by: Zildjian
Ilang araw na ang lumipas matapos na
makita ni Nhad ang pag-uusap namin ni Martin, at sa bawat araw na iyon ay
sinubukan kong kausapin ito, subalit hindi niya ako binibigyan ng pagkakataon.
Tuluyan na itong nilamon ng galit niya sa akin. Hindi ko naman siya masisisi,
kasalanan ko naman talaga ang lahat. Kung hindi sana ako naging mahina, hindi
kami aabot sa gano’ng punto.
Sa mga nagdaang araw, walang araw na
hindi ko sinisisi ang sarili ko sa mga nangyari. Sa tuwing makikita ko ang
galit at pighati sa mga mata ni Nhad ay hindi ko maiwasang hindi ma-guilty.
Papaano ko nagawang saktan ang isang taong ang tanging ginawa lamang ay mahalin
ako ng totoo. Sa tuwing bumabalik sa akin ang mga paratang ni Nhad, lalo lamang
tumitindi ang nararamdaman kong guilt dahil alam ko na sa kabila ng masasakit
at maaanghang nitong panunumbat ay nakapaloob ang di matatawarang katotohanan
sa bawat salitang binibitawan nito.
Sinubukan ko lahat ng paraan para
lamang pakinggan ako nito, pero sa tuwing haharapin niya ako at sinusumbatan sa
mga pagkakamali ko, unti-unting nawawala ang tapang kong magpaliwanag. Pilit
kong iwinawaksi ang katotohanang ginamit ko lang si Nhad pero habang dumadaan
ang mga araw at sa tuwing bumabalik sa akin ang mga panunumbat niya, tuluyan
kong napagtanto na tama nga ito sa mga tinuran nya , ginamit ko lang siya at
dahil doon natakot na akong lumapit pa sa kanya.
Oo, natakot ako. Natakot ako sa
katotohanang naging manggagamit ako. Lalo tuloy akong kinakain ng konsensiya
ko. Naduwag na akong harapin siya, dahil sa tuwing makikita ko ang sakit sa mga
mata niya, lalong nadaragdagan ang bigat at paninisi ko sa sarili ko.
Sa mga nagdaang araw hindi nawala sa
tabi ko si Martin kahit pa man lagi ko siyang itinataboy. Alam kong gusto
lamang ako nitong damayan pero hindi ko magawang tanggapin ito dahil isa siya
sa mga rason kung bakit tuluyang nagulo ang lahat.
Alam kong hindi nakatakas sa mga
kaibigan ko ang malaking pagbabago na nangyari sa akin lalo na kay Lantis na
kasama kong nangungupahan sa apartment. Pansin ko ang pag-aalala sa akin ng mga
ito subalit, wala sa kanila ang nagtanong sa kung anumang problema ang dinadala
ko. Kahit ang pinakamadaldal na si Chelsa at Rachalet ay piniling manahimik.
Kahit papaano ay ipinagpasalamat ko ang pananahimik ng mga ito sapagkat
nabigyan ako ng pagkakataong makapag-isa at makapag-isip.
Dumaan pa ang mga araw, napag-alaman
ko mula kay Lantis ang ginagawang pagwawala ni Nhad. Palagi raw itong laman ng
mga bars at kung sinu-sino raw ang kasama nito. Hindi ko alam kung papaano nito
nalaman ang lahat ng impormasyon na iyon, subalit wala na akong lakas na
magtanong sapagkat lalo lamang akong nalulugmok sa mga nalalalaman kong
nangyayari sa kanya. Hindi ko magawang magalit sa mga pinaggagawa ni Nhad, kasi
alam ko namang ako ang nagtulak sa kanyang gawin ang mga iyon.
Sinubukan akong kumbinsihin ni Lantis
na kausapin si Nhad para siguro maitama ko ang lahat pero naduduwag ako,
natatakot, hindi ko kayang makitang sinisira ni Nhad ang sarili niya dahil sa
akin at lalong higit, hindi ko na kayang marinig pa ang bawat panunumbat nito.
Inisip ko noon na hayaan na lang ang lahat pero hindi tumigil si Lantis, pilit
nitong ipinaintindi sa akin na dapat hindi ko takasan ang responsibilidad ko
kay Nhad.
“Ken, nakikinig ka ba?” Untag sa akin
ni Jay.
“Hah? Ah… Pasensiya na medyo inaantok
lang siguro ako.”
