by: Zildjian
Dahil araw naman Linggo – ang
natatanging araw na wala siyang pasok ay minabuti ni Andy ang mag-general
cleaning. Minsan lang niya itong magawa kapag tinatamaan siya ng sipag. Kaya
imbes na gawin niyang pahinga ang araw na iyon ay minabuti na lamang niyang
ipagpaliban na muna.
Inuna niya ang mga nakatambak niyang
labahan sa kanyang kwarto. Napailing
siya nang mapagtanto kung gaano karami iyon. Noong unang Linggo ay hindi siya
nakapaglaba dala ng ulan at ngayon heto’t tambak na ang kanyang maruruming
damit, pantalon at boxers.
“Mukhang mapapalaban ang mga kamay ko
sa kuskusan, ah.” Naisambit niya saka binitbit ang mga labahan sa banyo para
doon ibabad ang mga ito.
Nasanay siya noon sa buhay na may
katulong na siyang maglilnis at maglalaba para sa kanya. Iyon ang panahon kung
saan nasa puder pa siya ng kanyang mga magulang subalit, nang mag-solo siya sa
buhay kinailangan niyang matutunan ang mga bagay na hindi niya nakasanayang
gawin. Sariling sikap kung baga.
Kinuha niya ang kanyang
pinaka-iingatang mini-speaker sa cabinet. Regalo iyon sa kanya ng isa sa
maliligalig niyang kaibigan noong nagdaang pasko. Kinabit iyon sa kanyang
cellphone at may background music na siya na lalong magpapagana sa kanyang
maglinis. Itinudo niya ang volume niyon, at nagsimula ng magwalis sa kabuohan
ng kanyang apartment.
Hindi naman siya nahirapan. Sa loob ng
halos dalawang taon ay naperpekto na rin niya ang pagiging houseboy. Naging
advantage rin sa kanya ang hindi karamihang gamit para madali niyang maibalik
sa magandang ayos ang apartment niya. Konteng walis, punas dito at doon ay
natapos siya agad.
Ang sunod naman niyang binigyan ng
pansin ang kanyang gabundok ng labahan. Nang muli niyang sipatin ang mga ito habang
nakababad sa palanggana ay muli siyang napangiwi. Ang paglalaba ang pinaka-ayaw
niyang gawin dahil ito ang kumakain ng oras niya. Mano-mano kasi ang paglalaba
niya. Kamay kung kamay. Minsan nga ay naiisip niyang patulan na lang ang
suhistyon ni Miles na dalhin na lang sa bahay nito ang kanyang mga labahan at
doon ipalsak sa washing machine pero nahihiya siya. Ayaw naman niyang sobrang
makaperwisyo ng tao.
Bago pa siya tuluyang tamaring maglaba
dala ng pagkalula sa dami niyon ay minabuti na lang niyang sinimulan na ang
ritwal. Inuna niya ang mga puting damit niya.
“Pambihira talaga ang buhay,
nakakasama ng loob minsan.” Naibulalas niya habang nagsisimula ng magkusot.
“Bakit kasi hindi mo na lang dalhin
‘yan sa Laundry Shop.”
Halos mapatalon siya sa pagkabigla
nang marining ang nagsalitang iyon. Nakatalikod kasi siya sa pintuan ng banyo
kaya hindi niya napansin na may tao na pala. Nang lingunin niya ito ay ang
nakangiting si Nhad ang bumulaga sa kanya na lalo naman niyang ikinagulat.
“Hindi mo dapat iniiwang nakaawang ang pintuan
mo habang busy ka.” Pagpapatuloy nito na halata sa mukha ang pagkawili sa
nakikitang reaksyon niya.
Wala. Hindi niya magawang
makapag-react. Para siyang na estatwa sa pagkabigla.
Saan ka ba nabigla? Sa presensiya niya
o sa hitsura niya? Ang nang-aasar na namang wika ng isang bahagi ng kanyang
isip.
Marahan niyang ipiniling ang kanyang
ulo para iwaksi sana ang mga naglalarong
salita doon subalit lalo lamang tuloy `ata siyang nagmukhang ewan sa harap nito
nang makita niya ang pagpipigil nitong matawa.
Inayos niya ang kanyang sarili. Kung
bakit naman kasi bigla-bigla itong sumusulpot. Hayon tuloy at nawawala siya sa
kanyang tamang huwisyo. At bakit para yatang nadagdagan ang epekto nito sa
kanya ngayon?
