my cousin. Sinama lang niya ako rito no’ng opening ng restaurant na ito. Kaibigan niya kasi ang may-ari na isa ring Chef. Honestly, you remind me of him.” Ani nito.

“Who? Yung pinsan mo?” Takang tanong ko naman dito.

“Nope. You remind me of Lawrence Samaniego, the owner of this restaurant. Maganda rin kasing ngumiti yon at napakabait pa. Kaya siguro nabihag niya ang puso ng pinsan ko at ang kapatid nito.”

“Hindi naman siguro nagpropose agad nang panliligaw ang dalawang pinsan mong ‘yon tulad ng ginawa ni Chelsea noh?” Pabiro kong wika.

“Worst pa doon.” Biglang sumeryoso ang mukha nito. “Alfie committed suicide 8 years ago while Kuya Pat is now a loner man. Both of them fell In love with Lawrence, magkaiba nga lang ng time frame.”

“I-I’m sorry.” Ang naitugon ko sa likod ng pagkabigla sa mga nalaman. Ang akala ko kasi ay babae ang tinutukoy nitong mga pinsan pero mali pala ako.

Gumuhit ulit ang ngiti sa mukha nito.

“Okey lang iyon.”

Sa unang pagkakataon ay namayani ang katahimikan sa pagitan namin ni Nhad. Nauwi kasi ako sa pag-iisip sa mga nalaman ko tungkol sa mga pinsan nito. Nakaramdam ako ng takot at lungkot

Ganito ba talaga ka-komplikado ang pinili kong buhay? Ang hindi ko maiwasang maitanong sa aking sarili.

“Huwag mo nang masyadong isipin ang bagay na iyon Ken.” Basag ni Nhad sa katahimikang namuo sa amin. “Natural lang sa nagmamahal ang nabibigo. Parte iyon ng buhay.”

Kung may bagay man akong nagustuhan kay Nhad, ito ay ang pagiging sensitive at pagiging observant nito. Pilit kong iwinaksi ang mga agam-agam na naglalaro sa isip ko.

“You’re right.” Nakangiti kong sagot sa kanya. “Lantakan na lang natin itong mga pagkain na in-order mo bago pa lumamig.”

Natapos ang dinner namin ni Nhad na puno ng tawanan, biruan at kung anu-ano pang kabalbalan. Hindi nga ako nagkamali ng assessment sa kanya, napakamasayahin nitong tao at maraming alam na kalokohan na tuluyang nagtanggal sa mga alalahanin ko sa mundo.

Matalinong tao si Nhad, iyon ang agad kong napansin sa kanya habang tumatagal ang aming usapan. Gustong-gusto ko ang mga ideya nito na idinadaan sa biro. Bawat mga sagot nito ay talagang mapapaisip ka at sa huli masasabi mo sa sarili mo, that he’s making sense.

Hindi ako nagsisisi na pumayag akong paunlakan ang imbitasyon niya, dahil kung no’ng sa cell phone lang kami nag-uusap ay marami akong natutunan sa kanya lalo pa ngayon. Napag-alaman ko rin, na sa lola niya ito lumaki at ito na rin ang tumayong magulang nito. Nasa abroad daw ang mga magulang nito at doon na namamalagi kasama ang dalawa niyang kapatid habang siya ay nagpaiwan sa lola niya para alagaan ito.

“Grabe, ang takaw natin.” Wika ko, nang maubos naming ang lahat ng pagkain na in-oder namin.

“Hindi naman siguro.” Nakangiti nitong sabi. “Napasarap lang ang kwentuhan natin kaya hindi na natin napansin na napaparami na pala tayo nang subo.”

Tinawag nito ang pansin ng isang waiter at nagsenyas ng bill. Kukunin ko na sana ang wallet ko nang pigilan ako nito.

“It’s my treat.”

“Hati tayo. Masyadong marami itong in-order natin baka mapasubo ka.” Nakangiti kong wika.

“’Wag makulit.” Ani nito at agad na naglabas ng kanyang wallet at naglabas doon ng isang libo. “Payday namin kahapon kaya I have enough money here.”

Hinayaan ko na lang ang pinapakitang generosity nito at baka masira pa nito ang magandang samahan na nabuo namin ni Nhad sa loob lamang ng ilang minutong pananatili sa restaurant na iyon.



“So, kasama mo ang bestfriend mo sa apartment na inuupahan niyo?”