“Natutulog ka pa ba Kenneth?” Ani
naman ni Rachalet. “You look dead… more like walking dead. Ang itim-itim at
laki-laki na kaya ng eyebags mo, para kang emo na hindi ko maintindihan.”
“O-Oo naman.” Depensa ko agad sa
sarili ko. “Ano nga ulit ang pinag-uusapan niyo?” Biglang pagbabalik ko ng
kanilang atensyon sa aming paksa para makaiwas sa kanilang mga pang-uusisa.
“You’re terrible.” Napapailing na wika
ni Rachalet.
“Sweety.” Ang may himig ng pagsaway na
wika ni Rex.
“No, sobra na ito. Hindi ko na kayang
ipagwalang-bahala na lang ang lahat. Look at him, ni hindi na nga ‘ata
natutulog ang taong iyan. Laging wala sa sarili at worse, muntik nang matanggal
sa trabaho. How am I supposed to ignore all of these?” Baling nito sa kanyang
fiancé.
Bumaling sa akin si Rex. Ito ang
pinakamatagal na sa kompanyang pinagtatrabahuan namin at balita ko ay malapit
na itong ma-promote.
“Since na alam ni TL na isa ako sa
malalapit mong kaibigan ay kinausap niya ako kanina para tanungin kung ano ang
dahilan ng pag-deteriorate ng performance mo sa floor. Ayaw ko sanang
manghimasok Ken, dahil ayaw kong pangunahan ka pero, tatanggalin ka nila kung
hindi ko sila mabigyan ng tamang dahilan.”
“Mabuti na lang at naintindihan ni TL
ang pinagdadaanan mo ngayon.” Sabat ni Chelsa. “Imbes na ipatanggal ka,
napagdesisyanan na lang nilang papagpahingahin ka muna for one week. Natakot
siguro sila, `di hamak naman kasi na isa ka sa magagaling na agents sa account
na hinahawakan natin.”
“Ah gano’n ba?” Ang walang gana kong
tugon sa kanila.
Kita kong halos mapasabunot si
Rachalet sa sobrang pangungunsumisyon. Tanggap ko naman na malaking epekto sa
trabaho ko ang mga problemang dumating sa akin nitong mga nagdaang araw. Kahit
na tanggalin nila ako ay hindi ako tututol.
“What’s wrong with you Ken, hanggang
kailan mo ba balak sisisihin ang sarili mo sa mga nangyari?”
“Hindi ko alam.”
“Ken, it was not your fault na hindi
mo nagawang mahalin si Nhad ng totoo. Hindi lang naman ikaw sa mundong ito ang
nakakagawa ng gano’ng pagkakamali. Inakala mong mahal mo si Nhad because he was
always there when you were suffering. Pero hindi mo naman sinasadyang saktan siya,
patawarin mo na ang sarili mo.”
Alam na rin ng mga ito ang ginawang
pakikipaghiwalay ko kay Nhad. Sa kanila ako tumakbo matapos kong hiwalayan at
saktan ang nag-iisang taong nagmahal at nagpahalaga sa akin. Hanggang ngayon
pilit pa ring nagsusumiksik sa aking isipan ang mga salitang binitiwan ni Nhad
bago ko siya iwan sa paborito naming restaurant.
“I-I can undo things for us Ken.
Aayusin ko ang relasyon natin dahil mahal na mahal kita. Just give me another
chance.”
Lalong nanikip ang puso ko. Para akong
sinasakal sa tuwing maaalala ko ang mga salitang iyon lalo na ang mukha nitong
punong-puno ng sakit at pagmamakaawa. Hindi ko alam kung papaano ko nagawang
saktan siya ng gano’n.
“Hindi gano’n kadaling kalimutan ang
naging kasalanan ko sa kanya.” Wala sa sarili kong tinuran.
“Alam namin.” Sabat ni Jay. “Hindi nga
madaling gawin iyon lalo na kung ikaw mismo hindi mo magawang tanggapin sa
sarili mo na hindi mo kasalanan ang mga nangyari, na tulad ni Nhad biktima ka
rin ng sitwasyon.”
“Nasaktan ko siya ng husto. Kung sana…
kung sana nakita niyo ang sakit sa mga mata niya, maiintindihan ninyo ako
ngayon. Alam ko ang pakiramdam ng nasasaktan, alam ko ang pakiramdam na hindi
ka minahal ng taong mahal mo dahil … dahil lahat ng iyon ay naranasan ko na.”