“B-Bakit ka nandito?” Ang pilit niyang
pagpapakapormal na naisambit.
“Dumadalaw.” He casually answered.
“Pasensiya na kung dumiretso na ako dito sa loob, ah. Wala kasing sumasagot sa
akin sa labas, eh.”
“Ayos lang iyon. Napalakas yata ang
volume ng music ko kaya hindi ko napansin na may tao pala.” Tugon naman niya.
“Mukha nga.” Nakangiti naman nitong
balik saka binalingan ang kanyang mga labada. “Ikaw lang mag-isa ang tatapos
niyan?”
Napakamot siya sa kanyang batok at
mahiya-hiyang tumango. Sa dinarami-rami ba naman kasi ng sitwasyon na p’wedi
siyang mabungaran nito bakit sa paglalaba pa niya.
“Bakit hindi mo na lang ipa-laundry
ang mga yan? Masyado `atang marami ‘yan para manu-manuhin.”
“Sayang ang pera, eh.” Pag-amin niya.
Nagtitipid naman talaga siya sa mga gastusin. Hindi naman kasi gaanong
kalakihan ang sahod niya. Tama lamang iyon para pambayad sa upa ng apartment at
pambili ng kanyang makakain. Minsan pa nga nag-sho-short siya.
Ewan niya kung tama ang nakita sa mga
mata nito. Para kasing may nabakasan siyang amusement doon habang nakatitig sa
kanya at napapatango.
“Sabagay tama ka.” Pagsangayon nito.
“Pero kakayanin mo ba lahat ‘yan? Gusto mo tulungan kita? Marunong din akong
maglaba.”
“Hah?” Ang natanga naman niyang tugon
rito. Bakit ba ang hilig yata nito magpakita ng mga bagay na ikinagugulat niya?
Oo nga’t alam niyang mabait itong tao pero hangang ngayon ay hindi pa rin niya
maiwasang magulat kapag nasasaksihan niya ang kabaitan nito.
Muli itong napangiti.
“Sabi ko, baka gusto mo ng tulong
diyan sa paglalaba mo.”
“Ay, hindi na. Ayos lang ako kaya ko
`to.” Maagap naman niyang pagtangi.
“Sige na, tutulungan na lang kita
promise hindi ka magsisisi. Tinuruan ako ng lola kong maglaba gamit ang kamay.”
Pagpupumilit naman nito.
“Huwag na, mababasa ka lang. Kaya ko
`to, ang konte nga lang nito, eh.”
“Asus. Konte ba kamo? Eh bakit narinig
kita kaninang nagrereklamo?” May pahid ng panunukso naman nitong wika sa kanya.
Huli siya nito. Narinig nga pala nito
ang sintemyento niya kanina. Pero kahit na, hindi pa rin niya papayagang
tulungan siya nitong maglaba.
“Basta kaya ko na ‘to.” Pagtatapos
niya sa kanilang pagtatalo at muli tinalikuran ito para hindi na ito mangulit
pa’t maituloy na niya ang naudlot na paglalaba.
Rinig niyang napahagikhik ito dahilan
para lingunin niya ito.
“Bakit ka humahagikhik diyan?”
“Wala. Naalala ko lang kasi na ganyan
ka rin noong nasa hospital pa ako. Kapag nagtatalo tayo, palagi kang umiiwas
agad pag nakakapuntos kana para hindi ako makabawi sa’yo. Honestly, noon
kina-iinisan ko ‘yon, pero ngayon ikinatutuwa ko na.” Nakangisi nitong sabi.
“Gano’n? Ayos ‘yan. Isang
napakagandang palatandaan iyan na umaayos na ang lagay mo.” Nakangisi naman
niyang tugon rito.
“I guess you’re my cure.”
“Banat ba ‘yan?.” Pagbibiro pa niyang
lalo rito.
“Nope,nagsasabi lang ako ng totoo.
Whenever I’m with you, gumaganda ang pakiramdam ko.” Nakangiti naman nitong
balik sa kanya.
