by: Zildjian
“Himala, hindi ata gumana ang
katakawan mo ngayon.” Ang tukoy sa akin ni mama habang nasa hapagkainan kami.
“Ano ba ang balak niyo ni Martin ngayong tapos na kayo?”
Bigla akong napayuko sa tanong na iyon
ni mama. Hindi ko magawang salubungin ng tingin ito dahil sa mga gumugulo sa
isip ko. Hindi ko nga alam kung magugustohan nito ang pinaplano ko ngayon o
ikakagalit ba nito.
Sadyang kay hirap magdesisyon lalo na
kung may isang tao kang masasaktan. Hindi mo malaman kung sino ba ang uunahin
mo, ang pamilya mo na nariyan palagi para sayo o ang gusto mo, na siyang
magpapaligaya sayo.
“Ken?” Tawag nito sa akin ng hindi ako
sumagot sa kanya. Wala akong nagawa kung hindi ang i-angat ang ulo ko at
salubungin ang mga tingin niya. “May problema ka ba anak? Ilang araw kanang
tahimik ah. May bumabagabag ba sayo?” Ang may bahid nitong pag-aalalang sabi.
Lalo naman akong na guilty sa mama ko,
hindi ko alam kung dapat ko na bang sabihin sa kanya ang lahat. Natatakot ako,
oo, dahil baka sa oras na sabihin ko sa kanya ang mga bagay na gumugulo sa akin
ngayon ay lalo ko lang mapapalala ang sitwasyon.
“Medyo masakit lang po ang ulo ko ma.”
Ang pagsisinungaling ko na lamang sa kanya. Batid kong hindi magandang ideya
ang sabihin sa kanya ang kung anu mang dinadala meron ako ngayon.
Binigyan ako nito nang isang
mapanuring tingin na para bang kinikilatis nito kung nagsasabi ba ako nang
totoo o hindi. Sa ginawa niya ay muli akong napayuko, takot na baka may kung
anong makuhang impormasyon ito sa aking mga mata. Sadyang ganito talaga ata ang
mga taong nagsisinungaling.
“Uminum ka nang gamot para mawala
yan.” Kapag kuan ay wika nito. “Ako nalang muna ang maghuhugas ngayon para
makapagpahinga ka.”
Wala na akong nagawa kung hindi ang
sumunod sa kanya. Agad akong tumayo at umakyat sa aking kwarto dinig ko pang
may sinabi pa ito sa bunsong kapatid ko.
Ang bigat sa pakiramdam na hindi mo
nailalabas ang tunay mong saloobin. Batid ko yon dahil iyon ang nararamdaman ko
ngayon.
Pagkapasok ko sa kwarto ko ay agad na
nakuha nang atensyon ko ang kalendaryo na nakasabit malapit sa cabinet ko.
Isang malalim na buntong hininga ang aking pinakawalan.
“Ilang araw nalang pala.” Ang naiwika
ko sa aking sarili.
Tatlong mahihinang katok ang sunod
kong narinig mula sa aking pinto at ang sumunod nun ay boses ni mama na
tinatawag ang pangalan ko. May pagtataka ko itong pinagbuksan.
Isang nag-aalalang ina ang bumungad sa
akin sa likod ng pintuan ng kwarto ko. Kita ko sa mga mata nito ang pag-aalala
at isa lang ang ibig sabihin nun– hindi ito naniwala sa alibi ko kanina na
masakit ang ulo ko. Alam kong sensitive si mama pagdating sa mga anak niya.
“Si Chester na ang pinaghugas ko nang
mga pinggan.” Wika nito sa akin. “May gusto ka bang sabihin sa akin Kenneth?”
Sa mga oras na iyon ay hindi ko na
nagawa pang magsinungaling napayuko nalang ako na animoy guilty na bata na
nahuli sa kanyang mumunting sekreto.
Inalalayan ako nito papunta sa kama ko
at doon magkatabi kaming naupo. Hindi ko pa rin magawang maitaas ang tingin ko
dahil sa sobrang kaba at takot.
“Ma?” Ang pagsisimula ko sa usapan.
Hindi ako nito sinagot malamang ay
hinihintay na nito ang susunod kong sasabihin.