Sa puntong iyon ay hindi ko na nagawa pang pigilan ang pag-apaw ng emosyon na
ilang araw ko ring pilit na itago.
“Ken…” Bakas ang pag-aalala sa boses
ni Rachalet.
“Naging mahina ako, kung sana
kinalimutan ko na lang ang damdamin ko para kay Martin, hindi ko sana
masasaktan si Nhad at masaya sana kami ngayon.”
“Hindi mo kayang turuan ang puso mo sa
kung kanino ito titibok Ken.” Usal ni Rex.
Pinili ko na lang manahimik, alam ko
naman kasing tama si Rex. Masyado ko nang sinanay ang puso ko na si Martin
lamang ang mamahalin nito dahilan para hindi ko na magawang magmahal pa ng iba.
Oo, tama sila, inakala kong pagmamahal ang naramdaman ko kay Nhad noon. Dahil
ito lamang ang tanging taong umagapay at nakapagpangiti sa akin sa kabila ng
mga dinadala kong problema noon pero mali pala ako. Pagmamahal nga iyon ngunit
hindi iyon ang klase ng pagmamahal na inakala ko.
“Hayaan na lang muna natin si
Kenneth.” Kapagkuwan ay wika ni Chelsa. Ito ang kauna-unahang pagkakataon na
sineryoso nito ang kahit na anumang usapan. “Ang konsensiya ni Ken ang kalaban
niya ngayon, at wala tayong magagawa roon. All we can do is to support him and
to make sure na hindi niya pababayaan ang sarili niya.”
“I will agree with Chelsa.” Wika naman
ni Maki na kanina pa tahimik lang na nakikinig. “Ang problema ngayon ni Ken ay
ang klase ng problema na tanging siya lamang ang makakaayos. Mahirap man, pero
magtiwala tayong malalampasan niya ang lahat ng ito.”
Malaking pasasalamat ko na may mga
kaibigan akong tulad nila na handa akong intindihin sa mga ganitong pagkakataon
ng buhay ko.
“Siyanga pala, asan sina Nico at
Lantis?” Pag-iiba ng usapan ni Rex.
“Nagtanan. Hayaan niyo na lang din
muna ang dalawang iyon, kayo rin ang mahihirapan kung pilit niyo silang
iintindihin.” Kaswal na sagot ni Maki.
“Nagtanan?” Si Jay na halatang walang
alam sa whereabouts ng dalawang kaibigan. Kahapon pa umalis si Lantis patungong
probinsiya ng yaya nito para dalawin. Hindi ko alam na kasama pala nito si
Nicollo.
“Nagtanan.” Ulit ni Maki sa sinabi nito.
“Astig!” Ang tila excited namang wika
ni Jay.
Katatapos lang ng shift ko sa araw na
iyon at naghahanda na akong umuwi dahil kailangan ko pang mag-impake. Effective
na ngayong araw ang isang lingong pahinga na ibinigay sa akin ng kumpanya namin
at napagdesisyunan kong gamitin iyon para dalawin sina mama at ang kapatid ko.
“Ready ka na ba para sa one week leave
mo?” Bungad sa akin ni Rachalet habang nasa locker ako.
“Forced leave.” Pagtatama ko sa sinabi
nito.
“Mas mabuti na iyon kesa naman
matanggal ka sa trabaho.”
Kibit-balikat na lamang ang naging
sagot ko sa kanya dahil ang totoo, tuluyan na akong nawalan ng gana sa lahat
maski sa trabaho ko.
“Ken?”
Dahil sa pagtawag nito sa akin ay
napalingon ako sa kanya. Ibang Rachalet ang nalingunan ko, wala na ang
masayahing aura nito at napalitan ng pag-aalala at pagmamalasakit.
“Sana pagbalik mo ay maging okey na
ang lahat. Because honestly, I don’t want to see you suffer this much. You’re a
good person Ken, and a good friend kaya siguro..” Tila nag-alinlangan pa ito
kung ipagpapatuloy niya ang kanyang sasabihin o hindi but in the end she opted
to continue. “Kaya siguro minahal ka rin ni Matt.”
Hindi ko inaasahang manggagaling ang
mga salitang iyon kay Rachalet. Alam kong lahat sila ay botong-boto kay Nhad.
“Pare-pareho lang kayong biktima ng
nakaraan mo Ken.”
“Ayaw ko siyang pag-usapan Rachalet.”
Ang may diin kong sabi.