At hayon na naman ang kakaibang
pakiramdam na palaging nagpapa-conscious sa kanya sa harap nito. Ngiming ngiti
na lamang ang ibinalik niya rito at saka mabilis na nag-iwas ng tingin. Hindi
niya maintindihan ang kanyang sarili, alam naman niyang gusto lamang nitong makalimot
kaya ito lumalapit sa kanya subalit hindi pa rin niya maiwasang tablan sa mga
sinasabi nito.
Sabagay, minsan na rin naman niyang
hinangaan ang taong ito. Hindi nga ba’t ito ang lalaking muling pumukaw ng
interes niya noon. Weird nga kung tutuuisin dahil ni minsan ay hindi na siya
lumingon pa sa iba. Tanging nakay Jasper lamang ang atensyon at paghanga niya
noon pero ng makita niya si Nhad, kakaiba ang ibinigay nitong pakiramdam sa
kanya. Lalo na nang ngitian siya nito at purihin ang mga inuming likha niya.
For almost three years na ikinulong
niya ang sarili kay Jasper hindi niya lubos akalain na may isa pa palang tao na
kayang pukawin ang lahat sa kanya. Isang taong makakapagpaalala sa kanya na tao
pa rin siya na nakakaramdam. Subalit hindi naman nagtagal iyon, dahil ang taong
iyon ay may iba ng gusto at ‘yon ay hindi siya. Sa takot niyang mabigo at
masaktan ulit, agad niyang kinalimutan ang damdamin dito pero sadyang mapagbiro
ang tadhana. Muli silang pinagtagpo nito.
“Alright.” Kapagkuwan ay wika nito
“Since ayaw mo naman akong payagang tulungan ka sa paglalaba, how about if I
prepare lunch for the both of us, payag ka?”
Medyo hindi niya naintindihan ang
sinabi nito kaya naman muli niya itong nilingon.
“It’s almost lunch time, hindi mo
naman siguro balak na hindi kumain para lamang matapos iyan di ba? Baka
mag-reklamo iyang mga alaga mo sa tiyan.” He said while grinning.
“Actually, iyon ang balak ko.”
Pagsasabi niya ng totoo.
“Hindi healthy ‘yan. Puyat ka na nga
sa trabaho, hindi ka pa nakakakain ng tama. ” Hindi pa rin napapalis ang ngiti
nito sa mukha.
Kung hindi lang niya alam na bigo ito
at nagsusumikap na makapag-move on ay iisipin niyang baliw na ito dahil sa
palagi nitong pagngiti.
Ito siguro ang paraan niya para
makalimot sa problema. Sabagay, ganito rin naman ako dati, ngiti ng ngiti kahit
walang dahilan para lang makapagkunyaring masaya. Naisatinig niya sa kanyang
isipan.
“So?” Untag nito sa kanya.
“Ah..ehh…” Wala siyang mahapuhap na
isasagot dito. Ang totoo, nakalimutan na nga niya kung ano ang mga sinabi nito.
Pagdating talaga sa lalaking ‘to nawawala siya sa tamang huwisyo.
Muli itong nagpakawala ng isang
mapagpalang ngiti and God knows how he almost fainted. Lalo lang tuloy nagulo
ang utak niya.
“Ahh.. ehh…” Ang tila nang-aasar na
panggagaya nito sa kanya.
“Tss! Tigilan mo nga ‘yan, lalo tuloy
akong di nakakapag-isip ng tama, eh.” May bahid ng pagkaasar niyang wika.
Nahihirapan na nga siya, inaasar pa siya nito.
Kita niya kung papaano ito
mapahagikhik bakas ang pagkagiliw sa g’wapo nitong mukha na hindi niya
maikakailang may kakaibang dulot na saya sa kanya. Ito pa lang ang pangalawang
araw na magkasama silang hindi nagbabangayan pero heto’t para na silang matagal
ng magkakilala.
“Ang tagal mo naman kasing sumagot.
Gusto mo ba ng lunch o hindi? Bilis at nang makapaghanda ako.”
“Feel at home ka rin noh?” Imbes na
putulin ang masayang aura nito ay sinakyan na lamang niya. Nakakadala rin kasi
ang kasiyahan nito. “Syempre gusto, pero ano naman ang lulutuin mo eh wala
akong stock ng pagkain.”
“You bet!” Ngingisi-ngisi nitong
turan. “Ano ba ang gusto mong lunch?”
“Kahit ano basta may kanin.”
