by: Zildjian
Nasa coffee shop si Niccolo, ang
coffee shop na pinagtulungan nilang maitayo ng isa sa kanyang apat na
pinakamatalik na kaibigan – ang Keros Cafe. Kasalukuyan niyang pinapakain ang
pusang minsang dumayo sa kanilang bahay para mamingwit ng makakain. Lumaki siya
kasama ang alagang aso na si Buffy, ngunit sa ‘di inaasahang pangyayari ay
aksidente itong nasagasaan na ikinamatay nito. Kinahiligan na talaga niya ang
maging mapagmahal sa mga hayop, sa mga ito niya naipapakita ang soft side niya
na ipinagkait niyang ipakita sa mga taong malalapit sa kanya.
He doesn’t want to be noticed. Hindi
rin siya ang tipo ng tao na madaling makapalagayan ng loob. Arogante, walang
pakialam sa mundo iyan ang palaging nagiging komento ng mga kaklase niya simula
elementary pa lang siya. Maliban sa apat na taong nakilala niya no’ng high
school na siyang tanging binigyan niya ng karapatang maging malapit sa kanya.
“Kerochan, kumain ka ng marami para
tumaba ka.”
Ikiniskis ng probreng pusa ang ulo
nito sa kanyang kamay na siyang humihimas sa ulo nito bago linantakan ang
binili niyang isda.
“Naku sir, ang sweet mo talaga diyan
sa alaga mo.” Ani ng isa sa mga tauhan niya sa coffee shop na si Gezell. Hindi
ito gaanong apektado sa kaarogantehan niya.
“You better finish you work rather
than wasting your time watching me feed my cat. Mamaya, may mga tao nang
magsisidatingan.” Kunot-noo niyang baling dito.
“Alam mo sir, kahit suplado ka, crush
pa rin kita.”Pambabaliwala nito sa kanyang sinabi. Bakas ang paghanga sa mga
mata nito.
Ever since, hindi niya nagugustuhan
ang atensyon at papuri na binibigay sa kanya ng mga kalahi ni Eba at ng mga
alanganin. Hindi naman sa girl o gay hater siya o kung anupaman iyon. Ayaw lang
niya na may pumupuri sa angking tikas niya. But the girls and gays can’t help
it. Nicollo has this oozing sex appeal na kahit sino ay hindi maiiwasang
mapansin iyon.
“Go back to your work Gezell.” May
awtoridad niyang sabi.
“Hey, easy. Huwag mong idamay ang mga
empleyado mo sa kabadtripan mo sa buhay. Wala namang masamang ginagawa sa ’yo
ang tao, ah.” Biglang bungad ng isa sa mga kaibigan niya, si Maki.
“Walang masama sa ginagawa ko.
Pinapabalik ko lang siya sa trabaho niya.” Simpleng tugon niya rito. “Anong
masamang hangin ang nasinghot mo at kay aga-aga narito ka? Wala ka bang
trabahong pinagkakaabalahan?”
Sa isang online company ito
nagtatrabaho bilang isang graphics designer. Minsan, kapag tinatamaan ng lintik
ang connection nito sa bahay ay sa coffee shop niya dinadala ang trabaho nito
para doon maki-connect, at nasisiguro niyang iyon ang rason kung bakit naroon
ito ngayon.
“Makiki-connect muna ako, biglang nawala ang
connection ko sa bahay. Kailangan ko pa namang i-submit ngayon ang mga nagawa
kong designs.” Ngingiti-ngiti nitong sabi.
“Coffee shop ito Maki, hindi internet
cafe.” Kapagkuwan ay wika niya at muling binalingan ang kumakain pa ring pusa.
“’Mas gusto ko rito kasi komportable
ako. Siyanga pala, ano na ang nangyari sa inyo ni Lantis? Bakit hindi ka na bumalik
kagabi?”
“Hinding-hindi ako magpapakita sa inyo
hangga’t hindi mo ibinabalik sa akin si Karupin!”
Muli na naman niyang naalala ang
huling sinabi ni Lantis. Sa kanilang magkakaibigan si Lantis ang hindi niya
makasundo. In short, ito ang mortal enemy niya sa barkadahan nila. Uminit na
naman bigla ang ulo niya, alam niya ang likaw ng bituka ng isang iyon at kapag
may sinabi ito, hindi ito mangingiming totohanin iyon.