Galit ako kay Matt, dahil kung hindi
na sana ito nagbalik pa, hindi sana magiging ganito ka kumplikado ang buhay ko.
Hindi ko tuloy maiwasang isipin kung totoo bang lahat ang mga sinabi nito o
kung isa na naman iyong pagkukunwari. Dahil kung totoong mahal niya ako, hindi
niya ako hahayaang mahirapan ng ganito.
“Ken ––”
“Magkita na lang tayo pagkatapos ng
isang lingo. Salamat sa concern Rachalet.” Pagputol ko sa iba pa nitong balak
sabihin at mabilisan na akong umalis sa lugar na iyon.
Dumating ako sa apartment. Agad akong
nag-impake para mahabol ko ang bus na paalis sa oras na iyon. Kahapon pa ako
nakapagpaalam sa may-ari ng apartment na isang lingo akong mawawala para
bisitahin ang mama ko.
Paalis na lang ako nang biglang
dumating ang taong pilit kong iniiwasan na makaharap sa mga nagdaang araw. Bakas
sa mukha ni Martin ang pagkalito nang marahil ay makita nito ang dala kong bag.
“Saan ka pupunta?”
Imbes na sagutin ito ay diretso kong
binagtas ang daan papunta sa sakayan ng jeep. Masyadong malalim ang galit ko sa
kanya. Oo, isa siya sa mga sinisisi ko kung bakit nakasakit ako ng tao.
Maagap nitong nahawakan ang aking mga
kamay.
“Saan ka pupunta?” Muling tanong nito.
“Wala kang pakialam.” May diin kung
wika rito.
“Pag-usapan naman natin to Ken.”
“Wala na tayong dapat pag-usapan pa
Matt. Nagkaliwanagan na tayo no’ng gabing sinira mo ang lahat sa buhay ko. I
hate you Matt, I hate you for ruining my life up until now and I hate you for
allowing myself to be deceived by you, again and again.”
“Ken.” Bakas ang pagkabigla nito sa
mga narinig niya.
“Pinagsisisihan ko na minahal kita
Matt, dahil sa pagmamahal ko sa ‘yo hinayaan kitang sirain ang lahat sa akin
kasama na roon ang mga plano ko sa buhay. Alam mong hindi ko ginusto ang lahat
ng ito, alam mong hindi ito ang buhay na gusto ko pero dahil kailangan mo ako,
kailangan mo ang bestfriend mo inisang-tabi ko ang mga pangarap ko para
alalayan ka’t suportahan. Akala ko’y sasaya ako kapag natugunan mo ang
nararamdaman ko para sa ‘yo pero, mali pala ako sapagkat gulo ang idinulot sa
akin ng sinasabi mong pagmamahal mo.”
Hindi ko alam kung dala lang ba ng
sobrang galit ko sa kanya ang nag-udyok sa akin para sabihin ang lahat ng iyon.
Alam kong nasaktan ito, sa mga narinig niya dahil bakas iyon sa mukha nito pero
imbes na bawiin ko ang mga sinabi ko ay tuluyan ko na siyang tinalikuran.
Dumating ako sa lugar kung saan ako
lumaki pasado alas-4 na ng hapon. Hindi ko naabutan ang bus na sasakyan ko sana
kanina kaya kinailangan ko pang maghintay sa terminal ng dalawang oras para sa
susunod na alis ng bus.
Walang nagbago sa lugar namin. Tulad
noon, tahimik pa rin ito kahit na paunti-unti na ring dumarami ang mga sasakyan
at kabahayan doon. Dumaan ang sinasakyan kong jeep sa tapat ng eskwelahan kung
saan kami sabay na nagtapos ni Martin. Hindi ko maiwasang hindi maalala ang
naging tagpo namin kanina. Alam kong nasaktan ko ito at alam ko rin na may
kabigatan ang mga salitang binitiwan ko kanina sa kanya pero siguro mas mabuti
na rin iyon, para tuluyan na talaga itong lumayo sa akin.
Nang sa wakas ay marating ko ang bahay
naming, medyo nakaramdam ako ng kapanatagan sa aking puso. Siguro, dahil alam
kong sa wakas pakiramdam ko’y secured na ulit ako. Binayaran ko ang tricycle at
pansamantalang pinagmasdan ang kabuuan ng lugar. Napakatahimik, taliwas sa
syudad na pinanggalingan ko. Mukhang tama nga ang naging desisyon ko, na dito ko igugol ang
isang lingong bakasyon na ibinigay sa akin.