“Ano ba ang paborito mo?” Pangungulit
pa nito but somehow it made him feel really special. Ni minsan kasi ay wala
pang nagtatanong sa kanya kung ano ba ang mga paborito niyang pagkain.
“Adobong Manok.” Nakangiti niyang
tugon rito.
“S’werte mo’t magaling ako sa putahing
iyan. Teka, marunong ka naman sigurong mag-saing ng kanin di ba?”
“Medyo.”
“Meron ka bang isasaing?”
“Wala.” Nakangisi niyang tugon.
“Sabi ko nga.” Ang napapalatak nito
wika. “Siya, ituloy mo lang muna iyang paglalaba mo at lalabas muna ako para
bilhin ang mga kakailanganin ko. Hindi na ako magtatanong kung may mga rekados
ka dito dahil kung bigas nga ay wala ka, ang mga iyon pa kaya.”
“Nice! Ang talino mo.” Nang-aasar
naman niyang balik dito. “Teka, kuha lang ako ng pera.” At akmang tutunguhin na
sana niya ang kwarto kung saan naroon ang wallet niya ng pigilan siya nito sa
pamamagitan ng paghawak sa kanyang
braso.
Para siyang nakuryente ng maglapat ang
kanilang mga balat. Hindi pa niya nararamdaman ang gano’n sa tanang buhay niya
kaya naman medyo nabigla siya at napakislot na ikinataka naman nito.
“Oh, bakit?” Takang tanong nito sa
kanya.
“W-Wala. S-Sandali’t kukuha lang ako
ng pera.” At pasimple niyang binawi mula sa pagkakahawak nito ang kanyang braso
ngunit muli lamang nito iyong hinawakan.
“`Wag kanang kumuha ng pera. It’s my
treat.”
“H-Ha? S-Sige, ikaw ang bahala.” Ang
nauutal naman niyang tugon. Hindi niya alam kung ano itong biglang nangyayari
sa kanya at lalong hindi niya alam kung para saan ang kakaibang kaba na meron
siya sa mga oras na iyon.
Nangunot naman ang noo nito na animo’y
naguluhan sa biglaang pagiging uneasy niya.
“Ayos ka lang, Andy?”
Sa muling pagkakataon ay binawi niya
rito ang kanyang braso. Na-conscious talaga siya sa hatid ng simpleng paghawak
nito sa kanya. Pinilit niyang ibalik sa normal ang sarili bago pa ito tuluyang
maguluhan sa kanya.
“Ayos lang ako. Sige na, bumili kana
ng mga kakailanganin mo para matikman ko na iyang pinagyayabang mong adobo.”
“Sigurado ka, ah. Oh sige, babalik ako
agad.” Nakangiti na nitong sabi na tinugon naman niya ng isang tango.
Nang tuluyan na nga itong makaalis ay
doon lamang siya nakapagpakawala ng isang malalim na buntong hininga.
Naguguluhan talaga siya kung bakit gano’n nalang ang hatid na kilabot sa
kanyang katawan nang maglapat ang kanilang mga balat kanina. The feeling was
very disturbing na halos pati ang kanyang puso ay nagrigodon ng sobrang lakas.
What the hell was that? Hindi niya
mapigilang maitanong sa kanyang sarili.
“Ano sa tingin mo?”
“Hmmm.. “ Ang pabitin naman niyang
turan.
“May nalalaman ka pang ganyan, sabihin
mo na lang kasi kung masarap ba o hindi.” Hindi naman makapaghintay nitong
wika.
“Sandali, ang init pa eh.” Pang-aasar
niyang lalo dito. Ang totoo, sinasadya talaga niya itong bitinin. Halata kasi
sa mukha nito ang excitement na makuha ang magiging reaksyon niya sa niluto
nito.
“Hipan mu kasi iyang kutrasa.”
“Nagmamadali? Heto na nga, oh.” At
tinikman na nga niya ang sabaw ng niluto nito na kanina pa niya alam kung ano
ang magiging lasa base na rin sa amoy at hitsura nito. Syempre, paborito niyang
pagkain ito kaya sa amoy at hitsura pa lang alam niya na kung masarap ba ang
pagkakaluto niyon o hindi.