“That monster.” Kapagkuwan ay wika
niya bakas ang pagkainis at iristasyon sa boses.
“Pustahan nag-away na naman kayo. At
ang pusang iyan na naman ang dahilan.” Napapailing na wika ni Maki. Sanay na
ang mga ito sa walang kamatayang iringan
nila ni Lantis. “Bakit hindi mo na lang kasi syotain ang isang iyon nang hindi
na niya pasakitin ang ulo mo, eh.”
“Nahihibang ka ba o sadyang sabog ka
lang?” May bahid ng iritasyon niyang asik rito. Wala silang lihiman na
magkakaibigan kaya naman alam ng mga ito ang sekswalidad ng bawat isa maliban
sa kanya. Hindi daw kasi matukoy ng mga ito kung ano ba talaga ang gusto niya
sa buhay.
“Bakit, hindi mo ba type si Lantis?
Aba iho, ano ba talaga ang gusto mo? Ayaw mo sa babae, ayaw mo rin sa lalake,
baka iyang pusa ang gusto mo. Sabihin mo lang nang maipakasal namin kayo.”
“Hinaan mo ang boses mo Maki.” May
pagbabanta niyang sabi. Walang alam ang mga empleyado niya patungkol sa kanyang
kasarian dahil maski kasi siya hindi pa matukoy kung ano ba talaga ang gusto
niya. Hindi pa niya nasusubukan ang makipagrelasyon mapa-babae o sa lalaki man,
kaya hanggang ngayon ay ‘di pa niya alam kung ano ang gusto niya talaga.
Itinaas nito ang dalawang kamay tanda
ng pagsuko.
“Easy lang, nagbibiro lang naman ako.”
Ani nito. “Pero hindi na maganda itong nangyayari. Kagabi, sa birthday ni Chelsa, may nangyaring
hindi maganda kay Nhad at Ken tapos heto’t pati kayo ni Lantis ay lalong
lumalala ang iringan. Ano ba itong bagong pauso ni pareng tadhana. Ang hilig
niyang bulabugan ang mundo ng mga tinamaan ni kupido.”
Si Kenneth ay katrabaho ni Jay na isa
ring matalik niyang kaibigan. May ideya na siya kung ano ang posibleng naging
problema nito at ng kasintahan. Nasisiguro niyang may kinalaman ang kababalik
pa lang na bestfriend nito.
“’Wag niyong pakialaman ang relasyon
ni Ken, Maki. Hayaan niyong siya ang lumutas ng problema niya. Nakialam na kayo
noon at heto ang naging resulta. Tungkol naman sa amin ni Lantis, I will try to
talk to that monster. Hindi ko na rin matagalan ang isang iyon. Masyado na
niyang pinapasakit ang ulo ko.” Kahit pa man lagi silang nagkakairingan, hindi
naman niya maatim na dahil lang sa kanya ay lalayo ito sa iba pa nilang
kaibigan.
“Bakit kasi hindi mo na lang aminin na
gusto mo siya.” Hirit ulit ni Maki sa kanya. Masyado na itong nahahawa sa
pagiging makulit ni Jay.
“Hindi ko siya gusto at wala akong
balak magkagusto sa kanya. Problema lang ang magiging dala sa ating lahat kapag
tinalo natin ang isa’t isa.” Ang kanyang wika at tuluyan na itong tinalikuran
para asikasuhin ang mga stocks ng coffee shop niya. Wala siyang balak
makipagtalo rito patungkol sa bagay na gusto nitong ipagpilitan sa kanya dahil
alam niyang sa huli, siya lang ang mapipikon.
Dumaan pa ang ilang araw at nabalitan
niya ang hiwalayan na nangyari kay Kenneth at Nhad. Napailing na lang siya sa
mga nangyari. Naawa siya kay Nhad pero mas naaawa naman siya kay Kenneth. Batid
niyang hindi biro ang pagdaraanan nito.
