by: Zildjian
Maganda ang buong bahay nina Jay.
Talagang kabigla-bigla para sa amin na mga ka-trabaho niya, na ito pala ang
tunay niyang mundo. Oo nga’t may pagkamadaldal rin si Jay lalo na kung gusto
nito ang topic pero ni minsan ay hindi ito nagbabanggit ng tungkol sa estado
niya sa buhay.
House party. Iyan ang masasabi ko sa
setup nang makapasok kami sa loob ng malawak na garden nina Jay. Grupo-grupo
ang mga tao, halatang hindi lahat ay magkakakilala. Ang ilan ay nasa tabi ng
malalaking speakers at sumasabay sa tugtugin habang may mga hawak na bote ng
beer. Ang iba naman ay kuntento na sa pagtatawanan kasama ang mga kakilala
nila.
“Grabe, ganito pala kayaman itong si
Jay.” Naibulalas ni Rex. Tulad ko ay hindi pa rin makapaniwala ang mga ito sa
natuklasan.
“Speechless ako.” Ani naman ni Chelsa.
“Akala ko mukhang mayaman lang ang isang iyon.”
“No wonder na parang hindi siya
seryoso sa trabaho. I mean, wala siyang pakialam kung matanggal siya sa
kaka-absent niya.” Wika naman ni Rachalet.
“And his circle of friends, hindi mga
basta-bastang tao.”
Tama nga naman si Chelsa, hindi
basta-basta ang mga bisita ni Jay. Sa mga hitsura palang ng mga ito alam mo
nang ilan sa kanila ay nagmula sa may mga kayang pamilya lalo na ang grupong
malapit sa mesang kinauupuan namin.
“I’m pretty sure nakita ko na yang
Renzell Dave na ‘yan.” Ang biglang wika ni Rachalet na ang tinutukoy ay ang
dalawang lalaki kanina na una na naming nakilala. “Kung hindi ako nagkakamali
kapatid siya ni Dorwin Nivera. Minsan na siyang naging cover ng isa sa mga
magazines as one of the few successful bachelors in his field.” Dagdag pa
nitong wika.
“Hindi pala sila mga just-just.” Ani
naman ni Chelsa na tulad ko at ni Rachalet sa grupo rin nina Alexis nakatingin.
Hindi ko naman sila masisisi, sadyang malakas ang hatak ng mga ito.
“Anong hindi mga just-just?” Ang tila
naguluhan ko namang tanong sa sinabi ni Chelsa.
Tinaasan ako nito ng kilay.
“Basta-basta, just-just. Gets?”
Tumango na lang ako dito para hindi na
humaba pa ang usapan.
Hindi ko pa rin maalis ang tingin sa
grupo nina Alexis, sa totoo lang naiinggit ako sa nakikita kong sweetness ng
dalawang magkasintahan. Bakas sa mukha ng mga ito ang contentment sa isa’t isa.
Nakakatuwa rin ang pinapakitang PDA ng mga ito na animo’y walang pakialam sa
kung ano man ang sasabihin ng mga taong nakakakita sa kanila sa loob ng party
na iyon.
Sana ganyan din kami ni Martin. Ang di
ko maiwasang pangarapin sa mga oras na iyon. Alam kong hindi angkop ang
pag-eemo ko dahil party iyon, masaya ang lahat ng tao. Pero sadyang hindi ko
maiwasang malungkot sa tuwing pumapasok sa kokote ko ang katotohanang kailanman
ay hindi mabibigyan ng katuparan ang pangarap kong iyon.
“Kain pa kayo.” Ang nakangiting bati
sa amin ni Jay. Kanina pa ito busy sa pag-i-entertain ng mga bisita niya.
“Gutom lang kami hindi patay-gutom.”
Wika ni Rachalet dito.
Inabutan ito ni Rex ng isang bote ng
beer na tinanggap naman nito. Kanina pa siya hindi nakakainum dahil sa sobrang
pag-i-entertain niya sa kanyang mga bisita. Nakakabilib lang na nakangiti parin
ito hanggang ngayon na para bang hindi manlang napapagod sa paroo’t parito
niya.