Hindi nga siya nagkamali sa kanyang
sapantaha. Ang sarap ng pagkakaluto nito. Sa katunayan, hindi niya talaga
inaasahan na magaling itong magluto. Wala kasi sa hitsura nito na may alam ito
sa kusina subalit ng makabalik ito kanina at magsimulang i-take over ang lahat
lihim siyang napabilib.
Mula sa paghihiwa hanggang sa mga
napili nitong rekados ay halatang alam nito ang ginagawa. At ang talagang
nakakuha ng pansin niya ay ang pagiging malinis nito sa kusina. Hindi nito
hinahayaang magkalat ang mga ginamit nito at itambak lang sa lababo. Habang
nagluluto at habang nakikipagk’wentuhan sa kanya ay hinuhugasan naman nito ang
mga ginamit. Kung tutuusin ay napaka feel at home nito pero imbes na ikainis
niya iyon, na-cute-an pa siya sa pagiging komportable nito sa bahay niya.
“So?” Ang hindi na talaga
makapaghintay nitong untag sa kanya.
“Walang katulad.” Nakangiting niyang
tugon. “Ang sarap!”
“Sabi sayo, eh!” Biglaan namang
pagtaas ng kumpyansa nito na ikinatawa niya.
Hinayaan na muna niya ang kakaibang
idinulot ng pagkakahawak nito sa kanya kanina. Kahit ano kasing isip niya ay
hindi niya mahanapan ng dahilan kung bakit iyon ang naramdaman niya at kung
para saan ba iyon.
“Saan ka ba natutong magluto? Ayos,
ah! Bukod sa pagiging suicidal mo may tinatago kapa pa lang ibang talent.” Ang
kanyang wika na nilakipan pa niya ng nang-aasar na ngisi.
“Di ka nakakatawa.” Ang tila naman
napikon nitong tugon. “Ikaw na nga itong pinagluto ko, ikaw pa itong may ganang
mang-asar.”
Lihim siyang napahagikhik.
“Biro lang, ito naman. Tara kain na
tayo nakakagutom itong niluto mo, eh.”
“Ewan ko sayo.” Nagtatampo pa rin
nitong wika. “Kumain ka mag-isa mo.”
“Sorry na. Ito naman, di ka na mabiro.
Sige sige, di kana suicidal, exhibitionist ka na lang.”
Weird talaga na pagkaharap niya ito ay
kaya nitong palisin ang kahit na anong pangamba niya at mga bumabagabag sa
kanya. And the instant closeness? Hindi niya alam kung papaano nangyari. Basta
kanina, habang nagluluto ito at kaswal silang nagkuk’wentuhan ay tuluyang nawala
ang pag-aalinlangan nila sa isa’t isa. Nagagawa nilang magbatuhan ng biruan na
para bang ilang taon na silang magkaibigan.
“Sus!” Pagmamatigas pa nitong lalo.
“Sige, kung hindi mo ko sasabayang
kumain bahala ka. Basta ako, nagugutom na at kailangan ko pang tapusin ang mga
labahan ko.” Kunyari ay pambabaliwala niya sa pagtatampo nito.
“Tingnan mo `yang ugali mo. Ikaw na
nga itong nakasakit sa damdamin ko at pinagluto na nga kita ng pagkain, hindi
ka pa nag-e-effort na pagaanin ang loob ko.”
“Mamaya na lang kapag busog na ako.”
Nakangisi niyang balik dito.
Ang bilis. Sobrang bilis ng closeness
nilang dalawa. Was it because they both know that they needed each other? Iyon
ba talaga ang dahilan kung bakit ganito na lang silang kabilis maging
komportable sa isa’t isa?
“Linagyan ko ng lason iyan.” Ang
pananakot nitong wika sa kanya.
“Ayos lang, at least mamatay akong
busog.” Nakangisi naman niyang tugon rito na tuluyan ng ikinangiti nito.
“Hindi ka talaga patatalo sa kahit na
anong diskusyon.” Ang napapailing na lamang nitong wika at saka sumandok na rin
ng kanin. “Ang lola ko ang nagturo sa aking magluto.”
“Nag-sorry na ako, ikaw lang itong
masyadong pakipot. Ang lola mo? Kaya pala ang galing mo sa kusina.”
“Yep, sa kanya naman kasi ako lumaki,
eh. Kaya nga di ko siya maiwan-iwan.”
“Sabi ni Jonas nasa ibang bansa raw
ang parents mo at doon na nakatira. Kung gano’n bakit kayo naiwan ng lola mo
dito?”