Ilang araw na rin na hindi nagpapakita
sa kanila si Lantis. Talagang pinanindigan nito ang sinabi na hinding-hindi ito
magpapakita hangga’t hindi niya naibabalik rito ang pusang pareho naman silang
walang karapatang angkinin. Hindi lang niya maintindihan ang sarili kung bakit
hindi siya nagpapatalo kay Lantis. Pride? Iyon siguro ang dahilan at ang
katotohanang kahit papaano ay na-eexcite siya kapag nagkakairingan silang dalawa.
Si Lantis lang kasi ang may lakas ng loob na makipagsagupaan sa kanya at hindi
niya maitatangging nacha-challenge siya.
“Oh, bakit ka narito?” Bati niya sa
kapapasok lang sa k’warto niyang si Maki. Sinadya niya talagang ipagawa ang
k’wartong iyon para mismo sa kanya. Kung baga, iyon ang tanggapan at pribadong
opisina niya sa loob ng coffee shop.
Simpleng k’warto lamang iyon na may
sofa para kung inaabot na siya ng madaling araw sa coffee shop ay doon na
lamang siya natutulog. That way, hands-on siya sa negosyo kahit pa man hindi
kailangan dahil ang kasosyo niyang si Alex ay nagpadala ng tao na hahalili sa
kanya sa pagpapatakbo ng kanilang negosyo para hindi siya gaanong mahirapan.
Ayaw kasing mawalay rito ang partner nitong masyadong obsessed sa kanyang
kaibigan.
“Lantis is leaving. Tinawagan ko siya
kagabi at nasabi nga niya sa akin na aalis siya para puntahan ang Yaya niya sa
probinsiya nito.”
“And so?” Ang walang pakialam niyang
tugon.
“Hindi mo ba napapansin? May iniiwasan
si Lantis bukod sa ‘yo.”
Hindi siya sobrang insensitive para
hindi mapansin iyon. Alam niyang may iniiwasang tao si Lantis. Hindi ito
mangungupahan sa isang apartment kung wala, dahil may sarili naman itong bahay.
In fact magkatapat lang ang mga bahay nila. Ang hindi lang niya masiguro ay
kung siya ba o may iba pang taong iniiwasan ito. Balita pa naman niya, ay
kadarating lang ng papa nito na isang kapitan ng barko.
“At akala ko ba aayusin mo na ang
problema niyo? Ilang araw na ang nagdaan, ah.” Pagpapatuloy nito. “Tapatin mo nga
ako Nicollo, ano ba talaga ang rason at ang init ng dugo niyo sa isa’t sa?”
“Siya ang tanungin mo patungkol sa
bagay na ‘yan.”
“Di ba magkababata naman kayo?
Magkatapat pa ang bahay ninyo. Then why do you hate each other so much? Ano bang problema niyong dalawa?”
“Siya ang may problema hindi ako.” May
bahid ng inis niyang tugon. Dahil maski siya ay hindi niya alam kung bakit
kumukulo na lang lagi ang dugo sa kanya ni Lantis.
He must admit, noon pa mang mga bata
pa lang sila ay hindi na talaga sila magkasundo sa lahat ng bagay pero, kahit
papaano ay nagagawan naman nila ng paraan iyon hanggang sa mag-high school
sila. Nakasanayan na nila ang lahat to the point na nakaya nilang maiwasan ang
mainis sa isa’t isa lalo na no’ng mabuo ang samahan nilang lima. Ang weird nga
kung tutuusin. Nagawa nilang mapanatili sa isang grupo kahit pa man ayaw nilang
pareho sa isa’t isa.
“Hindi mo ba napapansin? Imbes na
mapalapit kayo sa isa’t isa habang tumatagal ang pagkakaibigan natin ay lalo pa
kayong lumalala.”
Tama ito. Nang makapagtapos sila ng
high school ay pansamantala silang naghiwa-hiwalay para mag kolehiyo. Sa iba’t
ibang unibersidad sila napadpad at nang muli silang magkita-kita ay lalong
tumindi ang iringan nila ni Lantis. Lalo na nang dumating sa buhay nila ang
pusa na ngayon ay siyang dahilan ng lalong hindi nila pagkakaunawaan.