“Okey lang ba kung same table na lang
kayo ng mga bestfriends ko? Para naman hindi ako malasing agad. Ang hirap kasi
kapag dalawang mesa ang tinatagayan ko baka una akong matumba.” Ang nakangiti
nitong sabi.
“Sure!” Agad na pagsang-ayon ni Chelsa
at Rachalet.
“Okey wait lang at sasabihan ko sila.”
Ani nito at agad na ngang pinuntahan ang sinasabi nitong mga kaibigan niya.
Sinundan naman namin ito nang tingin
hanggang sa lumapit ito sa grupo ng dalawang magpartner na una na naming nakilala kanina. Napatingin
ang mga ito sa amin at napatango-tango ilang saglit lang ay isa-isa nang tumayo
ang mga ito.
“These are my friends, actually
bestfriends; Maki, Lantis, Niccolo, Alex and his partner Dave.” Ang
pagpapakilala ni Jay sa mga ito sa amin. “Guys, these are my officemates;
Chelsa, Rachalet, Rex and Kennet.” Isa-isa namang naglahad ng mga kamay ang mga
ito sa amin.
Masasabi kong mas maganda pala silang
tingnan sa malapitan. Lahat sila ay may angking dating na naiiba sa bawat isa
sa kanila.
“Nakalimutan mong ipakilala ang pusa
ko Jay.” Ani ng lalaking nagngangalang Lantis. “Baka gusto mong kalimutan ko na
rin ang regalo mo.”
Doon lang namin napansin ang puting
pusa na hawak nito.
“Pusa mo? At kelan pa naging pusa mo
si Kerochan ko?” Ani naman ng lalaking nagngangalang Niccolo.
“Pusa ko ‘to at hindi Kerochan ang
pangalan niya, Karupin.”
Na-wewerduhan akong nagpapalit-palit
ng tingin sa dalawang lalaking pinag-aawayan ang walang kamuwang-muwang na
pusa.
“Hep! Cease fire muna kayong dalawa
nakakahiya sa mga officemates ni Jay.” Saway sa mga ito ng lalaking
nagngangalang Maki.
“Mga baliw talaga ang mga kaibigan mo
Maldita.” Ang napapailing na wika ni Dave.
“As the saying goes, the more you hate
the more you love.” Tugon naman ni Alexis dito na sinamahan pa nito nang isang
nang-aasar na ngisi sa dalawang lalaki.
Katulad ko rin ba ang dalawang
lalaking ito? Ang di ko maiwasang maitanong sa aking sarili habang nakatingin
sa dalawang lalaki na ngayon ay pareho nang nakakunot ang noo at nakasimangot
sa kaibigan nila.
“Bago pa kayo magkapikunan uminum na
tayo para masaya.” Nakangiting wika ni Maki, halatang sanay na ito sa asaran ng
mga kaibigan niya.
Hindi naman mahirap pakisamahan ang
mga kaibigan ni Jay. Taliwas sa ibang mga mayayaman at sikat na tao
napakadown-to-earth ng mga ito at sobrang makukulit. Agad na nakasabay sina
Chelsa , Rachalet at Rex sa mga ito siguro dahil sa pare-pareho silang may
sayad.
Ako man ay nag-eenjoy na rin sa
company ng mga ito dahil nga sa pagiging kalog nila lalo na si Dave na sobrang
lakas mangbara at mang-asar. Doon din namin napag-alaman na kakabata pala sila
ni Jay maliban lang kay Dave na partner ni Alex kung kaya ito napasama sa
kanila.
“Hindi talaga namin ini-expect na
ganito pala kalaki ang bahay nina Jay.”
Si Chelsa. “At hindi ko rin ini-expect na makikilala ko ng personal ang
isa sa pinakasikat na bachelor ng Pilipinas.”
“Sikat pala ako? Narinig mo yon
Maldita?” Ang nakangising wika ni Dave.