Ilang taon ko ring itinago kay mama
ang tunay kong kasarian ang tunay na ako, at ngayon dahil sa isang sitwasyon na
hindi ko na pweding matakasan ay kailangan ko nang ipagtapat sa kanya ang
pinakatatago kong pagkatao –ang isang uri nang pagkatao na hindi tanggap ng
karamihan.
“P-Paano kung hindi pala ako ang sa
tingin niyo ay ako?”
“Anong ibig mong sabihin?” Malumanay
nitong sabi.
Dahil siguro sa sobrang kaba at takot
ay nagsimula na akong maiyak. Ganito pala kahirap umamin. Siguro dahil hindi mo
alam kung ano ang pweding maging reaksyon ng taong pagtatapatan mo.
Nakakatakot, nakakapraning at higit sa lahat nakakapanghina; mga naghahalong
emosyon ngayon sa akin.
“P-Paano kung iba pala sa n-nakagawin
natin ang klase nang taong….m-mamahalin ko?” Kahit anong gustong kong
deretsahin siya ay hindi ko magawa. Hanggang mga pasaring lang ang kaya kong
gawin sa sobrang takot.
Katahimikhan. Nakakabinging
katahimikan ang sunod na namayani. Hindi ko alam kung ano ang tumatakbo ngayon
sa isip ni mama, pero sigurado akong may ideya na ito.
Ang sumunod na nangyari ay naramdaman
ko ang mabining paghagud ng kamay nito sa aking likod. May pagtataka akong
napatingin sa kanya, at nakita ko ang aking ina na nakangiti sa akin na lalong
ikinagulo nang isip ko.
“Kay tagal kong hinintay na magka-anak
kami nang papa mo. Sampong taon na kaming kasal noon pero hindi kami agad
binigyan ng anak. Ang buong akala nga namin ay hindi na kami bibigyan ng
panginoon. Araw-araw kong ipinagdarasal na sana biyayaan niya kami, at nangako
ako na kahit ano ang ibigay niya ay tatanggapin ko at mamahalin ko.” Mahaba
nitong sabi.
“Hindi naman importante kung tama sa
paningin ng lahat ang taong mamahalin mo. Ang importante ay masaya ka sa piling
niya.” Dagdag pa nitong sabi.
Ang saya ko, sobra, dahil sa alam ko
nang wala na akong dapat ipag-alala kay mama pagdating sa kasarian ko, pero ang
sayang iyon ay biglang nawala nang maalala ko na may isa pa pala akong
problema.
“Kung hindi mo pa kayang magdesisyon
ngayon okey lang. Hindi mo kailangang madaliin ang sarili mo pag-isipan mong
mabuti Martin.” Ang wika ni Mitch sa kanya.
Bakas sa mukha ni Martin ang sobrang
pag-aalangan at naiintindihan ko naman ito. Hindi biro ang itakwil ka nang
pamilya mo, lalo na ngayon na hindi pa niya kayang tumayo sa sarili niyang mga
paa.
Makalipas ang ilang minutong
pananahimik ni Martin ay nagsalita ito.
“Nagsumikap akong makatapos dahil
gusto ko nang makawala sa parents ko. Ayaw ko nang maging sunod sunuran sa
gusto nila.” Bakas sa mukha nito ang determinasyon na ikinabilib ko.
“So?” Wika ni Beth. “Hindi mo sinagot
ang tanong. Willing ka bang gawin lahat kahit na itakwil ka nila?”
Masasabi kong may pagka-brutal talaga
itong si Beth. Gusto ko sanang kausapin muna si Martin bago siya magdesisyon
pero mukhang hindi na kailangan.
“Yes.” Tugon ni Martin dito. “Now
Mitch, what do you have in mind?”
Ewan ko kung bakit, pero ako ang
kinakabahan sa mga mangyayari. Galit si Martin sa mga magulang niya dahil sa
lagi nitong pangengealam sa buhay niya, pero sapat na ba iyon para suwayin niya
ang mga ito? Hindi ko tuloy maiwasang tanungin ang sarili ko kung tama ba itong
ginagawa naming pagkonsente kay Martin.
“Be a gay.” Walang ka abug-abog na
wika ni Mitch.