“Kenneth?” Ang halos hindi
makapaniwalang pagtawag sa akin ni mama nang makita ako nito. “Anak, ikaw ba
talaga yan?”
“Ako nga po Ma.”
“Anong ginagawa mo rito anak? Di ba
may trabaho ka?”
“Pakiramdam ko ayaw mong narito ako.”
May bahid ng pagtatampo kong wika.
“Ikaw nga ‘yan anak.” Ang wika nito na
parang doon lang napagtanto na ako talaga ang nakikita niya.
“Oh, bakit parang hindi ka
makapaniwala na umuwi ako? Hindi na ba ako welcome rito?” Biro ko sa kanya.
“Nabigla lang talaga ako. Tara sa loob
anak nang makapagmeryenda ka.”
Tinungo nga namin ang loob ng bahay.
Wala ring nagbago roon bukod sa mga bagong appliances.
“Mukhang ang dami na nating gamit Ma,
ah.”
“Iyan ang mga bunga ng mga paghihirap
mo.” Nakangiti nitong sabi. “Ibinili ko ng mga bagong gamit ang sobrang perang
ipinapadala mo sa amin para kako pagbalik mo makikita mo ang pinaghirapan mo.”
True enough dahil nang malaman kong
ang perang pinaghirapan ko pala ang ginamit ni mama para ipambili sa mga bagong
appliances namin ay nakaramdam ako ng pagkaproud sa sarili ko. Pakiramdam ko ay
nagkaroon ako ng silbi sa mama ko.
Habang ipinaghahanda ako nito ng
meryenda ay panay ang pangungumusta nito sa akin at kay Nhad pero inilihim ko
ang totoo sa kanya. Ayaw kong masyado itong mag-alala sa akin. Masyado nang
maraming alalahanin si mama para dumagdag pa ako.
“Kenneth, may problema ba?” Biglang
tanong nito sa akin sa kasagsagan ng pagkukwento ko tungkol sa trabaho ko.
“Problema? Wala naman Ma bakit?” Ayaw
ko mang magsinungaling sa kanya ay kinailangan kong gawin.
“Kanina ka pa nagkukwento sa akin pero
may isang bagay kang hindi binabanggit.” Kapagkuwan ay wika nito.
“Ha?” Maang-mangan kong wika.
“Anak, kilala kita alam kong may
dahilan kung bakit ka biglaang umuwi rito.”
“Wala Ma, na-miss ko lang talaga kayo
ni bunso.”
“Ken ––”
“Kuya!” Ang biglaang pagsulpot ni
Chester. Kadarating lang nito mula sa eskwelahang pinapasukan niya.
“Aba, ayaw mo talagang nababanggit ka
noh? Kamusta na bunso?”
“ Heto, sa awa ng Diyos kuya gwapo pa
rin.” Nakangisi nitong tugon.
“Aba’t hindi lang pala ang tangkad mo
ang nagbago sayo, lalo ka rin palang yumabang.”
Habang nagbibiruan kami ng kapatid ko
ay mataman lang na nakamasid si mama sa akin. Malakas nga siguro ang pakiramdam
ng isang ina at nakaya nitong mahulaan ang tunay na saloobin ko. Mabuti na lang
at makulit ang kapatid ko kaya nakaiwas ako sa pang-uusisa nito pansamantala.
Katatapos lang ng bonding naming
magkapatid. Inabot na kami ng alas-diyes ng gabi sa sobrang dami ng naikwento
nito sa akin. Tulad ng inaasahan ko, ganap na ngang nagbibinata ang kapatid ko.
Naik’wento nito sa akin ang tungkol sa girlfriend niya na halos isang taon daw
niyang niligawan.
“Mukhang nag-enjoy kayong
magk’wentuhang magkapatid ah.” Bungad sa akin ni mama nang makalabas ako sa
k’warto ni Chester.
“Ibinida niya kasi sa akin ang
girlfriend niya.” Nakangiti kong wika.
“Ikaw, kelan mo naman ibibida sa akin
ang tungkol sa tunay na nangyari sa’yo Kenneth?” May paghamon nitong sabi.
“Si Mama talaga, makulit ka pa rin
hanggang ngayon.”
“Hindi kita pipilitin Kenneth kung
hindi ka pa handang magk’wento sa akin pero anak, sana bago ka umalis, magawa
mong sabihin iyon sa akin.”