“Dahil ayaw ng lola ko doon.” He
casually answered.
“Hindi mo ba nami-miss ang mga
magulang mo?”
“Syempre nami-miss. Sino ba ang hindi
di ba? Pero hindi ko p’weding iwan ang lola ko rito. Tsaka, marami na namang
paraan ngayon para makita at makausap ko sila kahit nasa ibang lupalup pa sila
ng mundo, eh.”
“Sabagay, may computer at internet na
ngayon.” Ang may bahid ng lungkot niyang pagsang-ayon dito.
“Ikaw, bakit ka napadpad sa dito sa
lugar namin?”
Binigyan niya ito ng isang ngiming
ngiti.
“Mahabang kwento.”
“I have two weeks para pakinggan
iyan.” Ang nakangiti naman nitong tugon.
“Two weeks? Bakit, wala ka bang
trabaho?”
“On leave ako. Napilit ako ng mga
damuho kong kaibigan na mag-unwind muna.” Tugon naman nito. “Siya, huwag mong
ibahin ang usapan. Simulan mo ng magk’wento.”
Tutal, hindi naman niya kailangang
itago pa rito ang kanyang tunay na pagkatao ay ikinuwento na nga niya rito ang
nangyaring pambabaliwala sa kanya ng kanyang mga magulang ng ipagtapat niya sa
mga ito ang kanyang tunay na sekswulidad.
“Iyan din ang ikinakatakot ko noon
kung bakit ayaw kong sabihin ang totoo sa mga magulang ko, eh. But things
change when I met Kenneth. Sabi ko, bahala na kung itakwil ako ng magulang ko
basta’t maiparamdam ko lang sa kanya na seryoso ako sa relasyon namin pero
hindi ko pa man nagagawa iyon, hayon at iniwan niya ako.” Ang may bahid ng
lungkot nitong wika ng matapos siyang magkuwento.
“Emo ka na naman.” Patawang kalbo
niyang wika.
“Hindi ko maiwasan, eh.”
“Normal lang yan. Hindi naman kasi
agad-agad mong makakalimutan ang damdamin mo sa kanya.”
“Sa totoo lang nakakalimutan ko nga,
iyon ay kapag kasama kita.” Nakangiti na naman nitong wika.
“Bumanat ka na naman.” Natatawa niyang
bara dito.
“Di banat ‘yon. Nagsasabi lang ako ng
totoo. So, what made you confess to your parents?”
“Wala, trip ko lang.” Pagsisinungaling
niya. Hindi pa siya handang ikuwento rito ang tungkol sa pinagdaanan niyang
kabiguan noon. Dahil kahit pa man desidido na siya ngayong kalimutan ang lahat,
naroon pa rin ang sakit sa tuwing binabalikan niya ang mga ala-ala noon.
Marami pa silang napag-usapan ni
Nhad. Natapos na lang siyang maglaba ay
naroon pa rin ito at masayang nakikipag-usap sa kanya. Siya man ay sobrang
naaliw sa presensiya nito dahil bukod sa hindi matapos-tapos nilang kuwentuhan
ay muli niyang nakita rito ang taong minsan niya ring hinangaan. Ang Nhad na
makuwela at palangiti.
Bandang alas-singko ng hapon nang
magdesisyon na itong umuwi para naman daw mabigyan siya ng pagkakataong
makapagpahinga. Matapos maihatid ito sa
bukana ng kanyang apartment ay may ngiti niyang tinungo ang kanyang k’warto
para magpahinga. Hindi biro ang dami ng nilabhan niya at ngayong wala na ang
kanyang makulit na bisita ay agad siyang nakaramdam ng pagod at antok. Ngunit
bago pa man niya tuluyang maihiga ang sarili ay siya namang pagtunog ng kanyang
cellphone.
“Sino naman kaya ito?” Pabulong niyang
naitanong saka kinuha ang kanyang telepono na upang sagutin ang kung sino man
ang tumatawag na iyon sa kanya ngunit agad na napakunot ang kanyang noo ng
makita ang pangalan ng kanyang caller sa screen.
“Si Ate? Anong meron?” Ang nagtataka
niyang naisambit.
Itutuloy. . . . . . . . . . . .
zildjianstories.blogspot.com
No comments:
Post a Comment