Hindi namin alam kung matatawa ba kami
o maaasar sa sinabing iyon ni Mitch. Leteral na napanganga sina Kim at Renjie
habang ang madaldal at masungit na sina Leslie at Beth ay bakas ang pagkagulat.
“Was that a joke girl? Dapat na ba
kaming tumawa?” Basag ni Beth ng makabawi ito sa pagkabigla.
“Seryoso ako. Make your parents
believe that you’re gay. That way hindi ka nila mapipilit na mapakasal sa
babaeng ipinagkasundo nila sayo.”
Kung hindi lang siguro kasalanan
upakan ang isang babae ay inupakan ko na si Mitch. Ito na ata ang pinaka stupid
na ideya na naisip niya.
“May butas ang ideya mong yan Mitch.”
Wika ni Renjie. “Kung ako kasi ang magulang ni Martin lalo ko siyang ipapakasal
kung ganun nga siya.”
“Tama si Renjie. Mas lalong mabibigyan
ng rason ang parents ni Martin na ipakasal siya sa ideya mong yan.” Pagsangayon
naman ni Kim.
Pinili kong huwag magkomento at
makisali sa usapan dahil sa apektado ako sa ideya ni Mitch. Si Martin naman ay
nakatulala lang kay Mitch na para bang hindi ito makapaniwala sa ideya nang
kaibigan namin.
“Alam ko at nagawan ko na nang paraan
ang bagay na yan.” Wika ni Mitch sa mga ito na sinabayan pa nito nang
nakakagagong ngiti. “Martin, kelan pag-uusapan ng pamilya mo at pamilya nang
unwanted fiancé mo ang kasal niyo?”
Napunta kay Martin ang tingin namin
pero halatang masyado itong nabigla sa ideyang iyon ni Mitch dahil hindi ito
nakasagot. Tulala lamang itong nakatingin sa kawalan.
“Earth calling Martin!” Malokong wika
ni Mitch para makuha ang pansin nito.
“H-Huh?” Tugon nito nang sa wakas ay
makabawi na sa pagkabigla. Sino ba naman kasi ang hindi mabibigla sa ideyang iyon
ni Mitch. Kilalang babaero si Martin at ngayon para matakasan nito ang makasal
sa babaeng pinili nang mga magulang nito ay kailangan niyang magpanggap na
bakla.
“Anong huh? Kelan pag-uusapan ng mga
parents mo at parents’ ng fiancé mo ang kasal niyo?”
“Mitch easy lang.” Saway ni Renjie
dito. “Natural lang na mabigla si Martin sa plano mo. Hindi biro ang bagay na
yan.”
“Alam ko yan Renj. Kaya nga tinanong
ko muna siya kung willing ba talaga siyang gawin lahat.” Tugon naman ni Mitch
dito.
“Next week. Next week na pag-uusapan
ang kasal namin.” Wika ni Martin kahit pa man bakas pa rin sa mukha nito ang
pagka-digusto sa ideya. Mukhang desedido na talaga itong makawala sa kanyang
mga magulang.
“Teka girl, hindi na ako makasunod eh.
Ang gugulo kasi nang mga ulupong na to.” Tukoy nito kay Kim at Renjie na kanina
pa laging kumukontra kay Mitch. “Klaruhin ko lang ha. Ang plano mo ay
magpanggap na bakla si Martin para hindi matuloy ang kasal di ba? So ano ang
konek nang isa pang participant na sinabi mo kanina?”
“Patapusin kaya natin muna si Mitch sa
buong plano bago kayo magreact para naman magkaintindihan tayong lahat.” Ani
naman ni Beth na sinang-ayunan naming lahat.
“Magpapanggap na bakla si Martin at
aamin siya sa mismong araw na pag-uusapan ng mga parents nila ng unwanted
fiancé niya ang kasal nila. Yan ang magiging pasabog sa araw na iyon, at
syempre walang magulang ang gustong makasal ang anak nila sa isang bakla, kaya
uurong ang pamilya nang babae. Para lalong maniwala ang mga ito ay kailangang
may kasama si Martin na magpapanggap na boyfriend niya.” Pagsasalaysay nito sa
buong plano niya.
Masasabi kong basta talaga kagagahan
ay magaling si Mitch. Hindi ko sukat akalain na makakaisip siya nang ganoong
klaseng plano.