“Don’t make it sound as if i was the
one to be blame, Maki. Alam mong ginagawa ko ang lahat maiwasan lang na
magkairingan kami but that monster is really getting into my nerves. Siya
palagi ang sumusugod sa akin para paratangan ako ng kung anu-ano.”
“Na pinapatulan mo naman.” Dagdag pa
nito.
“Dahil napipikon rin ako.” May diin
niyang wika.
“Dahil napipikon ka o sinasadya mo
talagang galitin din siya?” May bahid ng paratang nitong tanong.
Hindi agad siya nakasagot sa tanong
nito. Alam naman kasi niya na minsan ay sinasadya na talaga niya itong asarin
and his reason? Para maturuan ito ng leksyon.
“Ano ba talaga ang gusto mong sabihin,
Maki? Go directly to your point at marami pa akong gagawin.” Nungka siyang
aamin na sinasadya niya ang lahat dahil paniguradong kokonsensiyahin lamang
siya ng mga kaibigan niyang ito.
“Iyan! Diyan ka magaling. Kapag
nahuhuli ka na ay bigla kang magsusuplado at papaandarin ang kaarogantehan mo.”
Pambihira talaga itong kaibigan niya.
Masyado na itong nagiging makulit.
“Again, why are you here? Ano ba
talaga ang gusto mong iparating?” Tila tinatamad na niyang sabi.
“Puntahan mo si Lantis at ayusin mo na
ngayon din mismo ang problema ninyong dalawa.” Diretsahang wika nito. “Hindi na
kayo nakakatuwa at hindi maganda na may isa sa atin ang lalayo dahil lang sa
walang kwentang rason. Sayang ang mga taong pinagsamahan natin Nico.”
“Hindi ko ibibigay sa kanya si
Kerochan.” May diin niyang sabi.
Napapalatak ito.
“Is that cat the reason behind all
these? Pambihira! Bukas na bukas ibibili ko kayo ng tig-isang pusa matigil lang
kayo diyan.”
“Si Kerochan lang ang gusto ko.” May
diin niyang tugon.
“Ipagpapalit mo ba ang pagkakaibigan
niyo ni Lantis dahil lang diyan sa pusang ‘yan?” Nanunubok nitong sabi.
Again, hindi na naman siya
nakapagsalita. Kahit naman sakit ng ulo ang isang iyon sa kanya hindi naman
maikakailang kahit paano ay may magaganda rin naman silang pinagsamahan. Once
in a blue moon nga lang at hindi na tumatagal pa ng ilang minuto.
“Okey, okey.” Ang sumusuko nitong
sabi. “Why don’t you try to negotiate with Lantis. Kung baga, pag-usapan niyo
kung ano ang magandang gawin diyan sa pinag-aagawan ninyong pusa. Try to set an
agreement and amicable arangement.”
“Hindi ako makikipag-negosasyon sa
monster na iyon.” Alma niya. Wala talaga siyang balak na makipag-areglo sa
isang iyon dahil alam niyang lalo lamang nitong pasasakitin ang ulo niya.
“Kung gano’n you’re leaving me with no
choice.” Kapagkuwan ay wika ni Maki at tinungo na nito ang pintuan ng kanyang
opisina. “Kung hindi ka makikipag-areglo kay Lantis, huwag mo na ring asahan
ang tulong ko sa negosyo mo.”
Agad siyang naalarma. Kailangan niya
si Maki para sa pinapagawa niyang site na magpo-promote ng coffee shop niya at
sa resort ng pamilya nila. Nasabihan na niya ang Mommy niya na siya na ang
bahala sa lahat ng iyon paniguradong madi-disappoint ito.
“Ano’ng ibig mong sabihin?
Napag-usapan na natin ito Maki, ah.” Aaminin niya tinablan siya sa pananakot
nito.
“Kaya nga, I’m backing out sa kung
anumang napagkasunduan natin. Matigas rin lang naman ang ulo mo kaya
pasensiyahan na lang tayo.” Walang bakas ng pagbibiro nitong sabi.
He can’t believe it. Babaliwalain nito
lahat ng mga napagkasunduan nila dahil lang sa personal na rason? Hindi niya
maiwasang sobrang magngitngit at wala siyang ibang dapat sisihin kung hindi ang
sumpunging Lantis na iyon.