Kasalukuyan naming binabagtas ni Nhad ang daan papunta sa apartment namin. Kahit anong pagtanggi ang ginawa ko kanina ay napilit pa rin ako nitong maihatid niya.

“Yeah, pareho kaming dayo rito.”

“I see.” Tatango-tango nitong sabi. “And your bestfriend is working as a call center agent also?”

“Hindi. Sa isang private company siya nagtratrabaho. Hindi niya kasi trip ang mga call center company.”

Muli itong napatango na para bang may iniisip.

“How long have you been together? I mean, ilang taon na kayong magkaibigan?” Kapag kuwan ay muling tanong nito.

“Since college.” Simpleng tugon ko rito.

“May katagalan na rin pala. Does he know?”


Napalingon ako rito na may pagtataka.

“Alin?”

“Your sexual preference.”

Hindi na ako nabigla sa sinabi nito. I know from the start na may idea na ito sa pagkatao ko. Alam ko rin na isa rin ito sa amin ni Jay though, mas lalaking-lalaki itong tingnan mula sa built nito hanggang sa kanyang tindig at hitsura.

Hindi muna agad ako nakasagot. Pinag-isipan kong mabuti kung dapat ko bang ipaalam sa kanya ang ginawa kong pag-amin kay Martin and I opted not to tell him.

“Nope.” Pagsisinungaling ko. “Malaking gulo kapag nalaman niya ang pagkatao ko.”

Hindi ko alam kung tama bang ang narinig ko na napasinghap ito. Nang ibaling ko ang aking tingin sa kanya ay nakaplastar na ang magandang ngiti nito.

“Ang weird mo talaga minsan.” Wika ko na lang na napapangiti na rin. “Bigla-bigla ka na lang ngumingiti kahit wala namang dahilan. Siguro kalahi mo rin si Chelsea noh?”

“Masama bang ngumiti?” Tanong naman nito sa akin.

“Masama kung wala naman dahilan. Baliw na kasi ang tawag do’n.” At napuno ang loob ng kotseng iyon ng tawanan namin.

Ilang minuto pa ay masayang narating namin ni Nhad ang apartment namin ni Martin. Inihinto ni Nhad ang sasakyan niya sa tapat.

“Ang ini-imagine ko kanina nang sabihin mong nangungupahan lang kayo sa isang apartment ay isang malaking bahay na maraming k’warto. Bahay pala talaga ang inuupahan ninyo.” Wika nito.

“Swerte lang na nakahanap kami ng ganito.”

“Akala ko ba kayo lang ng bestfriend mo ang nakatira diyan? Bakit ang dami ‘atang tao sa loob? Tumatanggap ba kayo ng bisita?”

True enough. Doon ko lang napansin na medyo maingay nga sa loob ng bahay. Rinig ko ang halakhakan ng mga lalaki at babae sa loob na para bang nagkakasayahan ang mga ito.

Agad akong bumaba ng kotse nito at tinungo ang pintuan ng apartment namin at talagang nabigla ako nang makita ang nagkalat na bote ng alak sa sala, mga lalaki at babae na hindi ko kilala at ang masama pa ay nasa mga kandungan na ng mga lalaki nakaupo ang mga babae.

What the hell is going on here? Ang naitanong ko sa aking sarili.

Hinanap ko sa mga ito ang imahe ni Martin pero wala ito sa kumpol ng mga unknown visitors namin. Isa sa mga babae ang nakapansin sa akin.

“Sino ka?” Doon na ako napansin ng iba pa nitong kainuman or should I say kaharutan.

“Sino kayo?” Ang naitanong ko naman sa kanila. “Apartment namin ‘to di ba?” Maski ako ay hindi na alam kung tamang apartment ba ang napuntahan ko.

“Oh, sino ang susu–– Ken.” It was Martin. Kalalabas lang nito sa kanyang dating kwarto at wala itong pang-itaas na damit. Halatang lasing na rin ito pero ang ikinabigla ko pa ay ang paglabas rin ng babae mula sa kwarto nito na hindi pa tuluyang naisusuot ang damit.

“That was hot Mart–– Sino siya?” Tukoy nito sa akin.

“A-Anong nangyayari dito?” Sa mga oras na iyon hindi ko na alam kung ano ang nararamdaman ko. Namanhid na ang buo kong katawan sa nasaksihan ko. I was not stupid, katatapos lang gumawa ng kahalayan nina Martin at ng babaeng nakalingkis dito.