“Naku Chelsa, wag mong masyadong
pinupuri itong ulupong na to lalaki ang ulo niyan.” Ang nagbibiro namang tugon
ni Alex na sinimangutan lang ng partner nito.
“So, you guys are really an item?”
Ewan ko ba kung bakit naitanong pa iyon ni Rachalet obvious naman kasing
magkasintahan ang dalawa. Mukhang tinamaan na ‘ata ito ng iniinom namin
nagiging mausisa na kasi ito kapag nakainom na. “I didn’t mean to offend you
okey? Hindi lang ako makapa….”
Hindi na nito naituloy ang kanyang
sasabihin ng siilin ni Dave si Alex ng halik sa harap naming lahat. Literal
akong napanganga sa ginawang iyon ni Dave habang sina Rachalet at Chelsa naman
ay napatili.
“Anu nga ulit yung tanong mo miss?”
Ang nakangising tanong ni Dave kay Rachalet.
Namula naman si Alex sa ginawang
kalokohan ng partner niya at pabirong
binatukan ito. Makikita mo talaga sa mata nilang dalawa kung gaano nila kamahal
ang isa’t isa. Alam kong ginawa iyon ni Dave hindi lang para patunayang may
relasyon sila, ginawa niya iyon para na rin bakuran ang sarili niya sa mga
taong may gusto sa kanya. Ganun nito kamahal si Alex.
“Bagay talaga kayong dalawa pareho
kayong mahahalay.” Ang tatawa-tawang wika ni Jay.
“Nahiya naman ako sa pagiging sagrado
mo.” Balik naman ni Dave dito.
Ganun na ang sumunod na usapan habang
lumalalim ang gabi. Hindi na muling nag-usisa pa si Rachalet patungkol sa
relasyon ng dalawa marahil ay nakuntento na ito sa ginawa ni Dave.
Tawanan, alaskahan, banatan ng kung
anu-anong kagaguhan. Yan ang mga sumunod na nangyari sa mesa namin habang ako
ay pangiti-ngiti lang sa kanila. Komportableng-komportable ang mga kasama ko sa
presensya ng mga kaibigan ni Jay.
“Sadya bang tahimik ka lang o hindi ka
talaga nag-eenjoy?” Ang nakangiting tanong sa akin ng isa sa mga kaibigan ni
Jay na si Niccolo.
Ngumiti naman ako sa kanya. Ayaw ko
namang lumabas na KJ sa kanila dahil ang totoo nag-eenjoy naman talaga ako
sadyang hindi lang ako mahilig bumangka at mas pinipili ko na lang makinig at
makitawa.
“Ganyan na talaga yan Nico.” Ani naman
ni Jay. “Masyadong seryoso sa buhay iyang si Ken.”
“Good, sa tingin ko magkakasundo tayo.”
Ang nakangiting wika sa akin ni Nico. Sa
totoo lang nabigla ako na kinakausap ako nito ngayon, may pagkasuplado kasi ang
dating nito tulad ni Lantis.
“Tingin mo lang iyon.” Basag naman ni
Lantis dito. “Wag kang makikipagkaibigan diyan Ken, babaho ang kamay mo.”
Dagdag pa nitong sabi.
“Wag kang maniniwala sa kanya,
mapanirang-puri lang talaga ‘yan.” Balik naman ni Nico dito.
“Hep! Tama na yan nagsisimula na naman
kayong dalawa.” Saway ni Maki sa mga ito mukhang ito ang peacemaker sa
barkadahan nila. “Maiba ako, kamusta ang Coffee shop mo Nico?”
“So far so good.” Ani nito.
“Wow! You own a coffee shop?”
Pagbutt-in ni Chelsa sa usapan ng magkakaibigan.
“Nope. Coffee shop namin ni Alex.”
“Pera ni Dave yon. So, technically si
Dave ang kasosyo mo.” Ang nakangiting wika ni Alex.
“Asawa kita so, technically pera mo
rin ‘yon.” Pagtatama naman ni Dave.