“Fine!” Wala siyang choice. Hindi niya
p’wedeng i-sacrifice na lang basta ang ikauunlad ng negosyo nila dahil lang sa
Lantis na iyon. “Kakausapin ko siya ngayon din. But don’t expect me to be that
nice to him. You also left me with no choice on this Maki.”
Ngumiti ito. Ngiti ng tagumpay. Hindi
niya tuloy maiwasang pagsisihan ang ginawang pagsang-ayon dito. Kilala niya si
Maki at ang pagiging manipulative nito minsan.
“Good boy. But don’t make it sound so
easy for you, Nico. You know me, I always make sure that everything will go
according to my plan. Sasamahan mo si Lantis sa bakasyon na pupuntahan niya.
Mas mabuti ‘yon, baka sa pamamagitan niyon ay matapos na ang bangayan ninyong
dalawa.”
“Hell No!” Hindi na niya mapigilan ang
mapalakas ang kanyang boses. His friend is going too far. “Nasisiraan ka na ba
ng bait? May mga negosyo ako rito na nangangailangan ng panahon ko at
atensyon.”
“ Alam kong sasabihin mo ‘yan kaya nga
kinausap ko na si Alex, eh. He’ll take your place habang wala pa kayo rito ni
Lantis and don’t worry, wala na akong gagawin for the whole month kaya
matutulungan ko siya rito.”
“You can’t do this to me!” Protesta
niya. Sumobra ‘ata ang pagiging manipulative ng isang ito.
“Yes I can. This will be my last ace
for the two of you at sinang-ayunan naman ako ni Alex. Pasasalamatan mo rin ako
na ginawa ko ang lahat ng ito. Paano, maiwan na kita para makapagsimula ka nang
mag-impake.”
“Paano kung hindi pumayag si Lantis?”
Huling hirit niya.
“Make him. I’m sure kaya mo na iyang
gawin on your own. Later Nico.” At tuluyan na nga itong lumabas ng coffee shop
niya.
Dismayado siyang napasandal sa
kinauupuang swivel chair. Hindi niya mapaniwalaan na kayang gawin sa kanya iyon
ni Maki na siyang tanging kasundo niya sa kanilang barkada. Alam niyang wala
siyang magagawa dahil batid niyang seryoso ito sa ginawang pagbabanta sa kanya
kanina.
Hindi niya p’wedeng hayaang masira ang
plano niyang paunlarin ang negosyong iniwan sa kanya ng mga magulang lalo pa’t
kailangan niyang ma-prove sa mga ito na handa na siyang pamahalaan ang negosyo
nila. Malapit ng matupad ang lahat ng iyon at hindi niya hahayaan na dahil lang
sa masungit at laging aburidong si Lantis ay masisira lahat ng kanyang matagal
nang plano sa buhay.
Hindi maipinta ang mukha ni Nicollo
habang binabaybay niya ang daan patungo sa apartment kung saan ngayon
pansamantalang naninirahan ang isa sa apat niyang kaibigan na sa
kasamaang-palad ay isa rin sa mga rason ng kanyang problema sa araw na iyon.
“Kerochan, kapag nagmatigas ang
monster na ‘yon kalmutin mo siya, ah. Pangako, kapag ginawa mo iyon ibibili kita
ng pinakamalaking isda na nasisiguro kong magugustuhan mo.”
Binalingan niya ito. Nang makitang
komportable itong natutulog sa passenger seat ng kanyang sasakyan ay hindi niya
mapigilang mapapalatak.
“Pambihira!” Hindi niya maiwasang maibulalas at mahigpit
na napahawak sa manibela ng kanyang sasakyan. Sobra talaga ang nararamdaman
niyang pagkairita sa ginawang pananakot sa kanya ni Maki.
Ilang minuto pa ay nasa tapat na siya
ng apartment na tinutuluyan nito. Hindi muna agad siya bumaba ng sasakyan. Ilang
buntong-hininga muna ang pinakawalan niya para ma-relax ang kanyang sarili.
Nasisiguro niya kasing kapag hindi siya nakapagpigil ay tuluyang masisira ang
lahat ng kanyang pangarap.