“Ang aga mo namang umuwi. Mga katrabaho ko nga pala. Guys, si Ken, kasamahan ko dito sa bahay.”

Aaminin ko nasaktan ako sa mga nakita ko pero ang mas masakit ay ang uri ng pagpapakilala nito sa akin sa mga katrabaho niya na para bang isa lang akong simpleng kasamahan niya sa bahay na kahati niya sa bayad ng upa.

“May kasama ka pala.” Wika pa nito. Doon ko lang napansin si Nhad. Sumunod pala ito sa akin.

“N-Nhad.” Ang tangi kong nasabi. Nakaramdam ako ng panghihina at ibayong kirot sa aking puso. Gusto ko nang maluha sa mga oras na iyon pero tinatagan ko ang aking loob. Ayaw kong magmukhang kahiya-hiya sa mga katrabaho nito at sa harap ni Nhad.

“Pasok ka pare.” Wika nito at binalingan ang tingin sa mga katrabaho niya. “May alak pa ba?”

Hindi ko na alam ang mga nangyayari. Kanina lang ay ang ganda pa ng samahan namin na halos nagawa pa naming magbiruan, ito pa ang naglinis at nagluto para sa tanghalian namin.

What happened?

“Ken, hindi mo ba papapasukin ang bisita mo?” Kahit sa pananalita nito ay ramdam ko ang panlalamig niya.

Napatingin ako rito. Nasa mga kainuman na niya ang kanyang atensyon. Nakikipagtawanan at nakikipagharutan.

Is this your way of setting boundaries for both of us Matt? Pakuns’welo lang ba lahat ng mga ipinakita mo sa akin noon dahil tinulungan kitang muling makalusot sa magulang mo at ngayong hindi mo na ako kailangan ay basta-basta mo na lang akong itatapon?

Unti-unti nang umapaw ang galit sa akin. Feeling ko ay nagamit ako, naisahan, trinaydor at higit sa lahat iniwan. Iniwan ng isang tao na ang buong akala ko ay isang kaibigan ang turing sa akin. I was so stupid to think na balang araw ay magagawa rin nitong suklian ang nararamdaman ko.

“Nhad, pasok ka.” Ang wika ko sabay bigay ng isang pilit na ngiti.

Nakapagdesisyon na ako. Hindi ako patatalo sa nararamdaman ko, tama nang nasaktan niya ako ngayon. Hinding-hindi ko na hahayaan na masaktan pa ulit niya ako. Everything na pinakita nito sa akin ay isang ilusyon lang, isang pagpapanggap. And I was fool enough to make believe that it was all for real.

“Sigurado ka? Baka pagod ka na.” Ang nag-aalangang tanong ni Nhad.

“S’yempre naman. Bakit, ayaw mo ba dito? Okey lang sa akin kung gusto mong sa ibang lugar na lang tayo mag-inuman. Teka lang magpapalit lang ako ng damit para presko.”

Hindi ko na ito hinintay pang makasagot. Agad akong nagtungo sa kwarto namin ni Martin at nagpalit ng damit. Galit, himutok at pagkabigo ang nararamdaman ko sa mga oras na iyon.

Nang matapos akong makapagpalit ng damit ay lumabas na ako ng kwarto. Nakita kong tinatagayan si Nhad ng isang katrabaho ni Martin. Agad ko ito kinuha sa kamay niya at ibinalik sa taong tumagay rito.

“Aalis muna kami.” Wika ko na ang tingin ay na kay Martin. Tumango lang ito bilang pagtugon na lalo lang nagpabigat sa nararamdaman ko. Nagpatiuna na akong lumabas ng apartment.

“Sigurado ka bang gusto mo pang lumabas?” Ang tanong ni Nhad nang makasunod ito sa akin.

“Yep.” Tugon ko sa kanya. “Ikaw ba, wala kang lakad bukas? Ayos lang kung hindi mo ako masasamahan.”

Napatitig lang ito sa akin na para bang inaarok ang mga tumatakbo sa isipan ko. Nang siguro ay wala itong makuha ay nagkabit-balikat na lang ito at ngumiti.

“Let’s go.” Magiliw nitong sabi.

Itutuloy. . . . . . . . . .


zildjianstories.blogspot.com

No comments:

Post a Comment