Nakakatuwa talagang pagmasdan ang
sweetness nilang dalawa di ko tuloy maiwasang hindi mainggit. Nagbibigay rin
kasi ito sa akin ng pag-asa na may happy ending talaga sa pinili kong buhay.
“Bakit hindi mo i-invite ang mga
officemate ni Jay sa coffee shop mo? Most call center agents ay adik sa kape.
Maybe they can help you to advertise your new business.” Suhest’yon ni Dave
dito.
“Tapos ko nang i-advetise sa opisina
ang bagong coffee shop ni Nico.” Ang nakangising sabi ni Jay. “Pero s’yempre,
dahil nagpapaka-low profile ako hindi ko sinabing kaibigan ko ang may-ari.”
Dagdag pa nitong wika.
“Wow! So ikaw pala ang may-ari ng
bagong coffee shop na malapit sa opisina namin.” Si Rachalet. “Masarap ang
hazel nut coffee niyo. Bakit hindi ka namin nakita ni Chelsa nang magpunta kami
no’ng Thursday?”
“It’s either tulog ako or hindi ko
lang kayo naabutan.” Ang nakangiting tugon ni Nico.
Naging usapan na namin ang tungkol sa
coffee shop ng dalawang kaibigan ni Jay. Kinulit na kasi ito nina Chelsa at
Rachalet na parehong adik sa kape. Sa sobrang pag-eenjoy ay hindi na namin
namalayan na malalim na pala ang gabi.
Naisipan kong magpaalam sa kanila na
magpahangin muna ako sa labas. Puro na kasi sigarilyo ang nalalanghap ko dahil
sa halos lahat ng bisita ni Jay ay naninigarilyo isama mo pa ang dalawang
babaeng kasama namin sa lamesa na parang tambutso na ang bibig.
Medyo nabawasan na rin ang mga bisita
ni Jay. Doon ko lang nabigyan ng pansin ang magandang paligid ng baryong iyon.
Minsan talaga maganda ang tumira sa mga ganitong lugar. Tahimik, presko ang
hangin at hindi magulo hindi katulad sa s’yudad.
Nasa ganu’n akong pag-iisip ng
mag-vibrate ang cellphone ko. Napangiti ako nang makita ko ang pangalan ni
Martin sa main screen.
“Anong oras ka uuwi?” Bungad nito sa
akin hindi ko pa man ito nababati.
“Sa tingin ko malapit na. Lasing na
ang mga kasama ko eh.” Tugon ko rito hindi pa rin nawawala ang nakaplastar na
ngiti sa aking mukha.
“Ilang oras naman kaya iyang malapit
na?” Umandar na naman ang ala tatay nitong mga tanong.
“Hindi ko alam eh.”
Rinig kong napabuntong-hininga ito sa
kabilang linya.
“Umuwi ka na Kenotz.” Tama ba ang
itong nahihimigan ko sa kanya?
Nilalambing ba niya ako?
“Kenotz?” Basag nito sa bigla kong
pananahimik.
“Dito pa ako. Oo, uuwi na ako.” Ang
naiwika ko na lang naguluhan kasi ako sa uri ng pagkakasabi nito na umuwi na
ako para kasing may himig iyon ng paglalambing. Parang he missed me na di ko
maintindihan.
“Promise? Hihintayin kita ha.” Ang
narinig ko na lang na wika nito sabay ng pagkaputol ng linya.
Posible ba talaga iyon? Ang tanong ko
sa aking sarili. Sa simpleng gesture na iyon ni Martin sa akin ay nagulo nito
ang sistema ko. Ewan ko ba, pero kahit anong pilit kong isaksak sa kokote ko na
hindi iyon pweding mangyari may bahagi ng puso ko ang umaasa.
“Ganun na ba kalakas ang epekto sa ‘yo
ng kausap mo sa telepono para matulala ka ng ganyan?” Ang wika ng isang lalaki
at nagulat ako nang malingunan ko kung sino ito.
Itutuloy. . . . . . . . . . .
zildjianstories.blogspot.com
No comments:
Post a Comment