Nang masiguradong kalmado na ang
sarili ay agad na siyang bumaba ng sasakyan. Sinadya niyang iwan sa loob ng
sasakyan ang natutulog pa ring pusa para hindi na ito maistorbo pa. Isang
malalim na buntong-hininga ang kanyang pinakawalan at tinungo na ang pintuan ng
apartment.
Tatlong sunod-sunod na katok ang kanyang
ginawa subalit wala siyang nakuhang pagtugon mula sa loob. Sinubukan niya ulit,
ngunit tulad ng nauna ay wala pa rin siyang nakuhang pagtugon mula sa loob.
Nakaramdam siya ng pagkainis hindi lang dahil sa init na nagmumula sa may kataasan
ng araw kung hindi ay pakiramdam niya ay sinasadya ng taong nasa loob na hindi
siya pansinin.
Tuluyan nang nasira ang pagtitimpi
niya. Tatlong malalakas na katok ang pinakawalan niya na halos sirain na niya
ang pintuan sa magkahalong iritasyon gawa ng init at ng taong nasa loob na
nasisiguro niyang sinasadya siyang hindi pagbuksan.
“Alam kong nandiyan ka sa loob Lantis.
Buksan mo ang pinto at mag-usap tayo!” Wala na siyang pakialam kung ano ang
p’wedeng sabihin ng mga taong makakarinig sa kanya. Talagang tinamaan na siya
ng sobrang pagkapikon lalo pa’t nagsisimula na siyang pagpawisan.
Hindi naman siya nabigo, ilang sandali
pa ay narinig na niya ang tunog na marahil ay nagmumula sa lock sa loob. Nang
bumukas ang pinto ay iniluwa nito ang taong masasabi niyang tuluyan na talaga
niyang kinamumuhian.
“Ano’ng kailangan mo?”
“Mag-usap tayo.” Direktang tugon niya
rito na magkasalubong ang kilay kahit pa man ang totoong nasa utak niya ay
gusto na niya itong sakalin para tuluyan nang mawala ang problema niya sa
buhay.
“Nakapag-usap na tayo di ba? Umalis ka
na, wala na akong panahong makipag-usap sa mga katulad mong hindi tao.” Ang
walang mababakasang emosyon nitong wika at pabalabag siyang pinagsarhan ng
pinto.
Napamura siya sa sobrang pagkapikon.
Sa buong buhay niya ay hindi pa niya natitikman ang pagsarhan ng pinto ng
gano’n. Harap-harapang pambabastos ang ginawa nito sa kanya.
“What the hell is your problem you
monster!” Halos maputol na ang ugat niya sa leeg sa sobrang lakas ng
pagkakasigaw niyang iyon. “Akala mo ba gusto kong kausapin ka? Mas gugustuhin
ko pang makipag-usap sa mga hayop kesa sayangin ang panahon ko sa ‘yo!”
Muling bumukas ang pinto ngunit hindi
na ang walang emosyong Lantis ang iniluwa niyon, bagkus isang Lantis na bakas
ang galit sa mga mata.
“Did you just call me monster?”
“Bakit, hindi ba?” Tinapatan niya ang
uri ng pagkakatitig nito sa kanya.
“You good for nothing bastard! Inagaw
mo na nga sa akin si Karupin ko tinatawag mo pa ako ng kung anu-ano!”Ang
umuusok ang ilong nitong tugon. This is the very reason why he wanted to avoid
having a conversation with Lantis, because they always end up cursing each
other. But he has to do something, kung hindi ay tuluyang masisira ang mga
plano niya sa negosyo niya.
“Pusa mo? Hindi lang pala masama ang
ugali mo, noh? Mahilig ka pang mang-angkin ng hindi sa ‘yo. Kerochan is my cat,
I was the 1st one who saw him kaya akin siya. But if you’re really that eager to
get him from me handa akong makipag-deal sa ‘yo.”
“Ano kamo? Ako? Makikipag-deal sa ‘yo?
Matapos mo akong tawagin ng kung anu-ano, do you honestly believe na
makikipagkasundo pa ako sa ‘yo? Go to hell Nico, kailangan nila ng mga tulad mo
roon. Sa katunayan matagal ka na nilang hinihintay roon.” Akmang muli siya
nitong pagsasarhan ng pinto nang maagap niya itong mapigilan.