“Matutulog na ako Ma, ikaw din
magpahinga ka na, alam kong pagod po kayo sa buong maghapon.” Pasimpleng
pag-iwas ko sa kanya.
“Kenneth, anak.” Muling pagtawag nito
sa akin bago ako tuluyang makapasok sa k’warto ko. “Hindi masamang aminin sa
sarili natin na may mga bagay tayong hindi kayang gawing mag-isa. Kung anuman
ang problema mo anak, tandaan mong narito lang ako para tulungan ka.”
“Salamat Ma.”
“Binigay ko naman ang lahat di ba?
Minahal naman kita di ba? Isn’t it enough para mahalin mo rin ako? Ano ba ang
meron kay Martin na wala sa akin? Ano ba ang kaya niyang ibigay na di ko kayang
ibigay sayo?”
Napabalikwas ako ng gising habang basa
ng luha ang aking magkabilang pisngi. Muli na namang bumalik ang eksena kung
saan huli kaming nag-usap ni Nhad at iyon ay no’ng pinili kong makipaghiwalay
sa kanya. Sariwa pa rin sa aking alaala ang pait at sakit sa mga mata nito at
hanggang ngayon hindi ko pa rin maiwasang hindi paulit-ulit na marinig ang
pagtawag nito sa aking pangalan habang palabas ako ng naturang restaurant na
iyon.
“Sorry Nhad.” Ang mahina kong sambit,
kasabay ng pagpatak ng mga luha ko. Hanggang sa panaginip ay inuusig pa rin ako
ng konsensiya ko sa pasakit na ginawa ko sa kanya. Simula ng gabing
makipaghiwalay ako sa kanya ay laging laman na ng panaginip ko ang eksenang
iyon dahilan para hindi ako makatulog ng mahimbing.
Agad akong lumabas ng k’warto at
dali-daling tinungo ang lababo para makapaghilamos.
Hanggang kailan ko dadalhin ito? Ang
di ko maiwasang maitanong sa aking isipan. Ito ba ang kabayaran ko sa mga
ginawa ko sa ‘yo Nhad?
“Kenneth?” Kasabay ng pagtawag na iyon
sa akin ni mama ay ang pagbukas ng ilaw sa kusina. “Anak, masyado ka naman
‘atang maagang nagising? Hindi ba’t kaya ka narito para magpahinga?”
“N-Naninibago lang siguro ako Ma.” Ang
agad kong pagdadahilan dito. “Mas maganda nga po ito Ma, para matulungan ko
kayong maglinis ng buong bahay.”
“Hindi, ako na ang maglilinis,
magpapahinga ka Kenneth, napapansin kong nangangayayat kana.”
“Tutulong ako Ma, ‘wag kayong
masyadong mag-alala sa akin.”
Mataman ako nitong tinitigan hanggang
sa mapatango na lang ito.
Matapos makapag-almusal ay sinimulan
ko nang magbunot sa buong bahay. Gusto kong tuluyang pagurin ang sarili ko,
nagbabakasakaling makakatulong ang kapaguran ko para makatulog ng mahimbig sa
gabi. Lahat ng gawaing bahay ay ipinilit kong ako ang gumawa maliban sa
paglalaba na nakagawian na ni mama na araw-araw gawin.
Bandang hapon matapos makapagpahinga
ng konti, ay naisipan kong bumaba mula sa aking k’warto. Hindi ko inaasahan ang
taong mabubungaran na masinsinang nakikipag-usap kay mama.
“Anong ginagawa mo rito?” Ang agad
kong sabi para kunin ang atensyon nito.
“Ken ––”
“Hanggang dito ba naman Martin
guguluhin mo ang pananahimik ko? Wala ka na ba talagang ibang magawa sa buhay
mo?” Pagputol ko sa kanyang sasabihin.
“Kenneth, hindi iyan ang tamang
pagtrato sa bisita mo at sa matalik mo pang kaibigan.”
“Hindi ko siya itinuturing na bisita.
Paalisin niyo na siya.” Pagkasabi noon ay agad akong pumanhik paakyat sa
k’warto ko. Narinig ko pa ang pagtawag sa akin ni mama pero hindi ko na sila
muli pang nilingon hanggang sa biglaan na lang akong nahilo at nawalan ng lakas ang mga paa ko kasabay noon
ang pagbaksak ko sa malamig na sahig.
“Kenneth!”
Itutuloy. . . . . . . . .
zildjianstories.blogspot.com
No comments:
Post a Comment