“Iyan ba ang ibig sabihin mo na kailangan
ng isang participant sa plano mo?” Tanong ni Leslie dito na sinagot naman ni
Mitch ng ngising nakakaloko nito at pagtango.
“At sino naman sa tingin mo ang sira
ulong lalaki ang papatol sa ideya mong iyan?” Wika ni Beth.
Napatingin sa akin si Mitch na hindi
inaalis ang ngiting aso nito sa kanyang mukha. Ang nangyari tuloy ay napatingin
rin sa akin ang iba pa naming kaibigan pati si Martin.
“Walang iba kung hindi ang partners in
crime and at the same time best friend ni Martin na si Kenneth.” Sabay taas
baba nito nang kanyang dalawang kilay.
Hindi ako makapaniwala na kasama ako
sa plano ni Mitch at higit sa lahat hindi ako makapaniwalang ako ang magiging
boyfriend “kuno” ng best friend ko na lihim kong iniibig matagal na panahon na.
“Ma, may isa pa sana akong gustong
sabihin sa inyo.” Ang wika ko kay mama nang maalala ang plano na setup ng mga
kaibigan namin para matakasan ni Martin ang problema nito.
Dahil sa gusto ko ring matulungan ang
best friend ko ay pumayag ako sa plano. Isama mo pang nakita ko sa mukha ni
Martin sa gabing iyon ang kapanatagan na ako ang magpapanggap na boyfriend
niya.
“Si Martin ba?” Nabigla ako sa tanong
na iyon ni mama sa akin. “Wala akong tutol sa kung anu man ang mga balak mo sa
buhay Ken. Bilang ina mo ang tanging magagawa ko lang ay protektahan ka sa
kahit na anong pasakit na pweding ibato nang mundo sayo, lalo pa’t iba ang
pinili mong daan na tahakin.”
Ang sarap sa pakiramdam na marinig ang
mga salitang iyon sa mismong bibig ng ina mo. Ramdam ko ang pagmamahal nito sa
akin at ang swerte ko na siya ang naging ina ko.
“Ito lang ang pakatatandaan mo Ken.
Hindi masama ang magmahal ng isang kaibigan pero, hindi lahat ng nagmamahal ay
natutugunan. Huwag mo sanang hayaang sirain ng nararamdaman mo para kay Martin
ang pagkakaibigan niyo.” Makahulugan nitong sabi.
Tango na lang ang naibigay kong
pagtugon kay mama. Hindi ko pa magawang intindihin ang mga sinabi nito sa akin
sa mga oras na iyon dahil sa sobrang emosyon na nararamdaman ko.
Ngayon, masasabi kong hindi man ako
maswerte sa pag-ibig ko, ay swerte naman ako sa mama ko. Kahit hindi buo ang
pamilya ko, siya ang nagpupuno nang lahat para sa amin ng kapatid ko. Tanggap
ko na rin sa sarili ko na hindi ako magagawang mahalin ni Martin pero bilang
kaibigan niya ay tutulungan ko siya dahil iyon ang sa tingin ko ay dapat kung
gawin para sa best friend ko, at salamat sa kanya dahil kung hindi sa sitwasyon
niya ay hindi ako magkakalakas ng loob na sabihin kay mama ang tunay kong
pagkatao.
_______________
Dumating ang araw na kailangan na
naming isakatuparan ang planong naisip ni Mitch. Umaga pa lang ay sobrang
kabado na ako sa maaring kalabasan ng gagawin naming pagpapanggap ni Martin.
Halata sa mga kilos ko na hindi ako mapakali.
Ang usapan ay susunduin ako ni Martin
sa bahay bandang ala-syete nang gabi. Pero alas sais palang nang umaga ay
parang ma-iihi na ako na ewan sa sobrang kaba ko.
“Kuya okey ka lang?” Pagpansin sa akin
ni Chester habang paroo’t parito ako sa aming sala.
“Wag mo nalang akong intindihin manuod
ka na lang diyan.”
Ni minsan ay hindi ko pa nagawang
makausap ang parents ng best friend ko, tapos ngayon ay bubulagain namin ang
mga ito sa isang kasinungalingan para lamang matulungan ko ang kaibigan ko.