“You want the cat or not?” Pinigilan
niya ang sariling inis. Kailangan niya
muna itong makumbinsing makipagkasundo sa kanya para sa ikabubuti ng kanyang
negosyo. Saka na niya pag-iisipan ang tungkol sa pusa niya. “Handa akong isuko
siya sa ‘yo, pero kailangan ko munang makita kung talagang kaya mo siyang
alagaan nang higit pa sa pag-aalaga ko. Kapag hindi ako naging kumbinsido then
Kerochan will remain with my custody.”
Bigla siyang napakunot-noo nang
ma-realize ang sinabi niya. Para silang mag-asawang naghiwalay at ngayon ay
pinag-aagawan ang karapatan sa kanilang nag-iisang anak.
Masyado lang akong naasar kaya ko
naisip’ yon. Ang kontrang wika niya sa kanyang isipan. Binalingan niya muli ng
pansin ang natahimik ring si Lantis na para bang nauwi rin sa pag-iisip.
Nababatid niyang pinag-iisipan nito ang proposal niya rito. Kilala niya ito at
kung gaano katayog ang pride nito. Hindi siya nito aatrasan.
“Ilang araw?” Kapagkuwan ay wika nito.
Binggo!
“1 month.”
“Deal. Gawin natin ‘yan pagkabalik ko
mula sa pupuntahan ko.”
Nag-panic siya, hindi p’wede ang
gano’n. Ayon kay Maki ay kailangan niyang samahan ito sa pupuntahan nito or
else lahat ng napagkasunduan nila ay mauuwi sa lahat. Akmang tatalikod na ito
nang muli niya itong pigilan ngunit agad din siyang napabitiw rito ng imbes na
sa pintuan dumapo ang kamay niya ay sa braso nito.
“Ah.. Eh.. Ano..”
“What?” Balik na naman sa pagiging
blangko ang mukhang wika ni Lantis.
“Ngayon natin simulan habang hindi pa
ako busy. Sasamahan kita sa kung saan mang lulalop ka pupunta.”
“Hindi ka welcome doon, ayaw nila sa
mga hindi tao.” Wika nito pero hindi siya nagpatinag. Alam niyang kaya niyang
makumbinsi ito.
“Hindi ako welcome doon o natatakot ka
lang na mapaaga ang katotohanang hindi mo kayang pangalagaan si Kerochan ko?’
“Again, his name is Karupin at hindi
ako natatakot na mapatunayan na di hamak
na may mas karapatan ako sa kanya.”
“Kung totoo iyang sinasabi mo, bakit
natatakot kang isama ako?” Sinasadya niyang i-provoke ang pride nito because
he’s well aware na iyon ang susi niya para mapagtagumpayan ito.
“Fine! But let me add one more thing
para mas exciting.” Kapagkuwan ay wika nito. “One month ang usapan natin para
mapatunayan ko ang right ko kay Karupin di ba? Alright payag na akong sumama ka
sa akin pero dadagdagan ko ang rules sa kasunduan natin.”
Nangunot ang noo niya, hindi ‘ata
tamang ito ang makakalamang sa sitwasyon pero wala siyang choice.
“Ano iyon?”
“Kapag hindi mo natagalan ang mag-stay
sa lugar na pupuntahan ko at magdesisyon kang umuwi bago matapos ang
napag-usapan nating isang buwan then awtomatikong sa akin na si Karupin.”
Damn it! Ang piping sambit niya. Alam
niya ang inisip nito at nasisiguro niyang hindi nito gagawing madali ang lahat
sa kanya, subalit wala siyang choice kung hindi niya masasamahan si Lantis
ngayon kailangan na niyang maghanap ng bagong web designer na babayaran niya ng
pagkamahal-mahal.
“Ano?” Untag ni Lantis sa kanya.
“Deal!” Bahala na si batman!
Makakaisip rin ako ng paraan para mautakan itong monster na ‘to!
Itutuloy. . . . . . . . . . .
zildjianstories.blogspot.com
No comments:
Post a Comment