Simula't sapul alam kong hindi maganda
ang gagawin namin mamaya, pero hindi na ako pweding umatras gagawin ko ito para
kay Martin.
Kaya ko to. Ang pangungumbinsi ko sa
aking sarili kahit pa man nanginginig na ang tuhod ko sa sobrang kaba. Inisip
ko na lang na para kay Martin ang gagawin kong ito.
______________
Natapos ang buong araw na napakabilis.
Dumating si Martin sakto sa sinabi nitong oras, pareho kaming walang imik sa
loob ng sasakyan marahil ay kinakabahan din ito sa kung anu man ang pweding
mangyari mamaya.
“Kenotz?” Tawag nito sa aking pansin
dahilan para mapatingin ako sa kanya. “Salamat sa pagtulong mo sa akin ha. Alam
kong hindi rin madali para sayo itong gagawin natin.”
Hindi na ako nagtataka kung bakit
handa akong gawin ang lahat para sa best friend ko at kung bakit ko siya
minahal sa loob ng apat na taon. Ang natural na pagiging maalalahanin nito ang
siyang rason kung bakit ko siya nagustuhan bilang kaibigan, at kung bakit siya
ang pinili nang puso kong mahalin.
“Ikaw ba? Handa ka na ba sa pweding
mangyari pagkatapos nitong gagawin natin? Kaya mo ba ang buhay na walang
suporta galing sa mga magulang mo?” Balik tanong ko sa kanya.
“Siguro. Alam kong pwedi nila akong
itakwil sa gagawin nating ito, pero andiyan ka naman di ba? Hindi mo naman ako
iiwan?”
Isang matamis na ngiti ang ibinigay
kong sagot sa mga tanong niya, at sapat na iyon para malaman niya na kahit ano
pa man ang mangyari ay hinding hindi ko siya iiwan sa ere.
Ilang minuto pa ang nakalipas ng
ihinto nito ang kanyang sasakyan sa isang two storey na bahay. Sa labas palang
ng bahay na iyon ay masasabi mo nang may kaya ang pamilyang nakatira doon.
Malawak ang garden ng bahay na iyon at halatang alagang alaga ang iba't ibang
klase nang halaman doon.
“Ito na ba ang bahay niyo?” Ang
naitanong ko nalang sa sobrang pagkamangha.
“Iyang magandang bahay na yan ang
kulungan ko.” May bahid ng pait na tugon nito sa akin. “Tara na sa loob, naroon
na silang lahat.” Dagdag pa nitong sabi at nagpatiuna nang bumaba nang
sasakyan.
Pinagbuksan kami nang isang babaeng
naka-uniporme na sa tingin ko ay isa sa mga katulong nila. Agad akong niyaya ni
Martin sa dining area nila kung saan naroon na daw ang parents niya kasama ang
fiancé niya at ang parents nito.
Panandalin kong nailibot ang mga mata
ko sa loob ng bahay na iyon at masasabi kong lahat ng gamit na nasa loob ay
mamahalin.
Kaya ba talagang talikuran ni Martin
ang lahat ng ito para lang sa kalayaan na gusto niya? Ang hindi ko mapigilang
maitanong sa sarili ko.
“Iho! Mabuti naman at nakabalik kana.”
Ang bungad ng lalake sa amin nang marating namin ang dining area nila.
“Good evening everyone.” Bati naman ni
Martin sa mga ito.
“And you are?”
“This is Kenneth pa. He will be
joining us tonight.” Tugon nito sa lalaki na kanya pa lang ama.
Binigyan ako nang mapanuring tingin ng
mga ito dahilan para mapayuko ako sa sobrang hiya. Nagsimula na namang bumilis
ang tibok nang aking puso at pamumuo nang pawis sa aking noo dahil sa sobrang
kaba.
Naramdaman ko na lang ang paglapat ng
mga kamay namin ni Martin at nang tumingin ako sa kanya ay binigyan ako nito
nang ngiting nagsasabing magiging okey ang lahat. Hindi ko alam kung totoo iyon
o iyon na ang simula nang aming pagpapanggap.
Itutuloy. . . . . . . . . . .
zildjianstories.blogspot.com
No comments:
Post a Comment